Pahayag 19:6-10
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
6 Pagkatapos(A) ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! 7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. 8 Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
9 At(B) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”
10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.”
Read full chapter