Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Juan 15:18 - Gawa 6:7

Kinapopootan ng Sanlibutan ang mga Alagad

18 Yamang ang sangkatauhan ay napopoot sa inyo, alam ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo.

19 Ngunit kung kayo ay sa sanlibutan, iibigin ng sangkatauhan ang sariling kaniya. Subalit hindi kayo sa sanlibutan.Hinirang ko kayo mula sa sanlibutan. Dahil nga dito, kinapopootan kayo ng sankatauhan. 20 Alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Ang alipin ay hindi nakakahigit sa kaniyang panginoon. Yamang ako ay kanilanginusig, kayo rin naman ay uusigin nila. Kung tinupad nila ang aking salita ay tutuparin din naman nila ang sa inyo. 21 Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa pangalan ko sapagkat hindi nilakilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako narito at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala. Ngunit ngayon ay wala na silang maikakatwiran sa kanilang kasalanan. 23 Ang napo­poot sa akin ay napopoot din naman sa aking Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawaing hindi magagawa ng sinuman, hindi sana sila nagkasala. Ngayon ay kapwa nila nakita at kinapootan ako at ang akin ding Ama. 25 Ito ay upang matupad ang salita na nasusulat sa kanilang kautusan: Kinapootan nila ako ng walang dahilan.

26 Pagdating ng Tagapayo na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, siya ay magpapatotoo patungkol sa akin. Siya ang Espiritu ng katotohanan namagmumula sa Ama. 27 Kayo rin naman ay magpapatotoo sapagkat kayo ay nakasama ko na mula pa sa pasimula.

16 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang hindi kayo matisod. Palalayasin nila kayo sa mga sina­goga. Darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang siya ay naghahandog ng paglilingkod sa Diyos. Gagawin nila sa inyo ang mga bagay na ito sapagkat hindi nila kilala ang Ama o ako. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa pagdating ng oras, maala-ala ninyo na sinabi ko sa inyo ang mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito sa simula sapagkat ako ay kasama ninyo.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

Ngayon ay pupunta ako sa kaniya na nagsugo sa akin. At walang sinuman sa inyo ang nagtatanong sa akin: Saan ka pupunta?

Dahil sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng lumbay ang inyong mga puso. Gayunman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: Makakabuti sa inyo na ako ay umalis sapagkat kung hindi ako aalis, ang Tagapayo ay hindi darating sa inyo. Kapag ako ay umalis, susuguin ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kaniyang susumbatan ang sang­katauhan patungkol sa kasalanan, sa katuwiran at sa kahatulan. Susumbatan niya sila patungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Susumbatan niya sila patungkol sa katuwiran sapagkat ako ay pupunta sa aking Ama at hindi na ninyo ako makikita. 11 Susumbatan niya sila patungkol sa kahatulan sapagkat ang prinsipe ng sanlibutang ito ay nahatulan na.

12 Marami pa akong sasabihing mga bagay sa inyo ngunit hindi ninyo ito matatanggap sa ngayon. 13 Gayunman, sa pagdating ng Espiritu ng Katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanan. Ito ay sapagkat hindi siya magsasalita ng patungkol sa kaniyang sarili. Kung ano ang kaniyang maririnig,iyon ang kaniyang sasabihin. Ipapahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako sapagkat tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo. 15 Ang lahat ng mga bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga, sinabi ko: Tatanggapin niya ang sa akin at ipapahayag niya ito sa inyo.

16 Kaunting panahon na lamang at hindi ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikitaninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.

Ang Kalungkutan ng mga Alagad ay Magiging Kagalakan

17 Ang ilan sa kaniyang mga alagad ay nagtanong sa isa’t isa: Ano itong sinasabi niya sa atin? Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita. Pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo ako sapagkat pupunta ako sa Ama.

18 Sinabi nga nila: Ano itong sinasabiniyang kaunting panahon na lamang? Hindi natin maunawaan ang sinasabi niya.

19 Alam nga ni Jesus na nais nilang magtanong sa kaniya. Sinabi niya sa kanila: Nagtatanong ba kayo sa isa’t isa patungkol sa sinabi ko: Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, pagkatapos ng kaunting panahon, makikita ninyo akong muli. 20 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Kayo ay tatangis at mananaghoy ngunit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo ay malulumbay ngunit ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan. 21 Ang babae kapag nanganganak ay nalulumbay sapagkat ang kaniyang oras ay dumating na. Pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalaala anghirap dahil sa katuwaang may isang taong isinilang sa sanlibutan. 22 Gayundin naman kayo. Kayo ngayon ay nalulumbay ngunit makikita ko kayong muli at ang inyong puso ay magagalak. Walang taong aagaw ng inyong kagalakan mula sa inyo. 23 Sa araw na iyon ay hindi kayo hihingi sa akin ng anuman. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Anuman ang inyong hingin sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hiningi sa pangalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang malubos ang inyong kagalakan.

25 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo sa pamama­gitan ng mga talinghaga. Darating ang oras na hindi na ako magsasalita sa inyo sa pamamagitan ng mga talinghaga. Subalit maliwanag kong ipapahayag sa inyo ang patungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa pangalan ko. Hindi ko sinasabi sa inyo na dadalangin ako sa Ama para sa inyo. 27 Ito ay sapagkat ang Ama mismo ang siyang umiibig sa inyo sapagkat inibig ninyo ako. At sumampalataya rin kayo na ako ay nagmula sa Diyos. 28 Ako ay nagmula sa Ama at pumarito sa sanlibutan. Muli, iiwanan ko ang sanlibutan at pupunta ako sa Ama.

29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Tingnan ninyo. Ngayon ay nagsasalita ka ng maliwanag at hindi sa talinghaga. 30 Ngayon ay natitiyak namin na alam mo ang lahat ng mga bagay. Hindi na kailangan na tanungin ka pa ng sinuman. Sa pamamagitan nito ay sumasampalataya kaming ikaw ay nagmula sa Diyos.

31 Sumagot sa kanila si Jesus: Sumasampalataya na ba kayo ngayon? 32 Narito, dumarating na ang oras at dumating na ngayon, na kayo ay maghihiwa-hiwalay at iiwanan ninyo akong mag-isa. Gayunman ako ay hindi nag-iisa sapagkat ang Ama ay kasama ko.

