Add parallel Print Page Options

Papuri sa Karunungan

24 Ito ang papuri na isinalaysay ng Karunungan tungkol sa kanyang sarili,
sa kapulungan ng Kataas-taasang Diyos, ipapahayag niya,
    sa harap ng mga anghel[a] magpupuri siya.
“Nanggaling ako sa bibig ng Kataas-taasang Diyos,
    at parang ulap na lumukob ako sa ibabaw ng lupa.
Ang(A) tahanan ko'y nasa kaitaasan,
    at ang luklukan ko'y nasa ibabaw ng isang haliging ulap.
Nag-iisa akong naglibot sa kalangitan
    at naglakad sa pusod ng kalaliman,
Nasa ilalim ng kapangyarihan ko ang tubig sa karagatan,
    ang buong daigdig at ang lahat ng mga bansa at lahi.
Naghanap ako ng mapapagpahingahan sa piling nila,
    namili ako sa kanilang mga lupain ng matitirahan.
At ang Lumalang sa lahat ang nag-utos sa akin;
    siya, na lumikha sa akin ang nagtakda ng aking tirahan.
Sinabi niya, ‘Sa lupain ni Jacob, itayo mo ang iyong tahanan,
    ang bayang Israel ang iyong magiging mana.’
Nilikha niya ako bago pa nagsimula ang mga panahon,
    at mananatili ako magpakailanman.
10 Naglingkod ako sa kanya sa tahanang banal,
    at sa Bundok ng Zion ako nanirahan.
11 Ako nga'y pinatira niya sa lunsod niyang mahal,
    at inilagay niya ang Jerusalem sa ilalim ng aking pamamahala.
12 Nag-ugat ako sa piling ng bayang dinakila,
    at piniling maging tanging bayan ng Panginoon.
13 Doon ay yumabong akong gaya ng sedar sa Lebanon
    at tulad ng sipres sa Bundok ng Hermon.
14 Doon ay tumaas akong gaya ng palma sa Engedi,[b]
    at nanariwang gaya ng rosas sa Jerico.
Doon ay lumago akong tulad ng olibo sa kabukiran,
    at tulad ng isang malaking puno ay lumaki ako.
15 Humalimuyak ang aking bango tulad ng kanela,
    gaya ng balsamo at mamahaling mira,
tulad ng galbano, astakte o onica,
    parang usok ng insenso na pumapailanlang sa tahanang banal.
16 Yumabong ang aking mga sanga gaya ng ensina,
    madadahon at magaganda.
17-18 Tulad ng punong-ubas, nakatutuwa ang aking mga usbong;
    at ang bulaklak ko'y namunga ng dangal at kayamanan.[c]
19 Lumapit kayong lahat, kayong nananabik sa akin,
    at magpakabusog kayo sa aking mga bunga.
20 Sapagkat ang pag-alala ninyo sa akin
    ay matamis pa kaysa pulot na galing sa bahay-pukyutan.
21 Kainin ninyo ako't inumin,
    at hihingi pa uli kayo.
22 Ang sumusunod sa akin ay hindi mapapahiya,
    ang tumutupad ng aral ko ay di magkakasala.”

