Bible in 90 Days
26 Sapagkat kayong lahat ay anak ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Nang kayo'y mabautismuhan kay Cristo, mismong siya ay parang damit na isinuot sa inyo. 28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at Griyego, ang alipin at malaya, ang lalaki at babae; kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 29 At (A) kung kayo'y nakipag-isa kay Cristo, kayo'y kabilang na sa lahi ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos.
4 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana ay wala siyang pagkakaiba sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. 2 Sa halip ay nasa ilalim siya ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang dumating ang panahong itinakda ng kanyang ama. 3 Ganoon din tayo. Noong tayo'y mga bata pa, inalipin din tayo ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. 4 Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan, 5 upang (B) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayo'y matanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos. 6 Sapagkat kayo ngayon ay mga anak na ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak, ang Espiritung sumisigaw sa ating[a] mga puso, “Ama,[b] aking Ama!” 7 Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. At dahil ikaw ay anak, ikaw ay ginawa na ring tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos. 9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik na naman sa mahihina at hamak na mga espiritung iyan? Bakit ibig ninyong muling maalipin ng mga iyon? 10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon! 11 Nangangamba akong ang mga pagpapagal ko para sa inyo'y mawalan ng kabuluhan.
12 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, gayahin ninyo ako, sapagkat ako nama'y gaya rin ninyo noon. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong kaya ako nakapangaral ng ebanghelyo sa inyo ay dahil nagkaroon ako ng karamdaman. 14 At kahit na ako'y naging malaking pasanin sa inyo dahil sa aking karamdaman, hindi pa rin ninyo ako hinamak o tinanggihan. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ang kagalakang iyon ngayon?[c] Ano na ang nangyari? Ako mismo ang makapagpapatotoo na kung maaari lang ay dudukutin ninyo noon ang inyong mga mata maibigay lang ito sa akin. 16 Naging kaaway ba ninyo ako ngayon dahil sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 17 Masigasig ang mga taong iyan upang mahikayat kayo, subalit hindi mabuti ang kanilang layunin. Ang naisin nila ay ang ilayo kayo sa akin, upang kayo'y sa kanila maging masigasig. 18 Mabuti naman ang maging laging masigasig, basta para sa mabuting layunin. Gawin ninyo lagi ito at hindi lamang kapag kaharap ninyo ako! 19 Minamahal kong mga anak! Para sa inyo'y muli akong dumaranas ng hirap gaya ng isang babaing nanganganak, hanggang hindi nabubuo sa inyo ang pagkatao ni Cristo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ko ang tono ng aking pagsasalita. Labis akong nag-aalala para sa inyo!
Paghahambing kina Hagar at Sarah
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais pailalim sa Kautusan: hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sapagkat (C) nasusulat doon na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, isa sa aliping babae, at isa sa babaing malaya. 23 Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan,[d] ngunit ang anak niya sa babaing malaya ay isinilang bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing: Ang mga babaing ito'y larawan ng dalawang tipan. Ang isa ay ang tipan na nagmula sa bundok ng Sinai na inilalarawan ni Hagar na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin. 25 Ngayon, si Hagar ay kumakatawan sa bundok ng Sinai sa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Sapagkat (D) nasusulat,
“Magalak ka, O babaing baog, ikaw na hindi magkaanak;
umawit ka at humiyaw sa galak, ikaw na ang sakit sa panganganak ay hindi man lang dinanas;
sapagkat ang mga babaing pinabayaan ay higit na marami ang supling
kaysa supling ng mga babaing may asawang kapiling.”
28 At tulad ni Isaac, kayo, mga kapatid, ay mga anak ayon sa pangako. 29 Kung paanong inusig noon (E) ng ipinanganak sa karaniwang paraan ang ipinanganak ayon sa Espiritu, ganoon din naman ngayon. 30 Subalit (F) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamanang magkasama ang anak ng babaing alipin at ang anak ng babaing malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga supling ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.
2 Pakinggan ninyo ito! Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kung kayo'y patutuli, mawawalan ng kabuluhan sa inyo si Cristo. 3 Narito muli ang aking babala: bawat taong nagpatuli ay kailangang tumupad sa buong kautusan. 4 Kayong mga nagnanais na ituring na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, napalayo na kayo kay Cristo at nawalay mula sa kanyang biyaya. 5 Subalit kami ay taimtim na umaasang ituturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maayos na sana ang pagtakbong ginagawa ninyo noon. Sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo! 9 Ang (G) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. 10 Nagtitiwala ako sa Panginoon na walang tututol sa akin tungkol sa mga bagay na ito. At sinumang nanggugulo sa inyo ay tiyak kong parurusahan ng Diyos. 11 Tungkol naman sa akin, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? At kung nangangaral ako na kailangan pa ang pagtutuli, mawawala na ang katitisuran ng krus. 12 At sila na mga nanggugulo sa inyo ay hindi lamang dapat magpatuli kundi tuluyan nang magpaputol.
13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (H) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Ang mga Gawa ng Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (I) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. 25 Yamang binigyan na tayo ng Espiritu ng bagong-buhay, lumakad tayo ayon sa kanyang patnubay. 26 Huwag na tayong maging palalò, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.
Ang Pagtutulungan
6 Mga kapatid, kung mayroon sa inyong mahulog sa pagkakasala, kayong mga espirituwal ang dapat na mahinahong magtuwid sa kanya. At mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng isa't isa, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung inaakala ng sinuman na siya'y mahalaga gayong wala naman siyang kabuluhan, dinadaya niya ang kanyang sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa. Sa gayon, masisiyahan siya kung mabuti ang kanyang ginagawa nang hindi ihinahambing ang sarili sa iba. 5 Sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling pasanin. 6 Ang lahat ng pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ay dapat nilang ibahagi sa mga nagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos. 7 Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi maaaring hamakin, sapagkat kung ano ang itinanim ng tao ay siya rin niyang aanihin. 8 Sapagkat ang nagtatanim ng mga bagay upang bigyang kasiyahan ang masasamang pagnanasa ng laman ay mag-aani ng kapahamakan. Subalit ang nagtatanim upang bigyan ng kasiyahan ang Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo panghihinaan ng loob. 10 Kaya't habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.
Babala at Basbas
11 Pansinin ninyo kung gaano kalalaki ang mga titik ng sulat-kamay ko! Ako mismo ang sumulat nito! 12 Ang mga taong naghahangad na gumawa ng panlabas na kapurihan ang mga namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila ito upang huwag na silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Ngunit kahit sila na mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad sa Kautusan. Gayunma'y nais nilang magpatuli kayo upang maipagmalaki nila ang pagpapatuli ninyo. 14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki. Ang tanging ipinagmamalaki ko ay ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibutan ay patay na sa akin, at ako'y patay na sa sanlibutan. 15 Sapagkat[e] hindi na mahalaga ang pagtutuli o ang di-pagtutuli, kundi ang pagiging bagong nilalang. 16 Kapayapaan at kahabagan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.