33 Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay mayroon kayong paghihirap. Lakasan ninyo ang inyong loob, napagta­gumpayan ko na ang sanlibutan.

Nanalangin si Jesus Kara sa Kaniyang Sarili

17 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito at tumingin siya sa langit at nagsabi:

Ama ang oras ay dumating na. Luwalhatiin mo ang iyong Anak at nang luwalhatiin ka rin naman ng Anak.

Kung paanong binigyan mo siya ng kapamahalaan sa lahat ng tao, sa gayunding paraan siya ay magbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng ibinigay mo sa kaniya. Ito ang buhay na walang hanggan: Ang makilala ka nila, ang tanging Diyos na totoo at si Jesucristo na iyong sinugo. Niluwalhati kita sa lupa.Ginanap ko ang gawaing ibinigay mo sa akin upang aking gawin. Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong sarili ng kaluwalhatiang taglay ko nang kasama ka bago pa likhain ang sanlibutan.

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Alagad

Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sangkatauhan. Sila ay iyo at ibinigay mo sila sa akin. Tinupad nila ang iyong salita.

Ngayon ay alam nila na lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo. Ito ay sapagkat ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin. Tinanggap nila ang mga ito. Totoong alam nila na ako ay nagmula sa iyo. Sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinapanalangin ko sila. Hindi ko ipinapanalangin ang sangkatauhan kundi sila na ibinigay mo sa akin sapagkat sila ay iyo. 10 Ang lahat ng sa akin ay iyo at ang mga sa iyo ay akin. Ako ay naluluwalhati sa kanila. 11 Ngayon ay wala na ako sa sanlibutan ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Ako ay patungo sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Ingatan mo sila upang sila ay maging isa, kung papaanong tayo ay isa. 12 Nang ako ay kasama nila sa sanlibutan ay iningatan ko sila sa iyongpangalan. Ang mga ibinigay mo sa akin ay iningatan ko. Walang sinuman sa kanila ang napahamak maliban sa kaniya na anak ng kapahamakan upang ang kasulatan ay matupad.

13 Pupunta ako sa iyo ngayon. Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko sa sanlibutan upang ang aking kagalakan ay malubos sa kanila. 14 Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita. Sila ay kinapootan ng sangkatauhan dahil silaay hindi taga-sanlibutan, tulad ko rin na hindi taga-sanlibutan. 15 Hindi ko idinadalangin na kunin mo sila sa sanlibutan kundi ingatan mo sila mula sa kaniya na masama. 16 Sila ay hindi taga-sanlibutan tulad ko na hindi taga-sanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamama­gitan ng iyong katotohanan. Ang iyong salita ay katoto­hanan. 18 Kung papaanong sinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman sinugo ko sila sa sanlibutan. 19 Para sa kanilang kapakanan pinabanal ko ang aking sarili upang sila ay maging banal din naman sa pamamagitan ng katotohanan.

Ipinanalangin ni Jesus ang Lahat ng Mananampalataya

20 Hindi lamang sila ang aking mga idinadalangin. Idinadalangin ko rin naman ang mga sasampalataya sa akin sa pamamagitan ng salita nila.

21 Idinadalangin ko na sila ay maging isa, Ama, tulad mo na sumasa akin at ako ay sumasa iyo. Idinadalangin ko na silang lahat ay maging isa sa atin, upang ang sangkatauhan ay sumam­palataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Ang kaluwal­hatian na ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila upang sila ay maging isa tulad natin na isa. 23 Ako ay nasa kanila at ikaw ay nasa akin upang sila ay maging ganap na isa at upang malaman ng sangkatauhan na isinugo mo ako. At malaman din nila na iniibig mo sila tulad ng pag-ibig mo sa akin.

24 Ama, nais ko na ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko sa kinaroroonan ko. Ito ay upang mamasdan nila ang aking kaluwalhatian na iyong ibinigay sa akin. Sapagkat iniibig mo na ako bago pa itinatag ang sanlibutan.

25 Amang matuwid, hindi ka nakilala ng sangkatauhan. Ngunit nakikilala kita at alam ng mga ito na ako ay sinugo mo. 26 Inihayag ko sa kanila ang iyong pangalan at ihahayag pa, upang ang pag-ibig mo, na kung saan ay inibig mo ako, ay mapasakanila at ako ay sumakanila.

Dinakip Nila si Jesus

18 Pagkasabi ni Jesus ng mga salitang ito ay umalis siya kasama ang kaniyang mga alagad. Sila ay nagtungo sa kabila ng batis ng Kedron na kung saan ay may isang halamanan. Siya at ang kaniyang mga alagad ay pumasok doon.

Si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang pook na iyon sapagkat si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay madalas na magtipon doon. At dumating si Judas kasama ang batalyon ng mga kawal at mga opisyales mula sa mga pinunong-saserdote at mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga sulo, mga ilawan at mga sandata.

Kaya nga, si Jesus na nalalaman ang lahat ng mga bagay na magaganap sa kaniya, ay sumalubong sa kanila. Sinabi niya sa kanila: Sino ang hinahanap ninyo?

Sumagot sila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sinabi ni Jesus sa kanila: Ako nga iyon. Si Judas na nagkanulo sa kaniya ay nakatayo ring kasama nila.

Kaya nga, nang sabihin niya sa kanila: Ako nga iyon, napaurong sila at natumba sa lupa.

Muli nga niya silang tinanong: Sino ang hinahanap ninyo?

Sinabi nila: Si Jesus na taga-Nazaret.

Sumagot si Jesus: Sinabi ko na sa inyo: Ako nga iyon. Kung ako nga ang inyong hinahanap, pabayaan ninyong umalis ang mga ito. Ito ay upang matupad ang pananalitang kaniyang sinabi: Sa mga ibinigay mo sa akin ay hindi ako nawalan ni isa man.

10 Si Simon Pedro nga ay may tabak at binunot niya ito. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong-saserdote at natanggal ang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malcu.

