Marcos 5-10
Ang Dating Biblia (1905)
5 At nagsidating sila sa kabilang ibayo ng dagat sa lupain ng mga Gadareno.
2 At paglunsad niya sa daong, pagdaka'y sinalubong siya na galing sa mga libingan ng isang lalake na may isang karumaldumal na espiritu,
3 Na tumatahan sa mga libingan: at sinoma'y hindi siya magapos, kahit ng tanikala;
4 Sapagka't madalas na siya'y ginapos ng mga damal at mga tanikala, at pinagpatidpatid niya ang mga tanikala, at pinagbabalibali ang mga damal: at walang taong may lakas na makasupil sa kaniya.
5 At palaging sa gabi't araw, ay nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6 At pagkatanaw niya sa malayo kay Jesus, ay tumakbo at siya'y kaniyang sinamba;
7 At nagsisisigaw ng malakas na tinig, na kaniyang sinabi, Ano ang pakialam ko sa iyo, Jesus, ikaw na Anak ng Dios na Kataastaasan? kita'y pinamamanhikan alangalang sa Dios, na huwag mo akong pahirapan.
8 Sapagka't sinabi niya sa kaniya, Lumabas ka sa taong ito, ikaw na karumaldumal na espiritu.
9 At tinanong niya siya, Ano ang pangalan mo? At sinabi niya sa kaniya, Pulutong ang pangalan ko; sapagka't marami kami.
10 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya na huwag silang palayasin sa lupaing yaon.
11 At sa libis ng bundok na yaon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisipanginain.
12 At nangamanhik sila sa kaniya, na nagsisipagsabi, Paparoonin mo kami sa mga baboy, upang kami ay magsipasok sa kanila.
13 At ipinahintulot niya sa kanila. At ang mga karumaldumal na espiritu ay nangagsilabas, at nangagsipasok sa mga baboy: at ang kawan ay napadaluhong sa bangin hanggang sa dagat, na sila'y may mga dalawang libo; at sila'y nangalunod sa dagat.
14 At nagsitakas ang mga tagapagalaga ng mga yaon, at ibinalita sa bayan, at sa mga bukid. At nagsiparoon ang mga tao upang makita kung ano ang nangyari.
15 At nagsiparoon sila kay Jesus, at nakita nila ang inalihan ng mga demonio na nakaupo, nakapanamit at matino ang kaniyang pagiisip, sa makatuwid baga'y siyang nagkaroon ng isang pulutong: at sila'y nangatakot.
16 At sinabi sa kanila ng nangakakita kung paanong pagkapangyari sa inalihan ng mga demonio, at tungkol sa mga baboy.
17 At sila'y nangagpasimulang magsipamanhik sa kaniya na siya'y umalis sa kanilang mga hangganan.
18 At habang lumululan siya sa daong, ay ipinamamanhik sa kaniya ng inalihan ng mga demonio na siya'y ipagsama niya.
19 At hindi niya itinulot sa kaniya, kundi sa kaniya'y sinabi, Umuwi ka sa iyong bahay sa iyong mga kaibigan, at sabihin mo sa kanila kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka niya.
20 At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, at nagpasimulang ihayag sa Decapolis kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus: at nangagtaka ang lahat ng mga tao.
21 At nang si Jesus ay muling makatawid sa daong sa kabilang ibayo, ay nakipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22 At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan,
23 At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay.
24 At siya'y sumama sa kaniya; at sinundan siya ng lubhang maraming tao; at siya'y sinisiksik nila.
25 At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan,
26 At siya'y napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot, at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik, at hindi gumaling ng kaunti man, kundi bagkus pang lumulubha siya,
27 Na pagkarinig niya ng mga bagay tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya, at hinipo ang kaniyang damit.
28 Sapagka't sinasabi niya, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.
29 At pagdaka'y naampat ang kaniyang agas; at kaniyang naramdaman sa kaniyang katawan na magaling na siya sa salot niya.
30 At si Jesus, sa pagkatalastas niya agad sa kaniyang sarili na may umalis na bisa sa kaniya, ay pagdaka'y pumihit sa karamihan at nagsabi, Sino ang humipo ng aking mga damit?
31 At sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sasabihin mo, Sino ang humipo sa akin?
32 At lumingap siya sa palibotlibot upang makita siya na gumawa ng bagay na ito.
33 Nguni't ang babae na natatakot at nangangatal, palibhasa'y nalalaman ang sa kaniya'y nangyari, lumapit at nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kaniya ang buong katotohanan.
34 At sinabi niya sa kaniya, Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; yumaon kang payapa, at gumaling ka sa salot mo.
35 Samantalang nagsasalita pa siya, ay may nagsidating na galing sa bahay ng pinuno sa sinagoga, na nagsasabi, Patay na ang anak mong babae: bakit mo pa binabagabag ang Guro?
36 Datapuwa't hindi pinansin ni Jesus ang kanilang sinasalita, at nagsabi sa pinuno ng sinagoga, Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.
