Bible in 90 Days
Pinakain ni Jesus ang Limang Libo
6 Matapos ang mga pangyayaring ito pumunta si Jesus sa kabilang bahagi ng lawa ng Galilea na tinatawag ding lawa ng Tiberias. 2 Napakaraming tao ang sumunod sa kanya, dahil nakita nila ang mga himala na kanyang ginawa sa mga maysakit. 3 Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo kasama ng kanyang mga alagad. 4 Nalalapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. 5 Paglingon ni Jesus, nakita niyang lumalapit sa kanya ang napakaraming tao kung kaya sinabi niya kay Felipe, “Saan tayo makabibili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” 6 Alam na ni Jesus ang kanyang gagawin, ngunit sinabi niya iyon upang subukin si Felipe. 7 Sumagot ito, “Kulang po ang tinapay na mabibili ng dalawang daang denaryo[a] upang makakain kahit kaunti ang mga taong ito.” 8 Si Andres na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, 9 “May isang bata po rito na may limang tinapay na sebada[b] at dalawang isda, ngunit sapat ba ito para sa napakaraming tao?” 10 Sinabi ni Jesus, “Paupuin ninyo ang mga tao.” Sa lugar na iyon ay maraming damo, kaya naupo ang mga lalaking may limang libo ang bilang. 11 Kinuha ni Jesus ang mga tinapay, at matapos magpasalamat, ipinamigay niya sa mga nakaupo; ganoon din ang ginawa niya sa mga isda. Kumuha ang mga tao hangga't ibig nila. 12 Nang mabusog sila, inutusan niya ang kanyang mga alagad, “Tipunin ninyo ang mga sobrang pagkain upang walang masayang.” 13 Kaya tinipon nga nila ang mga sumobrang pagkain, at mula sa limang pinagpira-pirasong tinapay ay nakapuno sila ng labindalawang kaing. 14 Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Ito nga talaga ang propetang darating sa sanlibutan!” 15 Nang makita ni Jesus na lumalapit ang mga tao at sapilitan siyang kukunin upang gawing hari, lumayo siya at muling pumuntang mag-isa sa bundok.
16 Kinagabihan, pumunta sa lawa ang kanyang mga alagad. 17 Sumakay sila ng bangka at nagsimulang baybayin ang lawa patungong Capernaum. Madilim na noon, at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. 18 Lumaki ang alon sa lawa dahil sa malakas na ihip ng hangin. 19 Nang makasagwan sila nang lima hanggang anim na kilometro, nakita nila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig ng lawa papalapit sa bangka, at sila'y natakot. 20 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” 21 Kaya pinasakay nila si Jesus sa bangka; at nakarating agad ang bangka sa lugar na kanilang pupuntahan.
22 Kinabukasan, nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang dako ng lawa na isang bangka lamang ang naroon. Nakita din nilang hindi sumama si Jesus sa bangkang iyon nang umalis ang kanyang mga alagad. 23 Gayunman, may mga bangka mula sa Tiberias na dumating malapit sa lugar na kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. 24 Kaya nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus pati ang kanyang mga alagad, sumakay sila sa mga bangka at pumuntang Capernaum upang hanapin si Jesus. 25 At nang matagpuan nila si Jesus sa ibayo ng lawa, sinabi nila sa kanya, “Rabbi, kailan pa kayo rito?” 26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hinahanap ninyo ako hindi dahil nakakita kayo ng mga himala, kundi dahil nabusog kayo sa tinapay. 27 (A)Huwag kayong magpagod para sa pagkaing nabubulok, kundi para sa pagkaing nananatili tungo sa buhay na walang hanggan, na siyang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang tinatakan ng Diyos Ama.” 28 Kaya sinabi nila, “Ano ang dapat naming gawin upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ito ang gawain ng Diyos, na kayo ay manampalataya sa kanyang isinugo.” 30 Kaya sinabi nila sa kanya, “Ano pong himala ang maipapakita ninyo sa amin upang maniwala kami sa iyo? Ano pong ginagawa ninyo? 31 (B)Ang mga ninuno namin ay kumain ng manna sa ilang; tulad ng nasusulat, ‘Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang makain.’ ” 32 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ito ang katotohanan, sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, kundi ang aking Ama ang nagbigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay siya na bumaba mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan.” 34 Sinabi nila sa kanya, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na iyon.” 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw. 36 Sinabi ko sa inyo na nakita na ninyo ako subalit hindi kayo naniniwala. 37 Ang lahat ng ibinibigay ng Ama sa akin ay lalapit sa akin, at ang lumalapit sa akin ay hinding-hindi ko itataboy. 38 Bumaba ako mula sa langit hindi upang gawin ang nais ko, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 Ito ang kalooban ng nagsugo sa akin—na hindi ko maiwala ang isa man sa mga ibinigay niya sa akin, kundi, ito’y buhaying muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat tumitingin sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.” 41 Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Judio tungkol sa kanya sapagkat sinabi niya, “Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose, at kilala natin ang kanyang ama't ina? Paano niya nasasabing bumaba siya mula sa langit?” 43 Sumagot si Jesus, “Huwag na kayong magbulung-bulungan. 44 Walang makalalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin. Siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 (C)Sinulat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang sinumang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lumalapit sa akin. 46 Ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Siya lamang ang nakakita sa Ama. 47 Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno sa ilang, gayunma'y namatay sila. 50 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, upang ang sinumang kumain nito ay hindi mamatay. 51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” 52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” 59 Ito ang mga sinabi niya nang siya'y magturo sa bahay-pulungan ng mga Judio sa Capernaum. 60 Nang marinig nila ito, marami sa kanyang mga alagad ang nagsabing, “Mahirap na turo ito, sino ang may kayang tumanggap nito?” 61 Alam ni Jesus na nagbubulungan sila tungkol dito kaya sinabi niya, “Ikinagalit ba ninyo ang sinabi ko? 62 Paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? 63 (D)Ang espiritu ang nagbibigay ng buhay, ang laman ay walang pakinabang; ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. 64 Subalit may ilan sa inyo na hindi naniniwala.” Sapagkat alam na ni Jesus sa simula pa lamang ang mga hindi naniniwala, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. 65 At sinabi niya, “Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ipahintulot ito ng Ama.” 66 Pagkatapos nito marami sa mga alagad niya ang tumalikod at hindi na sumunod sa kanya. 67 Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Nais din ba ninyong umalis?” 68 (E)Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at sumasampalataya kami, at nakatitiyak kami na kayo nga ang Banal ng Diyos.” 70 Sumagot si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayong labindalawa, at isa sa inyo ay diyablo?” 71 Ang tinutukoy niya ay si Judas, anak ni Simon Iscariote, ang isa sa labindalawa na magkakanulo sa kanya.
