Add parallel Print Page Options

23 At nangyari pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon;

Na tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang mga matanda, at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom at ang kanilang mga pinuno, at sinabi sa kanila, Ako'y matanda na at puspos ng mga taon:

At inyong nakita ang lahat na ginawa ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo; sapagka't ipinakipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios.

Narito, aking binahagi sa inyo ang mga bansang ito na nangalabi, upang maging mana sa inyong mga lipi, mula sa Jordan pati ng lahat na bansa na aking inihiwalay, hanggang sa malaking dagat na dakong nilulubugan ng araw.

At itataboy sila ng Panginoon ninyong Dios mula sa harap ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aariin ang kanilang lupain na gaya ng sinalita ng Panginoon ninyong Dios sa inyo.

Kaya't kayo'y magpakatapang na mabuti na ingatan at gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises na huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;

Na huwag kayong pumasok sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang pangalan ng kanilang mga dios, ni magpasumpa sa pangalan ng mga yaon, ni maglingkod sa mga yaon, ni yumukod sa mga yaon:

Kundi lumakip kayo sa Panginoon ninyong Dios, na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.

Sapagka't pinalayas ng Panginoon sa harap ninyo ang mga malaking bansa at malakas: nguni't tungkol sa inyo, ay walang tao na tumayo sa harap ninyo hanggang sa araw na ito.

10 Isang lalake sa inyo ay hahabol sa isang libo: sapagka't ipinakikipaglaban kayo ng Panginoon ninyong Dios, gaya ng sinalita niya sa inyo.

11 Magpakaingat nga kayong mabuti sa inyong sarili, na inyong ibigin ang Panginoon ninyong Dios.

12 Kung inyo ngang tatalikuran sa anomang paraan at lalakip sa nangalabi sa mga bansang ito, sa mga ito na nangalabi sa gitna ninyo, at kayo'y magaasawa sa kanila, at kayo'y lalakip sa kanila, at sila sa inyo:

13 Ay tatalastasin ninyong lubos na hindi pa palalayasin ng Panginoon ninyong Dios ang mga bansang ito sa inyong paningin: kundi sila'y magiging silo at lalang sa inyo, at panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y malipol dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

14 At, narito, sa araw na ito ay yumayaon ako sa lakad ng buong lupa: at inyong talastas sa inyong buong puso at sa inyong buong kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na sinalita ng Panginoon ninyong Dios tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.

15 At mangyayari, na kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay ay nangyari sa inyo na sinalita sa inyo ng Panginoon ninyong Dios, ay gayon dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng mga masamang bagay, hanggang sa kayo'y malipol niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Dios.

16 Pagka inyong sinalangsang ang tipan ng Panginoon ninyong Dios, na kaniyang iniutos sa inyo, at yumaon at naglingkod sa ibang mga dios at yumukod sa mga yaon; ang galit nga ng Panginoon ay magaalab laban sa inyo, at kayo'y malilipol na madali sa mabuting lupain na kaniyang ibinigay sa inyo.

24 At pinisan ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Sichem, at tinawag ang mga matanda ng Israel at ang kanilang mga pangulo, at ang kanilang mga hukom, at ang kanilang mga pinuno; at sila'y nagsiharap sa Dios.

At sinabi ni Josue sa buong bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang inyong mga magulang ay tumahan nang unang panahon sa dako roon ng Ilog, na dili iba't si Thare, na ama ni Abraham at ama ni Nachor: at sila'y naglingkod sa ibang mga dios.

At kinuha ko ang inyong amang si Abraham mula sa dako roon ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kaniyang binhi at ibinigay ko sa kaniya si Isaac.

At ibinigay ko kay Isaac si Jacob at si Esau: at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang ariin; at si Jacob at ang kaniyang mga anak ay bumabang pumasok sa Egipto.

At aking sinugo si Moises at si Aaron, at sinalot ko ang Egipto, ayon sa aking ginawa sa gitna niyaon: at pagkatapos ay inilabas ko kayo.

At inilabas ko ang inyong mga magulang sa Egipto: at kayo'y naparoon sa dagat; at hinabol ng mga taga Egipto ang inyong mga magulang, ng mga karo at ng mga nangangabayo hanggang sa Dagat na Mapula.

