Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Nehemias 1:1-13:14

Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.

Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem

Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag[a] sa Babilonia. Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”

Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.

“Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’

10 “Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11 Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”

Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.

Pumunta si Nehemias sa Jerusalem

Noong unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses, sinilbihan ko ng inumin ang hari. Noon lang niya ako nakitang malungkot. Kaya tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot, mukha ka namang walang sakit? Parang may problema ka.” Labis akong kinabahan, pero sumagot ako sa hari, “Humaba po nawa ang buhay ng Mahal na Hari! Nalulungkot po ako dahil ang lungsod na pinaglibingan ng aking mga ninuno ay nagiba at ang mga pintuan nito ay nasunog.” Nagtanong ang hari, “Ano ang gusto mo?” Nanalangin ako sa Dios ng kalangitan, at pagkatapos, sumagot ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, at kung nalulugod po kayo sa akin, gusto ko sanang umuwi sa Juda, para muling ipatayo ang lungsod kung saan inilibing ang aking mga ninuno.”

Tinanong ako ng hari habang nakaupo ang reyna sa tabi niya, “Gaano ka katagal doon at kailan ka babalik?” Sinabi ko kung kailan ako babalik, at pinayagan niya ako. Humiling din ako sa hari, “Kung maaari po, Mahal na Hari, bigyan nʼyo po ako ng mga sulat para sa mga gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates, na payagan nila akong dumaan sa nasasakupan nila sa pag-uwi ko sa Juda. At kung maaari, bigyan nʼyo rin po ako ng sulat para kay Asaf na tagapagbantay ng mga halamanan ninyo, para bigyan ako ng mga kahoy na gagamitin sa paggawa ng pintuan ng matatag na kuta malapit sa templo, at sa pagpapatayo ng pader ng lungsod at ng bahay na titirhan ko.” Pinagbigyan ng hari ang mga kahilingan ko sa kanya dahil sa kabutihan ng Dios sa akin.

Sa pag-alis ko, pinasamahan pa ako ng hari sa mga opisyal ng sundalo at sa mga mangangabayo. Pagdating ko sa kanluran ng Eufrates, ibinigay ko sa mga gobernador ang sulat ng hari. 10 Ngunit nang marinig nina Sanbalat na taga-Horon at Tobia na isang opisyal ng Ammonita na dumating ako para tulungan ang mga Israelita, labis silang nagalit.

Tiningnan ni Nehemias ang Pader ng Jerusalem

11 Pagkalipas ng tatlong araw mula nang dumating ako sa Jerusalem, 12 umalis ako nang hatinggabi na may ilang kasama. Hindi ko sinabi kahit kanino ang gustong ipagawa sa akin ng Dios tungkol sa Jerusalem. Wala kaming dalang ibang hayop maliban sa sinasakyan kong asno. 13 Lumabas kami sa pintuang nakaharap sa lambak at pumunta sa Balon ng Dragon[b] hanggang sa may pintuan ng pinagtatapunan ng basura. Pinagmasdan kong mabuti ang mga nagibang pader ng Jerusalem at ang mga pintuan nitong nasunog. 14 Nagpatuloy ako sa Pintuan ng Bukal hanggang sa paliguan ng hari, pero hindi makaraan doon ang asno ko. 15 Kaya tumuloy na lang ako sa Lambak ng Kidron, at siniyasat ang mga pader nang gabing iyon. Pagkatapos, bumalik ako at muling dumaan sa pintuang nakaharap sa lambak.

16 Hindi alam ng mga opisyal ng lungsod kung saan ako nanggaling at kung ano ang ginawa ko. Sapagkat wala pa akong pinagsabihang Judio tungkol sa balak ko, kahit ang mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at ang iba pang nasa pamahalaan.

17 Ngunit ngayon ay sinabi ko sa kanila, “Nakita nʼyo ang nakakaawang kalagayan ng lungsod natin. Giba ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Muli nating itayo ang pader ng Jerusalem para hindi na tayo mapahiya.” 18 Sinabi ko rin sa kanila kung gaano kabuti ang Dios sa akin at kung ano ang sinabi ng hari sa akin. Sumagot sila, “Sige, muli nating itayo ang pader.” Kaya naghanda sila para simulan ang mabuting gawaing ito. 19 Ngunit nang mabalitaan ito ni Sanbalat na taga-Horon, ni Tobia na isang opisyal na Ammonita, at ni Geshem na isang Arabo, nilait nila kami at pinagtawanan. Sinabi nila, “Ano ang ginagawa nʼyong ito? Nagbabalak ba kayong maghimagsik laban sa hari?” 20 Sinagot ko sila, “Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Dios sa langit. Kami na mga lingkod niya ay magsisimula na sa pagpapatayo ng pader ng Jerusalem. Pero kayo ay hindi kabilang at walang karapatan sa Jerusalem, at hindi kayo bahagi ng kasaysayan nito.”

Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem

Itinayo ni Eliashib na punong pari at ng mga kasamahan niyang pari ang pintuan na tinatawag na Tupa. Matapos nilang ikabit ang pintuan, itinalaga nila ito sa Dios. Itinayo rin nila at itinalaga ang mga pader hanggang sa Tore ng Isang Daan[c] at sa Tore ni Hananel. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga taga-Jerico, at sumunod sa kanila ay si Zacur na anak ni Imri.

Itinayo ng mga anak ni Hasena ang pintuan na tinatawag na Isda.[d] Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.

Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Ang kasunod na bahagi namaʼy itinayo ni Meshulam na anak ni Berekia at apo ni Meshezabel. Sumunod naman ay si Zadok na anak ni Baana. At ang sumunod sa kanya ay mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga pinuno nila ay hindi sumunod sa ipinapagawa ng mga namumuno sa kanila sa gawain.

Ang nagtayo ng Lumang Pintuan[e] ay si Joyada na anak ni Pasea at si Meshulam na anak ni Besodeya. Nilagyan nila ito ng mga hamba, ikinabit ang mga pinto, at ginawan ng mga trangka.

Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay sina Melatia na taga-Gibeon, Jadon na taga-Meronot at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa. Ang mga lugar na ito ay sakop ng gobernador ng probinsya sa kanlurang Eufrates. Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay si Uziel na platero, na anak ni Harhaya. Ang sumunod naman sa kanya ay si Hanania na manggagawa ng pabango. Itinayo nila ang bahaging ito ng pader ng Jerusalem hanggang sa Malawak na Pader. Ang sumunod na nagtayo sa kanila ay ang anak ni Hur na si Refaya, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. 10 Ang sumunod sa kanya ay si Jedaya na anak ni Harumaf. Itinayo niya ang bahagi ng pader malapit sa kanyang bahay. Ang sumunod sa kanya ay si Hatush na anak ni Hashabneya.

11 Ang nagtayo ng sumunod pang bahagi ng pader at ng tore na may mga hurno ay sina Malkia na anak ni Harim, at Hashub na anak ni Pahat Moab. 12 Ang sumunod na nagtayo ay ang anak ni Halohes na si Shalum, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Tinulungan siya ng mga anak niyang babae.

13 Ang nagtayo ng pintuang nakaharap sa lambak ay si Hanun at ang mga taga-Zanoa. Ikinabit nila ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka. Ipinatayo rin nila ang 450 metro na pader sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura.

14 Ang nagtayo ng pintuan ng pinagtatapunan ng basura ay ang anak ni Recab na si Malkia, na pinuno ng distrito ng Bet Hakerem. Ikinabit niya ang mga pinto nito, at ginawan ng mga trangka.

15 Ang nagtayo ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Col Hoze na si Shalum, na pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito, ikinabit ang mga pinto at ginawan ng mga trangka. Itinayo rin niya ang pader ng paliguan sa Siloam, malapit sa hardin ng hari, hanggang sa hagdanang pababa mula sa Lungsod ni David. 16 Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet Zur. Itinayo niya ang pader na nakaharap sa libingan[f] ni David hanggang sa pinag-iimbakan ng tubig at sa kampo ng mga sundalo.

