Bible in 90 Days
18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (A)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (B)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.
16 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananampalataya. 2 Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga. At dumarating na nga ang oras na ang mga papatay sa inyo ay mag-iisip na ginagawa nila ito bilang paglilingkod sa Diyos. 3 At gagawin nila ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako man. 4 Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. 5 Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? 6 Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. 7 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. 8 Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.
12 “Marami pa akong sasabihin sa inyo, subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin ngayon. 13 Kapag dumating siya, ang Espiritu ng katotohanan, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan; sapagkat hindi mula sa sarili ang kanyang sasabihin, kundi kung ano ang naririnig niya at ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, sapagkat tatanggapin niya kung ano ang mula sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Lahat ng sa Ama ay sa akin. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko na tatanggapin niya ang mula sa akin at sa inyo'y ipapahayag.
Kagalakan Pagkatapos ng Paghihirap
16 “Sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita.” 17 Kaya ilan sa mga alagad ang nagsabi sa isa’t isa, “Ano kaya'ng ibig sabihin ng sinabi niya sa atin na sandali na lang at hindi na natin siya makikita, at sandali pa, muli natin siyang makikita, at sinabi rin niyang pupunta siya sa Ama?” 18 Sinabi nila, “Anong ibig niyang sabihin sa ‘sandali na lang’? Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya.” 19 Alam ni Jesus na ibig nila siyang tanungin, kaya sinabi niya sa kanila, “Pinag-uusapan ba ninyo kung ano ang ibig kong sabihin na sandali na lang at hindi na ninyo ako makikita, at sandali pa, muli ninyo akong makikita? 20 Tinitiyak ko sa inyo na kayo’y iiyak at tatangis, ngunit ang sanlibutan ay magagalak; maghihirap kayo, subalit ang paghihirap ninyo ay magiging kagalakan. 21 Kapag manganganak ang babae, siya’y naghihirap, sapagkat dumating na ang takdang oras. Ngunit pagkatapos niyang manganak, nalilimutan na niya ang hirap dahil sa kagalakan, na isinilang ang isang sanggol sa sanlibutan. 22 Kaya, kayo'y naghihirap ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa kagalakan ang inyong mga puso, at walang makaaagaw ng inyong kagalakan. 23 Sa araw na iyon, hindi na kayo hihingi pa sa akin ng anuman. Tinitiyak ko sa inyo, kung hihingi kayo sa Ama ng anuman sa aking pangalan, ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon hindi pa kayo humihingi ng anuman sa aking pangalan. Humingi kayo at kayo'y tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging ganap.
Madadaig ang Sanlibutan
25 “Sinabi ko ang lahat ng mga ito sa inyo nang patalinghaga. Darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi malinaw kong ipapahayag sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon, hihingi kayo sa Ama sa aking pangalan. Hindi ko sinasabi na hihingi ako sa Ama para sa inyo, 27 ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, sapagkat minahal ninyo ako at naniwala kayo na ako’y mula sa Diyos. 28 Ako’y galing sa Ama at dumating sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.” 29 Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon, tuwiran na po kayong nagsasalita, hindi na patalinghaga. 30 Ngayo'y alam na namin na alam ninyo ang lahat ng bagay. Hindi na kailangang magtanong ang sinuman sa inyo. Dahil dito, naniniwala kaming kayo'y nagmula sa Diyos.” 31 Sumagot si Jesus, “Naniniwala na ba kayo ngayon? 32 Dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na kayo’y magkakawatak-watak at magkakanya-kanya, at iiwan ninyo akong nag-iisa. Subalit hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko ito sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan, haharap kayo sa pag-uusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, nadaig ko na ang sanlibutan.”
Panalangin ni Jesus para sa mga Alagad
17 Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito, tumingala siya sa langit at sinabi, “Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, 2 kung paanong binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao, upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. 3 (C)At ito ang buhay na walang hanggan, ang makilala ka nila na tanging tunay na Diyos at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. 4 Niluwalhati kita sa lupa sa pagtupad ko sa gawaing ibinigay mo sa akin. 5 Kaya ngayon, Ama, sa iyong harapan ay luwalhatiin mo ako ng kaluwalhatiang taglay ko noong ako'y kasama mo bago pa man nagkaroon ng sanlibutan. 6 Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. 7 Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; 8 sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. 9 Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (D)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.