Ang Karunungan at ang Kautusan

23-24 Ang karunungan ay ang Kautusan,
    ang Kautusan na ipinatutupad sa atin ni Moises, ang tipan ng Kataas-taasang Diyos,
    ang mana ng sambayanan ng Israel.[d]
25 Sa Kautusan nagmumula ang Karunungan, umaapaw na gaya ng Ilog Pison,
    tulad ng Tigris sa panahon ng unang pamumunga.
26 Sa Kautusan bumubukal ang pang-unawa, umaagos na gaya ng Ilog Eufrates,
    tulad ng Ilog Jordan sa panahon ng tag-ani.
27 Sa Kautusan bumubukal ang mabubuting aral, gaya ng Ilog Nilo,[e]
    tulad ng Ilog Gihon sa panahon ng pamimitas ng ubas.
28 Kung paanong hindi lubos na maunawaan ng unang tao ang karunungan,
    wala pa ring makatatarok sa kanya hanggang sa wakas.
29 Sapagkat malawak pa kaysa karagatan ang kanyang kaisipan,
    malalim pa kaysa kalaliman ang kanyang mga payo.
30 Ang tulad ko'y isang kanal ng patubig,
    na umaagos mula sa ilog patungo sa isang halamanan.
31 Sinabi ko noon: Didiligin ko ang aking halamanan,
    at titigmakin ko ang aking mga taniman;
at ngayon, ang aking kanal ay naging ilog,
    at ang aking ilog ay naging dagat.
32 Ihahanay kong muli ang mabuting aral, maliwanag na parang bukang-liwayway
    upang kumalat ang liwanag niya hanggang sa malayo.
33 Palalaganapin kong muli ang mabuting aral,
na parang isang pahayag, mula sa Diyos
    upang maging pamana sa mga susunod na salinlahi.
34 Ang pagpapagal ko'y hindi para sa akin lamang,
    kundi para sa lahat ng naghahangad ng Karunungan.

Ang Karapat-dapat Papurihan

25 May tatlong bagay akong kinagigiliwan,
    na kinalulugdan ng Diyos at maganda sa paningin ng tao:
ang pagsusunuran ng magkakapatid, ang pagkakaibigan ng magkapitbahay,
    at ang pagmamahalan ng mag-asawa.
Tatlong uri naman ng tao ang aking kinapopootan,
    at ang gawa nila'y labis kong kinasusuklaman:
ang maralitang nagmamataas, ang mayamang sinungaling,
    at ang matandang hayok sa laman.

Kung hindi ka mag-iimpok ng Karunungan samantalang bata pa,
    anong iyong aasahan kapag tumanda na?
Kahanga-hanga ang isang matanda sa kakayahan nitong umunawa,
    at ang may karanasan sa kanyang pagpapayo.
Nararapat na ang isang matanda ay maging marunong
    at ang taong marangal ay maging mabuting tagapayo.
Ang mahabang karanasan ang putong ng katandaan,
    at ang paggalang sa Panginoon ang tunay nilang karangalan.

Ang Kawikaan

Siyam na bagay ang nagbibigay sa akin ng kasiyahan,
    at may isa pa akong idaragdag:
Ang magulang na ang kaligayahan ay ang kanyang mga anak;
    ang taong saksi sa pagbagsak ng kanyang mga kaaway;
ang lalaking may matalinong asawa;
    ang mag-asawang nagkakasundo,
ang taong hindi nagkakasala sa pananalita;
    ang taong hindi naglilingkod sa mas hamak kaysa kanya;
ang taong nakatagpo ng isang tapat na kaibigan;
    ang taong kinagigiliwang pakinggan kapag siya'y nagsasalita;
10 ang taong nagkamit ng Karunungan;
    ngunit higit sa lahat ang taong may paggalang sa Panginoon.
11-12 Ang paggalang sa Panginoon ay higit sa lahat ng bagay dito sa sanlibutan,
    at ang taong mayroon nito ay walang katulad.[f]

Ang Babae

13 Sa lahat ng sugat, pinakamahapdi ang sugat sa puso;
    sa lahat ng panliligalig, wala nang hihigit pa sa panliligalig ng babae.
14 Pinakamasakit na pahirap ang parusa ng napopoot;
    pinakamalupit na ganti ang paghihiganti ng kaaway.
15 Pinakamasamang kamandag ang kamandag ng ulupong;
    pinakamatinding poot ang poot ng babae.[g]
16 Mabuti pa ang mag-alaga ng isang leon o dragon,
    kaysa mag-asawa ng isang masungit na babae.
17 Ang mukha niya'y pinapapangit ng kanyang kasungitan,
    anupa't siya'y nagmumukhang galit na oso.
18 Kapag ang asawa niya'y kasalo ng kanyang mga kaibigan,
    abut-abot ang kanyang buntong-hiningang di mapigilan.
19 Walang ligalig sa buhay na maipapantay sa kaligaligang dulot ng babae;
    nawa'y sapitin din niya ang kasawian ng mga makasalanan.
20 Kung gaano kahirap para sa isang matanda ang umahon sa isang bundok na buhangin,
    gayon kahirap para sa isang lalaking tahimik ang makisama sa isang babaing madaldal.
21 Huwag kang pahahalina sa kagandahan ng babae,
    at huwag kang mahuhumaling na makamtan siya.[h]
22 Kapag ang lalaki'y palamunin ng asawa,
    wala siyang mahihintay kundi kadustaan, kahihiyan at alimura.
23 Ang masungit na babae'y hirap ng loob ng asawa,
    at wala siyang idudulot dito kundi pawang kalungkutan, kabiguan at kahihiyan.
24 Sa babae nagsimula ang kasalanan,
    at dahil sa kanya tayong lahat ay mamamatay.
25 Huwag mong babayaang tumulo ang tubig,
    at pigilan mo ang masamang pananalita ng iyong asawa.
26 Kung ayaw niyang pasakop sa iyo,
    mabuti pa'y hiwalayan mo siya.

