Marcos 5:1-7
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pagpapagaling sa Gerasenong Sinasapian ng Masasamang Espiritu(A)
5 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno.[a] 2 Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. 3 Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. 4 Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. 5 Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili.
6 Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. 7 Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!”
Read full chapterFootnotes
- 1 Geraseno: Sa ibang manuskrito'y Gadareno, at sa iba nama'y Gergeseno .