Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Santiago 3:13 - 3 Juan 15

Karunungan Mula sa Itaas

13 Sino sa inyo ang marunong at may pang-unawa? Ipakita niya sa pamamagitan ng wastong pamumuhay ang mga gawa na bunga ng kaamuan at karunungan. 14 Ngunit kung nasa inyong puso ang inggit at makasariling hangarin, huwag ninyong ipagmalaki iyan at huwag ikaila ang katotohanan. 15 Ang ganyang karunungan ay hindi buhat sa langit kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. 16 Sapagkat saanman naroon ang inggit at makasariling hangarin, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. 17 Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, maunawain, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng mga nagtataguyod ng kapayapaan.

Pakikipagkaibigan sa Sanlibutan

Ano ba ang sanhi ng inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't ang mga ito'y dahil sa inyong mga layaw na naglalaban-laban sa loob ng inyong pagkatao? Naghahangad kayo ngunit hindi mapasainyo. Kaya't pumapatay kayo. Hindi ninyo makuha ang mga bagay na hinahangad ninyo kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo makuha ang inyong hinahangad dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. Kung humingi man kayo, hindi rin ninyo matatanggap sapagkat hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang gamitin sa inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. Huwag ninyong ipagwalang-bahala ang sinasabi ng Kasulatan, “Ayaw ng Diyos na may kaagaw siya sa espiritu na ibinigay niya upang manirahan sa atin.” Ngunit (A) ang Diyos ay nagkakaloob ng higit pang biyaya. Kaya naman sinasabi, “Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.” Kaya't pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo, at siya ay tatakbo palayo sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Gawin ninyong dalisay ang inyong puso, kayong mga nagdadalawang-isip. Managhoy, magluksa at tumangis. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at itataas niya kayo.

Babala Laban sa Paghatol

11 Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Sinumang magsalita laban sa kanyang kapatid, o humahatol dito ay nagsasalita ng masama laban sa Kautusan at humahatol sa Kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa Kautusan, hindi ka na tagatupad ng Kautusan, kundi isang hukom. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya sino ka para humatol sa iyong kapwa?

Babala Laban sa Kapalaluan

13 Makinig (B) kayo, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o ganoong bayan, at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal at kikita nang malaki.” 14 Bakit, alam ba ninyo ang mangyayari bukas? Ano ba ang inyong buhay? Ang buhay ninyo'y usok lamang na sandaling lumilitaw at agad naglalaho. 15 Sa halip, ang dapat ninyong sabihin ay, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” 16 Ngunit kayo ngayon ay nagmamalaki sa inyong kayabangan! Masama ang lahat ng ganyang kayabangan! 17 Kaya sinumang nakaaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa, ibibilang itong kasalanan niya.

Babala Laban sa Mapang-aping Mayayaman

Makinig kayo rito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok (C) na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mga kulisap ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kanilang kalawang ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy ito na tutupok sa inyong laman. Nag-imbak kayo ng kayamanan para sa mga huling araw. Pakinggan ninyo ang sigaw (D) laban sa inyo ng mga sahod ng mga gumapas sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ito ibinigay sa mga manggagawa. Umabot na ang mga hinaing ng mga manggagapas sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Nagpakasawa kayo sa layaw at karangyaan dito sa lupa. Pinataba ninyo ang inyong puso para sa araw ng pagkatay. Hinatulan ninyo at pinaslang ang walang sala, na hindi naman lumalaban sa inyo.

Pagtitiyaga at Panalangin

Kaya magtiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Masdan ninyo kung paano hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa at kung gaano siya katiyaga hanggang sa pagpatak ng una at huling ulan. Dapat din kayong maging matiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat malapit na ang pagdating ng Panginoon. Huwag kayong magsisihan, mga kapatid, upang hindi kayo mahatulan ng Diyos. Tingnan ninyo! Nakatayo ang hukom sa labas ng pintuan! 10 Mga kapatid, alalahanin ninyo ang mga propetang nagpahayag sa pangalan ng Panginoon at gawin ninyo silang halimbawa ng pagtitiyaga sa gitna ng pagdurusa. 11 (E) Alalahanin ninyong itinuturing nating pinagpala ang nanatiling matatag sa gitna ng pagtitiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung gaano kalaki ang kanyang habag at kagandahang-loob. 12 Ngunit (F) higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa na saksi ninyo ang langit o ang lupa o ano pa man. Sapat nang sabihin ninyong “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo maparusahan.

13 Nagdurusa ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. 14 May (G) sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. 15 Ang panalanging may pananampalataya ang magpapagaling sa maysakit, palalakasin siyang muli ng Panginoon at kung siya'y nagkasala, siya'y patatawarin. 16 Kaya't ipagtapat ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa at magdalanginan upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. 17 Si (H) Elias ay taong tulad din natin. Taimtim siyang nanalangin na huwag umulan, at hindi nga umulan sa lupain sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At (I) nang siya'y manalangin upang umulan, bumuhos ang ulan mula sa langit at mula sa lupa'y sumibol ang mga halaman. 19 Mga kapatid ko, kung sinuman sa inyo ay naligaw mula sa katotohanan, at may umakay sa kanya pabalik sa tamang landas, 20 dapat (J) niyang malaman na sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa tamang landas ay nagliligtas ng isang kaluluwa mula sa kamatayan at maghahatid sa kapatawaran ng maraming kasalanan.

Pagbati

Mula kay Pedro, apostol ni Jesu-Cristo,

Para sa mga hinirang ng Diyos na naninirahan bilang mga dayuhan at nagsikalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo:

Nawa'y sumagana sa inyo ang biyaya at kapayapaan.

