Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 6:8-16:37

Hinuli Nila si Esteban

Si Esteban ay puspos ng pananampalataya at kapang­yarihan. Siya ay gumawa ng mga dakilang kamangha-manghang gawa at dakilang mga tanda sa kalagitnaan ng mga tao.

Ngunit may mga tumindig na mga nasa bahay sambahan na tinatawag na mga Malaya. Tumindig din ang mga taga-Cerene, ang mga taga-Alexandria at ang mga mula sa Cilicia at Asya. Sila ay nakikipagtalo kay Esteban. 10 Hindi sila makatanggi sa karunungan at sa espiritu na kung saan si Esteban ay nangungusap.

11 Nagsuhol sila ng mga lalaki at ang mga ito ay nagsabi: Narinig namin silang nagsasalita ng mga panunungayaw laban kay Moises at laban sa Diyos.

12 Ginulo nila ang mga tao at ang mga matanda at ang mga guro ng kautusan. Dinaluhong nila at sinunggaban si Esteban at dinala sa Sanhedrin. 13 Iniharap nila ang mga saksing sinu­ngaling. Ang mga ito ay nagsabi: Ang taong ito ay hindi tumigil sa pagsasalita ng pamumusong laban sa banal na dakong itoat sa kautusan. 14 Ito ay sapagkat narinig namin siyang nagsasabing ang dakong ito ay wawasakin ni Jesus na taga-Nazaret. Sinabi rin niya na babaguhin ni Jesus ang mga kaugaliang ibinigay ni Moises sa atin.

15 Ang lahat ng nakaupo sa Sanhedrin ay nakatitig kay Esteban. Nakita ng mga ito ang mukha niya na parang mukha ng anghel.

Ang Pagharap ni Esteban sa Sanhedrin

Sinabi ng pinakapunong-saserdote: Totoo ba ang mga bagay na ito?

Sinabi niya: Mga kapatid, at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham nang siya ay nasa Mesopotamia. Siya ay nagpakita sa kaniya bago siya manirahan sa Haran. Sinabi niya sa kaniya: Umalis ka sa iyong bayan at sa iyong kamag-anakan. Pumunta ka sa bayang ipakikita ko sa iyo.

Nang magkagayon, siya ay umalis mula sa bayan ng Caldea at nanirahan sa Haran. Mula roon, nang mamatay ang kaniyang ama, siya ay dinala sa bayang ito kung saan kayo ay nananahan ngayon. Hindi siya nagbigay sa kaniya ng pamana roon, kahit na maliit na mayayapakan. Ngunit ito ay ipina­ngakong ibibigay upang maging kaniyang pag-aari, at sa kaniyang lahi pagkatapos niya, kahit siya ay walang anak. Sa ganito nagsalita ang Diyos: Ang kaniyang binhi ay maninirahan bilang isang dayuhan sa ibang bayan. Sila ay aalipinin at pagmamalupitan sa loob ng apatnaraang taon. Hahatulan ko ang bansa na aalipin sa kanila, sabi ng Diyos. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sila ay lalabas at maglilingkod sa akin sa dakong ito. Ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli. Sa ganito ay naging anak ni Abraham si Isaac at siya ay tinuli sa ikawalong araw.Naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.

Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasa­kaniya. 10 At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.

11 Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasum­pungang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14 Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu’t limang katao. 15 Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16 Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.

17 Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18 Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19 Siya ang nagsa­mantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.

20 Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21 Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22 Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.

23 Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25 Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa’t isa?

27 Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28 Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29 Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.

30 Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31 Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32 Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.

33 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinata­tayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.

35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.

37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.

39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41 Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42 Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:

O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit hindi ninyo ito inihandog sa akin.

43 Lagi ninyong dala ang tolda ni Moloc at ang bituin ng inyong diyos na si Refan. Lagi ninyong dala ang mga diyos-diyosang ginawa ninyo upang inyong sambahin. Dadalhin ko kayo sa dakong lagpas pa sa Babilonia.

44 Ang tolda ng patotoo ay nasa ating mga ninuno sa ilang, ayon sa iniutos nang siya ay nagsalita kay Moises. Sinabi niya kay Moises na gawin iyon ayon sa huwarang nakita niya. 45 Tinanggap ito ng ating mga ninuno. Dala nila ito nang sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Josue nang makapasok sila sa lupain ng mga Gentil. Ang mga Gentil ay pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ang tolda ay nanatili roon hanggang sa araw ni David. 46 Si David ay naging kaluguran sa paningin ng Diyos. Hiniling niyang siya ay makapagpatayo ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob. 47 Ngunit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kaniya.

48 Subalit ang Kataas-taasan ay hindi tumitira sa mga banal na dakong gawa ng mga kamay, tulad sa sinasabi ng propeta:

49 Ang langit ay aking trono. Ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Sabi ng Panginoon: Anong bahay ang itatayo ninyo sa akin? O, anong dako ang pagpapahingahan ko? 50 Hindi ba ang lahat ng ito ay ginawa ng aking kamay?

51 Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53 Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.

Binato Nila si Esteban

54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.

55 Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56 Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.

57 Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58 Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.

59 Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigawng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.

Inusig ang Iglesiya at Ito ay Nangalat

Si Saulo ay sumang-ayon sa kamatayan ni Esteban. Sa araw na iyon, nagsimula ang isang malaking pag-uusig laban sa iglesiya na nasa Jerusalem. Silang lahat ay nangalat sa lahat ng mga dako sa Judea at Samaria maliban sa mga apostol.

Inilibing si Esteban ng mga taong palasamba sa Diyos at sa kaniya ay nanaghoy sila nang gayon na lamang. Pinipinsala ni Saulo ang iglesiya na pinapasok ang mga bahay-bahay. Kinakaladkad niya ang mga lalaki at mga babae at ibinibilanggo sila.

Si Felipe sa Samaria

Kaya nga, ang nangalat na mga mananampalataya ay naglakbay na ipinangangaral ang ebanghelyo.

Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria. Ipinangaral niya sa kanila ang Mesiyas. Ang maraming tao ay nagkaisang nakinig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, nang kanilang marinig at makita ang mga tanda na ginawa niya. Ito ay sapagkat marami sa mga inaalihan ng mga karumal-dumal na espiritu ay iniwan ng mga espiritung ito na sumisigaw nang malakas. Maraming lumpo at pilay ang gumaling. Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.

Si Simon na Manggagaway

May isang tao na nagngangalang Simon na nang unang panahon ay gumagawa ng panggagaway sa lungsod. At lubos niyang pinamangha ang mga tao sa Samaria. Sinasabi niyang siya ay dakila.