20 “Nakikiusap ako hindi lamang para sa mga taong ito, kundi para rin sa mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, 21 upang silang lahat ay maging isa, tulad mo, Ama, na nasa akin at ako'y nasa iyo, na sila rin ay mapasaatin, upang ang sanlibutan ay maniwala na ako'y isinugo mo. 22 Ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa, at malaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at minahal mo sila kung paanong minahal mo ako.
24 “Ama, hinahangad kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa man maitatag ang sanlibutan. 25 Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita; at alam ng mga taong ito na isinugo mo ako. 26 Ipinakilala ko ang pangalan mo sa kanila, at ipapakilala ko pa, upang ang pagmamahal na iniukol mo sa akin ay mapasakanila, at ako rin ay mapasakanila.”
Pagkakanulo at Pagdakip kay Jesus
18 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga alagad patawid sa Libis ng Kidron sa lugar na may halamanan. Pumasok siya roon at ang kanyang mga alagad. 2 Alam ni Judas, na nagkanulo sa kanya, ang lugar sapagkat madalas makipagkita roon si Jesus sa kanyang mga alagad. 3 Kaya nagsama si Judas ng isang pangkat ng mga kawal at ng mga lingkod mula sa mga punong pari at mula sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga ilawan, mga sulo at mga sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya lumabas siya at nagtanong sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 “Si Jesus ng Nazareth,” sagot nila. Sinabi ni Jesus, “Ako iyon.” Si Judas, na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. 6 Nang sabihin ni Jesus sa kanila na siya iyon, napaatras sila at bumagsak sa lupa. 7 Muli siyang nagtanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot muli nila. 8 Tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” 9 Naganap ito upang matupad ang salita na kanyang sinabi: “Wala akong naiwala ni isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Malco ang pangalan ng alipin. 11 (E)Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito. Hindi ba't kailangan kong uminom sa kopa na ibinigay ng Ama sa akin?”
Ang Pagharap ni Jesus sa Kataas-taasang Pari
12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang pinuno at ng pinuno ng mga Judio. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, na biyenan ni Caifas na Kataas-taasang Pari nang taong iyon. 14 (F)Si Caifas ang nagmungkahi sa mga Judio na mas makabubuting mamatay ang isang tao para sa bayan.
Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(G)
15 Sinundan ni Pedro at ng isa pang alagad si Jesus. Kilala ng Kataas-taasang Pari ang alagad na ito kaya pumasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. 16 Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan ng bakuran. Kaya ang alagad na kilala ng Kataas-taasang Pari ay lumabas at kinausap ang babaing bantay-pinto, at pinapasok nito si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” “Hindi,” sagot ni Pedro. 18 Dahil sa maginaw, nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga kawal, at tumayo sila sa paligid nito upang magpainit. Nakatayo rin doon si Pedro, kasama nilang nagpapainit.
Ang Pagtatanong ng Kataas-taasang Pari kay Jesus(H)
19 Tinanong ng Kataas-taasang Pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot si Jesus, “Nagsalita ako nang hayagan sa mundo. Madalas akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ang lahat ng Judio. Wala akong inilihim. 21 Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo ang mga nakarinig sa aking mga sinabi. Sila ang nakaaalam kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Pagkasabi niya nito, sinampal siya ng kawal na nakatayong malapit sa kanya. Sinabi nito, “Ganyan ka ba sumagot sa Kataas-taasang Pari?” 23 Sumagot si Jesus. “Kung may nasabi akong masama, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na Kataas-taasang Pari.
Ang Muling Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(I)
25 Habang nakatayo si Pedro at nagpapainit, siya'y kanilang tinanong, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Ikinaila niya ito. “Hindi!” sagot ni Pedro. 26 Naroon ang isang lingkod ng Kataas-taasang Pari. Kamag-anak iyon ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga. Nagtanong iyon, “Hindi ba nakita kitang kasama mo siya sa hardin?”. 27 Muling nagkaila si Pedro. At nang oras ding iyon, tumilaok ang isang tandang.