7 Pagkatapos ng mga ito naglakbay si Jesus sa Galilea. Iniwasan niyang dumaan sa Judea, sapagkat gusto siyang patayin ng mga Judio roon. 2 (F)Malapit na noon ang pista ng mga Kubol na ipinagdiriwang ng mga Judio. 3 Kaya sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Umalis ka na at pumunta ka sa Judea, upang makita ng mga alagad mo ang mga ginagawa mo. 4 Sapagkat hindi gumagawa nang palihim ang sinumang nagnanais na makilala. Dahil ginagawa mo ang mga ito, ilantad mo ang iyong sarili sa lahat.” 5 Sapagkat maging ang mga kapatid niya ay hindi naniwala sa kanya. 6 Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ito ang panahon ko, ngunit ang panahon ninyo ay laging naririyan. 7 Hindi kayo kamumuhian ng sanlibutan, ngunit namumuhi ito sa akin dahil nagpapatotoo ako na ang mga gawa nito ay masama. 8 Kayo na lang ang magpunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya ng mga ito, nagpaiwan siya sa Galilea. 10 Subalit pagkaalis ng kanyang mga kapatid patungo sa pista, pumunta din siya nang palihim at walang pinagsabihan sinuman. 11 Hinahanap siya ng mga Judio sa pista at ipinagtanong kung nasaan siya. 12 At maraming usap-usapan tungkol sa kanya ang mga tao. Ang ilan ay nagsabi, “Siya ay mabuting tao.” Ang sabi naman ng iba, “Inililigaw niya ang mga tao.” 13 Gayunman, walang Judiong nagsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa kanilang mga pinuno. 14 Nang kalagitnaan na ng pista ay nagpunta si Jesus sa templo at nagturo. 15 Nagtaka ang mga Judio. Ang sabi nila, “Paanong nalaman ng taong ito ang mga kasulatan gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya't sumagot si Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 17 Ang sinumang naghahangad na gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin ay makaaalam kung ang itinuturo ko ay galing sa Diyos o nagsasalita lamang ako mula sa sarili. 18 Ang nagsasalita mula sa kanyang sarili ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang nagsisikap na parangalan ang nagsugo sa kanya, ang taong ito ay tapat, at hindi nagsisinungaling. 19 Hindi ba si Moises ang nagbigay sa inyo ng kautusan? Subalit wala naman sa inyo ang tumutupad nito. Bakit sinisikap ninyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka ng demonyo. Sino'ng gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinagot sila ni Jesus, “Gumawa ako ng himala at lahat kayo ay namangha. 22 (G)Ibinigay sa inyo ni Moises ang batas ng pagtutuli bagama't hindi ito galing kay Moises kundi sa mga ninuno. Nagtutuli kayo sa araw ng Sabbath. 23 (H)Kung ang pagtutuli sa araw ng Sabbath ay hindi paglabag sa Kautusan ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin sa pagpapagaling ko sa isang tao sa araw ng Sabbath?” 24 Huwag kayong humusga batay sa panlabas na anyo, kundi maging matuwid kayo sa inyong mga hatol.” 25 Kaya’t sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gusto nilang patayin? 26 At narito siya at hayagang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabing anuman laban sa kanya. Kinikilala na kaya ng mga pinuno na siya ang Cristo? 27 Ngunit alam natin kung saan galing ang taong ito; at pagdating ng Cristo, walang makaaalam kung saan siya manggagaling.” 28 Kaya sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, “Kilala ba talaga ninyo ako at alam ninyo kung saan ako galing? Hindi ako naparito para sa sarili ko lamang. Ang nagsugo sa akin ay tapat, at siya ang hindi ninyo nakikilala. 29 Kilala ko siya, sapagkat galing ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil dito, tinangka nilang dakpin siya, subalit wala ni isa mang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang oras niya. 31 Gayunman, marami sa mga naroon ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Kapag dumating ang Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming himala kaysa ginawa ng taong ito?” 32 Narinig ng mga Fariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol sa kanya, kaya nagpadala ang mga punong pari at mga Fariseo ng mga kawal para dakpin siya. 33 Kaya sinabi ni Jesus, “Sandaling panahon na lamang ninyo ako makakasama, at pagkatapos ay pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako matatagpuan. At kung saan ako naroroon ay hindi ninyo ako mapupuntahan.” 35 Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan ba nagbabalak pumunta ng taong ito na hindi natin matatagpuan? Pupunta kaya siya sa lugar ng mga kababayan nating nakatira kasama ng mga Griyego at magtuturo sa kanila? 36 Ano'ng ibig niyang sabihin sa sinabi niyang, ‘Hahanapin ninyo ako at hindi ninyo ako matatagpuan,’ at ‘Kung saan ako naroroon hindi ninyo ako mapupuntahan’?” 37 (I)Sa huli at natatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at sumigaw. Sinabi niya, “Lumapit sa akin ang sinumang nauuhaw at uminom. 38 (J)Ang sumasampalataya sa akin, tulad ng sinabi ng kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang ilog ng tubig ng buhay.’ ” 39 Sinabi niya ito tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naibibigay ang Espiritu, sapagkat hindi pa naluluwalhati si Jesus. 40 Nang marinig ng ilang tao ang mga salitang ito, sinabi nila, “Tunay na ito nga ang propeta.” 41 Ang iba’y nagsabi, “Ito ang Cristo.” Subalit sinabi ng ilan, “Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo? 42 (K)Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lahi ni David at sa Bethlehem na pinanggalingan ni David?” 43 Kaya nagkaroon ng pagkakahati sa mga tao dahil sa kanya. 44 May ilang nais dumakip sa kanya, subalit walang nangahas na gawin iyon.