Buháy na Pag-asa

Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Dahil sa laki ng kanyang dakilang kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa kamatayan, upang magkamit ng isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas na inihanda sa langit para sa inyo. Kayo'y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang mahahayag sa katapusan ng panahon. Dahil sa mga ito, dapat kayong magalak bagaman sa loob ng maikling panahon ay dumaranas kayo ng iba't ibang pagsubok. Nararanasan ninyo ito upang dalisayin ang inyong pananampalataya. Kaya kung paanong pinararaan sa apoy ang ginto, ang inyong pananampalatayang mas mahalaga kaysa gintong nasisira ay pinararaan din sa apoy ng pagsubok upang mapatunayan kung talagang tapat. Kung magkagayon, tatanggap kayo ng papuri, kaluwalhatian at karangalan sa araw ng pagpapahayag kay Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, subalit sumasampalataya kayo sa kanya. Umaapaw na ang inyong puso sa kagalakang di kayang ilarawan ng salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10 Ang kaligtasang ito ay masusing siniyasat at sinuri ng mga propetang nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo. 11 Sinuri nila kung kailan at kanino matutupad ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang kanyang unang ipahayag ang mga pagdurusang mararanasan ni Cristo at ang kaluwalhatian pagkatapos nito. 12 Nang ipahayag sa kanila ito, ipinaunawa ng Diyos sa kanila na ang ginagawa nila'y hindi para sa kanila kundi para sa inyo. Sinabi na sa inyo ang mga bagay na ito ng mga nangaral ng Magandang Balita sa pamamagitan ng Banal na Espiritung isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel ay nasasabik na maunawaan ang mga bagay na ito.

Panawagan Tungo sa Banal na Pamumuhay

13 Kaya't ihanda na ninyo ang inyong isipan para sa dapat ninyong gawin.[a] Magpigil kayo sa sarili at lubos na asahan ang pagpapalang mapasasainyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. 14 Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong mabuhay sa masasamang hilig na ginagawa ninyo noong wala pa kayong kaalaman. 15 Sa halip, kung paanong banal ang Diyos na tumawag sa inyo, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa. 16 Sapagkat (K) nasusulat, “Maging banal kayo, sapagkat ako'y banal.”

17 Dahil tinatawag ninyong Ama ang Diyos na hindi nagtatangi sa kanyang paghatol sa mga gawa ng tao, mamuhay kayong may takot sa kanya sa buong panahon ng inyong pagiging dayuhan. 18 Alam ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. At ang ipinantubos sa inyo'y hindi mga bagay na nasisira tulad ng pilak o ginto, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo, tulad sa korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga na siya ng Diyos bago pa nilikha ang sanlibutan, ngunit ipinahayag sa katapusan ng panahon dahil sa inyo. 21 Sa pamamagitan ni Cristo ay sumampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay at nagparangal sa kanya, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. 22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira kundi sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat, (L)

“Ang lahat ng tao'y gaya ng damo,
    at lahat ng kaluwalhatian nila'y tulad ng bulaklak sa parang.
Ang damo'y natutuyo,
    at nalalanta ang bulaklak,
25 subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.”

At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo.

Ang Batong Buháy at ang Bansang Banal

Kaya't talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit, at paninirang-puri. Gaya ng mga sanggol, manabik kayo sa dalisay na gatas espirituwal, upang sa pamamagitan nito ay lumago kayo sa inyong karanasan ng kaligtasan, yamang naranasan (M) na ninyo ang kabutihan ng Panginoon. Sa paglapit ninyo sa kanya, ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin, kayo mismo, tulad ng mga batong buháy, ay itinatayo bilang bahagi ng isang templong espirituwal upang maging mga paring itinalaga para sa Diyos. Kaya't mag-alay kayo ng mga espirituwal na handog na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat (N) ito ang isinasaad ng kasulatan:

“Masdan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng isang batong panulok, pinili at mahalaga;
    hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”

Ngayon, (O) sa inyong mga sumasampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi sumasampalataya,

“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo
    ang siyang naging batong panulok,”

at, (P)

“Isang batong katitisuran ng mga tao
    at dahilan ng kanilang pagkadapa.”

Sila'y natisod dahil sa pagsuway nila sa salita, at iyon din naman ang kanilang kahihinatnan.

Ngunit (Q) kayo'y isang lahing pinili, mga paring naglilingkod sa hari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos. Hinirang kayo upang inyong ipahayag ang mga kahanga-hangang gawa ng Diyos na tumawag sa inyo mula sa kadiliman at nagdala sa inyo sa kanyang kahanga-hangang liwanag. 10 Noon ay (R) hindi kayo sambayanan, ngunit ngayo'y sambayanan kayo ng Diyos. Noon ay pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y kinahahabagan kayo.

Mamuhay Bilang mga Lingkod ng Diyos

11 Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan sa daigdig na ito, iwasan ninyo ang makamundong pagnanasa na nakikipaglaban sa inyong kaluluwa. 12 Mamuhay kayo nang kagalang-galang sa gitna ng mga di-sumasampalataya upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at luluwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kanyang paghuhukom. 13 Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao, maging sa haring pinakamataas, 14 o sa mga gobernador na inatasan niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. 15 Sapagkat kalooban ng Diyos na sa paggawa ninyo ng mabuti ay inyong mapatahimik ang mga hangal dahil sa kanilang kamangmangan. 16 Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaang ito upang bigyang-katwiran ang pantakip sa paggawa ng masama, sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ninyo ang mga kapatid kay Cristo. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari.

Ang Halimbawa ng Pagdurusa ni Cristo

18 Mga alipin, buong galang kayong magpasakop sa inyong mga panginoon; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi maging sa malulupit. 19 Sapagkat kapuri-puri, na dahil sa pagkakilala ninyo sa Diyos, ay magtiis kayo ng parusa kahit walang kasalanan. 20 Ano'ng pakinabang kung kayo'y parusahan dahil sa paggawa ng masama? Ngunit kalulugdan kayo ng Diyos kung kayo'y magtiis ng dusa dahil sa paggawa ng mabuti. 21 Ito ang dahilan kung bakit kayo tinawag, sapagkat si Cristo ay nagdusa para sa inyo, at nag-iwan siya ng halimbawa upang inyong sundan.