17 Bilang pagwawakas, huwag na akong guluhin pa ng sinuman; sapagkat ang mga pilat na taglay ko sa aking katawan ay patunay na ako'y alagad ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Pagbati
1 Mula kay (J) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, para sa mga banal na nasa Efeso,[f] at mga tapat kay Cristo Jesus: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan. 4 Bago pa itinatag ang sanlibutan, pinili na niya tayo kay Cristo upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Dahil sa pag-ibig, 5 itinakda niya noong una pa man ang pagkupkop sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa mabuting hangarin ng kanyang kalooban. 6 Ito'y upang papurihan siya dahil sa kanyang kahanga-hangang biyaya, na walang bayad niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak. 7 Sa (K) kanya'y nakamtan natin ang katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, 8 na masagana niyang ipinagkaloob sa atin. Sa buong karunungan at pagkaunawa, 9 ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo. 10 Ang layuning ito, na kanyang tutuparin pagdating ng takdang panahon, ay upang tipunin kay Cristo ang lahat ng mga bagay na nasa kalangitan at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa. 11 Kay Cristo ay tumanggap din tayo ng pamana, na itinakda na noong una pa man ayon sa layunin niya na nagsasakatuparan ng lahat ng mga bagay ayon sa hangarin ng kanyang kalooban; 12 upang tayo, na unang nagkaroon ng pag-asa kay Cristo, ay maging karangalan ng kanyang kaluwalhatian. 13 Ito ay nangyari, nang inyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at nang kayo'y sumampalataya kay Jesus, at kayo rin naman ay tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu. 14 Ibinigay ito bilang katibayan ng ating mamanahin, hanggang sa lubusang matubos ng Diyos ang mga sa kanya, para sa karangalan ng kanyang kaluwalhatian.
Panalangin ni Pablo
15 Dahil dito, nang mabalitaan ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko para sa inyo, at inaalala kayo sa aking mga panalangin. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na bigyan kayo ng Espiritu ng karunungan at ng pahayag upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nang sa gayon ay maliwanagan ang inyong puso,[g] upang maunawaan ninyo ang pag-asa ng kanyang pagtawag sa inyo, ang kayamanan ng kanyang maluwalhating pamana sa mga banal, 19 at ang walang kapantay na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan para sa ating mga sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kanyang makapangyarihang lakas. 20 Isinagawa (L) niya ito kay Cristo, nang siya'y kanyang muling buhayin mula sa kamatayan, at iluklok sa kanyang kanan sa kalangitan, 21 na mas mataas kaysa lahat ng mga pamunuan, mga awtoridad, kapangyarihan, at pamamahala, at mas dakila sa bawat pangalan na maaaring ibigay kaninuman, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating. 22 (M) At ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat para sa iglesya. 23 (N) Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuspos ng lahat sa lahat.
Mula Kamatayan Tungo sa Buhay
2 Kayo (O) noon ay mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at mga pagkakasala. 2 Namuhay[h] kayo noon ayon sa takbo ng sanlibutang ito at sumunod sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ang espiritung kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayong lahat ay kasama nila noon na namuhay sa mga pagnanasa ng laman at pinagbibigyan natin ang mga hilig ng laman at ng pag-iisip. Tayo noon ayon sa kalikasan ay katulad ng iba na kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos. 4 Ngunit ang Diyos, na mayaman sa awa, dahil sa kanyang dakilang pag-ibig sa atin, 5 kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating mga pagsuway, ay binuhay niyang kasama ni Cristo. Dahil sa biyaya tayo'y iniligtas. 6 At dahil kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya, at iniluklok na kasama niya sa kalangitan, 7 upang sa mga panahong darating ay kanyang maipakita ang walang kapantay na kayamanan ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng kanyang kabutihan sa atin na matatagpuan kay Cristo Jesus. 8 Dahil sa biyaya kayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; ito'y kaloob ng Diyos, 9 hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang walang sinumang makapagmalaki. 10 Sapagkat tayo ang kanyang gawa, na nilikha kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos noong una pa man upang ating ipamuhay.
Iisa kay Cristo
11 Kaya nga, alalahanin ninyong noon kayo ay mga Hentil nang kayo'y ipinanganak.[i] Tinatawag kayong “di-tuli” ng mga tinatawag na “tuli”. Ang pagtutuli sa laman ay ginagawa ng mga kamay ng tao. 12 Nang panahong iyon, kayo'y hiwalay kay Cristo, hindi kabilang sa sambayanang Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, at sa mundo ay walang pag-asa at hiwalay sa Diyos. 13 Subalit ngayon kayo ay nakay Cristo Jesus; kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan; sa pamamagitan ng kanyang laman, ang dalawa ay kanyang pinag-isa at giniba ang pader ng alitan na naghihiwalay sa pagitan natin. 15 Kanyang (P) pinawalang-bisa ang kautusang may mga batas at tuntunin upang mula sa dalawa ay lumikha siya sa kanyang sarili ng isang bagong katauhan. Sa ganitong paraan ay nakakamit ang kapayapaan, 16 at (Q) upang ipagkasundo sila sa Diyos sa isang katawan sa pamamagitan ng krus. Sa pamamagitan nito'y tinapos na ang alitan. 17 Dumating (R) nga si Cristo at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong mga nasa malayo, at kapayapaan din sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan niya, tayo'y kapwa makalalapit sa Ama sa pamamagitan ng isang Espiritu. 19 Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at mga banyaga, kundi kayo'y kabilang sa sambayanan ng mga banal at mga kaanib sa sambahayan ng Diyos. 20 Tulad sa gusali, kayo'y itinayo na ang saligan ay ang mga apostol at ang mga propeta, at ang batong-panulukan ay mismong si Cristo Jesus. 21 Dahil sa kanya, ang lahat ng mga bahagi ng gusaling nakalapat nang mabuti ay lumalaki upang maging isang banal na templo sa Panginoon. 22 At sa kanya, kayo rin naman ay sama-samang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.
Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo dahil kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. 2 Yamang nabalitaan ninyo na ipinagkatiwala sa akin ang biyaya ng Diyos para sa inyo, 3 at gaya ng nabanggit ko sa aking maikling liham, ay ipinaalam sa akin ang hiwaga sa pamamagitan ng pahayag. 4 Sa inyong (S) pagbasa nito ay mababatid ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. 5 Hindi ito ipinaalam sa sangkatauhan noong mga nakaraang salinlahi, ngunit ngayon ay ipinahayag sa pamamagitan ng Espiritu sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. 6 Ito ang hiwaga: na ang mga Hentil ay magiging kapwa tagapagmana, mga kaanib ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangakong nakay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 7 Para dito, ako'y naging isang lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin ayon sa pagkilos ng kanyang kapangyarihan. 8 Bagaman ako ang pinakahamak kung ihahambing sa lahat ng mga banal, ibinigay sa akin ang biyayang ito upang ipahayag sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa walang kapantay na kayamanan ni Cristo; 9 at upang malinaw na makita ng lahat ng tao ang pagtupad bilang katiwala ng hiwagang ito, na sa napakatagal na panahon ay inilihim ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat ng bagay. 10 Sapagkat layunin niya na sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pamunuan at mga maykapangyarihan sa kalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos, 11 alinsunod sa walang hanggang panukala ng Diyos na kanyang isinagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Dahil sa kanya, may lakas ng loob at pagtitiwala tayong makalalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya't huwag sana kayong manlupaypay dahil sa mga pagdurusa ko alang-alang sa inyo; ito'y para sa inyong kaluwalhatian.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Kaya't nakaluhod akong nananalangin sa Ama,[j] 15 na siyang pinagmumulan ng pangalan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. 16 Dalangin ko ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian na pagkalooban kayo ng kapangyarihan upang lumakas ang inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, 17 at upang manirahan sa inyong mga puso si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, habang kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. 18 Dalangin ko na makaya ninyong arukin, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, 19 at lubos na maunawaan ang pag-ibig ni Cristo, nang higit sa kayang abutin ng kaalaman, upang kayo'y mapuno ng lubos na kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon, sa kanya na may kapangyarihang gumawa ng higit pa at lalong sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang kumikilos sa atin, 21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo
4 Kaya't ako na isang bilanggo dahil sa Panginoon ay nakikiusap sa inyo na kayo'y mamuhay nang naaayon sa pagkatawag din sa inyo. 2 Taglayin ninyo ang (T) lubos na pagpapakumbaba at kaamuan, may pagtitiyaga, at pagpaparaya sa isa't isa sa pamamagitan ng pag-ibig. 3 Gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. 4 May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, 5 isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, 6 isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang dakila kaysa lahat, at siyang kumikilos sa lahat, at nasa lahat. 7 Ang bawat isa sa atin ay binigyan ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. 8 Kaya't (U) nasusulat,
“Nang umakyat siya sa itaas ay dala niya ang maraming bihag,
at namahagi siya ng mga kaloob sa mga tao.”
9 Sa pagsasabing, “Umakyat siya,” di ba't ipinahihiwatig nito na siya'y bumaba rin sa mas mababang dako ng lupa? 10 Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kataas-taasang dako ng kalangitan upang mapuspos niya ang lahat ng bagay. 11 At siya ang nagbigay sa iba ng kaloob na maging apostol, sa iba'y maging propeta, sa iba'y ebanghelista, at sa iba'y pastor at guro. 12 Ito'y upang ihanda ang mga banal para sa gawain ng paglilingkod, tungo sa ikatatatag ng katawan ni Cristo, 13 hanggang marating natin lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang lubos na pagkakilala sa Anak ng Diyos, tungo sa pagiging ganap na tao, hanggang taglayin ang lubos na kabuuan ni Cristo. 14 Sa gayon ay hindi tayo mananatiling mga bata, na tinatangay ng mga alon at dinadala ng kung anu-anong hangin ng aral, sa pamamagitan ng daya at katusuhan ng mga tao sa kanilang mapanlinlang na paraan. 15 Sa halip, sa pagsasabi ng katotohanan na may pag-ibig, dapat tayong lumago sa lahat ng bagay sa kanya, na siyang ulo, walang iba kundi si Cristo. 16 Sa (V) kanya, ang lahat ng mga bahagi ng katawan ay nagkakalapat at pinagbubuklod sa pamamagitan ng pagtulong ng bawat litid. Ang pagganap ng gawain ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan at nagpapalakas ng sarili sa pamamagitan ng pag-ibig.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. 18 Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sila'y nawalan ng kahihiyan at nalulong sa kahalayan, at nawalan ng kabusugan sa paggawa ng sari-saring karumihan. 20 Ngunit hindi ninyo nakilala si Cristo sa ganoong paraan! 21 Kung talagang siya'y inyong narinig at kayo'y naturuan tungkol sa kanya, kung paanong nakay Jesus ang katotohanan, 22 nang (W) hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, ang dating uri ng pamumuhay na pinasasama ng mapanlinlang na pagnanasa. 23 Baguhin na ninyo ang diwa ng inyong pag-iisip, 24 at (X) ibihis ninyo ang bagong pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos, sa tunay na katuwiran at kabanalan.
25 Kaya't (Y) tigilan na ang pagsisinungaling! Bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. 26 Kapag nagagalit kayo (Z) huwag kayong magkakasala. Huwag ninyong hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, 27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay tumigil na sa pagnanakaw, sa halip ay magtrabaho siya at gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, upang mayroon siyang maibigay sa nangangailangan. 29 Hindi dapat mamutawi sa inyong bibig ang anumang masamang pananalita, kundi ang mabuting bagay lamang na makapagpapatibay, upang ito ay makatulong sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong palungkutin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya'y tinatakan kayo para sa araw ng pagtubos. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng kapaitan, poot, pagkamuhi, pag-aaway, panlalait, pati ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging (AA) mabait at mahabagin kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo sa isa't isa, kung paanong kay Cristo ay pinatawad kayo ng Diyos.
Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. 2 (AB) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos. 3 Tulad ng nararapat sa mga banal, hindi dapat mabanggit man lamang tungkol sa inyo ang pakikiapid at anumang uri ng karumihan, o kasakiman. 4 Hindi rin dapat magkaroon sa inyo ng kalaswaan, ni hangal na usapan, o magagaspang na birong wala sa lugar, sa halip ay ang pagpapasalamat. 5 Sapagkat alam na alam ninyo ito na walang mapakiapid, o taong marumi ang pamumuhay, o sakim, na isang uri ng taong sumasamba sa mga diyus-diyosan, ang tatanggap ng pamana sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. 6 Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga walang kabuluhang salita, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga suwail na anak. 7 Kaya't huwag kayong makikibahagi sa kanila. 8 Sapagkat kayo noon ay kadiliman, ngunit ngayon sa Panginoon kayo ay liwanag. Mamuhay kayo bilang mga anak ng liwanag.— 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay matatagpuan sa mga bagay na mabuti, matuwid at totoo. 10 Alamin ninyo kung ano ang kaaya-aya sa Panginoon. 11 At huwag kayong makibahagi sa mga walang kapakinabangang gawa ng kadiliman, sa halip ay ilantad ninyo ang mga ito. 12 Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga patagong ginagawa ng mga taong ito. 13 Lahat ng mga bagay na inilantad ng liwanag ay makikita. 14 Sapagkat anumang bagay na nakikita ay nagiging liwanag. Kaya nga't sinasabi,
“Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa mga patay,
at si Cristo ay magliliwanag sa iyo.”
15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (AC) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama. 17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, sa halip ay unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na sanhi ng kahalayan, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap-usap kayo (AD) sa pamamagitan ng mga awit, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal; mag-awitan kayo at mag-alay ng himig mula sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, lagi kayong magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Diyos na ating Ama.
