Add parallel Print Page Options

16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.

22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari.

Read full chapter