22 “Wala (S) siyang ginawang anumang kasalanan,
    at sa bibig niya'y walang kasinungalingang natagpuan.”

23 Nang (T) siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y nagdusa, hindi siya nagbanta, sa halip, nagtiwala siya sa Diyos na Makatarungang humatol. 24 Sa (U) kanyang pagkamatay sa krus,[b] pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay sa kasalanan at mamuhay sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo ay gumaling. 25 Sapagkat kayo'y tulad ng mga tupang naligaw ng landas, ngunit ngayon ay nagbalik na kayo sa kanya, siya na Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa.

Tungkol sa Mag-asawa

(V) Sa gayunding paraan, kayong mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa, upang kung sila'y hindi pa sumusunod sa salita, ay mahihikayat din sila kahit walang salita kapag nakita nila ang inyong magandang asal, at kapag nakita nila ang inyong pamumuhay na malinis at may takot sa Diyos. Ang (W) kagandahan ninyo ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, ang pagandahin ninyo ay ang nakatagong pagkatao, isang hiyas na walang kupas, maamo at mapayapang diwa, bagay na napakahalaga sa paningin ng Diyos. Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babae noong unang panahon. Umasa sila sa Diyos at nagpasakop sa kanilang mga asawa. Tulad (X) ni Sarah, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sarah kung tama ang inyong ginagawa at kayo'y hindi nagpapadaig sa takot.

(Y) Sa gayunding paraan, kayong mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhan nang may paggalang ang inyong asawa, tulad sa mas mahinang kasangkapan. Sila'y inyong kapwa tagapagmana sa kaloob na walang hanggang buhay. Gawin ninyo ito at walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin.

Pagdurusa Dahil sa Paggawa ng Mabuti

Bilang pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan kayo bilang magkakapatid, maging mahabagin at maging mapagpakumbaba. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gawang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila sapagkat ito ang dahilan ng pagtawag sa inyo, at kayo'y tatanggap ng pagpapala. 10 Sapagkat, (Z) sa nasusulat,

“Sinumang nagpapahalaga sa buhay,
    at nais makakita ng mabubuting araw,
    dila'y pigilin sa pagsasabi ng kasamaan.
    at sa kanyang labi'y dapat walang panlilinlang,
11 lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan;
    hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y kanyang sundan.
12 Ang mata ng Panginoo'y nakatuon sa mga matuwid,
    at ang kanilang panalangin ay kanyang dinirinig.
Ngunit sa mga taong gumagawa ng masama.
Panginoo'y nagagalit at hindi natutuwa.”

13 At sino naman ang gagawa ng masama sa inyo kung nagsisikap kayong gumawa ng mabuti? 14 Subalit (AA) magdusa man kayo dahil sa paggawa ng mabuti, pinagpala kayo. Huwag kayong matakot at huwag kayong mag-alala sa maaari nilang gawin sa inyo. 15 (AB) Sa inyong mga puso ay italaga ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magtanggol sa harap ng sinumang humihingi sa inyo ng paliwanag tungkol sa pag-asang taglay ninyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at magalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang sinumang humahamak sa inyong magandang asal bunga ng inyong pakikipag-isa kay Cristo. 17 Sapagkat mabuti pang magdusa sa paggawa ng mabuti, kung ito'y kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ay minsan lamang namatay dahil sa mga kasalanan, siya na walang kasalanan para sa mga makasalanan upang maiharap kayo[c] sa Diyos. Namatay siya ayon sa laman, ngunit muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa ganitong kalagayan, nagtungo siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo, 20 mga (AC) espiritung sumuway noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang barko. Iilang tao, walo lamang noon ang nakaligtas sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang inilalarawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi ito paglilinis ng dungis ng katawan kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Cristo. 22 Siya'y umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Ang mga anghel, mga kapamahalaan at mga kapangyarihan ay nagpapasakop sa kanya.

Mga Mabubuting Katiwala ng Biyaya

Dahil si Cristo mismo ay nagdusa noon sa katawan, dapat din kayong maging handa sa mga pagdurusa, sapagkat ang nagdurusa sa katawan ay tumigil na sa kasalanan, upang ilaan ang nalalabing panahon ng inyong buhay sa pagsunod sa kalooban ng Diyos at hindi sa makamundong hangarin sa buhay. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga di-sumasampalataya sa Diyos tulad ng: kahalayan, masasamang pagnanasa, paglalasing, malalaswang kasayahan, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka ang mga dating kasama ninyo kung bakit hindi na kayo nakikisama sa gayunding magulo at walang pakundangang pamumuhay, kaya nilalait nila kayo. Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang Magandang Balita ay ipinangaral maging sa mga patay, upang kahit sila'y nahatulan sa laman tulad sa mga tao, sila'y mabuhay sa espiritu tulad sa Diyos.

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't panatilihin ninyong malinaw ang inyong pag-iisip at maging mapagtimpi upang kayo'y makapanalangin. Higit (AD) sa lahat, patuloy kayong magmahalan, sapagkat ang pag-ibig ang pumapawi ng maraming kasalanan. Patuluyin ninyo nang maluwag sa inyong kalooban ang inyong mga kapatid sa inyong tahanan. 10 Bilang mabubuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang mga kakayahang inyong tinanggap sa paglilingkod sa isa't isa. 11 Kung nagsasalita ang sinuman, magsalita siya bilang nagpapahayag ng mga salita ng Diyos. Kung siya'y naglilingkod, maglingkod siya sa pamamagitan ng lakas na ibinigay sa kanya ng Diyos. Sa gayon, sa lahat ng bagay ay papupurihan ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanpaman. Amen.