At nang sila'y dumaing sa Panginoon ay nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga taga Egipto, at itinabon ang dagat sa kanila, at tinakpan sila; at nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Egipto at kayo'y tumahan sa ilang na malaon.

At ipinasok ko kayo sa lupain ng mga Amorrheo, na tumatahan sa dako roon ng Jordan, at sila'y nakipagbaka sa inyo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inari ang kanilang lupain: at nilipol ko sila sa harap ninyo.

Nang magkagayo'y tumindig si Balac na anak ni Zippor, na hari sa Moab, at dumigma laban sa Israel; at siya'y nagsugo at tinawag si Balaam na anak ni Beor, upang sumpain kayo:

10 Nguni't hindi ko dininig si Balaam; kaya't binasbasan nga niya kayo: gayon iniligtas ko kayo sa kaniyang kamay.

11 At kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico: at ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, ang Amorrheo, at ang Pherezeo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Gergeseo, ang Heveo, at ang Jebuseo, at ibinigay ko sila sa inyong kamay.

12 At sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo, na siyang nagtaboy sa kanila sa harap ninyo, sa makatuwid baga'y sa dalawang hari ng mga Amorrheo: hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong busog.

13 At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo binukid, at ng mga bayang hindi ninyo itinayo, at inyong tinatahanan; at mga ubasan at mga olibohan na hindi ninyo itinanim ay inyong kinakain.

14 Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15 At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.

16 At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:

17 Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:

18 At itinaboy ng Panginoon sa harap natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amorrheo na tumahan sa lupain: kaya't kami ay maglilingkod din sa Panginoon; sapagka't siya'y ating Dios.

19 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y hindi makapaglilingkod sa Panginoon; sapagka't siya'y isang banal na Dios; siya'y mapanibughuing Dios; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsalangsang ni ang inyong mga kasalanan.

20 Kung inyong pabayaan ang Panginoon, at maglingkod sa ibang mga dios: ay hihiwalay nga siya at gagawan kayo ng kasamaan at lilipulin kayo pagkatapos na kaniyang nagawan kayo ng mabuti.

21 At sinabi ng bayan kay Josue, Hindi: kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.

22 At sinabi ni Josue sa bayan, Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili sa inyo ang Panginoon, upang paglingkuran siya. At sinabi nila, Kami ay mga saksi.

23 Ngayon nga'y alisin ninyo, sabi niya, ang ibang mga dios na nasa gitna ninyo at ikiling ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Dios ng Israel.

24 At sinabi ng bayan kay Josue, Ang Panginoon nating Dios ay aming paglilingkuran, at ang kaniyang tinig ay aming didinggin.

25 Sa gayo'y nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na yaon, at nilagdaan niya sila ng palatuntunan at ng ayos sa Sichem.

26 At sinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Dios; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng encina na nasa tabi ng santuario ng Panginoon.

27 At sinabi ni Josue sa buong bayan, Narito, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagka't narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa atin: ito nga'y magiging saksi laban sa inyo, baka ninyo itakuwil ang inyong Dios.

28 Sa gayo'y pinapagpaalam ni Josue ang bayan, bawa't isa sa kaniyang mana.

29 At nangyari, pagkatapos ng mga bagay na ito, na si Josue, na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon, ay namatay na may isang daan at sangpung taon ang gulang.

30 At inilibing nila siya sa hangganan ng kaniyang mana sa Timnath-sera, na nasa lupaing maburol ng Ephraim sa hilagaan ng bundok ng Gaas.

31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng mga matandang natirang nabuhay kay Josue at nakilala ang lahat na gawa ng Panginoon, na kaniyang ginawa sa Israel.

32 At ang mga buto ni Jose, na isinampa ng mga anak ni Israel mula sa Egipto ay inilibing nila sa Sichem, sa putol ng lupa na binili ni Jacob sa mga anak ni Hemor na ama ni Sichem ng isang daang putol na salapi: at mga naging mana ng mga anak ni Jose.

33 At namatay si Eleazar na anak ni Aaron; at inilibing nila siya sa burol ni Phinees na kaniyang anak na nabigay sa kaniya sa lupaing maburol ng Ephraim.