Levitico 14:33-57
Ang Biblia, 2001
Ang Paglilinis ng mga Bahay na may Sakit
33 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron:
34 “Pagdating ninyo sa lupain ng Canaan na aking ibinigay sa inyo bilang pag-aari, at ako'y naglagay ng sakit na ketong sa isang bahay sa lupaing inyong pag-aari,
35 ang may-ari ng bahay ay lalapit sa pari at sasabihin, ‘Mayroon yatang isang uri ng sakit sa aking bahay.’
36 Ipag-uutos ng pari na alisan ng laman ang bahay bago siya pumasok upang tingnan ang sakit, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag maging marumi; at pagkatapos ay papasok ang pari upang tingnan ang bahay.
37 Kanyang susuriin ang salot, at kung ang salot ay nasa mga dingding ng bahay na nagkukulay berde, o namumula ng batik at ang anyo nito ay mas malalim kaysa dingding,
38 kung gayon ay lalabas ang pari sa bahay tungo sa pintuan ng bahay at isasara ang bahay sa loob ng pitong araw.
39 Muling babalik ang pari sa ikapitong araw at gagawa ng pagsusuri, at kung kumalat na ang salot sa mga dingding ng bahay,
40 ay ipag-uutos nga ng pari na alisin ang mga batong kinaroroonan ng salot at itapon ang mga iyon sa isang dakong marumi sa labas ng bayan.
41 Kanyang ipakakayod ang palibot ng loob ng bahay, at kanilang ibubuhos ang duming kinayod sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi;
42 at sila'y kukuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong iyon, at kukuha ng ibang pampalitada para sa bahay.
43 “Kung muling bumalik ang salot, at lumitaw sa bahay pagkatapos na maalis ang mga bato at pagkatapos ipakayod ang bahay, at pagkatapos na mapalitadahan,
44 ay papasok ang pari at magsisiyasat. Kung ang salot ay kumalat na sa bahay, ito ay ketong na nakakasira sa bahay; ito'y marumi.
45 Gigibain niya ang bahay, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng palitada ng bahay, at kanyang dadalhin sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi.
46 Ang pumasok sa bahay sa lahat ng mga araw na ito'y ipinasara ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
47 At ang mahiga sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit; at ang kumain sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit.
48 “Subalit kapag pumasok ang pari at maingat na tiningnan ito at ang salot ay hindi na kumalat sa bahay pagkatapos na mapalitadahan, ipahahayag ng pari na malinis ang bahay, sapagkat ang sakit ay napagaling na.
49 Kukuha siya ng dalawang ibon para sa paglilinis ng bahay, ng kahoy na sedro, ng pulang sinulid, at ng isopo,
50 at papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos,
51 at kukunin niya ang kahoy na sedro, at ang isopo, at ang pulang sinulid, at ang ibong buháy, at ilulubog ang mga ito sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at iwiwisik ng pitong ulit sa bahay.
52 Gayon niya lilinisin ang bahay sa pamamagitan ng dugo ng ibon, ng agos ng tubig, ng ibong buháy, ng kahoy na sedro, ng isopo, at ng pulang sinulid;
53 at kanyang pakakawalan ang ibong buháy sa labas ng bayan, sa kaparangan, at matutubos ang bahay; at ito ay magiging malinis.”
54 Ito ang batas para sa bawat sari-saring sakit na ketong, sa pangangati;
55 sa ketong ng kasuotan at ng bahay,
56 at sa pamamaga, sa singaw, at sa batik na makintab;
57 upang ipakita kung kailan marumi, at kung kailan malinis. Ito ang batas tungkol sa ketong.
Read full chapter