10 Siya ay pinakikinggan nilang lahat, buhat sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila. Sinasabi nila: Ang lalaking ito ang siyang dakilang kapangyarihan ng Diyos. 11 Siya ay pinakinggan nila sapagkat sila ay lubos niyang pinamangha sa mahabang panahon ng kaniyang mga panggagaway. 12 Ngunit nang sila ay maniwala kay Felipe na nangangaral ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos at patungkol sa pangalan ni Jesucristo. Sila ay nabawtismuhan, mga lalaki at babae. 13 Si Simon ay naniwala rin. Nang mabawtismuhan na siya, matatag siyang nagpatuloy kasama ni Felipe. Si Simon ay lubos na namangha nang makakita siya ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.

14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay makalusong, nanalangin sila para sa kanila upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Ito ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi pa bumababa sa kaninuman sa kanila. Ngunit sila lamang ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.

18 Nakita ni Simon na sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol ang Banal na Espiritu ay ibinibigay. Inalok nga niya sila ng kayamanan. 19 Sinabi niya: Ibigay rin ninyo sa akin ang kapangyarihang ito. Sa ganoon, sinumang patungan ko ng kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.

20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: Ang salapi mo ay mapapahamak na kasama mo sapagkat iniisip mong tamuhin ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kayamanan. 21 Wala kang bahagi ni dako man sa bagay na ito sapagkat ang puso mo ay hindi matuwid sa harap ng Diyos. 22 Kaya nga, magsisi ka sa kasamaan mong ito. Humiling ka sa Diyos, baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. 23 Ito ay sapagkat nakikita kong ikaw ay puno ng kapaitan tulad ng apdo at natatanikalaan ng kalikuan.

24 Sumagot si Simon at sinabi:Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang huwag mangyari sa akin ang alinman sa mga bagay na sinasabi ninyo.

25 Nang makapagpatotoo na sila at maipangaral ang Salita ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. Ipinangaral nila ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga taga-Samaria.

Si Felipe at ang Taga-Etiopia

26 Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako.

27 Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.

30 Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya:Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?

31 Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.

32 Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:

Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin. Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.

33 Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?

34 Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35 Nagsi­mulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.

36 Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating silasa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtis­muhan? 37 Sinabi ni Felipe: Kung sumasam­palataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38 Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40 Si Felipe ay nasum­pungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.

Ang Pagbabago ni Saulo

Samantala, si Saulo ay namumuhay sa pagbabanta at pagpatay sa mga alagad ng Panginoon. Siya ay pumaroon sa pinakapunong-saserdote.

Humingi siya ng mga sulat para sa mga sinagoga ng Damasco. Sa ganoon, ang sinumang masumpungang niyang nasa Daan, maging mga lalaki o mga babae ay madala niyang nakagapos patungo sa Jerusalem. Sa kaniyang paglalakbay, nang malapit na siya sa Damasco, biglang nagliwanag sa palibot niya ang isang ilaw mula sa langit na tulad sa kidlat. Siya ay nadapa sa lupa at nakarinig siya ng isang tinig na nagsasabi sa kaniya: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sinabi niya: Sino ka ba Panginoon?

Sinabi ng Panginoon: Ako si Jesus na iyong pinag-uusig. Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pantaboy na patpat.

Nanginginig at nagtatakang sinabi niya: Panginoon, ano ang ibig mong gawin ko? Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumunta sa lungsod at sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.

Ang mga taong kasama niya sa paglalakbay ay nakatayo na hindi makapagsalita. Narinig nila ang tinig ngunit wala silang nakikitang sinuman. Tumayo si Saulo at ng siya ay dumilat, wala siyang nakitang sinuman. Siya ay inakay nila at dinala sa Damasco. Siya ay tatlong araw na bulag at hindi siya kumain ni uminom man.

10 May isang alagad sa Damasco na nagngangalang Ananias. Sa isang pangitain, sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ananias.

Sinabi niya: Narito ako, Panginoon.

11 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Tumindig ka at pumaroon sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang nagngangalang Saulo na taga-Tarso sapagkat nananalangin siya ngayon. 12 Sa pangitain nakita ni Saulo ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na lumapit sa kaniya. At ipinatong ni Ananias ang kaniyang kamay kay Saulo upang siya ay makakita.

13 Sumagot si Ananias: Panginoon, nabalitaan ko sa marami ang patungkol sa lalaking ito kung gaano karaming kasamaan ang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem. 14 Dito ay may kapahintulutan siya mula sa mga pinunong-saserdote na ibilanggo ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.

15 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya: Pumaroon ka. Ito ay sapagkat siya ay sisidlang hirang sa akin upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil, sa harapan ng mga hari, at ng mga anak ni Israel. 16 Ito ay sapagkat ipakikita ko sa kaniya kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang batahin dahil sa aking pangalan.

17 Lumakad nga si Ananias. Pumasok siya sa bahay upang ipatong kay Saulo ang kaniyang mga kamay na sinabi: Kapatid na Saulo, ang Panginoon, ang nagsugo sa akin. Siya ay si Jesus na nagpakita sa iyo sa daang iyong pinanggalingan. Sinugo niya ako upang tanggapin mo ang iyong paningin at mapuspos ka ng Banal na Espiritu. 18 Agad-agad na nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis. Natanggap niya kaagad ang kaniyang mga paningin. Siya ay tumayo at binawtismuhan. 19 Siya ay kumain at lumakas.

Si Saulo sa Damasco at Jerusalem

Si Saulo ay nakisama ng ilang araw sa mga alagad na taga-Damasco.

20 Pagkatapos ay ipinangaral niya kaagad ang Mesiyas sa mga bahay-sambahan, na siya ang Anak ng Diyos. 21 Ang lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha at nagsabi: Hindi ba ito ang nagwawasak sa mga taong tumatawag sa pangalan ni Jesus doon sa Jerusalem? Siya ay naparito sa pagnanasang sila ay dalhing bihag sa harap ng mga pinunong-saserdote. 22 Ngunit lalong naging makapangyarihan si Saulo at lalong nalito ang mga Judio na nasa Damasco. Kaniyang pinatunayan na ito nga ang Mesiyas.

23 Makalipas ang maraming araw, binalak ng mga Judio na ipapatay siya. 24 Ngunit nalaman ni Saulo ang kanilang balak. Araw at gabi ay binabantayan nila ang mga pintuang-bayan upang patayin siya. 25 Ngunit kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad. Siya ay ibinabang palagos mula sa mataas na pader at siya ay inihugos sa isang tiklis.