17 Ang nagtayo ng sumunod na bahagi ng pader ay ang mga Levita na pinamumunuan ni Rehum na anak ni Bani. Ang sumunod sa kanya ay si Hashabia na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 18 Ang sumunod sa kanya ay ang mga kababayan niya na pinamumunuan ng anak ni Henadad na si Binui,[g] na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. 19 Ang sumunod ay ang anak ni Jeshua na si Ezer na pinuno ng Mizpa. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bodega ng mga sandata hanggang sa sulok ng pader. 20 Ang sumunod naman ay si Baruc na anak ni Zabai. Buong sipag niyang itinayo ang bahagi ng pader mula sa sulok nito hanggang sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib na punong pari. 21 Ang sumunod sa kanya ay si Meremot na anak ni Uria at apo ni Hakoz. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bandang pintuan ng bahay ni Eliashib hanggang sa dulo ng bahay nito.

22 Ang sumunod na nagtayo ng bahagi ng pader ay ang mga pari sa paligid ng Jerusalem. 23 Ang sumunod sa kanila ay sina Benjamin at Hashub. Itinayo nila ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay nila. Ang sumunod sa kanila ay si Azaria na anak ni Maaseya at apo ni Anania. Itinayo niya ang bahagi ng pader sa bandang gilid ng bahay niya. 24 Ang sumunod ay si Binui na anak ni Henadad. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa bahay ni Azaria hanggang sa sulok ng pader. Isa pang bahagi ng pader na ito ang kanyang ipinatayo. 25 Ang sumunod naman ay si Palal na anak ni Uzai. Itinayo niya ang bahagi ng pader mula sa sulok ng pader at ng nakausling tore sa palasyo, malapit sa pinagpupwestuhan ng mga guwardya. Ang sumunod sa kanya ay si Pedaya na anak ni Paros, 26 at ang mga utusan sa templo na nakatira sa may bulubundukin ng Ofel. Itinayo nila ang bahagi ng pader pasilangan, hanggang sa Pintuan ng Tubig at sa nakausling tore. 27 Ang sumunod sa kanila ay ang mga taga-Tekoa. Itinayo nila ang bahagi ng pader mula sa malalaking toreng nakausli hanggang sa pader ng Ofel. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo.

28 Ang nagtayo ng bahagi ng pader na paahon mula sa Pintuan ng mga Kabayo ay ang mga pari. Itinayo ng bawat isa sa kanila ang bahagi na nakaharap sa bahay nila. 29 Ang sumunod sa kanila ay si Zadok na anak ni Imer. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. Ang sumunod sa kanya ay ang anak ni Shecania na si Shemaya, na guwardya ng Pintuan sa Silangan. 30 Ang sumunod sa kanya ay si Hanania na anak ni Shelemia at si Hanun na ikaanim na anak ni Salaf. Pangalawang bahagi na ito ng pader na kanilang itinayo. Ang sumunod sa kanila ay si Meshulam na anak ni Berekia. Itinayo niya ang bahagi ng pader na nakaharap sa bahay niya. 31 Ang sumunod naman ay si Malkia na isang platero. Itinayo niya ang bahagi ng pader hanggang sa tinitirhan ng mga utusan sa templo at ng mga mangangalakal, na nakaharap sa Pintuan ng Pinagtitipunan, at hanggang sa kwarto sa sulok na nasa itaas ng pader. 32 Ang nagtayo ng bahagi ng pader mula sa kwartong iyon hanggang sa pintuan na tinatawag na Tupa ay ang mga platero at mga mangangalakal.

Hinadlangan ang Pagpapatayo ng Pader

Nang mabalitaan ni Sanbalat na itinatayo naming muli ang pader, nagalit siya ng husto at hinamak kaming mga Judio. Sa harap ng mga kasama niya at ng mga sundalo ng Samaria, sinabi niya, “Ano ba ang ginagawa ng mga kawawang Judiong ito? Akala ba nila, maitatayo nila ulit ang pader ng Jerusalem sa loob lang ng isang araw at makapaghahandog uliʼt sila? Akala siguro nila, magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na mga bato ng pader!” Sinabi pa ng Ammonitang si Tobia na nasa tabi ni Sanbalat, “Kahit asong-gubat[h] lang ang sumampa sa pader na iyan, mawawasak na iyan!”

Agad akong nanalangin, “O aming Dios, pakinggan nʼyo po kami dahil hinahamak kami. Sa kanila po sana mangyari ang mga panunuya nilang ito sa amin. Madala sana sila sa ibang lugar bilang bihag. Huwag nʼyo po silang patawarin dahil sa panghahamak[i] nila sa inyo sa harap naming mga gumagawa ng pader.”

Patuloy ang aming pagtatayo ng pader at nangangalahati na ang taas nito dahil ang mga tao ay talagang masigasig na gumagawa. Ngunit nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobia, at ng mga taga-Arabia, taga-Ammon, at mga taga-Ashdod na patuloy ang pagtatayo ng pader ng Jerusalem at natakpan na ang mga butas nito, galit na galit sila. Binalak nilang lahat na salakayin ang Jerusalem para guluhin kami. Subalit nanalangin kami sa aming Dios at naglagay ng mga guwardya araw at gabi para maprotektahan ang mga sarili namin.

10 Sinabi ng mga taga-Juda, “Pagod na kami sa pagtatrabaho. Napakarami pang guho na dapat hakutin, hindi namin ito makakayang tapusin.”

11 Samantala, sinabi ng mga kalaban namin, “Biglain natin sila, bago nila mapansin, napasok na natin ang lugar nila. Pagpapatayin natin sila, at mahihinto na ang pagtatrabaho nila.”

12 Ang mga Judio na nakatira malapit sa kanila ay palaging nagbabalita sa amin ng balak nilang pagsalakay. 13 Kaya naglagay ako ng mga tao para magbantay sa pinakamababang bahagi ng pader na madaling pasukin. Pinagbantay ko sila roon na magkakagrupo sa bawat pamilya, at may mga armas silang mga espada, sibat at palaso. 14 Habang pinag-iisipan ko ang kalagayan namin, ipinatawag ko ang mga pinuno, mga opisyal at ang mga mamamayan, at sinabi ko sa kanila, “Huwag kayong matakot sa mga kalaban. Alalahanin natin ang makapangyarihan at kamangha-manghang Panginoon. Makipaglaban tayo para mailigtas natin ang ating mga kamag-anak, mga anak, mga asawa, pati ang ating mga bahay.”

15 Nang mabalitaan ng aming mga kalaban na nalaman namin ang balak nilang pagsalakay at naisip nilang sinira ng Dios ang balak nila, bumalik kaming lahat sa ginagawa naming pader. 16 Ngunit mula nang araw na iyon, kalahati lang sa mga tauhan ko ang gumagawa ng pader, dahil ang kalahati ay nagbabantay na may mga sibat, pananggalang, palaso, at panangga sa dibdib. Ang mga opisyal ay nakatayo sa likod ng mga mamamayan ng Juda 17 na gumagawa ng pader. Ang isang kamay ng mga nagtatrabaho ay may hawak na mga gamit sa paggawa at ang isa namang kamay ay may hawak na sandata, 18 at nakasukbit sa baywang nila ang espada. Ang tagapagpatunog ng trumpeta ay nasa tabi ko.

19 Sinabi ko sa mga pinuno, mga opisyal, at sa mga mamamayan, “Malawak ang ginagawa nating pader at malalayo ang ating pagitan habang nagtatrabaho, 20 kaya kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, pumunta kayo agad dito sa akin. Ang Dios natin ang siyang makikipaglaban para sa atin.”

21 Kaya patuloy ang paggawa namin mula madaling-araw hanggang magtakip-silim, at ang kalahati ng mga tao ay nagbabantay na may dalang sandata. 22 Nang panahong iyon, sinabi ko rin sa mga taong naninirahan sa labas ng Jerusalem na sila at ang mga alipin nila ay papasok sa lungsod kapag gabi para magbantay, at kinabukasan naman ay magtatrabaho sila. 23 Dahil palagi kaming nagbabantay, ako at ang mga kamag-anak ko, mga tauhan, at mga guwardya ay hindi na nakapagpalit ng damit. At kahit pumunta sa tubig ay dala-dala namin ang aming mga sandata.