45 Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at mga Fariseo na nagsabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo siya dala?” 46 Sumagot ang mga kawal, “Wala pa pong nakapagsasalita na tulad ng taong iyon.” 47 Tinanong sila ng mga Fariseo, “Pati ba kayo ay nalinlang na? 48 Mayroon bang mga pinuno o mga Fariseong naniwala sa kanya? 49 Ngunit ang mga taong ito na walang nalalaman sa kautusan ay mga sinumpa.” 50 (L)Si Nicodemo na nagpunta noon kay Jesus, at isa rin sa mga kasamahan nila, ay nagsabi sa kanila, 51 “Hinuhusgahan ba ng batas natin ang isang taong hindi man lamang natin napapakinggan at inaalam ang kanyang ginagawa?” 52 Sumagot sila sa kanya, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka at malalaman mong walang propetang magmumula sa Galilea.” 53 At nagsiuwi na ang lahat.
8 Samantala, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. 2 Nang magmadaling-araw, nagpunta uli siya sa templo. Pumunta sa kanya ang lahat ng tao, kaya naupo siya at nagturo sa kanila. 3 Dinala sa kanya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pakikiapid, at pinatayo ito sa harapan nila. 4 Sinabi nila sa kanya, “Guro, ang babaing ito ay nahuli habang nakikiapid. 5 (M)Ngayon, inutos ng batas ni Moises na batuhin ang tulad niya. Ano ngayon ang masasabi mo?” 6 Sinabi nila ito para subukin siya, upang sa gayon, mayroon silang gamitin laban sa kanya. Yumuko si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 (N)At habang nagpapatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, “Sinuman sa inyo na walang kasalanan, siyang unang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 9 Matapos nilang marinig ito, isa-isa silang nagsialis, simula sa pinakamatanda. Naiwang mag-isa si Jesus kasama ang babaing nakatayo sa harap niya. 10 Tumingala si Jesus at sinabi sa kanya, “Ginang, nasaan sila? Wala bang humusga sa iyo?” 11 At sinabi ng babae, “Wala, Ginoo.” At sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita huhusgahan; humayo ka, at huwag nang magkasala.”
12 (O)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (P)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (Q)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. 31 Kaya't sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kanya, “Kung mananatili kayo sa aking salita, kayo ay mga tunay kong alagad, 32 at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 (R)Sumagot sila sa kanya, “Kami ay mga lahi ni Abraham at kailanma'y hindi naging alipin nino man. Bakit mo sinasabing, ‘magiging malaya kayo’?” 34 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi nananatili sa bahay habang buhay; ang anak ay nananatili habang buhay. 36 Kaya nga kung palalayain kayo ng Anak, magiging malaya nga kayong tunay. 37 Alam kong kayo ay mga lahi ni Abraham; pero pinagsisikapan ninyo akong patayin dahil walang lugar ang salita ko sa inyo. 38 Sinasabi ko kung ano ang nakita ko sa aking Ama, at ginagawa naman ninyo kung ano ang narinig ninyo sa inyong ama.” 39 Sumagot sila at sinabi sa kanya, “Ama namin si Abraham.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang ginawa ni Abraham. 40 Subalit ngayon ay gusto ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Diyos; hindi ito ang ginawa ni Abraham. 41 Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama.” Sinabi nila sa kanya, “Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid, mayroon kaming isang Ama, ang Diyos.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako dahil ako ay galing sa Diyos at naparito. Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan, dahil isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Dahil hindi ninyo kayang pakinggan ang salita ko. 44 (S)Kayo ay mula sa inyong amang diyablo, at ang hangarin ninyo ay gawin ang mga gusto ng ama ninyo. Siya ay mamamatay-tao mula pa sa simula, at hindi naninindigan sa katotohanan sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsisinungaling, nangungusap siya ayon sa kanyang kalikasan, dahil siya ay sinungaling at ama ng kasinungalingan. 45 Pero dahil nagsasabi ako ng katotohanan, hindi kayo naniniwala sa akin. 46 Sino sa inyo ang makasusumbat sa akin ng kasalanan? Kung nagsasabi ako ng katotohanan, bakit hindi kayo naniniwala sa akin? 47 Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos; ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay dahil hindi kayo nagmula sa Diyos.” 48 Sinagot siya ng mga Judio, “Hindi ba tama kami nang sabihin naming ikaw ay isang Samaritano at sinasaniban ka ng diyablo?” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng diyablo. Pinaparangalan ko ang aking Ama, at sinisira ninyo ang aking karangalan. 50 Subalit hindi ako naghahanap ng karangalan para sa sarili; may isang naghahanap nito at humahatol. 51 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumutupad ng aking salita ay hindi kailanman daranas ng kamatayan.” 52 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Ngayon, alam na naming sinasaniban ka nga ng diyablo. Namatay rin si Abraham gaya ng mga propeta; at sinasabi mo na, ‘Sinumang tumutupad ng salita ko ay hindi kailanman makalalasap ng kamatayan.’ 53 Mas dakila ka pa ba kaysa aming amang si Abraham na namatay? Maging ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa palagay mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang saysay. Ang aking Ama ang lumuluwalhati sa akin, siya na sinasabi ninyo na inyong Diyos. 55 Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit kilala ko siya. Kung sabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling din ako na tulad ninyo; pero kilala ko siya at tinutupad ko ang salita niya. 56 Ang ama ninyong si Abraham ay nagalak dahil makikita niya ang araw ko. Nakita niya ito at siya ay nagalak.” 57 Sinabi ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang limampung taon, nakita mo na ba si Abraham?” 58 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, wala pa man si Abraham Ako’y Ako na Nga.” 59 Dahil dito pumulot sila ng bato para batuhin siya; subalit nagtago si Jesus, at lumabas ng templo.