37 At hindi niya ipinahintulot na sinoma'y makasunod sa kaniya, liban kay Pedro, at kay Santiago, at kay Juan na kapatid ni Santiago.
38 At nagsidating sila sa bahay ng pinuno sa sinagoga; at napanood niya ang pagkakagulo, at ang nagsisitangis, at nangagbubuntong-hininga ng labis.
39 At pagkapasok niya, ay kaniyang sinabi sa kanila, Bakit kayo'y nangagkakagulo at nagsisitangis? hindi patay ang bata, kundi natutulog.
40 At tinatawanan nila siya na nililibak. Datapuwa't, nang mapalabas na niya ang lahat, ay isinama niya ang ama ng bata at ang ina nito, at ang kaniyang mga kasamahan, at pumasok sa kinaroroonan ng bata.
41 At pagkahawak niya sa kamay ng bata, ay sinabi niya sa kaniya, Talitha cumi; na kung liliwanagin ay, Dalaga, sinasabi ko sa iyo, Magbangon ka.
42 At pagdaka'y nagbangon ang dalaga, at lumakad: sapagka't siya'y may labingdalawang taon na. At pagdaka'y nangagtaka silang lubha.
43 At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit, na sinoman ay huwag makaalam nito: at kaniyang ipinagutos na siya'y bigyan ng pagkain.
6 At umalis siya doon; at napasa kaniyang sariling lupain; at nagsisunod sa kaniya ang kaniyang mga alagad.
2 At nang dumating ang sabbath, ay nagpasimulang magturo siya sa sinagoga: at marami sa nangakakarinig sa kaniya ay nangagtataka, na nangagsasabi, Saan nagkaroon ang taong ito ng mga bagay na ito? at, Anong karunungan ito na sa kaniya'y ibinigay, at anong kahulugan ng gayong mga makapangyarihang gawa na ginagawa ng kaniyang mga kamay?
3 Hindi baga ito ang anluwagi, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, at ni Jose, at ni Judas, at ni Simon? at hindi baga nangaririto sa atin ang kaniyang mga kapatid na babae? At siya'y kinatitisuran nila.
4 At sinabi sa kanila ni Jesus, Walang propetang di may kapurihan, liban sa kaniyang sariling lupain, at sa gitna ng kaniyang sariling mga kamaganak, at sa kaniyang sariling bahay.
5 At hindi siya nakagawa doon ng anomang makapangyarihang gawa, liban sa ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa ilang mga maysakit, at pinagaling sila.
6 At nanggigilalas siya sa kanilang di pananampalataya. At siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligidligid.
7 At pinalapit niya sa kaniya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinugo sila na daladalawa; at binigyan niya sila ng kapamahalaan laban sa mga karumaldumal na espiritu;
8 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magsipagbaon ng anoman sa paglakad, kundi tungkod lamang; kahit tinapay, kahit supot ng ulam, kahit salapi sa kanilang supot;
9 Datapuwa't gumamit ng mga sandalyas: at, huwag magsuot ng dalawang tunika.
10 At sinabi niya sa kanila, Saan man kayo magsipasok sa isang bahay, mangatira kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis doon.
11 At sa alin mang dakong hindi kayo tanggapin, at hindi kayo pakinggan, pagalis ninyo doo'y ipagpag ninyo ang alabok na nasa ilalim ng inyong talampakan bilang patotoo sa kanila.
12 At sila'y nangagsialis, at nagsipangaral na mangagsisi ang mga tao.
13 At nangagpalabas ng maraming demonio, at nangagpahid ng langis sa maraming may-sakit, at pinagaling sila.
14 At narinig ng haring Herodes; sapagka't nabantog na ang pangalan niya; at sinabi niya, Si Juan na Mangbabautismo ay nagbangon sa mga patay, at kaya sumasa kaniya ang mga kapangyarihang ito.
15 At sinasabi ng mga iba, Siya'y si Elias. At sinasabi ng mga iba, Siya'y propeta, na gaya ng ibang mga propeta.
16 Datapuwa't nang marinig ni Herodes, ay sinabi, Si Juan na aking pinugutan ng ulo, siya'y nagbangon.
17 Sapagka't si Herodes din ang nagsugo sa mga kawal at nagpahuli kay Juan, at nagpatanikala sa kaniya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Filipo na kaniyang kapatid; sapagka't nagasawa siya sa kaniya.
18 Sapagka't sinabi ni Juan kay Herodes, Hindi matuwid sa iyo na iyong ariin ang asawa ng iyong kapatid.
19 At ipinagtanim siya ni Herodias, at hinahangad siyang patayin; at hindi niya magawa;
20 Sapagka't natatakot si Herodes kay Juan palibhasa'y nalalamang siya'y lalaking matuwid at banal, at siya'y ipinagsanggalang niya. At kung siya'y pinakikinggan niya, ay natitilihan siyang mainam; at pinakikinggan niya siya na may galak.