Tinulungan ni Nehemias ang mga Dukha

Dumaing ang ibang mga lalaki at ang mga asawa nila sa kapwa nila mga Judio. Sinabi nila, “Malaki ang pamilya namin at kailangan namin ng pagkain para mabuhay.” May iba rin sa kanila na nagsabi, “Isinanla na lang namin ang mga bukirin namin, mga ubasan, at ang mga bahay namin para may makain kami sa panahon ng taggutom.” May iba pa sa kanila na nagsabi, “Nanghiram kami ng pera para makapagbayad ng buwis sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kahit kami at ang mga anak namin ay kapwa nila Judio, kinailangang ipaalipin namin sa kanila ang aming mga anak para magkapera. Sa totoo lang, ang iba naming mga anak na babae ay ipinagbili na namin bilang alipin. Wala kaming magawa dahil ang aming mga bukirin at mga ubasan ay pagmamay-ari na ng iba.”

Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga hinaing nila. Pinag-isipan kong mabuti ang kalagayan nila, at pinuntahan agad ang mga pinuno at mga opisyal, at pinaratangan sila. Sinabi ko, “Ginigipit nʼyo ang mga kababayan ninyo! Sapagkat tinutubuan nʼyo pa sila kapag nanghihiram sila sa inyo ng pera.” Pagkatapos, pinatipon ko agad ang mga tao para sa isang pulong. Sinabi ko, “Sinisikap nating matubos ang mga kapwa natin Judio na nagbenta ng sarili nila bilang alipin sa mga dayuhan. Pero ngayon, dahil sa ginagawa nʼyo, napipilitan na din silang ibenta ang sarili nila bilang mga alipin. Palagi na lang ba natin silang tutubusin?” Tumahimik na lang sila dahil wala silang maidahilan.

Nagpatuloy ako sa pagsasalita, “Hindi maganda ang ginagawa ninyo. Dapat sanaʼy mamuhay kayo nang may takot sa Dios para hindi tayo tuyain ng ibang mga bansang kalaban natin. 10 Ako mismo at ang aking mga kamag-anak, pati ang mga tauhan ko ay nagpahiram ng pera at trigo sa mga kababayan nating nangangailangan. Pero huwag na natin silang pagbayarin sa mga utang nila![j] 11 Ngayon din ibalik nʼyo ang mga bukirin, mga ubasan, mga taniman ng olibo, at mga bahay ng may utang sa inyo. Ibalik nʼyo rin ang tubo ng mga pinahiram ninyong pera, trigo, bagong katas ng ubas at langis.” 12 Sumagot sila, “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila. Hindi na namin sila sisingilin. Gagawin namin ang sinasabi mo.”

Ipinatawag ko ang mga pari at pinasumpa sa harapan nila ang mga pinuno at ang mga opisyal na tutuparin nila ang pangako nila. 13 Ipinagpag ko ang balabal[k] ko sa baywang ko at sinabi, “Ganito nawa ang gawin ng Dios sa mga bahay at ari-arian ninyo kapag hindi ninyo tinupad ang pangako ninyo. Kunin nawa niya ang lahat ng ito sa inyo.”

Ang lahat ng tao roon ay sumagot, “Siya nawa,” at pinuri nila ang Panginoon. At tinupad ng mga pinuno at ng mga opisyal ang pangako nila.

Ang Pagiging Mapagbigay ni Nehemias

14 Sa loob ng 12 taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon hanggang ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses, ako at ang mga kamag-anak ko ay hindi tumanggap ng pagkaing para sa gobernador. 15 Ngunit ang mga gobernador na nauna sa akin ay naging pasanin ng mga tao, dahil humihingi sila ng pang-araw-araw nilang pagkain at inumin maliban pa sa 40 pirasong pilak. Pati ang mga opisyal nila ay nang-abuso ng mga tao. Pero hindi ko ito ginawa, dahil may takot ako sa Dios. 16 Sa halip, ginawa ko ang lahat para maitayong muli ang pader sa tulong ng mga tauhan ko. At hindi ako[l] nang-angkin ng lupa. 17 Palagi kong pinapakain ang 150 Judiong opisyal bukod pa sa mga bisitang mula sa paligid na mga bansa. 18 Araw-araw akong nagpapakatay ng isang baka, anim na matatabang tupa, at mga manok. At tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng marami at ibaʼt ibang klaseng inumin. Sa kabila nito, hindi ako tumanggap ng pagkaing para sa gobernador, dahil nalaman kong nabibigatan na ang mga tao.

19 Nanalangin ako, “O aking Dios, nawaʼy pagpalain po ninyo ako sa lahat ng ginagawa ko para sa sambayanang ito.”

Ang Patuloy na Paghadlang ng Pagpapatayo ng Pader

Samantala, nabalitaan nina Sanbalat, Tobia, Geshem na taga-Arabia, at ng iba pa naming mga kalaban na natapos na namin ang pagpapatayo ng pader at wala na itong mga butas, maliban na lamang sa mga pinto nito na hindi pa naikakabit. Kaya nagpadala sina Sanbalat at Geshem ng ganitong mensahe sa akin: “Gusto naming makipagkita sa iyo sa isang nayon ng kapatagan ng Ono.”

Ngunit nalaman ko na may balak silang masama sa akin. Kaya nagsugo ako ng mga mensahero para sabihin ito sa kanila, “Mahalaga ang ginagawa ko ngayon, kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring itigil ang paggawa para lang pumunta riyan.” Apat na beses nila akong pinadalhan ng ganoong mensahe at apat na beses ko rin silang pinadalhan ng parehong sagot.

Sa panglimang beses pinapunta ni Sanbalat sa akin ang alipin niya na may dalang sulat na nakabukas na. At ito ang nakasulat: “Ipinagtapat sa akin ni Geshem[m] na kahit saan siya pumunta ay naririnig niyang ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak mag-alsa, at iyan ang dahilan kung bakit muli ninyong ipinapatayo ang pader. At ayon sa narinig niya, gusto mong maging hari ng mga Judio, at pumili ka pa ng mga propeta na magpoproklama sa iyo sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na malalaman ito ng hari, kaya pumarito ka para pag-usapan natin ang mga bagay na ito.”

Ito ang sagot ko sa kanya: “Hindi totoo ang mga sinasabi mo. Gawa-gawa mo lang iyan.” Alam kong tinatakot lang nila kami para mahinto ang paggawa namin. Pero nanalangin ako sa Dios na palakasin pa niya ako.

10 Isang araw, pumunta ako kay Shemaya na anak ni Delaya at apo ni Mehetabel, dahil hindi siya makaalis sa bahay niya. Sinabi niya sa akin, “Magkita tayo sa loob ng templo ng Dios, at ikandado natin ang mga pintuan. Dahil darating ang mga kalaban mo ngayong gabi para patayin ka.” 11 Ngunit sumagot ako, “Gobernador ako, bakit ako lalayo at magtatago sa loob ng templo para iligtas ang buhay ko? Hindi ako magtatago!” 12 Naisip kong hindi nangusap ang Dios sa kanya, kundi inupahan lamang siya nina Sanbalat at Tobia para sabihin iyon sa akin. 13 Gusto lamang nila akong takutin at magkasala sa pamamagitan ng pagsunod sa sinasabi ni Shemaya, para hamakin nila ako at pintasan ng mga tao.

14 Kaya nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalimutan na parusahan si Tobia at si Sanbalat sa kanilang masamang ginawa, pati na ang babaeng propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na naghahangad na takutin ako.”

Natapos ang Pagpapatayo ng Pader

15 Natapos ang pader noong ika-25 araw ng ikaanim na buwan, na siyang buwan ng Elul. Natapos ito sa loob ng 52 araw. 16 Nang mabalitaan ito ng aming mga kalaban sa kalapit na mga bansa, natakot sila at napahiya. Napag-isip-isip nila na natapos ang gawaing iyon sa pamamagitan ng tulong ng Dios.

17 Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobia at ang mga pinuno ng Juda. 18 Maraming taga-Juda ang sumumpa ng katapatan kay Tobia dahil manugang siya ni Shecania na anak ni Ara. At isa pa, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak ni Meshulam na anak ni Berekia. 19 Palaging sinasabi sa akin ng mga tao ang tungkol sa mabubuting ginawa ni Tobia, at palagi ring nakakarating sa kanya ang mga sinasabi ko. At patuloy na sumusulat si Tobia sa akin para takutin ako.