Pagdurusa Bilang Cristiano

12 Mga minamahal, huwag kayong magtaka na dumaraan kayo sa mabibigat na pagsubok na para bang hindi ito pangkaraniwang pangyayari. 13 Sa halip, dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo upang lubos kayong magalak kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. 14 Pinagpala kayo kapag kayo'y nilalait dahil sa pangalan ni Cristo sapagkat ang maluwalhating Espiritu ng Diyos ay lulukob sa inyo. 15 Huwag sanang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil sa pagiging mamamatay-tao, magnanakaw, o sa paggawa ng anumang kasamaan o pakikialam sa buhay ng iba. 16 Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito, sa halip ay magpuri kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. 17 Panahon na upang simulan ang paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito nagsisimula, ano pa kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos?

18 At (AE) kung ang matuwid ay mahirap nang makaligtas,
    ano kaya ang sasapitin ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?

19 Kaya nga ang mga nagdurusa dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay dapat ipagkatiwala ang kanilang sarili sa tapat na lumikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.

Pangangalaga sa Kawan ng Diyos

Sa mga pinuno[d] sa inyo, nananawagan ako bilang kapwa pinuno at saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa karangalang ihahayag, nakikiusap ako na (AF) alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, gaya ng nais ng Diyos.[e] Gawin ninyo ito hindi dahil sa pag-ibig sa salapi, kundi dahil sa pagnanais na maglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi bilang halimbawa sa kawan. At pagdating ng Pinakapunong Pastol, tatanggap kayo ng korona ng kaluwalhatiang di kumukupas kailanman.

Kayo (AG) namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno.[f] Maging mapagpakumbaba kayo sa pakikitungo sa isa't-isa sapagkat nasusulat,

“Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas,
    ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”

Kaya't (AH) magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayong lagi at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaaligid at umaatungal at naghahanap ng kanyang lalamunin. Labanan ninyo siya at maging matatag sa inyong pananampalataya. Alam naman ninyong ang mga ganitong kahirapan ay dinaranas din ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos na pinagmumulan ng biyaya at tumawag sa inyo na maging kabahagi ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo ang siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

12 Sinulat (AI) ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silas, na itinuturing kong tapat nating kapatid, upang pasiglahin kayo at patotohanang ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Dito kayo magpakatatag. 13 Binabati (AJ) kayo ng babaing nasa Babilonia, na hinirang din tulad ninyo. Binabati rin kayo ng anak kong si Marcos. 14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.

Kapayapaan ang sumainyong lahat na nakay Cristo.[g]

Pagbati

Mula kay Simon[h] Pedro, lingkod at apostol ni Jesu-Cristo.

Para sa mga tulad naming tumanggap ng mahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo: Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus.

Ang Pagtawag at Pagpili ng Diyos

Ipinagkaloob niya sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na kailangan natin sa buhay at sa pamumuhay nang tapat sa kanya. Ito'y sa pamamagitan ng ating pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin ayon sa kanyang karangalan at kaluwalhatian. Sa pamamagitan ng mga ito'y ibinigay niya sa atin ang kanyang mga mahahalaga at dakilang pangako upang kayo'y maging kabahagi sa kanyang kalikasan bilang Diyos, yamang nakaiwas na kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa. At dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa kabutihan ang kaalaman; sa kaalaman ang pagpipigil sa sarili; sa pagpipigil sa sarili ang katatagan; sa katatagan ang banal na pamumuhay; sa banal na pamumuhay ang pagmamahalan bilang magkakapatid; at sa pagmamahalan bilang magkakapatid ang pag-ibig. Sapagkat kung taglay ninyo at pinagyayaman ang mga katangiang ito, tutulungan kayo ng mga ito na hindi maging inutil at hindi mawawalan ng silbi sa inyong pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sinumang wala ng mga katangiang ito ay sa malapitan lamang nakakakita at mistulang bulag. Nakalimutan niyang nilinis na siya sa kanyang naunang mga kasalanan. 10 Kaya nga, mga kapatid, lalo ninyong pagsikapan na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo. Kung gawin ninyo ang mga ito, hindi kayo madarapa. 11 Sa ganitong paraan, buong luwalhati kayong papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo.

12 Kaya nga lagi ko kayong pinaaalalahanan tungkol sa mga ito, kahit alam na ninyo ang tungkol dito at matatag na kayo sa mga katotohanang tinanggap ninyo. 13 Katunaya'y iniisip kong lagi kayong paalalahanan hangga't nabubuhay ako. 14 At alam kong hindi na magtatagal at paaalisin na ako sa katawang ito, gaya ng sinabi sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 15 Kaya't ginagawa ko ang lahat upang matiyak ko na kahit nasa kabilang buhay na ako ay maalala pa ninyo ang mga bagay na ito.