26 Nang dumating si Saulo sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisanib sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kaniya. Hindi sila naniniwala na siya ay isang alagad. 27 Ngunit kinuha siya ni Bernabe at siya ay dinala sa mga apostol. Isinaysay niya sa kanila kung paanong nakita ni Saulo ang Panginoon sa daan at kinausap siya. Isinaysay niya kung paanong sa Damasco ay nangaral siyang may kata­pangan sa pangalan ni Jesus. 28 Siya ay kasama nila sa pagpasok at paglabas sa Jerusalem. Siya ay kasama nila na nangangaral nang may katapangan sa pangalan ng Pangi­noong Jesus. 29 Siya ay nagsalita at nakipagtalo sa mga Judio na ang wika ay Griyego. Kaya binalak nilang patayin siya. 30 Nang malaman ito ng mga kapatid, siya ay dinala nila pababa sa Cesarea at siya ay pinaalis nila patungong Tarso.

31 Sa panahong iyon ay nagkaroon ng kapayapaan ang mga iglesiya sa buong Judea at Galilea at Samaria. Sila ay naging matibay at nagpapatuloy na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Banal na Espiritu at sila ay dumami.

Si Dorcas at Eneas

32 Nangyari, na sa paglalakbay ni Pedro sa lahat ng dako, siya ay naparoon din naman sa mga banal na naninirahansa Lida.

33 Natagpuan niya roon ang isang lalaking nagnga­ngalang Eneas. Siya ay walong taon nang nakaratay sa banig sapagkat siya ay paralitiko. 34 Sinabi sa kaniya ni Pedro: Eneas, pinagaling ka ni Jesus, na siya ang Mesiyas. Tumindig ka at iligpit mo ang iyong higaan. Tumayo kaagad si Eneas. 35 Siya ay nakita ng lahat ng mga nakatira sa Lida at sa Sarona at sila ay nanumbalik sa Panginoon.

36 At sa Jope ay may isang alagad na nagngangalang Tabita. Ang kahulugan ng Tabita ay Dorcas.[a] Siya ay lipos ng mabubuting gawa at gawaing pamamahagi sa mga kahabag-habag. 37 Nangyari nang mga araw na iyon na nagkasakit siya at namatay. Nang siya ay mahugasan nila, inilagay nila siya sa isang silid sa itaas. 38 Ang Lida ay malapit sa Jope. Kaya nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo ng dalawang tao sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag niyang patagalin ang pagpunta sa kanila.

39 Tumindig si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, siya ay dinala nila sa silid sa itaas. Ang mga babaeng balo ay nakatayo malapit kay Pedro. Sila ay tumatangis. Ipinakita nila sa kaniya ang mga balabal at mga damit na ginawa ni Dorcas. Ginawa niya ito nang siya ay kasama pa nila.

40 Ngunit pinalabas silang lahat ni Pedro. Lumuhod siya at nanalangin. Pagharap niya sa katawan, sinabi niya: Tabita, bumangon ka. At iminulat niya ang kaniyang mga mata. Nang makita niya si Pedro, umupo siya. 41 Hinawakan ni Pedro ang kaniyang mga kamay at siya ay itinindig. Tinawag niya ang mga banal at ang mga babaeng balo. Siya ay iniharap niyang buhay sa kanila. 42 Ito ay nalaman sa buong Jope at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 At siya ay nanahan sa Jope ng maraming araw. Kasama siya ni Simon na mangungulti ng balat ng hayop.

Ipinatawag ni Cornelio si Pedro

10 May isang lalaki sa Cesarea na ang pangalan ay Cornelio. Siya ay kapitan ng tinatawag na balangay ng mga taga-Italia.

Siya ay isang taong palasamba at may takot sa Diyos kasama ng kaniyang sambahayan. Marami siyang pagkakaloob sa mga kahabag-habag at laging nana­nalanging sa Diyos para sa iba. Isang araw, nang ikasiyam pa lamang ang oras, maliwanag siyang nakakita ng isang pangitain. Nakita niya ang anghel ng Diyos na papalapit sa kaniya. Sinabi nito sa kaniya: Cornelio.

Siya ay tumitig sa kaniya at sa takot ay sinabi niya sa kaniya: Ano iyon, Panginoon?

Sinabi niya sa kaniya: Ang iyong mga pananalangin atmga pagkakaloob sa mga kahabag-habag ay pumailanglang na isang alaala sa harap ng Diyos.

Magsugo ka ng mga tao ngayon sa Jope. Ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa isang taong nagngangalang Simonna mangungulti ng balat ng hayop. Ang kaniyang bahay aynasa tabing dagat. Sasabihin ni Pedro sa iyo ang dapat mong gawin.

Nang umalis ang anghel na nagsalita kay Cornelio, tumawag siya ng dalawa sa kaniyang mga katulong. Tumawag din siya ng isang kawal niya na palasamba sa Diyos napatuloy na naglilingkod sa kaniya. Nang maisaysay na sa kanila ni Cornelio ang lahat ng mga bagay, sila ay isinugo niya sa Jope.

Ang Pangitain ni Pedro

Kinabukasan, habang naglalakbay sila at papalapit na sa lungsod, si Pedro ay umakyat sa bubong ng bahay upang manalangin. Noon ay ikaanim na ang oras.

10 Siya ay nagutom at ibig na niyang kumain. Ngunit samantalang sila ay naghahanda, sa kaniyang kalalagayang tulad ng nananaginip, isang pangitain ang bumaba sa kaniya. 11 Nakita niyang bukas ang langit at may isang kagamitang bumababa sa kaniya. Ito ay gaya ng isang malapad na kumot na nakabuhol ang apat na sulok na bumababa sa lupa. 12 Naroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa. Naroon din ang mababangis na hayop at ang mga gumagapang sa lupa. Naroon din ang mga ibon sa himpapawid. 13 Dumating sa kaniya ang isang tinig: Tumindig ka Pedro. Kumatay ka at kumain.

14 Ngunit sinabi ni Pedro: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay hindi ako kumain ng anumang bagay na pangkaraniwan at marumi.

15 Muli niyang narinig ang tinig sa ikalawang pagkakataon: Anumang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan.

16 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak sa langit ang sisidlan.

17 Totoong nalito si Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitain na nakita niya. Narito, nang mga sandaling iyon ay naipagtanong na ng mga taong sinugo ni Cornelio kung saan ang bahay ni Simon. Sila ay tumayo sa tarangkahan. 18 Sila ay tumawag at nagtanong kung si Simon na tinatawag na Pedro ay nanunuluyan doon.

19 Samantalang iniisip ni Pedro ang patungkol sa pangitain, sinabi sa kaniya ng Espiritu: Narito, hinahanap ka ng tatlong lalaki. 20 Subalit tumindig ka at bumaba ka at sumama ka sa kanila. Huwag ka nang mag-alinlangan pa sapagkat sila ay aking sinugo.

