Mga Hukom 1:1-19
Magandang Balita Biblia
Nabihag ng Lipi nina Juda at Simeon ang Hari ng Bezek
1 Pagkamatay ni Josue, nagtanong kay Yahweh ang mga Israelita, “Sino sa amin ang unang sasalakay sa mga Cananeo?”
2 “Ang lipi ni Juda ang mauuna. Ipapasakop ko sa kanila ang lupain,” sagot ni Yahweh.
3 Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, “Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na nakalaan para sa amin, at pagkatapos ay tutulungan naman namin kayo sa pagsakop sa lupaing para sa inyo.” Tumulong nga ang lipi ni Simeon. 4 Tinulungan sila ni Yahweh na matalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. 5 Doon nila nilabanan ang hari ng Bezek, mga Cananeo at mga Perezeo. 6 Tumakas ang hari ng Bezek ngunit hinabol nila ito, at nang mahuli ay pinutulan ng hinlalaki sa paa't kamay. 7 Sinabi ng hari ng Bezek, “Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.” Dinala ito sa Jerusalem at doon namatay.
Nasakop ng Lipi ni Juda ang Jerusalem at Hebron
8 Ang Jerusalem ay sinalakay at nasakop ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang mga nakatira roon at sinunog ang lunsod. 9 Pagkatapos, nilabanan naman nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa kapatagan at sa disyerto sa katimugan. 10 Sinalakay ng lipi ng Juda ang mga Cananeong nasa Hebron, dating Lunsod ng Arba, at natalo nila sina Sesai, Ahiman at Talmai.
Nasakop ni Otniel ang Debir(A)
11 Mula sa Hebron, sinalakay naman nila ang Debir, ang dating Lunsod ng Sefer. 12 Sinabi ni Caleb, “Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makakasakop sa Lunsod ng Sefer.” 13 Si Otniel na anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb ang nakasakop sa lunsod, kaya siya ang napangasawa ni Acsa. 14 Nang sila'y ikasal na, inutusan ni Otniel si Acsa[a] na humingi ng bukirin sa kanyang amang si Caleb. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad nito kung ano ang kailangan niya. 15 “Bigyan mo po sana ako ng lugar na may tubig. Ang lupang ibinigay mo sa akin ay walang mapagkukunan ng tubig,” sabi ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing itaas at ibaba.
Ang mga Tagumpay ng Lipi nina Juda at Benjamin
16 Ang angkan ni Hobab na isang Cineo, na kamag-anak ng biyenan ni Moises, ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Jerico, ang Lunsod ng mga Palma, hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad. Nanirahan silang kasama ng mga Amalekita.[b] 17 Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma.[c] 18 Nasakop din nila ang buong Gaza, Ashkelon at Ekron. 19 Tinulungan ni Yahweh ang Juda, kaya't nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nasakop ang mga nasa kapatagan sapagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal.
Read full chapterFootnotes
- Mga Hukom 1:14 inutusan ni Otniel si Acsa: Sa ibang manuskrito'y inutusan ni Acsa si Otniel .
- Mga Hukom 1:16 Amalekita: Sa ibang manuskrito'y tao .
- Mga Hukom 1:17 HORMA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “pagkawasak”.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.