Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 26:57 - Marcos 9:13

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(A)

57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, ang Kataas-taasang Pari, sa pinagpupulungan ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. 58 Ngunit sinundan siya ni Pedro sa may kalayuan, hanggang sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. Pumasok siya at umupong kasama ng mga tanod upang tingnan kung ano ang kahihinatnan ng lahat. 59 Naghanap ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ng huwad na katibayan laban kay Jesus upang siya'y kanilang maipapatay. 60 Subalit wala silang natagpuan bagama't maraming mga sinungaling na saksi ang nagdatingan. Sa bandang huli ay may dalawang humarap, 61 at (B)sinabi nila, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.” 62 Tumindig ang Kataas-taasang Pari at sinabi sa kanya, “Hindi ka ba man lamang sasagot? Ano ba itong ipinaparatang ng mga ito laban sa iyo?” 63 Subalit hindi nagsalita si Jesus. Sinabi ng Kataas-taasang Pari sa kanya, “Manumpa ka sa harapan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” 64 Sinabi (C) ni Jesus sa kanya, “Kayo na ang nagsabi niyan, ngunit sinasabi ko sa inyo, pagkatapos nito ay makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap ng himpapawid.” 65 Dahil (D) dito'y pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang mga damit, at sinabi, “Paglapastangan ang sinasabi niya. Ano pang patotoo ang kailangan natin? Ayan, narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan. 66 Ano'ng masasabi ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Pagkatapos (E) ay kanilang dinuraan siya sa mukha at pinagsusuntok. Sinampal din siya ng iba, 68 sabay ang pagsasabi, “Di ba't isa kang propeta, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?”

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(F)

69 Noon ay nakaupo si Pedro sa labas ng bakuran nang lapitan siya ng isang aliping babae, na nagsabi, “Kasama ka rin niyang si Jesus na taga-Galilea.” 70 Ngunit itinanggi niya ito sa harap nilang lahat. Sabi niya, “Wala akong alam sa sinasabi mo.” 71 Paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin na nagsabi sa ibang naroon, “Ang taong ito ay kasamahan din ni Jesus na taga-Nazareth.” 72 At muli niyang itinanggi ito na may kasama pang panunumpa, “Talagang hindi ko kilala ang taong iyon.” 73 Pagkaraan pa ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, “Sigurado kaming ikaw ay isa rin sa kanila. Halatang-halata naman sa iyong pananalita.” 74 Kaya't nagsimula siyang magsalita ng masama at sumumpang, “Hindi ko kilala ang taong iyon.” At kaagad tumilaok ang manok. 75 Noon ay naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok ay tatlong ulit mo na akong naipagkakaila.” At siya'y lumabas at buong kapaitang umiyak.

Iniharap si Jesus kay Pilato(G)

27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagsanggunian kung paano maipapapatay si Jesus. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at iniharap sa gobernador na si Pilato.

Nagpakamatay si Judas(H)

Nang makita (I) ng nagkanulong si Judas na si Jesus ay nahatulan na, siya'y nagsisi at isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatandang pinuno. Wika niya, “Nagkasala ako sa pagkakanulo sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Bahala ka sa sarili mo.” At inihagis ni Judas ang mga piraso ng pilak sa loob ng templo at siya'y lumabas. Umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak at sinabi nila, “Hindi nararapat na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang katumbas nito.” Kaya't napagkasunduan nilang gamitin iyon upang bilhin ang bukid ng magpapalayok, na gagawing libingan ng mga dayuhan. Dahil dito, ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't (J) natupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Jeremias,[a] “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, na inihalaga sa kanya ng ilang anak ng Israel, 10 at ang mga iyon ay ipinambayad nila sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(K)

11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(L)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[b] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (M) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[c] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Tinuya ng mga Kawal si Jesus(N)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(O)

32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (P) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (Q) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (R) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (S) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (T) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.

Namatay si Jesus(U)

45 Mula sa katanghaliang-tapat[d] hanggang sa ikatlo ng hapon[e] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (V) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (W) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[f] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (X) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[g] 55 At (Y) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(Z)

57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.

Naglagay ng mga Bantay sa Libingan

62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (AA) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[h] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.

Muling Nabuhay si Jesus(AB)

28 Pagkatapos ng Sabbath, sa pagbubukang-liwayway ng unang araw ng linggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumunta sa libingan upang ito'y tingnan. At biglang lumindol nang malakas, sapagkat may isang anghel ng Panginoon na bumaba mula sa langit. Pumunta iyon sa libingan, iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. Parang kidlat ang kanyang anyo at parang busilak sa kaputian ang kanyang pananamit. At dahil sa takot sa anghel, nanginig at hinimatay ang mga bantay. Subalit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot. Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, sapagkat nabuhay siyang muli, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang kanyang hinigaan.[i] Magmadali kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.” Nagmamadali nga silang umalis sa libingan nang may magkahalong takot at malaking tuwa. Tumakbo sila upang magbalita sa mga alagad niya. At biglang sinalubong sila ni Jesus, binati sila at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya at yumakap sa kanyang mga paa at sumamba sa kanya. 10 Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon nila ako makikita.”

Nag-ulat ang mga Bantay

11 Habang papaalis ang mga babae, ang ilan sa mga bantay ay pumasok sa lungsod at kanilang ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga nangyari. 12 Pagkatapos nilang makipagpulong sa matatandang pinuno at nagkasundo sa balakin, nagbigay sila ng malaking halaga sa mga kawal. 13 Sinabi nila, “Sabihin ninyo, ‘Dumating kagabi ang kanyang mga alagad at siya'y kanilang ninakaw habang kami'y natutulog.’ 14 Kung sakaling mabalitaan ito ng gobernador, kami na ang magpapaliwanag sa kanya, at ilalayo namin kayo sa gulo.” 15 Tinanggap nila ang salapi at ginawa nila ang ipinagbilin sa kanila. At ang ulat na ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito.