21 Nanaog si Pedro papunta sa mga lalaki na pinadala ni Cornelio sa kaniya. Sinabi niya: Narito, ako ang hinahanap ninyo. Bakit kayo naparito?

22 Sinabi nila: Si Cornelio ay isang kapitan ng isang balangay at taong matuwid at may takot sa Diyos. Siya ay may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio. Pinagtagu­bilinan siya ng Diyos sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay papuntahin sa kaniyang bahay upang siya ay makarinig ng salita mula sa iyo. 23 Kaya sila ay pinapasok at binigyan ng matutuluyan.

Si Pedro sa Tahanan ni Cornelio

Kinabukasan, umalis si Pedro na kasama nila. Sila ay sinamahan ng ilang kapatid na lalaki mula sa Jope.

24 Kina­bukasan dumating sila sa Cesarea. Sila ay hinihintay ni Cornelio. Tinipon niya ang kaniyang kamag-anakan at kani­yang mga matatalik na kaibigan. 25 Nangyari, na pagpasok ni Pedro ay sinalubong siya ni Cornelio. Nagpatirapa siya sa kaniyang paanan at siya ay sinamba. 26 Ngunit itinindig siya ni Pedro na sinasabi: Tumindig ka, ako ay tao rin naman.

27 Habang nag-uusap sila, pumasok siya at nakita niyang marami ang nagkakatipun-tipon. 28 Sinabi niya sa kanila: Alam ninyo na hindi ayon sa kautusan na ang Judio ay makisama o lumapit sa isang taga-ibang bansa. Ngunit ipina­kita sa akin ng Diyos na huwag kong tawaging pangkaraniwan o marungis ang sinuman. 29 Iyan ang dahilan kaya nang ako ay ipasundo mo, naparito akong hindi tumututol. Kaya nga, itinatanong ko sa inyo, sa anong kadahilanan ipinasundo mo ako?

30 Sinabi ni Cornelio: May apat na araw na hanggang sa oras na ito na ako ay nag-aayuno. Sa ikasiyam na oras sa aking bahay, sa aking pananalangin, at narito, isang lalaki ang tumindig sa harapan ko. Siya ay nakasuot ng maningning na damit. 31 Sinabi niya: Cornelio, dininig ang dalangin mo. Ang iyong mga pagkakaloob sa kahabag-habag ay inaalaala sa paningin ng Diyos. 32 Magsugo ka nga sa Jope, at anyayahan mo si Simon na tinatawag na Pedro. Siya ay nanunuluyan sa bahay ni Simong mangungulti ng balat ng hayop. Ang bahay niya ay nasa tabing dagat. Pagdating niya ay magsasalita siya sa iyo. 33 Kaagad-agad nga ay nagpasugo ako sa iyo. Mabuti at naparito ka. Kaya nga, naririto kaming lahat sa paningin ng Diyos upang dinggin ang lahat ng bagay na ipinag-utos sa iyo ng Diyos.

34 Ibinukas ni Pedro ang kaniyang bibig at nagsabi: Totoo ngang naunawaan kong ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. 35 Subalit sa bawat bansa ang taong may takot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaniyang tinatanggap. 36 Alam ninyo ang salitang ipinadala ng Diyos sa mga anak ni Israel na naghahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay Panginoon ng lahat. 37 Ang pangyayaring ito ay naganap sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bawtismo na ipinangaral ni Juan. 38 Alam ninyo kung papaanong si Jesus, na taga-Nazaret ay pinahiran ng Diyos ng Banal na Espiritu at ng kapangyarihan. Siya ay naglilibot na gumagawa ng mabuti. Pinagaling niya ang lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo sapagkat sumasa kaniya ang Diyos.

39 Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Pinatay nila siya sa pamamagitan ng pagbitin sa kahoy. 40 Nang ikatlong araw siya ay muling binuhay ng Diyos at siya ay inihayag. 41 Inihayag siya hindi sa lahat ng mga tao kundi sa mga saksi na hinirang ng Diyos nang una. Ito ay sa amin na kasalo niyang kumain at uminom pagkatapos niyang bumangon mula sa mga patay. 42 Iniutos niya sa amin na mangaral sa mga tao at lubos na pinagpapatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. 43 Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta. Pinatotohanan nila na ang bawat sumasampalataya sa kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan.

44 Samantalang nagsasalita pa si Pedro, bumaba ang Banal na Espiritu sa lahat ng nakikinig ng salita. 45 Ang lahat ng mga mananampalatayang nasa pagtutuli na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din naman sa mga Gentil ang kaloob na Banal na Espiritu. 46 Nalaman nila ito dahil narinig nila ang mga ito na nagsasalita ng mga wika at nagpupuri sa Diyos.

47 Nang magkagayon ay sumagot si Pedro: Maipagbabawal ba ng sinuman ang paggamit ng tubig upang mabawtismuhan itong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na gaya naman natin? 48 Inutusan niya sila na magpabawtismo sa pangalan ng Pangi­noon. Pagkatapos nito hiniling nila sa kaniya na manatili ng mga ilang araw.

Nagpaliwanag si Pedro Patungkol sa Kaniyang Gawain

11 Narinig ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na tumanggap din ang mga Gentil ng salita ng Diyos.

Nang umahon si Pedro sa Jerusalem, nakipagtalo sa kaniya ang mga nasa pagtutuli. Sinabi nila: Nakisalamuha ka sa mga taong hindi tuli at kumaing kasalo nila.

Ngunit sinimulan ni Pedro ang maayos na pagsasaysay sa kanila ng mga pangyayari. Sinabi niya: Ako ay nasa lungsod ng Jope na nananalangin. Sa aking kalalagayang tulad ng nananaginip, nakakita ako ng isang pangitain. May isang kaga­mitang bumababa na gaya ng malapad na kumot. Ibinababa ito mula sa langit na may nakatali sa apat na sulok at umabot hanggang sa akin. Tinitigan ko iyon at pinagwari. Nakita ko ang mga hayop sa lupa na may tig-apat na paa, ang mga mababangis na hayop, ang mga gumagapang na hayop at ang mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin: Tumindig ka, Pedro. Kumatay ka at kumain.

Ngunit sinabi ko: Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang pangkaraniwan o marumi na pumasok sa aking bibig.

Ngunit sumagot muli sa akin ang tinig mula sa langit: Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ipalagay na pangkaraniwan. 10 Ito ay nangyari ng tatlong ulit at muling binatak ang lahat sa langit.

