Mga Kawikaan 11-14
Magandang Balita Biblia
11 Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya,
ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama.
2 Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan,
ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan.
3 Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan,
ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan.
4 Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan,
ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan.
5 Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay,
ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan.
6 Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya,
ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa.
7 Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw,
ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan.
8 Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag,
ngunit ang masama ay doon bumabagsak.
9 Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira,
ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak,
ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak.
11 Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag,
ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak.
12 Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa,
ngunit laging tahimik ang taong may unawa.
13 Walang maitatago sa bibig ng madaldal,
ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan.
14 Sa(A) kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak,
ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak.
15 Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak,
ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag.
16 Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan,
ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan.
Lagi sa kahirapan ang taong tamad,[a]
ngunit masagana ang buhay ng isang masipag.
17 Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan,
ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay.
18 Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan,
ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay.
19 Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay,
ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan.
20 Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam,
ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan.
21 Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan,
ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran.
22 Ang magandang babae ngunit mangmang naman,
ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan,
ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan.
24 Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman,
ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay.
25 Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay,
at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan.
26 Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil,
ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain.
27 Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang,
kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan.
28 Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman,
ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman.
29 Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan,
mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay.
Ang taong mangmang at walang nalalaman,
ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay.
30 Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay,
at kamatayan naman ang hatid ng karahasan.[b]
31 Ang(B) matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa,
ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama!
12 Ang(C) taong may unawa ay tumatanggap ng payo,
ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo.
2 Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid,
ngunit sa masasama siya ay nagagalit.
3 Ang makasalanan ay hindi mapapanatag,
ngunit ang matuwid ay hindi matitinag.
4 Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa,
ngunit kanser sa buto ang masamang asawa.
5 Ang taong matuwid ay mabuting makiharap,
ngunit ang masama ay bihira lang magtapat.
6 Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama,
ngunit ang salita ng matuwid ay nagliligtas sa kapwa.
7 Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik,
ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig.
8 Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan,
ngunit ang aanihin ng masama ay pagkutya lang.
9 Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak,
kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa gutom nakasadlak.
10 Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait,
ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik.
11 Ang taong masipag ay sagana sa lahat,
ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat.
12 Ang nais ng masama ay puro kasamaan,
ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw.
13 Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig,
ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig.
14 Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita,
bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala.
15 Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama,
ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa.
16 Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata,
ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya.
17 Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan,
ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan.
18 Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin,
ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling.
19 Ang tapat na labi ay mananatili kailanman,
ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal.
20 Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan,
ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan.
21 Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid,
ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig.
22 Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling,
ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw.
23 Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino,
ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao.
24 Balang araw ang masikap ang mamamahala,
ngunit ang tamad ay mananatiling alila.
25 Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan,
ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan.
26 Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay,
ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw.
27 Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad,
ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap.
28 Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay,
ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan.
13 Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama,
ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya.
2 Natatamo ng mabuti ang bunga ng kanyang kabaitan,
ngunit ang ninanasa ng masama ay puro karahasan.
3 Ang(D) maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay,
ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan.
4 Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad,
ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap.
5 Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan,
ngunit ang salita ng masama ay nakakahiyang pakinggan.
6 Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang katuwiran,
ngunit ang masama'y ipinapahamak ng likong pamumuhay.
7 May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman,
ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman.
8 Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay,
ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala.
9 Ang matuwid ay tulad ng maningning na ilaw,
ngunit ang masama ay lamparang namamatay.
10 Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan,
ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan.
11 Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala,
ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
12 Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban,
ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan.
13 Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan,
ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay,
ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan.
15 Ang katalinuhan ay umaani ng paggalang,
ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan.
16 Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa,
sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa.
17 Ang masamang tagapagbalita ay lumilikha ng kaguluhan,
ngunit ang mabuting tagapamagitan ay lumulutas ng alitan.
18 Kahihiyan ang kasasadlakan ng hindi nakikinig sa saway,
ngunit ang tumatanggap ng payo ay mag-aani ng karangalan.