Si Jesus sa Harap ni Pilato(J)
28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (K)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.) 33 Kaya pumasok muli si Pilato sa punong-himpilan. Ipinatawag niya si Jesus at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba galing ang tanong na iyan, o may nagsabi lamang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Ang mga kababayan mo mismo at mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung mula sa sanlibutang ito ang kaharian ko, ipaglalaban ako ng mga alagad ko upang hindi ako mapasakamay ng mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” 37 Tinanong siya ni Pilato, “Isa kang hari kung gayon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ito nga ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at pumarito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”
Hatol na Kamatayan kay Jesus
Matapos niyang sabihin ito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang anumang dahilan laban sa kanya. 39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.
Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus
19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. 2 Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. 3 Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. 4 Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” 5 Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” 6 Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” 7 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” 8 Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. 9 Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (L)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.
Ang Pagpako kay Jesus sa Krus
Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (M)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”
Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.
Ang Pagkamatay ni Jesus
28 (N)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.
Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus
31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (O)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (P)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”
Ang Paglilibing kay Jesus
38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (Q)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.
Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus
20 Umaga ng unang araw ng sanlinggo, habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan at nakita niyang naalis na ang batong pantakip sa libingan. 2 Kaya't siya'y tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan siya inilagay.” 3 Kaya't umalis si Pedro at ang alagad na iyon at nagpunta sila sa libingan. 4 Kapwa tumakbo ang dalawa, subalit naunahan ng alagad na iyon si Pedro kaya una siyang nakarating sa libingan. 5 Yumuko siya upang sumilip sa loob at nakita niya ang mga telang pangbalot na nakalatag doon, ngunit hindi siya pumasok. 6 Dumating na kasunod niya si Simon Pedro at pumasok ito sa libingan. Nakita ni Pedro na nakalatag doon ang mga telang panlibing, 7 at ang ibinalot sa ulo ni Jesus na hindi nakalagay kasama ng mga telang panlibing, kundi nakabalumbong mag-isa sa isang lugar. 8 Pagkatapos, ang alagad na unang nakarating sa libingan ay pumasok din, at nakita niya, at siya'y naniwala; 9 sapagkat hanggang sa panahong iyon, hindi pa nila nauunawaan ang sinasabi ng Kasulatan, na kailangan munang muling mabuhay si Jesus mula sa kamatayan. 10 Pagkatapos, umuwi na ang mga alagad.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena
11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan at umiiyak. Habang umiiyak, yumuko siya upang sumilip sa loob ng libingan. 12 Nakakita siya ng dalawang anghel na nakaputi, nakaupo sa pinaglagyan ng katawan ni Jesus, ang isa sa ulunan at ang isa naman ay sa paanan. 13 Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot si Maria, “Kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” 14 Matapos niyang sabihin ito, lumingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, subalit hindi niya alam na ito ay si Jesus. 15 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Napagkamalan niyang hardinero si Jesus at sinabi niya rito, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya, sabihin mo kung saan mo siya inilagay, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Maria!” Humarap si Maria at sinabi sa wikang Hebreo, “Rabboni!” na ang ibig sabihin ay Guro. 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’ ” 18 Umalis si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon!”, at sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus.
Nagpakita si Jesus sa mga Alagad(R)
19 Kinagabihan ng araw na iyon, unang araw ng linggo, habang ang mga pinto ng bahay na pinagtitipunan ng mga alagad ay nakasara dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, sinusugo ko rin kayo.” 22 Nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya at kanyang sinabi, “Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 (S)Kung pinatatawad ninyo ang mga kasalanan ninuman, pinatatawad na sila sa mga ito; kung hindi ninyo pinatatawad ang mga kasalanan ninuman, hindi nga pinatatawad ang mga ito.”
24 Ngunit si Tomas na tinatawag na Kambal, isa sa labindalawa, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita na namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at maisuot ang daliri ko sa butas ng mga pako, at ang kamay ko sa kanyang tagiliran, hindi ako maniniwala.”
26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ng bahay ang mga alagad, at kasama na nila si Tomas. Kahit na nakasara ang mga pinto, dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 27 Pagkatapos ay sinabi niya kay Tomas, “Isuot mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. Iabot mo rito iyong kamay at ipasok mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan, sa halip, maniwala ka.” 28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” 29 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Mapapalad ang mga hindi nakakita subalit sumasampalataya.”