21 At nang sumapit ang isang kaukulang araw, na kapanganakan niya, ay ipinaghanda ni Herodes ng isang hapunan ang kaniyang mga maginoo, at mga mataas na kapitan, at mga pangulong lalake sa Galilea;
22 At nang pumasok ang anak na babae ni Herodias ay sumayaw, at siya'y kinalugdan ni Herodes at ng mga kasalo niyang nakaupo sa dulang; at sinabi ng hari sa dalaga, Hingin mo sa akin ang maibigan mo, at ibibigay ko sa iyo.
23 At ipinanumpa niya sa kaniya, Ang anomang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.
24 At lumabas siya, at sinabi sa kaniyang ina, Ano ang aking hihingin? At sinabi niya, Ang ulo ni Juan ang Mangbabautismo.
25 At pagdaka'y pumasok siyang dalidali sa kinaroroonan ng hari, at humingi, na sinasabi, Ibig ko na ngayon din ang ibigay mo sa akin na nasa isang pinggan ang ulo ni Juan Bautista.
26 At namanglaw na lubha ang hari; datapuwa't dahil sa kaniyang sumpa, at sa nangakaupo sa dulang, ay hindi niya itinanggi.
27 At pagdaka'y nagsugo ang hari sa isang kawal na kaniyang bantay, at ipinagutos na dalhin sa kaniya ang ulo niya: at yumaon siya at pinugutan siya ng ulo sa bilangguan,
28 At dinala ang kaniyang ulo na nasa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga; at ibinigay ng dalaga sa kaniyang ina.
29 At nang mabalitaan ng kaniyang mga alagad, ay nagsiparoon sila at binuhat ang kaniyang bangkay, at inilagay sa isang libingan.
30 At ang mga apostol ay nangagpisan kay Jesus; at isinaysay nila sa kaniya ang lahat ng mga bagay na kanilang ginawa, at ang lahat ng kanilang itinuro.
31 At sinabi niya sa kanila, Magsiparito kayo ng bukod sa isang dakong ilang, at mangagpahinga kayo ng kaunti. Sapagka't marami ang nangagpaparoo't parito, at sila'y hindi man lamang mangagkapanahon na magsikain.
32 At nagsiyaon silang nangasa daong at nangapasa isang dakong ilang at bukod.
33 At nangakita sila ng mga tao sa pagalis, at sila'y nangakilala ng marami at paraparang nagsisitakbo na nagsiparoon doon mula sa lahat ng mga bayan, at nangaunang nagsirating pa kay sa kanila.
34 At lumabas siya at nakita ang lubhang maraming tao, at nahabag siya sa kanila, sapagka't sila'y gaya ng mga tupa na walang pastor: at siya'y nagpasimulang tinuruan sila ng maraming bagay.
35 At nang gumabi na, ay nagsilapit sa kaniya ang kaniyang mga alagad, at nangagsabi, Ilang ang dakong ito, at gumagabi na;
36 Payaunin mo sila, upang sila'y magsiparoon sa mga bayan at mga nayon sa palibotlibot nito, at mangagsibili ng anomang makakain.
37 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kanila, Bigyan ninyo sila ng makakain. At sinabi nila sa kaniya, Magsisiyaon ba kami at magsisibili ng dalawang daang denariong tinapay, at ipakakain namin sa kanila?
38 At sinabi niya sa kanila, Ilang tinapay mayroon kayo? magsiparoon kayo at inyong tingnan. At nang mangaalaman nila, ay kanilang sinabi, Lima, at dalawang isda.
39 At iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat na pulupulutong sa ibabaw ng damuhang sariwa.
40 At sila'y nagsiupong hanayhanay, na tigsasangdaan, at tiglilimangpu.
41 At kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, at pagtingala sa langit, ay kaniyang pinagpala, at pinagputolputol ang mga tinapay; at ibinigay niya sa mga alagad upang ihain nila sa kanila; at ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.
42 At nagsikain silang lahat, at nangabusog.
43 At kanilang pinulot ang mga pinagputolputol, labingdalawang bakol na puno ng tinapay at mga isda naman.
44 At ang nagsikain ng mga tinapay ay limang libong lalake.
45 At pagdaka'y pinalulan niya sa daong ang kaniyang mga alagad, at pinauna sa kaniya sa kabilang ibayo, sa Betsaida, samantalang pinayayaon niya ang karamihan.
46 At pagkatapos na mapagpaalam niya sila, ay naparoon siya sa bundok upang manalangin.
47 At nang dumating ang gabi, ang daong ay nasa gitna ng dagat, at siya'y nagiisa sa lupa.
48 At pagkakita sa kanila na totoong nangalulumbay sa paggaod, sapagka't sinasalunga sila ng hangin, at malapit na ang ikaapat na pagpupuyat sa gabi ay naparoon siya sa kanila, na lumalakad sa ibabaw ng dagat; at ibig silang lagpasan:
49 Datapuwa't sila, nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay inakala nilang siya'y isang multo, at nangagsisigaw;
50 Sapagka't nakita siya nilang lahat, at nangagulumihanan. Datapuwa't pagdaka'y nagsalita siya sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Laksan ninyo ang inyong loob: ako nga; huwag kayong mangatakot.