26 Maligaya ang asawa ng butihing maybahay,
    mag-iibayo ang bilang ng kanyang mga araw.
Kasiyahan ng lalaki ang matapat na asawa,
    kaya't siya'y mapayapang mabubuhay hanggang wakas.
Ang isang mabuting maybahay ang pinakamahalagang kaloob,
    na itinalaga ng Panginoon sa may takot sa kanya.
Sa kasaganaan o sa kasalatan, may galak sa kanyang puso,
    at anuman ang mangyari ay may ngiti sa mga labi.

Tatlong bagay ang labis kong kinatatakutan,
    at may isa pang dapat pangambahan:
ang paratang ng buong bayan, ang hatol ng karamihang di nakakaunawa,
    at ang paninirang-puri ng talikuran—ang tatlong iyan ay masaklap pa sa kamatayan.
Ngunit hapdi ng puso at hirap ng loob ang pagseselos ng babae;
    walang pinatatawad ang matalas niyang dila.
Ang masungit na maybahay ay parang pamatok na hindi makalapat.
    Ang pagsupil sa ganyang uri ng tao ay mas mapanganib pa kaysa humawak ng alakdan.
Ang asawang lasenggera ay talagang nakakasuklam,
    wala na siyang nalalabing kahihiyan.
Ang asawang nangangalunya ay madaling makilala,
    sa masagwa niyang kilos at malilikot na mata.

10 Pangalagaan mong mabuti ang sutil mong anak na babae;
    upang huwag makapagsamantala kung may pagkakataon.
11 Bantayan mong lagi ang kanyang mahalay na sulyap;
    at huwag kang magtaka kung ipahamak ka niya.
12 Uhaw na manlalakbay ang kanyang kawangis,
    walang takot na iinom sa alinmang batis.
Mahihiga siya sa alinmang silid,
    at sa sinumang lalaki'y makikipagtalik.