9 Habang naglalakad si Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa pagkasilang. 2 Tinanong siya ng mga alagad niya, “Rabbi, sino ba ang nagkasala't ang lalaking ito ay ipinanganak na bulag, siya o ang kanyang mga magulang?” 3 Sumagot si Jesus, “Hindi ang lalaking ito, ni ang mga magulang niya ang nagkasala; ipinanganak siyang bulag upang sa pamamagitan niya, ang mga gawa ng Diyos ay maihayag. 4 Kailangan nating gawin ang mga gawa niya na nagsugo sa akin habang maliwanag pa; dumarating ang gabi at wala nang makagagawa nito. 5 (T)Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” 6 Matapos niyang sabihin ito, dumura siya sa lupa at gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway. Ipinahid niya iyon sa mata ng lalaki, 7 at sinabihan ito, “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam” (na ang ibig sabihin ay isinugo). Kaya nagpunta siya at naghilamos—at bumalik siyang nakakakita na. 8 Ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya noon na siya’y pulubi pa ay nagsimulang magtanong, “Hindi ba siya ang lalaking dating namamalimos?” 9 May ilang nagsasabing, “Siya nga iyon.” Ang iba naman ay nagsasabing, “Hindi, kamukha lang siya.” Ngunit paulit-ulit niyang sinasabing, “Ako ang taong iyon.” 10 Kung kaya paulit-ulit nila siyang tinatanong, “Kung gayon, ano'ng nangyari at nakakakita ka na?” 11 Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, ipinahid niya iyon sa aking mga mata, at sinabihan akong pumunta sa Siloam at maghilamos. Kung kaya't nagpunta ako roon at naghilamos, at ako'y nakakita na.” 12 Sinabi nila sa kanya, “Nasaan siya?” Sinabi niya, “Hindi ko alam.”
13 Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaking dating bulag. 14 Araw ng Sabbath noon nang gumawa ng putik si Jesus at pagalingin ang kanyang mga mata, 15 kaya nagsimula ring magtanong ang mga Fariseo sa lalaki kung paano siya muling nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata. Pagkatapos ay naghilamos ako, at ngayo’y nakakakita na ako.” 16 Ilan sa mga Fariseo ay nagsabing, “Ang taong ito ay hindi mula sa Diyos, dahil hindi niya sinusunod ang batas ng Sabbath.” Subalit ang iba naman ay nagsabi rin, “Paanong makagagawa ng mga himalang tulad nito ang isang makasalanang tao?” At sila ay nagkahati-hati. 17 Kaya sinabi uli nila sa bulag, “Ano'ng masasabi mo tungkol sa kanya na nagbigay sa iyo ng paningin?” Sinabi niya, “Siya ay propeta.”
18 Hindi makapaniwala ang mga Judio na siyang dating bulag ay nakakakita na. Kaya tinawag nila ang kanyang mga magulang 19 at tinanong nila ang mga ito, “Ito ba ang inyong anak na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nangyari na nakakakita na siya ngayon?” 20 Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming siya ang aming anak, at siya ay ipinanganak na bulag. 21 Pero, hindi namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, at kung sino ang nagpagaling sa kanya. Tanungin ninyo siya. Nasa tamang gulang na siya para magpaliwanag tungkol sa kanyang sarili.” 22 Sinabi ito ng mga magulang niya dahil takot sila sa mga Judio; nagkasundo na kasi ang mga Judio na ang sinumang magsabi na si Jesus ang Cristo ay palalayasin sa sinagoga. 23 Kaya sinabi ng mga magulang niya, “May sapat na gulang na siya; tanungin ninyo siya.” 24 Sa pangalawang pagkakataon, tinawag nilang muli ang lalaking dating bulag, at sinabi sa kanya, “Magbigay-luwalhati ka sa Diyos! Alam naming makasalanan ang taong iyon.” 25 Sumagot siya, “Hindi ko alam kung siya nga ay makasalanan. Isang bagay ang nalalaman ko, na ako ay dating bulag, at ngayon ay nakakakita na.” 26 Sinabi nila sa kanya, “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” 27 Sumagot siya sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong makinig. Bakit gusto ninyong marinig ito ulit? Gusto rin ba ninyong maging mga alagad niya?” 28 Kaya't pinagsabihan nila siya nang masakit, “Ikaw ay alagad niya, ngunit kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam naming nangusap ang Diyos kay Moises, ngunit ang taong iyon, hindi namin alam kung saan siya galing.” 30 Sumagot ang lalaki, “Nakapagtataka naman ito! Hindi ninyo alam kung saan siya galing, pero siya ang nagpagaling ng mga mata ko. 31 Alam nating ang Diyos ay hindi nakikinig sa mga makasalanan, at siya ay nakikinig sa sumasamba sa kanya at gumagawa ng kalooban niya. 32 Simula pa noon, wala pang nabalitaang sinuman na nagpagaling ng mga mata ng isang ipinanganak na bulag. 33 Kung ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, wala siyang magagawa.” 34 Sumagot sila sa kanya, “Ipinanganak kang makasalanan at tinuturuan mo kami?” At pinalayas nila ang lalaki.