11 Sinabi nga ni Jesus kay Pedro: Isalong mo ang iyong tabak. Hindi ba iinumin ko ang sarong ibinigay sa akin ng Ama?

Dinala Nila si Jesus kay Anas

12 Hinuli nga si Jesus ng pangkat ng mga kawal, ng kapitan at ng opisyales ng mga Judio at siya ay kanilang ginapos.

13 Dinala muna nila siya kay Anas sapagkat siya ang biyenang lalaki ni Caifas na pinakapunong-saserdote ng taon ding iyon. 14 Si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na makakabuting may isang mamatay para sa mga tao.

Ipinagkaila ni Pedro si Jesus sa Unang Pagkakataon

15 Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Jesus. Ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong-saserdote. Siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa bulwagan ng pinakapunong-saserdote.

16 Si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan. Ang alagad na kilala ng pinakapunong-saserdote ay lumabas. Kinausap niya ang babaeng nagbabantay sa may pintuan at pinapasok si Pedro.

17 Ang utusang babae na nagbabantay ng pintuan ay nagsabi nga kay Pedro: Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?

Sinabi niya: Hindi.

18 Ang mga alipin at mga tanod ng templo ay nakatayo roon. Sila ay nagpabaga ng uling sapagkat malamig doon at nagpapainit ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay nakatayong kasama nila at nagpapainit ng kaniyang sarili.

Tinanong si Jesus ng Pinakapunong-saserdote

19 Ang pinakapunong-saserdote ay nagtanong kay Jesus patungkol sa kaniyang mga alagad at sa kaniyang turo.

20 Sumagot si Jesus sa kaniya: Ako ay hayagang nagsalita sa sangkatauhan. Ako ay laging nagtuturo sa sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabing anuman sa lihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakarinig sa akin kung ano ang sinabi ko sa kanila. Tingnan mo, alam nila ang sinabi ko.

22 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, isa sa opisyales ng templo na nakatayo sa tabi, ang sumampal kay Jesus. Sinabi niya: Sumasagot ka ba nang ganyan sa pinakapunong-saserdote?

23 Sumagot sa kaniya si Jesus: Kung ako ay nagsalita ng masama, magbigay saksi ka patungkol sa masama. Kung mabuti ang aking sinasabi, bakit mo ako hinampas? 24 Si Jesus ay nakagapos na ipinadala ni Anas kay Caifas na pinakapunong-saserdote.

Si Jesus ay Ipinagkaila ni Pedro sa Ikalawa at Ikatlong Pagkakataon

25 Si Simon Pedro ay nakatayo at siya ay nagpapainit ng kaniyang sarili. Sinabi nga nila sa kaniya: Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad?

Siya ay nagkaila at sinabi: Hindi.

26 Ang isa sa mga alipin ng pinakapunong-saserdote ay kamag-anak ng tinanggalan ni Pedro ng tainga. Siya ay nag­sabi: Hindi ba nakita kitang kasama niya sa halamanan? 27 Muling nagkaila si Pedro at kaagad ay tumilaok ang isang tandang.

Si Jesus sa Harap ni Pilato

28 Dinala nga nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa hukuman. Maaga pa noon. At sila ay hindi pumasok sa huku­man upang hindi sila madungisan at upang sila ay makakain sa Paglagpas.

29 Kaya nga, lumabas si Pilato at sinabi sa kanila: Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?

30 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya: Kung hindi siya gumagawa ng masama, hindi namin siya ibibigay sa iyo.

31 Sinabi nga ni Pilato sa kanila: Kunin ninyo siya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong kautusan.

Sinabi nga ng mga Judio sa kaniya: Wala kaming karapatang pumatay ng sinumang tao.

32 Ito ay nangyari upang matupad ang sinabi ni Jesus. Ang salita na kaniyang sinabi ay nagpapa­hayag ng uri nang kamatayan na kaniyang ika­mamatay.

33 Pumasok ngang muli si Pilato sa hukuman at tinawag si Jesus. Sinabi niya sa kaniya: Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?

34 Sumagot sa kaniya si Jesus: Ito ba ay sinasabi mo mula sa iyong sarili? O may ibang nagsabi sa iyo patungkol sa akin?

35 Sumagot si Pilato: Ako ba ay isang Judio? Ibinigay ka sa akin ng iyong sariling bansa at ng mga pinunong-saserdote. Ano ba ang nagawa mo?

36 Sumagot si Jesus: Ang aking paghahari ay hindi sa sanlibutang ito. Kung ang aking paghahari ay sa sanlibutang ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Ngunit sa ngayon ang aking paghahari ay hindi mula rito.

37 Kaya nga, sinabi ni Pilato sa kaniya: Kung gayon, ikaw ba ay isang hari?

Sumagot si Jesus: Tama ang iyong sinabi sapagkat ako ay isang hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak. At sa kadahilanang ito ako ay naparito sa sanlibutan: Upang magpa­totoo ako sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa katotohanan ay dumirinig ng aking tinig.

38 Sinabi ni Pilato sa kaniya: Ano ang katotohanan? Pagkasabi niya nito ay muli siyang pumunta sa mga Judio. Sinabi niya sa kanila: Wala akong makitang kasalanan sa kaniya. 39 Ngunit kayo ay may isang kaugalian na palayain ko sa inyo ang isa sa araw ng Paglagpas. Ibig nga ba ninyo na palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?

40 Lahat nga sila ay muling sumigaw na sinasabi: Hindi ang taong ito kundi si Barabas. Subalit si Barabas ay isang tulisan.

Iniutos ni Pilato na Ipako sa Krus si Jesus

19 Nang magkagayon, kinuha ni Pilato si Jesus at kaniyang hinagupit.

Ang mga kawal ay nagsalapid ng isang koronang tinik. Inilagay nila ito sa kaniyang ulo at sinuotan nila siya ng balabal na kulay ube. Sinabi nila: Pagbati sa Hari ng mga Judio. At pinagsasampal nila siya.

Si Pilato nga ay muling lumabas at sinabi sa kanila: Narito, inilabas ko siya sa inyo. Ito ay upang inyong malaman na wala akong makitang anumang kasalanan sa kaniya. Lumabas nga si Jesus na suot ang koronang tinik at ang balabal na kulay ube. Sinabi ni Pilato sa kanila: Tingnan ninyo ang taong ito.