Ang Layunin ng Aklat na Ito
30 Marami pang ibang himala na ginawa si Jesus sa harap ng kanyang mga alagad na hindi naisulat sa aklat na ito. 31 Subalit ang mga ito ay isinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa inyong pagsampalataya, kayo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng kanyang pangalan.[b]
Ang Pagpapakita ni Jesus sa Pitong Alagad
21 Pagkatapos ng mga ito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa Lawa ng Tiberias. Sa gayong paraan nagpakita siya. 2 Naroon sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael ng Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. 3 (T)Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, “Mangingisda ako.” “Sasamahan ka namin,” sabi nila. Umalis sila at sumakay ng bangka. Subalit nang gabing iyon, wala silang nahuli.
4 Pagsapit ng bukang-liwayway, tumayo si Jesus sa tabing lawa; ngunit hindi alam ng mga alagad na siya ay si Jesus. 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mga anak, may nahuli ba kayong isda?” Sumagot sila, “Wala.” 6 (U)Sinabi niya sa kanila, “Ihagis ninyo ang lambat sa gawing kanan, at makahuhuli kayo.” Kaya ihinagis nga nila ito, at halos hindi na nila mahila ang lambat dahil sa dami ng huli. 7 Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Siya ang Panginoon!” Nang marinig ni Pedro na iyon ay ang Panginoon, nagdamit siya, dahil siya'y hubad, at tumalon siya sa lawa. 8 Ngunit ang ibang mga alagad ay dumating sakay ng bangka, hila-hila ang lambat na punung-puno ng isda, dahil hindi naman sila kalayuan sa lupa, na halos siyamnapung metro ang layo.
9 Nang makarating sila sa pampang, nakakita sila ng uling na nagbabaga, may isda sa ibabaw nito, at mayroon ding tinapay. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Magdala kayo ng isda na bagong huli ninyo.” 11 Kaya pumunta si Simon Pedro sa bangka at hinila papuntang pampang ang lambat na puno ng isda: isandaan at limampu't tatlong lahat. Kahit napakarami ng mga ito, hindi nasira ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Halikayo at mag-agahan.” Sinuman sa kanila ay hindi nagtangkang magtanong kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumakad si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila, at ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito ang ikatlong pagkakataon na nagpakita si Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa kamatayan.
15 Matapos mag-agahan, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?” Sinabi niya kay Jesus, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa.” 16 Muling nagtanong si Jesus sa ikalawang pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Sinabi ni Pedro sa kanya, “Opo, Panginoon; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” 17 Muling nagtanong si Jesus sa ikatlong pagkakataon, “Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro dahil tatlong ulit na siyang tinanong ni Jesus, “Minamahal mo ba ako?” At sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, alam mo ang lahat ng bagay; alam mong minamahal kita.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pakainin mo ang aking mga tupa. 18 Pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo: noong bata ka pa, binibihisan mo ang iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo ibig. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay, at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo nais pumunta.” 19 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay sa paraang maluluwalhati niya ang Diyos. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.”
Si Jesus at ang Minamahal na Alagad
20 (V)Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod sa kanila ang alagad na minamahal ni Jesus. Siya ang nakaupo sa tabi ni Jesus noong hapunan at nagsabing, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa iyo?” 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, paano naman siya?” 22 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin!” 23 Kaya kumalat ang balita sa kapatiran na ang alagad na ito ay hindi mamamatay. Bagama't hindi sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung kalooban kong manatili siya hanggang sa pagdating ko, ano ito sa iyo?”
24 Ito ang alagad na nagpapatunay sa mga bagay na ito at isinulat niya ang mga ito, at alam natin na tunay ang kanyang patotoo. 25 Marami pang ibang ginawa si Jesus at kung ang lahat ng ito ay isusulat, sa palagay ko'y hindi magkakasya sa mundong ito ang mga aklat na maisusulat.
