Bilang 20:14-25:5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Hindi Pinayagan ng mga taga-Edom na Dumaan ang mga Israelita
14 Habang naroon pa ang mga Israelita sa Kadesh, nagsugo si Moises ng mga mensahero sa hari ng Edom na nagsasabi, “Ito ang mensahe mula sa iyong kamag-anak, ang mamamayan ng Israel: Nalalaman mo ang lahat ng kahirapan na aming napagdaanan. 15 Pumunta ang aming mga ninuno sa Egipto, at matagal silang nanirahan doon. Inapi kami at ang aming mga ninuno ng mga Egipcio, 16 pero humingi kami ng tulong sa Panginoon at pinakinggan niya kami at pinadalhan ng anghel na naglabas sa amin sa Egipto.
“Ngayon, naririto kami sa Kadesh, ang bayan sa tabi ng iyong teritoryo. 17 Kung maaari, payagan mo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan[a] at hindi kami dadaan sa ibang mga daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.”
18 Pero ito ang sagot ng hari ng Edom, “Huwag kayong dadaan dito sa amin. Kung dadaan kayo, sasalakayin namin kayo at papatayin.” 19 Sumagot ang mga Israelita, “Dadaan lang kami sa pangunahing daan; at kung makakainom kami at ang aming mga hayop ng inyong tubig, babayaran namin ito. Dadaan lang kami sa inyo.”
20 Sumagot muli ang hari ng Edom:
“Hindi kayo maaaring dumaan dito!” Pagkatapos, tinipon ng hari ng Edom ang kanyang malalakas na sundalo para makipaglaban sa mga Israelita. 21 Dahil ayaw magpadaan ng mga taga-Edom sa kanilang teritoryo, humanap na lang ang mga Israelita ng ibang madaraanan.
Namatay si Aaron
22 Umalis ang buong mamamayan ng Israel sa Kadesh, at pumunta sa Bundok ng Hor. 23 Doon sa Bundok ng Hor, malapit sa hangganan ng Edom, sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 24 “Dumating na ang panahon Aaron na isasama ka na sa piling ng mga yumao mong ninuno. Hindi ka makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa mga Israelita dahil sumuway kayong dalawa ni Moises sa aking utos doon sa bukal ng Meriba. 25 Ngayon, Moises, dalhin mo si Aaron at ang anak niyang si Eleazar sa Bundok ng Hor. 26 Pagkatapos, hubaran mo si Aaron ng kanyang damit pampari at ipasuot ito sa anak niyang si Eleazar, dahil mamamatay si Aaron doon sa bundok at isasama na sa piling ng mga yumao niyang ninuno.”
27 Sinunod ni Moises ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Umakyat sila sa Bundok ng Hor, habang nakatingin ang buong mamamayan. 28 Pagkatapos, hinubad ni Moises ang damit pampari ni Aaron, at ipinasuot niya ito kay Eleazar. At namatay si Aaron doon sa itaas ng bundok. Pagkatapos, bumaba sila Moises at Eleazar mula sa bundok. 29 Nang malaman ng buong mamamayan na patay na si Aaron, nagluksa sila para sa kanya sa loob ng 30 araw.
Natalo ang mga Cananeo
21 Nang mabalitaan ng Cananeong hari ng Arad na naninirahan sa Negev, na paparating ang mga Israelita na dumadaan sa Atarim, sinalakay niya sila at binihag ang iba sa kanila. 2 Pagkatapos, sumumpa ang mga Israelita sa Panginoon, “Kung ibibigay nʼyo po ang mga taong ito sa aming mga kamay, wawasakin namin nang lubusan ang kanilang mga bayan bilang handog sa inyo.” 3 Pinakinggan ng Panginoon ang pakiusap ng mga Israelita at ibinigay niya sa kanila ang mga Cananeo. Lubusan silang nilipol ng mga Israelita pati ang kanilang mga bayan bilang handog sa Panginoon, kaya tinawag itong lugar ng Horma.
