Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 106

Ang Kabutihan ng Dios sa Kanyang mga Mamamayan

106 Purihin nʼyo ang Panginoon!
    Magpasalamat kayo sa kanya dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan.
Walang makapagsasabi at makapagpupuri nang lubos sa makapangyarihang gawa ng Panginoon.
Mapalad ang taong gumagawa nang tama at matuwid sa lahat ng panahon.

Panginoon, alalahanin nʼyo ako kapag tinulungan nʼyo na ang inyong mga mamamayan;
    iligtas nʼyo rin ako kapag iniligtas nʼyo na sila,
upang akoʼy maging bahagi rin ng kaunlaran ng inyong bansang hinirang,
    at makadama rin ng kanilang kagalakan,
    at maging kasama nila sa pagpupuri sa inyo.
Kami ay nagkasala sa inyo katulad ng aming mga ninuno;
    masama ang aming ginawa.
Nang silaʼy nasa Egipto, hindi nila pinansin ang kahanga-hangang mga ginawa ninyo.
    Nilimot nila ang mga kabutihang ipinakita nʼyo sa kanila,
    at silaʼy naghimagsik sa inyo doon sa Dagat na Pula.
Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila,
    upang kayo ay maparangalan
    at maipakita ang inyong kapangyarihan.

Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo;
    pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
10 Iniligtas niya sila sa kanilang mga kaaway.
11 Tinabunan niya ng tubig ang kanilang mga kaaway,
    at walang sinumang nakaligtas sa kanila.
12 Kaya naniwala sila sa kanyang mga pangako,
    at umawit sila ng mga papuri sa kanya.
13 Ngunit muli nilang kinalimutan ang kanyang mga ginawa,
    at hindi na nila hinintay ang kanyang mga payo.
14 Doon sa ilang, sinubok nila ang Dios dahil sa labis nilang pananabik sa pagkain.
15 Kaya ibinigay niya sa kanila ang kanilang hinihiling,
    ngunit binigyan din sila ng karamdaman na nagpahina sa kanila.

16 Sa kanilang kampo, nainggit sila kay Moises at kay Aaron na itinalagang maglingkod sa Panginoon.
17 Kaya bumuka ang lupa sa kinaroroonan ni Datan at ni Abiram at ng kanilang sambahayan at silaʼy nilamon.
18 At may apoy pang naging kasunod na tumupok sa kanilang masasamang tagasunod.

19 Doon sa Horeb ay gumawa ang mga taga-Israel ng gintong baka
    at sinamba nila ang dios-diosang ito.
    Itoʼy ginawa nilang dios at kanilang sinamba.
20 Ang kanilang dakilang Dios ay pinalitan nila ng imahen ng toro na kumakain ng damo.
21-22 Kinalimutan nila ang Dios na nagligtas sa kanila at gumawa ng mga kamangha-manghang bagay at himala roon sa Egipto na lupain ng mga lahi ni Ham, at doon sa Dagat na Pula.
23 Nilipol na sana ng Dios ang kanyang mga mamamayan kung hindi namagitan si Moises na kanyang lingkod.
    Pinakiusapan ni Moises ang Panginoon na pigilan niya ang kanyang galit upang hindi sila malipol.
24 Tinanggihan nila ang magandang lupain dahil hindi sila naniwala sa pangako ng Dios sa kanila.
25 Nagsipagreklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda at hindi sumunod sa Panginoon.
26 Kaya sumumpa ang Panginoon na papatayin niya sila doon sa ilang,
27 at ikakalat ang kanilang mga angkan sa ibang mga bansa at nang doon na sila mamatay.

28 Inihandog nila ang kanilang mga sarili sa dios-diosang si Baal doon sa bundok ng Peor,
    at kumain sila ng mga handog na inialay sa mga patay.
29 Ginalit nila ang Panginoon dahil sa kanilang masasamang gawa,
    kaya dumating sa kanila ang salot.
30 Ngunit namagitan si Finehas,
    kaya tumigil ang salot.
31 Ang ginawang iyon ni Finehas ay ibinilang na matuwid,
    at itoʼy hindi makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

32 Doon sa Bukal sa Meriba, ginalit ng mga taga-Israel ang Panginoon,
    kaya sumama ang loob ni Moises sa kanilang ginawa.
33 Dahil nasaktan ang damdamin ni Moises, nakapagsalita siya ng mga salitang hindi na niya napag-isipan.

