Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Marcos 9:14 - Lucas 1:80

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)

14 Nang magbalik sila sa mga alagad, nakita nilang napapaligiran ang mga ito ng napakaraming tao at nakikipagtalo sa mga tagapagturo ng Kautusan. 15 Nang makita ng maraming tao si Jesus, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya. 16 Tinanong sila ni Jesus, “Ano'ng pinagtatalunan ninyo?” 17 Sumagot sa kanya ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko rito ang aking anak na lalaki na sinasaniban ng isang espiritu na sanhi ng kanyang pagkapipi. 18 Tuwing siya'y sasaniban nito, ibinubuwal siya, bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ang espiritu ngunit hindi nila magawa.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Salinlahing walang pananampalataya! Hanggang kailan ko kayo makakasama? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya rito.” 20 Dinala nga nila ito sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, bigla nitong pinangisay ang bata. Natumba ito sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama, “Kailan pa ito nangyayari sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata. 22 Madalas siya nitong itinutumba sa apoy at sa tubig upang patayin. Kung may magagawa ka, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.” 23 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung magagawa mong sumampalataya, mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.” 24 Kaagad sumigaw ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako! Tulungan mo po ako sa aking kawalan ng pananampalataya!” 25 Nang makita ni Jesus na dumaragsa ang tao sa paligid, sinaway niya ang maruming espiritu, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang babalik!” 26 Nagsisigaw ang espiritu, pinangisay ang bata, pagkatapos ay lumabas. Nagmistulang patay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya.” 27 Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay at ibinangon. At ang bata'y tumindig. 28 Nang pumasok siya sa bahay, palihim siyang tinanong ng mga alagad, “Bakit hindi namin kayang palayasin ang espiritung iyon?” 29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”[a]

Muling Binanggit ni Jesus ang tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)

30 Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng sinuman ang kanyang kinaroroonan, 31 sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao at siya'y kanilang papatayin. Pagkatapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natatakot naman silang magtanong sa kanya.

Sino ang Pinakadakila?(C)

33 Nakarating sila sa Capernaum. Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, tinanong niya ang mga alagad, “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?” 34 Hindi (D) sila sumagot, sapagkat pinag-usapan nila sa daan kung sino ang pinakadakila. 35 Umupo (E) si Jesus, tinawag ang labindalawa at sinabi, “Sinumang nais maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat.” 36 Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Kinalong niya ito, at sa kanila'y sinabi, 37 “Ang (F) sinumang tumatanggap sa maliit na batang tulad nito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.”

Ang Hindi Laban sa Atin ay Panig sa Atin(G)

38 Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan. Pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumasama sa atin.” 39 Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan. Sapagkat walang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ang agad makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. 40 Sapagkat (H) ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. 41 Tandaan (I) ninyo ito: sinumang magpainom sa inyo ng isang basong tubig dahil sa pangalan ko ay hindi maaaring mawalan ng gantimpala.

Mga Sanhi ng Pagkakasala(J)

42 “Mabuti pa sa isang tao na talian ng isang malaking gilingang bato sa leeg at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin. 43 Kung (K) ang isang kamay mo ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang kamay kaysa may dalawang kamay kang pupunta sa impiyerno, kung saan ang apoy ay hindi mapapatay. 44 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][b] 45 Kung ang isa sa iyong paa ay nagiging sanhi ng pagkakasala mo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang magkamit ng buhay na putol ang isang paa kaysa may dalawa kang paa at itapon ka sa impiyerno. 46 [Doon, ang mga uod at apoy ay hindi namamatay.][c] 47 Kung (L) ang iyong mata ang nagiging sanhi ng pagkakasala mo, dukutin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na iisa ang mata, kaysa may dalawa kang mata at itapon ka sa impiyerno. 48 Doon,(M) ang mga uod nila at ang apoy ay hindi namamatay. 49 Sapagkat bawat isa ay aasinan ng apoy.[d] 50 Mabuti (N) ang asin, ngunit kung mawala ang alat nito, paano ito mapapaalat muli? Magtaglay kayo ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.”

Tungkol sa Paghihiwalay ng Mag-asawa(O)

10 Umalis doon si Jesus at tumawid sa ibayo ng Jordan at nagpunta sa lupain ng Judea. Muli siyang dinagsa ng napakaraming tao. Tulad ng kanyang nakasanayan, sila'y kanyang tinuruan. Ilang Fariseo ang dumating at nagtanong upang siya'y subukin, “Naaayon ba sa Kautusan na paalisin ng isang lalaki at hiwalayan ang kanyang asawa?” “Ano ba ang utos sa inyo ni Moises?” sagot ni Jesus. Sinabi (P) nila, “Pinahintulutan ni Moises na gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay ang lalaki at pagkatapos ay paalisin ang kanyang asawa.” Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Dahil sa katigasan ng inyong puso kaya isinulat ni Moises ang utos na iyon! Ngunit (Q) sa simula pa ng paglikha ng Diyos sa sanlibutan, ‘nilalang sila ng Diyos na lalaki at babae.’ ‘Dahil (R) dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at sasamahan niya ang kanyang asawa. Silang dalawa ay magiging isang laman.’ At hindi na sila dalawa, kundi isa. Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” 10 Pagdating nila sa bahay, muli siyang tinanong ng mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi (S) niya sa kanila, “Ang sinumang lalaking magpaalis at humiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya. 12 At kung humiwalay ang babae sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba, nagkakasala siya ng pangangalunya.”