Ang Tansong Ahas
4 Mula sa Bundok ng Hor, naglakbay ang mga Israelita na dumaan sa daan na papunta sa Dagat na Pula para makaikot sila sa lupain ng Edom. Pero nagsawa ang mga tao sa kanilang paglalakbay, 5 kaya nagreklamo sila sa Dios at kay Moises. Sinabi nila, “Bakit ba pinalabas mo pa kami sa Egipto para mamatay lang dito sa disyerto? Walang pagkain at tubig dito! At hindi na kami makakatiis sa nakakasawang ‘manna’ na ito!”
6 Kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga makamandag na ahas at pinagkakagat sila, at marami ang nangamatay sa kanila. 7 Pumunta ang mga tao kay Moises at sinabi, “Nagkasala kami nang magsalita kami laban sa Panginoon at sa iyo. Ipanalangin ninyo sa Panginoon na tanggalin niya sa amin ang mga ahas na ito.” Kaya ipinanalangin ni Moises ang mga tao.
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Gumawa ka ng tansong ahas at ilagay ito sa dulo ng isang tukod. Ang sinumang nakagat ng ahas na titingin sa tansong ahas na ito ay hindi mamamatay.” 9 Kaya gumawa si Moises ng tansong ahas at inilagay niya ito sa dulo ng isang tukod. At ang mga nakagat ng ahas na tumingin sa tansong ahas ay hindi nga namatay.
Ang Paglalakbay Papunta sa Moab
10 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at nagkampo sila sa Obot. 11 Mula sa Obot, naglakbay uli sila at nagkampo sa Iye Abarim, sa disyerto na nasa bandang silangan ng Moab. 12 Mula roon, naglakbay sila at nagkampo sa Lambak ng Zered. 13 At mula sa Zered naglakbay na naman sila at nagkampo sa kabila ng Lambak ng Arnon, na nasa ilang na malapit sa teritoryo ng mga Amoreo. Ang Arnon ang hangganan sa gitna ng lupain ng mga Moabita at lupain ng mga Amoreo. 14 Iyan ang dahilan kung bakit nakasulat sa Aklat ng Pakikipaglaban ng Panginoon ang bayan ng Waheb na sakop ng Sufa, ang mga lambak ng Arnon, 15 pati ang gilid ng mga lambak na umaabot sa bayan ng Ar na nasa hangganan ng Moab.
16 Mula roon sa Arnon, nagpatuloy ang mga Israelita sa Beer, ang balon na kung saan sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tipunin ninyo ang mga tao at bibigyan ko sila ng tubig.” 17 At doon umawit ang mga Israelita ng awit na ito:
Patuloy na magbibigay ng tubig ang balong ito!
Aawit tayo tungkol sa balong ito 18 na ipinahukay ng mga pinuno at mararangal na tao sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan.[b]
Mula sa disyerto nagpunta sila sa Matana; 19 mula sa Matana nagpunta sila sa Nahaliel; mula sa Nahaliel nagpunta sila sa Bamot, 20 at mula sa Bamot nagpunta sila sa lambak ng Moab, na kung saan makikita ang disyerto sa baba ng tuktok ng Pisga.
Natalo si Haring Sihon at si Haring Og(A)
21 Ngayon, nagsugo ng mga mensahero ang Israel kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Ganito ang kanilang mensahe: 22 Kung maaari ay payagan nʼyo kaming dumaan sa inyong lupain. Hindi kami dadaan sa inyong mga bukid, o ubasan o iinom sa inyong mga balon. Dadaan lang kami sa inyong pangunahing daan hanggang sa makalabas kami sa inyong teritoryo.
