Add parallel Print Page Options

Ang Pagbibigay ng Ikapu

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik[a] ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu[b] at mga handog. Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10 Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan[c] at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala. 11 Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12 Tatawagin kayong mapalad[d] ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Read full chapter

Footnotes

  1. 3:7 babalik: o, tutulong.
  2. 3:8 ikapu: Tungkulin ng mga Israelita na magbigay sa Panginoon ng ikapu ng kanilang mga ani at mga hayop (Lev. 27:30–33; Deu. 14:22-29).
  3. 3:10 padadalhan … ulan: sa literal, bubuksan ko ang mga bintana ng langit. Tingnan ang kahulugan nito sa Gen. 7:11.
  4. 3:12 mapalad: o, pinagpala.