35 Narinig ni Jesus na itinaboy nila ang lalaki, at nang matagpuan niya ito'y sinabi niya, “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” 36 Sumagot ang lalaki, “Sino siya, ginoo? Sabihin mo sa akin upang maniwala ako sa kanya.” 37 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Nakita mo na siya, siya ngayon ang nagsasalita sa iyo.” 38 Sinabi niya, “Panginoon, naniniwala ako.” At sinamba niya si Jesus. 39 Sinabi ni Jesus, “Nagpunta ako rito sa sanlibutan upang humatol; at upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at ang mga nakakakita ay maging bulag.” 40 Narinig ito ng ilan sa mga Fariseong naroon kaya sinabi sa kanya, “Bulag din ba kami?” 41 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo ay bulag, hindi sana kayo nagkasala. Ngunit ngayong sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.
Si Jesus ang Mabuting Pastol
10 “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, sinumang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi dumadaan sa pintuan nito kundi sa ibang daan ay magnanakaw at tulisan. 2 Ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. 3 Ang bantay sa pinto ang nagbubukas para sa kanya, at ang mga tupa ay nakikinig sa tinig niya. Tinatawag niya ang sarili niyang mga tupa sa pangalan at siya ang naglalabas sa kanila. 4 Matapos niyang dalhin sa labas ang lahat ng kanya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sila sa kanya dahil kilala nila ang tinig niya. 5 Hinding-hindi sila susunod sa hindi nila kakilala, kundi tatakbo silang papalayo sa kanya sapagkat hindi nila nakikilala ang tinig ng iba.” 6 Gumamit si Jesus ng ganitong talinghaga sa kanila, subalit hindi nila naintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin.
7 Kaya’t sinabi muli ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. 8 Ang lahat ng dumating na nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan; ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang pintuan. Sinumang pumapasok sa pamamagitan ko ay maliligtas. Siya ay papasok at lalabas at makatatagpo ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at sumira. Dumating ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang sagana. 11 (U)Ako ang mabuting pastol. Ang mabuting pastol ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang taong upahan ay hindi pastol at hindi rin siya ang may-ari ng mga tupa. Kapag nakikita niyang dumarating ang asong gubat, iniiwan niya ang mga tupa at tumatakbong papalayo. Sinasakmal ng asong gubat ang mga ito at pinagwawatak-watak sila. 13 Tumatakbo ang taong upahan dahil wala siyang malasakit sa mga tupa. 14 (V)Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang aking mga tupa at ako’y kilala nila, 15 kung paanong ako’y kilala ng Ama at siya’y kilala ko; at iniaalay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Ngunit mayroon pa akong ibang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kailangang dalhin ko rin sila rito at makikinig sila sa tinig ko. Sa gayon, magkakaroon ng iisang kawan at iisang pastol. 17 Dahil dito, minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang muli ko itong kunin. 18 Walang kumukuha nito sa akin, subalit iniaalay ko ito nang kusang-loob. Mayroon akong kapangyarihang ialay ito, at mayroon din akong kapangyarihang bawiin ito. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama.”
19 At muling nagkaroon ng paghahati sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 Marami sa kanila ang nagsasabing, “Sinasaniban siya ng demonyo at siya’y nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kanya?” 21 Ang iba nama'y nagsasabing, “Ang mga salitang ito ay hindi galing sa isang sinasaniban ng demonyo. Kaya ba ng demonyo na magpagaling ng bulag?”
Tinanggihan ng mga Judio si Jesus
22 (W)Taglamig noon at sa Jerusalem ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga. 23 Si Jesus ay naglalakad sa templo, sa portiko ni Solomon. 24 Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang malinaw.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo naniniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala, dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mamamatay. Walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. 29 (X)Ang aking Ama ay higit na dakila; siya ang nagbigay sa akin ng lahat at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.” 31 Muling pumulot ng mga bato ang mga Judio para batuhin siya. 32 Sumagot si Jesus sa kanila, “Nagpakita ako sa inyo ng maraming mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan para batuhin ninyo ako?” 33 (Y)Sumagot ang mga Judio, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabuting gawa, kundi sa iyong paglapastangan. Dahil ikaw na isang tao lamang ay nagpapakilalang Diyos.” 34 (Z)Sumagot si Jesus sa kanila, “Hindi ba nasusulat sa inyong batas, ‘Sinabi ko, kayo ay mga diyos’? 35 Kung ang mga dinatnan ng salita ng Diyos ay tinawag na mga ‘diyos’, at ang kasulatan ay hindi mapapawalang bisa, 36 bakit ninyo sinasabing ako na itinalaga at isinugo ng Ama sa sanlibutan ay lumalapastangan dahil sinabi kong, ‘Ako ang Anak ng Diyos’? 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. 38 Subalit kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi ninyo ako pinaniniwalaan, paniwalaan ninyo ang mga gawa, upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa Ama.” 39 Pagkatapos, tinangka nilang muli na dakpin si Jesus, subalit nakatakas siya sa kanilang mga kamay.
40 (AA)Muling umalis si Jesus at tumawid ng Ilog Jordan patungo sa pinagbautismuhan ni Juan noong una, at nanatili siya roon. 41 Maraming pumunta sa kanya na nagsasabi, “Hindi gumawa si Juan ng anumang himala, ngunit lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo.” 42 At marami roon ang sumampalataya kay Jesus.
