Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Roma 15 - 1 Corinto 14

Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili

15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag. Si (A) Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan. Sa halip, tulad ng nasusulat, “Sa akin bumagsak ang mga pag-alipusta nila sa iyo.” Anumang isinulat noong una ay isinulat upang turuan tayo, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapasigla na nagmumula sa Kasulatan. Ang Diyos, na pinagmumulan ng tatag at sigla ang siya nawang magkaloob sa inyo ng pagkakasundo na naaayon kay Cristo Jesus. Sa gayon, kayong nabuklod sa isang diwa, ay magpuring iisang tinig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Ebanghelyo sa mga Judio at sa mga Hentil

Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, kung paanong tinanggap kayo ni Cristo, upang luwalhatiin ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo na si Cristo ay naging lingkod ng mga Judio[a] upang ipakita ang katapatan ng Diyos at upang pagtibayin ang kanyang mga pangako sa mga ninuno, at (B) upang ang mga Hentil ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag, gaya ng nasusulat,

“Kaya't kikilalanin kita sa gitna ng mga Hentil,
    at aawitan ko ng papuri ang iyong pangalan.”

10 Sinabi rin, (C)

“Magdiwang kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”

11 At sinabi rin, (D)

“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil;
    at purihin siya ng lahat ng mga bansa.”

12 Sinabi (E) rin ni Isaias,

“Ang ugat ni Jesse ay sisibol,
    upang maghari sa mga bansa, siya'y babangon;
    Ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya itutuon.”

13 Ang Diyos ng pag-asa ang nawa'y magbuhos sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, upang kayo'y mag-umapaw sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Ang Pagsusugo kay Pablo

14 Ako mismo ang lubos na naniniwala, mga kapatid ko, na kayo'y punung-puno ng kabutihan, ng lubos na kaalaman, at kaya ninyong magturo sa isa't isa. 15 Gayunman, sa ibang bahagi ng sulat na ito'y buong loob akong nagpapaalala sa inyo tungkol sa ibang bagay. Ginawa ko ito dahil sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus sa mga Hentil. Isang banal na gawain ang aking pangangaral ng ebanghelyo, upang ang mga Hentil ay maging kalugud-lugod na handog sa Diyos, yamang sila ay ginawang banal ng Banal na Espiritu. 17 Dahil kay Cristo Jesus, ipinagmamalaki ko ang paglilingkod ko sa Diyos. 18 Hindi ako maglalakas-loob magsalita ng anumang bagay maliban sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, upang akayin ang mga Hentil sa pagsunod sa Diyos, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[b] Kaya't lubos kong naipangaral ang ebanghelyo ni Cristo mula sa Jerusalem at palibut-libot hanggang sa Ilirico. 20 Ang hangarin ko'y maipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyong inilagay ng iba. 21 Sa halip, (F) gaya ng nasusulat,

“Silang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya ay makakikita,
    at silang hindi pa nakaririnig ay makauunawa.”

Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma

22 Ito (G) ang dahilan kung bakit ako'y madalas na hindi matuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Subalit ngayong wala nang lugar na maaari kong puntahan para sa gawain sa mga lupaing ito, at dahil maraming taon ko na ring nais na madalaw kayo, 24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan ko riyan patungong Espanya. Inaasahan ko ring matutulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungo roon, matapos tayong magkasama-sama nang kaunting panahon. 25 Samantala, papunta (H) ako ngayon sa Jerusalem, na may dalang tulong sa mga kapatid[c] doon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaia na magkaloob ng tulong para sa mga dukhang kapatid na nasa Jerusalem. 27 Malugod (I) nilang ginawa iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga Judio. Sapagkat ang mga Hentil ay naging kabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat lamang nilang tulungan ang mga Judio sa mga bagay na materyal. 28 Kapag nagawa ko na ito, at natiyak kong natanggap na nila ang kaloob na ito, daraan ako sa inyo patungong Espanya. 29 At alam kong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.

30 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo ako sa taimtim na pananalangin sa Diyos alang-alang sa akin. 31 Idalangin ninyong mailigtas ako sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko[d] para sa kanila. 32 Sa gayon, ayon sa kalooban ng Diyos, ay makarating nawa ako sa inyo nang may kagalakan, at magtamasa ng ginhawa na kasama ninyo. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.

Mga Pagbati

16 Itinatagubilin ko sa inyo ang kapatid nating si Phoebe, na isang lingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya sa Panginoon, tulad ng pagtanggap na nararapat sa mga kapatid.[e] Tulungan ninyo siya sa mga kakailanganin niya sa inyo, sapagkat marami siyang natulungan at isa na ako roon.