Ang Relasyong Mag-asawa
21 Magpasakop kayo sa isa't isa bilang bunga ng inyong paggalang kay Cristo. 22 Mga (AE) asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong mga asawa, tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, kung paanong si Cristo ang ulo ng iglesya, at siya mismo ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngayon, kung paanong nagpapasakop kay Cristo ang iglesya, gayundin ang mga asawang babae ay dapat pasakop sa lahat ng bagay sa kani-kanilang asawa. 25 Mga (AF) asawang lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong mga asawa, kung paanong inibig ni Cristo ang iglesya at inialay ang kanyang sarili para dito, 26 upang pakabanalin niya ito, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig na may kalakip na salita, 27 upang maiharap niya sa kanyang sarili ang iglesya na maluwalhati, walang dungis o kulubot o anumang tulad nito, sa halip ang iglesya ay maging banal at walang kapintasan. 28 Sa gayunding paraan, dapat ibigin ng asawang lalaki ang kanyang sariling asawa tulad ng sarili niyang katawan. Ang umiibig sa sarili niyang asawa ay umiibig sa kanyang sarili. 29 Sapagkat walang sinumang namuhi sa sarili niyang katawan, sa halip ay inaaruga niya ito at iniingatan, gaya ng ginagawa ni Cristo sa iglesya; 30 sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan. 31 Dahil (AG) dito ay iiwan ng isang tao ang kanyang ama at ina, at pipisan siya sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. 32 Napakalalim ng hiwagang ito, ngunit ang sinasabi ko ay tungkol kay Cristo at sa iglesya. 33 Gayunman, dapat ibigin ng bawat lalaki sa inyo ang sarili niyang asawa gaya ng kanyang sarili, at dapat igalang ng babae ang kanyang asawa.
Tungkol sa mga Anak at mga Magulang
6 Kayong mga (AH) anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sang-ayon sa Panginoon, sapagkat ito ay nararapat. 2 “Igalang (AI) mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako, 3 “upang lumigaya ka at humaba ang iyong buhay sa ibabaw ng lupa.” 4 Kayong (AJ) mga ama, huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak, sa halip ay palakihin ninyo sila sa disiplina at pangaral ng Panginoon.
Mga Alipin at mga Panginoon
5 Kayong mga (AK) alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon dito sa lupa nang may buong paggalang na taglay ang katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo. 6 Sundin ninyo sila hindi lamang kapag nakatingin sila sa inyo bilang pakitang-tao lang, kundi bilang mga alipin ni Cristo. Buong puso ninyong gawin ang kalooban ng Diyos. 7 Maglingkod kayo nang may mabuting hangarin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao, 8 sapagkat alam naman ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang sinumang gumagawa ng mabuti, alipin man siya o malaya. 9 Kayong (AL) mga panginoon, gayundin ang gawin ninyo sa inyong mga alipin. Huwag na kayong magbabanta, yamang nalalaman ninyo na sila at kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at pantay-pantay ang pagtingin niya sa mga tao.
Ang Pakikidigma Laban sa Masama
10 Sa kahuli-hulihan, maging matibay kayo sa tulong ng Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang katatagan. 11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat ang pakikipaglaban natin ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga makasanlibutang hukbo ng kadilimang ito, laban sa mga espirituwal na puwersa ng kasamaan na nasa kaitaasan. 13 Kaya't isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa pakikipaglaban pagdating ng araw ng kasamaan, at kung magawa na ninyo ang lahat ay makapanindigan kayong matatag. 14 Kaya't (AM) manindigan kayo; gawin ninyong sinturon sa inyong mga baywang ang katotohanan, habang suot sa dibdib bilang pananggalang ang katuwiran. 15 (AN) Isuot ninyo sa inyong mga paa ang kahandaan upang dalhin ang ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Bukod sa mga ito, gamitin ninyo ang pananampalataya bilang kalasag, na sa pamamagitan nito ay mapapatay ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Gamitin ninyo ang (AO) helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang salita ng Diyos. 18 Palagi kayong manalangin ng lahat ng uri ng panalangin at paghiling sa pamamagitan ng Espiritu, at sa bagay na ito'y maging mapagbantay kayo at patuloy na magsumamo para sa lahat ng mga banal. 19 Ipanalangin din ninyo na sa pagbuka ng aking bibig ay pagkalooban ako ng sasabihin, upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyong ito, ako'y isang nakagapos na sugo. Ipanalangin nga ninyo na makapagpahayag ako nang may katapangan gaya ng nararapat kong gawin.
Pangwakas na Pagbati
21 At (AP) (AQ) upang malaman din ninyo ang aking kalagayan at ang tungkol sa aking gawain, ang lahat ng ito'y sasabihin sa inyo ni Tiquico, na aking minamahal na kapatid at tapat na naglilingkod sa Panginoon. 22 Sa layuning ito ay isinusugo ko siya sa inyo, upang malaman ninyo ang kalagayan namin, at upang mapalakas niya ang inyong mga puso.
23 Pagkalooban nawa ng kapayapaan ang mga kapatid, at ng pag-ibig na may pananampalatayang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Ipagkaloob nawa ang biyaya sa lahat ng mga umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo.
1 Mula kina (AR) Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, para sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at ang mga tagapaglingkod:[k] 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos
3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, lagi akong nananalanging may kagalakan, 5 dahil sa inyong pakikibahagi upang maipalaganap ang ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. 6 Lubos ang aking pagtitiwala na ang Diyos na nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ang tatapos nito hanggang sa araw ni Cristo Jesus. 7 Tama lamang na ganoon ang isipin ko tungkol sa inyong lahat, dahil kayo'y nasa aking puso.[l] Ang dahilan nito'y kayong lahat ay aking mga katuwang sa biyaya ng Diyos maging sa aking pagkakabilanggo, sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. 8 Sapagkat saksi ko ang Diyos, kalakip ang pagmamahal ni Cristo Jesus kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat. 9 Idinadalangin ko na lalo pang sumagana ang inyong pag-ibig kalakip ang kaalaman at malalim na pang-unawa; 10 upang matiyak ninyo kung alin ang pinakamahalagang bagay. Sa gayon, kayo'y maging dalisay at sa inyo'y walang maisusumbat pagsapit ng araw ni Cristo, 11 yamang kayo'y napuno ng bunga ng katuwiran sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, tungo sa kaluwalhatian at karangalan ng Diyos.
Ang Mithiin ni Pablo
12 Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbigay-daan sa paglaganap ng ebanghelyo, 13 anupa't (AS) naging malinaw sa lahat ng mga bantay ng pamahalaang Romano at sa iba pang tao na ang aking pagkabilanggo ay dahil kay Cristo. 14 Kaya karamihan sa mga kapatid sa Panginoon ay nagkaroon ng lakas ng loob na ipahayag nang buong tapang at walang takot ang salita ng Diyos dahil sa aking pagkabilanggo.
