Nehemias 2-6
Ang Biblia, 2001
Nagtungo si Nehemias sa Jerusalem
2 Sa buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari, samantalang mayroong alak sa harapan niya, kinuha ko ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi pa ako naging malungkot nang gayon sa kanyang harapan.
2 At sinabi ng hari sa akin, “Bakit malungkot ang iyong mukha, samantalang wala ka namang sakit? Ito'y walang iba kundi kalungkutan ng puso.” Nang magkagayo'y lubha akong natakot.
3 Sinabi(A) ko sa hari, “Mabuhay ang hari magpakailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha, gayong ang lunsod, ang lugar ng mga libingan ng aking mga ninuno ay giba, at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy?”
4 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, “Ano ang iyong kahilingan?” Kaya't ako'y nanalangin sa Diyos ng langit.
5 Sinabi ko sa hari, “Kung ikakalugod ng hari at kung ang iyong lingkod ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, suguin mo ako sa Juda, sa lunsod ng libingan ng aking mga ninuno, upang aking muling maitayo ito.”
6 Sinabi ng hari sa akin, (ang reyna ay nakaupo sa tabi niya), “Gaano katagal kang mawawala, at kailan ka babalik?” Sa gayo'y ikinalugod ng hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kanya ng panahon.
7 Sinabi ko naman sa hari, “Kung ikakalugod ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y makarating sa Juda;
8 at isang sulat para kay Asaf na tagapag-ingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga troso upang gawing mga biga sa mga pintuan ng kuta ng templo at para sa pader ng lunsod at sa bahay na aking papasukan.” Ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking hiniling, sapagkat ang mabuting kamay ng aking Diyos ay nasa akin.
9 At ako'y pumunta sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Ang hari ay nagsugo na kasama ko ang mga punong-kawal ng hukbo at mga mangangabayo.
10 Subalit nang mabalitaan ito ni Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, ikinayamot nila nang husto na may isang dumating para sa kapakanan ng mga anak ni Israel.
11 Kaya't dumating ako sa Jerusalem at tumigil doon sa loob ng tatlong araw.
12 Kinagabihan, bumangon ako at ang ilang lalaking kasama ko. Wala akong pinagsabihan kung ano ang inilagay ng aking Diyos sa aking puso upang gawin para sa Jerusalem. Wala akong kasamang hayop maliban sa hayop na aking sinakyan.
13 Kinagabihan, ako'y lumabas sa Pintuan ng Libis tungo sa Balon ng Dragon at sa Pintuan ng Dumi, at aking siniyasat ang mga pader ng Jerusalem na winasak at ang mga pintuan nito na tinupok ng apoy.
14 Pagkatapos ay nagtungo ako sa Pintuan ng Bukal at sa Tipunan ng Tubig ng hari; ngunit walang madaanan ang hayop na sinasakyan ko.
15 Kinagabihan, ako'y umahon sa libis at siniyasat ang pader. Pagkatapos ako'y bumalik at pumasok sa Pintuan ng Libis; gayon ako bumalik.
16 Hindi nalaman ng mga pinuno kung saan ako nagpunta, o kung ano ang ginagawa ko. Hindi ko pa sinasabi sa mga Judio, sa mga pari, sa mga maharlika, sa mga pinuno, at sa iba pang gagawa ng gawain.
17 Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang magulong kalagayan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuan nito ay nasunog. Halikayo, itayo natin ang pader ng Jerusalem upang hindi na tayo magdanas ng kahihiyan.”
18 Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa kamay ng aking Diyos na naging mabuti sa akin, at gayundin ang mga salitang sinabi sa akin ng hari. At kanilang sinabi, “Magsimula na tayong magtayo.” Kaya't itinalaga nila ang kanilang mga sarili para sa ikabubuti ng lahat.
19 Ngunit nang ito'y mabalitaan nina Sanballat na Horonita, ni Tobias na lingkod na Ammonita, at ni Gesem na taga-Arabia, kanilang pinagtawanan at hinamak kami at sinabi, “Ano itong bagay na inyong ginagawa? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?”
20 Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit at kaming mga lingkod niya ay magsisimula nang magtayo; ngunit kayo'y walang bahagi, o karapatan, o alaala man sa Jerusalem.”