13 Kaaliwan ng lalaki ang mabait na maybahay;
    sa kakayahan ng babae sisigla ang kanyang buhay.
14 Ang tahimik na maybahay ay isang kaloob ng Panginoon;
    mahinahon niyang asal ay hindi mababayaran ng salapi.
15 Ang mahinhing maybahay, kagandaha'y lalong tumitingkad,
    kalinisan ng kalooban ay mas mainam kaysa mamahaling hiyas.
16 Ang mabait na maybahay ay liwanag ng tahanan,
    parang araw na sumisikat doon sa kalangitan.
17 Parang banal na ilawang nagsasabog ng liwanag
    ang maamo niyang mukha at maalindog na katawan.[i]
18 Haliging ginto na may tuntungang pilak
    ang kawangis ng mabibilog niyang binti at mga paang matatag.[j]
19 Anak, ingatan mo ang iyong katawan samantalang ikaw ay nasa kasibulan,
    at huwag mong aksayahin ang iyong lakas sa mga taong hindi mo kilala.
20 Saliksikin mo ang buong bansa sa paghanap ng mabuting makakaisang-dibdib,
    at tiwala sa sariling lahi, ay gawin mo siyang ina ng iyong mga anak.
21 Sa gayon, magkakaroon ka ng maraming anak,
    at maipagmamalaki nila ang kanilang angkang pinagmulan.
22 Ang babaing bayaran ay parang dura.
    Ang may-asawang babae na pumapatol sa iba ay nagdudulot ng kamatayan sa mga lalaking nahuhumaling sa kanya.
23 Ang babaing walang takot sa Diyos ang nababagay sa lalaking walang kinikilalang batas,
    ngunit ang lalaking malapit sa Diyos ay makakatapat ng butihing kabiyak.
24 Ang asawang walang dangal ay natutuwang gumawa ng kahiya-hiya,
    ngunit ang babaing mahinhin ay mahinhin kahit sa harap ng kanyang asawa.
25 Ang asawang matigas ang ulo ay parang isang aso,
    ngunit ang babaing may dangal ay malaki ang paggalang sa Panginoon.
26 Ang babaing may paggalang sa asawa ay itinuturing na marunong ng lahat ng tao,
    ngunit ang babaing humahamak sa asawa ay ipinapalagay ng lahat na isang masamang tao.
    Mapalad ang lalaking may butihing asawa;
    mabubuhay siya nang matagal.
27 Ang babaing bungangera at daldalera ay parang trumpetang naghuhudyat ng pagsalakay,
    ang lalaking mapangasawa ng ganyang babae ay parang nasa giyera habang buhay.

Malulungkot na Pangyayari

28 Dalawang pangyayari ang nakakahabag:
    ang pagdaralita ng sundalong naghirap,
    at ang marunong na inaaring hamak.
Ang ikatlo naman ay nakakagalit:
    ang taong banal na sa lusak ay magbalik.
    Kamatayan ang parusa ng Panginoon sa taong ganyan.

Ang Pangangalakal

29 Mahirap umiwas sa pagkakasala ang mangangalakal;
    ang mga nagtitinda ay laging nanganganib matuksong mandaya.

27 Maraming nandaraya sa hangad na tumubo
    at upang yumaman, nagiging walang puso.
Ang pandaraya'y mahirap mawala sa pagbibilihan;
    para itong kahoy na nakatusok sa pagitan ng dalawang bato.
Ang sambahayan ng isang tao'y madaling babagsak,
    kung hindi matibay ang kanyang paggalang sa Diyos.

Ang Pagsasalita

Kapag niliglig mo ang bistay, maiiwan ang magaspang;
    kapag ang tao'y nagsalita, kapintasa'y lumilitaw.
Ang gawa ng magpapalayok ay sa hurno nasusubok,
    ang pagkatao ng sinuma'y makikita sa kanyang pangangatuwiran.
Sa(B) bunga ng punongkahoy nakikilala ang ginagawang pag-aalaga;
    sa pangungusap ng isang tao, damdamin niya'y nahahalata.
Huwag mo munang pupurihin ang isang tao hanggang hindi nagsasalita,
    sapagkat doon mo pa makikilala ang tunay niyang puso't diwa.

Ang Katapatan

Kung ang hangad mo'y katarungan, ito'y iyong makakamtan,
    at maisusuot mo pa ito, gaya ng mamahaling balabal.
Ang ibong magkakatulad, sama-sama sa hapunan;
    ang katapatan ay nagbubunga ng katapatan.
10 Ang kasalana'y naghihintay sa gumagawa ng masama,
    parang leong nag-aabang ng anumang masisila.

Ang Usapang Walang Kabuluhan

11 Ang pangungusap ng makadiyos ay palaging may katuturan,
    ngunit ang sinasabi ng hangal ay pabagu-bagong parang buwan.
12 Kapag ang kausap mo'y mga hangal, magmadali kang umalis;
    ngunit kapag marurunong, manatili kang nakikinig.
13 Masakit sa pandinig ang usapan ng mga hangal,
    wala na silang napapag-usapan kundi puro kalaswaan.
14 Nakakapanindig ng balahibo ang kanilang pagmumurahan;
    at kung sila'y nagtatalo, tainga ninyo'y inyong takpan.
15 Humahantong sa pagdanak ng dugo ang pag-aaway ng mga palalo.
    Nakakasakit pakinggan ang kanilang pagmumurahan.