15 Totoo nga na ipinangangaral ng iba si Cristo sapagkat sila'y naiinggit at nais lamang makipagpaligsahan, samantalang ang iba naman ay dahil sa mabuting hangarin. 16 Ang mga ito'y nangangaral dahil sa pag-ibig sapagkat alam nila na ako'y itinalaga para ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ipinangangaral naman ng iba si Cristo dahil sa mga pansariling layunin; wala silang katapatan, at ang hangarin ay lalo pa akong pahirapan sa aking pagkakabilanggo. 18 Ano naman ito sa akin? Ang mahalaga ay naipapahayag si Cristo kahit sa anong paraan, pakunwari man o tunay ang layunin. Dahil dito'y nagagalak ako at ako'y patuloy na magagalak, 19 sapagkat alam kong ang pangyayaring ito ay para sa aking kaligtasan, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Gaya ng aking pinakahihintay at inaasahan, hindi ako mapapahiya sa anumang kadahilanan, kundi sa pagkakaroon ko ng buong katapangan, si Cristo ay dadakilain ngayon, tulad ng dati, sa aking katawan, sa pamamagitan man ng buhay o ng kamatayan. 21 Sapagkat para sa akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. 22 Kung ako man ay mabubuhay sa katawan, ito'y mangangahulugan na mas maraming bagay pa ang ibubunga ng aking gawain. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. 23 Ako'y naiipit sa dalawang ito: Nais ko nang lumisan at makapiling si Cristo, sapagkat ito'y lalong mabuti. 24 Subalit ang manatili sa katawan ay higit na kailangan para sa inyong kapakanan. 25 At sa paniniwalang ito, alam kong mananatili pa ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong pag-unlad at kagalakan sa pananampalataya. 26 Sa muli kong pagpunta sa inyo ay masagana akong magiging bahagi ng inyong pagmamalaki na nakay Cristo Jesus.
27 Mamuhay lamang kayo sa paraang karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Sa gayon dumating man ako at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang inyong kalagayan, malalaman kong kayo'y matatag na naninindigan sa iisang espiritu, at may isang layunin na sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya ng ebanghelyo, 28 at sa anumang paraan ay hindi kayang takutin ng inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang pagkapahamak, ngunit sa inyo naman ay tanda ng inyong kaligtasan, at ito'y galing sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob sa inyo alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magdusa rin alang-alang sa kanya, 30 yamang (AT) nararanasan ninyo ang pakikipaglaban na nakita ninyong hinarap ko, at ngayo'y nababalitaan ninyong kinakaharap ko pa rin.
Ang Pagpapakumbaba ni Cristo
2 Kaya't kung may anumang pampalakas ng loob na nagmumula kay Cristo, kung may anumang pampasiglang dulot ng pag-ibig, kung may anumang pagsasamahang mula sa Espiritu, kung may anumang pagmamalasakit at habag, 2 lubusin ninyo ang aking kagalakan. Magkaisa kayo sa pag-iisip, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa diwa at layunin. 3 Huwag ninyong gawin ang anuman dahil sa pansariling hangarin o dahil sa kayabangan. Sa halip, magpakumbaba kayo at ituring ang iba na mas mahalaga kaysa inyong sarili. 4 Pahalagahan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang kapakanan ng inyong sarili. 5 Taglayin ninyo ang pag-iisip na tulad ng kay Cristo Jesus;
6 kahit siya'y nasa kalikasan ng Diyos,
ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan
ang pagiging kapantay ng Diyos,
7 sa halip ay itinuring niyang walang halaga ang sarili,
kinuha ang kalikasan ng alipin,
at naging katulad ng mga tao.
At nang natagpuan sa kaanyuan ng tao,
8 ibinaba niya ang kanyang sarili,
at naging masunurin hanggang sa kamatayan,
maging kamatayan sa krus.
9 Kaya naman siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at ginawaran ng pangalang higit na mataas kaysa lahat ng pangalan;
10 upang (AU) sa pangalan ni Jesus
ang bawat tuhod ay lumuhod,
ang mga nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa,
11 at ipahayag ng bawat bibig
na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Magsilbing Ilaw sa Sanlibutan
12 Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang kung ako'y kaharap ninyo, kundi lalo ngayong ako'y wala riyan sa inyo, magpatuloy kayo sa gawain nang may takot at lubos na pag-iingat upang maunawaan ninyo ang kahulugan ng inyong kaligtasan, 13 sapagkat ang Diyos ang gumagawa sa inyo, upang naisin ninyo at gawin ang kanyang mabuting layunin. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang angal at pagtatalo, 15 upang (AV) kayo'y maging mga walang kapintasan at dalisay na mga anak ng Diyos. Hindi kayo dapat maparatangan ng anuman sa pamumuhay ninyo sa gitna ng isang salinlahing baluktot at masama. Magningning kayong tulad ng mga tanglaw sa sanlibutan. 16 Patuloy ninyong panghawakan ang salita ng buhay upang sa araw ni Cristo ay maipagmalaki ko na hindi nasayang ang aking pagtakbo at hindi nauwi sa wala ang aking pagpapagal. 17 At kahit ibinubuhos pa ako na parang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikiisa sa kagalakan ninyong lahat. 18 Sa gayunding paraan, dapat kayong matuwa at makiisa sa aking kagalakan.
Sina Timoteo at Epafrodito
19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na maisugo agad sa inyo si Timoteo, upang mapanatag din ang isip ko kapag nalaman ko na ang kalagayan ninyo. 20 Wala akong ibang maitutulad sa kanya na totoong magmamalasakit sa inyong kapakanan, 21 sapagkat ang hinahanap lamang ng lahat ay ang sarili nilang kapakanan, hindi ang mga nauukol kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam ninyong napatunayan na ni Timoteo[m] ang kanyang sarili; sapagkat gaya ng paglilingkod ng anak sa kanyang ama ay naglingkod siyang kasama ko sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. 23 Kaya umaasa ako na isusugo ko siya kaagad, kapag nalaman ko na kung ano ang mangyayari sa akin. 24 Nagtitiwala rin ako sa Panginoon na malapit na akong makapunta riyan.
25 Bukod dito, iniisip kong kailangang papuntahin diyan si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, na isinugo ninyo upang maglingkod para sa aking pangangailangan. 26 Sabik na sabik na siyang makita kayo. Nalulungkot siya sapagkat nabalitaan ninyo na siya'y nagkasakit. 27 Totoo ngang siya'y nagkasakit at halos mamatay na. Ngunit naawa sa kanya ang Diyos; at hindi lamang sa kanya kundi pati sa akin, kung hindi'y nagkapatung-patong sana ang aking kalungkutan. 28 Kaya't lalo kong sinikap na isugo siya, upang kapag makita ninyo siyang muli, matutuwa kayo at ako naman ay mababawasan ng pangamba. 29 Kaya't buong kagalakan ninyo siyang tanggapin bilang lingkod ng Panginoon. Parangalan ninyo ang mga taong katulad niya. 30 Nabingit siya sa kamatayan dahil sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan ng inyong paglilingkod sa akin.