Batiin (J) ninyo sina Prisca at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Inilagay nila ang kanilang buhay sa panganib dahil sa akin. Hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila kundi pati lahat ng mga iglesya ng mga Hentil. Batiin din ninyo ang iglesyang nagtitipon sa bahay nila. Batiin din ninyo ang mahal kong si Epeneto, ang unang sumampalataya kay Cristo sa Asia. Batiin ninyo si Maria, na malaki ang hirap para sa inyo. Batiin ninyo sina Andronico at Junias, mga kamag-anak ko at mga nakasama ko sa bilangguan. Kilala silang kasama ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa akin. Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, gayundin si Estaquis na aking minamahal. 10 Batiin ninyo si Apeles na subok ang katapatan kay Cristo. Batiin ninyo ang sambahayan ni Aristobulo. 11 Batiin ninyo ang kamag-anak kong si Herodion. Batiin ninyo ang mga nasa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. 12 Batiin ninyo sina Trifena at Trifosa, masisikap na naglilingkod sa Panginoon. Batiin ninyo ang mahal kong si Persida, na marami nang pagsisikap para sa Panginoon. 13 Batiin ninyo (K) si Rufo, ang hinirang ng Panginoon, at ang kanyang ina, na para ko na ring ina. 14 Batiin ninyo sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. 15 Batiin ninyo sina Filologo, Julia, at Nereo at ang kanyang kapatid na babae, gayundin si Olimpas, at sa lahat ng mga banal na kasama nila. 16 Magbatian kayo ng banal na halik. Bumabati sa inyo ang lahat ng mga iglesya ni Cristo.

Mga Dagdag na Tagubilin

17 Ipinakikiusap ko sa inyo, mga kapatid, mag-ingat kayo sa mga pinagmumulan ng pagkakampi-kampi at sa mga sanhi ng pagkatisod, na salungat sa aral na inyong natutuhan. Layuan ninyo sila. 18 Sapagkat ang mga katulad nila ay hindi kay Cristong ating Panginoon na pinaglilingkuran kundi sa sarili nilang tiyan. Dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang sa pamamagitan ng kanilang pananalita na maganda sa pandinig at may mapagkunwaring papuri. 19 Labis akong nagagalak sapagkat napabalita sa lahat ng tao ang inyong pagsunod. Gayunman, nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at maging walang muwang sa masama. 20 At ang Diyos ng kapayapaan ay malapit nang dumurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa.

Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus.[f]

21 Binabati (L) kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kamag-anak kong sina Lucio, Jason at Sosipatro. 22 Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon. 23 Binabati (M) kayo ni Gaio na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng kapatid na si Cuarto. 24 [Sumainyong lahat ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.][g]

25 At ngayon, sa Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng ebanghelyong aking ipinangangaral, at ng mensaheng hatid ni Jesu-Cristo ayon sa pagkahayag sa hiwagang ikinubli sa loob ng napakahabang panahon, 26 ngunit sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag na ngayon at ipinakilala sa lahat ng mga bansa upang sila'y sumunod sa pananampalataya, sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta— 27 sa Diyos na tanging marunong, sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.

Pagbati at Pasasalamat

Mula kay Pablo, tinawag na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na kapatid natin—

Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ibinukod para kay Cristo Jesus at tinawag na maging banal, kasama ng lahat na sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na Panginoon nila at Panginoon din natin: Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Palagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa pakikiugnay ninyo sa kanya ay pinayaman kayo sa lahat ng paraan sa pananalita at bawat kaalaman, kung paanong pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. Kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang espirituwal na kaloob habang inyong hinihintay na maipahayag ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Siya rin ang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang walang anumang maiparatang sa inyo sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mapagkakatiwalaan ang Diyos, at sa pamamagitan niya ay tinawag kayo upang makiisa sa kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakampi-kampi sa Loob ng Iglesya

10 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkasundo kayong lahat sa inyong sinasabi, at huwag kayong magkaroon ng pagkakampi-kampihan, kundi kayo'y mabuklod sa iisang pag-iisip at hangarin. 11 Sapagkat nabalitaan ko, mga kapatid, ang tungkol sa inyo mula sa sambahayan ni Cloe, na may pagtatalu-talo sa inyo. 12 Ganito ang ibig kong sabihin, may ilan sa inyo na nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” at “Kay Pedro[h] ako,” at ang iba naman “Kay Cristo ako.” 13 Nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? O binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; 15 upang walang sinumang makapagsabi na kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Bukod sa kanila ay hindi ko na alam kung may binautismuhan pa akong iba. 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng karunungan ng pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat,

“Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin,
    at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”

20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.

26 Mga kapatid, tingnan ninyo ang inyong kalagayan nang kayo ay tinawag: hindi naman marami sa inyo ang marurunong ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang galing sa mararangal na angkan. 27 Sa halip, pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at minamaliit sa sanlibutan, kahit ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahalaga, 29 upang walang taong makapagmalaki sa harapan ng Diyos. 30 Ngunit dahil sa kanya, kayo ay iniugnay kay Cristo Jesus, na para sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at naging ating katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya tulad ng nasusulat, “Hayaang ang nagmamalaki'y ang ipagmagmalaki ay ang Panginoon.”

Si Cristo na Ipinako sa Krus

Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[i] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.

Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos

Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit tulad ng nasusulat,

“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
    at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”

10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[j] ang pag-iisip ni Cristo.

Mga Kamanggagawa para sa Diyos

Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.

18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[k] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Ang Gawain ng mga Apostol

Kaya't dapat kaming ituring ng tao bilang mga tagapaglingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Bukod dito, inaasahan sa mga katiwala na sila'y matagpuang tapat. Ngunit para sa akin ay napakaliit na bagay ang hatulan ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ni hindi nga ako humahatol sa aking sarili. Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, ngunit hindi ibig sabihin nito na ako'y walang sala. Ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. Kaya't huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa takdang panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siyang magdadala ng liwanag ng mga bagay na nakatago sa kadiliman, at magbubunyag sa mga hangarin ng mga puso. Pagkatapos, ang bawat isa ay magkakaroon ng papuri mula sa Diyos.