Mga Saksi sa Kaluwalhatian ni Cristo

16 Nang ipaalam namin sa inyo ang tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, hindi kami gumawa ng mga alamat na katha lamang ng tao. Kami mismo ay saksi sa kanyang kadakilaan. 17 Sapagkat (AK) tinanggap niya mula sa Diyos Ama ang karangalan at kaluwalhatian, nang dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan.” 18 At kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na mula sa langit sapagkat kasama niya kami sa banal na bundok. 19 Ang mga ito ang lalong nagpatibay ng aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta, at makabubuti kung ito'y pag-uukulan ninyo ng pansin, sapagkat ito'y tulad ng isang ilawang tumatanglaw sa dakong madilim hanggang dumating ang bukang-liwayway at sumilang ang tala sa umaga sa inyong mga kalooban. 20 Higit sa lahat, dapat ninyong malaman na walang propesiya ng Kasulatan na nahayag dahil sa pansariling pagpapakahulugan ng sinuman. 21 Sapagkat walang propesiyang dumating kailanman na nagbuhat sa kalooban ng tao; sa halip, nagsalita ang mga tao ng mga bagay na galing sa Diyos nang sila'y magpahayag sa ilalim ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Mga Huwad na Propeta

Ngunit noo'y may lumitaw ring mga huwad na propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa gitna ninyo'y lilitaw din ang mga bulaang guro. Palihim silang magpapasok ng mga maling aral na makapipinsala sa inyong pananampalataya. Itatakwil nila pati na ang Panginoong tumubos sa kanila, kaya't ito ang magdadala sa kanila ng mabilis na pagkapuksa. At marami ang susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, at dahil sa mga ito ay hahamakin ang daan ng katotohanan. Sa kanilang kasakiman, pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at hindi natutulog ang kapahamakang darating sa kanila.

Maging ang mga anghel na nagkasala ay hindi pinaligtas ng Diyos; itinapon niya sila sa impiyerno,[i] kung saan sila'y iginapos sa kadiliman at doon paghihintayin hanggang paghuhukom. Maging (AL) ang masasamang tao noong unang panahon ay hindi niya pinaligtas. Ginunaw niya ang unang daigdig sa pamamagitan ng baha at wala siyang iniligtas maliban kay Noe na tagapangaral ng katuwiran, at ang pito niyang kasama. Pinarusahan (AM) din ng Diyos at tinupok ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra at ginawang halimbawa ng kasasapitan ng mga masama. Ngunit (AN) iniligtas ng Diyos ang matuwid na si Lot, isang taong lubhang nabagabag dahil sa mahahalay na pamumuhay ng masasama noon. Naghirap ang kalooban ng taong ito dahil sa kasamaang araw-araw niyang nasaksihan at napakinggan habang siya'y nakatira doon. Halimbawa ang mga ito na alam ng Panginoon kung paano niya ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano ilalaan ang masasama sa parusa hanggang araw ng paghuhukom, 10 lalung-lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng likas na pagkatao at humahamak sa maykapangyarihan.

Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na lapastanganin ang mga maluwalhating nilalang sa kalangitan. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi nanlait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa kanila. 12 Subalit ang mga taong ito'y lumalait sa mga bagay na hindi naman nila nauunawaan. Para silang mga hayop na walang bait at nagpapadala lamang sa kanilang mabangis na simbuyo. Kaya kung paanong isinilang upang hulihin at patayin ang mga ganitong hayop, ang mga taong ito'y papatayin din. 13 Pagbabayaran nila ang ginawa nilang kasamaan sa iba. Hindi na sila nahihiyang magpakasawa sa kamunduhan araw-araw. Nakikisalo sila sa inyong mga handaan, ngunit puro kasiraan at kahihiyan ang kanilang ginagawa. Ikinatutuwa pa nila ang kanilang panlilinlang. 14 Ang mga mata nila'y punung-puno ng pangangalunya at walang kabusugan sa pagkakasala. Inaakit pa nila na magkasala ang mga mahihina. Sanay na sanay ang kanilang puso sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! 15 Iniwan (AO) nila ang daang matuwid at sila'y naligaw. Sinundan nila ang daan ng anak ni Beor[j] na si Balaam na umibig sa bayad ng masama. 16 Ngunit siya'y sinaway ng isang asno sa kanyang kamalian, isang hayop na hindi makapagsalita, ngunit nagsalita na parang tao upang siya'y pigilan sa kanyang kahibangan.

17 Ang katulad ng mga taong ito'y mga bukal na walang tubig at mga ulap na itinataboy ng malalakas na hangin. Matinding kadiliman ang naghihintay sa kanila. 18 Mga kayabangang walang kabuluhan ang lumalabas sa kanilang bibig, at pinupukaw nila ang masasamang pagnanasa upang akitin pabalik sa kahalayan ang mga taong bahagya pa lang lumalayo sa mga taong namumuhay sa pandaraya. 19 Nangangako sila ng kalayaan sa mga hinihikayat nila gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan, sapagkat alipin ang sinuman ng anumang nananaig sa kanya. 20 Kung ang mga nakatakas na sa karumihan ng sanlibutan dahil sa kanilang pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo ay muling maakit at nagpadaig sa kasamaan, mas masahol pa sa dati ang magiging kalagayan nila. 21 Mas mabuti pang hindi nila nalaman ang daan ng katuwiran, kaysa matapos nila itong makilala ay talikdan nila ang banal na utos na ibinigay sa kanila. 22 Angkop (AP) na angkop sa kanila ang kawikaang, “Bumabalik ang aso sa kanyang sariling suka,” at, “Mas nais ng baboy ang maglublob sa putik kahit nahugasan na.”

Ang Pangakong Pagbabalik ng Panginoon

Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Isinulat ko ang dalawang sulat na ito upang ang mga ito'y magsilbing paalalang gigising sa inyong malilinis na isip. Nais kong alalahanin ninyo ang mga ipinahayag noon ng mga banal na propeta, at ang utos na ibinigay ng ating Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una (AQ) sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay darating ang manlilibak at lilibakin kayo. Ang mga taong ito'y namumuhay ayon sa kanilang sariling pagnanasa. Sasabihin nila, “Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago mula nang likhain ang mundong ito.” Sinadya (AR) nilang huwag pansinin ang katotohanang matagal nang ang langit ay narito at sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at inanyuan niya ang lupa mula sa tubig at sa gitna ng tubig. Sa (AS) pamamagitan din ng tubig ginunaw noon ng Diyos ang daigdig. Ngunit sa pamamagitan din ng gayunding salita, ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy na inilalaan sa araw ng paghuhukom at pagpaparusa sa masasamang tao.

