Add parallel Print Page Options

96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
    umawit sa Panginoon ang buong lupa.
Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
    ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
    ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
    siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
    nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.

Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
    ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
    magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
    manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
    Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
    hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
    umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12     maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13     sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
    sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
    at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.

Ang Diyos na Pinakamataas na Pinuno

97 Ang Panginoon ay naghahari! Magalak ang lupa;
    ang maraming pulo ay matuwa nawa!
Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman;
    ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan.
Apoy ang nasa unahan niya,
    at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot.
Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan;
    nakikita ng lupa at ito'y nayayanig.
Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng Panginoon,
    sa harapan ng Panginoon ng buong lupa.
Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran,
    at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian.
Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan,
    na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan;
    lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya.
Narinig ng Zion at siya'y natuwa,
    at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak,
    dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos.
Sapagkat ikaw, O Panginoon, ay kataas-taasan sa buong lupa;
    ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos.

10 Kayong nagmamahal sa Panginoon, kamuhian ninyo ang kasamaan,
    ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan;
    kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan.
11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid;
    at ang kagalakan para sa may matuwid na puso.
12 Magalak kayo sa Panginoon, kayong mga matuwid;
    at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan.

Isang Awit.

98 O umawit kayo sa Panginoon ng bagong awit;
    sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay.
Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig
    ay nagbigay sa kanya ng tagumpay.
Ipinakilala ng Panginoon ang kanyang tagumpay,
    ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran.
Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan
    sa sambahayan ng Israel;
Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa
    ang kaligtasan ng aming Diyos.

Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa Panginoon,
    magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri!
Magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon sa pamamagitan ng lira;
    ng lira at ng tunog ng himig!
Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli,
    sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang Panginoon!

Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon;
    ang sanlibutan at ang naninirahan doon!
Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay;
    sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y darating
    upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan,
    at ng katarungan ang mga bayan.

99 Ang(B) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(C) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!