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(T)

13 Dinala ng mga tao kay Jesus ang maliliit na bata upang kanyang hipuin. Ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito. Sinabi niya sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga tulad nila ang kaharian ng Diyos. 15 Tandaan (U) ninyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos tulad ng pagtanggap sa maliit na bata ay hindi maaaring pumasok doon.” 16 Kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Ang Lalaking Mayaman(V)

17 Sa pagpapatuloy ni Jesus sa paglalakbay, isang lalaki ang patakbong lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan, at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” 18 Sumagot si Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti maliban sa isa—ang Diyos. 19 Alam (W) mo ang mga utos: ‘Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; Huwag kang mandadaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’ ” 20 “Guro,” sabi ng lalaki, “Ginampanan ko po ang lahat ng iyan mula pa sa aking kabataan.” 21 Sa pagtingin ni Jesus sa lalaki, minahal niya ito at sinabi, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang iyong ari-arian at ipamigay mo ang salapi sa mga dukha. Sa gayon, magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Nanlumo ang lalaki dahil sa sinabing ito, at umalis siyang nalulungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa paligid, at sinabi sa mga alagad, “Napakahirap para sa mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 24 Namangha ang mga alagad sa sinabing ito ni Jesus. Ngunit muling nagsalita si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. 25 Mas madali pang pumasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” 26 Lalong nagtaka ang mga alagad, at sinabi nila sa isa't isa, “Kung gayo'y sino ang maaaring maligtas?” 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, “Hindi ito kayang gawin ng tao; ngunit kaya ng Diyos. Sapagkat lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” 28 Nagsimulang magsabi si Pedro kay Jesus, “Tingnan po ninyo. Iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.” 29 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain, dahil sa akin at dahil sa Magandang Balita, 30 na hindi tatanggap sa panahong ito ng makaisandaang ulit ng mga bahay, mga kapatid, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating ay tatanggap siya ng buhay na walang hanggan. 31 Ngunit (X) maraming nauuna ang mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.”

Ikatlong Pagbanggit ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(Y)

32 Nauuna sa kanila si Jesus sa daang paakyat sa Jerusalem. Namamangha ang mga alagad at natatakot naman ang mga sumusunod sa kanya. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay ang nakatakdang mangyayari sa kanya. 33 Sinabi niya, “Ngayon, papunta tayo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya'y kanilang kukutyain, duduraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Kahilingan nina Santiago at Juan(Z)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, ipagkaloob mo po sana ang anumang hihilingin namin sa iyo.” 36 “Ano ang nais ninyong gawin ko?” tanong ni Jesus. 37 Sumagot ang magkapatid, “Ipagkaloob ninyong makaupo kami, isa sa kanan at isa sa kaliwa sa inyong kaluwalhatian.” 38 Subalit (AA) sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na iinuman ko, at mabautismuhan sa bautismong daranasin ko?” 39 “Kaya namin,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Iinuman nga ninyo ang kopang iinuman ko, at babautismuhan kayo sa bautismong daranasin ko. 40 Ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob. Iyan ay nakalaan para sa mga pinaghandaan nito.” 41 Nang marinig ito ng sampung alagad, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. 42 Kaya't (AB) tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga kinikilalang pinuno ng mga Hentil ay silang pinapanginoon nila at ang mga dakila sa kanila ang nasusunod sa kanila. 43 Subalit (AC) hindi dapat ganyan sa inyo. Sa halip, ang sinumang nais maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; 44 at ang sinumang nais maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat kahit ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”

Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(AD)

46 Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang paalis na siya sa lugar na iyon kasama ang mga alagad at marami pang iba, naroong nakaupo sa tabing daan ang isang bulag na pulubing may pangalang Bartimeo, anak ni Timeo. 47 Nang marinig niyang naroon si Jesus na taga-Nazareth, nagsimula siyang sumigaw, “Jesus, anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 48 Maraming sumaway sa kanya upang siya'y tumahimik. Ngunit lalo siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” 49 Huminto si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nga nila ang bulag at sinabi sa kanya, “Matuwa ka! Tumayo ka at tinatawag ka niya.” 50 Pagkahagis sa kanyang balabal, agad tumayo ang bulag at lumapit kay Jesus. 51 “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang lalaki, “Rabboni,[e] nais ko pong makakita muli.” 52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli; pagkatapos ay sumunod siya kay Jesus sa daan.

Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(AE)

11 Nang papalapit na sila sa Betfage at Betania, sa Jerusalem, sa may malapit sa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok doon ay makikita ninyo ang isang nakataling bisirong asno, hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit ginagawa ninyo iyon sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din agad.’ ” Lumakad ang dalawang alagad at may nakita nga silang bisirong asno sa tabi ng daan. Nakatali ito sa may pintuan. Nang kinakalagan na nila ito, tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Ano ang ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?” Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na sila ng mga ito. Dinala nila kay Jesus ang bisirong asno. Matapos nilang isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan, samantalang ang iba'y naglatag ng mga madahong sanga na kanilang pinutol mula sa bukid. Ang (AF) mga tao naman sa unahan at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw,

“Hosanna! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pinagpala ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!”

11 Nang makapasok na si Jesus sa Jerusalem, nagtungo siya sa templo at pinagmasdan ang buong paligid niyon. Dahil gumagabi na, lumabas siya at pumunta sa Betania kasama ang labindalawa.

Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(AG)

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Betania, nakaramdam ng gutom si Jesus. 13 Natanaw niya sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na maraming dahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Subalit dahil hindi pa panahon ng pamumunga nito, wala siyang nakita kundi mga dahon. 14 Kaya't sinabi niya sa puno, “Mula ngayo'y wala nang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Narinig iyon ng kanyang mga alagad.

