Add parallel Print Page Options

Sinumang gumawa, magnasa, o sumamba sa gayong larawan ay umiibig sa isang bagay na masama,
at natatamo niya ang marapat sa kanya nang umasa siya sa bagay na iyon.

Ang Kahibangan ng Pagsamba sa mga Diyus-diyosang Putik

Minamasa ng magpapalayok ang malagkit na putik
at maingat na hinuhugisan upang gawing kasangkapan.
Mula sa iisang uri ng lupa,
gumagawa siya ng iba't ibang kasangkapan na ginagamit ng mga tao.
May ginagamit sa gawaing malinis at marangal,
at may ginagamit naman para sa maruruming bagay.
Tanging ang magpapalayok lamang ang nagpapasya,
kung alin-alin at kung saan-saan ito gagamitin.
Ang magpapalayok ay isang tao lamang.
Hindi pa nagtatagal na siya'y nilikha mula sa alabok,
at pagkatapos ay magbabalik uli sa alabok na pinanggalingan, kapag binawi sa kanya ang hiram niyang buhay.
Ngunit inaaksaya niya ang pagod at talino sa paglikha ng isang diyus-diyosang walang kabuluhan
mula sa putik na ginagamit niya sa paggawa ng palayok.

Read full chapter