23 Pero hindi pumayag si Sihon na dumaan ang mga Israelita sa kanyang teritoryo. Sa halip, tinipon niya ang kanyang mga sundalo at nagpunta sila sa disyerto para salakayin ang mga Israelita. Pagdating nila sa Jahaz, nakipaglaban sila sa mga Israelita. 24 Pero pinagpapatay sila ng mga Israelita, at inagaw nila ang kanilang lupain mula sa Arnon papunta sa Ilog ng Jabok. Pero hanggang sa hangganan lang sila ng lupain ng mga Ammonita dahil ang kanilang hangganan ay napapaderan.[c] 25 Kaya naagaw ng mga Israelita ang lahat ng lungsod ng mga Amoreo at tinirhan nila ito, pati ang Heshbon at ang lahat ng baryo na sakop nito. 26 Ang Heshbon ang kabisera ng lungsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Natalo niya noon ang isang hari ng Moab at inagaw niya ang lahat ng lupain nito hanggang sa Arnon. 27 Iyan ang dahilan kung bakit sinasabi ng mga makata na,
“Pumunta kayo sa Heshbon, ang lungsod ni Sihon, at muli nʼyo itong ipatayo. 28 Noon, sumasalakay ang mga sundalo ng Heshbon katulad ng naglalagablab na apoy at lumamon sa bayan ng Ar na sakop ng Moab at sumira sa mataas na lugar ng Arnon. 29 Nakakaawa kayong mga taga-Moab! Bumagsak kayong mga sumasamba sa dios na si Kemosh. Kayo na mga anak niya ay pinabayaan niyang mabihag ni Sihon na hari ng Amoreo. 30 Pero ngayon, bagsak na ang mga Amoreo. Nagiba ang lungsod ng Heshbon, pati ang Dibon, Nofa at Medeba.”
31 Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupain ng mga Amoreo.
32 Pagkatapos, nagpadala si Moises ng mga espiya sa Jazer, at inagaw din nila ito pati ang mga baryo na sakop nito. Pinaalis nila ang mga Amoreo na naninirahan doon. 33 Pagkatapos, nagpunta naman sila sa Bashan, pero sinalakay sila ni Haring Og ng Bashan at ng kanyang buong sundalo roon sa Edrei.
34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Huwag kang matakot sa kanya dahil siguradong ibibigay ko siya sa iyo at ang kanyang mga sundalo sa inyo, pati ang kanyang lupain. Gagawin mo sa kanya ang ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghari sa Heshbon.”
35 Kaya pinagpapatay ng mga Israelita si Og pati ang mga anak niya at ang lahat niyang mamamayan, kaya walang natira sa kanila. At inangkin ng mga Israelita ang lupaing sakop ni Og.
Ipinatawag ni Haring Balak si Balaam
22 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang sa nakarating sila sa kapatagan ng Moab, at nagkampo sila sa silangan ng Ilog ng Jordan, sa harapan ng Jerico.
2 Alam ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor, ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo, 3 at natakot siya at ang mga Moabita dahil sa dami ng mga Israelita.
4 Sinabi ng mga Moabita sa mga tagapamahala ng Midian, “Uubusin talaga tayo ng mga taong ito, tulad ng baka na nanginginain ng mga damo.”
Kaya si Balak na anak ni Zipor, na siyang hari ng Moab nang mga panahong iyon 5 ay nagsugo ng mga mensahero para ipatawag si Balaam na anak ni Beor na naninirahan sa Petor. Sa Petor, malapit sa Ilog ng Eufrates ipinanganak si Balaam. Ito ang mensahe ni Balak:
May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami at naninirahan sila malapit sa amin. 6 Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito dahil mas makapangyarihan sila kaysa sa amin. At baka sakaling matalo ko sila at maitaboy palayo sa aking lupain. Dahil nalalaman ko na ang sinumang isinusumpa mo ay nasusumpa.
7 Kaya naglakbay ang mga tagapamahala ng Moab at Midian na dala ang bayad para kay Balaam. Sinabi nila sa kanya ang sinabi ni Balak. 8 At sinabi ni Balaam sa kanila, “Dito na lang kayo matulog ngayong gabi at sasabihin ko sa inyo bukas kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya roon natulog ang mga pinuno ng Moab.
9 Nagtanong ang Dios kay Balaam, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?” 10 Sumagot si Balaam sa Dios, “Sila po ang mga mensaherong isinugo ni Haring Balak ng Moab, na anak ni Zipor. Ganito ang kanyang mensahe: 11 May mga taong nanggaling sa Egipto at masyado silang marami. Kaya pumunta ka rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin dahil baka matalo ko sila at maitaboy palayo.”