Si Jesus sa Templo(AH)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga namimili roon. Pinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi, pati na ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati. 16 Hindi niya pinahintulutang makapasok sa templo ang sinumang may mga dalang paninda. 17 Tinuruan (AI) niya ang mga tao at sinabi niya, “Hindi ba nasusulat,

‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’
    Ngunit ginawa ninyo itong ‘pugad ng mga magnanakaw!’ ”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Mula noon ay humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang humahanga sa kanyang turo. 19 Pagsapit ng gabi, lumabas ng lungsod si Jesus at ang kanyang mga alagad.

Ang Aral mula sa Natuyo na Punong Igos(AJ)

20 Kinaumagahan, sa paglalakad nila ay nadaanan nilang muli ang punong igos. Nakita nilang natuyo ito mula sa ugat. 21 Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa puno, kaya't sinabi niya kay Jesus, “Rabbi, tingnan ninyo! Natuyo ang punong igos na isinumpa ninyo!” 22 Sumagot si Jesus sa kanila, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Katotohanan (AK) ang sinasabi ko sa inyo, na sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at maitapon sa dagat,’ mangyayari ang sinabi niya kung siya'y naniniwala at walang pag-aalinlangan sa puso. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at mangyayari nga iyon sa inyo. 25 Kapag (AL) kayo'y nakatayo at nananalangin at mayroon kayong sama ng loob sa sinuman, patawarin ninyo siya upang patawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit sa inyong mga kasalanan. 26 [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Amang nasa langit.]”[f]

Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus(AM)

27 Muli silang pumunta sa Jerusalem. Habang naglalakad si Jesus sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga tagapagturo ng Kautusan, at ang matatandang pinuno. 28 Nagtanong sila sa kanya, “Ano ang kapangyarihan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ito?” 29 Sinabi ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga ito. 30 Ang bautismo ni Juan, ito ba'y mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa langit, itatanong niya sa atin kung bakit hindi tayo naniwala kay Juan. 32 Ngunit sasabihin ba nating mula sa mga tao?” Natatakot sila sa mga taong bayan sapagkat naniniwala silang lahat na si Juan ay tunay na propeta. 33 Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang kapangyarihan kong gawin ang mga ito.”

Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Katiwala(AN)

12 Nagsimulang (AO) magsalita si Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. “May isang taong nagtanim ng mga ubas sa kanyang bukirin. Binakuran niya ang ubasan, humukay ng pisaan ng ubas, at nagtayo ng mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka, bago siya nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating na ang panahon ng pag-aani, sinugo niya ang isa niyang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan. Ngunit sapilitang kinuha ng mga magsasaka ang alipin, binugbog at pinaalis na walang dala. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito'y kanilang hinampas sa ulo at hiniya. Nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba. Binugbog ang iba at ang iba nama'y pinatay. Iisa na lamang ang maaaring isugo ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Sa dakong huli'y pinapunta nga niya ito, at iniisip, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya't sapilitan nilang kinuha ang anak at pinatay, pagkatapos ay itinapon sa labas ng ubasan. Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasaka, at ang ubasan ay ibibigay sa iba. 10 Hindi (AP) pa ba ninyo nabasa ang kasulatang ito:

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay,
    ang siyang naging batong panulukan.
11 Ito'y gawa ng Panginoon,
    at sa ati'y kahanga-hangang pagmasdan’?”

12 Nang mabatid nilang sinabi ni Jesus ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang siya'y dakpin. Ngunit natakot sila sa maraming tao, kaya umalis sila at iniwan si Jesus.

Ang Pagbabayad ng Buwis(AQ)

13 Pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Fariseo at sa mga kakampi ni Herodes upang siluin siya sa kanyang sinasabi. 14 Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, alam naming tapat ka at walang kinikilingan. Hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo ng tao at itinuturo mo ang daan ng Diyos batay sa katotohanan. Tama bang magbayad ng buwis sa Emperador[g] o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?” 15 Dahil batid ni Jesus ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ako sinusubukan? Abutan ninyo ako ng isang salaping pilak at titingnan ko.” 16 Inabutan nga nila si Jesus ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang naririto?” tanong ni Jesus. “Sa Emperador,” sagot nila. 17 Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang sa Emperador at sa Diyos ang sa Diyos.” At sila'y namangha sa kanya.

Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(AR)

18 Lumapit (AS) kay Jesus ang mga Saduceo, mga taong nagtuturo na walang pagkabuhay na muli, at nagtanong sila sa kanya, 19 “Guro, (AT) isinulat ni Moises para sa amin na kung mamatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid na lalaki ng namatay ay dapat pakasal sa babae upang magkaanak siya para sa yumao. 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawa ang babae subalit namatay ring walang naiwang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Walang ni isa man sa pitong magkakapatid ang nagkaanak sa kanya. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. 23 Sa muling pagkabuhay, (kapag sila'y muling nabuhay)[h] sino sa pitong magkakapatid ang magiging asawa ng babae yamang napangasawa niya silang lahat?” 24 Sumagot si Jesus, “Nagkakamali kayo! At ito ang dahilan: hindi ninyo nauunawaan ang mga kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay ng mga tao mula sa kamatayan ay wala nang pag-aasawa. Sa halip, sila'y magiging katulad ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol (AU) naman sa muling pagbangon ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa bahagi tungkol sa mababang punong nagliliyab na doon ay sinabi ng Diyos sa kanya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? 27 Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy! Maling-mali kayo!”