Ang mga bagay na ito, mga kapatid, ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matutuhan ninyo ito: Huwag lumampas sa mga bagay na nasusulat. Sa gayon, ang sinuman sa inyo ay hindi maging palalò laban sa iba. Sapagkat sino ang nagsasabing naiiba ka? At ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo ito tinanggap? Nasa inyo na ang lahat ng gusto ninyo! Mayayaman na kayo! Naging mga hari kayo kahit wala kami! Naging hari nga sana kayo upang kami ay naging hari ding kasama ninyo. Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.

14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin. 17 Dahil dito, pinapunta ko sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking pagtalima kay Cristo Jesus[l] katulad ng itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. 18 Ngunit may mayayabang na para bang hindi na ako darating sa inyo. 19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at malalaman ko, hindi lamang ang sinasabi ng mga taong nagyayabang diyan, kundi ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita lamang, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano'ng gusto ninyo? Pumunta ako riyan na may dalang pamalo, o may pagmamahal at may kaamuan?

Ang Hatol Laban sa Imoralidad

Sa katunayan ay may naiulat na may pakikiapid na nagaganap sa inyo, na ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama. Ang ganyang uri ng pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano. At nagyayabang pa kayo! Dapat sana'y nalungkot kayo, upang maitiwalag ninyo ang gumagawa nito? Sapagkat kahit wala ako riyan sa katawan, ako'y kasama ninyo sa espiritu. Kaya't para na ring nasa harapan ninyo, humatol na ako sa gumawa ng bagay na ito. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo ang ganyang tao kay Satanas para sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. Hindi tama ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, na talaga namang kayo'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo na kordero ng ating paskuwa ay naialay na. Kaya't magdiwang tayo ng pista, nang walang lumang pampaalsa, ni pampaalsa ng maruming pag-iisip at kasamaan. Sa halip, magdiwang tayo nang may tinapay ng kalinisan at katotohanan, isang tinapay na walang pampaalsa.

Sinabi ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga mapakiapid. 10 Hindi ko tinutukoy ang mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o ang mga sakim at mga magnanakaw, o ang mga sumasamba sa diyus-diyosan; kung gayo'y kailangan ninyong lumabas ng daigdig. 11 Ngayon, isinusulat ko sa inyo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o mapanlait, o lasenggo, o magnanakaw—ni huwag kayong makisalo sa pagkain sa ganyang uri ng tao. 12 Ano ang karapatan kong humatol sa mga nasa labas? Hindi ba dapat hinahatulan ninyo ang mga nasa loob? 13 At ang Diyos ang hahatol sa mga nasa labas. “Palayasin ninyo mula sa inyo ang masamang tao.”

Tungkol sa Pagsasakdal Laban sa Kapatid

Kapag sinuman sa inyo na may usapin laban sa isang kapatid, nangangahas ba siya na magsakdal sa harapan ng mga di-matuwid at hindi sa harapan ng mga hinirang ng Diyos? Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan sa pamamagitan ninyo, hindi ba ninyo kayang humatol sa napakaliliit na bagay? Hindi ba ninyo nalalaman na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay tungkol sa buhay na ito? Kung kayo'y may mga usaping may kinalaman sa pang-araw-araw na buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong hindi naman kinikilala ng iglesya? Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala ba ni isang marunong diyan sa inyo na maaaring magpasya sa usapin ng mga magkakapatid? Sa halip, may kapatid na nagsasakdal laban sa kapatid, at sa harapan pa ng mga hindi mananampalataya! Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi na lamang ninyo tanggapin na kayo'y apihin? Bakit hindi na lamang kayo magparaya? Ngunit kayo mismo ang nang-aapi at nandaraya at ito'y sa mga kapatid pa naman ninyo! Hindi ba ninyo alam na ang masasamang tao ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga nakikiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o sa kapwa babae, 10 ang mga magnanakaw, mga sakim, mga lasenggo, mga mapanlait, mga magdaraya ay hindi makababahagi sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo noon. Ngunit hinugasan na kayo; ginawa na kayong banal, at itinuring na matuwid sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at ng Espiritu ng Diyos.

Ang Katawan at ang Pagluwalhati sa Diyos

12 “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay;” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaari kong gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi ako magpapasakop sa kapangyarihan ng anuman. 13 “Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain,” ngunit ang mga ito'y kapwa wawasakin ng Diyos. Subalit ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos ang Panginoon at muli rin niya tayong bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Kaya't kukuha ba ako ng mga bahagi ni Cristo at gagawin kong mga bahagi ng isang bayarang babae? Huwag nawang mangyari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang lalaking nakikisama sa isang bayarang babae ay nagiging kaisang katawan nito? Sapagkat nasasaad, “Ang dalawa ay magiging isang laman.” 17 Ngunit ang taong nakikisama sa Panginoon ay nagiging kaisa ng Panginoon sa espiritu. 18 Layuan ninyo ang pakikiapid. Ang bawat kasalanang nagagawa ng isang tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. 19 O hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu na taglay ninyo mula sa Diyos? At hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, 20 sapagkat mahal ang pagkabili sa inyo. Kaya't luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