Sinugo ni Jesus ang mga Alagad(AC)

16 Samantala, (AD) ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na ipinagbilin sa kanila ni Jesus. 17 At nang siya'y kanilang makita, sila'y sumamba sa kanya. Ngunit ang iba ay nag-alinlangan. 18 Paglapit ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, “Naibigay na sa akin ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa. 19 Kaya't (AE) sa inyong paghayo ay gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu, 20 at tinuturuan silang gumanap sa lahat ng mga bagay na ipinagbilin ko sa inyo. At tandaan ninyo, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon.”[j][k]

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(AF)

Ito ang pasimula ng ebanghelyo[l] ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. Nasusulat (AG) sa aklat ni propeta Isaias,

“Narito, ang aking sugo ay ipinadadala ko sa iyong unahan.[m]
    Siya ang maghahanda ng iyong daraanan.
Isang (AH) tinig ang sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
    Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang lalakaran.’ ”

Dumating sa ilang si Juan na nagbabautismo at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi tungo sa pagpapatawad ng mga kasalanan. Pumupunta sa kanya ang lahat ng mga tao mula sa lupain ng Judea at sa Jerusalem. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan. Nakadamit (AI) si Juan ng balahibo ng kamelyo, at yari sa balat ang kanyang sinturon. Mga balang at pulot-pukyutan ang kanyang pagkain. Ganito ang kanyang ipinapangaral, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin. At hindi man lamang ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(AJ)

Dumating noon si Jesus mula sa Nazareth ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa ilog Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus mula sa tubig, bigla niyang nakitang nabuksan ang kalangitan, habang ang Espiritu'y bumababa sa kanya tulad ng isang kalapati. 11 At (AK) narinig mula sa kalangitan ang isang tinig, “Ikaw ang minamahal kong Anak, ikaw ang lubos kong kinalulugdan.”

12 Pagkatapos ay kaagad siyang pinapunta ng Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon nang apatnapung araw habang tinutukso ni Satanas. Kasama ni Jesus doon ang mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(AL)

14 Nang maibilanggo na si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, (AM) “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!”

Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad

16 Habang dumaraan si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila noon ng lambat sa dagat. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 18 Kaagad iniwan ng dalawa ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. 19 Nang makalakad pa nang kaunti ay nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila noon at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila kaagad ni Jesus. Sumunod naman sila sa kanya at iniwan ang ama nilang si Zebedeo at ang kanilang mga upahang tauhan.

Ang Lalaking may Masamang Espiritu(AN)

21 Nagpunta sila sa Capernaum, at nang dumating ang araw ng Sabbath ay pumasok sa sinagoga si Jesus at kaagad nagturo. 22 Namangha (AO) ang mga tao sapagkat nagtuturo siya tulad ng may awtoridad at hindi gaya ng mga tagapagturo ng Kautusan. 23 Naroon sa sinagoga ang isang lalaking sinasaniban ng maruming espiritu. Bigla itong sumigaw: 24 “Ano'ng kailangan mo sa amin, Jesus na taga-Nazareth? Pumunta ka ba rito upang puksain kami? Kilala kita—ang Hinirang ng Diyos.” 25 Subalit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, “Tumahimik ka! Lumayas ka sa kanya!” 26 Pinangisay ng maruming espiritu ang lalaki, nagsisigaw at pagkatapos ay lumabas mula dito. 27 Labis na namangha ang mga tao, at nag-usap-usap, “Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihang inuutusan niya maging ang maruruming espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya!” 28 Mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus.

Ang Pagpapagaling sa Maraming Tao(AP)

29 Mula sa sinagoga ay agad silang tumuloy sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil sa lagnat. Kaagad nilang sinabi kay Jesus[n] ang tungkol sa kanya. 31 Kaya't lumapit si Jesus sa babae, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Nawala kaagad ang lagnat ng babae at siya'y naglingkod sa kanila. 32 Pagsapit ng gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasaniban ng demonyo. 33 Lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon sa harap ng bahay. 34 Nagpagaling siya ng maraming taong may iba't ibang uri ng sakit, at nagpalayas ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat alam ng mga ito kung sino siya.

Ang Pangangaral ni Jesus sa Galilea(AQ)

35 Kinabukasan, madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at lumabas na ng bahay. Nagtungo siya sa isang di-mataong lugar, at doon ay nanalangin. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan nito. 37 Nang siya'y natagpuan nila, sinabi nilang, “Hinahanap ka ng lahat.” 38 Sumagot si Jesus, “Pumunta tayo sa mga kalapit-bayan upang makapangaral din ako roon. Ito ang dahilan ng aking pagparito.” 39 Kaya (AR) nilakbay ni Jesus ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.

Pinagaling ang Isang Ketongin(AS)

40 May isang ketonging lumapit kay Jesus, lumuhod at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo'y magagawa ninyong linisin ako.” 41 Labis na nahabag si Jesus sa ketongin, kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Nais ko. Maging malinis ka!” 42 Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at ito'y luminis. 43 Pagkatapos niya itong pagbilinan nang mahigpit, kaagad niya itong pinaalis. 44 Ganito (AT) ang bilin niya sa lalaki, “ Huwag mo itong sasabihin kahit kanino. Sa halip, magpasuri ka sa pari at maghandog ka ayon sa utos ni Moises. Gawin mo ito bilang patunay sa kanila na malinis ka na.” 45 Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Kaya't hindi na hayagang makapasok sa mga bayan si Jesus, at sa halip ay nanatili na lamang sa labas ng bayan. Gayunman, kahit doo'y patuloy siyang dinadayo ng mga tao na mula pa sa iba't ibang dako.