12 Pero sinabi ng Dios kay Balaam, “Huwag kang sasama sa kanila. At huwag mong isusumpa ang mga taong sinasabi nila, dahil pinagpala ko ang mga iyon.”
13 Paggising ni Balaam kinaumagahan, sinabihan niya ang mga pinuno ni Balak, “Umuwi na lang kayo sa inyong bansa dahil hindi pumayag ang Panginoon na sumama ako sa inyo.”
14 Kaya umuwi ang mga pinuno ng Moab at pumunta kay Balak at sinabi, “Ayaw sumama ni Balaam sa amin.”
15 Kaya muling nagpadala si Balak ng mga pinuno na mas marami at mas marangal pa sa nauna. 16 Pumunta sila kay Balaam at sinabi:
“Ito ang ipinapasabi ni Balak na anak ni Zipor: Huwag mong payagan na may humadlang sa pagpunta mo rito. 17 Babayaran kitang mabuti at gagawin ko ang anumang gustuhin mo. Sige na, pumunta ka na rito at sumpain ang mga taong ito para sa akin.”
18 Pero sumagot si Balaam sa kanila, “Kahit na ibigay pa ni Balak sa akin ang palasyo niyang puno ng pilak at ginto, hindi ko magagawang suwayin ang utos ng Panginoon na aking Dios, kahit na sa malaki o maliit lang na bagay. 19 Pero rito na lang muna kayo matulog ngayong gabi katulad ng ginawa ng iba ninyong mga kasama dahil baka may iba pang sabihin ang Panginoon sa akin.”
20 Noong gabing iyon, sinabi ng Dios kay Balaam, “Pumunta rito ang mga taong ito para tawagin ka, sumama ka na lang sa kanila, pero ang mga sasabihin ko lang sa iyo ang gawin mo.”
Ang Asno ni Balaam
21 Kaya kinaumagahan, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab 22 kasama ang kanyang dalawang katulong. Pero habang naglalakbay[d] si Balaam, nagalit ang Panginoon, kaya hinarang siya ng anghel ng Panginoon sa daan. 23 Pagkakita ng asno na nakatayo ang anghel ng Panginoon sa daan na may hawak na espada, lumihis ng daan ang asno at nagpunta sa bukid. Kaya pinalo ito ni Balaam at pinabalik sa daan.
24 Pagkatapos, tumayo ang anghel ng Panginoon sa makitid na daan sa gitna ng dalawang pader ng mga ubasan. 25 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam sa pader kaya pinalo na naman ito ni Balaam.
26 Pagkatapos, lumakad sa unahan ang anghel ng Panginoon at tumayo sa mas makitid na daan na hindi na talaga makakadaan kahit sa magkabilang gilid. 27 Pagkakita ng asno sa anghel ng Panginoon, tumumba na lang ito at nagalit si Balaam, at pinalo na naman niya ito ng kanyang baston. 28 Pagkatapos, pinagsalita ng Panginoon ang asno, at sinabi niya kay Balaam, “Ano ba ang nagawa ko sa iyo para paluin mo ako ng tatlong beses?” 29 Sumagot si Balaam sa asno, “Ginawa mo akong parang luku-luko. Kung may espada lang ako, papatayin kita ngayon din.” 30 Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi baʼt ako ang asnong palagi mong sinasakyan? Umasal ba ako dati nang gaya nito?” Sumagot si Balaam, “Hindi.”
31 Pagkatapos, ipinakita ng Panginoon kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan na may hawak na espada. Kaya nagpatirapa si Balaam.
32 Nagtanong sa kanya ang anghel ng Panginoon, “Bakit mo ba pinalo ang asno mo ng tatlong beses? Nandito ako para harangan ka dahil masama sa aking paningin ang inasal mo. 33 Nakita ako ng iyong asno at umiwas siya sa akin ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, pinatay na sana kita at pinabayaang mabuhay ang iyong asno.”
34 Sinabi ni Balaam sa anghel ng Panginoon, “Nagkasala po ako! Hindi ko alam na nakatayo pala kayo riyan sa daan para humarang sa akin. Kung masama para sa inyong magpatuloy ako, uuwi na lang po ako.”