Nang makita nga siya ng mga pinunong-saserdote at ng opisyales ng templo, sila ay sumigaw na sinasabi: Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus.

Sinabi ni Pilato sa kanila: Dalhin ninyo siya at ipako siya sa krus. Ito ay sapagkat wala akong makitang kasalanan sa kaniya.

Sumagot sa kaniya ang mga Judio: Kami ay may kautusan. Ayon sa aming kautusan, dapat siyang mamatay sapagkat ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos.

Nang marinig ni Pilato ang pananalitang iyon, lalo siyang natakot. Siya ay muling pumunta sa hukuman at sinabi kay Jesus: Saan ka ba nagmula? Hindi sumagot si Jesus sa kaniya. 10 Sinabi nga ni Pilato sa kaniya: Hindi ka ba sasagot sa akin? Hindi mo ba alam na ako ay may kapamahalaang ipapako ka sa krus at kapamahalaang palayain ka?

11 Sumagot si Jesus: Hindi ka magkakaroon ng anumang kapamahalaan laban sa akin malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito ang nagbigay sa akin sa iyo ay higit ang kasalanan.

12 Mula noon tinangka ni Pilato na palayain siya. Ang mga Judio ay sumigaw na sinasabi: Kung palayain mo ang taong ito, hindi ka kaibigan ni Cesar. Kung ginagawang hari ng sinuman ang kaniyang sarili siya aynagsasalita laban kay Cesar.

13 Nang marinig nga ni Pilato ang pananalitang iyon ay dinala niya si Jesus palabas. Siya ay umupo sa luklukan ng paghatol sa dakong tinatawag na Pabimento. Sa Hebreo, ito ay Gabata. 14 Noon ay paghahanda ng Paglagpas.

Nang mag-iikaanim na ang oras, sinabi ni Pilato sa mga Judio: Tingnan ninyo ang inyong hari.

15 Sila ay sumigaw: Alisin siya! Alisin siya! Ipako siya sa krus!

Sinabi ni Pilato sa kanila: Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?

Ang mga pinunong-saserdote ay sumagot: Wala kaming hari maliban kay Cesar.

16 Kaya nga, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.

Ipinako Nila sa Krus si Jesus

Kinuha nila si Jesus at siya ay inilayo.

17 Lumabas siya habang pasanniya ang kaniyang krus. Pumunta siya sa dakong tinatawag na Pook ng Bungo. Ito ay tinatawag sa wikang Hebreo na Golgotha. 18 Doon nila siya ipinako sa krus. Dalawa ang kasama niya, isa sa bawat panig at napapagitna si Jesus.

19 At si Pilato ay sumulat ng isang pamagat at inilagay ito sa krus. Ganito ang nakasulat: SI JESUS NA TAGA-NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Ang pamagat na ito ay nabasa ng maraming mga Judio. Ito ay sapagkat ang pook na pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lungsod. Ang pamagat ay isinulat sa salitang Hebreo, sa salitang Griyego at sa salitang Romano. 21 Sinabi nga ng mga pinunong-saserdote ng mga Judio kay Pilato: Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio kundi sinabi niya: Ako ay Hari ng mga Judio.

22 Sumagot si Pilato: Ang naisulat ko na ay naisulat ko na.

23 Kaya nga, nang maipako na siya sa krus ng mga kawal, kinuha nila ang kaniyang mga kasuotan. Hinati nila ito sa apat na bahagi. Isang bahagi sa bawat kawal at gayundin ang kaniyang damit. Ngunit ang balabal ay walang tahi. Ito ay hinabing buo mula sa itaas pababa.

24 Sinabi nga nila sa isa’t isa: Huwag natin itong punitin. Magpalabunutan tayo kung mapapasa kanino ito.

Ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan na nagsasabi:

Pinaghati-hatian nila ang aking damit at nagpa­la­bunutan para sa aking balabal.

Ginawa nga ng mga kawal ang mga bagay na ito.

25 Nakatayo sa malapit sa krus ni Jesus ang kaniyang ina. Naroon din ang kapatid na babae ng kaniyang ina, si Maria na asawa ni Cleofas at si Maria na taga-Magdala. 26 Nakita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang iniibig na nakatayo sa malapit, sinabi niya sa kaniyang ina: Ginang, narito ang iyong anak. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya sa alagad: Narito ang iyong ina. At mula sa oras na iyon ay dinala siya ng alagad sa kaniyang sariling tahanan.

Namatay si Jesus

28 Pagkatapos nito, si Jesus na nakakaalam na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay nagsabi: Ako ay nauuhaw. Sinabi niya ito upang matupad ang kasulatan.

29 Mayroon doong nakalagay na isang sisidlang puno ng maasim na alak. Binasa nilang mabuti ng maasim na alak ang isang espongha. Inilagay nila ito sa isang sanga ng hisopo at idiniit sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap na nga ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya: Naganap na. Itinungo niya ang kaniyang ulo at ibinigay niya ang kaniyang espiritu.

31 Noon ay araw ng Paghahanda. Ang araw ng Sabat na iyon ay dakila. Ang mga katawan ay hindi dapat manatili sa krus sa araw ng Sabat. Kaya nga, ang mga Judio ay humiling kay Pilato na kanilang baliin ang mga binti ng mga ipinako sa krus upang sila ay maalis. 32 Dumating nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng una. Ganoon din ang ginawa sa isa na kasama niyang ipinako. 33 Ngunit pagpunta nila kay Jesus, nakita nilang siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34 Subalit isa sa mga kawal na may sibat ang tumusok sa tagiliran ni Jesus. Ang dugo at tubig ay kaagad lumabas. 35 Siya na nakakita nito ay nagpatotoo at ang kaniyang patotoo ay tunay. Alam niyang nagsasabi siya ng katotohanan upang kayo ay sumampalataya. 36 Nangyari ang mga bagay na ito upang matupad ang kasulatan:

Isa mang buto niya ay hindi mababali.

37 Sinasabi sa isa pang kasulatan:

Titingnan nila siya na kanilang tinusok.

