Mga Awit 134-137
Magandang Balita Biblia
Paanyaya Upang Purihin ang Diyos
Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.
134 Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri,
mga naglilingkod sa templo kung gabi.
2 Sa loob ng templo siya'y dalanginan,
taas kamay na si Yahweh'y papurihan.
3 Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa;
magmula sa Zion, ang iyong pagpapala.
Awit ng Pagpupuri
135 Purihin si Yahweh!
Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
2 Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
4 Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.
5 Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
6 anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
7 Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.
8 Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
9 Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagpapasalamat
136 Purihin(B) si Yahweh sa kanyang kabutihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
2 Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
4 Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
5 Itong(C) kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
6 Nilikha(D) ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
7 Siya(E) ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
8 Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
9 At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
10 Ang(F) mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
11 Mula(G) sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
12 Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
13 Ang(H) Dagat na Pula,[a] kanyang inutusan at nahati naman.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
14 Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
15 Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
16 Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
17 Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
18 Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
19 Siya(I) ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
20 Siya(J) rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
21 Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
22 Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
23 Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
24 Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
25 Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
26 Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan.
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!
Panaghoy ng mga Israelitang Dinalang-bihag
137 Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia,
kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala.
2 Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila,
isinabit namin doon, yaong dala naming lira.
3 Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig,
na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig,
tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit.
4 Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin,
samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin?
5 Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin,
kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem;
6 di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin
sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin,
kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin.
7 Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita,
nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha;
sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya:
“Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!”
8 Tandaan(K) mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin,
dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin;
yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing
9 kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin!
Footnotes
- Mga Awit 136:13 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.