Add parallel Print Page Options

Ang mga Itinuturing na Marumi

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo.

Ang Pagbabayad sa Nagawang Masama

Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. 10 Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.”

Ang Tuntunin tungkol sa Pagtataksil at Pagseselos

11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, 13 nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, 14 o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, 15 ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan.

16 “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. 17 Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. 18 Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. 19 Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. 20 Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, 21 paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. 22 Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’

“Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’

23 “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, 24 at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. 25 Pagkatapos, ang handog na harinang hawak pa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. 26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. 27 Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. 28 Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak.

29 “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, 30 o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. 31 Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.”

Ang Tuntunin sa Pagtatalaga Bilang Nazareo

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo, huwag(B) siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas. Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas.

“Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh. Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay, kahit ito'y kanyang ama, ina o kapatid. Hindi siya dapat gumawa ng anumang makapagpaparumi ayon sa Kautusan, sapagkat ipinapakita ng kanyang buhok na siya'y isang Nazareo. Pananatilihin niyang malinis ang kanyang sarili sa buong panahon ng kanyang panata.

“Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan. 10 Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok. 12 Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan.

13 “Ito(C) naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan 14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. 15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.

16 “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. 17 Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. 18 Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.

19 “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. 20 Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak.

21 “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.”

Ang Pagbebendisyon ng mga Pari

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita:

24 Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh;
25 kahabagan ka nawa at subaybayan ni Yahweh;
26 lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh.

27 “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.”

Ang mga Handog sa Pagtatalaga sa Altar

Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito.

10 Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. 11 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Ganito ang pagkakasunud-sunod ng kanilang paghahandog:

ArawLipiPinuno ng Lipi
Unang arawJudaNaason-anak ni Aminadab
Ika-2 arawIsacarNathanael-anak ni Zuar
Ika-3 arawZebulunEliab-anak ni Helon
Ika-4 na arawRubenElizur-anak ni Sedeur
Ika-5 arawSimeonSelumiel-anak ni Zurisadai
Ika-6 na arawGadEliasaf-anak ni Deuel
Ika-7 arawEfraimElisama-anak ni Amiud
Ika-8 arawManasesGamaliel-anak ni Pedazur
Ika-9 na arawBenjaminAbidan-anak ni Gideoni
Ika-10 arawDanAhiezer-anak ni Amisadai
Ika-11 arawAsherPagiel-anak ni Ocran
Ika-12 arawNeftaliAhira-anak ni Enan

Ang mga handog na kanilang inalay kay Yahweh ay magkakapareho: isang malaking platong pilak na tumitimbang ng isa't kalahating kilo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng 800 gramo ayon sa opisyal na timbang. Ang malaking plato at ang mangkok ay parehong puno ng harinang hinaluan ng langis bilang handog na pagkaing butil; isang gintong platito na tumitimbang ng 110 gramo at puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, at isang batang tupa na isang taóng gulang bilang mga handog na susunugin; isang kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; dalawang toro, limang tupa, limang kambing, at limang batang tupa na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan.

84-88 Ito ang kabuuang handog ng mga pinuno ng Israel nang italaga ang altar:

Labindalawang malaking platong pilak at labindalawang mangkok na pilak na ang kabuuang timbang lahat-lahat ay 27.6 kilo.

Labindalawang platitong ginto na ang kabuuang timbang ay 1,320 gramo. Ang mga ito'y puno ng insenso.

Labindalawang toro, labindalawang tupang barako, at labindalawang kordero na tig-iisang taóng gulang, kasama na ang mga handog na pagkaing butil. Ang lahat ng ito'y para sa mga pagkaing handog.

Labindalawang kambing bilang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan.

Dalawampu't apat na toro, animnapung tupang barako, animnapung kambing, animnapung kordero na tig-iisang taóng gulang. Ang lahat ng ito'y bilang mga handog pangkapayapaan.

89 Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan.

Ang Pag-aayos ng mga Ilaw sa Toldang Tipanan

Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh.

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(E) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Ang Itatagal ng Panunungkulan ng mga Levita

23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 24 “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. 25 Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. 26 Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.”