Add parallel Print Page Options

Si Micas at ang Angkan ni Dan

18 Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?”

“May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya.

Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.”

Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.”

Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. 10 Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.”

11 Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. 12 Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. 13 Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas.

14 Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” 15 Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon. 16 Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal, 17 ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal.

18 Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?”

19 Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?” 20 Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila.

21 At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan. 22 Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo, 23 na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?”

24 Sumagot si Micas, “Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking pari at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyosan! Wala na kayong itinira sa akin.”

25 Sinabi nila, “Mabuti pa'y manahimik ka na lang! Baka marinig ka ng mga kasama namin, magalit sila at patayin ka pati ang iyong pamilya.” 26 At nagpatuloy ang lipi ni Dan sa paglakad. Nakita ni Micas na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya umuwi na lamang siya.

27 Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang diyus-diyosan ni Micas pati ang pari. Sinalakay nila ang Lais, isang bayang tahimik at payapa. Pinatay nila ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod. 28 Walang nagtanggol sa mga tagaroon sapagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Beth-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan. 29 Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob. 30 Ipinagtayo nila ng altar ang diyus-diyosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom, apo ni Moises,[a] ang ginawa nilang pari. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing pari nila hanggang sa sila'y dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway. 31 Ang diyus-diyosan naman ni Micas ay nanatili roon habang nasa Shilo pa ang tabernakulo ng Diyos.

Ang Levita at ang Kanyang Asawang-lingkod

19 Nang panahong wala pang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong bulubundukin ng Efraim. Kumuha siya ng isang babaing taga-Bethlehem, Juda at ginawa niyang asawang-lingkod. Subalit nagalit sa kanya ang babae at[b] umuwi sa mga magulang nito sa Bethlehem. Nanatili ito roon nang apat na buwan. Naisipan naman ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisamang muli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki. Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya nanatili siya roon nang tatlong araw. Nang ikaapat na araw, maaga silang gumising at naghanda sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, “Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.”

Nagpapigil naman sila at magkakasalo pang kumain. Pagkatapos, sinabi ng ama, “Magpabukas na kayo at lubus-lubusin na natin ang pagsasayang ito.”

Ayaw sana niyang papigil ngunit mapilit ang pakiusap ng biyenan kaya pumayag na rin siya. Kinaumagahan, muli silang naghanda sa pag-uwi ngunit sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamaya na lumakad.” Kaya't nagsalo muli sila sa pagkain.

Nang sila'y lalakad na, sinabi ng ama, “Lulubog na ang araw at maya-maya lang ay madilim na. Mabuti pa'y dito na muli kayo matulog at bukas na ng umagang-umaga kayo umuwi.”

10-11 Ngunit hindi na pumayag ang Levita. Sa halip, tumuloy na sila. Dumidilim na nang sila'y dumating sa tapat ng Jebus, na ngayo'y Jerusalem, kaya't sinabi ng alipin, “Mabuti pa po'y tumuloy na tayo ng lunsod at doon na tayo magpalipas ng gabi.”

12 Sinabi ng Levita, “Hindi tayo maaaring tumuloy sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo ng Gibea. 13 Halikayo at sa Gibea o sa Rama na tayo magpalipas ng gabi.” 14 Kaya lumampas sila ng Jebus at nagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Lumulubog na ang araw nang sila'y makarating sa Gibea, isang bayang sakop ng lipi ni Benjamin. 15 Pumasok sila at umupo sa liwasang-bayan upang doon magpalipas ng gabi sapagkat walang nag-alok sa kanila ng matutuluyan.

16 Samantalang nakaupo sila roon, may nagdaang isang matandang lalaki galing sa pagtatrabaho sa bukid. Ang matandang ito'y dating taga kaburulan ng Efraim ngunit sa Gibea na nakatira. Karamihan ng nakatira doo'y mula sa lipi ng Benjamin. 17 Napansin ng matanda ang Levita sa liwasang-bayan. Nilapitan niya ito at tinanong, “Tagasaan kayo at saan kayo pupunta?”

18 Sumagot ang Levita, “Galing po kami sa Bethlehem, Juda at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po namang nag-aalok sa amin ng matutuluyan. 19 Mayroon po kaming pagkain, pati ang aming mga asno. Sapat po ang dala namin para sa aking sarili, sa aking asawang-lingkod at aking alipin.”