34 Hindi pinatay ng mga taga-Israel ang mga taga-Canaan taliwas sa utos ng Panginoon.
35 Sa halip, nakisama pa sila sa kanila at sumunod sa kanilang mga kaugalian.
36 Sinamba rin nila ang kanilang mga dios-diosan, at ito ang nagtulak sa kanila sa kapahamakan.
37 Inihandog nila ang kanilang mga anak sa mga demonyo
38 na mga dios-diosan ng Canaan.
    Dahil sa pagpatay nila sa walang malay nilang mga anak, dinungisan nila ang lupain ng Canaan
39 pati ang kanilang mga sarili.
    Dahil sa kanilang ginawang iyon, nagtaksil sila sa Dios katulad ng babaeng nakikiapid.
40 Kaya nagalit ang Panginoon sa kanyang mga mamamayan,
    at silaʼy kanyang kinasuklaman.
41 Ipinaubaya niya sila sa mga bansang kanilang kaaway,
    at sinakop sila ng mga bansang iyon.
42 Inapi sila at inalipin ng kanilang mga kaaway.
43 Maraming beses silang iniligtas ng Dios,
    ngunit sinasadya nilang maghimagsik sa kanya,
    kaya ibinagsak sila dahil sa kanilang kasalanan.
44 Ngunit kapag silaʼy tumatawag sa Dios, tinutulungan pa rin niya sila sa kanilang mga kahirapan.
45 Inaalaala ng Dios ang kanyang kasunduan sa kanila,
    at dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa kanila,
    napawi ang kanyang galit.
46 Niloob niya na silaʼy kaawaan ng mga bumihag sa kanila.

47 Panginoon naming Dios iligtas nʼyo kami,
    at muling tipunin sa aming lupain mula sa mga bansa,
    upang makapagpasalamat kami at makapagbigay-puri sa inyong kabanalan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
    At ang lahat ay magsabing,
    “Amen!”

    Purihin ang Panginoon!

Isaias 63:7-14

Ang Kabutihan ng Panginoon

Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.

Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[a] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”

Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo.

2 Timoteo 1:1-14

Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Dios. Sinugo ako ng Dios para ipahayag ang tungkol sa buhay na ipinangako niyang makakamtan nating mga nakay Cristo Jesus.

Timoteo, minamahal kong anak:

Sumaiyo nawa ang biyaya, awa at kapayapaang galing sa Dios Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.

Pasasalamat sa Dios at Paalala kay Timoteo

Nagpapasalamat ako sa Dios na pinaglilingkuran ko nang may malinis na konsensya, tulad ng ginawa ng mga ninuno ko. Nagpapasalamat ako sa kanya sa tuwing inaalala kita sa panalangin araw at gabi. Kapag naaalala ko ang pag-iyak mo noong umalis ako, kaya nasasabik akong makita ka para maging lubos ang kagalakan ko. Hindi ko makakalimutan ang tapat mong pananampalataya tulad ng nasa iyong Lola Luisa at ng iyong inang si Eunice, at natitiyak kong nasa iyo rin ngayon. Dahil dito, pinaaalalahanan kita na lalo ka pang maging masigasig sa paggamit ng kakayahang ipinagkaloob sa iyo ng Dios, na tinanggap mo nang patungan kita ng kamay. Sapagkat hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng kaduwagan, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig, at disiplina sa sarili.

Kaya huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon o tungkol sa akin na bilanggo dahil sa kanya. Sa halip, sa tulong ng Dios, makibahagi ka sa mga paghihirap dahil sa Magandang Balita. Iniligtas at tinawag tayo ng Dios para maging kanya, hindi dahil sa ating mga gawa kundi ayon sa layunin at biyaya na ibinigay sa atin ni Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mundo. 10 Ngunit nahayag lang ito nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Tinanggalan niya ng kapangyarihan ang kamatayan at ipinahayag sa atin ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.

11 Pinili ako ng Dios na maging apostol at guro para ipahayag ang Magandang Balitang ito. 12 Ito ang dahilan kaya ako dumaranas ng mga paghihirap. Ngunit hindi ko ito ikinakahiya, dahil kilala ko kung sino ang sinasampalatayanan ko at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya.[a] 13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.

Lucas 11:24-36

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(A)

24 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar para maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. 25 Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat, 26 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”

Ang Tunay na Mapalad

27 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!” 28 Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”

Humingi ng Himala ang mga Tao(B)

29 Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ako na Anak ng Tao sa henerasyong ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[a] ang Reyna ng Timog[b] at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya. 32 Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.”

Ang Ilaw ng Katawan(C)

33 “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 34 Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, maliliwanagan ang buo mong katawan. Pero kung malabo ang mata mo, madidiliman ang buo mong katawan. 35 Kaya tiyakin mong naliwanagan ka, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®