35 Sinabi ng anghel ng Panginoon kay Balaam, “Sasama ka sa mga taong iyon, pero sabihin mo lang sa kanila ang mga sasabihin ko sa iyo.” Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak.
36 Nang malaman ni Balak na paparating si Balaam, sumalubong siya roon sa isang bayan ng Moab malapit sa Arnon, sa hangganan ng kanyang teritoryo.
37 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Hindi baʼt dali-dali kitang ipinatawag? Bakit hindi ka kaagad nagpunta? Iniisip mo ba na hindi kita babayaran?” 38 Sumagot si Balaam, “Nandito na ako. Pero sasabihin ko lang sa iyo kung ano ang ipinapasabi ng Dios sa akin.”
39 Pagkatapos, sumama si Balaam kay Balak sa Kiriat Huzot. 40 At naghandog doon si Balak ng baka at tupa. Ibinigay niya ang ibang mga karne kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. 41 Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa Bamot Baal at doon nakita niya sa ibaba ang buong[e] mamamayan ng Israel.
Ang Unang Mensahe ni Balaam
23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong matandang lalaking tupa.” 2 Sinunod ni Balak ang sinabi ni Balaam, at silang dalawa ang naghandog ng toro at ng lalaking tupa sa bawat altar. 3 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog dahil aalis ako. Baka makipagkita ang Panginoon sa akin. Sasabihin ko na lang sa iyo kung ano ang sasabihin niya sa akin.” Kaya umakyat siya sa itaas ng burol.
4 Nakipagkita ang Panginoon sa kanya at sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar, at sa bawat altar ay naghandog ako ng isang batang toro at tupa.”
5 Binigyan ng Panginoon si Balaam ng mensahe at sinabi, “Bumalik ka kay Balak at sabihin sa kanya ang mensaheng ito.” 6 Kaya bumalik si Balaam, at nakita niya si Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang mga handog, kasama ng lahat ng pinuno ng Moab. 7 Pagkatapos, sinabi ni Balaam,
“Ipinatawag mo ako, Haring Balak ng Moab, mula sa Aram, sa kabundukan sa silangan. Sinabi mo sa akin, ‘Dali, sumpain mo ang mga lahi ni Jacob para sa akin. Sumpain sila na mga mamamayan ng Israel.’ 8 Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Dios? Paano ko susumpain ang mga taong hindi isinusumpa ng Panginoon? 9 Mula sa itaas ng bundok, nakita ko sila. Nabubuhay sila nang sila lang, na nakabukod sa ibang mga bansa. 10 Sino ba ang may kayang bumilang sa kanilang dami na tulad ng buhangin sa tabing-dagat? Mamatay sana ako na tulad ng matuwid na mga mamamayan ng Dios.”
11 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Ano itong ginawa mo sa akin? Dinala kita rito para sumpain ang aking mga kaaway pero ang ginawa mo, binasbasan mo pa sila!” 12 Sumagot si Balaam, “Kailangang sabihin ko ang sinabi ng Panginoon sa akin.”
Ang Ikalawang Mensahe ni Balaam
13 Pagkatapos, sinabi ni Balak sa kanya, “Sumama ka sa akin sa isa pang lugar na kung saan makikita mo ang iba pang mga mamamayan ng Israel, pero hindi ang lahat. At doon, sumpain mo sila.” 14 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa isang bukid sa Zofim, sa ibabaw ng bundok ng Pisga, at doon nagpatayo sila ng pitong altar at naghandog ng pitong baka at pitong lalaking tupa, isa sa bawat altar.
15 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Dito ka lang sa tabi ng iyong handog habang nakikipagkita ako sa Panginoon diyan sa unahan.”
16 Nakipagkita ang Panginoon kay Balaam at binigyan niya siya ng mensahe. At sinabi niya, “Bumalik ka kay Balak at sabihin mo sa kanya ang mensaheng ito.”
17 Kaya nagbalik si Balaam kay Balak, at nakita niya siya na nakatayo sa tabi ng kanyang handog, kasama ng mga pinuno ng Moab. Nagtanong si Balak kay Balaam, “Ano ang sinabi ng Panginoon sa iyo?”