51 At pinanhik niya sila sa daong; at humimpil ang hangin: at sila'y nanganggilalas ng di kawasa sa kanilang sarili;
52 Palibhasa'y hindi pa nila natatalastas yaong tungkol sa mga tinapay, dahil sa ang kanilang puso'y pinatigas.
53 At nang mangakatawid na sila, ay narating nila ang lupa ng Genezaret, at nagsisadsad sa daungan.
54 At paglunsad nila sa daong, pagdaka'y nakilala siya ng mga tao,
55 At nang malibot nilang nagtutumulin ang buong lupaing yaon, at nagpasimulang dalhin sa kaniya ang mga may-sakit na nasa kanilang higaan, saan man nila marinig na naroon siya.
56 At saan man siya pumasok, sa mga nayon, o sa mga bayan o sa mga bukid, ay inilalagay nila sa mga liwasan ang mga may-sakit, at ipinamamanhik sa kaniya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kaniyang damit: at ang lahat ng nagsihipo sa kaniya ay pawang nagsigaling.
7 At nakisama sa kanila ang mga Fariseo, at ilan sa mga eskriba, na nagsipanggaling sa Jerusalem,
2 At kanilang nangakita ang ilan sa kaniyang mga alagad na nagsisikain ng kanilang tinapay ng mga kamay na marurumi, sa makatuwid baga'y mga kamay na hindi hinugasan.
3 (Sapagka't ang mga Fariseo, at ang lahat ng mga Judio, ay hindi nagsisikain, kundi muna mangaghugas na maingat ng mga kamay, na pinanghahawakan ang mga sali't-saling sabi ng matatanda;
4 At kung nagsisipanggaling sila sa pamilihan, kung hindi muna mangaghugas, ay hindi sila nagsisikain; at may iba pang maraming bagay na kanilang minana, upang ganapin; gaya ng mga paghuhugas ng mga inuman, at ng mga saro, at ng mga inumang tanso.)
5 At siya'y tinanong ng mga Fariseo at ng mga eskriba, Bakit ang iyong mga alagad ay hindi nagsisilakad ng ayon sa sali't-saling sabi ng matatanda, kundi nagsisikain sila ng kanilang tinapay ng mga kamay na karumaldumal?
6 At sinabi niya sa kanila, Mabuti ang pagkahula ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, ayon sa nasusulat, Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kaniyang mga labi, Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin.
7 Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ng mga utos ng mga tao.
8 Nilisan ninyo ang utos ng Dios, at inyong pinanghahawakan ang sali't-saling sabi ng mga tao.
9 At sinabi niya sa kanila, Totoong itinatakuwil ninyo ang utos ng Dios, upang mangaganap ninyo ang inyong mga sali't-saling sabi.
10 Sapagka't sinabi ni Moises, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ang manungayaw sa ama o sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala:
11 Datapuwa't sinasabi ninyo, Kung sabihin ng isang tao sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, Yaong mangyayaring pakinabangan mo sa akin ay Corban, sa makatuwid baga'y, hain sa Dios;
12 Hindi na ninyo siya pinabayaang gumawa ng anoman na ukol sa kaniyang ama o sa kaniyang ina;
13 Na niwawalang kabuluhan ang salita ng Dios ng inyong sali't-saling sabi, na inyong itinuro: at nagsisigawa kayo ng iba pang maraming bagay na kawangis nito.
14 At muling pinalapit niya sa kaniya ang karamihan, at sinabi sa kanila, Pakinggan ninyong lahat ako, at inyong unawain:
15 Walang anomang nasa labas ng katawan ng tao, na pagpasok sa kaniya ay makakahawa sa kaniya; datapuwa't ang mga bagay na nagsisilabas sa tao yaon ang nangakakahawa sa tao.
16 Kung ang sinoman ay may pakinig na ipakikinig ay makinig.
17 At nang pumasok siya sa bahay na mula sa karamihan, ay itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad ang talinghaga.
18 At sinabi niya sa kanila, Kayo baga naman ay wala ring pagiisip? Hindi pa baga ninyo nalalaman, na anomang nasa labas na pumapasok sa tao, ay hindi nakakahawa sa kaniya;
19 Sapagka't hindi pumapasok sa kaniyang puso, kundi sa kaniyang tiyan, at lumalabas sa dakong daanan ng dumi? Sa salitang ito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain.
20 At sinabi niya, Ang lumalabas sa tao, yaon ang nakakahawa sa tao.
21 Sapagka't mula sa loob, mula sa puso ng mga tao, lumalabas ang masasamang pagiisip, ang mga pakikiapid, ang mga pagnanakaw, ang mga pagpatay sa kapuwa-tao, ang mga pangangalunya,
22 Ang mga kasakiman, ang mga kasamaan, ang pagdaraya, ang kalibugan, ang matang masama, ang kapusungan, ang kapalaluan, ang kamangmangan:
23 Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagsisipanggaling, at nangakakahawa sa tao.