Ang Tunay na Katuwiran
3 Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kalabisan para sa akin ang muli kong isulat sa inyo ang dati ko nang naisulat, sa halip, ito'y upang kayo'y ingatan.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso, sa mga gumagawa ng masasama, at sa mga sumusugat sa kanilang katawan. 3 Sapagkat tayo ang mga tunay na tuli, na naglilingkod sa tulong ng Espiritu ng Diyos at ang ating pagmamalaki ay nakay Cristo Jesus, at hindi sa anumang ginagawa sa ating katawan. 4 Bagaman maaari kong gawin iyon. Kung sa palagay ng iba may dahilan silang magmalaki, lalo na ako: 5 tinuli ako (AW) nang ikawalong araw, akong mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang tunay na Hebreo, at tungkol sa kautusan, ako'y isang Fariseo. 6 Kung ang pag-uusapan (AX) ay sigasig, ako ay naging tagausig ng iglesya; at tungkol naman sa katuwirang ayon sa kautusan, ako ay walang kapintasan. 7 Subalit ang mga bagay na maaari ko sanang pakinabangan ay itinuring kong kalugihan dahil kay Cristo. 8 Sa katunayan, ang lahat ng bagay ay itinuring kong kalugihan dahil sa hindi matatawarang halaga ng pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kanya'y pinawalang-halaga ko ang lahat ng bagay, at itinuring kong basura, upang makamtan ko si Cristo, 9 at ako'y matagpuan na nasa kanya. Wala akong sariling katuwiran batay sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na nakabatay sa pananampalataya. 10 Ang naisin ko'y makilala siya at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at makibahagi sa kanyang mga pagdurusa, at matulad ako sa kanya maging sa kanyang kamatayan, 11 upang hangga't maaari ay makamtan ko ang muling pagkabuhay mula sa kamatayan.
Pagpapatuloy sa Mithiin
12 Hindi sa ito'y nakamit ko na, o ako'y nakarating na sa hangganan; sa halip ay nagpapatuloy ako upang makamit ko ang bagay na ito, yamang ako ay nakamit na ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko itinuturing na iyon ay nakamit ko na; ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang mga bagay na nakaraan, at sinisikap kong abutin ang mga bagay na hinaharap. 14 Patuloy akong tumatakbo patungo sa hangganan para sa gantimpala ng makalangit[n] na pagtawag ng Diyos bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Kaya't tayong mga nasa hustong gulang ay dapat magkaroon ng gayunding pananaw. At kung hindi ganito ang inyong pananaw, ito man ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. 16 Gayunman, magpatuloy tayong mamuhay ayon sa pamantayang naabot na natin.
17 Mga (AY) kapatid, sama-sama ninyong tularan ang aking halimbawa, at bigyan ninyo ng pansin ang mga lumalakad nang ayon sa huwarang ibinigay namin sa inyo. 18 Sapagkat maraming namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo gaya ng madalas kong sabihin sa inyo noon, at ngayo'y muli kong sinasabi na may kasama pang luha. 19 Ang wakas nila ay kapahamakan; ang diyos nila ay ang sarili nilang tiyan; ang ipinagmamalaki nila ay mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at ang tanging iniisip nila ay ang mga bagay na makalupa. 20 Ngunit tayo'y mamamayan ng langit at naghihintay tayo ng Tagapagligtas mula roon, ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang kalagayan ng ating mga hamak na katawan upang maging katulad ng kanyang maluwalhating katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang kumikilos sa kanya upang maipailalim niya sa kanyang sarili ang lahat ng bagay.
4 Kaya nga, mga minamahal at pinananabikan kong kapatid, kayo ang aking tuwa at karangalan. Magpakatatag kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.
Mga Pangaral
2 Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip bilang bunga ng kanilang pagiging isa sa Panginoon. 3 Hinihiling ko rin sa iyo, tapat kong kasama, na alalayan mo ang mga babaing ito. Kasama ko silang nakipaglaban para sa ebanghelyo, kasama rin si Clemente, at iba ko pang mga kamanggagawa. Ang mga pangalan nila ay nasa aklat ng buhay. 4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin: Magalak kayo. 5 Makilala sana ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit nang dumating. 6 Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay, sa halip ay idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan tungkol sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos, na higit pa sa kaya nating maunawaan, ang magbabantay sa inyong mga puso at mga pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kanais-nais, anumang bagay na kahanga-hanga, kung may anumang kahusayan, at kung may karapat-dapat parangalan, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9 Ang mga bagay na inyong natutuhan o tinanggap at narinig o nakita sa akin ay patuloy ninyong isagawa; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos
10 Ako'y galak na galak sa Panginoon, na ngayon, pagkalipas ng mahabang panahon, ay muli ninyong binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin. Sa katunayan, lagi kayong may pagmamalasakit sa akin. Wala nga lamang kayong pagkakataon. 11 Hindi ko sinasabi ito dahil may pangangailangan ako, sapagkat natutuhan ko na ang masiyahan kahit anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko kung paano maghikahos, alam ko rin kung paano managana. Sa lahat ng bagay at anumang kalagayan ay natutuhan ko ang lihim sa pagkabusog, at sa pagkagutom, at maging sa kasaganaan at sa kasalatan. 13 Ang lahat ay magagawa ko sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay-lakas sa akin. 14 Gayunma'y napakabuti ng ginawa ninyong pagdamay sa aking paghihirap.
15 Alam ninyong mga taga-Filipos na noong mga unang araw ng pangangaral ko ng ebanghelyo, pag-alis ko sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakibahagi sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang. 16 Sapagkat (AZ) (BA) kahit noong ako'y nasa Tesalonica ay makailang ulit na nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan. 17 Hindi dahil nais kong makatanggap ng kaloob, kundi nais kong makakita ng bunga na sumasagana para sa inyong pakinabang. 18 Ngunit (BB) sulit na sulit ang natanggap ko ngayon at labis pa. Lubos akong nasisiyahan, ngayong natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga ipinadala ninyo. Ang mga ito'y masarap na samyo at kaaya-ayang alay na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos. 19 At pupunuan ng aking Diyos ang lahat ng inyong mga pangangailangan ayon sa kanyang maluwalhating kayamanan na matatagpuan kay Cristo Jesus. 20 Luwalhati sa ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen.
Huling Pagbati
21 Batiin ninyo ang lahat ng banal na nakay Cristo Jesus. Bumabati sa inyo ang mga kapatid na kasama ko. 22 Bumabati sa inyo ang lahat ng mga banal, lalung-lalo na ang mga nasa sambahayan ni Emperador Cesar. 23 Nawa'y sumainyong espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.[o]
Pagbati
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Timoteo na ating kapatid, 2 Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama.