Mga Tagubilin tungkol sa Pag-aasawa

Tungkol naman sa mga bagay na isinulat ninyo: “Mabuti para sa isang lalaki na huwag gumalaw ng babae.” Subalit dahil sa laganap na pakikiapid, ang bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sarili niyang asawa, at gayundin ang bawat babae. Dapat ibigay ng lalaki sa kanyang asawa ang karapatan nito bilang asawa, at gayundin ang babae sa kanyang asawa. Sapagkat hindi na ang babae ang nagpapasya tungkol sa kanyang katawan, kundi ang kanyang asawa, at hindi na rin ang lalaki ang nagpapasya tungkol sa kanyang sariling katawan, kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkait ang inyong mga sarili sa isa't isa, malibang may kasunduan kayo sa loob ng maikling panahon upang mailaan ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos nito ay magsiping kayong muli, upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kakulangan ninyo ng pagpipigil sa sarili. Ngunit sinasabi ko ito bilang panukala at hindi bilang utos. Nais ko sanang ang lahat ay maging katulad ko. Subalit ang bawat isa'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba naman ay ganoon.

Ngunit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo: mabuti para sa kanila kung sila'y mananatiling kagaya ko. Ngunit kung sila'y hindi makapagpigil, ay magsipag-asawa sila, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-apoy sa pagnanasa. 10 At sa mga may asawa ay nagtatagubilin ako, hindi ako, kundi ang Panginoon, na huwag hiwalayan ng babae ang kanyang asawa. 11 Ngunit kung siya'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, kung hindi naman ay makipagkasundo siya sa kanyang asawa. At hindi dapat iwan ng lalaki ang kanyang asawa. 12 Ngunit sa iba ay ako mismo ang nagsasabi at hindi ang Panginoon, na kung sinumang kapatid na lalaki ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag itong mamuhay na kasama niya, huwag niya itong hiwalayan. 13 At kung ang babae ay may asawang di-mananampalataya, at pumapayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa. 14 Sapagkat ang lalaking di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa, at ang babaing di-mananampalataya ay nagiging banal dahil sa kanyang asawa. Kung hindi gayon, ang mga anak ninyo ay marurumi, ngunit ngayon sila'y mga banal. 15 Ngunit kung humiwalay ang di-mananampalataya, hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o ang kapatid na babae ay hindi dapat paalipin sa gayong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos tungo sa kapayapaan. 16 Hindi mo ba nalalaman, babae, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa? At hindi mo ba nalalaman, lalaki, na baka ikaw ang magliligtas sa iyong asawa?

Mamuhay ayon sa Pagkatawag ng Diyos

17 Hayaang mamuhay ang bawat isa ayon sa itinakda sa kanya ng Panginoon, at sa kalagayan niya noong tawagin siya ng Diyos. Ganito ang itinatagubilin ko sa lahat ng mga iglesya. 18 Natuli na ba ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Hindi pa ba natuli ang sinuman nang siya'y tawagin? Huwag na siyang magpatuli. 19 Walang kabuluhan ang pagiging tuli o hindi tuli; ang mahalaga ay ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. 20 Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. 21 Isa ka bang alipin nang ikaw ay tawagin? Wala kang dapat alalahanin. Subalit kung magagawa mong maging malaya ay gamitin mo ang pagkakataon. 22 Sapagkat ang tinawag na maging kaisa ng Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, at ang tinawag naman nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. 23 Mahal ang pagkabili sa inyo, kaya huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. 24 Mga kapatid, hayaang manatili ang bawat isa sa kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos.

Sa mga Walang Asawa at mga Balo

25 At tungkol naman sa mga walang asawa[m] ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit nagbibigay ako ng kuru-kuro bilang isang taong mapagkakatiwalaan dahil sa habag ng Panginoon. 26 Sa palagay ko, dahil sa kagipitang kinakaharap ngayon, makabubuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. 27 Nakatali ka ba sa asawang-babae? Huwag mong sikaping makalaya. Nakalaya ka ba mula sa asawa? Huwag kang nang humanap ng asawa. 28 Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga may asawa ay daranas ng kahirapan sa buhay[n] at iniiwas ko lamang kayo sa mga iyon. 29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito. 32 At nais kong mawalan kayo ng mga alalahanin. Ang lalaking walang asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang Panginoon. 33 Ngunit ang lalaking may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa, 34 at nahahati ang kanyang pag-iisip. Ang babaing walang asawa at ang birhen ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng Panginoon, kung paano magiging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nag-aalala tungkol sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang-kasiyahan ang kanyang asawa. 35 Sinasabi ko ito para sa inyong kapakanan, hindi upang paghigpitan kayo, kundi upang magkaroon kayo ng kaayusan at makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal.

36 Ngunit kung iniisip ng sinuman na hindi tama ang kanyang inaasal sa kanyang dalaga[o] na nasa hustong gulang na, hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal—walang masama rito. 37 Subalit sinumang may matibay na paninindigan sa kanyang puso, at hindi nakakaramdam ng pangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling kagustuhan at nagpasya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang dalaga, mabuti ang kanyang ginagawa. 38 Kaya't ang nagpapakasal sa kanyang kasintahan ay gumagawa ng mabuti at ang hindi naman nagpapakasal ay gumagawa ng mas mabuti.