24 At nagtindig siya doon, at napasa mga hangganan ng Tiro at ng Sidon. At pumasok siya sa isang bahay, at ibig niya na sinomang tao'y huwag sanang makaalam; at hindi siya nakapagtago.
25 Nguni't ang isang babae na ang kaniyang munting anak na babae ay may isang karumaldumal na espiritu, pagdaka'y nang mabalitaan siya, ay lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan.
26 Ang babae nga ay isang Griega, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. At ipinamamanhik niya sa kaniya na palabasin sa kaniyang anak ang demonio.
27 At sinabi niya sa kaniya, Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak: sapagka't hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon sa mga aso.
28 Datapuwa't siya'y sumagot at sinabi sa kaniya, Oo, Panginoon; kahit ang mga aso sa ilalim ng dulang ay nagsisikain ng mga mumo ng mga anak.
29 At sinabi niya sa kaniya, Dahil sa sabing ito humayo ka; nakaalis na ang demonio sa iyong anak.
30 At umuwi siya sa kaniyang bahay, at naratnan ang anak na nakahiga sa higaan, at nakaalis na ang demonio.
31 At siya'y muling umalis sa mga hangganan ng Tiro, at napasa Sidon hanggang sa dagat ng Galilea, na kaniyang tinahak ang mga hangganan ng Decapolis.
32 At dinala nila sa kaniya ang isang bingi at utal; at ipinamanhik nila sa kaniya na kaniyang ipatong ang kaniyang kamay sa kaniya.
33 At siya'y inihiwalay niya ng bukod sa karamihan, at isinuot ang kaniyang mga daliri sa mga tainga niya, at siya'y lumura, at hinipo ang kaniyang dila;
34 At pagkatingala sa langit, ay siya'y nagbuntong-hininga, at sinabi sa kaniya, Ephatha, sa makatuwid baga'y, Mabuksan.
35 At nangabuksan ang kaniyang mga pakinig, at nakalag ang tali ng kaniyang dila, at siya'y nakapagsalitang malinaw.
36 At ipinagbilin niya sa kanila na kanino mang tao ay huwag nilang sabihin: nguni't kung kailan lalong ipinagbabawal niya sa kanila, ay lalo namang kanilang ibinabantog.
37 At sila'y nangagtataka ng di kawasa, na nangagsasabi, Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kaniyang binibigyang pakinig pati ng mga bingi, at pinapagsasalita ang mga pipi.
8 Nang mga araw na yaon, nang magkaroong muli ng maraming tao, at wala silang mangakain, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad, at sinabi sa kanila,
2 Nahahabag ako sa karamihan, sapagka't tatlong araw nang sila'y nangatira sa akin, at walang mangakain:
3 At kung sila'y pauwiin kong nangagugutom sa kanilang mga tahanan, ay magsisipanglupaypay sila sa daan; at nagsipanggaling sa malayo ang ilan sa kanila.
4 At nagsisagot sa kaniya ang kaniyang mga alagad, Paanong mabubusog ninoman ang mga taong ito ng tinapay dito sa isang ilang na dako?
5 At kaniyang tinanong sila, Ilang tinapay mayroon kayo? At sinabi nila, Pito.
6 At iniutos niya sa karamihan na magsiupo sa lupa; at kinuha niya ang pitong tinapay, at pagkapagpasalamat, ay pinagputolputol niya, at ibinigay sa kaniyang mga alagad, upang ihain sa kanila; at inihain nila sa karamihan.
7 At mayroon silang ilang maliliit na isda: at nang mapagpala ang mga ito, ay ipinagutos niya na ihain din naman ang mga ito sa kanila.
8 At sila'y nagsikain, at nangabusog: at kanilang pinulot ang lumabis sa mga pinagputolputol, na pitong bakol na puno.
9 At sila'y may mga apat na libo: at pinayaon niya sila.
10 At pagdaka'y lumulan siya sa daong na kasama ang kaniyang mga alagad, at napasa mga sakop ng Dalmanuta.
11 At nagsilabas ang mga Fariseo, at nangagpasimulang makipagtalo sa kaniya, na hinahanapan siya ng isang tandang mula sa langit, na tinutukso siya.
12 At nagbuntong-hininga siya ng malalim sa kaniyang espiritu, at nagsabi, Bakit humahanap ng tanda ang lahing ito? katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang tandang ibibigay sa lahing ito.
13 At sila'y iniwan niya, at muling pagkalulan sa daong ay tumawid sa kabilang ibayo.
14 At nangalimutan nilang magsipagdala ng tinapay; at wala sila kundi isang tinapay sa daong.
15 At ipinagbilin niya sa kanila, na nagsabi, Tingnan ninyo, mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at sa lebadura ni Herodes.
16 At nangagkatuwiranan sila-sila rin, na nangagsasabi, Wala tayong tinapay.
17 At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso?
18 Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala?