Ang Pagpapagaling sa Paralitiko(AU)

Nang magbalik si Jesus sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balitang siya'y nasa kanilang bahay. Nagtipon doon ang maraming tao, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. Ipinangangaral niya sa kanila ang salita. Dumating ang apat na lalaking may buhat na lalaking paralitiko. Dahil sa dami ng tao ay hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus, kaya't binakbak nila ang bubungan sa tapat niya. Pagkatapos nito'y ibinaba nila ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” Ang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon ay nag-iisip ng ganito: “Bakit ganyan ang salita ng taong iyan? Kalapastanganan iyan! Hindi ba't Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan?” Kaagad nabatid ni Jesus sa kanyang kalooban ang tanong sa kanilang pag-iisip, kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’ 10 Ngunit upang malaman ninyo na dito sa lupa ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa paralitiko, 11 “Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” 12 Bumangon nga ang lalaki, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Dahil dito'y namangha ang lahat at niluwalhati ang Diyos. Sinabi nila, “Wala pa kaming nakitang tulad nito!”

Ang Pagtawag kay Levi(AV)

13 Nagbalik si Jesus sa dalampasigan ng Galilea. Pinuntahan siya roon ng napakaraming tao at nagturo siya sa mga ito. 14 Sa kanyang paglalakad, nakita niyang nakaupo sa bayaran ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. “Sumunod ka sa akin,” sabi sa kanya ni Jesus. Tumayo naman si Levi at sumunod sa kanya.

15 Habang naghahapunan si Jesus sa bahay ni Levi, kasalo niya at ng kanyang mga alagad ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Marami sa kanila ang sumunod sa kanya. 16 Nang makita ng mga tagapagturo ng Kautusan na[o] kabilang sa mga Fariseo ang mga makasalanan at ang mga maniningil ng buwis, na kasalo ni Jesus, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya nakikisalo sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” 17 Narinig sila ni Jesus, kaya't sinabi sa kanila, “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”

Ang Katanungan tungkol sa Pag-aayuno(AW)

18 Nag-aayuno noon ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. May mga lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ng mga Fariseo, ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama nila ang lalaking ikakasal? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. 20 Ngunit darating ang panahong kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal; doon pa lamang sila makapag-aayuno. 21 Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, hahatakin nito ang luma, at lalong lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin ng bagong alak ang lumang balat. Matatapon lamang ang alak at masisira ang mga sisidlang-balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat.”

Ang Pamimitas ng Trigo sa Araw ng Sabbath(AX)

23 Isang (AY) araw ng Sabbath, napadaan sina Jesus sa isang bukirin ng trigo. Sa kanilang paglalakad, namitas ng uhay ang kanyang mga alagad. 24 Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit ginagawa ng mga alagad mo ang ipinagbabawal sa araw ng Sabbath?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain? 26 Noong (AZ) si Abiatar ang Kataas-taasang Pari, pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na handog sa Diyos. Binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan, gayong ang mga pari lamang ang pinahihintulutang kumain niyon.” 27 Sinabi ni Jesus, “Nagkaroon ng Sabbath para sa tao, at hindi ng tao para sa Sabbath. 28 Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(BA)

Minsang pumasok si Jesus sa sinagoga, naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado[p] ang isang kamay. Ilan sa mga naroon ang naghahanap ng maipaparatang laban kay Jesus.[q] Nagbantay silang mabuti at tiningnan kung kanyang pagagalingin ang lalaki[r] sa araw ng Sabbath. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa gitna.” Tinanong ni Jesus ang mga naroroon, “Alin ba ang ipinahihintulot kung araw ng Sabbath: ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama; ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Hindi makasagot ang mga naroon. Galit na tumingin sa kanila si Jesus at nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang puso. Sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay, at ito'y gumaling. Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes kung paano papatayin si Jesus.

Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa

Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at nagtungo sa lawa. Sumunod sa kanila ang napakaraming tao mula sa Galilea. Nang mabalitaan ang lahat ng ginagawa niya, nagdatingan ang napakaraming tao mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Nagpahanda (BB) si Jesus ng isang bangkang magagamit upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10 Dahil marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit para lang mahawakan siya. 11 At tuwing makikita siya ng maruruming espiritu, nagpapatirapa ang mga ito sa kanyang harapan at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12 Ngunit mahigpit silang pinagbawalan ni Jesus na sabihin kung sino siya.

Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawa(BC)

13 Umakyat si Jesus sa bundok, tinawag niya ang kanyang mga pinili, at lumapit ang mga ito sa kanya. 14 Humirang siya ng labindalawa [na tinawag din niyang mga apostol][s] upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, 15 at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon na pinangalanan niyang Pedro; 17 si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo na binansagan niyang Boanerges, ibig sabihi'y mga Anak ng Kulog; 18 sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; 19 at si Judas Iscariote na nagkanulo sa kanya.

Si Jesus at si Beelzebul(BD)

20 Pagtuloy ni Jesus sa isang bahay, muling nagtipon ang maraming tao kaya't hindi na nila makuhang kumain. 21 Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, pumunta sila upang siya'y sawayin sapagkat sinasabi ng mga tao, “Nawawala na siya sa sarili.” 22 Ang (BE) sabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasaniban siya ni Beelzebul. Nagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” 23 Dahil dito'y pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi ang ilang talinghaga, “Paanong mapalalayas ni Satanas si Satanas? 24 Kung hinahati ng isang kaharian ang sarili, babagsak ang kahariang iyon. 25 At kung hinahati ng isang sambahayan ang sarili, hindi rin mananatili ang sambahayang iyon. 26 Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, babagsak siya at darating ang kanyang wakas. 27 Walang maaaring makapasok sa bahay ng malakas na tao upang magnakaw malibang gapusin muna ang taong iyon; kung siya'y nakagapos na, saka pa lamang mananakawan ang kanyang bahay.