Naglagay ng mga Opisyal sa Jerusalem

Nang matapos na ang pader ng lungsod at naikabit na ang mga pinto nito, itinalaga sa tungkulin nila ang mga guwardya ng mga pintuan ng lungsod, ang mga mang-aawit, at ang mga Levita. Ibinigay ko ang tungkulin ng pamamahala sa Jerusalem sa kapatid kong si Hanani kasama si Hanania na kumander ng mga guwardya sa buong palasyo. Pinili ko si Hanania dahil mapagkakatiwalaan siya at may takot sa Dios higit sa karamihan. Sinabi ko sa kanila, “Huwag nʼyong pabayaang nakabukas ang mga pintuan ng lungsod kapag tanghaling-tapat,[n] kahit may mga guwardya pa na nagbabantay. Dapat nakasara ito at nakakandado. Maglagay din kayo ng mga guwardya mula sa mga mamamayan ng Jerusalem. Ang iba sa kanila ay ilagay sa pader na malapit sa mga bahay nila, at ang iba naman ay ilagay sa ibang bahagi ng pader.”

Ang Talaan ng mga Tao na Bumalik mula sa Pagkabihag.(A)

Napakalawak noon ng lungsod ng Jerusalem pero kakaunti lang ang mga naninirahan doon at kakaunti rin ang mga bahay. Kaya ipinaisip ng aking Dios sa akin na tipunin ang mga pinuno, mga opisyal, at iba pang mga naninirahan para maitala sila ayon sa bawat pamilya. Nakita ko ang listahan ng mga pamilya na unang bumalik mula sa pagkabihag. Ito ang nakatala roon:

Ang mga sumusunod ay ang mga Israelita sa probinsya ng Juda na binihag noon ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ngayon, umalis na sila sa lugar na iyon at bumalik na sa Jerusalem at sa sarili nilang mga bayan sa Juda. Ang namuno sa pagbalik nila sa Jerusalem ay sina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azaria, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilshan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana.

Ito ang talaan ng mga mamamayan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:

8-25 Mga angkan nina:

Paros2,172
Shefatia372
Ara652
Pahat Moab (mula sa mga pamilya ni Jeshua at ni Joab)2,818
Elam1,254
Zatu845
Zacai760
Binui648
Bebai628
Azgad2,322
Adonikam667
Bigvai2,067
Adin655
Ater (na tinatawag din na Hezekia)[o]98
Hashum328
Bezai324
Harif[p]112
Gibeon[q]95

26-38 Ito ang bilang ng mga tao na bumalik mula sa pagkabihag, na ang mga ninuno ay nakatira sa mga sumusunod na bayan:

Betlehem at Netofa188
Anatot128
Bet Azmavet42
Kiriat Jearim, Kefira, at Beerot743
Rama at Geba621
Micmash122
Betel at Ai123
Nebo52
Elam1,254
Harim320
Jerico345
Lod, Hadid, at Ono721
Senaa3,930

39-42 Ito ang mga angkan ng mga pari na bumalik mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina:

Jedaya (mula sa pamilya ni Jeshua)973
Imer1,052
Pashur1,247
Harim1,017

43-45 Ito ang mga lahi ng mga Levita na bumalik din mula sa pagkabihag:

Mga angkan nina Jeshua at Kadmiel (mula sa pamilya ni Hodavia)74
Mga mang-aawit sa templo na mga angkan ni Asaf148
Mga guwardya ng pintuan ng templo na mga angkan nina Shalum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Shobai138

46-56 Ito ang mga angkan ng mga utusan sa templo na bumalik din mula sa pagkabihag: Ziha, Hasufa, Tabaot, Keros, Sia, Padon, Lebana, Hagaba, Shalmai, Hanan, Gidel, Gahar, Reaya, Rezin, Nekoda, Gazam, Uza, Pasea, Besai, Meunim, Nefusim, Bakbuk, Hakufa, Harhur, Bazlut, Mehida, Harsha, Barkos, Sisera, Tema, Nezia, at Hatifa.

57-59 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon: Ang mga angkan nina Sotai, Soferet, Perida, Jaala, Darkon, Gidel, Shefatia, Hatil, Pokeret Hazebaim, at Ammon.

60 Ang kabuuang bilang ng mga angkan ng mga utusan sa templo at mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay392.

61 Mayroon ding bumalik sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Tel Mela, Tel Harsha, Kerub, Adon, at Imer. Pero hindi nila mapatunayan na silaʼy talagang mga Israelita:

62 Sila ang mga angkan nina Delaya, Tobia, at Nekoda642

63 Hindi rin mapatunayan ng mga angkan nina Hobaya, Hakoz, at Barzilai na mga pari sila. (Nang nag-asawa si Barzilai, dinala niya ang pangalan ng biyenan niyang si Barzilai na taga-Gilead.) 64 Dahil nga hindi nila makita ang talaan ng kanilang mga ninuno, hindi sila tinanggap bilang mga pari. 65 Sinabihan sila ng gobernador ng Juda na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkain na inihandog sa Dios hanggaʼt walang pari na sasangguni sa Panginoon tungkol sa kanilang pagkapari sa pamamagitan ng “Urim” at “Thummim”.[r]

66-69 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki mula sa pagkabihag ay 42,360, hindi pa kabilang dito ang mga alipin nilang lalaki at babae na 7, 337 at mga mang-aawit na lalaki at babae na 245. May dala silang 736 na kabayo, 245 mola,[s] 435 kamelyo, at 6,720 asno.

70 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nag-ambag para sa muling pagpapatayo ng templo. Ang gobernador ay nagbigay ng walong kilong ginto, 50 mangkok na gagamitin sa templo, at 530 pirasong damit para sa mga pari. 71 Ang ibang mga pinuno ng mga pamilya ay nagbigay para sa ganitong gawain ng 168 kilong ginto at 1,200 kilong pilak. 72 Ang kabuuang ibinigay ng iba pang mga tao ay 168 kilong ginto, 1,100 kilong pilak, at 67 pirasong damit para sa mga pari.

73 Ang bawat isa sa kanila ay bumalik sa mga bayan na kung saan nagmula ang kanilang pamilya, pati na ang mga pari, ang mga Levita, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, ang mga mang-aawit, at ang mga utusan sa templo.

Binasa ni Ezra ang Kautusan

Nang dumating ang ikapitong buwan, nang nakatira na ang mga Israelita sa mga bayan nila, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.

2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan. Tumayo si Ezra sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitia, Shema, Anaya, Uria, Hilkia, at Maaseya. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaya, Mishael, Malkia, Hashum, Hasbadana, Zacarias, at Meshulam.

Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.

Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Sherebia, Jamin, Akub, Shabetai, Hodia, Maaseya, Kelita, Azaria, Jozabad, Hanan, at Pelaya. Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[t] para maunawaan ng mga tao.

Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.” 11 Sinabi rin ng mga Levita, “Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Kaya umuwi ang lahat ng tao para kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Dios na binasa sa kanila.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol

13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita para mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon na pumunta sila sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, mirto, palma, at ng iba pang mga kahoy na malago para gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan.

16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa patag na bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng templo ng Dios, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila. 18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Dios, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila para sumamba sa Panginoon, ayon sa Kautusan.

Ipinahayag ng mga Israelita ang Kanilang mga Kasalanan

Nang ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita para mag-ayuno. Nagdamit sila ng sako at naglagay ng alikabok sa kanilang ulo.[u] Hindi nila isinama sa pag-aayuno ang mga dayuhan. Tumayo sila at ipinahayag ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Nakatayo sila sa loob ng tatlong oras habang binabasa sa kanila ang Kautusan ng Panginoon na kanilang Dios. At sa loob din ng tatlong oras, ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sumamba sa Panginoon na kanilang Dios. Ang ibang mga Levita ay nakatayo sa hagdanan, at malakas na nananalangin sa Panginoon na kanilang Dios. Sila ay sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Shebania, Buni, Sherebia, Bani, at Kenani. At ang mga Levita na tumawag sa mga tao para sumamba ay sina: Jeshua, Kadmiel, Bani, Hashabneya, Sherebia, Hodia, Shebania, at Petahia. Sabi nila, “Tumayo kayo at purihin ang Panginoon na inyong Dios na walang hanggan!”[v]

Pagkatapos, sinabi nila,O Panginoon, kapuri-puri po ang inyong pagiging makapangyarihan! Hindi ito mapapantayan ng aming pagpupuri. Ikaw lang po ang Panginoon. Ginawa nʼyo ang kalangitan, ang lupa, ang dagat, at ang lahat ng mga naroroon. Binigyan nʼyo po ng buhay ang lahat ng inyong nilikha, at sinasamba kayo ng mga anghel sa langit.