1 Kagalang-galang na Teofilo, isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng mga ginawa at itinuro ni Cristo mula sa simula, 2 hanggang sa araw na dalhin siya sa langit matapos magtagubilin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa kanyang mga hinirang na apostol. 3 Pagkatapos ng kanyang pagdurusa, nagpakita siya nang maraming ulit sa kanila upang mapatunayang siya ay buháy. Ginawa niya ito sa loob ng apatnapung araw at nagturo ng mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos. 4 Habang kasama pa nila, nagbilin siya ng ganito sa mga alagad, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem; sa halip, hintayin ninyo ang ipinangako ng Ama na narinig ninyo sa akin. 5 Nagbautismo sa tubig si Juan; subalit ilang araw na lamang, babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit
6 Nang muli silang magkasama, nagtanong ang mga alagad kay Jesus, “Panginoon, ito na ba ang panahong itatayo mong muli ang kaharian sa Israel?” 7 Sinabi niya sa kanila, “Hindi na ninyo kailangang malaman pa ang mga oras o ang mga panahong itinakda ng Ama sa pamamagitan ng sarili niyang awtoridad. 8 Sa halip, tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, hanggang sa dulo ng daigdig.” 9 Matapos niyang sabihin ang mga ito, dinala siya sa langit habang sila ay nakatingin. Pagkatapos ay tinakpan siya ng ulap at siya'y hindi na nila nakita. 10 Samantalang nakatitig sila sa langit habang papalayo siya, biglang lumitaw ang dalawang lalaking nakaputi, nakatayo sa kanilang tabi 11 at nagsabi, “Mga taga-Galilea, bakit kayo narito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit ay babalik kung paanong siya ay inyong nakitang umakyat sa langit.”
Pagpili sa Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay nagbalik ang mga alagad sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo na halos isang kilometro ang layo sa lungsod.[c] 13 Nang makapasok sila sa lungsod, tumuloy sila sa silid sa itaas na pansamantala nilang tinitirhan. Ang mga ito ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang kanyang mga kapatid, nagkakaisang inilaan ng mga alagad ang kanilang mga sarili sa pananalangin.
15 Nang mga araw na iyon, habang nagtitipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumindig si Pedro sa gitna nila at nagsabi, 16 “Mga kapatid,[d] kailangang matupad ang Kasulatan, na noon pa ma'y sinabi na ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni David, tungkol kay Judas na nanguna sa pagdakip kay Jesus. 17 Dati siyang kabilang sa atin at nabigyan ng bahagi sa paglilingkod na ito. 18 Ang taong ito ay bumili ng bukid mula sa bayad sa pagtataksil. Nang bumagsak siya roon nang patiwarik, pumutok ang kanyang tiyan[e] at sumambulat ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya nga't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na “Akeldama” na ang ibig sabihi'y ‘Ang Bukid ng Dugo.’ 20 Sapagkat nasusulat (W) sa Aklat ng Mga Awit,
‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
at huwag hayaang tumira doon ang sinuman;’ at
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’
21 Kaya mula sa mga nakasama namin sa buong panahong naglilibot ang Panginoong Jesus kasama kami, 22 buhat sa pagbabautismo ni Juan hanggang siya'y kunin mula sa atin, isa sa mga ito ay dapat maging kasama namin bilang saksi na si Jesus ay muling nabuhay. 23 Iminungkahi nila si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila ng ganito, ‘Panginoon, kayo na nakaaalam sa puso ng lahat, ipakita ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong hinirang 25 upang tumanggap ng katungkulan bilang apostol kapalit ni Judas, yamang ito'y kanyang tinalikuran at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.’ 26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't idinagdag siya sa labing-isang apostol.