18 Sinabi ni Balaam, “Dali, Balak na anak ni Zipor, at pakinggan mo ako. 19 Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, o magbabago ng kanyang isip. Nagsasabi ba siya ng hindi niya ginagawa? Nangangako ba siya ng hindi niya tinutupad? 20 Inutusan niya akong magbasbas, at kapag nabasbasan na niya, hindi ko na ito mababawi pa. 21 Wala akong nakitang kapahamakan o kaguluhan na dadating sa Israel. Kasama nila ang Panginoon na kanilang Dios; kinikilala nila siya na kanilang hari. 22 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; tulad siya ng isang malakas na toro para sa kanila. 23 Walang manghuhula o mangkukulam na makakasakit sa kanila. Kaya sasabihin ng mga tao tungkol sa Israel, ‘Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Dios sa Israel. 24 Tulad ng isang leong handang sumalakay ang mamamayang ito at hindi nagpapahinga hanggang sa malamon niya ang kanyang biktima at mainom ang dugo nito.’ ”
25 Pagkatapos, sinabi ni Balak kay Balaam, “Kung hindi mo sila susumpain, huwag mo silang pagpapalain!” 26 Sumagot si Balaam, “Hindi baʼt sinabihan na kita na kailangang gawin ko kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin?”
Ang Ikatlong Mensahe ni Balaam
27 Muling sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika, dadalhin kita sa ibang lugar. Baka roon, pumayag na ang Dios na sumpain mo ang Israel para sa akin.” 28 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa ibabaw ng Bundok ng Peor, kung saan nakikita ang disyerto sa ibaba. 29 Sinabi ni Balaam, “Pagawan mo ako rito ng pitong altar at maghanda ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa para sa akin.” 30 Kaya ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog siya ng isang baka at isang tupa sa bawat altar.
24 Samantala, nang mapag-isip-isip ni Balaam na gusto ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi na siya nangkulam katulad ng ginawa niya noong una. Sa halip, humarap siya sa disyerto 2 at nakita niya ang mga Israelita na nagkakampo ayon sa kani-kanilang lahi. Pagkatapos, pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, 3 at sinabi niya, “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[f] 4 Narinig ko ang salita ng Dios, at nakakita ako ng isang pangitain na mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako at nagpahayag siya sa akin.[g] Ito ang aking mensahe:
5 ‘Anong ganda ng mga toldang tinitirhan ng mga mamamayan ng Israel na mga lahi ni Jacob.
6 Katulad ito ng mga nakalinyang palma, o ng mga tanim sa tabi ng ilog.
Katulad din ito ng puno ng aloe na itinanim ng Panginoon, o ng mga puno ng sedro sa tabi ng tubig.
7 Umaapaw ang mga tubig sa kanilang mga lalagyan, at nagtatanim sila ng buto sa mga lupang sagana sa tubig.
Ang kanilang hari ay magiging mas makapangyarihan kaysa kay Agag na hari ng Amalekita, at ang kanilang kaharian ay magiging tanyag.
8 Inilabas sila ng Dios sa Egipto; para sa kanila, katulad siya ng isang malakas na toro.
Lulupigin nila ang kanilang mga kaaway; tutuhugin sa tulis ng pana at dudurugin ang kanilang mga buto.
9 Katulad sila ng mga leon na kapag nakatulog na ay wala nang mangangahas pang gumising sa kanila.
Pagpapalain ang mga nagpapala sa kanila at susumpain ang mga sumusumpa sa kanila.’ ”
10 Dahil dito, matindi ang galit ni Balak kay Balaam. Isinuntok niya ang kanyang kamao sa kanyang palad at sinabi, “Ipinatawag kita para sumpain ang aking mga kaaway, pero binasbasan mo pa sila ng tatlong beses. 11 Umuwi ka na lang! Nangako ako sa iyong babayaran kita ng malaking halaga, pero hindi pumayag ang Panginoon na matanggap mo ang bayad.” 12 Sumagot si Balaam kay Balak, “Hindi baʼt sinabihan ko ang iyong mga mensahero, 13 na kahit ibigay mo pa sa akin ang iyong palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako makakagawa ng sarili kong kagustuhan, masama man ito o mabuti. Kung ano ang sinasabi ng Panginoon sa akin, iyon lang ang aking sasabihin. 14 Uuwi ako ngayon din sa aking mga kababayan, pero bago ako umalis, paaalalahanan muna kita kung ano ang gagawin ng mga Israelitang ito sa iyong mga mamamayan balang araw.”