“Kayo ang Panginoong Dios na pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur, na sakop ng mga Caldeo. At pinangalanan nʼyo siyang Abraham. Nakita nʼyong tapat siya sa inyo, at gumawa kayo ng kasunduan sa kanya na ibibigay nʼyo sa mga lahi niya ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at ng mga Gergaseo. At tinupad po ninyo ang pangako nʼyo, dahil matuwid kayo.

“Nakita nʼyo po ang pagtitiis ng aming mga ninuno sa Egipto. Narinig nʼyo ang paghingi nila ng tulong sa inyo noong naroon sila sa Dagat na Pula. 10 Gumawa kayo ng mga himala at kamangha-manghang bagay laban sa Faraon, at sa lahat ng mga opisyal niya at tauhan, dahil nalalaman nʼyo kung paano nila inapi ang aming mga ninuno. At ang inyong pangalan ay tanyag hanggang ngayon. 11 Sa harap ng inyong mga mamamayan ay hinati ninyo ang dagat at sa gitna nitoʼy dumaan sila sa tuyong lupa. Ngunit nilunod nʼyo ang mga kalaban nilang humahabol sa kanila. Para silang bato na lumubog sa nagngangalit na dagat. 12 Sa araw, ginagabayan nʼyo ang inyong mga mamamayan sa pamamagitan ng ulap na parang haligi, at sa gabiʼy sa pamamagitan ng apoy na parang haligi, para bigyan sila ng liwanag sa kanilang nilalakaran.

13 “Bumaba kayo sa Bundok ng Sinai mula sa langit at nakipag-usap kayo sa kanila. Binigyan nʼyo sila ng mga tamang katuruan, mabubuting utos at ng mga tuntunin. 14 Itinuro nʼyo sa kanila ang tungkol sa dapat nilang gawin sa Araw ng Pamamahinga. At inutusan nʼyo sila sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises, na tuparin ang mga utos nʼyo, mga tuntunin, at mga katuruan. 15 Nang magutom sila, binigyan nʼyo sila ng pagkain mula sa langit, at nang mauhaw ay pinainom nʼyo ng tubig mula sa bato. Sinabihan nʼyo silang pasukin at angkinin ang lupaing pangako na ibinigay ninyo sa kanila. 16 Ngunit sila na aming mga ninuno ay naging mapagmataas, matigas ang ulo, at masuwayin sa inyong mga utos. 17 Ayaw nilang makinig sa mga sinasabi nʼyo, at kinalimutan lang ang mga himalang ginawa ninyo sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo, at sumalungat sila sa inyong pamamaraan sa pamamagitan ng pagpili ng pinuno na magdadala sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit kayo ay mapagpatawad na Dios, mahabagin, maalalahanin, hindi madaling magalit, at mapagmahal. Kaya hindi nʼyo po sila pinabayaan, 18 kahit gumawa sila ng imaheng baka, at nagsabi, ‘Ito ang dios nating nagpalaya at nagpalabas sa atin sa Egipto.’ Lubos ang paglapastangan nila sa inyo! 19 Ngunit dahil sa dakilang habag ninyo sa kanila, hindi nʼyo po sila pinabayaan sa ilang. Hindi nʼyo kinuha ang makapal na ulap na gumagabay sa kanila kapag araw, at ang naglalagablab na apoy na nagbibigay liwanag sa nilalakaran nila kapag gabi. 20 Ibinigay nʼyo po ang mabuting Espiritu ninyo sa pagtuturo sa kanila. Patuloy nʼyo silang pinakain ng ‘manna,’ at binigyan ng tubig kapag nauuhaw sila. 21 Ibinibigay nʼyo po sa kanila ang mga pangangailangan nila sa loob ng 40 taon sa ilang, kaya hindi sila nagkulang ng anuman. Hindi naluma ang mga damit nila at hindi rin namaga ang mga paa nila sa paglalakad.

22 “Pinagtagumpay nʼyo sila laban sa mga kaharian, mga bansa, at ang mga lupain sa paligid nila. Sinakop nila ang lupain ng Heshbon na pinamamahalaan ni Haring Sihon, at ang lupain ng Bashan na pinamamahalaan ni Haring Og. 23 Pinarami nʼyo ang kanilang mga lahi, katulad ng mga bituin sa langit. Dinala nʼyo sila sa lupaing ipinangako nʼyo sa kanilang mga ninuno para pasukin at angkinin. 24 Talagang pinasok nila ito at inangkin. Pinagtagumpay nʼyo po sila laban sa mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon. Ipinaubaya nʼyo sa kanila ang mga Cananeo pati ang mga hari nila para magawa ng inyong mga mamamayan ang gusto nilang gawin sa mga ito. 25 Sinakop po ng mga mamamayan ninyo ang mga napapaderang lungsod at ang matatabang lupain. Inangkin din po nila ang mga bahay na punong-puno ng magagandang bagay, mga balon, mga ubasan, mga taniman ng olibo at napakarami pang ibang punongkahoy na namumunga. Kumain sila hanggang sa mabusog sila at naging malusog ang kanilang katawan. Nagalak sila sa napakabuting ginawa ninyo sa kanila.

26 “Pero sa kabila ng lahat, sumuway at lumabag po sila sa inyo. Tinalikuran nila ang inyong Kautusan, pinatay nila ang inyong mga propeta na nanghikayat sa kanilang magbalik sa inyo. Labis ang paglapastangan nila sa inyo! 27 Kaya ipinaubaya nʼyo po sila sa kanilang mga kalaban na nagpahirap sa kanila. Pero nang nahihirapan na sila, humingi sila ng tulong sa inyo at pinakinggan nʼyo pa rin sila riyan sa langit. At sa laki ng inyong habag, binigyan nʼyo sila ng mga pinuno na magliligtas sa kanila sa kamay ng kanilang kalaban.

28 “Pero kapag mabuti na ang kalagayan nila, gumagawa na naman sila ng masama sa inyong harapan. At ipapaubaya nʼyo sila sa kamay ng mga kalaban nila para pamunuan sila. At kapag nanalangin na naman sila para humingi ng tulong nʼyo, pinapakinggan nʼyo sila riyan sa langit. At sa inyong habag, palagi nʼyo silang inililigtas. 29 Pinaalalahanan nʼyo po sila na tumupad muli sa inyong Kautusan, pero naging mapagmataas sila at hindi nila tinupad ang inyong mga utos. Nagkasala sila laban sa inyong mga utos na nagbibigay ng totoong buhay sa tumutupad nito. Sa katigasan ng kanilang mga ulo tumalikod sila sa inyo, at ayaw nilang makinig sa inyo. 30 Sa napakaraming taon, tiniis ninyo sila at pinaalalahanan ng Espiritu ninyo sa pamamagitan ng mga propeta. Pero hindi nila ito pinansin, kaya ipinaubaya nʼyo sila sa mga mamamayang nasa paligid nila. 31 Ngunit dahil sa laki ng inyong habag, hindi nʼyo sila pinabayaan o lubos na ipinahamak, dahil mahabagin at maalalahanin kayo, O Dios.