11 At narito, agad na dumating ang tatlong lalaki sa bahay na tinutuluyan ko. Sila ang mga isinugo sa akin mula sa Cesarea. 12 Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila ng walang pag-aalinlangan. Sumama rin naman sa akin ang anim na mga kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ng lalaking iyon. 13 Isinalaysay niya sa amin kung paano niya nakita ang isang anghel sa kaniyang bahay. Ito ay nakatayo at nagsabi sa kaniya: Magsugo ka sa Jope ng mga lalaki. At ipasundo mo si Simon na tinatawag na Pedro. 14 Siya ang magsasaysay sa iyo ng mga salita, sa ikaliligtas mo at ng iyong buong sambahayan.

15 Nang ako ay magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu tulad din naman ng pagbaba niya sa atin noong pasimula. 16 Naalaala ko ang salita ng Panginoon kung paanong sinabi niya: Tunay na si Juan ay nagbawtismo sa tubig. Ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu. 17 Kung binigyan sila ng Diyos ng ganoon ding kaloob na ibinigay sa atin na sumampalataya sa Panginoong Jesucristo, sino ba ako na makakasalungat sa Diyos?

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila. Pinuri nila ang Diyos na sinasabi: Kung gayon ay binigyandin naman ng Diyos ang mga Gentil ng pagsisisi patungo sa buhay.

Ang Iglesiya sa Antioquia

19 Ang mga mananampalatayang nangalat dahil sa kahi­rapan na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Chipre at sa Antioquia. Wala silang ibang pinagsaysayan ng salita kundi ang mga Judio lamang.

20 Ngunit ang ilan sa kanila na taga-Chipre at taga-Cerene ay dumating sa Antioquia. Sila ay nagsalita sa mga Judio naang wika ay Griyego at ipinangangaral ang ebanghelyo ng Panginoong Jesus. 21 Ang kamay ng Panginoon ay sumakanila. Marami sa kanila ang sumampalataya at nanumbalik sa Panginoon.

22 Ang ulat patungkol sa mga bagay na ito ay nakarating sa pandinig ng iglesiya na nasa Jerusalem. Sinugo nila si Bernabe hanggang sa Antioquia. 23 Nang siya ay dumating, nakita niya ang biyaya ng Diyos. Siya ay nagalak at ipinamanhik niya sa lahat na sa kapasiyahan ng kanilang puso ay manatili sila sa Panginoon. 24 Ito ay sapagkat siya ay mabuting tao, puspos ng Banal na Espiritu at ng pananampalataya. Kaya ang napaka­raming tao ay nadagdag sa Panginoon.

25 Si Bernabe ay pumunta sa Tarso upang hanapin si Saulo. 26 At nang siya ay matagpuan niya, dinala niya siya sa Antioquia. Nangyari na sa buong isang taon, sila ay nakipag­tipon sa buong iglesiya. Sila ay nagturo sa maraming tao. Ang mga alagad ay unang tinawag na mga Kristiyano sa Antioquia.

27 Nang panahong iyon, may mga propetang lumusong mula sa Jerusalem at dumating sa Antioquia. 28 Tumindig ang isa sa kanila na nagngangalang Agabo. Ipinahayag niya sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng malaking taggutom sa buong sanlibutan. Ito ay nangyari sa kapanahunan ni Claudio Cesar. 29 Nakatalaga na ang loob ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na nakatira sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. 30 Ipinadala nila ito sa mga matanda sa pamamagitan ng kamay ni Bernabe at ni Saulo.

Iniligtas ng Anghel si Pedro Mula sa Bilangguan

12 Nang panahon ding iyon, ipinadakip ni haring Herodes ang ilan sa mga tao sa iglesiya upang pahirapan.

Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niya na ikinatutuwa ito ng mga Judio, ipinadakip rin niya si Pedro. Nangyari ito noong mga Araw ng Tinapay na walang Pampaalsa. Ipinabilanggo ni Herodes si Pedro ng mahuli niya ito. Siya ay ibinigay sa apat na pangkat na may tig-aapat na kawal upang bantayan. Binabalak ni Herodes na iharap si Pedro sa mga tao pagkatapos ng paggunita sa araw ng Paglampas.

Si Pedro nga ay binantayan sa bilangguan, ngunit ang iglesiya ay maningas na nanalangin sa Diyos patungkol sa kaniya.

Sa gitna ng dalawang kawal si Pedro ay natutulog na nagagapos ng dalawang tanikala. Ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. Ito ay nangyari nang gabing ilalabas na siya ni Herodes. At narito, tumayo sa tabi niya ang isang anghel ng Panginoon. Lumiwanag ang isang ilaw sa gusali at tinapik ng anghel si Pedro sa tagiliran. Siya ay ginising na sinasabi: Bumangon kang madali. Nalaglag ang mga tanikala sa kaniyang mga kamay.

Sinabi sa kaniya ng anghel: Magbihis ka at itali mo ang iyong mga panyapak. Gayon ang ginawa niya. Sinabi niya sa kaniya: Isuot mo ang iyong balabal at sumunod ka sa akin. Siya ay lumabas at sumunod. Hindi niya alam na totoo ang nangyayaring ito sa pamamagitan ng anghel dahil ang akala niya ay nakakita lamang siya ng isang pangitain. 10 Nilampasan na nila ang una at ikalawang bantay. Dumating sila sa pintuang bakal na patungo sa lungsod at ito ay kusang nabuksan para sa kanila. Sila ay lumabas at nagpatuloy sa isang lansangan. Bigla na lamang siyang iniwan ng anghel.

11 Nang maliwanagan si Pedro, sinabi niya: Ngayon ko nalamang totoong sinugo ng Panginoon ang kaniyang anghel upang iligtas ako mula sa kamay ni Herodes at sa mang­yayaring inaasahan ng mga Judio.

12 Habang pinag-iisipan niya ito, nakarating siya sa bahay ni Maria, na ina ni Juan, na tinatawag na Marcos. Nagkatipun-tipon dito ang marami at nananalangin. 13 Nang si Pedro ay tumuktok sa pintuan, lumabas at sumagot ang isang dalagita. Ang pangalan niya ay Roda. 14 Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, hindi niya nabuksan ang tarangkahan sa tuwa. Siya ay tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na si Pedro ay nakatayo sa harap ng tarangkahan.

15 Sinabi nila sa kaniya: Nababaliw ka. Ngunit pinatutunayan niyang siya nga. Kaya sinabi nila: Iyon ay kaniyang anghel.

16 Ngunit si Pedro ay patuloy na kumakatok. Nang mabuksan na nila ang tarangkahan, nakita nila siya at namangha sila. 17 Ngunit hinudyatan niya sila na tuma­himik. Isinaysay niya sa kanila kung papaano siya inilabas ng Panginoon sa bilangguan. Sinabi niya: Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago at sa mga kapatid. Siya ay umalis at nagpunta sa ibang dako.

