Lucas 23:2-25
Ang Salita ng Diyos
2 Sinimulan nila siyang paratangan. Sinabi nila: Nasumpungan namin na inililigaw ng taong ito ang bayan at ipinagbabawal ang pagbayad ng buwis kay Cesar. Sinasabi niya na siya ang Mesiyas na isang hari.
3 Tinanong ni Pilato si Jesus: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?
Sumagot siya: Tama ang iyong sinabi.
4 Nagsabi si Pilato sa mga pinunong-saserdote at mga tao: Wala akong nakikitang dahilan upang paratangan ang taong ito.
5 Ngunit sila ay nagpumilit at nagsabi: Inudyukan niyang magkagulo ang mga tao. Ginagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtuturo sa buong Judea mula sa Galilea hanggang dito.
6 Nang marinig ni Pilato ang Galilea, itinanong niya kung ang lalaki ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niyang siya ay mula sa nasasakupan ni Herodes, ipinadala niya siya kay Herodes. Si Herodes ay nasa Jerusalem din nang mga araw na iyon.
8 Nang makita ni Herodes si Jesus, lubos siyang nagalak sapagkat matagal na niyang hinahangad na makita siya. Ito ay sapagkat nakarinig na siya ng maraming bagay patungkol kay Jesus. Umaasa siyang makakita ng ilang tanda na ginawa niya. 9 Maraming itinanong si Herodes sa kaniya. Ngunit wala siyang isinagot. 10 Tumayo ang mga pinunong-saserdote at mga guro ng kautusan at marahas nila siyang pinaratangan. 11 Kinutya siya ni Herodes at ng mga kawal nito. Nilibak nila siya at sinuotan ng marangyang kasuotan. Pagkatapos nito, ipinadala siyang muli ni Herodes kay Pilato. 12 Nang araw ding iyon, si Pilato at Herodes ay nagingmagkaibigan sa isa’t isa. Sila ay dating magkaaway.
13 Tinawag ni Pilato ang mga pinunong-saserdote at mga pinuno at ang mga tao. 14 Sinabi niya sa kanila: Dinala ninyo sa akin ang taong ito bilang isa na nagliligaw sa mga tao. Narito, tinanong ko siya sa harapan ninyo. Wala akong nakitang anumang kasalanan sa taong ito na ayon sa ipinaparatang ninyo sa kaniya. 15 Pinaahon ko kayo kay Herodes. Maging si Herodes ay walang nakitang ginawaniya na nararapat hatulan ng kamatayan. 16 Pagkaparusa ko nga sa kaniya, palalayain ko siya. 17 Tuwing araw ng paggunita ay kinakailangang may isang palalayain si Pilato.
18 Ngunit sila ay sabay-sabay na sumigaw at sinabi nila: Ipapatay mo ang taong ito at palayain sa amin si Barabas. 19 Si Barabas ay nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na ginawa niya sa lungsod at dahil din sa pagpatay ng tao.
20 Hangad ni Pilato na palayain si Jesus. Nagsalita nga siyang muli sa kanila. 21 Ngunit sila ay sumisigaw na sinasabi: Ipako sa krus, ipako siya sa krus.
22 Sa ikatlong pagkakataon, sinabi niya sa kanila: Anong kasamaan ang nagawa ng taong ito? Wala akong makita sa kaniya na dahilan upang hatulan siya ng kamatayan. Pagkatapos ko nga siyang ipahagupit, palalayain ko siya.
23 Ngunit nagpupumilit sila na sa malakas na tinig ay hinihingi nilang siya ay ipako sa krus. Ang tinig nila at ng mga pinunong-saserdote ay nanaig. 24 Inihatol ni Pilato na ang kahilingan nila ang mangyari. 25 Pinalaya niya siya na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay na siyang hiningi nila. Ngunit si Jesus ay ibinigay niya sa kanilang kagustuhan.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International