Ang Pagdating ng Banal na Espiritu
2 Pagsapit ng Araw ng Pentecostes,[f] nagtitipon silang lahat sa isang lugar. 2 Biglang nagkaroon ng isang ugong mula sa langit, gaya ng isang napakalakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kanilang kinaroroonan. 3 May nakita silang tila mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. 4 Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nagsalita sa iba't ibang wika, ayon sa kakayahang magpahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. 5 Naninirahan noon sa Jerusalem ang mga Judiong masigasig sa kanilang pananampalataya. Galing pa sila sa iba't ibang mga bansa. 6 Nang dumating ang ugong na ito, nagtipon sila at namangha sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa mga wika nilang mga nakikinig. 7 Labis silang nagulat at namangha, kaya't sila'y nagtanong, “Pakinggan ninyo! Hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? 8 Paanong nangyaring naririnig ng bawat isa sa atin ang ating mga sariling wika sa kanila? 9 Tayong mga Parto, mga Medo, mga Elamita, mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia. 10 Mayroon din sa ating taga-Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene, at mga panauhing taga-Roma, mga Judio at mga nahikayat maging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabia rin dito. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga sariling wika tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?” 12 Namangha sila at nalito, kaya sila'y nagtanungan, “Ano ang kahulugan nito?” 13 Ngunit ang iba nama'y may pangungutyang nagsabi, “Lasing ang mga iyan.” 14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng akala ninyo. Ngayo'y ikasiyam pa lang ng umaga.[g] 16 Sa halip, ang pangyayaring ito'y katuparan ng sinabi ni propeta Joel:
17 ‘Ito ang mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
ibubuhos ko sa lahat ng tao ang aking Espiritu;
magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at babae ng mensahe mula sa Diyos,
makakakita ng pangitain ang inyong mga kabataang lalaki,
mananaginip ang inyong mga matatandang lalaki,
18 maging sa mga aliping lalaki at babae,
sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking Espiritu,
at sila'y magpapahayag.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit,
at ng mga tanda sa lupa;
dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw,
at magkukulay-dugo ang buwan,
bago sumapit ang dakila at maningning na Araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:
‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
Siya'y kasama ko[h] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[i];
o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’
29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:
‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’
32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.
Ang Buhay ng Magkakapatid
43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (X) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.
Ang Pagpapagaling sa Lumpo
3 Isang araw, pumunta sina Pedro at Juan sa templo; ikatlo ng hapon noon,[j] ang oras ng pananalangin.[k] 2 Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda ay naroon ang isang lalaking lumpo mula pa nang isilang. Araw-araw siyang dinadala roon upang manghingi ng limos sa mga taong pumapasok. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, humingi siya ng limos. 4 Tinitigan siya ni Pedro gayundin ni Juan. At sinabi ni Pedro sa lumpo, “Tumingin ka sa amin.” 5 Tumingin nga siya sa kanila na umaasang siya'y lilimusan. 6 Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit kung anong mayroon ako ay siyang ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazareth, tumayo ka at lumakad.” 7 Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo ito. Kaagad lumakas ang mga paa at mga bukung-bukong ng lalaki. 8 Palukso siyang tumayo at nagsimula nang lumakad. Kasama ng dalawa, pumasok siya sa Templo, lumalakad, paluksu-lukso, at nagpupuri sa Diyos. 9 Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo. Labis silang nagulat at nagtaka sa nangyari sa kanya.
Si Pedro sa Portiko ni Solomon
11 Habang nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nagtakbuhang papalapit sa kanila ang mga tao na manghang-mangha. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, bakit ninyo ito ipinagtataka at bakit ninyo kami tinititigan na para bang napalakad namin siya sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati ng (Y) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[l] na si Jesus na inyong isinakdal at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong si Pilato ay nagpasya nang palayain siya. 14 Itinakwil ninyo (Z) ang Banal at Matuwid at hiniling na palayain para sa inyo ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang May-akda ng buhay, ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga kamatayan, at kami ay mga saksi sa bagay na ito. 16 Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, gumaling ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, gaya ng nakikita ninyong lahat. 17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, 20 nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon; at upang kanyang maisugo si Jesus, ang Cristong itinalaga mula pa nang una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong likhaing panibago ang lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos mula pa noong una sa pamamagitan ng pahayag ng kanyang mga banal na propeta. 22 Sinabi nga ni Moises, (AA) ‘Ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili mula sa inyong mga kababayan ng isang propetang gaya ko. Sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang (AB) sinumang hindi makikinig sa propetang iyon ay ititiwalag sa bayan[m] ng Diyos at pupuksain.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa mga nangyayari sa mga araw na ito. 25 Kayo'y mula sa lahi ng mga propeta at kabilang sa tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa daigdig.’ (AC) 26 Nang muling buhayin ng Diyos ang kanyang lingkod, una siyang isinugo ng Diyos sa inyo, upang bawat isa sa inyo'y pagpalain sa pamamagitan ng paglalayo sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.”
Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[n] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. 2 Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. 3 Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki. 5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namamahala sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan.