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
3 Nang magkagayo'y si Eliasib na pinakapunong pari ay tumayong kasama ng kanyang mga kasamahang pari at kanilang itinayo ang Pintuan ng mga Tupa. Ito ay kanilang itinalaga at inilagay ang mga pinto niyon; kanilang itinalaga ito hanggang sa Tore ng Sandaan at hanggang sa Tore ng Hananel.
2 Kasunod niya ay nagtayo ang mga lalaki ng Jerico. At kasunod nila ay nagtayo si Zacur na anak ni Imri.
3 Ang Pintuan ng mga Isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang.
4 Kasunod nila ay nagkumpuni si Meremot na anak ni Urias, na anak ni Hakoz. At kasunod nila ay nagkumpuni si Mesulam, na anak ni Berequias, na anak ni Mesezabel. At kasunod nila ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Baana.
5 Kasunod nila ay nagkumpuni ang mga Tekoita; ngunit hindi inilagay ng kanilang mga maharlika ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang mga panginoon.
6 Ang Matandang Pintuan ay kinumpuni nina Joiada na anak ni Pasea at ni Mesulam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
7 Kasunod nila ay nagkumpuni sina Melatias na Gibeonita, Jadon na Meronotita, at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa, na nasa ilalim ng pamamahala ng gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog.
8 Kasunod nila ay nagkumpuni si Uziel na anak ni Harhaias na panday-ginto. At kasunod nila ay nagkumpuni si Hananias na isa sa mga gumagawa ng pabango, at kanilang muling itinayo ang Jerusalem hanggang sa Maluwang na Pader.
9 Kasunod nila ay nagkumpuni si Refaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.
10 Kasunod nila ay nagkumpuni si Jedias na anak ni Harumaf, sa tapat ng kanyang bahay. At kasunod niya ay nagkumpuni si Hatus na anak ni Hashabneias.
11 Ang ibang bahagi at ang Tore ng mga Pugon ay kinumpuni nina Malkia na anak ni Harim at Hashub na anak ni Pahat-moab.
12 Kasunod nila ay nagkumpuni si Shallum na anak ni Hallohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, siya at ang kanyang mga anak na babae.
13 Kinumpuni ni Hanun at ng mga mamamayan ng Zanoa ang Pintuan ng Libis; muli nila itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at mga halang niyon, at kinumpuni ang isang libong siko ng pader, hanggang sa Pintuan ng Dumi.
14 Ang Pintuan ng Dumi ay kinumpuni ni Malkia na anak ni Recab, na pinuno ng distrito ng Bet-hacquerim; muli niya itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
15 Ang Pintuan ng Bukal ay kinumpuni ni Shallum na anak ni Colhoze, na pinuno ng distrito ng Mizpa; muli niya itong itinayo at tinakpan, inilagay ang mga pinto, kandado, at mga halang niyon. Kanyang ginawa ang pader ng Tipunan ng Tubig ng Shela sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa lunsod ni David.
16 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Nehemias na anak ni Azbuk, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet-zur, hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tipunan ng tubig na gawa ng tao, at hanggang sa bahay ng mga mandirigma.
Mga Levitang Gumawa sa Pader
17 Kasunod niya ay nagkumpuni ang mga Levita: si Rehum na anak ni Bani. Kasunod niya, si Hashabias na pinuno ng kalahating distrito ng Keila ay nagkumpuni para sa kanyang distrito.
18 Kasunod niya ay nagkumpuni ang kanilang mga kapatid: si Binui na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Keila.
19 Kasunod niya ay kinumpuni ni Eser na anak ni Jeshua, na pinuno ng Mizpa, ang ibang bahagi sa tapat ng gulod sa taguan ng mga sandata sa pagliko.
20 Kasunod niya ay masikap na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabbai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.
21 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Meremot, na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.
Ang mga Paring Gumawa sa Pader
22 Pagkatapos niya ay nagkumpuni ang mga pari, ang mga lalaking mula sa Kapatagan.
23 Pagkatapos nila ay nagkumpuni sina Benjamin at Hashub sa tapat ng kanilang bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maasias, na anak ni Ananias, sa tabi ng kanyang sariling bahay.
24 Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko, at hanggang sa sulok.
