Roma 9:10-24
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
10 At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, 11-12 ipinakilala(A) ng Diyos na ang kanyang pagpili ay ayon sa sarili niyang layunin at hindi batay sa gawa ng tao. Kaya't bago pa ipanganak ang mga bata, at bago pa sila makagawa ng anumang mabuti o masama, sinabi na ng Diyos kay Rebecca, “Maglilingkod ang mas matanda sa nakababata.” 13 Ayon(B) sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.”
14 Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! 15 Sapagkat(C) ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” 16 Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. 17 Sapagkat(D) ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” 18 Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo.
Ang Poot at Habag ng Diyos
19 Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” 20 Tao(E) ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” 21 Wala(F) bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik?
22 Kaya,(G) kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. 23 Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. 24 Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil.
Read full chapter