Leviticus 7:11-17
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Mga Karagdagang Tuntunin para sa Handog para sa Mabuting Relasyon
11 Ito ang mga tuntunin tungkol sa handog para sa mabuting relasyon[a] na iniaalay sa Panginoon.
12 Kung ang hayop na handog para sa mabuting relasyon ay inialay bilang handog ng pagpapasalamat sa Panginoon, sasamahan niya ito ng tinapay. Magdadala siya ng tinapay na walang pampaalsa katulad ng makapal na tinapay na hinaluan ng langis, manipis na tinapay na pinahiran ng langis, at tinapay na mula sa magandang klaseng harina na hinaluan ng langis. 13 Maliban dito, magdadala rin siya ng tinapay na may pampaalsa. 14 Siyaʼy maghahandog mula sa bawat uri ng tinapay na ito bilang kaloob sa Panginoon. At ang mga tinapay na ito na inihandog ay para na sa paring nagwiwisik ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon. 15 Ang karne ng hayop na inihandog bilang pagpapasalamat sa Panginoon ay dapat kainin ng taong naghandog nito at ng sambahayan niya at ng mga pari sa araw ding iyon, at dapat walang matira kinaumagahan.
16 Pero kung ang kanyang handog para sa mabuting relasyon ay inialay niya bilang handog para tuparin ang isang panata o handog na kusang-loob, ang karne ay makakain sa araw ng paghahandog at ang matitira ay maaari pa ring kainin kinabukasan. 17 At kung mayroon pa ring matira hanggang sa pangatlong araw, dapat na itong sunugin.
Read full chapterFootnotes
- 7:11 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®