32 “Kayo na aming Dios ay makapangyarihan at tunay na kamangha-mangha. Tinutupad po ninyo ang inyong kasunduan at ipinapakita ang inyong pag-ibig. Ngayon, huwag po ninyong balewalain ang aming mga pagtitiis. Nagtiis kaming lahat na inyong mamamayan, pati ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at mga ninuno, mula pa ng panahong pinahirapan kami ng mga hari ng Asiria hanggang ngayon. 33 Matuwid ang ginawa nʼyong paghatol sa amin. Matapat kayo sa amin, pero kami ay mga makasalanan. 34 Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at mga ninuno ay hindi tumupad sa inyong Kautusan. Hindi pinansin ang inyong mga utos at mga babala. 35 Kahit mayroon silang sariling kaharian, at nakakaranas ng labis ninyong kabutihan, at kahit binigyan nʼyo sila ng malawak at matabang lupain, hindi pa rin sila naglingkod sa inyo at hindi tumalikod sa masama nilang pag-uugali. 36 Ito po ang dahilan kaya kamiʼy mga alipin ngayon sa lupaing ito na ibinigay nʼyo sa aming mga ninuno, kung saan makakakain sila ng mga ani nito at ng iba pang mabubuting produkto nito. 37 Ang masaganang ani ng mga lupain ay napupunta sa mga hari na pinaghari nʼyo sa amin dahil sa aming mga kasalanan. Ginagawa nila ang gusto nilang gawin sa amin at sa mga alaga naming hayop, at sobra-sobra ang aming pagtitiis.”

Gumawa ng Kasunduan ang mga Tao

38 “Dahil dito, kami pong mga Judio ay gumawa ng isang matibay na kasunduan. Isinulat ito at pinirmahan ng aming mga pinuno, mga pari, at mga Levita.”

10 Ang unang pumirma ay si Gobernador Nehemias na anak ni Hakalias, at si Zedekia.

2-8 Ang mga paring pumirma ay sina Seraya, Azaria, Jeremias, Pashur, Amaria, Malkia, Hatush, Shebania, Maluc, Harim, Meremot, Obadias, Daniel, Gineton, Baruc, Meshulam, Abijah, Mijamin, Maazia, Bilgai, at Shemaya.

9-13 Ang mga Levita na pumirma ay sina Jeshua na anak ni Azania, Binui na mula sa pamilya ni Henadad, Kadmiel, Shebania, Kelita, Pelaya, Hanan, Mica, Rehob, Hashabia, Zacur, Sherebia, Shebania, Hodia, Bani, at Beninu.

14-27 Ang mga pinuno na pumirma ay sina Paros, Pahat Moab, Elam, Zatu, Bani, Buni, Azgad, Bebai, Adonia, Bigvai, Adin, Ater, Hezekia, Azur, Hodia, Hashum, Bezai, Harif, Anatot, Nebai, Magpias, Meshulam, Hezir, Meshezabel, Zadok, Jadua, Palatia, Hanan, Anaya, Hoshea, Hanania, Hashub, Halohes, Pilha, Shobek, Rehum, Hashabna, Maaseya, Ahia, Hanan, Anan, Maluc, Harim, at Baana.

Ang Kasunduan

28 Ang iba pang mamamayan ng Israel, pati na ang mga pari, mga Levita, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga mang-aawit, mga utusan sa templo, at ang lahat ng nakahiwalay sa mga dayuhang nakatira sa lupain namin para sumunod sa Kautusan ng Dios, maging ang mga asawa nila at ang mga batang nakakaunawa na 29 ay nanumpa kasama ng aming mga pinuno, na aming tutuparin ang Kautusan na ibinigay ng Dios sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Nanumpa rin kami na tatanggapin namin ang sumpa ng Dios kung hindi namin matutupad ang pangakong susundin namin ang lahat ng utos at tuntunin ng Panginoon na aming Dios. 30 Nangako kami na hindi namin papayagang makapag-asawa ang mga anak namin ng mga dayuhang naninirahan sa aming lupain. 31 Nangako rin kami na hindi kami bibili kung ipagbibili ng mga dayuhan ang trigo nila o kahit anong ipinagbibili sa Araw ng Pamamahinga o sa ibang banal na araw. At tuwing ikapitong taon, hindi kami magtatanim sa aming lupain, at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin.

32 Nangako pa kami na tutuparin namin ang utos na magbibigay kami bawat taon ng apat na gramong pilak para sa gawain sa templo ng aming Dios. 33 Nakalaan ito para sa tinapay na inihahandog sa presensya ng Dios, sa mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon na inihahandog araw-araw, sa mga handog para sa Araw ng Pamamahinga, para sa Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[w] at sa iba pang mga pista; maging sa iba pang mga banal na handog tulad ng handog sa paglilinis na inihahandog upang matubos ang mga mamamayan ng Israel sa kanilang mga kasalanan. Ginagamit din ang perang ito sa iba pang mga pangangailangan sa templo ng aming Dios. 34 Nagpalabunutan kaming lahat, pati ang mga pari namin at mga Levita, para malaman kung kailan magdadala ng panggatong ang bawat pamilya bawat taon para gamitin sa mga handog sa altar ng Panginoon na aming Dios, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

35 Nangako rin kami na dadalhin namin bawat taon sa templo ng Panginoon ang unang ani ng aming bukirin at ang unang bunga ng aming mga tanim. 36 Dadalhin din namin sa mga pari na naglilingkod sa templo ng aming Dios ang aming panganay na anak na lalaki, pati ang unang anak ng aming mga baka, tupa, at kambing, ayon sa nasusulat sa Kautusan.

37 Nangako pa kami na dadalhin namin sa mga pari ang pinakamagandang klase ng aming harina at ang iba pang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, para ilagay sa bodega ng templo ng Dios. Dadalhin din namin ang pinakamabuti naming mga prutas, at ang bagong katas ng ubas at langis ng olibo. Dadalhin din namin sa mga Levita ang ikapu ng aming mga ani, dahil sila ang nangongolekta ng mga ikapu sa lahat ng baryo na may mga sakahan. Kapag mangongolekta ng ikapu ang mga Levita, 38 sinasamahan sila ng mga pari mula sa angkan ni Aaron. At ang ikapu ng nakolekta ay dadalhin ng mga Levita sa bodega ng templo ng aming Dios. 39 Ang mga Israelita, pati na ang mga Levita ay dapat magdala ng mga handog na trigo, bagong katas ng ubas at langis sa bodega kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng templo at kung saan nakatira ang mga pari na naglilingkod, ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at ang mga mang-aawit.

Kaya nangako kami na hindi namin pababayaan ang templo ng aming Dios.

Ang mga Naninirahan sa Jerusalem

11 Nang panahong iyon, ang mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ay nakatira sa Jerusalem, ang banal na lungsod. Nagpalabunutan ang mga tao para sa bawat sampung pamilya ay may isang pamilyang maninirahan sa Jerusalem, habang ang ibaʼy mananatili sa mga bayan nila. Pinuri ng mga tao ang lahat ng nagpasyang tumira sa Jerusalem.

3-4 Ang ibang Israelita, pati mga pari, mga Levita, mga utusan sa templo, at ang mga angkan ng mga alipin ni Solomon ay patuloy na nakatira sa kanilang sariling mga lupain sa ibaʼt ibang mga bayan ng Juda. Ang ibang mga mamamayan ng Juda at Benjamin ay nakatira sa Jerusalem.

Ito ang mga pinuno ng mga probinsya ng Juda at Benjamin na nakatira sa Jerusalem.

Mula sa lahi ni Juda:

Si Ataya na anak ni Uzia. (Si Uzia ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Shefatia. At si Shefatia ay anak ni Mahalalel na mula sa angkan ni Perez.)

Si Maaseya na anak ni Baruc. (Si Baruc ay anak ni Col Hoze. Si Col Hoze ay anak ni Hazaya. Si Hazaya ay anak ni Adaya. Si Adaya ay anak ni Joyarib. At si Joyarib ay anak ni Zacarias na mula sa angkan ni Shela.) (Sa mga angkan ni Perez, 468 matatapang na lalaki na nakatira rin sa Jerusalem.)

Mula sa lahi ni Benjamin:

Si Salu na anak ni Meshulam (si Meshulam ay anak ni Joed; si Joed ay anak ni Pedaya; si Pedaya ay anak ni Kolaya; si Kolaya ay anak ni Maaseya; si Maaseya ay anak ni Itiel; at si Itiel ay anak ni Jeshaya);

ang sumunod kay Salu ay sina Gabai at Salai, at ang 928 kamag-anak nila.

Si Joel na anak ni Zicri ang pinakapinuno nila at ang ikalawa sa kanya ay si Juda na anak ni Hasenua.