39 Ang asawang babae ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung namayapa na ang kanyang asawa, malaya na siyang mag-asawa sa kanino mang nais niya, basta sa kapwa nasa Panginoon. 40 Ngunit sa aking palagay, mas maligaya siya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. Iniisip ko rin naman na taglay ko ang Espiritu ng Diyos.

Tungkol sa mga Pagkaing Inialay sa Diyus-diyosan

Tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan, alam nating tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapayabang, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay. Sinumang nag-aakala na mayroon siyang alam ay hindi pa niya alam ang dapat niyang malaman. Ngunit sinumang umiibig sa Diyos, ang taong ito ay kinikilala ng Diyos. Kaya't tungkol sa pagkain ng mga inialay sa mga diyus-diyosan, alam natin na walang totoong diyos na inilalarawan ng mga diyus-diyosan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. Sapagkat kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, gaya ng pagkakaroon ng maraming “mga diyos” at maraming “mga panginoon,” ngunit para sa atin ay may iisang Diyos, ang Ama, na siyang pinagmulan ng lahat ng mga bagay, at para sa kanya tayo'y nabubuhay, at may iisang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya, tayo'y nabubuhay.

Subalit hindi lahat ng mga tao ay may ganitong kaalaman. At may ibang nasanay na sa mga diyus-diyosan hanggang ngayon ay kumakain na para bang totoong inialay sa diyus-diyosan ang pagkain, at dahil mahina ang kanilang budhi, inaakala nilang sila'y nadungisan. Ngunit “hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa pagkain.” Walang nawawala sa atin kung hindi tayo kumain, at wala rin naman tayong napapala kung tayo'y kumain. Ngunit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina. 10 Sapagkat kapag may nakakita sa iyo, ikaw na mayroong alam, na nakikisalo ka sa pagkain sa loob ng templo ng diyus-diyosan, hindi kaya ang kanyang mahinang budhi ay mahikayat na kumain ng mga bagay na inialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina; alang-alang sa kapatid na ito ay namatay si Cristo. 12 Sa gayong paraan, dahil sa pagkakasala sa mga kapatid at pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya't kung ang pagkain ay nagtutulak sa aking kapatid upang magkasala, hinding-hindi na ako kakain ng karne kahit kailan, upang hindi ko maitulak sa pagkakasala ang aking kapatid.

Mga Karapatan ng Apostol

Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba bunga kayo ng aking gawain sa Panginoon? Kung sa iba'y hindi ako apostol, ngunit sa inyo nama'y apostol ako, sapagkat kayo ang tatak ng aking pagkaapostol sa Panginoon.

Ito ang aking pagtatanggol sa mga tumutuligsa sa akin. Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? Wala ba kaming karapatang magsama ng asawa sa aming paglalakbay gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Pedro?[p] O kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanap-buhay? Mayroon bang kawal na naglilingkod sa sarili niyang gastos? Mayroon bang nagtatrabaho sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Mayroon bang nag-aalaga ng mga hayop sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng mga iyon? Sinasabi ko ang mga bagay na ito hindi ayon sa pamantayan ng tao. Hindi ba't ito rin ang sinasabi ng Kautusan? Sapagkat (N) nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.” Ang mga baka lang ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? 10 Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa atin? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro nang may pag-asa, at ang gumigiik ay dapat gumiik nang may pag-asa, at sila'y kapwa tatanggap ng bahagi. 11 Kung (O) kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan bang umani kami sa inyo ng mga bagay na materyal? 12 Kung ang iba ay may ganitong karapatan sa inyo, di ba lalong mas may karapatan kami?

Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat, upang hindi kami makapaglagay ng balakid sa ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi (P) ba ninyo nalalaman na ang mga naglilingkod sa mga gawain sa templo ay kumakain ng mga bagay mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay nakikibahagi sa mga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, (Q) itinakda ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng ikabubuhay mula sa ebanghelyo. 15 Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ako sumusulat nito ngayon upang ganito ang gawin sa akin. Sapagkat mas nanaisin ko pang mamatay, kaysa maagaw ng sinuman ang batayan ng aking pagmamalaki! 16 Kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo ay wala akong maipagmamalaki sapagkat ito ay tungkuling iniatang sa akin. Kaysaklap ng sasapitin ko kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung kusang-loob ko itong ginagawa, ako ay may gantimpala. Ngunit kung hindi kusang-loob, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano naman ang gantimpala ko? Iyon ay ang maipangaral ko ang ebanghelyo nang walang bayad, upang hindi ko magamit nang lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo.

19 Bagaman malaya ako, at hindi alipin ng sinuman, nagpaalipin ako sa lahat, upang mas marami akong mahikayat. 20 Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng Kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng Kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng Kautusan, upang mahikayat ko ang mga nasa ilalim ng Kautusan. 21 Sa mga nasa labas ng Kautusan, ako ay naging tulad sa walang Kautusan, ngunit hindi ibig sabihing hindi ako saklaw ng Kautusan ng Diyos, sa halip ako nga'y napapasakop sa Kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng Kautusan. 22 Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng bagay ay nakibagay ako sa lahat ng tao, upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng ilan. 23 Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa ebanghelyo, upang ako'y maging kabahagi sa mga biyaya nito.