20 Sinabi ng matandang lalaki, “Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa liwasang-bayan.” 21 Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain.

22 Nang(A) sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig sa kalaswaan at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking panauhin mo't makikipagtalik kami sa kanya.”

23 Sumagot ang matanda, “Huwag, mga kaibigan! Napakasama ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang naman ninyo ang taong ito sapagkat siya'y aking panauhin. 24 Kung gusto ninyo, ang anak kong birhen pa o ang kanyang asawa na lang ang hilingin ninyo. Ibibigay ko sila sa inyo at gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.” 25 Ayaw makinig ng mga tao, kaya inilabas sa kanila ng Levita ang asawa nito, at ito'y magdamag na hinalay ng mga lalaki.

26 Nang mag-uumaga na, ang babae'y nahandusay na lamang sa pintuan ng bahay ng matanda at doon na sinikatan ng araw. 27 Nang buksan ng Levita ang pinto upang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, nakita niya roon ang kanyang asawang nakadapa at ang mga kamay ay nakahawak pa sa pintuan. 28 Sinabi niya, “Bangon na at uuwi na tayo.” Ngunit hindi sumasagot ang babae, kaya isinakay niya ito sa kanyang asno at nagpatuloy ng paglalakbay. 29 Pagdating(B) sa kanyang bahay, kumuha siya ng kutsilyo at pinagputul-putol niya sa labindalawang piraso ang bangkay ng asawa at ipinadala sa buong Israel. 30 Lahat ng makakita rito'y nagsabi, “Wala pang nangyaring ganito buhat nang umalis sa Egipto ang mga Israelita. Ano ang dapat nating gawin?”

Naghanda ang Israel Upang Digmain ang Benjamin

20 Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beer-seba sa timog, at mula sa Gilead sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh, kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng apatnaraang libong kawal. Ang pangyayaring ito'y nakarating sa kaalaman ng mga Benjaminita.

Ang tanong ng mga Israelita, “Paano ba naganap ang kasamaang ito?” Ang pangyayari ay isinalaysay ng Levita na asawa ng babaing pinaslang, “Kami ng aking asawang-lingkod ay nagdaan sa Gibea na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi. Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay. Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin. Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?”

Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda. Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea. 10 Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.” 11 Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea.

12 Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin. 13 Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita. 14 Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel. 15 Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea. 16 Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok. 17 Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan.

Ang Digmaan ng mga Israelita at mga Benjaminita

18 Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?”

Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.”

19 Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea. 20 Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin. 21 Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal. 22 Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar. 23 Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?”

“Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh.

24 Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita. 25 Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000. 26 Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan. 27 Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel 28 sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?”

Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.”

29 Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea. 30 Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita. 31 At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu. 32 Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod.

33 Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea 34 ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol. 35 Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita. 36 Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita.

Ang Pagtatagumpay ng mga Israelita

Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea. 37 Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon. 38 May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea, 39 haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita. 40 At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea. 41 Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita 42 at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita, 43 at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea. 44 Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000. 45 Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000. 46 Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita nang araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma.

47 Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan. 48 Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin.

Ikinuha ng mga Asawa ang mga Benjaminita

21 Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, “Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.”

Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Bethel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nakaupo roon, at buong kapaitang nanangis. Sinabi nila, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa mga lipi ng Israel?”

Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog. Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, sapagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh. Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, “Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi. Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita sapagkat tayo'y sumumpang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?”

Sinabi nila, “Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.” Nalaman nilang hindi pumunta roon ang mga taga-Jabes-gilead sapagkat isa mang taga-Jabes-gilead ay walang sumagot nang isa-isang tawagin ang mga tao. 10 Kaya ang kapulungang iyon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes-gilead, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon, 11 bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga. 12 Nakakita sila ng apatnaraang dalagang hindi pa nasisipingan at ang mga ito'y iniuwi nila sa Shilo, sakop ng Canaan.

13 Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpadala ng sugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, “Maaari na kayong umuwi sapagkat tapos na ang ating digmaan.” 14 Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes-gilead, ngunit ang mga ito'y kulang sa kanila.