Subalit (AT) huwag ninyong kaliligtaan ang isang bagay na ito, mga minamahal, na para sa Panginoon ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi nagpapabaya ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng iba. Pinagtitiisan lamang kayo ng Panginoon kaya hindi muna niya ginagawa ang ayon sa kanyang pangako. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat na magsisi sapagkat ayaw niyang mapahamak ang sinuman. 10 Ngunit (AU) darating ang araw ng Panginoon tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Maglalaho ang kalangitan kasabay ng isang malakas na tunog. Tutupukin ng apoy ang sangkap sa kalangitan at ang lupa at ang lahat ng naroon ay masusunog.[k] 11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (AV) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 16 Ganito ang lagi niyang sinasabi sa lahat ng kanyang mga sulat ukol sa paksang ito, bagama't may ilang bahagi sa kanyang liham ang mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. 17 Ngayong alam na ninyo ito, mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ng mga masasamang tao, nang sa gayo'y hindi kayo matinag sa inyong matatag na kalagayan. 18 Sa halip, pagsikapan ninyong lumago sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman! Amen.[l]

Ang Salita ng Buhay

Ipinaaalam namin sa inyo ang tungkol sa kanya na naroon na buhat pa sa simula—tungkol sa Salita ng buhay na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan at nahawakan ng aming mga kamay. Nahayag ang buhay na ito, nakita namin at pinapatotohanan. Ipinaaalam namin sa inyo ang nahayag sa amin—ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama. Ang aming nakita at narinig ang ipinapahayag namin sa inyo, upang magkaroon din kayo ng pakikipagkaisa sa amin. Ang pakikipagkaisa nating ito ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ang mga ito upang maging lubos ang aming[m] kagalakan.

Ang Diyos ay Liwanag

Ang Diyos ay liwanag at sa kanya'y walang anumang kadiliman. Ito ang mensahe na narinig namin mula sa kanyang Anak na siya naman naming ipinahahayag sa inyo. Kung sinasabi nating may pakikipagkaisa tayo sa kanya, subalit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi isinasagawa ang katotohanan. Ngunit kung tayo'y namumuhay sa liwanag tulad niya na nasa liwanag, may pakikipagkaisa tayo sa isa't isa; ang dugo ng kanyang Anak na si Jesus ang naglilinis sa atin sa lahat ng kasalanan. Kung sinasabi natin na wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at makatarungan na magpapatawad sa ating mga kasalanan at maglilinis sa atin mula sa lahat ng kasamaan. 10 Kung sinasabi natin na tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling, at ang kanyang salita ay wala sa atin.

Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol

Mahal kong mga anak, isinusulat ko ang mga ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, mayroon tayong Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na matuwid. Siya ang inialay bilang kabayaran sa ating mga kasalanan, hindi lamang sa ating mga kasalanan kundi maging ng buong sanlibutan.

Sa pamamagitan nito, natitiyak nating kilala natin siya, kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang sinumang nagsasabing, “Kilala ko ang Diyos,” subalit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay isang sinungaling; wala sa taong iyon ang katotohanan. Ngunit ang sinumang tumutupad sa salita ng Diyos, magiging ganap ang kanyang pag-ibig sa Diyos. Sa pamamagitan nito ay matitiyak natin na tayo ay nasa kanya. Ang sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay kung paano namuhay si Jesus.

Ang Bagong Utos

Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Sa halip, ito ay dating utos na tinanggap na ninyo noong una pa man. Ang utos na ito'y ang salita na inyo nang narinig. Gayunman, bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, na totoong nasa kanya at nasa inyo, sapagkat ang kadiliman ay naglalaho at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na. Ang sinumang nagsasabing siya ay nasa liwanag subalit napopoot naman siya sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. 10 Ang sinumang nagmamahal sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya matitisod sa anuman. 11 Ngunit ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman, at namumuhay pa sa kadiliman. Hindi niya alam kung saan siya pumupunta sapagkat binulag siya ng kadiliman.

12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak,
    sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan.
13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama,
    sapagkat kilala na ninyo siya na buhat pa sa simula ay naroon na.
Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,
    sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama.
14 Sumusulat ako sa inyo, munting mga anak,
    sapagkat kilala na ninyo ang Ama.
Sumusulat ako sa inyo, mga ama,
    sapagkat kilala na ninyo siya na buhat pa sa simula ay naroon na.
Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan,
    sapagkat kayo ay malalakas.
    Ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo,
    at napagtagumpayan na ninyo ang Masama.

15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, maging ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung inibig ng sinuman ang sanlibutan, wala sa kanya ang pag-ibig ng Ama. 16 Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman, at ang pagnanasa ng mga mata, at ang kapalaluan sa buhay ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. 17 Lilipas ang sanlibutan at ang pagnanasa nito, subalit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.

Ang Anti-Cristo

18 Munting mga anak, huling oras na! Tulad ng inyong narinig, ang anti-Cristo ay darating. At ngayon, marami na ngang anti-Cristo ang dumating. Kaya't alam natin na huling oras na. 19 Sila ay humiwalay sa atin, bagama't hindi naman talaga sila naging bahagi natin. Sapagkat kung sila'y naging bahagi natin, nanatili sana sila sa atin. Subalit ang kanilang pag-alis ay naghahayag lamang na walang sinuman sa kanila ang kabilang sa atin. 20 Subalit tumanggap kayo ng kaloob mula sa kanya na Banal, kaya't nalalaman ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo hindi dahil hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo ito at nalalaman ninyo na walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. 22 Sino ang sinungaling? Hindi ba't ang tumatangging si Jesus ang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagtatakwil sa Ama at sa Anak. 23 Ang sinumang ayaw tumanggap sa Anak ay hindi kinaroroonan ng Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kinaroroonan ng Ama. 24 Hayaan ninyong manatili sa inyo ang anumang narinig ninyo mula pa nang simula, at mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito ang pangakong ibinigay niya sa atin—ang buhay na walang hanggan.