24 Hindi ba ninyo nalalaman na tumatakbong lahat ang mga kasali sa isang takbuhan, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa paraang kayo'y magkakamit niyon. 25 Ang mga nakikipagpaligsahan sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang sila ay magkamit ng isang koronang nasisira, ngunit tayo'y para sa hindi nasisira. 26 Kaya't ako'y tumatakbo hindi gaya ng walang patutunguhan; hindi ako sumusuntok na parang sumusuntok sa hangin. 27 Sa halip ay sinusupil ko ang aking katawan, at inaalipin ko ito, baka pagkatapos na mangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi makapasa sa pagsubok.

Babala Laban sa Pagsamba sa Diyus-diyosan

10 Mga (R) kapatid, nais kong malaman ninyo na ang ating mga ninuno ay napasailalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. Silang (S) lahat ay kumain ng parehong pagkaing espirituwal; at (T) lahat ay uminom ng parehong inuming espirituwal. Sapagkat sila'y uminom mula sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. Ngunit (U) hindi nasiyahan ang Diyos sa karamihan sa kanila, at sila'y pinuksa sa ilang. Ang (V) mga bagay na ito'y nagsisilbing halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay katulad nila. Huwag (W) kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, tulad ng iba sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Naupo ang taong-bayan upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” Huwag (X) tayong makiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't sa loob ng isang araw ay may dalawampu't tatlong libo ang namatay.[q] Huwag (Y) nating subukin si Cristo na gaya ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila, kaya't sila'y nilipol ng mga ahas. 10 Huwag (Z) din tayong magreklamo, gaya ng iba na nagreklamo, at sila'y pinuksa ng taga puksa. 11 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at isinulat bilang babala sa atin na inabutan ng katapusan ng mga panahon. 12 Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. 13 Ang bawat tuksong nararanasan ninyo ay pawang karaniwan sa tao. Ngunit mapagkakatiwalaan ang Diyos, at hindi niya hahayaang kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip ng tukso ay magbibigay siya ng paraan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayanan.

14 Kaya, mga minamahal ko, layuan ninyo ang pagsamba sa diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang matitinong tao; kayo na ang humatol sa sinasabi ko. 16 Ang (AA) kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikibahagi sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikibahagi sa katawan ni Cristo? 17 Sapagkat may isang tinapay at tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay. 18 Tingnan (AB) ninyo ang Israel ayon sa laman, hindi ba't ang mga kumakain ng mga alay ay kabahagi sa dambana? 19 Ano nga ang ibig kong sabihin? Na ang alay sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Hindi! (AC) Sa halip, ang mga bagay na iniaalay ng mga pagano ay iniaalay nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at ayaw kong kayo'y maging kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ninyo maaaring inuman ang kopa ng Panginoon at pati ang kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 (AD) Ibubunsod ba natin sa panibugho ang Panginoon? Mas malakas ba tayo kaysa kanya?

Gawin ang Lahat sa Ikaluluwalhati ng Diyos

23 “Maaaring gawin (AE) ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang. “Maaaring gawin ang lahat ng bagay,” ngunit hindi lahat ay makapagpapatibay. 24 Huwag maghangad ang sinuman para sa kanyang sariling kapakanan kundi para sa kapakanan ng iba. 25 Kainin ninyo ang lahat ng ipinagbibili sa pamilihan nang walang pagtatanong dahil sa budhi, 26 sapagkat (AF) “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto.” 27 Kung anyayahan kayo ng isa sa mga hindi sumasampalataya at nais ninyong pumunta, anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo nang walang pagtatanong dahil sa budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Inialay ito bilang handog sa templo,” ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahil sa budhi. 29 Ang tinutukoy ko ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay hahatulan ng budhi ng iba? 30 Kung ako'y nakikisalo nang may pasasalamat sa Diyos, bakit ako'y pipintasan dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? 31 Kaya kung kayo man ay kumakain o umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng gulo para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, 33 katulad ng pagsisikap kong bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa lahat ng bagay, at hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakanan, kundi ang kapakanan ng marami, upang sila'y maligtas.

11 Tularan (AG) ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.

Tungkol sa Pagtatalukbong

Ipinagmamalaki ko kayo, sapagkat sa lahat ng bagay ay naaalala ninyo ako, at nananatili kayong matibay sa mga tradisyon gaya ng ibinigay ko sa inyo. Ngunit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. Ang bawat lalaking nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang may takip ang ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan. Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya nang walang talukbong sa ulo ay naglalagay sa kanyang ulo sa kahihiyan; sapagkat wala siyang ipinag-iba sa babaing inahitan ang ulo. Sapagkat kung ang babae ay hindi nagtatalukbong, magpagupit na lang siya ng kanyang buhok. Ngunit kung kahiya-hiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, dapat siyang magtalukbong. Sapagkat (AH) hindi nararapat sa lalaki ang magtalukbong ng kanyang ulo, sapagkat siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. Sapagkat (AI) ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, at hindi rin nilikha ang lalaki dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. 10 Kaya nga, nararapat na ang babae ay magkaroon sa kanyang ulo ng tanda ng awtoridad, dahil sa mga anghel. 11 Gayunman, sa Panginoon, ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki at ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae. 12 Sapagkat kung paanong ang babae ay nagmula sa lalaki, ang lalaki naman ay isinisilang sa pamamagitan ng babae; ngunit ang lahat ng mga bagay ay mula sa Diyos. 13 Kayo na ang humatol: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? 14 Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kahihiyan para sa isang lalaki ang magkaroon ng mahabang buhok, 15 ngunit karangalan naman para sa babae kung siya'y may mahabang buhok? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya bilang pantalukbong. 16 Ngunit kung nagbabalak ang sinuman na makipagtalo, wala kaming gayong kaugalian, ni ang mga iglesya ng Diyos.