25 Si Paal na anak ni Uzai ay nagkumpuni sa tapat ng pagliko, at sa toreng lumalabas mula sa mas mataas na bahay ng hari na nasa tabi ng bulwagan ng bantay. Pagkatapos niya, si Pedaya na anak ni Faros,
26 at ang mga lingkod sa templo na nakatira sa Ofel ay nagkumpuni hanggang sa dakong nasa tapat ng Pintuan ng Tubig sa dakong silangan at sa toreng nakalabas.
27 Kasunod niya ay kinumpuni ng mga Tekoita ang ibang bahagi sa tapat ng malaking tore na nakalabas hanggang sa pader ng Ofel.
28 Sa itaas ng Pintuan ng Kabayo, ang mga pari ay nagkumpuni, bawat isa sa tapat ng kanyang sariling bahay.
29 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Imer sa tapat ng kanyang sariling bahay. Kasunod niya ay nagkumpuni si Shemaya na anak ni Shecanias na bantay sa Silangang Pintuan.
30 Pagkatapos niya ay kinumpuni nina Hananias na anak ni Shelemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaf, ang ibang bahagi. Kasunod nila ay kinumpuni ni Mesulam na anak ni Berequias ang tapat ng kanyang silid.
31 Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Malkia na isa sa mga panday-ginto, hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo at ng mga mangangalakal sa tapat ng Pintuan ng Hamifcad, at sa itaas na silid ng panulukan.
32 At sa pagitan ng itaas na silid ng panulukan at ng Pintuan ng mga Tupa, ang mga panday-ginto at ang mga mangangalakal ay nagkumpuni.
Napagtagumpayan ni Nehemias ang Pagsalungat sa Kanyang Gawain
4 Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio.
2 At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, “Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?”
3 Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, “Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!”
4 Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila.
5 Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa.
6 Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa.
7 Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit.
8 Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon.
9 Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi.
10 Ngunit sinabi ng Juda, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader.”
11 At sinabi ng aming mga kalaban, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain.”
12 Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, “Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin.”
13 Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana.
14 Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.”
15 Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain.
16 Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda,
17 na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata.
18 Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko.
19 Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't-isa.
20 Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsama-sama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin.”
21 Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin.
22 Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, “Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw.”
23 Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay.
Ang Pang-aapi sa mga Dukha
5 Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio.
2 Sapagkat may nagsabi, “Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buháy.”
3 May nagsabi rin, “Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom.”
4 May nagsabi rin, “Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan.
5 Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan.”
6 Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito.
7 Pagkatapos(B) na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, “Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid.” Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila.
8 Sinabi ko sa kanila, “Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!” Sila'y tumahimik at walang masabing anuman.
9 Kaya't sinabi ko, “Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa?
10 Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo.
11 Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila.”
12 Pagkatapos ay sinabi nila, “Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi.” Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila.
13 Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, “Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran.” At ang buong kapulungan ay nagsabi, “Amen” at pinuri ang Panginoon. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako.
Ang Pagiging Di-makasarili ni Nehemias
14 Bukod dito, mula nang panahong ako'y hirangin na maging tagapamahala nila sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawampung taon hanggang sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Haring Artaxerxes, samakatuwid ay labindalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi kumain ng pagkaing panustos para sa tagapamahala.
15 Ang mga dating tagapamahalang nauna sa akin ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa taong-bayan, at kumuha sa kanila ng pagkain at alak, bukod sa apatnapung siklong pilak. Maging ang kanilang mga lingkod ay nagmalupit sa taong-bayan. Ngunit iyon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Diyos.
16 Itinalaga ko ang aking sarili sa gawain sa pader na ito, at hindi bumili ng lupain; at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagtipun-tipon doon para sa gawain.
17 Bukod dito'y nagkaroon sa aking hapag ng isandaan at limampung katao, mga Judio at mga pinuno, bukod sa pumunta sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin.
18 Ang inihahanda sa bawat araw ay isang baka at anim na tupang pinili; ang mga manok ay inihanda rin para sa akin, at bawat sampung araw ay maraming sari-saring alak. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi ako humingi ng pagkaing panustos para sa tagapamahala, dahil sa mabigat na pasanin ng paggawa na nasa taong-bayan.