Namatay si Lazaro
11 (AB)May isang lalaking may sakit na ang pangalan ay Lazaro na taga-Betania. Kasama niyang naninirahan sa nayon ang mga kapatid na sina Maria at Marta. 2 (AC)Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon; ang kapatid niyang si Lazaro ay may sakit. 3 Kaya ang magkapatid na babae ay nagpadala ng mensahe kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.” 4 At nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na ito ay hindi mauuwi sa kamatayan, sa halip, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, nang sa gayon ay luwalhatiin ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.” 5 Mahal ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. 6 Gayunman matapos marinig na si Lazaro ay may sakit, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa kanyang tinutuluyan.
7 Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik tayo sa Judea.” 8 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Rabbi, nagtatangka ang mga Judio na batuhin kayo, nais pa ba ninyong bumalik doon?” 9 Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras ng liwanag sa isang araw? Ang naglalakad kapag araw ay hindi matitisod sapagkat nakikita niya ang liwanag ng sanlibutang ito. 10 Ngunit ang lumalakad sa gabi ay matitisod, sapagkat ang liwanag ay wala sa kanya.” 11 Matapos niyang sabihin ito'y idinugtong niya, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog, ngunit pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.” 13 Subalit ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkamatay ni Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog lamang. 14 Kaya pagkatapos nito ay tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila, “Patay na si Lazaro. 15 Para sa inyong kapakanan, mabuting wala ako roon, upang kayo’y sumampalataya. Gayunman, puntahan natin siya.” 16 Sinabi ni Tomas, na tinatawag na kambal, sa kapwa niya mga alagad, “Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya.”
Si Jesus ang Muling Pagkabuhay at ang Buhay
17 Nang dumating si Jesus, nadatnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. 18 Malapit ang Betania sa Jerusalem, mga tatlong kilometro[c] ang layo. 19 Maraming Judio ang pumunta kina Marta at Maria para aliwin sila dahil sa kanilang kapatid. 20 Nang marinig ni Marta na paparating si Jesus, sinalubong niya ito, habang si Maria naman ay naiwan sa bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid. 22 Ngunit ngayon, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ay ibibigay niya sa iyo.” 23 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Mabubuhay muli ang iyong kapatid.” 24 (AD)Sumagot si Marta, “Alam kong mabubuhay siyang muli sa Pagkabuhay, sa huling araw.” 25 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang mga sumasampalataya sa akin ay mabubuhay kahit na siya ay mamatay, 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba rito?” 27 Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, na siyang dumarating sa sanlibutan.” 28 Pagkasabi niya nito, bumalik siya kay Maria. Tinawag niya ito at palihim niyang sinabi, “Nandito ang guro at tinatawag ka.” 29 Nang marinig ito ni Maria, nagmadali siyang tumayo at pinuntahan si Jesus. 30 Hindi pa nakararating si Jesus sa nayon, naroon pa lang siya sa lugar na kinasalubungan sa kanya ni Marta. 31 Nakita ng mga Judiong kasama ni Maria sa bahay at umaaliw sa kanya na nagmadali siyang tumayo at umalis. Kaya sinundan nila si Maria sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan para tumangis doon. 32 Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, lumuhod siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito ka lang, hindi po sana namatay ang aking kapatid.” 33 Nang makita ni Jesus na tumatangis si Maria, maging ang mga Judiong kasama niya, nabagbag ang kanyang kalooban at siya'y nabahala. 34 Nagtanong si Jesus, “Saan ninyo siya inilagay?” Sumagot sila, “Halikayo, Panginoon, at tingnan ninyo.” 35 Tumangis si Jesus. 36 Dahil dito, sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!” 37 Subalit ilan sa kanila ang nagsabi, “Hindi ba ang taong ito ang nagpagaling sa taong bulag? Bakit hindi niya napigilan ang pagkamatay ni Lazaro?”
Binuhay ni Jesus si Lazaro
38 Muling nabagabag si Jesus nang dumating siya sa libingan. Ito’y isang yungib at may batong nakatakip doon. 39 Sinabi ni Jesus, “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Marta na kapatid ng namatay, “Panginoon, nangangamoy na siya dahil apat na araw na siyang patay.” 40 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi ba sinabi ko na sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” 41 Kaya tinanggal nila ang bato. Tumingala si Jesus at nagsabi, “Ama, salamat dahil dininig mo ako. 42 Alam kong lagi mo akong pinakikinggan, ngunit sinabi ko ito para sa mga taong nakatayo rito, upang sila'y maniwala na isinugo mo ako.” 43 Pagkasabi niya nito, sumigaw siya nang malakas, “Lazaro, lumabas ka!” 44 Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng tela ang mga kamay at paa, gayundin ang kanyang mukha. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at hayaang makaalis.”
Ang Balak na Pagpatay kay Jesus
45 Kaya’t maraming Judiong sumama kay Maria na nakakita ng ginawa ni Jesus ang sumampalataya sa kanya. 46 Ngunit ilan sa kanila ay nagpunta sa mga Fariseo at nagbalita ng ginawa ni Jesus. 47 Dahil dito, ang mga punong pari at mga Fariseo ay nagpatawag ng pulong. “Ano'ng gagawin natin?” tanong nila. “Maraming himalang ginagawa ang taong ito. 48 Kung pababayaan natin siyang ganito, lahat ay maniniwala sa kanya at darating ang mga Romano para wasakin ang ating templo at ating bansa.” 49 Si Caifas na kabilang sa kanila na siya ring punong pari nang panahong iyon ay nagsabi, “Wala talaga kayong alam! 50 Hindi ninyo naiintindihan na mas mabuti para sa inyo na hayaang mamatay ang isang tao para sa bayan, kaysa hayaang mawasak ang buong bansa.” 51 Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili; kundi, bilang isang punong pari nang panahong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay malapit nang mamatay para sa bansa. 52 At hindi lamang para sa bansa, kundi upang tipunin niya at pag-isahin ang mga nagkawatak-watak na anak ng Diyos. 53 Kaya’t mula sa araw na iyon, nagbalak silang patayin si Jesus. 54 Dahil dito, hindi na naglakad nang hayagan sa Judea si Jesus. Mula roon, nagpunta siya sa isang bayang tinatawag na Efraim, isang bayang malapit sa ilang. Nanatili siya roon kasama ang kanyang mga alagad.