Mga Maling Gawain sa Banal na Hapunan

17 Sa mga sumusunod na tagubilin naman ay hindi ko kayo mapupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti, kundi sa ikasasama pa. 18 Sapagkat una sa lahat, sa pagpupulong ninyo sa iglesya, ay nababalitaan ko na may mga pagkakampi-kampi sa inyo, at parang pinaniniwalaan ko na ito. 19 Sa isang dako, kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagbubukud-bukod upang lubusang makilala kung sino sa inyo ang tunay. 20 Sa pagkakatipon ninyo ay hindi ang hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. 21 Sapagkat sa inyong pagkain, mayroon sa inyong nauunang kumain ng sarili niyang hapunan, kaya may nagugutom, at ang iba nama'y lasing. 22 Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ba ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo mapupuri.

Pagganap ng Hapunan ng Panginoon(AJ)

23 Sapagkat ang tinanggap ko mula sa Panginoon ang siyang itinatagubilin ko sa inyo: na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay kumuha ng tinapay; 24 at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” 25 Sa (AK) gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito, tuwing kayo'y iinom nito, bilang pag-alaala sa akin.” 26 Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopa, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagdating.

Ang Di-Nararapat na Pagganap ng Banal na Hapunan

27 Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat ay mananagot sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Suriin nga ng bawat tao ang kanyang sarili, bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili kung hindi niya kinikilala ang katawan.[r] 30 Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at maysakit, at ang ilan ay yumao na.[s] 31 Ngunit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. 32 At kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, dinidisiplina niya tayo upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. 33 Kaya nga, mga kapatid, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. 34 Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang hindi kayo mahatulan kapag kayo ay nagtitipon. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko.

Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal

12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.

May (AL) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.

Iisang Katawan, Maraming Bahagi

12 Sapagkat (AM) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.

27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (AN) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.

At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.

Ang Pag-ibig

13 Kung makapagsalita man ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, wala naman akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. Kung mayroon man akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at taglayin ko man ang lahat ng pananampalataya upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. Kahit ipamigay ko pa ang lahat ng aking ari-arian, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin,[t] ngunit wala naman akong pag-ibig, wala itong pakinabang sa akin.

Ang pag-ibig ay matiyaga at mabait; hindi mapanibughuin, hindi mapagmalaki o mayabang; hindi magaspang ang asal; hindi nag-iisip para sa sariling kapakanan, hindi mayayamutin, hindi nagbibilang ng kamalian. Hindi ito nagagalak sa kasamaan, kundi nakikigalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay nagtitiis sa lahat, nagtitiwala sa lahat, may pag-asa sa lahat at may tiyaga sa lahat.

Ang pag-ibig ay walang katapusan. Ngunit maging ang mga propesiya ay matatapos; maging ang iba't ibang wika ay titigil; maging ang kaalaman ay lilipas. Sapagkat bahagi lamang ang ating nalalaman at bahagi lamang ang ipinahahayag nating propesiya; 10 ngunit kapag ang lubusan ay dumating na, lilipas na ang bahagi lamang. 11 Nang ako'y bata pa, nagsasalita ako tulad ng isang bata, nag-iisip ako tulad ng isang bata, nangangatwiran ako tulad ng isang bata. Nang sumapit na ako sa hustong gulang ay tinalikuran ko na ang mga bagay ng pagkabata. 12 Sapagkat malabo pa ang ating nakikita sa salamin, ngunit pagkatapos nito ay makakakita tayo nang mukhaan. Ang nalalaman ko ngayon ay bahagi lamang, ngunit pagkatapos ay lubos akong makauunawa kung paanong ako ay lubos na nauunawaan. 13 Samantala, nananatili ang tatlong ito: pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.

Propesiya at Pagsasalita ng Iba't ibang Wika

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at naisin ninyong magkaroon ng mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpahayag ng propesiya. Sapagkat ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa taong iyon, yamang sa Espiritu ay nagsasalita siya ng mga hiwaga. Ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay sa mga tao nagsasalita upang sila'y maging matatag, masigla at mabigyang-kaaliwan. Ang nagsasalita sa ibang wika ay nagpapatibay lamang ng sarili, ngunit ang nagpapahayag ng propesiya ay nagpapatibay ng iglesya. Nais ko rin naman sanang kayong lahat ay magsalita sa iba't ibang wika, ngunit mas nais ko na kayo ay magpahayag ng propesiya. Ang nagpapahayag ng propesiya ay higit kaysa nagsasalita ng iba't ibang wika, malibang may nagpapaliwanag nito upang mapatatag ang iglesya.