Ang Pangunahing Utos(AV)

28 Lumapit ang isang tagapagturo ng Kautusan at narinig ang kanilang pagtatalo. Nakita niyang mahusay ang pagsagot ni Jesus sa mga Saduceo, kaya siya ay nagtanong, “Ano ang pangunahing utos sa lahat?” 29 Sumagot (AW) si Jesus, “Ang pangunahing utos ay ito: ‘Makinig ka, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos ay iisang Panginoon. 30 Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, nang iyong buong kaluluwa, nang iyong buong pag-iisip, at nang iyong buong lakas.’ 31 Ang (AX) pangalawa ay ito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” 32 Sinabi (AY) sa kanya ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama ka, Guro. Batay sa katotohanan ang sinabi mo na iisa nga ang ating Panginoon at wala nang iba maliban sa kanya. 33 Ang (AZ) umibig sa kanya nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, ay higit kaysa lahat ng mga handog na sinusunog at iba pang mga hain.” 34 Nang (BA) makita ni Jesus na matalinong sumagot ang lalaki, sinabi niya sa kanya, “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(BB)

35 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, nagtanong siya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si (BC) David mismo ang nagpahayag sa patnubay ng Banal na Espiritu,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.” ’

37 Mismong si David ay tumawag sa kanya na Panginoon, kaya't paano siya magiging anak ni David?” Masayang nakinig sa kanya ang napakaraming tao.

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(BD)

38 Sinabi niya habang siya'y nagtuturo, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan! Mahilig silang maglakad-lakad na suot ang mahahabang damit, at gustung-gusto nilang pagpugayan sila sa mga pamilihan. 39 Mahilig din silang maupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga handaan. 40 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga babaing balo at nagkukunwaring banal sa pamamagitan ng kanilang mahahabang pagdarasal. Mas mabigat na parusa ang tatanggapin ng mga ito.”

Ang Kaloob ng Babaing Balo(BE)

41 Naupo si Jesus sa tapat ng kabang-yaman ng templo at pinagmasdan kung paano naghuhulog ang mga tao ng kanilang handog na salapi. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. 42 Dumating ang isang dukhang babaing balo at naghulog ng dalawang kusing, katumbas ng isang pera. 43 Tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Katotohanan ang sinasabi ko, ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat ng mga naghulog sa kabang-yaman. 44 Sapagkat lahat ay nagbigay mula sa kanilang kasaganaan, ngunit ang babaing ito, sa kabila ng kanyang kahirapan, ay nagbigay ng kanyang buong kabuhayan.”

Sinabi ang Pagkawasak ng Templo(BF)

13 Nang lumabas si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki ng mga bato at napakaganda ng mga gusali!” Sinabi ni Jesus, “Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Wala ni isa mang bato dito ang matitirang nakapatong sa ibabaw ng isa pang bato. Iguguho ang lahat na iyan!”

Mga Kaguluhan at Pag-uusig na Darating(BG)

Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, sarilinan siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, “Maaari po bang sabihin ninyo kung kailan mangyayari ang mga ito at ano ang magiging palatandaan na malapit nang mangyari ang lahat ng mga ito?” Sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw ninuman. Marami ang darating na gumagamit ng aking pangalan at magsasabing sila ang Cristo at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababahala kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at mga balita tungkol sa digmaan. Kailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Maglalaban-laban ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng mga lindol at taggutom sa iba't ibang lugar. Pasimula lamang ang mga ito ng paghihirap tulad ng sa panganganak. Mag-ingat (BH) kayo! Dadalhin kayo sa mga hukuman at hahampasin sa mga sinagoga. Ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari upang sa kanila'y magpatotoo kayo alang-alang sa akin. 10 Kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag kayo'y dinala nila at iharap sa paglilitis, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin. Sabihin ninyo ang ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon sapagkat hindi na kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay. Gayon din ang sa kanyang anak. Maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang at ang mga ito'y ipapapatay. 13 Kamumuhian (BI) kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang wakas ay siyang maliligtas.

Ang Matinding Kapighatian(BJ)

14 “Ngunit (BK) kapag nakita na ninyo ang karumal-dumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ito ng bumabasa), dapat nang tumakas ang mga nasa Judea patungo sa kabundukan. 15 Ang (BL) nasa ibabaw ng bahay ay huwag nang bumaba o pumasok ng bahay upang kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukirin ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. 17 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso sa mga araw na iyon. 18 Ipanalangin ninyo na huwag itong mangyari sa taglamig. 19 Sapagkat (BM)magkakaroon sa mga araw na iyon ng kapighatiang walang kapantay, na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at wala nang mararanasang tulad nito kailanman. 20 Malibang paikliin ng Panginoon ang araw na iyon ay walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na kanyang tinawag, pinaikli niya ang mga araw na iyon. 21 Kung may magsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo! Narito ang Cristo!’ o kaya'y, ‘Tingnan ninyo! Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga huwad na Cristo at ang mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang kung maaari'y mailigaw nila ang mga hinirang. 23 Kaya mag-ingat kayo! Sinabi ko na sa inyo ang lahat bago pa ito mangyari.

Ang Pagdating ng Anak ng Tao(BN)

24 “Ngunit (BO) pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at hindi magliliwanag ang buwan, 25 at (BP) malalaglag ang mga bituin mula sa kalangitan, at mayayanig ang mga panlangit na kapangyarihan. 26 At (BQ) ang Anak ng Tao ay makikitang dumarating na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 At pagkatapos ay isusugo niya ang kanyang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na sulok, mula sa dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit.

Ang Aral mula sa Puno ng Igos(BR)

28 “Unawain ninyo ang aral mula sa punong igos: Kapag nananariwa ang mga sanga nito, at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. 29 Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga ito, alam ninyong malapit na, nasa mga pintuan na. 30 Tinitiyak ko sa inyo na hindi lilipas ang lahing ito hanggang maganap ang mga ito. 31 Ang langit at ang lupa ay lilipas ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.

Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(BS)

32 “Subalit (BT) tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, maliban sa Ama. 33 Mag-ingat kayo at maging handa[i], sapagkat hindi ninyo alam kung kailan darating ang takdang panahon. 34 Tulad (BU) nito ay isang taong umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya'y iniwan niya sa kanyang mga alipin ang pamamahala. Binigyan niya ng tungkulin ang bawat isa, at inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. 35 Kaya nga magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam kung kailan babalik ang panginoon ng sambahayan, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa pagbubukang-liwayway. 36 Baka bigla siyang dumating at madatnan niya kayong natutulog. 37 Anumang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo.”

Balak Patayin si Jesus(BV)

14 Dalawang (BW) araw na lamang bago ang Paskuwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Patuloy na naghanap ng paraan ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan kung paano palihim na maipadadakip si Jesus at maipapatay. Sinabi nila, “Huwag sa panahon ng pista at baka magkagulo ang mga tao.”

Binuhusan ng Pabango si Jesus(BX)

Samantalang (BY) nasa Betania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakaupo siya sa may hapag-kainan ay dumating ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng pabango. Mamahalin ang pabangong ito na mula sa katas ng purong nardo. Binasag ng babae ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Ngunit may ilan doong galit na nagsabi sa isa't isa, “Bakit sinayang nang ganyan ang pabango? Maaari sanang ipagbili ang pabangong iyan ng higit sa tatlong daang denaryo[j] at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Hayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Lagi (BZ) ninyong kasama ang mga dukha, at kapag nais ninyo, maaari ninyo silang gawan ng mabuti! Ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya. Binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa aking libing. Tinitiyak ko sa inyo, saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, sasabihin ang ginawa ng babaing ito bilang pag-alaala sa kanya.”

Pumayag si Judas na Ipagkanulo si Jesus(CA)

10 Pagkatapos, si Judas Iscariote, isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus sa kanila. 11 Natuwa ang mga punong pari nang marinig ito at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y naghanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus.

Si Jesus at ang mga Alagad nang Araw ng Paskuwa(CB)

12 Nang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa araw ng paghahain ng kordero ng Paskuwa, tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo gustong ipaghanda namin kayo upang makakain ng hapunang pampaskuwa?” 13 Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa lungsod at masasalubong ninyo doon ang isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya. 14 Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay na kanyang papasukan, ‘Ipinatatanong po ng Guro kung saang silid siya maaaring kumain ng hapunang pampaskuwa, kasalo ang kanyang mga alagad.’ 15 Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na nakahanda na at mayroon nang mga kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” 16 Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lungsod, at natagpuan doon ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskuwa. 17 Kinagabihan, dumating si Jesus kasama ang labindalawa. 18 Nang (CC) nakaupo na sila at kumakain, sinabi ni Jesus, “Tinitiyak ko sa inyo na ipagkakanulo ako ng isa sa inyong kasalo ko ngayon.” 19 Nalungkot ang mga alagad at isa-isang nagsabi sa kanya, “Hindi ako iyon, Panginoon, di po ba?” 20 Sinabi niya sa kanila, “Isa sa inyong labindalawa na kasabay ko sa pagsawsaw sa mangkok. 21 Papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na ipinanganak.”

Ang Hapunan ng Panginoon(CD)

22 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, pinagputul-putol niya ang tinapay, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Tanggapin ninyo; ito ang aking katawan.” 23 Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos, iniabot ito sa mga alagad at mula roon ay uminom silang lahat. 24 Sinabi (CE) niya sa kanila, “Ito ang aking dugo ng tipan,[k] na ibinubuhos para sa marami. 25 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na iyon na uminom ako nang panibago sa kaharian ng Diyos.” 26 Pagkaawit ng isang himno, lumabas sila at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo.

Sinabi ang Pagkakaila ni Pedro(CF)

27 Sinabi (CG) ni Jesus sa kanila, “Tatalikod kayong lahat, sapagkat nasusulat, ‘Hahampasin ko ang pastol at pagwawatak-watakin ang mga tupa.’ 28 Ngunit (CH) matapos na ako'y maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 29 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Talikuran man kayo ng lahat, hindi ko kayo tatalikuran.” 30 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo na sa gabi ring ito, bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” 31 Ngunit ipinagdiinan ni Pedro, “Mamatay man akong kasama mo, hinding-hindi ko kayo ipagkakaila.” At ganoon din ang sinabi ng lahat.

Nanalangin si Jesus sa Getsemani(CI)

32 Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabagabag at mabahala. 34 Sinabi niya sa kanila, “Ang kalooban ko'y punung-puno ng kalungkutan, na halos ikamatay ko. Maghintay kayo at magbantay.” 35 Lumayo nang kaunti si Jesus at nagpatirapa sa lupa. Idinalangin niya na kung maaari'y huwag nang dumating ang kanyang oras. 36 Sinabi niya, “Abba,[l] Ama! Kaya mong gawin ang lahat. Ilayo mo ang kopang ito sa akin. Gayunman, hindi ang nais ko kundi ang nais mo ang masunod.” 37 Bumalik siya sa mga alagad at dinatnang sila'y natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Simon, natutulog ka? Hindi mo ba kayang magbantay kahit isang oras? 38 Magbantay kayo at manalangin upang hindi kayo mahulog sa tukso. May pagnanais ang espiritu ngunit mahina ang laman.” 39 Umalis muli si Jesus, nanalangin at inulit ang kanyang kahilingan. 40 Nang bumalik siya sa mga alagad, sila'y muli niyang nadatnang natutulog dahil sila'y antok na antok. Hindi na nila alam ang isasagot sa kanya. 41 Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa rin kayo at nagpapahinga? Tama na! Oras na! Ipinagkakanulo na ang Anak ng Tao sa kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon na kayo! Umalis na tayo. Tingnan ninyo, papalapit na ang magkakanulo sa akin.”