28 “Tinitiyak ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. 29 Ngunit (BF) sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapatatawad kailanman; nakagawa siya ng isang kasalanang walang hanggan.” 30 Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinabi nila, “Siya'y sinasaniban ng maruming espiritu.”

Ang Ina at ang mga Kapatid ni Jesus(BG)

31 Dumating ang ina at ang mga kapatid ni Jesus. Naroon sila sa labas ng bahay, at ipinatawag si Jesus. 32 Maraming tao ang nakaupo sa palibot ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki, hinahanap ka nila.” 33 “Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?” tanong ni Jesus. 34 Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! 35 Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina.”

Ang Talinghaga ng Manghahasik(BH)

Muling (BI) nagturo si Jesus sa tabi ng lawa. Napakaraming tao ang nagtipon sa palibot niya, kaya't sumakay siya sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang mga tao nama'y nasa dalampasigan. Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya sa kanila, “Makinig kayo! May isang manghahasik ang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ang ilang binhi ay nahulog sa tabing daan. Dumating ang mga ibon at kinain ito. May mga binhi namang nahulog sa batuhang may manipis na lupa. Agad sumibol ang mga binhi sapagkat ang lupa ay hindi malalim. Nang sumikat ang araw, nalanta at natuyo ang mga pananim, dahil walang gaanong ugat. May mga binhi namang nalaglag sa tinikan. Lumago ang mga tinik at sinakal ang binhing tumubo kaya't hindi namunga. Ang ibang binhi ay nalaglag sa matabang lupa. Tumubo ang mga ito, lumago at namunga nang marami—may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-isandaan.” Sinabi ni Jesus, “Ang may pandinig ay makinig.”

Ang Layunin ng mga Talinghaga(BJ)

10 Nang nag-iisa na siya, nilapitan si Jesus ng ilang nakikinig, kasama ang labindalawa. Itinanong nila ang kahulugan ng talinghaga. 11 Sinabi niya, “Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng paghahari ng Diyos. Ngunit sa kanilang nasa labas, sinasabi ang lahat sa pamamagitan ng talinghaga. 12 Kaya nga (BK)

‘tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita;
    at makinig man nang makinig ay hindi sila makauunawa;
baka sila'y magbalik-loob at patawarin.’ ”

13 Tinanong sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang talinghaga? 14 Ang naghahasik ay naghahasik ng Salita. 15 May mga taong tulad ng binhing nahasik sa daan. Matapos silang makinig, agad dumarating si Satanas at inaagaw ang salitang inihasik sa kanila. 16 Ang iba nama'y tulad ng mga nahasik sa batuhan. Nang marinig nila ang salita, buong galak nila itong tinanggap. 17 Ngunit dahil walang ugat, sandali lamang silang nagtatagal at madali silang tumalikod pagdating ng kapighatian o mga pag-uusig dahil sa Salita. 18 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa tinikan. Nakinig sila sa Salita, 19 ngunit dahil sa mga alalahanin sa buhay na ito, daya ng kayamanan, at pagnanasa sa ibang bagay, nawawalan ng puwang ang Salita sa kanilang puso at ito'y hindi makapamunga. 20 Ang iba nama'y tulad ng nahasik sa matabang lupa. Nakinig sila sa Salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan.”

Ang Ilawan sa Ilalim ng Takalan(BL)

21 Sinabi (BM) pa ni Jesus, “Ang ilaw bang sinindihan ay inilalagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan? Hindi ba't inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? 22 Sapagkat (BN) anumang nakatago ay malalantad, at anumang nalilihim ay mabubunyag. 23 Ang may pandinig ay makinig.” 24 Sinabi rin (BO) niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong pinakikinggan. Kung ano ang panukat na ginamit ninyo ay siya ring gagamitin sa inyo, at higit pa roon ang ibibigay sa inyo. 25 Sapagkat (BP) ang mayroon na ay bibigyan pa; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.”

Ang Binhing Tumutubo

26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: May isang taong naghasik ng binhi sa lupa. 27 Natutulog siya at gumigising sa araw at gabi, sumisibol pa rin at lumalaki ang binhi nang hindi niya namamalayan kung paano. 28 Ang lupa sa kanyang sarili ang nagpapasibol sa halaman,[t] una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. 29 Kapag (BQ) hinog na ang bunga, magsusugo agad ang magsasaka ng gagapas sapagkat panahon na ng pag-aani.”

Ang Butil ng Mustasa(BR)

30 Nagpatuloy si Jesus, “Saan natin maihahambing ang paghahari ng Diyos? Ano'ng talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? 31 Tulad ito ng binhi ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi. 32 Ngunit kapag ito'y naihasik, lumalaki ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng halaman. Yumayabong ang mga sanga nito, kaya't ang mga ibon ay nakapagpupugad sa lilim nito.”

Ang Paggamit ng mga Talinghaga(BS)

33 Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga ipinangaral sa kanila ni Jesus ang Salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. 34 Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit ipinapaliwanag niya ang lahat nang sarilinan sa kanyang mga alagad.