26 Isinulat ko sa inyo ang mga ito tungkol sa mga tao na magliligaw sa inyo. 27 At kayo ay tumanggap ng kaloob mula sa kanya, nananatili sa inyo, at hindi ninyo kailangan ang sinuman upang magturo sa inyo. Subalit ang ipinagkaloob niya sa inyo ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Ito ay totoo at hindi kasinungalingan; at gaya ng itinuro nito sa inyo, manatili kayo sa kaloob na ito.

Mga anak ng Diyos

28 At ngayon, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang sa panahong siya'y mahayag ay magkaroon tayo ng katiyakan at hindi tayo mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating.

29 Kung alam ninyo na siya'y matuwid, matitiyak ninyo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay anak ng Diyos.

Masdan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig na ibinigay sa atin ng Ama, upang tayo'y tawaging mga anak ng Diyos; at tayo nga'y kanyang mga anak. Dahil dito, hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat hindi nito kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, tayo'y mga anak na ng Diyos ngayon. Hindi pa nahahayag kung ano ang magiging katulad natin sa panahong darating. Ito ang alam natin: kapag nahayag na ang Anak, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang tunay na kalikasan. Ang sinumang mayroong ganitong pag-asa sa Anak ay naglilinis ng kanyang sarili, katulad niya na malinis.

Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay sumusuway din sa Kautusan. Sa katunayan, ang pagsuway sa kautusan ay kasalanan. Nalalaman ninyo na nahayag ang Anak upang alisin ang mga kasalanan, at sa kanya ay walang kasalanang matatagpuan. Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi patuloy na nagkakasala; ang sinumang patuloy na nagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya. Mga anak, huwag kayong magpalinlang kaninuman. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, katulad ni Cristo na matuwid. Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay kakampi ng diyablo, sapagkat sa simula pa ay nagkakasala na ang diyablo. Ito ang dahilan na nahayag ang Anak ng Diyos: upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang bawat taong anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan, sapagkat nananatili sa kanya ang binhi ng Diyos. Hindi niya kayang magpatuloy sa pagkakasala sapagkat anak siya ng Diyos. 10 Sa ganitong paraan mahahayag ang pagkakaiba ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng diyablo: ang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, gayundin ang hindi umiibig sa kanyang kapatid.

Magmahalan Tayo

11 Ito ang mensaheng narinig ninyo mula pa noong una: dapat tayong magmahalan. 12 Hindi tayo dapat maging katulad ni Cain na kakampi ng Masama. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang mga gawa niya ay masasama, at ang mga gawa naman ng kanyang kapatid ay matutuwid. 13 Huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung napopoot sa inyo ang sanlibutan. 14 Nalalaman nating nakatawid na tayo mula sa kamatayan tungo sa buhay, sapagkat minamahal natin ang mga kapatid. Ang hindi nagmamahal ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao. Alam ninyo na hindi nananatili ang buhay na walang hanggan sa mamamatay-tao. 16 Ganito natin nakikilala ang pag-ibig: ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at dapat din nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid. 17 Paanong mananatili ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang may kaya sa buhay sa sanlibutang ito kapag nakikita niya ang kanyang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito pinakikitaan ng habag? 18 Mga anak, magmahal tayo, hindi lamang sa pamamagitan ng salita o kaya'y ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at ng katotohanan.

19 Sa ganitong paraan natin malalaman na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at magiging panatag ang ating puso sa harapan niya 20 tuwing hahatulan tayo nito; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat. 21 Mga minamahal, kung hindi tayo hinahatulan ng ating puso, mayroon tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. 22 At tatanggapin natin ang anumang hilingin natin sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang paningin. 23 At ito ang kanyang utos, na sumampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan sa isa't isa, tulad ng ibinigay niyang utos sa atin. 24 Sinumang tumutupad sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. Ganito natin malalaman na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na ibinigay niya sa atin.

Ang Espiritu ng Diyos at ang Espiritu ng Anti-Cristo

Mga minamahal, huwag kayong maniwala sa bawat espiritu, sa halip ay subukin ninyo ang mga espiritu, kung ang mga ito'y sa Diyos, sapagkat maraming huwad na propeta ang naririto na sa sanlibutan. Makikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos sa ganitong paraan: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao ay sa Diyos. Ang bawat espiritung hindi kumikilala kay Jesus ay hindi sa Diyos. Ito ay espiritu ng anti-Cristo na inyong narinig na darating; at ngayo'y nasa sanlibutan na. Mga anak, kayo'y sa Diyos, at napagtagumpayan na ninyo sila, sapagkat higit na makapangyarihan siya na nasa inyo kaysa kanya na nasa sanlibutan. Sila ay mula sa sanlibutan, kaya't ang sinasabi nila ay mula sa sanlibutan, at pinakikinggan sila nito. Tayo ay sa Diyos. Ang sinumang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, at sinumang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa atin. Sa pamamagitan nito ay makikilala natin ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan.

Ang Diyos ay Pag-ibig

Mga minamahal, ibigin natin ang isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang sinumang umiibig ay anak na ng Diyos at nakikilala niya ang Diyos. Ang sinumang hindi umiibig ay hindi nakikilala ang Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Sa ganitong paraan, nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin: isinugo ng Diyos sa sanlibutan ang kanyang kaisa-isang Anak upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. 10 Ganito ipinamalas ang pag-ibig: hindi dahil inibig natin ang Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo niya ang kanyang Anak bilang alay para sa pagpapatawad ng ating mga kasalanan. 11 Mga minamahal, yamang lubos tayong iniibig ng Diyos, dapat din nating ibigin ang isa't isa. 12 Walang (AW) sinumang nakakita sa Diyos, ngunit kung iniibig natin ang isa't isa, nananatili ang Diyos sa atin, at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.