6 Kabilang doon si Anas, na Kataas-taasang Pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng Kataas-taasang Pari. 7 Pinatayo nila sa gitna sina Pedro at Juan, at tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o kaninong pangalan ninyo ginagawa ito?” 8 Kaya sumagot si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu, “Mga pinuno at matatandang namamahala sa bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon dahil sa kabutihang ginawa namin sa isang taong may kapansanan, at tinatanong ninyo kung paano siya napagaling, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambayanang Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang walang sakit sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazareth, na inyong ipinako sa krus ngunit ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 11 Siya,
‘ang (AD) batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong panulukan.’
12 Sa iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao na sa ati'y makapagliligtas.” 13 Namangha sila nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, lalo na nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwang tao lamang. Nabatid nilang sila'y nakasama ni Jesus. 14 At dahil nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga apostol ay wala silang masabing laban sa mga ito. 15 Kaya't pinalabas muna ng Sanhedrin ang dalawa bago sila nagpulong. 16 “Ano'ng gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Alam na ng buong Jerusalem ang pambihirang himalang nangyari sa pamamagitan nila. Hindi na natin ito maikakaila. 17 Ngunit upang huwag nang lalo pa itong kumalat sa bayan, pagbawalan natin silang magsalita pa kaninuman tungkol sa pangalang ito.” 18 Kaya't ipinatawag nila ang dalawa at inutusang kailanma'y huwag nang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. 19 Subalit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kayo na ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos na kayo ang aming sundin sa halip na ang Diyos. 20 Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.” 21 Pagkatapos mahigpit na pagbantaan, pinakawalan nila ang dalawa. Wala silang makitang anumang dahilan upang parusahan sila sapagkat nagpupuri sa Diyos ang buong bayan dahil sa nangyari. 22 Mahigit apatnapung taong gulang na ang lalaking pinagaling sa pamamagitan ng himalang ito.
Ang Panalangin para sa Katapangan
23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatandang tagapamahala ng bayan. 24 Nang (AE) marinig nila ito, sama-sama silang tumawag sa Diyos, “Panginoon, ikaw na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, 25 ikaw (AF) na nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na iyong lingkod,[o] nang ipahayag niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit nagalit ang mga bansa,
at nagbalak ang mga bayan ng mga walang kabuluhan?
26 Naghanda ang mga hari sa lupa upang lumaban,
at ang mga pinuno ay nagtipon laban sa Panginoon,
at laban sa kanyang Hinirang.’
27 Sapagkat (AG) totoo ngang sa lungsod na ito nagkaisa sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng mga mamamayan ng Israel laban sa iyong Banal na Lingkod[p] na si Jesus, na iyong hinirang. 28 Nagkaisa sila upang gawin ang itinakda ng iyong kamay at ng iyong kalooban na mangyayari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo po kung paano nila kami pinagbabantaan. Ipagkaloob mo po sa iyong mga alipin ang buong katapangan upang ipahayag ang iyong salita. 30 Iunat mo po ang iyong kamay upang magpagaling at gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Lingkod na si Jesus.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar na kanilang pinagtitipunan; napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at buong tapang nilang ipinahayag ang salita ng Diyos.
Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya
32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (AH) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon nga ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol, na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas-loob”. 37 Ipinagbili niya ang isang bukid na kanyang pag-aari, at ipinaubaya niya ang salapi sa pamamahala ng mga apostol.
Si Ananias at si Safira
5 May isang lalaki namang nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ang nagbili ng bahagi ng kanyang ari-arian. 2 Itinago ni Ananias para sa sarili ang ilang bahagi ng napagbilhan at isang bahagi lamang ang ibinigay sa pamamahala ng mga apostol. Sinang-ayunan ito ng kanyang asawa. 3 Kaya tinanong siya ni Pedro, “Ananias, bakit mo hinayaang puspusin ni Satanas ang iyong puso[q] at nagawa mong magsinungaling sa Banal na Espiritu at itago para sa sarili ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? 4 Hindi ba sa iyo naman ang lupa bago mo iyon ipinagbili? At nang maipagbili na, hindi ba ang napagbilhan ay nasa iyo ring pasya? Bakit naisipan mo pang gawin ang bagay na ito? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” 5 Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, bumagsak siya at namatay. At matinding takot ang naghari sa lahat ng mga nakarinig nito. 6 Lumapit ang mga kabataang lalaki at siya'y binalot, inilabas at inilibing.