Pinatigil ni Jesus ang Unos(BT)

35 Kinagabihan, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” 36 Kaya't iniwan nila ang mga tao at tumawid ng lawa lulan ng bangkang sinasakyan ni Jesus. May iba pang mga bangkang sumabay sa kanila. 37 Dumating ang isang malakas na unos kaya't hinampas ng malalaking alon ang bangkang kanilang sinasakyan. Halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus nama'y natutulog sa hulihan ng bangka at nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad. “Guro,” sabi nila, “wala ba kayong malasakit? Malulunod na tayo!” 39 Bumangon si Jesus, sinaway ang hangin at inutusan ang lawa, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. 40 Sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natakot? Wala pa ba kayong pananampalataya?” 41 Labis silang natakot at sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ito? Pati hangin at tubig ay sumusunod sa kanya?”

Pinagaling ni Jesus ang Sinasaniban ng Demonyo(BU)

Dumating sila sa kabilang lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[u] Pagbaba ni Jesus mula sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa libingan. Ang lalaking ito'y sinasaniban ng maruming espiritu. Siya'y naninirahan sa mga libingan at hindi mapigilan kahit ng tanikala. Madalas siyang iposas at itanikala, ngunit nababali niya at nalalagot ang mga gapos. Walang may sapat na lakas na makasupil sa kanya. Araw-gabi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili sa pamamagitan ng mga bato. Malayo pa ay natanaw na niya si Jesus. Patakbo siyang lumapit at lumuhod sa harap niya. Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng kailangan mo sa akin! Alang-alang sa Diyos, huwag mo akong pahirapan!” Sinabi niya ito sapagkat iniutos sa kanya ni Jesus, “Ikaw na maruming espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon[v] ang pangalan ko sapagkat marami kami.” 10 Nagmakaawa siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.

11 Noon nama'y may isang malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain sa libis ng bundok na malapit doon. 12 Nakiusap sila kay Jesus, “Hayaan mo na lamang na makapasok kami sa mga baboy.” 13 Pinayagan naman sila ni Jesus. Lumabas ang mga masamang espiritu mula sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay kumaripas ng takbo papunta sa matarik na bangin patungong lawa at nalunod. 14 Nagtakbuhan ang mga tagapag-alaga ng kawan, at ibinalita sa lungsod at sa mga karatig-nayon ang naganap. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. 15 Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinaniban ng maruming espiritu na nakaupo, nakadamit, at matino ang pag-iisip. At sila'y natakot. 16 Isinalaysay sa kanila ng mga nakasaksi ang naganap sa lalaking sinaniban ng demonyo at gayundin sa mga baboy. 17 Kaya't nakiusap sila kay Jesus na lisanin ang kanilang lugar. 18 Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang lalaking dating sinaniban ng mga demonyo na isama siya. 19 Ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi sa lalaki, “Umuwi ka at ibalita sa iyong mga kasambahay ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo, at kung paano siya nahabag sa iyo.” 20 Umalis nga ang lalaki[w] at ipinamalita sa buong Decapolis ang lahat ng ginawa sa kanya ni Jesus. Namangha ang lahat ng nakarinig nito.

Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae(BV)

21 Nang muling makatawid si Jesus sa ibayo, nasa tabi pa lamang siya ng lawa ay pinalibutan siya ng napakaraming tao. 22 Dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita kay Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. 23 Nagmakaawa si Jairo kay Jesus, “Kung maaari ay sumama po kayo sa akin. Nag-aagaw-buhay na ang aking munting anak na babae. Ipatong po ninyo sa kanya ang inyong mga kamay upang siya'y gumaling at mabuhay!” 24 Sumama naman si Jesus.

Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, kaya't siya'y nasisiksik. 25 Kabilang sa naroon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap na ang kanyang dinanas dahil sa maraming manggagamot. Naubos na niya ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot. Ngunit sa halip na gumaling, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. 27 Nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nakipagsiksikan siya sa karamihan hanggang makalapit sa kanyang likuran, at hinawakan ang damit nito. 28 Ganito ang nasa isip niya, “Tiyak na gagaling ako mahawakan ko lang ang kanyang damit.” 29 Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo, at naramdaman niya sa kanyang katawan na magaling na siya. 30 Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't lumingon siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humawak sa damit ko?” 31 Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong sinisiksik kayo ng maraming tao, bakit ninyo itatanong kung sino ang humawak sa inyo?” 32 Subalit tumingin pa rin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang humawak sa kanya. 33 Dahil alam ng babae ang nangyari sa kanya, nanginginig siya sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa sa harap niya, at ipinagtapat ang buong katotohanan. 34 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Lumakad kang payapa. Tapos na ang iyong pagdurusa. Magaling ka na.”

35 Nagsasalita pa siya nang may mga taong dumating galing sa bahay ni Jairo. “Namatay na ang anak mong babae,” sabi nila. “Bakit mo pa inaabala ang Guro?” 36 Ngunit hindi pinansin[x] ni Jesus ang kanilang sinabi. Sa halip, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; basta manalig ka.” 37 Wala siyang isinama kundi sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. 38 Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at pagtaghoy. 39 Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, natutulog lang.” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat at pumasok sa silid na kinaroroonan ng bata, kasama ang ama at ina nito, pati ang mga alagad na kasama niya. 41 Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”[y] na ang ibig sabihin ay “Neneng, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” 42 Kaagad namang bumangon ang batang babae at lumakad-lakad. Siya'y labindalawang taong gulang na. Labis na namangha ang lahat. 43 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin ang pangyayaring ito kaninuman. Pagkatapos, iniutos niyang pakainin ang bata.