19 Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa.
20 At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.
21 At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa?
22 At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin.
23 At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman?
24 At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad.
25 Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.
26 At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon.
27 At pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako?
28 At sinaysay nila sa kaniya, na sinasabi, Si Juan Bautista; at ang mga iba, si Elias; datapuwa't ang mga iba, Isa sa mga propeta.
29 At tinanong niya sila, Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro at nagsabi sa kaniya, Ikaw ang Cristo.
30 At ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang tungkol sa kaniya.
31 At siya'y nagpasimulang magturo sa kanila, na ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.
32 At hayag na sinabi niya ang pananalitang ito. At isinama siya ni Pedro, at pinasimulang siya'y pagwikaan.
33 Datapuwa't paglingap niya sa palibot, at pagtingin sa kaniyang mga alagad, ay pinagwikaan si Pedro, at sinabi, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas; sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay na ukol sa Dios, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.
34 At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.
35 Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.
36 Sapagka't ano ang mapapakinabang ng tao, na makamtan ang buong sanglibutan, at mapapahamak ang kaniyang buhay?
37 Sapagka't anong ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?
38 Sapagka't ang sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel.
9 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayong ito, na hindi matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Dios na dumarating na may kapangyarihan.
2 At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: at siya'y nagbagong-anyo sa harap nila;
3 At ang kaniyang mga damit ay nangagningning, na nagsiputing maigi, na ano pa't sinomang magpapaputi sa lupa ay hindi makapagpapaputi ng gayon.
4 At doo'y napakita sa kanila si Elias na kasama si Moises: at sila'y nakikipagusap kay Jesus.
5 At sumagot si Pedro at sinabi kay Jesus, Rabi, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: at magsigawa kami ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias.
6 Sapagka't hindi niya nalalaman kung ano ang isasagot; sapagka't sila'y lubhang nangatakot.
7 At dumating ang isang alapaap na sa kanila'y lumilim: at may isang tinig na nanggaling sa alapaap, Ito ang sinisinta kong Anak; siya ang inyong pakinggan.
8 At karakaraka'y sa biglang paglingap nila sa palibotlibot, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang na kasama nila.
9 At habang nagsisibaba sila sa bundok, ay ipinagbilin niya sa kanila na sa kanino man ay huwag nilang sabihin ang kanilang nakita, maliban na pagka ang Anak ng tao ay magbangong maguli sa mga patay.
10 At kanilang iningatan ang pananalitang ito, na nangagtatanungan sila-sila kung ano ang kahulugan ng pagbabangong maguli sa mga patay.
11 At tinanong nila siya, na sinasabi, Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?
12 At sinabi niya sa kanila, Katotohanang si Elias ay pariritong mauna, at isasauli sa dati ang lahat ng mga bagay: at paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng tao, na siya'y maghihirap ng maraming bagay at pawalang halaga?
13 Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at ginawa din naman nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig, ayon sa nasusulat tungkol sa kaniya.
14 At pagdating nila sa mga alagad, ay nakita nilang nasa kanilang palibotlibot ang lubhang maraming mga tao, at ang mga eskriba ay nangakikipagtalo sa kanila.
15 At pagdaka'y ang buong karamihan, pagkakita nila sa kaniya, ay nangagtakang mainam, at tinakbo siya na siya'y binati.
16 At tinanong niya sila, Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?
17 At isa sa karamihan ay sumagot sa kaniya, Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalake na may isang espiritung pipi;
18 At saan man siya alihan nito, ay ibinubuwal siya: at nagbububula ang kaniyang bibig, at nagngangalit ang mga ngipin, at untiunting natutuyo: at sinabi ko sa iyong mga alagad na siya'y palabasin; at hindi nila magawa.
19 At sumagot siya sa kanila at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya, hanggang kailan makikisama ako sa inyo? hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin.
20 At dinala nila siya sa kaniya: at pagkakita niya sa kaniya, ay pagdaka'y pinapangatal siyang lubha ng espiritu; at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulonggulong na bumubula ang kaniyang bibig.
21 At tinanong niya ang kaniyang ama, Kailan pang panahon nangyayari sa kaniya ito? At sinabi niya, Mula sa pagkabata.
22 At madalas na siya'y inihahagis sa apoy at sa tubig, upang siya'y patayin: datapuwa't kung mayroon kang magagawang anomang bagay, ay maawa ka sa amin, at tulungan mo kami.
23 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung kaya mo! Ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa kaniya na nananampalataya.
24 Pagdaka'y sumigaw ang ama ng bata, at sinabi, Nananampalataya ako; tulungan mo ang kakulangan ko ng pananampalataya.
25 At nang makita ni Jesus na dumaragsang tumatakbo ang karamihan, ay pinagwikaan niya ang karumaldumal na espiritu, na sinasabi sa kaniya, Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.
26 At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam, ay lumabas siya: at ang bata'y naging anyong patay; ano pa't marami ang nagsabi, Siya'y patay.