Inilibing Nila si Jesus

38 Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay humiling kay Pilato na makuha niya ang katawan ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus bagamat palihim lamang dahil sa takot sa mga Judio. Pinahintulutan siya ni Pilato, kaya siya ay pumunta roon at kinuha ang katawan ni Jesus.

39 Pumunta rin doon si Nicodemo. Siya iyong noong una ay pumunta kay Jesus nang gabi. Siya ay may dalang pinaghalong mira at aloe, na halos isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nga nila ang katawan ni Jesus. Binalot nila ito ng telang lino kasama ang mga pabango. Ito ay ayon sa kaugalian ng paghahanda ng mga Judio sa paglilibing. 41 Sa pook na pinagpakuan sa kaniya ay may isang halamanan. Sa halamanang iyon ay may isang bagong libingan na hindi pa napaglilibingan. 42 Doon nila inilagay si Jesus sapagkat noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio at malapit doon ang libingan.

Ang Libingang Walang Laman

20 Sa unang araw ng sanlinggo, maagang pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala. Madilim pa noon. Nakita niya na ang bato ay naalis salibingan.

Siya ay tumakbo at pumunta kay Simon Pedro at sa isang alagad na inibig ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan. Hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.

Lumabas nga si Pedro at ang isang alagad na iyon at pumunta sa libingan. Magkasamang tumakbo ang dalawa. Ang nasabing isang alagad ay tumakbo nang mabilis kaysa kay Pedro at naunang dumating sa libingan. Nang siya ay yumuko, nakita niya ang mga kayong lino na nakalapag. Gayunman ay hindi siya pumasok. Kasunod niyang dumating siSimon Pedro at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. Nakita rin niya ang panyong inilagay sa ulo ni Jesus na hindi kasamang nakalapag ng telang lino. Ito ay hiwalay na nakatiklop sa isang dako. Pumasok din naman ang isang alagad na iyon na naunang dumating sa libingan. Nakita niya at siya ay sumampalataya. Ito ay sapagkat hindi pa nila alam noon ang kasulatan, na siya ay dapat bumangon mula sa mga patay.

Nagpakita si Jesus kay Maria na Taga-Magdala

10 Ang mga alagad nga ay muling umalis pauwi sa kani-kanilangtahanan.

11 Ngunit si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis. Sa kaniyang pagtangis, siya ay yumuko at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niyang nakaupo ang dalawang anghel na nakaputi. Ang isa ay nasa ulunan at ang isa ay nasa paanan ng pinaglagyan ng katawan ni Jesus.

13 Sinabi nila sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis?

Sinabi niya sa kanila: Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.

14 Pagkasabi niya ng mga ito, siya ay tumalikod at nakita niya si Jesus na nakatayo. Hindi niya alam na iyon ay si Jesus.

15 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Babae, bakit ka tumatangis? Sino ang hinahanap mo?

Inakala niyang siya ang tagapag-alaga ng halamanan. Kaya sinabi niya sa kaniya: Ginoo, kung kinuha mo siya rito, sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay. Kukunin ko siya.

16 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Maria.

Humarap siya at sinabi sa kaniya: Raboni! Ang ibig sabihin nito ay guro.

17 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa aking Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko. Sabihin mo sa kanila na ako ay papaitaas sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.

18 Si Maria na taga-Magdala ay pumunta sa mga alagad. Sinabi niya sa kanila na nakita niya ang Panginoon. At ang mga bagay na ito ay sinabi ni Jesus sa kaniya.

Nagpakita si Jesus sa Kaniyang mga Alagad

19 Kinagabihan ng araw ding iyon, na unang araw ng sanlinggo,nagtipon ang mga alagad. Ipininid nila ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio at dumating si Jesus at tumayo sa kanilang kalagitnaan. Sinabi sa kanila: Kapa­yapaan ang sumainyo.

20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. Kaya nga, nagalak ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.

21 Sinabi ngang muli ni Jesus sa kanila: Kapayapaan ang sumainyo. Kung papaano ako isinugo ng Ama, gayundin, isinusugo ko kayo. 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi sa kanila: Tanggapinninyo ang Banal na Espiritu. 23 Ang kaninumang mga kasalanan na inyong pinatatawad ay ipinatatawad iyon sa kanila. Ang kani­numang mga kasalanan na hindi ninyo pinatatawad, ang mga ito ay hindi pinatatawad.

Nagpakita si Jesus kay Tomas

24 Si Tomas na isa sa labindalawang alagad ay tinatawag na Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus.

25 Sinabi nga ng ibang mga alagad sa kaniya: Nakita namin ang Panginoon.

Sinabi niya sa kanila: Malibang makita ko ang tanda ng mga pako sa kaniyang mga kamay at mailagay ko ang aking mga daliri roon, at maipasok ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, kailanman ay hindi ako maniniwala.

26 Makalipas ang walong araw, ang mga alagad ay nasa loob muli ng bahay at kasama nila si Tomas. Kahit na nakapinid ang mga pinto dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila. At sinabi niya: Kapayapaan ang sumainyo. 27 Pagkatapos noon, sinabi niya kay Tomas: Ilagay mo ang iyong daliri rito at tingnan mo ang aking mga kamay. Iabot mo ang iyong kamay rito at ipasok sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan, kundi sumampalataya ka.

28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya: Aking Panginoon at aking Diyos.

29 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya.

30 Marami pang ibang mga tanda ang ginawa ni Jesus sa harapan ng kaniyang mga alagad. Ang mga ito ay hindi nasusulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga ito ay sinulat upang kayo ay sumampalataya na si Jesus ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. At ang mga ito ay sinulat upang pagkatapos ninyong sumampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

Si Jesus at ang Mahimalang Paghuli ng Isda

21 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagpakitang muli si Jesus sa kaniyang mga alagad sa lawa ng Tiberias. Ganito siya nagpakita:

Magkakasama sina Simon Pedro at Tomas na tinatawag na Kambal at si Natanael na taga-Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedeo at dalawa pang mga alagad. Sinabi ni Simon Pedro sa kanila: Mangingisda ako. Sinabi nila sa kaniya: Sasama rin kami sa iyo. Lumabas sila mula roon at agad-agad na sumakay sa bangka. Wala silang nahuli nang gabing iyon.