Pasasalamat para sa mga Taga-Colosas
3 Nagpapasalamat kami sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa tuwing kami ay nananalangin para sa inyo, 4 sapagkat nabalitaan namin ang tungkol sa inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang inyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal, 5 dahil sa pag-asang nakalaan sa inyo sa langit. Nang nakaraang panahon ay narinig ninyo ang tungkol dito sa pamamagitan ng mensahe ng katotohanan, ang ebanghelyo, 6 na dumating sa inyo. Kung paanong sa buong daigdig ay namumunga at lumalaganap ang ebanghelyong ito, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong narinig at naunawaan ang tunay na kahulugan ng biyaya ng Diyos. 7 Natutuhan (BC) ninyo ito kay Epafras, ang minamahal naming kapwa lingkod. Siya ay tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo,[p] 8 at siya ang nagpahayag sa amin tungkol sa inyong pag-ibig sa pamamagitan ng Espiritu.
9 Dahil dito, mula nang araw na mabalitaan namin ang tungkol sa inyo, ay walang tigil kaming nananalangin para sa inyo. Hinihiling namin sa Diyos na kayo'y mapuspos ng kaalaman tungkol sa kanyang kalooban sa lahat ng espirituwal na karunungan at pang-unawa. 10 Ang kayo'y magpatuloy sa pamumuhay nang karapat-dapat sa Panginoon, nagbibigay-kasiyahan sa kanya sa lahat ng bagay, namumunga sa lahat ng uri ng mabuting gawa, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. 11 Palakasin nawa kayo na taglay ang buong kapangyarihan, ayon sa kanyang maluwalhating kalakasan—upang kayo'y maging matatag at makaya ninyong tiisin ang lahat ng bagay, habang may galak 12 na nagpapasalamat sa Ama, na siyang nagbigay sa atin ng karapatang makibahagi sa pamana para sa mga banal na nasa liwanag. 13 Siya ang nagligtas sa atin mula sa kapangyarihan ng kadiliman at naglipat sa atin tungo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. 14 (BD) Sa kanya ay mayroon tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan.[q]
Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat
15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (BE) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (BF) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.
21 At kayo, dati'y napakalayo, mga sumasalungat sa kanya sa inyong pag-iisip at namumuhay sa masasamang gawa. 22 Ngayon ay ipinakipagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang katawang laman na namatay, upang sa paningin ng Diyos kayo'y maiharap na mga banal, hindi mapaparatangan ng anuman at walang dungis, 23 kung kayo nga'y nananatili sa pananampalataya, naninindigang mabuti, matatag at hindi natitinag sa pag-asang mula sa ebanghelyo. Ito'y inyong narinig at naipangaral na sa lahat ng tao sa silong ng langit; para sa ebanghelyong ito, akong si Pablo ay naging lingkod.
Paglilingkod ni Pablo sa Iglesya
24 Ikinagagalak ko ngayon ang aking mga pagdurusa para sa inyo, at sa pamamagitan ng aking katawan ay nadaragdagan ko ang anumang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, ang iglesya. 25 Ako'y naging lingkod nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, upang maipahayag sa inyo nang lubusan ang salita ng Diyos. 26 Ito ang hiwaga na iningatang lihim sa napakahabang panahon at sa mga salinlahi, ngunit ngayo'y malinaw na inihayag sa kanyang mga banal. 27 Ninais ng Diyos na ipaunawa sa kanila ang napakaluwalhating kayamanan ng hiwagang ito sa gitna ng mga bansa, na ito'y si Cristo na nasa inyo, ang pag-asa tungo sa kaluwalhatian. 28 Siya ang aming ipinangangaral. Binabalaan namin at tinuturuan ang bawat isa nang buong karunungan, upang ang bawat tao ay maiharap naming nasa ganap na kalagayan kay Cristo. 29 Dahil dito'y nagpapakahirap ako, nagsisikap sa pamamagitan ng kanyang lakas na makapangyarihang kumikilos sa akin.
2 Nais ko ngang malaman ninyo kung gaano katinding laban ang pinagdaraanan ko para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang mukhaan. 2 Ito'y upang lumakas ang kanilang loob, at mabuklod sila sa pag-ibig, nang sa gayon ay makamtan nila ang lahat ng mga kayamanan na nagmumula sa buong katiyakan ng pagkaunawa, upang kanilang makilala ang hiwaga ng Diyos, samakatuwid ay si Cristo. 3 Sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman. 4 Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ng sinuman sa pamamagitan ng mga nakabibighaning pangangatuwiran. 5 Bagama't sa katawan ay wala ako riyan, sa espiritu naman ay kasama ninyo ako, at nagagalak na pagmasdang kayo'y namumuhay nang maayos, at matatag sa inyong pananampalataya kay Cristo.
Mamuhay ayon kay Cristo
6 Kaya't yamang tinanggap ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, patuloy kayong mamuhay ayon sa kanya, 7 na nakaugat at nakatayo dahil sa kanya, matatag sa pananampalataya, kung paanong kayo'y tinuruan, at nag-uumapaw sa pasasalamat. 8 Mag-ingat kayo upang huwag kayong maging bihag ng sinuman sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, batay sa tradisyon ng mga tao, batay sa mga mapamahiing aral ng sanlibutan, at hindi batay kay Cristo. 9 Sapagkat sa kanya ay naninirahan ang kabuuan ng kalikasan ng pagka-Diyos sa anyong katawan. 10 At kayo'y ginawang buung-buo dahil sa pakikipag-isa ninyo na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at pamamahala. 11 Sa kanya ay nakaranas kayo ng pagtutuling hindi ginamitan ng mga kamay, sa pamamagitan ng pagwawaksi sa makasalanang hilig ng laman, sa pagtutuling ayon kay Cristo. 12 Yamang (BG) inilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo'y muling binuhay na kasama niya sa bisa ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa kamatayan. 13 At noong (BH) kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsuway at kayo'y nasa di-pagtutuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya. Pinatawad niya tayo sa lahat ng ating mga pagsuway, 14 matapos pawiin ang nakasulat na katibayan laban sa atin na naglalaman ng ating pagkakautang. Pinawalang-bisa niya ito, matapos niyang ipako sa krus. 15 At matapos niyang tanggalan ng kapangyarihan ang mga pamunuan at mga pamamahala, sila'y inilantad niya sa madla upang ipakita ang kanyang pagwawagi laban sa kanila sa pamamagitan ng krus.
16 Kaya't (BI) huwag ninyong hayaan ang sinuman na kayo'y hatulan sa mga bagay na may kinalaman sa pagkain at inumin, o sa kapistahan, o sa bagong buwan o sa mga araw ng Sabbath. 17 Ang mga ito ay anino lamang ng mga bagay na darating, ngunit ang totoong bagay ay kay Cristo. 18 Huwag ninyong hayaang mawalan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng huwad na pagpapakumbaba at pagsamba sa mga anghel. Pinanghahawakan ng gayong tao ang mga bagay na diumano'y kanyang nakita at nagmamalaki nang walang kadahilanan bunga ng kanyang makamundong pag-iisip. 19 Ang taong iyon ay hindi (BJ) nakaugnay kay Cristo, na siyang Ulo, na mula sa kanya ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasama-sama sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid, ay lumalaking paglagong naaayon sa Diyos.