27 Datapuwa't hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig.
28 At nang pumasok siya sa bahay, ay tinanong siya ng lihim ng kaniyang mga alagad, Paano ito na siya'y hindi namin napalabas?
29 At sinabi niya sa kanila, Ang ganito ay hindi mapalalabas ng anoman, maliban sa pamamagitan ng panalangin.
30 At nagsialis sila roon, at nangagdaan sa Galilea; at ayaw siyang sinomang tao'y makaalam niyaon.
31 Sapagka't tinuruan niya ang kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya'y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw.
32 Nguni't hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya.
33 At sila'y nagsidating sa Capernaum: at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan?
34 Datapuwa't hindi sila nagsiimik: sapagka't sila-sila ay nangagtalo sa daan, kung sino ang pinakadakila.
35 At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.
36 At kinuha niya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila: at siya'y kaniyang kinalong, na sa kanila'y sinabi niya,
37 Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay hindi ako ang tinatanggap, kundi yaong sa aki'y nagsugo.
38 Sinabi sa kaniya ni Juan, Guro, nakita namin ang isa na sa pangalan mo'y nagpapalabas ng mga demonio; at pinagbawalan namin siya, sapagka't hindi sumusunod sa atin.
39 Datapuwa't sinabi ni Jesus, Huwag ninyong pagbawalan siya: sapagka't walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko, na pagdaka'y makapagsasalita ng masama tungkol sa akin.
40 Sapagka't ang hindi laban sa atin ay sumasa atin.
41 Sapagka't ang sinomang magpainom sa inyo ng isang sarong tubig, dahil sa kayo'y kay Cristo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hindi mawawala sa anomang paraan ang ganti sa kaniya.
42 At ang sinomang magbigay ng ikatitisod sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang malaking gilingang bato, at siya'y ibulid sa dagat.
43 At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay.
44 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
45 At kung ang paa mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok kang pilay sa buhay kay sa may dalawang paa kang mabulid sa impierno.
46 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
47 At kung ang mata mo'y makapagpapatisod sa iyo, ay dukitin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Dios na may isang mata, kay sa may dalawang mata kang mabulid sa impierno;
48 Na doo'y hindi namamatay ang kanilang uod, at hindi namamatay ang apoy.
49 Sapagka't bawa't isa'y aasnan sa pamamagitan ng apoy.
50 Mabuti ang asin: datapuwa't kung tumabang ang asin, ay ano ang inyong ipagpapaalat? Taglayin ninyo sa inyong sarili ang asin, at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa.
10 At siya'y umalis doon, at pumasok sa mga hangganan ng Judea at sa dako pa roon ng Jordan: at ang mga karamihan ay muling nakipisan sa kaniya; at, ayon sa kaniyang kinaugalian, ay muling tinuruan niya sila.
2 At nagsilapit sa kaniya ang mga Fariseo, at siya'y tinanong, Matuwid baga sa lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa? na siya'y tinutukso.
3 At sumagot siya at sa kanila'y sinabi, Ano ang iniutos sa inyo ni Moises?
4 At sinabi nila, Ipinahintulot ni Moises na ilagda ang kasulatan sa paghihiwalay, at ihiwalay siya.
5 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Dahil sa katigasan ng inyong puso ay inilagda niya ang utos na ito.
6 Nguni't buhat nang pasimula ng paglalang, Lalake at babaing ginawa niya sila.
7 Dahil dito'y iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ina, at makikisama sa kaniyang asawa;
8 At ang dalawa ay magiging isang laman; kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman.
9 Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao.
10 At sa bahay ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito.
11 At sinabi niya sa kanila, Ang sinomang lalake na ihiwalay ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa unang asawa:
12 At kung ihiwalay ng babae ang kaniyang asawa, at magasawa sa iba, ay nagkakasala siya ng pangangalunya.
13 At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata, upang sila'y kaniyang hipuin: at sinaway sila ng mga alagad.
14 Datapuwa't nang ito'y makita ni Jesus, ay nagdalang galit siya, at sinabi sa kanila, Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan: sapagka't sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Dios.
15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sinomang hindi tumanggap ng kaharian ng Dios na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi siya papasok doon sa anomang paraan.
16 At kinalong niya sila, at sila'y pinagpala, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.
17 At nang siya'y umalis na lumalakad sa daan, ay may isang tumakbong lumapit sa kaniya, at lumuhod sa harap niya, at siya'y tinanong, Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako'y magmana ng buhay na walang hanggan?
18 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Bakit tinatawag mo akong mabuti? walang mabuti kundi isa lamang, ang Dios.
19 Nalalaman mo ang mga utos, Huwag kang pumatay, Huwag kang mangalunya, Huwag kang magnakaw, Huwag kang sumaksi sa di katotohanan, Huwag kang magdaya, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina.
20 At sinabi niya sa kaniya, Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking ginanap mula sa aking kabataan.
21 At pagtitig sa kaniya ni Jesus, ay giniliw siya, at sinabi sa kaniya, Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.