Ang Pagdakip kay Jesus(CJ)

43 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa Labindalawa. Kasama niya ang maraming taong may dalang mga tabak at mga pamalo. Sinugo sila ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno ng bayan. 44 Humudyat sa kanila ang magkakanulo sa kanya: “Ang hahalikan ko ang siyang hinahanap ninyo. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti.” 45 Kaya't sa pagdating, lumapit agad iyon kay Jesus at bumati, “Rabbi,” at siya'y kanyang hinalikan. 46 Hinawakan ng mga tao si Jesus sa kamay at dinakip. 47 Ngunit isa sa mga naroon ang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari. Natagpas ang tainga nito. 48 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ba'y tulisan at may dala pa kayong mga tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? 49 Araw-araw (CK) kasama ninyo ako sa Templo habang ako'y nagtuturo, ngunit hindi ninyo ako hinuhuli. Gayunman, kailangang mangyari ito upang matupad ang sinasabi sa Kasulatan.” 50 Tumakas ang lahat ng alagad at iniwan siya.

51 Isang binata ang sumunod sa kanya nang walang damit kundi ang balabal niyang lino. Nang siya'y hinawakan ng mga tao, 52 nabitawan niya ang kanyang balabal at siya'y tumakas na hubad.

Si Jesus sa Harap ng Sanhedrin(CL)

53 Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Pari at nagkaroon ng pagtitipon doon ang lahat ng mga punong pari, matatandang pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. 54 Mula sa malayo ay sumunod si Pedro kay Jesus, hanggang sa loob ng patyo ng Kataas-taasang Pari. Naupo siyang kasama ng mga kawal at nagpainit sa tabi ng siga. 55 Naghahanap ng katibayan laban kay Jesus ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang matagpuan. 56 Maraming nagbigay ng maling pahayag tungkol sa kanya, ngunit hindi nagkakatugma ang mga ito. 57 May mga tumayo at nagsabi ng ganitong kasinungalingan, 58 “Narinig (CM) naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang templong ito na gawa ng tao, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng ibang templo na hindi gawa ng mga kamay.’ ” 59 Ngunit hindi pa rin nagkakatugma ang mga pahayag nila. 60 Tumayo sa harapan ng kapulungan ang Kataas-taasang Pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot? Ano itong sinasabi nila laban sa iyo?” 61 Subalit nanatiling tahimik si Jesus at hindi sumagot. Tinanong siyang muli ng Kataas-taasang Pari, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?” 62 Sumagot (CN) si Jesus, “Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Taong nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan, dumarating na nasa ulap ng himpapawid.” 63 Pinunit ng Kataas-taasang Pari ang kanyang damit at nagsabi, “Kailangan pa ba natin ng saksi? 64 Narinig (CO) na ninyo ang paglapastangan! Ano sa palagay ninyo?” At siya'y hinatulan nilang lahat na karapat-dapat siyang mamatay. 65 Sinimulan siyang duraan ng ilan sa mga naroon, piniringan ang kanyang mga mata, at siya'y pinagsusuntok. “Hulaan mo kung sino ang sumuntok sa iyo!” sabi nila. Kinuha siya ng mga bantay at pinagsasampal.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus(CP)

66 Samantala, si Pedro na nasa ibaba ay nilapitan ng isa sa mga aliping babae ng Kataas-taasang Pari. 67 Nakita niya si Pedro na nagpapainit sa tabi ng siga, tinitigan niya ito at sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazareth.” 68 Ngunit nagkaila si Pedro, “Hindi ko alam at hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo.” At lumabas siya sa pasilyo [at pagkatapos ay tumilaok ang manok.][m] 69 Muli siyang nakita doon ng aliping babae at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila.” 70 Ngunit muling nagkaila si Pedro. Pagkaraan ng ilang sandali ay sinabi ng mga nakatayo roon kay Pedro, “Talagang isa ka sa kanila dahil ikaw ay taga-Galilea.” 71 Ngunit si Pedro'y nagsimulang magmura at sumumpa, “Hindi ko kilala ang taong sinasabi ninyo!” 72 Siya namang pagtilaok ng manok sa ikalawang pagkakataon. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago ang ikalawang pagtilaok ng tandang ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit.” Nanlumo siya at tumangis.

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(CQ)

15 Pagsapit ng umaga'y nagsabwatan ang mga punong pari kasama ang matatanda ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan at ang buong Sanhedrin. Iginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang may sabi niyan.” Naghanap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus. Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo ang dami nilang paratang laban sa iyo.” Ngunit wala nang anumang sinabi pa si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(CR)

Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(CS)

16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(CT)

21 Naglalakad (CU) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (CV) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[n] nang siya'y ipako sa krus. 26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (CW) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][o] 29 Hinamak (CX) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(CY)

33 Nagdilim sa buong lupain mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.[p] 34 (CZ) Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw nang malakas si Jesus, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Narinig ito ng ilang nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo (DA) ang isang naroon at kumuha ng espongha. Binasa niya ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at inialok kay Jesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. 38 At (DB) nahati sa gitna ang tabing ng templo, mula itaas hanggang ibaba. 39 Isang senturyon ang nakatayo malapit sa krus. Nang makita niya kung paano namatay si Jesus, sinabi niya “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[q] 40 Naroon (DC) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(DD)

42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[r] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.

Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus(DE)

16 Pagkaraan ng araw ng Sabbath, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng pabango upang pahiran ang bangkay ni Jesus. Pagkasikat ng araw nang unang araw ng Linggo, maagang-maaga pa ay pumunta sila sa libingan. Nag-uusap-usap sila habang nasa daan, “Sino kaya ang mapapakiusapan nating maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Ngunit natanaw nilang naigulong na ang napakalaking batong pantakip. Pagpasok nila sa libingan, nakita nila ang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit. Nakaupo ito sa gawing kanan. At natakot sila. Ngunit sinabi ng binata sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazareth, ang ipinako sa krus; wala na siya rito; Siya'y binuhay na muli! Tingnan ninyo ang lugar na pinaglagyan sa kanya! Humayo (DF) kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, gaya ng sinabi niya sa inyo.’ ” Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis, nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot ay walang masabing anuman.

ANG MAIKLING PAGTATAPOS NI MARCOS

Sinabi ng mga babae kay Pedro at sa mga kasama nito ang lahat ng mga iniutos sa kanila. At pagkatapos, sinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad sa buong daigdig, na ipangaral nila ang banal at di lilipas na kapahayagan ng walang hanggang kaligtasan. Amen.

ANG MAHABANG PAGTATAPOS NI MARCOS

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(DG)

[Nang siya'y muling mabuhay nang unang araw ng linggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, ang babaing pinalaya niya mula sa kapangyarihan ng pitong demonyo. 10 Pinuntahan niya ang mga alagad, na noo'y nagluluksa at tumatangis, at ibinalita sa mga ito ang kanyang nakita. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala sa ibinalita ni Maria na buháy si Jesus at nagpakita sa kanya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(DH)

12 Pagkatapos ng mga ito'y nagpakita si Jesus sa ibang anyo sa dalawang alagad habang sila'y naglalakad patungo sa bukid. 13 Bumalik sila at ipinagbigay-alam ito sa ibang alagad. Ngunit ang mga ito'y hindi naniwala sa kanila.

Pinagbilinan ni Jesus ang mga Alagad(DI)

14 Hindi nagtagal at nagpakita siya sa labing-isa samantalang sila'y kumakain. Sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa hindi nila pagsampalataya at katigasan ng kanilang puso, sapagkat hindi sila naniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. 15 Sinabi (DJ) niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang ebanghelyo[s] sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas. Ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. 17 Ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking pangalan at magsasalita sila ng mga bagong wika; 18 walang mangyayaring masama sa kanila kahit makahawak sila ng mga ahas o makainom ng lason; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at gagaling ang mga ito.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit(DK)

19 Pagkatapos (DL) magsalita sa kanila ng Panginoong Jesus, iniakyat siya sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. 20 Humayo ang kanyang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako. Sinamahan sila ng Panginoon sa gawaing ito at pinatunayan ang kanyang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.][t]

Layunin ng Aklat

Yamang marami ang nagsikap bumuo ng isang maayos na salaysay tungkol sa mga naganap sa ating kalagitnaan, ayon sa inilahad sa atin ng mga taong noon pa mang simula ay mga saksi na at mga lingkod ng salita; at, matapos ang aking masusing pagsisiyasat sa lahat buhat sa simula, minabuti kong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, upang maunawaan mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo.

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Juan na Tagapagbautismo

Noong si Herodes pa ang hari ng Judea, may isang pari mula sa pangkat ni Abias na ang pangalan ay Zacarias. Ang asawa niyang si Elizabeth ay mula sa angkan ni Aaron. Kapwa sila matuwid sa paningin ng Diyos, nabubuhay na walang kapintasan sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. Isang araw, ginagampanan ni Zacarias ang kanyang tungkulin bilang pari noong manungkulan ang kanyang pangkat, nabunot ang kanyang pangalan ayon sa kaugalian ng mga pari, upang pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. 10 Sa oras ng paghahandog ng insenso, maraming tao ang nananalangin sa labas. 11 Bigla na lamang nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon na nakatayo sa kanan ng dambana ng insenso. 12 Matinding takot ang naramdaman ni Zacarias nang makita niya ang anghel. 13 Ngunit sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Zacarias. Sapagkat dininig na ang iyong panalangin. Magdadalang-tao ang asawa mong si Elizabeth at bibigyan ka niya ng anak na lalaki at tatawagin mo ito sa pangalang Juan. 14 Matutuwa ka at magagalak, at marami ring matutuwa sa kanyang pagsilang. 15 Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon. Hinding-hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Banal na Espiritu. 16 Marami sa mga anak ni Israel ang aakayin niyang magbalik-loob sa Panginoon nilang Diyos. 17 Mauuna siya sa lalakaran ng Panginoon taglay ang espiritu at kapangyarihang gaya ng kay Elias, upang pagkasunduin ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng matutuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan para sa Panginoon.” 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko ito matitiyak? Matanda na ako, gayundin ang aking asawa.” 19 At sinabi sa kanya ng anghel, “Ako si Gabriel, na isang lingkod ng Diyos, ay isinugo upang magsabi sa iyo at maghatid ng mga Magandang Balitang ito. 20 Subalit dahil hindi mo pinaniwalaan ang mga sinabi ko na mangyayari sa takdang panahon, magiging pipi ka at hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” 21 Samantala, ang mga taong naghihintay kay Zacarias ay nagtaka kung bakit siya'y nagtatagal sa loob ng templo. 22 Nang lumabas siya ay hindi na siya makapagsalita. Napagtanto nilang siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Sumesenyas lamang siya sa kanila at nanatiling pipi. 23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi siya sa kanyang bahay. 24 Pagkalipas ng mga araw na iyon ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Limang buwan itong hindi nagpakita sa iba. Sinabi ni Elizabeth, 25 “Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang pansinin upang alisin ang dahilan ng pang-aalipusta ng mga tao sa akin.”