18 Nang mag-umaga na, lubhang nagkagulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro. 19 Siya ay ipinahanap ni Herodes at hindi siya nasumpungan. Dahil dito siniyasat niya ang mga bantay at ipinag-utos na sila ay patayin. Siya ay lumusong sa Cesarea mula sa Judea at doon nanatili.

Namatay si Herodes

20 Galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Sila ay nagkakaisang pumaroon sa kaniya. Nang mahimok nila si Blasto na katiwala ng hari, ipinamanhik nila ang pagkaka­sundo sapagkat ang lupain nila ay pinakakain ng lupain nghari.

21 Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari. Umupo siya sa luklukan at nagtalumpati sa kanila. 22 Ang mga tao ay sumigaw: Tinig ng diyos at hindi ng tao. 23 Siya ay kaagad na hinampas ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya ay kinain ng mga uod at namatay.

24 Ang salita ng Diyos ay lumago at lumaganap.

25 Sina Bernabe at Saulo ay bumalik galing sa Jerusalem nang maganap na nila ang kanilang paglilingkod. Isinama nila si Juan na tinatawag na Marcos.

Sinugo sina Bernabe at Saulo

13 Sa iglesiya nga na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro. Sila ay sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro at si Lucio na taga-Cerene. Kabilang din si Manaem na kinakapatid ni Herodes na tetrarka at si Saulo.

Nang sila ay naglilingkod sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu: Ibukod ninyo sa akin si Bernabe at si Saulo para sa gawaing kung saan sila ay tinawag ko. Nang makapanalangin na sila at makapag-ayuno, ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at pagkatapos nito, sila ay pinahayo.

Sa Chipre

Kaya nga, sila na sinugo ng Banal na Espiritu ay lumusong sa Seleucia. Buhat doon ay naglayag sila hanggang sa Chipre.

Nang sila ay nasa Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin naman nila si Juan na kanilang lingkod.

Nang matahak na nila ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang manggagaway, isang bulaang propeta. Siya ay isang Judio na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng gobernador na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Siya ang nagpatawag kay Bernabe at kay Saulo dahil hinahangad niyang mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit hinadlangan sila ni Elimas na mangga­gaway. Ang kahulugan ng pangalang Bar-Jesus ay Elimas. Pinagsisikapan niyang ilihis sa pananampalataya ang gobernador. Ngunit tinitigan siya ni Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Banal na Espiritu. 10 Sinabi niya: O ikaw na anak ng diyablo, puno ka ng lahat ng pandaraya at ng lahat ng panlilinlang. Ikaw na kaaway ng lahat ng katuwiran, hindi ka ba titigil sa paglihis ng mga daang matuwid ng Panginoon? 11 At ngayon, narito, ang kamay ng Panginoon ay nasa iyo. Mabubulag ka at hindi mo makikita ang araw sa ilang panahon.

Kaagad na nahulog sa kaniya ang isang ulap at ang kadiliman. Siya ay lumibot na naghahanap ng aakay sa kaniya.

12 Nang magkagayon, nang makita ng gobernador ang nang­yari, sumampalataya siya. At lubos silang namangha sa katuruan ng Panginoon.

Sa Antioquia ng Pisidia

13 Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay naglayag mula sa Pafos at umabot sa Perga ng Pamfilia. Si Juan ay humiwalay sa kanila at bumalik sa Jerusalem.

14 Nang makaraan sila sa Perga, dumating sila sa Antioquia ng Pisidia. Sila ay pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabat at sila ay umupo. 15 Pagka­tapos ng pagbasa ng aklat ng kautusan at ng aklat ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpasabi sa kanila. Sinabi nila: Mga kapatid, kung mayroon kayong salita na makakapagpalakas ng loob sa mga tao, magsalita kayo.

16 Tumayo si Pablo at inihudyat ang kamay na sinabi: Mga lalaking taga-Israel, kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. 17 Ang Diyos ng mga taong ito ng Israel ay pinili ang ating mga ninuno. Pinarangalan niya ang mga tao nang sila ay nanirahan sa bayan ng Egipto at inilabas niya sila mula roon sa pamamagitan ng makapangyarihang bisig. 18 Sa loob ng halos apatnapung taon ay pinagtiisan niya ang kanilang mga pag-uugali sa ilang. 19 Nang maibagsak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, hinati niya sa kanila ang kanilang bayan. 20 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nagbigay siya ng mga hukom.

Ito ay naganap sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon hanggang kay Samuel na propeta.

21 Pagkatapos ay humingi sila ng hari. Ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kis. Siya ay mula sa angkan ni Benjamin. Naghari siya sa kanila sa loob ng apatnapung taon. 22 Nang siya ay inalis niya, itinindig niya para sa kanila si David upang maging hari. Siya rin naman ang pinatotohanan niya na sinabi:

Nasumpungan ko si David na anak ni Jesse. Siya ang lalaking ayon sa aking puso na gagawa ng buong kalooban ko.

23 Sa lahi ng taong ito, ayon sa pangako, ang Diyos ay nagtindig ng isang Tagapagligtas sa Israel. Siya ay si Jesus. 24 Bago siya dumating ay nangaral muna si Juan ng bawtismo ng pagsisisi sa lahat ng mga tao sa Israel. 25 Nang ginaganap na ni Juan ang kaniyang katungkulan, sinabi niya: Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Mesiyas. Ngunit narito, may isang dumarating sa hulihan ko. Hindi ako karapat-dapat magkalag ng mga panyapak ng kaniyang mga paa.

26 Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham at sa inyong mga may takot sa Diyos, sa inyo ipinadadala ang salita ng kaligtasang ito. 27 Ito ay sapagkat hindi siya nakilala ng mamamayan ng Jerusalem at ng kanilang mga pinuno. Ngunit sa paghatol sa kaniya, ginanap nila ang mga hula ng mga propeta na binabasa tuwing araw ng Sabat. 28 Bagaman hindi sila nakakita ng anumang dahilan upang hatulan siya ng kamatayan, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya ay patayin. 29 Nang maganap na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat patungkol sa kaniya, ibinaba siya ng mga alagad mula sa kahoy at inilagay sa libingan. 30 Ngunit siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay. 31 Maraming araw siyang nakita ng mga naging kasama niya sa pag-ahon mula sa Galilea hangggang sa Jerusalem. Sila ang mga naging saksi niya sa mga tao.