55 Malapit na noon ang pista ng Paskuwa ng mga Judio, at maraming nagpunta sa Jerusalem mula sa kanayunan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng mga sarili ayon sa kautusan. 56 Hinahanap nila si Jesus at habang nakatayo sa templo ay nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?” 57 Nag-utos ang mga punong pari ng mga Judio at ang mga Fariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng sinumang nakaaalam kung nasaan si Jesus upang siya'y maipadakip nila.
Binuhusan ng pabango si Jesus
12 Anim na araw bago ang Paskuwa nang magpunta si Jesus sa Betania, sa bahay ni Lazaro na binuhay niya mula sa mga patay. 2 Naghanda sila ng pagkain para kay Jesus. Nagsisilbi si Marta sa hapag kainan habang si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. 3 (AE)Kumuha si Maria ng halos kalahating litro ng mamahaling pabango na gawa sa purong nardo. Ibinuhos niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok. Napuno ng halimuyak ng pabango ang buong bahay. 4 Subalit isa sa kanyang mga alagad, si Judas Iscariote, na siyang magkakanulo sa kanya ay nagsabi, 5 “Bakit hindi na lang ibinenta ang pabangong ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mahihirap?” 6 Sinabi niya ito hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha, kundi dahil siya ay magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng supot ng salapi at kinukupitan niya ito. 7 Sinabi ni Jesus, “Hayaan mo siya. Pinaghahandaan lamang niya ang araw ng aking libing. 8 (AF)Lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako’y hindi ninyo laging makakasama.”
9 Nang malaman ng napakaraming Judio na naroon si Jesus, pumunta sila roon hindi lamang dahil kay Jesus, kundi upang makita rin nila si Lazaro na muli niyang binuhay. 10 Nagplano rin ang mga punong pari na patayin si Lazaro, 11 sapagkat siya ang dahilan kung bakit marami sa mga Judio ang lumalayo sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
12 Kinabukasan, nabalitaan ng napakaraming taong naroon sa pista na si Jesus ay pupunta sa Jerusalem. 13 (AG)Kaya kumuha sila ng mga sanga ng puno ng palma at lumabas sila upang salubungin siya. Nagsigawan sila,
“Hosanna!
Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon,
ang Hari ng Israel!”
14 Nakita ni Jesus ang isang asno at sumakay siya rito. Gaya ng nasusulat,
15 (AH)“Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion.
Narito ang iyong hari,
dumarating na nakasakay sa batang asno!”
16 Noong una, hindi naunawaan ng mga alagad ni Jesus ang mga bagay na ito. Subalit nang siya ay luwalhatiin na, naalala nila na ang mga ito ay nakasulat tungkol sa kanya at ginawa nga sa kanya. 17 Kaya patuloy na nagpatotoo ang mga taong kasama niya noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli itong binuhay. 18 Nabalitaan din nila na gumawa si Jesus ng ganitong himala, kaya't nagpunta sila para salubungin siya. 19 Dahil dito sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, “Wala tayong magagawa. Tingnan ninyo at sumusunod na sa kanya ang buong mundo.”
20 May mga Griyego ang kabilang doon sa mga nagpunta sa pista upang sumamba. 21 Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida ng Galilea at nakiusap sa kanya, “Ginoo, gusto sana naming makita si Jesus.” 22 Pinuntahan ni Felipe si Andres at sinabi ang tungkol dito. Pagkatapos, magkasama silang pumunta at sinabi ito kay Jesus. 23 Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24 Tandaan ninyo ito, malibang mahulog sa lupa at mamatay ang isang butil ng trigo, ito ay mananatiling butil; subalit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25 (AI)Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay mawawalan nito at ang mga napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay mag-iingat nito tungo sa buhay na walang hanggan. 26 Ang sinumang naglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung nasaan ako ay naroon din ang aking lingkod. Ang sinumang naglilingkod sa akin ay pararangalan ng Ama.
Ang Pagpapahiwatig ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon, ang kaluluwa ko'y nababagabag. At ano'ng sasabihin ko? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito’? Ngunit ang oras na ito ang dahilan kung bakit naparito ako. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” 29 Narinig ito ng mga taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Ang iba naman ay nagsabing, “May anghel na kumausap sa kanya.” 30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, at hindi para sa akin. 31 Ngayon na ang paghuhukom ng sanlibutang ito. Ngayon, ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. 32 At ako, kapag naitaas na mula sa lupa, ilalapit ko ang mga tao sa akin.” 33 Sinabi niya ito upang ilarawan kung paano siya mamamatay. 34 (AJ)Sumagot ang mga tao, “Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing ang Anak ng Tao ay itataas? Sino ba itong Anak ng Tao?” 35 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ang ilaw nang ilang sandali. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang sa gayo'y hindi kayo madaig ng kadiliman. Hindi nalalaman ng lumalakad sa dilim ang kanyang pupuntahan. 36 Habang kasama pa ninyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw.” Pagkasabi nito, umalis si Jesus at nagtago sa kanila.
Ang Kawalan ng Pananampalataya ng mga Tao
37 Kahit na gumawa si Jesus ng maraming himala sa harap ng mga tao, hindi pa rin sila sumampalataya sa kanya. 38 (AK)Ito ay katuparan ng sinabi ni propeta Isaias:
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita,
at kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?”
39 Hindi sila makapaniwala sapagkat sinabi rin ni Isaias,
40 (AL)“Binulag niya ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang hindi makakita ang kanilang mga mata
at hindi makaunawa ang kanilang puso, o makapanumbalik,
upang pagalingin ko.”