Nang magbubukang-liwayway na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Gayunman, hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus.

Sinabi nga ni Jesus sa kanila: Mga anak, may pagkain bakayo?

Sumagot sila sa kaniya: Wala.

At sinabi niya sa kanila: Ihagis ninyo ang lambat sa dakong kanan ng bangka at makakasumpong kayo. Inihagis nga nila at hindi na nila kayang hilahin ang kanilang lambat dahil sa dami ng isda.

Kaya ang alagad na iyon na inibig ni Jesus ay nagsabi kay Pedro: Ang Panginoon iyon. Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, isinuot niya ang kaniyang pang-itaas na damit dahil siya ay nakahubad. At tumalon siya sa lawa. Ang ibang mga alagad ay dumating na sakay ng maliit na bangka. Hinihila nila ang lambat na may mga isda sapagkat hindi gaanong malayo sa pampang kundi may dalawang-daang siko lamang ang layo mula sa lupa. Pagkalunsad nila sa lupa, nakakita sila ng mga nagbabagang uling. May mga isdang nakapatong doon. May mga tinapay rin.

10 Sinabi ni Jesus sa kanila: Dalhin ninyo rito ang mga isda na ngayon lang ninyo nahuli.

11 Umahon si Simon Pedro. Hinila niya ang lambat sa dalampasigan. Ang lambat ay puno ng mga malalaking isda. Isang daan at limampu’t tatlo ang kanilang bilang. Kahit na ganoon karami ang isda, hindi napunit ang lambat. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila: Halikayo at mag-agahan. Walang sinuman sa mga alagad ang naglakas ng loob na magtanong kung sino siya dahil alam nila na siya ang Panginoon. 13 Kaya nga, lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 14 Ito na ang ikatlong ulit na nagpakita si Jesus sa kaniyang mga alagad mula nang siya ay ibinangon mula sa mga patay.

Si Pedro ay Muling Pinatatag ni Jesus

15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?

Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakainin mo ang aking mga batang tupa.

16 Sinabi niyang muli sa kaniya sa ikalawang pagka­kataon: Simon, anak ni Jonas, iniibig mo ba ako?

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Opo, Panginoon. Alam mong may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Alagaan mo ang aking mga tupa.

17 Sinabi ni Jesus sa kaniya sa ikatlong pagkakataon: Simon, anak ni Jonas, may paggiliw ka ba sa akin?

Nagdalamhati si Pedro sapagkat sa ikatlong pagkakataon ay sinabi ni Jesus sa kaniya: May paggiliw ka ba sa akin? Sinabi ni Pedro sa kaniya: Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay. Alam mo na may paggiliw ako sa iyo.

Sinabi ni Jesus sa kaniya: Pakanin mo ang aking mga tupa.

18 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Noong ikaw ay bata pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili. Lumalakad ka kung saan mo ibig. Kapag matanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo. At dadalhin ka sa hindi mo ibig. 19 Sinabi niya ito upang ipahayag kung paano siya mamamatay at maluwalhati niya ang Diyos. Pagkasabi niya nito, sinabi niya sa kaniya: Sumunod ka sa akin.

20 Ngunit lumingon si Pedro at nakita niya na sumusunod ang alagad na inibig ni Jesus. Siya rin ang nakahilig sa dibdib ni Jesus nang sila ay naghapunan na nagsabi: Panginoon, sino siya na magkakanulo sa iyo? 21 Nang makita siya ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: Panginoon, ano naman ang gagawin ng isang ito?

22 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Kung iibigin kong manatili siya hanggang sa pagbalik ko, ano ito sa iyo? Sumunod ka sa akin. 23 Kaya nga, ang pananalitang ito ay kumalat sa mga kapa­tiran, na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Gayunman, hindi sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi siya mamamatay. Ang sinabi niya: Kung iibigin ko na siya ay manatili hanggang sa aking pagbabalik, ano ito sa iyo?

24 Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at sumulat sa mga bagay na ito. Alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo.

25 Marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus. Kung isusulat ng isa-isa ang mga ito, ipinapalagay kong maging ang sanlibutan ay hindi makakakaya ng mga aklat na masusulat. Siya nawa!

Si Jesus ay Umakyat sa Langit

O Teofilo, ako ay sumulat ng unang salaysay patungkol sa lahat ng sinimulang ginawa at itinuro ni Jesus.

Siya ay gumawa at nagturo hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas. Nangyari ito pagkatapos niyang magbigay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng mga utos sa mga apostol na kaniyang pinili. Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.

Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?

Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.

Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.

10 Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11 Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.

Pinili si Matias Bilang Kapalit ni Judas

12 Pagkatapos nito, sila ay bumalik sa Jerusalem mula sa bundok na tinatawag na mga puno ng Olibo, na malapit sa Jerusalem. Ito ay lakbaying makakaya sa isang araw ng Sabat.

13 At nang makapasok na sila, umakyat sila sa silid sa itaas. Doon nanunuluyan sina Pedro, Santiago, Juan, Andres, Felipe, Tomas, Bartolomeo, Mateo at Santiago na anak ni Alfeo. Gayundin si Simon na Makabayan at si Judas na kapatid ni Santiago. 14 Silang lahat ay matatag na nagpatuloy na nagkakaisa sa pananalangin at paghiling. Kasama nila ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus. Kasama rin nila ang mga lalaking kapatid ni Jesus.

15 At sa mga araw na iyon, si Pedro ay tumindig sa kalagitnaan ng mga alagad. Ang bilang ng pangalan ng mga nagtipon ay halos isangdaan at dalawampu. 16 Sinabi niya: Mga kapatid, kinakailangang maganap ang kasulatang ito na sinabi ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng bibig ni David. Ito ay ang patungkol kay Judas na naging gabay ng mga dumakip kay Jesus. 17 Ito ay sapagkat siya ay napabilang sa atin at nagkaroon ng bahagi sa paglilingkod na ito.

18 Ang lalaking ito ay bumili ng isang parang mula sa kabayaran ng kalikuan. Doon ay bumagsak siya na nauna ang ulo. Bumuka ang kaniyang katawan at sumambulat ang lahat ng kaniyang bituka. 19 Ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem. Sa ganito tinawag ang parang na iyon sa kanilang wika na Akeldama. Ang kahulugan nito ay parang ng dugo.

