Tito 3:2-8
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
2 Sabihan mo silang huwag magsalita ng masama laban kaninuman, umiwas sa pakikipag-away, at maging mahinahon at magalang sa lahat ng tao. 3 Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. 4 Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, 5 iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay. 6 Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, 7 upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan.
8 Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao.
Read full chapter