Subalit ngayon, mga kapatid, kung dumating ako sa inyo at nagsasalita sa iba't ibang wika, ano'ng pakinabang ninyo sa akin? Wala nga, malibang ako'y may dalang pahayag, o kaalaman, propesiya, o isang aral. Maging ang mga instrumentong walang buhay katulad ng plauta o alpa, kung hindi magbigay ng malinaw na tunog, di ba't hindi malalaman ng sinuman kung ano ang tinutugtog? Sapagkat kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda para sa digmaan? Gayundin naman sa inyo. Kung sa pagsasalita ninyo sa isang wika ay gumagamit kayo ng mga salitang hindi nauunawaan, paano malalaman ng mga tao ang ibig ninyong sabihin? Kung gayon, sa hangin lamang kayo magsasalita. 10 Sadyang napakaraming uri ng mga wika sa daigdig, at lahat ng mga ito ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wikang ginagamit, ako ay magiging banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging banyaga sa akin. 12 Gayundin naman sa inyo. Yamang nagnanais kayong magkaroon ng mga espirituwal na kaloob, maging masagana sana kayo sa mga kaloob na makapagpapatatag sa iglesya. 13 Kaya't ang nakapagsasalita sa ibang wika ay dapat manalangin na magkaroon din siya ng kakayahang makapagpaliwanag. 14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa ibang wika, nananalangin ang aking espiritu, ngunit wala namang ibinabahagi ang aking pag-iisip. 15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at mananalangin din ako sa aking pag-iisip. Aawit ako sa espiritu, at aawit din ako sa aking pag-iisip. 16 Kung hindi gayon, kapag nagpupuri ka sa pamamagitan ng espiritu, paano makapagsasabi ng “Amen” sa iyong pagpapasalamat ang isang taong walang kaalaman, kung hindi naman niya nauunawaan ang sinasabi mo? 17 Maaaring ikaw ay lubos na nakapagpapasalamat, ngunit ang iba naman ay hindi napapalakas. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagsasalita ako sa mga wika nang higit kaysa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang bumigkas ng limang salita na nauunawaan, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip na parang mga bata. Tungkol sa kasamaan ay maging musmos kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging tulad kayo ng mga taong nasa hustong gulang. 21 Sa (AO) Kautusan ay nasusulat,

“Sa pamamagitan ng mga taong may kakaibang wika,
    at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga
ay magsasalita ako sa bayang ito,
    subalit hindi nila ako pakikinggan,”

sabi ng Panginoon. 22 Kaya nga, ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay tanda hindi para sa mga sumasampalataya kundi sa mga hindi sumasampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng propesiya ay hindi para sa mga hindi sumasampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. 23 Kaya't kung nagkakatipon ang buong iglesya at ang lahat ay nagsasalita sa iba't ibang wika, at pumasok ang mga walang kaalaman o mga di-nanampalataya, hindi kaya nila sabihing kayo'y nababaliw? 24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at may pumasok na di-mananampalataya, o isang walang kaalaman, siya ay mahihikayat ng lahat na siya'y isang makasalanan. Siya ay pananagutin ng lahat, 25 yamang nailantad ang mga lihim ng kanyang puso, at ang taong iyon ay yuyukod,[u] at kanyang sasambahin ang Diyos, at siya'y magpapahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”

Kaayusan sa Pagsamba

26 Kaya ano'ng ibig kong sabihin, mga kapatid? Sa inyong pagkakatipon, bawat isa ay may awit, may aral, may pahayag, may wika, o kaya'y may pagpapaliwanag. Dapat isagawa ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay ng iglesya. 27 Kung mayroong nagsasalita ng ibang wika, dapat ay dalawa o pinakamarami na ang tatlo, at isa-isa silang magsasalita. Kailangang may magpaliwanag ng mga sinabi. 28 Ngunit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik na lamang sa iglesya ang tagapagsalita at makipag-usap sa kanyang sarili, at sa Diyos. 29 Hayaang magpahayag ng propesiya ang dalawa o tatlong tao, habang inuunawa naman ng iba ang ipinapahayag. 30 Kung may dumating na pahayag sa isang nakaupo, dapat munang tumahimik ang nauna. 31 Sapagkat kayong lahat ay maaaring magpahayag ng propesiya, nang sunud-sunod, upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla. 32 Ang mga espiritu ng mga propeta ay nasa pamamahala ng mga propeta, 33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.

Gaya sa lahat ng mga kapulungan ng mga banal, 34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita, sa halip ay magpasakop, alinsunod sa sinasabi ng Kautusan. 35 Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kani-kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat hindi naaangkop para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. 36 Sa inyo ba nanggaling ang salita ng Diyos? O dumating lamang ito sa inyo?

37 Kung inaakala ng sinuman na siya'y isang propeta, o may kaloob na espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang mga isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. 38 Ang hindi kumilala nito ay hindi rin dapat kilalanin. 39 Kaya, mga kapatid, naisin ninyong mabuti ang makapagpahayag ng propesiya, ngunit huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Gayunma'y dapat isagawa ang lahat ng mga bagay sa karapat-dapat at maayos na paraan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.