19 Ang pangarap na natupad ay may dulot na ligaya,
ngunit ayaw iwan ng masama ang kasamaan niya.
20 Ang(E) nakikisama sa may unawa ay magiging matalino,
ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo.
21 Ang hinaharap ng masama ay kahirapan sa buhay,
ngunit sagana ang pagpapalang sa matuwid ay naghihintay.
22 Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan,
at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan.
23 Ang bukid ng mahihirap, may pangakong kasaganaan,
ngunit ito'y nasasayang dahil sa kawalan ng katarungan.
24 Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina,
anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang.
25 Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan,
ngunit ang masama ay palagi namang nagkukulang.
14 Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay,
ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan.
2 Ang gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran,
ngunit ang nagwawalang-bahala sa kanya ay nasa likong daan.
3 Ang bawat salita ng mangmang ay may katumbas na parusa,
kaya ang matalino'y nag-iingat sa mga salita niya.
4 Kung saan walang baka, ang kamalig ay walang laman,
datapwat sa maraming baka, sagana ang anihan.
5 Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling,
ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling.
6 Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto,
ngunit madaling maturuan ang taong may talino.
7 Iwasan mong makisama sa mga taong mangmang,
pagkat sa kanila ay wala kang mapupulot na kaalaman.
8 Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa,
ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa.
9 Kinukutya ng mga hangal ang handog na pambayad sa kasalanan,
ngunit nalalasap ng matuwid ang mabuting kalooban.
10 Walang makikihati sa kabiguan ng tao,
gayon din naman sa ligayang nadarama nito.
11 Ang bahay ng masama ay sadyang mawawasak,
ngunit ang tolda ng matuwid ay hindi babagsak.
12 May(F) daang matuwid sa tingin ng tao,
ngunit kamatayan ang dulo nito.
13 Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan,
ngunit ang kaligayaha'y maaaring magwakas sa panambitan.
14 Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay,
ngunit ang gawa ng matuwid ay gagantimpalaan.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan,
ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan.
16 Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan,
ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan.
17 Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat,
ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat.
18 Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan,
ngunit ang matalino'y nagkakamit ng karunungan.
19 Ang makasalanan ay gumagalang sa mabuting tao,
at makikiusap na siya'y tulungan nito.
20 Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikuran,
ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama,
ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa.
22 Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak,
ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y pagkakatiwalaan at igagalang.
23 Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang,
ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan.
24 Ang putong ng matalino ay ang kanyang karunungan,
ang kuwintas ng mangmang ay ang kanyang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay,
ngunit ang salita ng sinungaling ay pawang kataksilan.
26 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan,
may hatid na katatagan sa buong sambahayan.
27 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay,
at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan.
28 Ang karangalan ng hari ay nasa dami ng nasasakupan,
ngunit walang kabuluhan ang pinunong walang tauhan.
29 Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan,
ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan.
30 Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay,
ngunit ang kapusukan ay nagbibigay ng kapahamakan.
31 Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal,
ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan.
32 Ang masama ay ibinabagsak ng sariling kasamaan,
ngunit ang kanlungan ng matuwid ay ang kanyang kabutihan.[c]
33 Sa isip ng may unawa ang nananahan ay karunungan,
ngunit ang mangmang ay walang kaalaman.
34 Ang katuwiran ay nagpapadakila sa isang bayan,
ngunit ang kasalanan naman ay nagdudulot ng kahihiyan.
35 Sa matalinong alipin, ang amo ay nalulugod,
ngunit sa utusang walang isip siya ay napopoot.
Footnotes
- Mga Kawikaan 11:16 ngunit ang walang dangal…tamad: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Mga Kawikaan 11:30 karahasan: Sa ibang manuskrito'y matalino .
- Mga Kawikaan 14:32 kabutihan: Sa ibang manuskrito'y kamatayan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.