Ang Ikaapat na Mensahe ni Balaam
15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam ang mensaheng ito: “Ako si Balaam na anak ni Beor, at may malinaw akong pang-unawa.[h] 16 Narinig ko ang salita ng Kataas-taasang Dios, at nakakita ako ng pangitain mula sa Makapangyarihang Dios. Nagpatirapa ako sa kanya at nagpahayag siya sa akin.[i] Ito ang aking mensahe:
17 “May nakita ako sa aking pangitain na hindi pa nangyayari. Sa hinaharap, mamamahala ang isang hari[j] sa Israel mula sa lahi ni Jacob. Ibabagsak niya ang mga Moabita at ang lahat ng lahi ni Set. 18 Sasakupin niya ang Edom na kanyang kaaway, na tinatawag din na Seir, habang tumatatag ang Israel. 19 Mamumuno ang isang pinuno sa Israel[k] at ibabagsak niya ang mga natirang buhay sa lungsod ng Moab.”
Ang Huling Mensahe ni Balaam
20 Pagkatapos, nakita ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Amalekita at sinabi niya, “Ang Amalek noon ang nangunguna sa mga bansa, pero sa huli, babagsak ito.”
21 Pagkatapos, nakita na naman ni Balaam sa kanyang pangitain ang mga Keneo at sinabi niya, “Matatag ang inyong tinitirhan, dahil nakapatong ito sa mga bato 22 pero babagsak kayo kapag binihag kayo ng Asiria.”
23 At sinabi pa ni Balaam ang mensaheng ito, “Kahabag-habag, sino ba ang mabubuhay kung gagawin ito ng Dios? 24 Darating ang mga barko mula sa Kitim at sasakupin nila ang mga mamamayan ng Asiria at ng Eber, pero babagsak din ang Kitim.”
25 Pagkatapos, umuwi si Balaam at ganoon din si Balak.
Sumamba ang mga Israelita kay Baal
25 Habang nagkakampo ang mga Israelita sa Shitim, nakipagtalik ang mga lalaki sa mga babaeng Moabita. 2 Hinikayat sila ng mga babaeng ito sa paghahandog sa mga dios-diosan, at kumain sila ng mga handog na ito at sumamba sa mga dios-diosan ng Peor. 3 Kaya nahikayat ang mga Israelita sa pagsamba kay Baal ng Peor. Kaya nagalit nang matindi ang Panginoon sa kanila.
4 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang lahat ng pinuno ng mga taong ito, at patayin sila sa aking presensya habang nakatingin ang mga tao, para mawala na ang matindi kong galit sa Israel.” 5 Kaya sinabi ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Kailangang patayin ninyo ang mga taong sumamba kay Baal ng Peor.”
Footnotes
- 20:17 pangunahing daan: sa literal, daanan ng hari.
- 21:18 kapangyarihan: sa literal, mga baston at setro.
- 21:24 ang kanilang … napapaderan: sa Septuagint, Jazer ang tawag sa kanilang hangganan.
- 22:22 habang naglalakbay: o, dahil umalis.
- 22:41 buong: o, ibang.
- 24:3 pang-unawa: sa literal, paningin.
- 24:4 nagpahayag siya sa akin: sa literal, binuksan ang aking mga mata.
- 24:15 pang-unawa: Tingnan ang “footnote” sa 24:3.
- 24:16 nagpahayag siya sa akin: Tingnan ang “footnote” sa 24:4.
- 24:17 mamamahala ang isang hari: sa literal, may lilitaw na bituin, may lalabas na setro ng hari.
- 24:19 Israel: sa literal, Jacob.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®