7 Pagkaraan ng halos tatlong oras, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari. 8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito ba ang halagang pinagbilhan ninyo sa lupa?” Sumagot siya, “Iyon nga.” 9 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkasundo kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nakatayo sa pintuan ang mga naglibing sa iyong asawa, at dadalhin ka rin nila sa labas.” 10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataan, natagpuan nilang patay na ang babae kaya't siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Naghari ang matinding takot sa buong iglesya at sa lahat ng mga nakarinig ng mga ito.
Ang mga Himalang Ginawa ng mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga apostol, maraming mga tanda at kababalaghan ang naganap sa gitna ng mga taong-bayan. Lahat ng mananampalataya ay patuloy na nagsasama-sama sa portiko ni Solomon. 13 Subalit wala nang iba pang nangahas na sumama sa kanila bagaman mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao. 14 Gayunma'y lalo pang dumarami ang mga lalaki at mga babaing sumampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilalagay sa mga higaan at mga banig upang pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Sama-sama ring pumunta ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. At silang lahat ay pinagaling.
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Matinding inggit ang naghari sa Kataas-taasang Pari at sa lahat ng mga kasama niya, na sekta ng mga Saduceo. Kaya kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ikinulong sa bilangguang bayan. 19 Ngunit kinagabihan, isang anghel ng Panginoon ang nagbukas sa mga pintuan ng bilangguan, at pagkatapos silang ilabas ay sinabi sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at sabihin ninyo sa mga tao ang buong balita tungkol sa buhay na ito.” 21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang madaling-araw at nagturo. Nang dumating ang Kataas-taasang Pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin, ang buong kapulungan ng mga tagapamahala ng Israel. Nagsugo sila ng mga kawal sa bilangguan upang kunin ang mga apostol. 22 Ngunit pagdating ng mga kawal sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik ang mga kawal at nag-ulat, 23 “Nadatnan naming nakakandadong mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay, ngunit nang buksan namin, wala kaming natagpuang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng pinuno ng mga kawal ng templo at ng mga pinunong pari, nabahala sila. Labis ang kanilang pagtataka kung ano ang nangyayari. 25 Siya namang pagdating ng isang taong nagsabi ng ganito, “Tingnan ninyo! Ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya sumama ang pinuno ng mga kawal sa bantay ng templo at kinuha ang mga apostol. Ngunit hindi sila gumamit ng dahas, sa pangambang baka sila'y batuhin ng mga taong-bayan. 27 Nang kanilang madala ang mga apostol, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng Kataas-taasang Pari, 28 “Hindi (AI) ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo, pinalaganap na ninyo sa Jerusalem ang inyong aral, at nais pa ninyo kaming managot sa pagkamatay[r] ng taong ito!” 29 Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang mga tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagbangon kay Jesus, na inyong pinatay nang bitayin ninyo siya sa punongkahoy. 31 Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang Israel, at mapatawad ang mga kasalanan. 32 Saksi kami sa mga sinasabi naming ito, gayundin ang Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” 33 Nang marinig nila ito, nagngitngit sila sa galit at nagbalak na patayin ang mga apostol. 34 Ngunit tumindig ang isang kaanib ng Sanhedrin, isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya'y isang dalubhasa sa Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong Israelita, huwag kayong padalus-dalos sa inyong gagawin sa mga taong ito. 36 Sapagkat kailan lang ay lumitaw si Teudas, na nagpakilalang siya'y magaling. Sumama sa kanya ang may apatnaraang tao, ngunit nang siya'y mapatay, lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at sila'y walang kinahinatnan. 37 Pagkatapos ay lumitaw naman si Judas na taga-Galilea nang panahon ng pagpapatala, at nakaakit din siya ng mga tagasunod. Ngunit siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkahiwa-hiwalay. 38 Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!” 40 Sila'y napapayag niya. Kaya nang maipatawag nila ang mga apostol, ipinahagupit nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at pagkatapos ay pinalaya. 41 Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, wala silang tigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, 4 habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” 5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. 6 Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. 7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.