Hindi Kinilala si Jesus sa Nazareth(BW)

Umalis doon si Jesus kasama ang mga alagad at pumunta sa sariling bayan. Nang sumapit ang Sabbath, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha ang marami sa mga nakinig sa kanya. “Saan niya natutuhan ang lahat ng ito?” tanong nila. “Ano'ng karunungan ito na ibinigay sa kanya? Paano niya nagagawa ang mga kababalaghang ito? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naririto rin ang kanyang mga kapatid na babae?” At ayaw nilang maniwala dahil sa kanya. Kaya't (BX) sinabi ni Jesus, “Ang propeta'y hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng kahit anong himala roon liban sa pagpapatong ng kanyang mga kamay sa ilang maysakit upang sila'y mapagaling. Nagtaka siya sa kanilang hindi pagsampalataya.

Ang Pagsusugo sa Labindalawa(BY)

Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga karatig-nayon. Tinawag niya ang labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa, at pinagkalooban ng kapangyarihan laban sa mga maruruming espiritu. Ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay gaya ng tinapay, balutan, at salapi sa kanilang mga pamigkis maliban sa isang tungkod. Pinapagsuot sila ng sandalyas ngunit hindi pinapagdala ng damit na bihisan. 10 Sinabi niya sa kanila, “Pagtuloy ninyo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang umalis kayo sa lugar na iyon. 11 Kung (BZ) (CA) tanggihan kayo at ayaw pakinggan sa alinmang bayan, ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa pag-alis ninyo sa lugar na iyon bilang patotoo laban sa kanila.” 12 Humayo nga ang labindalawa at ipinangaral sa mga tao na dapat silang magsisi. 13 Nagpalayas (CB) sila ng maraming demonyo, nagpahid ng langis sa maraming maysakit at nagpagaling sa mga ito.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(CC)

14 Nabalitaan (CD) ni Haring Herodes ang mga bagay na ito sapagkat tanyag na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, “Iyan si Juan na Tagapagbautismo na muling nabuhay kaya siya nakakagawa ng mga himala.” 15 Sabi naman ng iba, “Si Elias iyan.” May iba pang nagsasabi, “Siya'y propeta, tulad ng mga propeta noong una.” 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na aking pinapugutan ng ulo!” 17 Si (CE) Herodes mismo ang nagpadakip at nagpakulong kay Juan. Ginawa niya ito dahil sa kinakasama niyang si Herodias, na asawa ng kapatid niyang si Felipe. 18 Laging sinasabi noon ni Juan kay Herodes, “Hindi tamang angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.” 19 Kaya't nagtanim ng galit kay Juan si Herodias at hinangad itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Pinagsikapan pa ni Herodes na huwag itong mapahamak dahil alam niyang si Juan ay matuwid at banal. Nasisiyahan siya sa pakikinig kay Juan bagama't labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. 21 Ngunit dumating ang pagkakataon nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Nagdaos ng piging si Herodes para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing mamamayan ng Galilea. 22 Nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, bagay na nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo anuman ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” 23 Nanumpa pa siya sa dalaga, “Ibibigay ko sa iyo anumang hingin mo, kahit na kalahati ng aking kaharian.” 24 Lumabas ang dalaga at itinanong sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” Sumagot si Herodias, “Hingin mo ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 25 Nagmamadaling bumalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi, “Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” 26 Labis na nanlumo ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, hindi niya magawang tanggihan ang dalaga. 27 Noon di'y inutusan ng hari ang isang kawal upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[z] Sumunod ang kawal at pinugutan ng ulo si Juan sa bilangguan. 28 Bumalik itong dala ang ulo ni Juan sa isang pinggan. Ibinigay niya ito sa dalaga, at ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(CF)

30 Bumalik kay Jesus ang mga apostol at ibinalita sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. 31 Napakaraming tao ang dumarating at umaalis, at halos wala na silang panahong makakain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Sumama kayo sa akin sa isang lugar na malayo sa karamihan upang makapagpahinga kayo kahit sandali.” 32 Sumakay sila sa isang bangka at nagtungo sa isang ilang na lugar. 33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakakilala sa kanila. Nagtakbuhan ang mga tao mula sa lahat ng bayan at nauna pang dumating sa pupuntahan nina Jesus. 34 Pagbaba (CG) ni Jesus sa pampang ay nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad ng mga tupang walang pastol. At marami siyang itinuro sa kanila. 35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ilang ang pook na ito, at gumagabi na. 36 Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makabili ng makakain sa mga karatig-nayon.” 37 Ngunit sumagot si Jesus, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Makabibili ba tayo ng dalawandaang denaryong[aa] halaga ng tinapay upang mapakain ang mga taong ito? ” 38 “Ilang tinapay ang dala ninyo?” tanong ni Jesus. “ Tingnan nga ninyo.” Pagkatapos tingnan ay sinabi nila sa kanya, “Limang tinapay, at dalawang isda.” 39 Inutusan ni Jesus ang mga alagad na paupuin ang mga tao nang pangkat-pangkat sa luntiang damuhan. 40 Kaya't naupo ang mga tao, tig-iisandaan at tiglilimampu bawat pangkat. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, nagpasalamat, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda upang ipamahagi sa lahat. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Tinipon ng mga alagad ang mga lumabis, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. 44 Limang libong lalaki ang nakakain ng tinapay.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(CH)

45 Agad pinasakay ni Jesus ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna sa ibayo, sa Bethsaida, habang pinapauwi niya ang maraming tao. 46 Pagkatapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat habang si Jesus ay nag-iisa sa lupa. 48 Nakita ni Jesus na nahihirapan ang kanyang mga alagad sa pagsagwan dahil pasalungat sila sa hangin. Nang malapit na ang madaling araw,[ab] sumunod sa kanila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malapit na niyang malampasan ang mga ito, 49 nakita nilang lumalakad siya sa ibabaw ng lawa. Inakala nilang siya'y isang multo kaya't sila'y nagsigawan. 50 Takot na takot silang lahat, kaya't agad silang sinabihan ni Jesus, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito! Huwag kayong matakot.” 51 Sumakay siya sa bangka at agad huminto ang hangin. Labis silang namangha, 52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang pangyayari tungkol sa tinapay. Sa halip, tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(CI)

