Awit 50-55
Ang Dating Biblia (1905)
50 Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon.
2 Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios.
3 Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya.
4 Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan:
5 Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain.
6 At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah)
7 Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita; Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo: Ako'y Dios, iyong Dios.
8 Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain; at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko.
9 Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan.
10 Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin.
12 Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito.
13 Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing?
14 Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat: at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan:
15 At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan; ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako.
16 Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya.
19 Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan.
20 Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo: nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata.
22 Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas:
23 Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios.
51 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.
2 Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.
3 Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.
4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.
5 Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,
6 Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.
7 Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.
8 Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.
9 Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.
10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.
11 Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.
12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu.
13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad; at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.
14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.
15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi; at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.
16 Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita: wala kang kaluguran sa handog na susunugin.
17 Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.
18 Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion: itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.
19 Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo: kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.
52 Bakit ka naghahambog sa kasamaan, Oh makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Dios ay palagi.
2 Ang dila mo'y kumakatha ng totoong masama; gaya ng matalas na pangahit, na gumagawang may karayaan.
3 Iniibig mo ang kasamaan ng higit kay sa kabutihan; at ang pagsisinungaling kay sa pagsasalita ng katuwiran. (Selah)
4 Iniibig mo ang lahat na mananakmal na salita, Oh ikaw na magdarayang dila.
5 Ilulugmok ka ring gayon ng Dios magpakailan man, itataas ka niya, at ilalabas ka sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng may buhay. (Selah)
6 Makikita naman ng matuwid, at matatakot, at tatawa sa kaniya, na magsasabi,
7 Narito, ito ang tao na hindi ginawang kaniyang katibayan, ang Dios; kundi tumiwala sa kasaganaan ng kaniyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kaniyang kasamaan.
8 Nguni't tungkol sa akin, ay gaya ako ng sariwang punong kahoy ng olibo sa bahay ng Dios: tumitiwala ako sa kagandahang-loob ng Dios magpakailan-kailan man.
9 Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man, sapagka't iyong ginawa: at ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagka't mabuti, sa harapan ng iyong mga banal.
53 Ang mangmang ay nagsabi sa puso niya, Walang Dios. Nangapahamak sila, at nagsigawa ng kasuklamsuklam na kasamaan; walang gumawa ng mabuti.
2 Tinunghan ng Dios ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tignan kung may sinomang nakakaunawa, na humanap sa Dios.
3 Bawa't isa sa kanila ay tumalikod: sila'y magkakasamang naging mahahalay; walang gumawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
4 Wala bang kaalaman ang mga manggagawa ng kasamaan? na siyang kumakain ng aking bayan na tila kumakain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Dios.
5 Doo'y nangapasa malaking katakutan sila na hindi kinaroroonan ng takot: sapagka't pinangalat ng Dios ang mga buto niya na humahantong laban sa iyo; iyong inilagay sila sa kahihiyan, sapagka't itinakuwil sila ng Dios.
6 Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay lumabas sa Sion. Pagka ibabalik ng Dios ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob at matutuwa ang Israel.
54 Iligtas mo ako, Oh Dios, sa pamamagitan ng iyong pangalan. At hatulan mo ako sa iyong kapangyarihan.
2 Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig.
3 Sapagka't ang mga tagaibang lupa ay nagsibangon laban sa akin, at ang mga mangdadahas na tao ay nagsisiusig ng aking kaluluwa: hindi nila inilagay ang Dios sa harap nila. (Selah)
4 Narito, ang Dios ay aking katulong: ang Panginoon ay sa kanila na nagsisialalay ng aking kaluluwa.
5 Kaniyang ibabalik ang kasamaan sa aking mga kaaway: gibain mo sila sa iyong katotohanan.
6 Ako'y maghahain sa iyo ng kusang handog: ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, Oh Panginoon, sapagka't mabuti.
7 Sapagka't iniligtas niya ako sa lahat ng kabagabagan; at nakita ng aking mata ang aking nasa sa aking mga kaaway.
55 Dinggin mo ang aking dalangin, Oh Dios; at huwag kang magkubli sa aking pananaing.
2 Pakinggan mo ako, at iyong sagutin ako: ako'y walang katiwasayan sa aking pagdaramdam, at ako'y dumadaing;
3 Dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagpighati ng masama; sapagka't sila'y naghagis ng kasamaan sa akin, at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam na mainam sa loob ko: at ang mga kakilabutan ng kamatayan ay nahulog sa akin.
5 Katakutan at panginginig ay dumating sa akin, at tinakpan ako ng kakilabutan.
6 At aking sinabi, Oh kung ako'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad nga ako, at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, ako'y titigil sa ilang. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling sisilong mula sa malakas na hangin at bagyo.
9 Ipahamak mo, Oh Panginoon, at guluhin mo ang kanilang wika: sapagka't ako'y nakakita ng pangdadahas at pagaaway sa bayan.
10 Araw at gabi ay nagsisiligid sila sa mga kuta niyaon: kasamaan man at kahirapan ay nangasa gitna rin niyaon.
11 Kasamaan ay nasa gitna niyaon; ang pagpighati at pagdaraya ay hindi humihiwalay sa kaniyang mga lansangan.
12 Sapagka't hindi kaaway ang dumuwahagi sa akin; akin nga sanang nabata: ni hindi rin ang nagtatanim sa akin ang nagmamalaki laban sa akin; nagtago nga sana ako sa kaniya:
13 Kundi ikaw, lalake na kagaya ko, aking kasama at aking kaibigang matalik.
14 Tayo ay maligayang nagpapayuhang magkasama, tayo'y lumalakad na magkaakbay sa bahay ng Dios.
15 Dumating nawang bigla sa kanila ang kamatayan, mababa nawa silang buhay sa Sheol: sapagka't kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin, ay tatawag ako sa Dios; at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at sa umaga, at sa katanghaliang tapat, ako'y dadaing at hihibik: at kaniyang didinggin ang aking tinig.
18 Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa kapayapaan mula sa pagbabaka laban sa akin: Sapagka't sila'y marami na nakikipaglaban sa akin.
19 Didinggin ng Dios, at paghihigantihan sila, siyang tumatahan ng una. (Selah)
20 Kaniyang iniunat ang kaniyang mga kamay laban sa gayon na nasa kapayapaan sa kaniya: kaniyang nilapastangan ang kaniyang tipan.
21 Ang kaniyang bibig ay malambot na parang mantekilya: nguni't ang kaniyang puso ay pakikidigma: ang kaniyang mga salita ay lalong mabanayad kay sa langis, gayon ma'y mga bunot na tabak.
22 Ilagay mo ang iyong pasan sa Panginoon, at kaniyang aalalayan ka: hindi niya titiising makilos kailan man ang matuwid.
23 Nguni't ikaw, Oh Dios, ibababa mo sila sa hukay ng kapahamakan: mga mabagsik at magdarayang tao ay hindi darating sa kalahati ng kanilang mga kaarawan; nguni't titiwala ako sa iyo.