19 O aking Diyos, alalahanin mo para sa aking ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa para sa bayang ito.
Mga Pakana Laban kay Nehemias
6 Nang maibalita kina Sanballat, Tobias, at Gesem na taga-Arabia, at sa iba pa naming mga kaaway na naitayo ko na ang pader at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman hanggang sa panahong iyon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-bayan),
2 sina Sanballat at Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, “Pumarito ka, magkita tayo sa isa sa mga nayon sa kapatagan ng Ono.” Ngunit nagbabalak silang gawan ako ng masama.
3 At ako'y nagpadala ng mga sugo sa kanila, na nagsasabi, “Ako'y gumagawa ng isang dakilang gawain at hindi ako makakababa. Bakit kailangang itigil ang gawain, habang wala ako upang makababa lamang sa inyo?”
4 At sila'y nagsugo sa akin nang apat na ulit sa ganitong paraan at sinagot ko sila sa gayunding paraan.
5 Sa gayunding paraan isinugo ni Sanballat ang kanyang lingkod sa akin sa ikalimang pagkakataon na may bukas na sulat sa kanyang kamay.
6 Doon ay nakasulat: “Naibalita sa mga bansa, at sinasabi rin ni Gasmu na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik na siyang dahilan kung bakit nagtatayo ka ng pader. At nais mong maging hari nila, ayon sa ulat na ito.
7 At naglagay ka rin ng mga propeta upang magpahayag tungkol sa iyo sa Jerusalem, ‘May isang hari sa Juda.’ At ngayo'y ibabalita ito sa hari ayon sa mga salitang ito. Kaya't pumarito ka ngayon, at mag-usap tayo.”
8 Nang magkagayo'y nagsugo ako sa kanya, na sinasabi, “Walang ganyang mga bagay na gaya ng iyong sinasabi ang ginawa. Kinatha mo lamang ang mga iyan mula sa sarili mong pag-iisip.”
9 Sapagkat ibig nilang lahat na takutin kami, na nag-aakalang, “Hihinto ang mga kamay nila sa paggawa at hindi ito matatapos.” Ngunit ngayon, O Diyos, palakasin mo ang aking mga kamay.
10 Nang ako'y pumaroon sa bahay ni Shemaya na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel na nakulong ay kanyang sinabi, “Tayo'y magtipon sa bahay ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat sila'y darating upang patayin ka. Tiyak, sa gabi ay darating sila upang patayin ka.”
11 Ngunit aking sinabi, “Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? Ang tao bang gaya ko ay papasok sa templo upang iligtas ang buhay? Hindi ako papasok.”
12 At aking napag-alaman at nakita na hindi siya sinugo ng Diyos, kundi kanyang sinabi ang propesiya laban sa akin, sapagkat inupahan siya nina Tobias at Sanballat.
13 Para sa layuning ito ay inupahan siya, upang ako'y matakot at kumilos sa ganitong paraan at magkasala, upang mabigyan nila ako ng isang masamang pangalan at ako'y kanilang tuyain.
14 Alalahanin mo, O aking Diyos, sina Tobias at Sanballat ayon sa mga gawang ito na kanilang ginawa, gayundin ang babaing propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na nagnais na ako'y takutin.
Ang Pagtatapos ng Gawain
15 Sa gayo'y natapos ang pader sa ikadalawampu't limang araw ng buwan ng Elul, sa loob ng limampu't dalawang araw.
16 Nang ito'y mabalitaan ng lahat ng aming mga kaaway, ang lahat ng mga bansang nasa palibot namin ay natakot at napahiya sa kanilang sariling pagmamataas, sapagkat kanilang nabatid na ang gawang ito ay natapos sa tulong ng aming Diyos.
17 Bukod dito, sa mga araw na iyon ay nagpadala ng maraming sulat kay Tobias ang mga maharlika sa Juda at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila.
18 Sapagkat marami sa Juda ang nanumpa sa kanya, sapagkat siya'y manugang ni Shecanias na anak ni Arah; at kinuha ng kanyang anak na si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam na anak ni Berequias upang maging kanyang asawa.
19 Nagsalita rin sila tungkol sa kanyang mabubuting gawa sa harapan ko, at ibinalita ang aking mga sinabi sa kanya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang takutin ako.