32 Ipinangangaral namin sa inyo ang ebanghelyo na ipinangako sa ating mga ninuno. 33 Tinupad din ito ng Diyos sa atin na mga anak nila nang muli niyang buhayin si Jesus. Gaya rin naman ng nasusulat sa ikalawang Awit:

Ikaw ay aking Anak. Sa araw na ito ay ipina­nganak kita.

34 Patungkol naman sa muli niyang pagkabuhay mula sa mga patay upang hindi magbalik sa pagkabulok ay nagsalita siya ng ganito:

Ibibigay ko sa iyo ang mga tapat na pangako ng Diyos kay David.

35 Kaya nga, sinabi rin niya sa ibang Awit:

Hindi mo pababayaan na ang iyong Banal ay magdanas ng pagkabulok.

36 Ito ay sapagkat si David, nang matapos niyang paglingkuran ang kaniyang sariling lahi ayon sa kalooban ng Diyos ay namatay. Siya ay inilibing sa piling ng kaniyang mga ninuno at dumanas ng pagkabulok. 37 Ngunit siya na muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok.

38 Kaya nga, alamin ninyo ito mga kapatid, na sa pamama­gitan ng lalaking ito ay ibinabalita sa inyo ang kapatawaranng mga kasalanan. 39 Sa pamamagitan niya, ang lahat ng sumasampalataya ay pinaging-matuwid sa lahat ng bagay. Sa mga bagay na ito ay hindi kayo maaaring mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng kautusan ni Moises. 40 Mag-ingat nga kayo na huwag mangyari sa inyo ang sinalita ng mga propeta:

41 Narito, kayong mga mapangutya, mamangha kayo at mapapahamak sapagkat may gagawin ako sa inyong mga araw. Ito ay isang gawa na sa anumang paraan ay hindi ninyo paniniwalaan kahit na may isang tao pang magsabi sa inyo.

42 Nang ang mga Judio ay nakaalis na sa sinagoga, ipina­manhik ng mga Gentil sa kanila na ang mga salitang ito ay ipangaral sa kanila sa susunod na araw ng Sabat. 43 Nang makaalis na ang kapulungan sa sinagoga, marami sa mga Judio at mga naging Judiong masisipag sa kabanalan ang sumunod kay Pablo at kay Bernabe. Sila ay kinausap nila sila at hinimok na manatili sa biyaya ng Diyos.

44 Nang sumunod na araw ng Sabat ay nagkatipon ang halos buong lungsod upang makinig ng Salita ng Diyos. 45 Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, sila ay napuno ng inggit. Tinutulan nila ang mga bagay na sinalita ni Pablo. Sumasalungat sila at nanunungayaw.

46 Kaya si Pablo at Bernabe ay buong tapang na nagsabi: Kinakailangang sa inyo muna sabihin ang salita ng Diyos. Itinakwil at hinatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Kaya tingnan nga ninyo, kami ay bumaling sa mga Gentil. 47 Ito ay sapagkat sa ganitong paraan ay iniutos sa amin ng Panginoon:

Itinalaga kita bilang isang ilaw sa mga Gentil para sa kaligtasan hanggang sa mga kadulu-duluhan ng daigdig.

48 Nang marinig ito ng mga Gentil ay nagalak sila. Niluwalhati nila ang salita ng Panginoon at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.

49 Ang salita ng Panginoon ay dinala nila sa buong lupain. 50 Ngunit inudyukan ng mga Judio ang mga babaeng pala­simba at yaong may matataas na kalagayan at ang mga pangunahing lalaki sa lungsod. At sila ay nagsimula pag-uusig laban kay Pablo at Bernabe. Pinalayas nila sila sa lupaing iyon. 51 Ipinagpag nina Pablo at Bernabe ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila. Pagkatapos sila ay pumaroon sa Iconio. 52 Ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Banal na Espiritu.

Sa Iconio

14 Sa Iconio, sila ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Sila ay nagsalita, at sumampalataya ang napakaraming tao kapwa mga Judio at mga Griyego.

Ngunit inudyukan ng mga di naniniwalang Judio ang mga Gentil. At pinasama ang kanilang mga isipan laban sa mga kapatid. Sila nga ay tumira doon ng mahabang panahon. Buong tapang silang nangaral para sa Panginoon. Pinatotohanan ng Panginoon ang salita ng kaniyang biyaya at pinagkalooban silang gawin ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay. Ngunit ang napaka­raming tao sa lungsod ay nagkabaha-bahagi. Ang isang bahagi ay pumanig sa mga Judio at ang isang bahagi naman ay pumanig sa mga alagad. Nagkaroon ng kilusan sa mga Gentil at sa mga Judio rin naman kasama ang kanilang mga pinuno upang sila ay hamakin at batuhin. Nang nalaman nila ito, sila ay tumakas patungong Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia at sa mga lupain sa palibot nito. Doon sila ay patuloy na nangaral ng ebanghelyo.

Sa Listra at Derbe

May isang lalaki sa Listra na ang mga paa ay walang lakas at siya ay nakaupo. Kailanman ay hindi siya nakalakad sapagkat siya ay lumpo, mula pa sa tiyan ng kaniyang ina.

At narinig ng taong ito na nagsasalita si Pablo. Tinitigan siya ni Pablo at nakita na siya ay may pananampalataya na siya ay mapapagaling. 10 Sinabi sa kaniya sa malakas na tinig: Tumayo ka nang matuwid. Siya ay lumukso at lumakad.

11 Nang makita ng napakaraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila. Sinabi nila sa wikang Licaonia: Ang mga diyos ay bumaba sa atin na katulad ng mga tao. 12 Si Bernabe ay tinawag nilang Zeus. Si Pablo naman ay Hermes sapagkat siya ang punong tagapagsalita. 13 Ang saserdote ni Zeus na nasa harap ng kanilang lungsod ay nagdala ng mga toro at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan. Ibig niyang maghandog ng hain, kasama ang maraming tao.

14 Nang marinig ito ng mga apostol na sina Pablo at Bernabe, hinapak nila ang kanilang mga damit. Tumakbo sila sa gitna ng napakaraming tao at sumigaw. 15 Sinabi nila: Mga kalalakihan, bakit ninyo ginawa ang mga bagay na ito? Kami ay mga tao ring may damdaming katulad ninyo. Nangaral kami ng ebanghelyo sa inyo upang mula sa mga bagay na ito na walang kabuluhan ay bumalik kayo sa Diyos na buhay. Siya ang gumawa ng langit, lupa, dagat at lahat ng nasa mga yaon. 16 Nang mga nakaraang panahon, pinabayaan niyang ang lahat ng mga bansa ay lumakad sa kanilang mga sariling daan. 17 Gayunman, hindi siya nagpabayang di-magbigay patotoo patungkol sa kaniyang sarili. Gumawa siya ng mabuti at nagbigay sa atin ng ulan na galing sa langit at ng mga panahong sagana. Binubusog ang ating mga puso ng pagkain at ng katuwaan. 18 Sa mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang maraming tao sa paghahandog ng hain sa kanila.

