Add parallel Print Page Options

Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.

Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2 ako: Sa ibang manuskrito’y kayo .