41 Ang mga ito'y sinabi ni Isaias dahil nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at siya'y nagsalita tungkol sa kanya. 42 Gayunman, marami ang sumampalataya sa kanya, maging ang ilan sa mga pinuno. Subalit dahil sa mga Fariseo, hindi nila ito ipinaalam sa iba sa takot na palayasin sila sa sinagoga; 43 sapagkat mas ibig nila ang papuri mula sa tao kaysa papuring mula sa Diyos.
44 At pagkatapos, sumigaw si Jesus, “Ang sinumang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kanya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakikita sa akin ay nakakakita sa kanya na nagsugo sa akin. 46 Ako ang ilaw na dumating sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Hindi ako ang humahatol sa sinumang nakikinig sa aking mga salita ngunit hindi sinusunod ang mga ito. Sapagkat naparito ako hindi upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48 May hukom na hahatol sa sinumang nagbabale-wala sa akin at hindi tumanggap ng aking salita; ang salitang sinabi ko ang hahatol sa kanya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi galing sa akin ang sinasabi ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng utos kung ano ang aking sasabihin at bibigkasin. 50 At alam kong ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya, ang sinasabi ko ay sinabi sa akin ng Ama.”
Ang Paghuhugas ni Jesus sa mga Paa ng mga Alagad
13 Bago sumapit ang pista ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang iwan na ang mundong ito at magpunta sa Ama. Dahil mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, minahal niya sila hanggang sa katapusan. 2 Bago pa man ang hapunan, naipasok na ng diyablo sa puso ni Judas, anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ng Ama ang lahat ng bagay at siya ay nagmula sa Diyos at papunta sa Diyos. 4 Tumayo siya pagkahapunan at naghubad ng kanyang panlabas na damit, at nagbigkis ng tuwalya. 5 Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6 Pagdating niya kay Simon Pedro ay nagsabi ito sa kanya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ngayon kung ano ang ginagawa ko, subalit pagkatapos ng mga ito'y maiintindihan mo rin.” 8 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi ninyo huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.” 9 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, huwag po ang mga paa ko lamang, pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo!” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangan pang hugasan maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na siya. Kayo'y malinis na, bagama't hindi lahat.” 11 Sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” Sapagkat kilala niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. 12 (AM)Matapos niyang hugasan ang kanilang mga paa, nagsuot siya ng kanyang damit at muling naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Naiintindihan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, dahil gayon nga ako. 14 Kaya nga, kung akong inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 (AN)Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang mga alipin ay hindi higit kaysa kanilang panginoon, at ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito. 18 (AO)Hindi tungkol sa inyong lahat ang sinasabi ko; kilala ko kung sino ang mga pinili ko. Subalit ito ay upang matupad ang nasusulat, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay naghandang sumipa[d] sa akin.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari, upang kapag ito'y nangyari na, sumampalataya kayo na ako'y Ako Nga. 20 (AP)Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa isinugo ko ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(AQ)
21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.
Ang Bagong Kautusan
31 Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus, “Ngayon, ang Anak ng Tao ay naluwalhati na, at ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Kung ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sarili at luluwalhatiin siya agad. 33 (AR)Mga anak, sandali na lamang ninyo akong makakapiling. Hahanapin ninyo ako, at ang sinabi ko noon sa mga pinuno ng mga Judio ay sinasabi ko na sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makararating sa pupuntahan ko.’ 34 (AS)Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa. 35 Malalaman ng lahat na kayo'y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa't isa.” 36 Sinabi ni Simon Pedro sa kanya, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Kung saan ako pupunta, hindi ka makasusunod sa ngayon; subalit makasusunod ka pagkatapos.” 37 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa inyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo nga ba ang buhay mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, titilaok lamang ang tandang pagkatapos mo akong ipagkaila ng tatlong beses.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (AT)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.” 8 Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Matagal na tayong magkasama Felipe, at hindi mo pa rin ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Bakit mo sinasabing, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ba kayo naniniwalang ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi galing sa akin; ang Amang nananahan sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; ngunit kung hindi, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa rin ng mga bagay na ginagawa ko, at higit pa sa mga ito ang magagawa niya sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 13 Gagawin ko anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak. 14 Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ako ang gagawa nito.
15 (AU)“Kung minamahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos. 16 At hihiling ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Kaagapay na makakasama ninyo magpakailanman. 17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala. Kilala ninyo siya, dahil nananatili siya sa inyo, at siya ay sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (AV)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Si Judas, hindi si Iscariote, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, bakit po ninyo ihahayag ang inyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” 23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sinumang nagmamahal sa akin ay tutupad sa aking salita, at mamahalin siya ng aking Ama. Darating kami sa kanya at maninirahan kaming kasama niya. 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita, at ang salitang naririnig ninyo ay hindi sa akin, kundi mula sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo habang kasama pa ninyo ako. 26 Subalit ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu na isusugo ng Ama sa pangalan ko ay magtuturo sa inyo ng lahat, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban o kaya'y matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko sa inyo, ‘Aalis ako, at darating ako sa inyo.’ Kung minamahal ninyo ako, magagalak kayo na pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. 29 At ngayon, sinabi ko na ito sa inyo, bago pa ito mangyari, upang kapag nangyari na ito, ay maniwala kayo. 30 Kaunti na lang ang masasabi ko sa inyo, dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutan. Ngunit wala siyang karapatan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang iniutos niya sa akin. Tumayo na kayo. Umalis na tayo.
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. 2 Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. 3 Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. 8 Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama. 9 Kung paanong minahal ako ng Ama, minamahal ko rin kayo; manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang mapasainyo ang aking kagalakan, at ang kagalakan ninyo ay maging lubos. 12 (AW)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.