Add parallel Print Page Options

Pumunta si Jonas sa Nineve

Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.

Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”

Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[a] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”

10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.

Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon

Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”

Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.

Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[b] at marami ring mga hayop?”

Footnotes

  1. 3:5 damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit. Ganito rin sa talatang 6 at 8.
  2. 4:11 na walang alam … mga kautusan: sa literal, na hindi alam kung alin ang kanilang kanan o kaliwang kamay.