10 Mula sa mga Pari:

Si Jedaya na anak ni Joyarib, si Jakin, 11 at si Seraya na anak ni Hilkia (Si Hilkia ay anak ni Meshulam, Si Meshulam ay anak ni Zadok, si Zadok ay anak ni Merayot. At si Merayot ay anak ni Ahitub na namamahala sa templo ng Dios); 12 ang 822 lalaking kasama nilang nagpapagal sa templo:

Si Adaya na anak ni Jeroham. (Si Jeroham ay anak ni Pelalia. Si Pelalia ay anak ni Amzi. Si Amzi ay anak ni Zacarias. Si Zacarias ay anak ni Pashur. At si Pashur ay anak ni Malkia); 13 ang mga kasama ni Adaya na 242 lalaki na mga pinuno ng mga pamilya:

Si Amasai ay anak ni Azarel. (Si Azarel ay anak ni Azai. Si Azai ay anak ni Meshilemot. At si Meshilemot ay anak ni Imer); 14 ang mga kasama ni Amasai na 128 matatapang na lalaki:

Si Zabdiel na anak ni Hagedolim ang pinakapinuno nila.

15 Mula sa mga Levita:

Si Shemaya na anak ni Hashub. (Si Hashub ay anak ni Azrikam; si Azrikam ay anak ni Hashabia; at si Hashabia ay anak ni Buni.)

16 Si Shabetai at si Jozabad na dalawang pinuno ng mga Levita. Sila ang mga katiwalang namamahala sa mga gawain sa labas ng templo.

17 Si Matania ay anak ni Mica. (Si Mica ay anak ni Zabdi at si Zabdi ay anak ni Asaf.) Si Matania ang nangunguna sa mga mang-aawit na umaawit ng pananalangin at pasasalamat.

Si Bakbukia na kasama ni Matania.

Si Abda na anak ni Shamua. (Si Shamua ay anak ni Galal, at si Galal ay anak ni Jedutun.)

18 May 248 lahat ang mga Levita na nakatira sa Jerusalem, ang banal na lungsod.

19 Mula sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo:

Si Akub at si Talmon, at ang mga kasama nilang 172 lalaking guwardya ng pintuan ng templo.

20 Ang ibang mga Israelita, pati mga pari at mga Levita ay nakatira sa mga lupaing minana nila sa kanilang mga ninuno sa ibaʼt ibang mga bayan ng Juda. 21 Ngunit ang mga utusan sa templo na pinangungunahan nina Ziha at Gishpa ay doon tumira sa bulubundukin ng Ofel.

22 Ang pinakapinuno ng mga Levita sa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani (si Bani ay anak ni Hashabia; si Hashabia ay anak ni Matania; at si Matania ay anak ni Mica). Si Uzi ay isa sa mga angkan ni Asaf, na mang-aawit sa templo ng Dios. 23 Ang hari ang nag-uutos sa kanila tungkol sa mga gagawin nila sa bawat araw.

24 Si Petahia na anak ni Meshezabel, na isa sa mga angkan ni Zera na anak ni Juda, ang kinatawan ng bayan ng Israel sa hari ng Persia.

25 Ang ibang mga mamamayan ng Juda ay nakatira sa mga bayan na malapit sa mga lupain nila. Ang iba sa kanila ay nakatira sa Kiriat Arba, Dibon, Jekabzeel, at sa mga baryo sa paligid ng mga bayang ito. 26 Ang iba sa kanila ay nakatira sa Jeshua, Molada, Bet Pelet, 27 Hazar Shual, Beersheba, at sa mga baryo sa palibot nito. 28 Mayroon ding nakatira sa kanila sa Ziklag, sa Mecona, at sa mga baryo sa paligid nito, 29 sa En Rimon, Zora, Jarmut, 30 Zanoa, Adulam, at sa mga baryo sa paligid ng mga bayang ito. Ang iba pa sa kanila ay nakatira sa Lakish at sa malalapit na mga sakahan, at sa Azeka at sa mga baryo sa paligid nito. Kaya nakatira ang tao sa Juda mula sa Beersheba hanggang sa Lambak ng Ben Hinom.

31 Ang ibang mga mamamayan ng Benjamin ay nakatira sa Geba, Micmash, Aya, Betel, at sa mga baryo sa paligid nito. 32 Ang iba sa kanila ay nakatira sa Anatot, Nob, Anania, 33 Hazor, Rama, Gitaim, 34 Hadid, Zeboim, Nebalat, 35 Lod, Ono, at sa Lambak ng mga Manggagawa. 36 Ang iba pang mga Levita na nakatira sa Juda ay pinatira kasama ng mga mamamayan ng Benjamin.

Ang mga Pari at ang mga Levita

12 1-7 Ito ang talaan ng mga pari at ng mga Levita na bumalik mula sa pagkabihag kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel at ni Jeshua na punong pari. Ang mga pari ay sina Seraya, Jeremias, Ezra, Amaria, Maluc, Hatush, Shecania, Rehum, Meremot, Iddo, Gineton, Abijah, Mijamin, Moadia, Bilga, Shemaya, Joyarib, Jedaya, Salu, Amok, Hilkia, at Jedaya. Sila ang mga pinuno ng mga kapwa nila pari at ng kanilang mga kasama noong panahon ni Jeshua.

Ang mga Levita ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Sherebia, Juda at Matania. Si Matania at ang mga kasama niya ang katiwala sa pag-awit ng mga awit ng pasasalamat. At sina Bakbukia, Uni, at ang mga kasama nila, ang katiwala sa pagsagot sa awit na iyon.

Ang mga Lahi ng Punong Pari na si Jeshua

10 Si Jeshua ay ama ni Joyakim. Si Joyakim ay ama ni Eliashib. Si Eliashib ay ama ni Joyada. 11 Si Joyada ay ama ni Jonatan. At si Jonatan ay ama ni Jadua.

Ang Pinuno ng mga Pamilya ng mga Pari

12-13 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga pari noong si Joyakim ang punong pari:

Si Meraya ang pinuno ng pamilya ni Seraya.

Si Hanania ang pinuno ng pamilya ni Jeremias.

Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Ezra.

Si Jehohanan ang pinuno ng pamilya ni Amaria.

14 Si Jonatan ang pinuno ng pamilya ni Maluc.

Si Jose ang pinuno ng pamilya ni Shebania.[x]

15 Si Adna ang pinuno ng pamilya ni Harim.

Si Helkai ang pinuno ng pamilya ni Merayot

16 Si Zacarias ang pinuno ng pamilya ni Iddo.

Si Meshulam ang pinuno ng pamilya ni Gineton.

17 Si Zicri ang pinuno ng pamilya ni Abijah.

Si Piltai ang pinuno ng pamilya nina Miniamin at Moadia.

18 Si Shamua ang pinuno ng pamilya ni Bilga.

Si Jehonatan ang pinuno ng pamilya ni Shemaya.

19 Si Matenai ang pinuno ng pamilya ni Joyarib.

Si Uzi ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.

20 Si Kalai ang pinuno ng pamilya ni Salu.

Si Eber ang pinuno ng pamilya ni Amok.

21 Si Hashabia ang pinuno ng pamilya ni Hilkia.

At si Netanel ang pinuno ng pamilya ni Jedaya.

Ang mga Pinuno ng mga Pamilya ng mga Levita

22 Noong panahon ng paghahari ni Darius sa Persia, inilista ang mga pangalan ng mga pinuno sa mga pamilya ng mga pari at mga Levita. Nang panahon ng mga punong pari na sina Eliashib, Joyada, Johanan, at Jadua. 23 Ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita hanggang sa panahon ni Johanan na apo ni Eliashib ay nakalista sa Aklat ng Kasaysayan.

24 Ito ang mga pinuno ng mga pamilya ng mga Levita: si Hashabia, Sherebia, Jeshua, Binui, Kadmiel,[y] at ang iba pa nilang mga kasama na nakatayo sa kabilang bahagi nila sa oras ng pag-awit sa templo ng mga papuri at pasasalamat sa Dios. Sila ang sumasagot sa awit ng kabilang grupo, ayon sa utos ni David na lingkod ng Dios. 25 Ang mga guwardya ng pintuan ng templo na nagbabantay ng mga bodega na malapit sa pintuan ay sina Matania, Bakbukia, Obadias, Meshulam, Talmon at Akub. 26 Sila ang naglilingkod sa panahon ni Joyakim na anak ni Jeshua at apo ni Jozadak, at sa panahon ni Nehemias na gobernador at ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan.