53 Nang makatawid na sila, dumating sila sa Genesaret at doon idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila mula sa bangka, nakilala agad si Jesus ng mga tao. 55 Kaya't nilibot ng mga tao ang buong lugar na iyon at sinundo ang mga maysakit. Dinala nila ang mga nakaratay sa higaan saanman nila mabalitaan na naroon si Jesus. 56 Saanmang nayon, bukid o bayan makarating si Jesus, dinadala ng mga tao ang kanilang maysakit sa mga pamilihan, at pinapakiusapan siya na ipahawak man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak nito ay gumaling.

Ang mga Minanang Turo(CJ)

Nang sama-samang lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ilang tagapagturo ng Kautusan na nanggaling sa Jerusalem, nakita nila ang ilan sa kanyang alagad na kumakaing marumi ang kamay, samakatuwid, ay hindi nahugasan ayon sa kaugalian. Ang mga Fariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas na mabuti ng mga kamay. Ginagawa nila ito bilang pagsunod sa turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Kapag nanggaling sila sa mga pamilihan, hindi sila kakain nang hindi muna naglilinis. Marami pa silang sinusunod na minanang turo gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.[ac] Kaya't tinanong si Jesus ng mga Fariseo at mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turong ipinamana ng ating mga ninuno at kumakain sila nang marurumi ang kamay?” Sumagot (CK) si Jesus sa kanila, “Akma nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo. Mga mapagkunwari! Ayon sa nasusulat,

‘Iginagalang ako ng mga taong ito ng kanilang mga labi,
    subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
Pagsamba sa aki'y walang kabuluhan;
    pawang gawa ng tao ang kanilang katuruan.’

Tinatalikuran ninyo ang utos ng Diyos at niyayakap ang tradisyon ng mga tao.”

Sinabi pa niya sa kanila, “Napakahusay ninyong magpawalang-bisa sa utos ng Diyos, masunod lamang ang mga turong minana ninyo. 10 Isang (CL) halimbawa ang sinabi ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama't ina,’ at ‘Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat mamatay!’ 11 Ngunit itinuturo naman ninyo na sinuman ang magsabi sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Corban, ibig sabihi'y handog ko sa Diyos,’ 12 at pagkatapos ay hindi na ninyo siya hinahayaang tumulong sa kanyang ama o ina. 13 Sa gayong paraa'y pinawawalang-saysay ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng inyong mga minanang kaugalian. Marami pa kayong ginagawang tulad nito.”

Ang Nagpaparumi sa Tao(CM)

14 Muling pinalapit ni Jesus ang maraming tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang isinusubo ng tao ang nagpaparumi sa kanya; ang lumalabas sa kanya ang nagpaparumi sa tao.” 16 [Makinig ang sinumang may pandinig.][ad] 17 Iniwan ni Jesus ang mga tao, at pagkapasok niya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 “Pati ba kayo'y hindi nakauunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nakapagpaparumi sa tao ang kinakain niya? 19 Sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi!” Sa sinabing ito ay ipinahayag niya na malinis ang lahat ng pagkain. 20 Sinabi pa niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, mga pakikiapid, mga pagnanakaw, mga pagpaslang, 22 mga pangangalunya, mga pag-iimbot, mga kabuktutan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paglapastangan, kapalaluan, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay sa loob nagmumula at siyang nagpaparumi sa tao.”

Ang Pananampalataya ng Isang Babaing Taga-Sirofenicia(CN)

24 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon, at ayaw sana niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi naman ito maitago. 25 Nabalitaan ng isang babaing may anak na sinasaniban ng maruming espiritu na naroon si Jesus. Kaya't nagpunta agad siya kay Jesus at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Ang babaing ito ay isang Griyego, isinilang sa Sirofenicia. Nagmakaawa siya kay Jesus[ae] na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. 27 Sinabi ni Jesus sa babae, “Kailangang ang mga anak muna ang mapakain. Hindi dapat kunin ang tinapay ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” 28 Ngunit tumugon ang babae, “Opo, Panginoon, ngunit kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na tinapay ng mga anak.” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan niyang nakahiga ang anak sa higaan. Iniwan na ito ng demonyo.

Pinagaling ni Jesus ang Taong Bingi

31 Sa pagbabalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. 32 Doon ay dinala sa kanya ng ilang tao ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita. Nakiusap sila sa kanya na ipatong ang kanyang kamay sa lalaki. 33 Matapos mailayo ang lalaki mula sa karamihan, ipinasok ni Jesus ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng bingi. Pagkatapos nito'y dumura siya at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala siya sa langit, huminga nang malalim, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ibig sabihi'y “Mabuksan!” 35 Agad nakarinig ang lalaki, at parang may taling nakalag sa kanyang dila, at nakapagsalita nang malinaw. 36 Inutusan naman sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman. Ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nilang ipinamamalita ang nangyari. 37 Manghang-mangha ang mga tao. Sinabi nila, “Maganda ang lahat ng kanyang ginagawa! Nakaririnig na ang bingi, at nakapagsasalita ang pipi.”

