Roma 9:30-10:4
Magandang Balita Biblia
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. 31 Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. 32 Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, 33 tulad(A) ng nasusulat,
“Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran,
isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal.
Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.”
10 Mga kapatid, ang pinakananais ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. 2 Sapagkat saksi ako na sila'y masigasig na maging kalugud-lugod sa Diyos. Hindi nga lamang batay sa tamang kaalaman. 3 Dahil hindi nila kinilala ang pamamaraan ng Diyos upang gawing matuwid ang tao, at nagsikap silang gumawa ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila nagpasakop sa pamamaraang itinakda ng Diyos. 4 Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.