Itinalaga sa Dios ang Pader ng Lungsod

27 Noong panahong itinalaga ang pader ng Jerusalem, ipinatawag ang mga Levita mula sa tinitirhan nila. Pinapunta sila sa Jerusalem upang makalahok sa masayang pagdiriwang ng pagtatalaga ng templo sa pamamagitan ng pag-awit ng mga awit ng pasasalamat at pagtugtog ng mga pompyang, alpa, at lira. 28 Pinapunta rin ang mga mang-aawit mula sa mga baryo sa paligid ng Jerusalem at mula sa baryo ng Netofa. 29 May mga nagmula sa bayan ng Bet Gilgal, at sa lugar ng Geba at Azmavet. Sapagkat ang mga mang-aawit ay nagtayo ng sarili nilang mga baryo sa paligid ng Jerusalem. 30 Gumawa ng seremonya sa paglilinis ang mga pari at mga Levita, para maging malinis sila, at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao, sa mga pintuan ng lungsod at sa pader nito.

31 Dinala ko ang mga pinuno ng Juda sa itaas ng pader, at tinipon ko roon ang dalawang malalaking grupo ng mga mang-aawit para magpasalamat sa Dios. Ang isang grupo naman ay nagmartsa roon sa itaas papunta sa pintuan ng pinagtatapunan ng basura. 32 Sumusunod sa kanila sina Hosaya at ang kalahati ng mga pinuno ng Juda, 33 kasama rin sina Azaria, Ezra, Meshulam, 34 Juda, Benjamin, Shemaya, Jeremias, 35 at ilang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta. Sumusunod din si Zacarias na anak ni Jonatan. (Si Jonatan ay anak ni Shemaya. Si Shemaya ay anak ni Matania. Si Matania ay anak ni Micaya. At si Micaya ay anak ni Zacur na angkan ni Asaf.) 36 Sumusunod naman kay Zacarias ang mga kasama niyang sina Shemaya, Azarel, Milai, Gilalai, Maai, Netanel, Juda at Hanani. May dala silang mga instrumento katulad ng mga tinutugtog noon ni Haring David na lingkod ng Dios. Ang grupong ito ay pinapangunahan ni Ezra na tagapagturo ng kautusan. 37 Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal, umakyat sila sa daang parang hagdan na papuntang Lungsod ni David. Dumaan sila sa palasyo ni David hanggang makarating sila sa Pintuan ng Tubig, sa gawing silangan ng lungsod.

38 Ang ikalawang grupo ay nagmartsa pakaliwa sa itaas ng pader. Sumunod ako sa grupong ito kasama ang kalahati ng mamamayan.[z] Dumaan kami sa gilid ng Tore na May Hurno papunta sa Malapad na Pader. 39 Mula roon dumaan kami sa Pintuan ni Efraim, sa Lumang Pintuan,[aa] sa pintuan na tinatawag na Isda, sa Tore ni Hananel, at sa Tore ng Isang Daan.[ab] Pagkatapos, dumaan kami sa pintuan na tinatawag na Tupa at huminto sa may Pintuan ng Guwardya.

40 Ang dalawang grupo na nagpapasalamat sa Dios habang nagmamartsa ay dumiretso sa templo ng Dios. Dumiretso rin ako roon at ang kalahati ng mga opisyal na kasama ko. 41 Naroon din ang mga pari na nagpapatunog ng trumpeta na sina Eliakim, Maaseya, Mijamin, Micaya, Elyoenai, Zacarias, at Hanania, 42 at ang mga mang-aawit na sina Maaseya, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at Ezer. Sila ang mga mang-aawit na pinamumunuan ni Jezrahia. 43 Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at nagsaya, dahil lubos silang pinagalak ng Dios. Pati ang mga babae at mga bata ay naging masaya rin. Kaya ang ingay ng pagsasaya nila ay naririnig kahit sa malayo.

44 Nang araw ding iyon, naglagay sila ng mga lalaki na mamamahala sa mga bodega na pinaglalagyan ng mga kaloob, ng unang ani, at ng ikapu. Sila ang mangongolekta ng mga handog mula sa mga sakahan sa paligid ng mga bayan para sa mga pari at sa mga Levita, ayon sa Kautusan. Sapagkat natutuwa ang mga mamamayan ng Juda sa mga gawain ng mga pari at ng mga Levita. 45 Ginawa nila ang seremonya sa paglilinis at ang iba pang mga gawain na ipinapatupad sa kanila ng Dios. Ginawa rin ng mga mang-aawit at ng mga guwardya ng mga pintuan ng templo ang mga gawain nila ayon sa mga utos ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 46 Mula pa ng panahon ni Haring David at ni Asaf, mayroon nang mga namumuno sa mga umaawit ng papuri at pasasalamat sa Dios. 47 Kaya noong panahon ni Zerubabel at ni Nehemias, ang lahat ng mga Israelita ay nagbibigay ng mga handog nila para sa mga mang-aawit at mga guwardya ng mga pintuan ng templo, maging sa mga Levita. At mula sa mga natatanggap nila binahaginan din ng mga Levita ang mga paring mula sa angkan ni Aaron.

Ang mga Pagbabago na Ginawa ni Nehemias

13 Nang araw na iyon binasa ang Kautusan ni Moises sa mga tao, nalaman nilang ipinagbabawal ang mga Ammonita at mga Moabita na makihalubilo sa mga mamamayan ng Dios. Dahil hindi nila binigyan ng pagkain at inumin ang mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan nila si Balaam na isumpa ang mga Israelita. Ngunit sa halip na sumpa, ginawa ito ng Dios na pagpapala. Nang marinig ng mga tao ang kautusang iyon, hindi na nila isinama ang mga hindi tunay na Israelita.

Bago ito nangyari, si Eliashib na pari, na namamahala ng mga bodega sa templo ng aming Dios at kamag-anak ni Tobia, ay nagpahintulot kay Tobia na gamitin ang malaking kwarto sa templo. Ang kwartong ito ay ginagamit noon na bodega para sa mga handog na pagkain, insenso, mga kagamitan sa templo, mga handog sa mga pari, mga ikapu ng mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis, na ayon sa Kautusan ay para sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga guwardya ng mga pintuan ng templo. Wala pa ako sa Jerusalem nang mangyari ito, dahil noong ika-32 taon ng paghahari ni Artaserses sa Babilonia, pumunta ako sa kanya. Kinalaunan, pinayagan din niya ako na makabalik sa Jerusalem. At pagdating ko, nalaman ko ang masamang ginawa ni Eliashib na nagpatira kay Tobia sa kwarto na nasa harapan ng templo ng Dios. Sa tindi ng galit ko, pinagtatapon ko ang lahat ng kagamitan ni Tobia palabas ng kwarto. Agad kong iniutos na linisin ang kwarto. At pagkatapos, pinabalik ko roon ang mga kagamitan ng templo pati ang mga handog na pagkain at ang insenso.

10 Nalaman ko rin na ang mga Levita ay hindi na nabigyan ng bahagi na para sa kanila, kaya sila at ang mga mang-aawit na pinagkatiwalaan ng mga gawain sa templo ay nagsiuwi para magsaka. 11 Kaya pinagsabihan ko ang mga opisyal, “Bakit pinapabayaan nʼyo ang templo ng Dios?” Ipinatawag ko agad ang mga Levita at ang mga mang-aawit at pinabalik sa mga gawain nila sa templo. 12 At muli ang lahat ng mamamayan ng Juda ay nagdala ng ikapu ng kanilang mga trigo, bagong katas ng ubas, at langis doon sa mga bodega. 13 Ang pinamahala ko sa mga bodega ay si Shelemia na pari, si Zadok na tagapagturo ng kautusan, at ang Levitang si Pedaya. Pinatulong ko rin sa kanila si Hanan na anak ni Zacur at apo ni Matania. Sila ang pinili ko dahil maaasahan sila. Ipinagkatiwala ko rin sa kanila ang pamamahagi ng mga pangangailangan ng kapwa nila manggagawa sa templo.

14 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at huwag kalimutan ang tapat kong paglilingkod para sa inyong templo at sa mga gawain dito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®