20 Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan sa aklat ng mga Awit:

Hayaang ang kaniyang tahanan ay maging mapanglaw. Huwag patirahin ang sinuman doon. Hayaang kunin ng iba ang kaniyang pamamahala.

21 Kaya nga, kinakailangang pumili tayo sa mga lalaking nakasama sa buong panahon na ang Panginoong Jesus ay pumaparoon at pumaparitong kasama natin. 22 Kailangang nakasama natin siya mula sa pagbabawtismo ni Juan hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas mula sa atin. Pipiliin natin ang isa sa kanila upang maging kasama nating tagapagpatotoo patungkol sa kaniyang pagkabuhay na mag-uli.

23 At nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas na ang palayaw ay Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila at nagsabi: Ikaw Panginoon ang nakakaalam ng mga puso ng lahat. Ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili. 25 Ipakita mo kung sino ang tatanggap ng bahagi ng paglilingkod na ito at ng pagka-apostol na kung saan si Judas ay sumalangsang. Nangyari ito upang siya ay pumaroon sa dakong karapat-dapat sa kaniya. 26 Sila ay nagpalabunutan at si Matias ang napili. Siya ay ibinilang sa labing-isang apostol.

Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes

Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa.

Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.

Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa’t isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10 May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12 Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa’t isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?

13 Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.

Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao

14 Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita.

15 Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16 Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:

17 Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga matandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. 18 Sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae. At sila ay maghahayag ng salita ng Diyos. 19 Magpapa­kita ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba. Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at sumisingaw na usok. 20 Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito ay mangyayari bago dumating ang dakila at hayag na araw ng Panginoon. 21 Mang­yayari na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.

22 Mga lalaking taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret ay isang lalaking pinagtibay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa at mga tanda. Ang mga ito ay ginawa ng Diyos sa inyong kalagitnaan sa pamamagitan niya, katulad ng inyong pagkaalam. 23 Siya rin na ibinigay ng napagpasiyahang-layunin at kaalamang una ng Diyos ay inyong dinakip. Sa pamamagitan ng iyong mga kamay na walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ipinako ninyo siya sa krus at pinatay. 24 Siya ang ibinangon ng Diyos sa pagkakalag ng matinding hirap ng kamatayan sapagkat hindi siya maaring pigilin ng kamatayan. 25 Ito ay sapagkat si David nga ay nagsabi ng patungkol sa kaniya:

Nakita ko nang una ang Panginoon sa harapan ko sa lahat ng panahon. Dahil siya ay nasa aking kanang kamay, hindi ako makilos.

26 Kaya nga, ang puso ko ay nasiyahan at ang dila ko ay lubhang nagalak. Gayundin ang aking katawan ay magpapahingalay sa pag-asa. 27 Ito ay sapagkat hindi mo iiwanan ang aking kaluluwa sa Hades. Hindi mo rin pahihintu­lutan naang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 28 Ipinakita mo sa akin ang mga landas ng buhay. Pupunuin mo ako ng kagalakan sa pamamagitan ng anyo ng iyong mukha.

29 Mga kapatid, hayaan ninyo akong magsalita ng malaya patungkol sa ating dakilang ninunong si David. Siya ay namatay at inilibing at hanggang sa araw na ito, ang kaniyang libingan ay narito sa atin. 30 Siya nga ay isang propeta at alam niya ang sinumpaang pangako ng Diyos sa kaniya. Ipinangako sa kaniya na mula sa bunga ng kaniyang katawan ayon sa laman ay ititindig niya ang Mesiyas upang iluklok sa kaniyang trono. 31 Dahil nakita na niya ito nang una pa kaya nagsalita siya patungkol sa pagkabuhay muli ng Mesiyas. Sinabi niya na ang kaniyang kaluluwa ay hindi pinabayaan sa Hades ni nakakita ng kabulukan ang kaniyang katawan. 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at kaming lahat ay mga saksi. 33 Siya ay itinaas upang mapasa kanang kamay ng Diyos. Sa pagtanggap niya mula sa Ama ng pangako ng Banal na Espiritu, ito na ngayon ay inyong nakikita at naririnig ay kaniyang ibinuhos. 34 Ito ay sapagkat si David nga ay hindi umakyat sa langit ngunit siya ang nagsabi:

Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanang bahagi ko.

35 Maupo ka riyan hanggang sa ang mga kaaway mo ay mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa tulad ng isang tuntungan.

36 Alamin ngang may katiyakan ng lahat ng sambahayan ni Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.

37 Nang marinig nga nila ito, nabagabag ang kanilang mga puso. Sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: Mga kapatid, ano ang gagawin namin?

38 Sinabi ni Pedro sa kanila: Magsisi kayo at magpa­bawtismo sa pangalan ni Jesucristo patungkol sa pagpapatawad ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang kaloob na Banal na Espiritu. 39 Ito ay sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa lahat ng nasa malayo gaano man karami ang tawagin ng ating Panginoon Diyos.

40 Siya ay nagpatotoo at nangaral pa sa kanila sa pamamagitan ng marami pang ibang mga salita. Sinabi niya sa kanila: Iligtas ninyo ang inyong mga sarili sa likong lahing ito. 41 Kaya ang mga tumanggap ng kaniyang salita na may kasiyahan ay nabawtismuhan. At sa araw na iyon, nadagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa.

Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya

42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.

43 Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may panganga­ilangan. 46 Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahanat kababaang-loob. 47 Sila ay nagpupuri sa Diyos at kina­luluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.

Pinagaling ni Pedro ang Pulubing Lumpo

Sina Pedro at Juan ay magkasamang umahon sa templo sa oras ng pananalangin. Ang oras ay ika-siyam.

Mayroong isang lalaking lumpo mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina. Araw-araw siya ay dinadala at inilalagay sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda. Dinadala siya roon upang humingi ng kaloob sa mga kahabag-habag mula sa mga pumupunta sa templo. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok na sa templo, humingi siya ng kaloob sa mga kahabag-habag. Si Pedro at Juan ay tumitig sa kaniya. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Tingnan mo kami. Pinagmasdan niya sila dahil umaasa siyang makakatanggap ng isang bagay mula sa kanila.