22 Datapuwa't siya'y nahapis sa sabing ito, at siya'y yumaong namamanglaw: sapagka't siya'y isang may maraming mga pag-aari.
23 At lumingap si Jesus sa palibotlibot, at sinabi sa kaniyang mga alagad, Kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga may kayamanan!
24 At nangagtaka ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Datapuwa't si Jesus ay muling sumagot at nagsabi sa kanila, Mga anak, kay hirap na magsipasok sa kaharian ng Dios ang mga magsisiasa sa mga kayamanan!
25 Magaan pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kay sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Dios.
26 At sila'y nangagtatakang lubha, na sinasabi sa kaniya, Sino nga kaya ang makaliligtas?
27 Pagtingin ni Jesus sa kanila'y nagsabi, Hindi maaari ito sa mga tao, datapuwa't hindi gayon sa Dios: sapagka't ang lahat ng mga bagay ay may pangyayari sa Dios.
28 Si Pedro ay nagpasimulang magsabi sa kaniya, Narito, iniwan namin ang lahat, at nagsisunod sa iyo.
29 Sinabi ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio,
30 Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay.
31 Datapuwa't maraming nangauuna ay mangahuhuli; at nangahuhuli na mangauuna.
32 At sila'y nangasa daan, na nagsisiahon sa Jerusalem; at nangunguna sa kanila si Jesus: at sila'y nangagtaka; at ang nangagsisisunod ay nangatakot. At muling kinuha niya ang labingdalawa, at nagpasimulang sinabi sa kanila ang mga bagay na sa kaniya'y mangyayari,
33 Na sinasabi, Narito, nagsisiahon tayo sa Jerusalem; at ibibigay ang Anak ng tao sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba; at siya'y kanilang hahatulang patayin, at ibibigay siya sa mga Gentil:
34 At siya'y kanilang aalimurahin, at siya'y luluraan, at siya'y hahampasin, at siya'y papatayin; at pagkaraan ng tatlong araw ay magbabangon siyang muli.
35 At nagsilapit sa kaniya si Santiago at si Juan, na mga anak ni Zebedeo, na sa kaniya'y nagsisipagsabi, Guro, ibig naming iyong gawin sa amin ang anomang aming hingin sa iyo.
36 At sinabi niya sa kanila, Ano ang ibig ninyong sa inyo'y aking gawin?
37 At sinabi nila sa kaniya, Ipagkaloob mo sa amin na mangakaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa iyong kaliwa, sa iyong kaluwalhatian.
38 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Mangakaiinom baga kayo sa sarong aking iinuman? o mangababautismuhan sa bautismo na ibinautismo sa akin?
39 At sinabi nila sa kaniya, Kaya namin. At sinabi sa kanila ni Jesus, Ang sarong aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinautismo sa akin ay babautismuhan kayo;
40 Datapuwa't ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magbibigay; datapuwa't yaon ay para sa kanila na mga pinaghahandaan.
41 At nang marinig ito ng sangpu, ay nangagpasimula silang mangagalit kay Santiago at kay Juan.
42 At sila'y pinalapit ni Jesus sa kaniya, at sa kanila'y sinabi, Nalalaman ninyo na yaong mga inaaring mga pinuno ng mga Gentil ay nangapapapanginoon sa kanila; at ang sa kanila'y mga dakila ay nagsisigamit ng kapamahalaan sa kanila.
43 Datapuwa't sa inyo ay hindi gayon: kundi ang sinomang ibig na dumakila sa inyo, ay magiging lingkod ninyo;
44 At ang sinoman sa inyo ang magibig manguna, ay magiging alipin ng lahat.
45 Sapagka't ang Anak ng tao rin naman ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.
46 At nagsidating sila sa Jerico: at habang nililisan niya ang Jerico, na kasama ng kaniyang mga alagad at ng lubhang maraming mga tao, ang anak ni Timeo, si Bartimeo, na isang pulubing bulag, ay nakaupo sa tabi ng daan.
47 At nang marinig niya na yao'y si Jesus na Nazareno, siya'y nagpasimulang magsisigaw, at nagsabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.
48 At siya'y pinagwikaan ng marami upang siya'y tumahimik: datapuwa't siya'y lalong sumisigaw, Ikaw na Anak ni David, mahabag ka sa akin.
49 At tumigil si Jesus, at sinabi, Tawagin ninyo siya. At tinawag nila ang lalaking bulag, na sinasabi sa kaniya, Laksan mo ang iyong loob; ikaw ay magtindig, tinatawag ka niya.
50 At siya, pagkatapon ng kaniyang balabal, ay nagmadaling tumindig, at lumapit kay Jesus.
51 At sumagot sa kaniya si Jesus, at sinabi, Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo? At sinabi ng lalaking bulag, Raboni, na tanggapin ang aking paningin.
52 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka ng iyong lakad; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At pagdaka'y tinanggap niya ang kaniyang paningin, at siya'y sumunod sa kaniya sa daan.