Babala Laban sa Maling Turo
20 Kung kayo'y namatay kasama ni Cristo mula sa mga pamahiing aral ng sanlibutan, bakit nabubuhay pa kayo na parang saklaw pa rin ng sanlibutan? Bakit nagpapasakop kayo sa mga tuntuning, 21 “Bawal humipo, bawal tumikim, bawal humawak”? 22 Ang mga ito'y may kinalaman sa lahat ng mga bagay na nasisira pagkatapos gamitin. Ang mga ito'y mga utos ayon sa aral na nagmula sa mga tao. 23 Ang mga ito'y mayroong anyo ng karunungan na nakaugnay sa pagsambang itinakda ng sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala namang halaga sa pagsupil sa hilig ng laman.
Ang Bagong Buhay kay Cristo
3 Kaya't (BK) yamang kayo'y muling binuhay na kasama ni Cristo, pakanasain ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. 2 Pag-ukulan ninyo ng pansin ang mga bagay na makalangit at hindi ang mga bagay na makalupa, 3 sapagkat kayo'y namatay na, at ang buhay ninyo kay Cristo ay itinatago ng Diyos. 4 Kapag si Cristo na inyong[r] buhay ay nahayag na, kayo ay mahahayag ding kasama niya sa kaluwalhatian.
5 Kaya't patayin ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa lupa: ang pakikiapid, kahalayan, kapusukan, masamang pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga suwail na anak.[s] 7 Ganitong mga landas ang tinatahak ninyo noon, nang kayo'y namumuhay pa sa mga ito. 8 Ngunit ngayon ay talikuran ninyo ang mga bagay tulad ng poot, galit, maruruming pag-iisip, paninirang-puri, at mahalay na pananalita mula sa inyong bibig. 9 Huwag (BL) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga gawain nito, 10 at (BM) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na patuloy na ginagawang bago tungo sa kaalaman ayon sa larawan ng lumikha sa bagong pagkatao. 11 Dito'y wala nang pagkakaiba ang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scita, alipin, at malaya. Sa halip, si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat at nasa lahat!
12 Kaya't bilang (BN) mga pinili ng Diyos, mga banal at minamahal, isuot ninyo sa inyong pagkatao ang pagkamahabagin, kabaitan, kababaang-loob, kaamuan, at tiyaga. 13 Magparaya kayo (BO) sa isa't isa, at kung ang sinuman ay may sama ng loob sa kanino man, magpatawad kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon. 14 At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa lahat sa lubos na pagkakaisa. 15 At hayaan ninyong maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na siyang dahilan kaya't tinawag kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. 16 Manirahan (BP) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo. Kalakip ang buong karunungan ay turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal, habang umaawit kayo na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. 17 At anuman ang inyong gagawin, sa salita man o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, kalakip ang pasasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
Mga Tagubilin sa mga Pamilyang Cristiano
18 Mga (BQ) babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawa, na siya namang nararapat sa Panginoon. 19 Mga (BR) lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. 20 Mga (BS) anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y kasiya-siya sa Panginoon. 21 Mga ama, (BT) huwag ninyong itulak sa galit ang inyong mga anak upang hindi sila panghinaan ng loob. 22 Mga (BU) alipin, sa lahat ng bagay ay sumunod kayo sa inyong mga panginoon dito sa lupa. Buong puso kayong maglingkod; hindi lamang kapag sila'y nakatingin. Gawin ninyo ito nang may takot sa Panginoon upang magbigay-kasiyahan sa tao. 23 Anuman ang inyong gagawin ay buong puso ninyong gawin, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao; 24 yamang alam ninyo na tatanggap kayo mula sa Panginoon ng pamana bilang gantimpala. Sa Panginoong Jesu-Cristo kayo naglilingkod. 25 Sapagkat (BV) ang gumagawa ng masama ay tatanggap ng kaukulang ganti sa kasamaang ginawa niya; pantay-pantay ang lahat sa bagay na ito.
4 Kayong mga (BW) panginoon, ipagkaloob ninyo sa inyong mga alipin kung ano ang makatarungan at nararapat, sapagkat alam ninyo na kayo ay mayroon ding Panginoon sa langit.
Iba Pang Tagubilin
2 Magpatuloy kayo at laging maging handa sa pananalangin, na may pagpapasalamat. 3 Kasabay nito'y ipanalangin din ninyo kami upang magbukas ng pintuan para sa amin ang Diyos, upang aming maipangaral ang salita ni Cristo, na dahil dito'y nabilanggo ako. 4 Ipanalangin ninyo na sa pagsasalita ko ay maipahayag ko ito nang malinaw. 5 Makitungo (BX) kayo nang may katalinuhan sa mga tagalabas, samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. 6 Maging maingat kayo palagi sa inyong pananalita na para bang may timplang asin, upang inyong malaman ang nararapat na pagsagot sa bawat tao.
Mga Pagbati at Basbas
7 Si Tiquico (BY) ang magbabalita sa inyo ng lahat ng tungkol sa akin. Siya'y isang minamahal na kapatid, tapat na lingkod, at kapwa manggagawa sa Panginoon. 8 Isinugo ko (BZ) siya diyan sa inyo dahil dito upang malaman ninyo ang aming kalagayan at upang pasiglahin niya ang inyong mga puso. 9 Kasama (CA) niyang darating si Onesimo, isang tapat at minamahal na kapatid, na kasamahan din ninyo. Ibabalita nila sa inyo ang buong pangyayari dito. 10 Binabati (CB) kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol sa kanya'y nakatanggap kayo ng mga tagubilin—siya'y inyong tanggapin kung magpupunta siya sa inyo. 11 Binabati rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang ang Judiong kasama[t] ko sa gawain sa kaharian ng Diyos at pinalalakas nila ang aking loob. 12 Binabati (CC) kayo ni Epafras, na kasamahan ninyo, at alipin ni Cristo Jesus. Palagi siyang nagsisikap na kayo'y ipanalangin upang kayo'y makatayo bilang nasa hustong gulang at lubos na panatag sa buong kalooban ng Diyos. 13 Ako mismo'y makapagpapatunay na matindi ang pagmamalasakit niya para sa inyo, gayundin sa mga nasa Laodicea, at sa Hierapolis. 14 Binabati (CD) kayo ng minamahal nating manggagamot na si Lucas, at gayundin ni Demas. 15 Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, pati si Nimfa, at ang iglesyang nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa ninyo sa sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin din naman ninyo ang sulat ko galing sa Laodicea. 17 At (CE) sabihin ninyo kay Arquipo, “Pagsikapan mong gampanan ang katungkulan na iyong tinanggap mula sa Panginoon.”
18 Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito gamit ang sarili kong kamay. Alalahanin ninyong ako'y nakatanikala. Sumainyo nawa ang biyaya.[u]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.