19 Dumating ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio na nanghimok ng maraming tao. Pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad nila siya sa labas ng lungsod. Inaakala nilang siya ay patay na. 20 Ngunit samantalang ang mga alagad ay nakatayo sa paligid niya, tumindig siya. Pumasok siya sa lungsod. Kinabukasan pumunta siya sa Derbe kasama si Bernabe.

Si Pablo at Bernabe ay Bumalik sa Antioquia ng Siria

21 Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lungsod na iyon at makapagturo sa maraming alagad, bumalik sila sa Listra, sa Iconio at sa Antioquia.

22 Pinatatag nila ang mga kaluluwa ng mga alagad. Ipinamanhik niya sa kanila na sila ay manatili sa pananampalataya na sa pamamagitan ng maraming mga paghihirap, kinakailangang pumasok tayo sa paghahari ng Diyos. 23 Nang makapagtalaga na sila ng mga matanda sa bawat iglesiya, at nang makapanalangin na may pag-aayuno, sila ay kanilang itinagubilin sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. 24 Tinahak nila ang Pisidia at pumaroon sa Pamfilia. 25 Nang maipangaral na nila ang salita sa Perga, lumusong sila sa Atalia.

26 Mula doon ay naglayag sila sa Antioquia na kung saan sila ay itinagubilin sa biyaya ng Diyos para sa gawaing natapos nila. 27 Nang dumating sila at matipon na ang iglesiya, isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Isinaysay rin nila kung paanong binuksanng Diyos sa mga Gentil ang pintuan ng pananampalataya. 28 Tumira sila roon nang mahabang panahon kasama ng mga alagad.

Ang Pulong sa Jerusalem

15 May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.

Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.

Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananam­palatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.

Nagtipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng maraming pagtatalo, tumindig si Pedro. Sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, nalalaman natin na nang nakaraang mga araw ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo. Hinirang ako upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo at upang sila ay sumampalataya. Sila ay kinilala ng Diyos na nakakaalam ng puso ay siya ring nagbigay sa kanila ang Banal na Espiritu na gaya rin naman ng ginawa niya sa atin. Wala siyang ibinibigay na anumang kaibahan sa atin at sa kanila. Nilinis niya ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ngayon nga, bakit ninyo sinusubuk ang Diyos? Bakit ninyo nilalagyan ng pamatok ang mga alagad na kahit ang ating mga ninuno, ni tayo man ay hindi makadala? 11 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo tayo ay naniniwala na maliligtas tayo, gaya rin naman nila.

12 Pagkatapos nito, tumahimika ang napakaraming tao. Pinakinggan nila sina Pablo at Bernabe na nagsasaysay ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 Nang tumahimik sila, sumagot si Santiago na sinasabi: Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Isinalaysay na ni Simeon kung paanong noong una ay dinalaw ng Diyos ang mga Gentil upang pumili sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan. 15 Naaayon ito sa mga salita ng mga propeta. Ayon sa nasusulat:

16 Pagkatapos nito, ako ay babalik at itatayo kong muli ang tolda ni David na bumagsak. Itatayo kong muli ang mga nasira nito at ito ay aking ititindig muli. 17 Upang hanapin nawa ng nalabi sa mga tao ang Panginoon at ng lahat ng mga Gentil na tinatawag sa aking pangalan. Ito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lahat ng mga bagay na ito. 18 Alam ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan.

19 Dahil dito, ang hatol ko ay huwag gambalain iyong mga Gentil na nanumbalik sa Diyos. 20 Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga bagay na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo. 21 Ito ay sapagkat mula pa nang unang panahon, sa bawat lungsod ay may mga nangaral na patungkol sa mga isinulat ni Moises. Binabasa ito sa mga sinagoga bawat araw ng Sabat.

Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil

22 Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid.

23 Sumulat sila ng ganito:

Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.

24 Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamama­gitan ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman sa kanila. 25 Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26 Sila ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay. 28 Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan. 29 Lumayo kayo sa mga bagay na ini­handog sa mga diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang sekswal. Kung iingatan ninyo anginyong mga sarili mula sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na sa inyo.

30 Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napaka­raming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31 Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32 Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33 Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34 Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35 Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipina­ngangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.

Hindi Nagkasundo sina Pablo at Bernabe

36 Pagkaraan ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon. Alamin natin kung ano ang kalagayan nila. 37 Nakapagpasiya na si Bernabe na isama nila si Juan na tinatawag na Marcos. 38 Ngunit inisip ni Pablo na hindi mabuting siya ay isama nila sapagkat humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39 Nagkaroon ng mahigpit na pagtatalo kaya sila ay naghiwalay sa isa’t isa. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sa Chipre. 40 Hinirang ni Pablo si Silas at yumaon sila na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Diyos. 41 Tinahak nila ang Siria at Cilicia, na pinatatatag ang mga iglesiya.

Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas

16 Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra. Narito, isang alagad na nagngangalang Timoteo ang naroroon. Siya ay anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego.

Siya ay kinikilalang may mabuting patotoo sa mga kapatid na nasa Listra at Iconio. Ibig ni Pablo na isama siya. Kinuha niya siya at tinuli alang-alang sa mga Judio na nasa dakong iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego. Sa pagtahak nila sa mga lungsod, ibinigay nila ang mga batas, na pinag­pasiyahan ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem na kanilang dapat sundin. Kaya nga, ang mga iglesiya ay naging matibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang araw-araw.

 

Nakita ni Pablo sa Isang Pangitain ang Isang Lalaking Taga-Macedonia

Pagdaan nila sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, pinag­bawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa Asya.

Nang dumating sila sa Misia, pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu. Pagkaraan nila sa Misia, lumusong sila patungong Troas. Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Mace­donia at tulungan mo kami. 10 Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.

Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos

11 Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis.

12 Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.

13 Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14 Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kani­lang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.

Si Pablo at Silas sa Bilangguan

16 Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula.

17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipina­ngangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18 Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.

19 Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21 Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.

22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.

25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nana­langin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapa­kamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.

29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kina­kailangan kong gawin upang maligtas?

31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtis­muhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumam­palataya sa Diyos.

35 Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.

37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamama­yang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International