Ipinahayag ang Kapanganakan ni Jesus

26 Nang ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea na kung tawagin ay Nazareth. 27 Isinugo(DM) siya sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaking mula sa angkan ni David na ang pangalan ay Jose. Maria ang pangalan ng birhen. 28 Lumapit sa kanya ang anghel, at sinabi nito, “Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo.”[u] 29 Subalit lubha niyang ikinalito ang sinabing iyon at inisip niya kung ano ang kahulugan ng pagbating iyon. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalugdan ka ng Diyos. 31 Kaya, magdadalang-tao ka at magsisilang ng isang lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. 32 Siya'y (DN) magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. 33 Maghahari siya magpakailanman sa sambahayan ni Jacob at ang paghahari niya ay walang katapusan.” 34 Sinabi ni Maria sa anghel, “Paano mangyayari ito gayong wala pa akong nakatalik na lalaki?” 35 Sumagot ang anghel sa kanya, “Bababa sa iyo ang Banal na Espiritu at lilimliman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang isisilang ay banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Dapat mong malaman na ang kamag-anak mong si Elizabeth ay naglilihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Siya na dating tinatawag na baog ay anim na buwan nang buntis. 37 Sapagkat (DO) sa Diyos ay walang imposible.” 38 At sinabi ni Maria, “Narito ako na lingkod ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita.” Pagkatapos, iniwan siya ng anghel.

Dinalaw ni Maria si Elizabeth

39 Hindi nagtagal at naghanda si Maria at nagmadaling pumunta sa isang maburol na lupain sa bayan ng Judea. 40 Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. 41 Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumipa ang sanggol sa kanyang sinapupunan at si Elizabeth ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Sumigaw siya nang malakas, at sinabi niya, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan! 43 Ano ang nangyari at ako ay dinalaw ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay sumipa sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon.”

Umawit ng Papuri si Maria

46 Sinabi (DP) ni Maria,

47 “Ang aking kaluluwa'y Panginoon ang dinadakila,
    at sa aking Diyos na Tagapagligtas, espiritu ko'y labis ang tuwa.
48 Sapagkat (DQ) nilingap ang kanyang hamak na alipin.
    At mula ngayo'y tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa akin
    at banal ang pangalan niyang angkin.
50 Kanyang pagkahabag, lahat ng salinlahi ang abot
    sa lahat ng sa kanya tunay na may takot.
51 Siya'y nagpakita ng lakas ng kanyang mga bisig;
    pinagwatak-watak niya ang mga palalò sa mga haka ng kanilang puso at isip.
52 Ang (DR) mga makapangyarihan mula sa trono'y kanyang ibinagsak,
    at ang mga nasa abang kalagayan, kanya namang iniangat.
53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom,
    at ang mayayaman ay kanyang pinaalis na walang dalang baon.
54 Ang Israel na lingkod niya'y kanyang tinulungan,
    bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan.
55 Ito'y (DS) bilang pagtupad sa pangako niya sa ating mga magulang,
    kay Abraham at sa kanyang salinlahi magpakailanman.”

56 Nanatiling kasama ni Elizabeth si Maria nang may tatlong buwan bago ito umuwi sa kanyang tahanan.

Isinilang si Juan na Tagapagbautismo

57 Sumapit na ang kabuwanan ni Elizabeth at isinilang niya ang isang lalaki. 58 Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ng dakilang awa sa kanya ang Panginoon at sila'y nakigalak sa kanya. 59 Pagsapit (DT) ng ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Papangalanan sana nila ng Zacarias ang sanggol tulad ng pangalan ng kanyang ama. 60 Ngunit sinabi ng kanyang ina, “Hindi. Juan ang ipapangalan sa kanya.” 61 “Wala kang kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. 62 Sinenyasan nila ang kanyang ama kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol.[v] 63 Humingi siya ng isang masusulatan at kanyang isinulat, “Ang kanyang pangalan ay Juan.” At namangha silang lahat. 64 Noon di'y nabuksan ang kanyang bibig at nakalagan ang kanyang dila. Siya'y nagsimulang magsabi ng pagpupuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng naninirahan sa kanilang paligid, at pinag-usapan ang mga ito sa buong maburol na lupain ng Judea. 66 Lahat ng mga nakarinig nito ay nag-isip, “Magiging ano nga kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na sumasakanya ang kamay ng Panginoon.

Ang Propesiya ni Zacarias

67 Napuspos ng Banal na Espiritu si Zacarias na ama ng bata, at nagpahayag ng propesiyang ito,

68 “Ang Diyos ng Israel dapat na papurihan,
    sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan,
69 itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin
    mula sa sambahayan ni David na kanyang alipin,
70 gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noon pa man,
71 na tayo'y ililigtas niya mula sa ating mga kaaway at sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin
72 upang ang habag sa ating mga ninuno ay ipakita
    at ang kanyang banal na tipan ay maalala,
73 ang pangakong ibinigay niya sa ating amang si Abraham,
74 na ipagkaloob sa atin, na tayong mga iniligtas sa kamay ng ating mga kaaway,
ay maglingkod sa kanya nang walang takot,
75 sa kabanalan at katuwiran
    sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw.
76 At (DU) ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan,
    sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan;
77 upang ipaalam ang kaligtasan sa kanyang bayan,
    sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan,
78 sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos,
sisilay[w] sa atin ang bukang-liwayway,
79     upang (DV) bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan,
upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan.”

80 Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. Nanirahan siya sa ilang hanggang sa araw na siya'y magpakita sa Israel.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.