Levitico 20:1-17
Magandang Balita Biblia
Mga Parusa sa Lalabag sa Tuntunin
20 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay. 3 Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan. 4 Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon, 5 kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec.
6 “Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan. 7 Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos. 8 Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin.
9 “Ang(A) sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina.
10 “Ang(B) lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae. 11 Inilalagay(C) sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin. 12 Ang(D) lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin. 13 Ang(E) lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin. 14 Ang(F) lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan. 15 Ang(G) lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. 16 Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.
17 “Ang(H) lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.