Sinabi ni Pedro: Wala akong pilak at ginto, ngunit anuman ang nasa akin, ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret, tumindig ka at lumakad ka. Pagkahawak sa kaniyang kamay, itinindig niya siya. Pagdaka, ang kaniyang mga paa at bukong-bukong ay lumakas. Lumukso siya at tumayo at lumakad. At habang pumapasok siya sa templo na kasama nila, siya ay lumalakad at lumulukso na nagpupuri sa Diyos. Ang lahat ng tao ay nakakita na siya ay lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila siya na siya iyong umuupo sa pintuang Maganda ng templo, upang manghingi ng kaloob sa kahabag-habag. Sila ay lubos na namangha at labis na nagtaka sa nangyari sa kaniya.

Nagsalita si Pedro sa mga Nanonood

11 Habang ang lalaking lumpo na pinagaling ay nakahawak kay Pedro at Juan, ang mga tao ay sama-samang tumakbo patungo sa kanila na lubos na namangha. Sila ay nasa portiko na tinatawag na portiko ni Solomon.

12 Nang makita ito ni Pedro, sumagot siya sa mga tao: Mga lalaking taga-Israel, bakit kayo namamangha sa bagay na ito? Bakit ninyo kami tinititigan na parang nakalakad ang lalaking ito sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o ng aming pagkamaka-Diyos? 13 Ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, ang Diyos ng mga ninuno natin ay lumuwalhati kay Jesus na kaniyang lingkod. Siya ang inyong ibinigay at inyong ipinagkaila sa harapan ni Pilato na pinasyahan niyang palayain. 14 Ipinagkaila ninyo ang Banal at Matuwid. At hiniling ninyo na ibigay sa inyo ang isang lalaking mamamatay-tao. 15 Ngunit pinatay ninyo ang pinagmulan ng buhay, na siyang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kami ay nagpapatotoo patungkol sa pangyayaring ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan, ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala ay pinalakas sa kaniyang pangalan. Ang pananampalataya sa pamamagitan niya ang nagbigay sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.

17 Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19 Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20 Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21 Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22 Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:

Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman ang sabihin niya sa inyo.

23 Mangyayari na ang bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang iyon ay malilipol mula sa mga tao.

24 Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25 Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:

Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng sambahayan sa lupa.

26 Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.

Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin

Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo.

Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumam­palataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.

Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalemang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?

Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10 Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11 Siya ang:

Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo. Siya ang naging batong-panulok.

12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.

13 Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14 Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15 At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa’t isa. 16 Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.

18 Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19 Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20 Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.

21 Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22 Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.

Ang Panalangin ng mga Mananampalataya

23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.

24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:

Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?

26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.

27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.

31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtiti­punan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.

Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari

32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.

33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tina­tangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.

36 Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37 Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Si Ananias at Safira

Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik.

Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.

Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.

Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.

Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.

Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.

Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.

10 Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11 At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapu­lungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.

Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol

12 Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon.

13 Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14 At maraming pang mga mananampalataya sa Pangi­noon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15 Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16 May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihi­rapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.

Inusig Nila ang mga Apostol

17 Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit.

18 Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19 Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Pangi­noon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20 Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.

21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.

Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.

22 Ngunit nang dumating sa bilang­­guan ang opisyales sa templo, hindi nila sila nakita roon. Sa pagbalik nila, sila ay nag-ulat. 23 Sinabi nila: Natagpuan namin ang bilangguan na nakapinid na mabuti. At ang mga bantay ay nakatayo sa labas ng mga pinto ngunit nang aming buksan ang mga pinto, wala kaming nakitang sinuman sa loob kahit isa. 24 Nang ang mga salitang ito ay narinig kapwa ng mga saserdote at kapitan ng templo at mga pinunong-saserdote, sila ay nalito patungkol sa kanila at kung magiging ano kaya ito.

25 May isang lalaking dumating at nag-ulat sa kanila. Sinabi nito: Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nasa templo. Sila ay nakatayo at nagtuturo sa mga tao. 26 Pumunta ang kapitan sa templo kasama ang mga opisyales at dinala ang mga apostol ng walang dahas dahil natakot sila sa mga tao at baka batuhin sila.

27 Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28 Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.

29 Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31 Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32 Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.

33 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at binalak nilang patayin sila. 34 Ngunit tumayo ang isang nasa Sanhedrin, siya ay isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya ay isang guro ng kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi ni Gamaliel sa kanila: Mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa iniisip ninyong gawin patungkol sa mga lalaking ito. 36 Ito ay sapagkat bago pa sa mga araw na ito ay tumindig si Teudas na nagsasabing siya ay isang kilalang tao. Sumama sa kaniya ang isang pangkat ng mga lalaki na halos apatnaraan. Nang siya ay napatay, ang lahat ng nahikayat niya ay nagkahiwa-hiwalay at ang lahat ay naging walang kabuluhan. 37 Pagka­tapos ng isang ito, sa mga araw ng pagpapatala, tumindig si Judas na taga-Galilea. Siya ay nakahikayat ng maraming tao. Nang siya ay namatay ang lahat ng nahikayat niya ay nangalat. 38 Sinasabi ko sa inyo ngayon: Layuan ninyo ang mga lalaking ito at pabayaan sila sapagkat kung ang layunin o gawaing ito ay mula sa tao, mawawalan ito ng saysay. 39 Ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo ito maigugupo. At baka kayo ay masumpungang lumalaban sa Diyos.

40 Sila ay nahimok ni Gamaliel. Tinawag nila ang mga apostol. Pagkapalo nila sa mga apostol, inutusan nila ang mga ito na huwag magsalita sa pangalan ni Jesus. Pagkatapos, pinalaya nila sila.

41 Nagagalak na nilisan nga ng mga apostol ang Sanhedrin sapagkat sila ay ibinilang na karapat-dapat na dumanas ng kahihiyan dahil sa pangalan niya. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay, sila ay hindi tumitigil sa pagtuturo at paghahayag ng ebanghelyo na si Jesus ang Mesiyas.

Pumili Sila ng Pito

Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod.

Kaya tinawag ng labindalawa ang napaka­raming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.

Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.

Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International