Ang Pagbubunyag ng Lihim

16 Ang(C) di marunong mag-ingat ng lihim ay hindi mapagkakatiwalaan,
    at hindi siya makakakita ng tunay na kaibigan.
17 Mahalin mo ang kaibigan mo at maging tapat ka sa kanya;
    ngunit kung naibunyag mo ang kanyang lihim, huwag ka nang lalapit sa kanya.
18 Sapagkat pinatay mo na ang inyong pagkakaibigan,
    gaya ng pagpatay ng isang tao sa kanyang kaaway.
19 Pinalayo mo ang iyong kaibigan, parang ibong nakawala sa iyong mga kamay.
    Hindi mo na siya mahuhuli uli magpakailan pa man.
20 Huwag mo na siyang sundan, malayo na siya ngayon;
    nagmamadali siya nang pagtakas, parang usang nakaalpas sa bitag.
21 Ang sugat ay maaari pang gamutin,
    ang kasalana'y maaari pang mapatawad;
    ngunit ang pagsisiwalat ng lihim ay wala nang nalalabing lunas.

Ang Pagpapaimbabaw

22 Ang taong malikot ang tingin ay masama ang binabalak,
    at walang makakahadlang sa kanyang iniisip.
23 Anong tamis niyang mangusap kapag siya'y kaharap,
    kunwari'y hangang-hanga sa iyong sinasabi.
Ngunit sa talikura'y agad siyang nag-iiba,
    at ang bawat sinabi mo'y pinauuwi sa masama.
24 Wala akong kinamumuhiang tulad ng gayong tao,
    at kasuklam-suklam din siya sa harap ng Panginoon.
25 Kung bumato siya nang paitaas, sa ulo rin niya ang bagsak.
    Kapag siya ay nanaksak, siya rin ay mapapahamak.
26 Ang naghuhukay ng patibong ay malamang na mahulog doon,
    ang nag-uumang ng bitag ay malamang na siyang mahuli.
27 Ang taong gumagawa ng masama ay ginagantihan din ng masama,
    at hindi niya alam kung saan ito magmumula.
28 Ang palalo ay mahilig sa panunuya at panlalait.
    Ang ganting laan sa kanya'y parang leong nag-aabang.
29 Ang natutuwa sa kasawian ng makadiyos ay mahuhulog sa bitag;
    at bago sumapit ang kamatayan, malilibing sila sa hirap.

Ang Galit

30 Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;
    ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.

Footnotes

  1. 2 mga anghel: o kapangyarihan .
  2. 14 Engedi: Sa ibang manuskrito'y pampang .
  3. 17-18 at ang…kayamanan: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ako ang ina ng dalisay na pag-ibig, pagkatakot, kaalaman at banal na pag-asa; ipinagkaloob ako sa lahat kong mga anak na pinili niya bago nagsimula ang mga panahon .
  4. 23-24 ang mana…Israel: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Magpakatatag kayo sa Panginoon; umasa kayo sa kanya at palalakasin niya kayo. Ang Makapangyarihang Panginoon lamang ang siyang Diyos; liban sa kanya ay wala nang ibang Tagapagligtas .
  5. 27 bumubukal…Ilog Nilo: Ganito ang nasa isang lumang salin. Sa tekstong Griego ay nagniningning ang mabubuting aral gaya ng liwanag .
  6. 11-12 at ang taong…katulad: Sa ibang manuskrito'y may dagdag na Ang paggalang sa Panginoon ang unang hakbang sa pag-ibig sa kanya, at ang pananalig naman ang unang hakbang sa pagiging tapat .
  7. 15 babae: Sa ibang manuskrito'y kaaway .
  8. 21 at huwag…siya: Ganito ang nasa tekstong Griego. Sa tekstong Hebreo ay may dagdag na dahil siya'y mayaman .
  9. 17 at maalindog na katawan: o habang nadaragdagan ang kanyang mga taon .
  10. 18 mga paang matatag: Sa ibang manuskrito'y mga dibdib niyang nakatayo o ang matatag niyang damdamin .