15 Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita sapagkat nagkalamat ang pagkakaisa ng mga lipi ng Israel. 16 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng kapulungan. Ang sabi nila, “Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa ang wala pang asawa? 17 Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin. 18 Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak sapagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.” 19 Noon nila naalalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Shilo, sa hilaga ng Bethel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Bethel at Shekem.

20 Sinabi nila sa mga Benjaminita, “Magtago kayo sa ubasan 21 at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Shilo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo. 22 Kapag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo sapagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako sapagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.” 23 Ganoon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon. 24 Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na sa kanya-kanyang lipi, pamilya at ari-arian.

25 Nang(C) panahong iyon ay wala pang hari sa Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan.

Si Elimelec at ang Kanyang Sambahayan sa Moab

Nang ang Israel ay pinamumunuan pa ng mga hukom, nagkaroon ng taggutom sa buong bayan. Kaya't ang mag-asawang Elimelec at Naomi na mga taga-Bethlehem, Juda ay pansamantala munang nanirahan sa Moab kasama ang kanilang mga anak na sina Mahlon at Quelion. Ang pamilyang ito ay mula sa angkan ng Efrata. Namatay sa Moab si Elimelec at naiwang biyuda si Naomi. Ang dalawa nilang anak ay nakapag-asawa naman ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Ngunit pagkalipas ng mga sampung taon, namatay rin sina Mahlon at Quelion, kaya't si Naomi ay naulila sa asawa't mga anak.

Bumalik sa Bethlehem si Naomi Kasama si Ruth

Nabalitaan ni Naomi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng masaganang ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab. Naglakbay nga silang pabalik sa Juda. Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. 9-10 Itulot nawa ni Yahweh na kayo'y makapag-asawang muli at magkaroon ng panibagong pamilya.” At sila'y hinagkan ni Naomi bilang pamamaalam.

Ngunit napaiyak ang mga manugang at sinabi sa kanya, “Hindi namin kayo iiwan. Sasama kami sa inyong bayan.”

11 Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. 12 Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, 13 mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” 14 Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na.[c] Ngunit nagpaiwan si Ruth.

15 Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” 16 Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. 17 Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” 18 Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol.

19 Kaya't nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Bethlehem, nagulat ang lahat. “Hindi ba't si Naomi ito?” tanong ng kababaihan.

20 Sumagot naman si Naomi, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi.[d] Tawagin ninyo akong Mara,[e] sapagkat ako'y pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos. 21 Masagana ang buhay namin ni Elimelec nang umalis dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang anumang dala. Huwag na ninyo akong tawaging Naomi sapagkat ako'y binigyan ng Makapangyarihang Diyos ng matinding kasawian sa buhay!”

22 Iyan ang nangyari kaya't mula sa Moab ay nagbalik si Naomi kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Bethlehem ay simula na ng anihan ng sebada.

Si Ruth sa Bukid ni Boaz

Isang(D) araw, sinabi ni Ruth kay Naomi, “Pupunta po ako sa bukid at mamumulot ng mga uhay na naiiwan ng mga gumagapas. Doon ako sa may likuran ng sinumang papayag.”

Sumagot si Naomi, “Ikaw ang bahala, anak.” Kaya't si Ruth ay nagpunta sa bukid at namulot ng mga uhay, kasunod ng mga gumagapas. Nagkataong ang napuntahan niya ay ang bukid ni Boaz, isang kamag-anak ni Elimelec na napakayaman at iginagalang sa kanilang bayan.

Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas.

“Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila.

Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?”

“Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.”

Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.”

10 Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?”

11 Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. 12 Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” 13 Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.”

14 Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. 15 Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. 16 Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.”

17 Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. 18 Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. 19 Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. 20 Kaya't(E) sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.”

21 Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.”

22 Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” 23 Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan.

Footnotes

  1. Mga Hukom 18:30 Moises: Sa ibang manuskrito'y Manases .
  2. Mga Hukom 19:2 nagalit…babae at: Sa ibang manuskrito'y nagtaksil sa kanya ang babae kaya't .
  3. Ruth 1:14 at nagpaalam na: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na upang bumalik sa kanyang bayan .
  4. Ruth 1:20 NAOMI: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Kaaya-aya”.
  5. Ruth 1:20 MARA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito'y “Mapait”.