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(CO)

Pagkaraan ng ilang araw, muling nagtipon ang napakaraming tao. Wala silang makain, kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa maraming taong ito sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain. Kung pauuwiin ko silang nagugutom, mahihilo sila sa daan lalo na't ang iba sa kanila'y nanggaling pa sa malayo.” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Saan po dito sa ilang makakukuha ng sapat na pagkain para sa mga taong ito?” “Ilan ba ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus. “Pito,” sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat ay hinati-hati niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi, at ipinamahagi nga nila ito sa mga tao. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Nang mabasbasan ang mga ito, iniutos niya sa mga alagad na ipamahagi rin ito sa mga tao. Kumain sila at nabusog at pagkatapos ay tinipon nila ang lumabis na pagkain na pitong kaing. May apat na libong lalaki ang naroon. Pinauwi sila ni Jesus, 10 pagkatapos ay agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta. 11 Dumating doon (CP) ang mga Fariseo at nakipagtalo kay Jesus. Hinihingan nila si Jesus ng himala mula sa langit upang subukin siya. 12 Napabuntong-hininga (CQ) nang malalim si Jesus at sinabi, “Bakit humahanap ng himala ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang himalang ipapakita sa salinlahing ito.” 13 Sila'y iniwan niya, at muling sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.

Ang Pampaalsang Gamit ng mga Fariseo at ni Herodes(CR)

14 Nakalimutan ng mga alagad[af] na magdala ng tinapay, maliban sa isang tinapay na dala nila sa bangka. 15 Binalaan (CS) sila ni Jesus, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang pampaalsang gamit ng mga Fariseo at ni Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay.” 17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, tinanong niya sila, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nauunawaan? Manhid ba kayo? 18 Mayroon (CT) kayong mga mata, bakit hindi kayo makakita? Mayroon kayong mga tainga, bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo natatandaan 19 nang hati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing ng mga lumabis ang inyong pinulot?” “Labindalawa,” sagot nila. 20 “Nang pagputul-putulin ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing ng mga lumabis ang pinulot ninyo?” Sinabi nila sa kanya, “Pito.” 21 “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?” tanong ni Jesus.

Pinagaling ni Jesus ang Isang Bulag

22 Pumasok sila sa Bethsaida at dinala sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap na kanyang hipuin. 23 Hinawakan ni Jesus sa kamay ang bulag at inakay palabas ng nayon. Niluraan niya ang mga mata nito, ipinatong ang kanyang mga kamay at tinanong, “Mayroon ka bang nakikita?” 24 Tumingala ang lalaki at nagsabi, “Nakakakita po ako ng mga tao, parang mga punongkahoy na naglalakad.” 25 Muling ipinatong ni Jesus ang kanyang kamay sa mga mata ng lalaki. Iminulat ng lalaki ang kanyang mga mata. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Pinauwi siya ni Jesus at pinagbilinan, “Huwag ka nang pumasok sa nayon.”

Ang Pagpapahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(CU)

27 Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos. Habang sila'y nasa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao kung sino ako?” 28 Sumagot (CV) sila, “Sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba'y si Elias, at ng iba'y isa sa mga propeta.” 29 “At kayo, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” (CW) tanong niya sa kanila. Sumagot si Pedro, “Ikaw ang Cristo.”[ag] 30 Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya.

Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(CX)

31 Mula noo'y sinimulan niyang ituro sa mga alagad na ang Anak ng Tao ay dapat dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng matatandang pinuno, ng mga punong pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y papatayin ngunit pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Maliwanag niyang sinabi ang mga ito sa kanila, kaya dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus, tumingin sa mga alagad at pinagsabihan si Pedro, “Lumayas ka sa harapan ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi galing sa tao!” 34 Tinawag (CY) ni Jesus ang maraming tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Sinumang nais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat (CZ) sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ang pakinabang ng tao makamtan man niya ang buong sanlibutan kung mapapahamak naman ang kanyang buhay? 37 Ano ang maibibigay ng tao kapalit ng kanyang buhay? 38 Sinumang ikahiya ako at ang aking salita sa mapakiapid at makasalanang salinlahing ito, ay ikahihiya rin ng Anak ng Tao pagdating niya na taglay ang kaluwalhatian ng kanyang Ama, kasama ang mga banal na anghel.”

Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyo, may ilan sa inyo rito na hindi daranas ng kamatayan hangga't hindi nila nakikita ang makapangyarihang pagdating ng kaharian ng Diyos.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(DA)

Pagkaraan (DB) ng anim na araw, ibinukod ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan at isinama sa pag-akyat sa isang mataas na bundok. Nagbagong-anyo si Jesus sa harap nila. Nagningning sa kaputian ang kanyang damit, kaputiang hindi kayang gawin ninuman sa daigdig. Nagpakita rin sa kanila doon sina Elias at Moises na kapwa nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Rabbi, mabuti po na narito tayo. Magtatayo po kami ng tatlong tolda; isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Hindi alam ni Pedro kung ano ang dapat niyang sabihin dahil sa matinding takot nila. (DC) May lumitaw na ulap at nililiman sila. Isang tinig ang narinig nila mula sa ulap, “Ito ang Minamahal kong Anak, siya ang inyong pakinggan!” Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang nakitang kasama nila kundi si Jesus.

Habang bumababa sila sa bundok, mahigpit na ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao. 10 Iningatan nila sa kanilang sarili ang bagay na ito, habang pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan. 11 Nagtanong (DD) sila kay Jesus, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” 12 Sumagot siya, “Dapat nga munang dumating si Elias na nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Gayunman, bakit nasusulat na ang Anak ng Tao'y daranas ng maraming hirap at itatakwil? 13 Sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang lahat ng nais nila, gaya ng nasusulat tungkol sa kanya.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.