13 Sa ganito natin nalalaman na tayo nga'y nananatili sa kanya at siya'y sa atin, na ibinigay niya sa atin ang kanyang Espiritu. 14 Nakita namin at kami'y nagpapatotoo na isinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. 15 Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananatili sa kanya at siya ay nananatili sa Diyos. 16 Tayo ang nakaalam at sumampalataya sa pag-ibig na iniuukol ng Diyos para sa atin.

Ang Diyos ay pag-ibig, at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. 17 Sa ganitong paraan naging ganap sa atin ang pag-ibig, upang tayo'y magkaroon ng katiyakan sa araw ng paghuhukom, sapagkat kung ano siya ay gayon din tayo sa sanlibutang ito. 18 Walang anumang takot sa pag-ibig. Sa halip, ang ganap na pag-ibig ay nag-aalis ng takot, sapagkat ang takot ay mayroong kaparusahan. Ang sinumang natatakot ay hindi pa lubusang umiibig. 19 Tayo ay umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. 20 Ang sinumang nagsasabing iniibig niya ang Diyos ngunit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakikita. 21 Ito ang utos na ibinigay niya sa atin: dapat ding umibig sa kanyang kapatid ang umiibig sa Diyos.

Ang Pagtatagumpay sa Sanlibutan

Ang sinumang sumasampalatayang si Jesus ang Cristo ay anak na ng Diyos, at ang sinumang nagmamahal sa nagsilang ay nagmamahal din sa isinilang. Ganito natin nalalaman na minamahal natin ang mga anak ng Diyos: kung minamahal natin ang Diyos at sinusunod ang kanyang mga utos. Sapagkat ganito ang pagmamahal sa Diyos, na sundin natin ang kanyang mga utos, at hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos. Sapagkat ang sinumang anak na ng Diyos ay nagtatagumpay sa sanlibutan. At ito ang pagtatagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. At sino ang nagtatagumpay sa sanlibutan? Hindi ba siya na sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?

Ang Patotoo tungkol sa Anak ng Diyos

Si Jesu-Cristo ang siyang pumarito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo; hindi lamang sa pamamagitan ng tubig kundi ng tubig at ng dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Sapagkat may tatlong nagpapatotoo:[n] ang Espiritu, ang tubig at ang dugo, at ang tatlong ito ay nagkakaisa. Kung tumatanggap tayo ng patotoo ng mga tao, mas higit pa ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos, na kanyang ibinigay tungkol sa kanyang Anak. 10 Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay sa kanyang sarili ng patotoong ito. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. 11 At ito ang patotoo: binigyan tayo ng Diyos ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. 12 Ang sinumang kinaroroonan ng Anak ay may buhay; ang sinumang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay walang buhay.

13 Isinulat ko ang mga ito sa inyo na sumasampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos, upang malaman ninyo na kayo'y may buhay na walang hanggan. 14 At ito ang katiyakang taglay natin sa kanya: kung anuman ang hihilingin natin ayon sa kanyang kalooban, pinakikinggan niya tayo. 15 At kung alam nating pinakikinggan niya tayo sa anumang hinihiling natin, nakatitiyak na tayo na tatanggapin natin ang hiniling natin mula sa kanya.

16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ipanalangin niya ito, at ito ay bibigyan ng Diyos ng buhay, at ganoon din sa mga gumagawa ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan; hindi tungkol dito ang sinasabi ko na ipanalangin ninyo. 17 Lahat ng kasamaan ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.

18 Alam na nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa kasalanan, sapagkat iniingatan siya ng Anak ng Diyos at hindi siya nagagawang saktan ng Masama. 19 Alam na natin na tayo ay sa Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Masama. 20 At alam na nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan tayo ng pagkaunawa upang makilala natin siya na totoo; at tayo ay nasa kanya na totoo. Samakatuwid, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan. 21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.

Panimula

Mula sa matanda para sa hinirang na ginang at kanyang mga anak, na tunay kong iniibig, at hindi lamang ako, kundi lahat ng nakaaalam ng katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman. Sumaatin nawa ang biyaya, habag at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula kay Jesu-Cristo, na Anak ng Ama sa katotohanan at pag-ibig.

Katotohanan at Pag-ibig

Labis akong nagalak nang malaman kong ilan sa iyong mga anak ay namumuhay sa katotohanan, tulad ng utos na tinanggap natin mula sa Ama. At ngayon, ginang, ako'y humihiling sa iyo; hindi tulad ng isang bagong utos ang isinusulat ko sa iyo, kundi iyon ding tinanggap natin mula nang simula, na ibigin natin ang isa't isa. At ito ang pag-ibig: tayo'y mamuhay ayon sa kanyang mga utos. At ito ang utos, tulad ng inyong narinig mula pa noong una: mamuhay tayo ayon dito. Sapagkat maraming mandaraya ang kumalat sa sanlibutan. Hindi nila kinikilala na dumating si Jesu-Cristo bilang tao. Ang mga ito ang mandaraya at ang anti-Cristo! Ingatan ninyo ang inyong mga sarili, upang hindi masira ang aming pinagpaguran, kundi tumanggap kayo ng lubos na gantimpala. Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa katuruan ni Cristo, wala sa kanya ang Diyos. Subalit ang sinumang nananatili sa katuruan, nasa kanya ang Ama at ang Anak. 10 Ang sinumang dumating sa inyo na hindi taglay ang katuruang ito ay huwag tanggapin sa inyong tahanan, at huwag din ninyo siyang batiin. 11 Sapagkat ang tumatanggap sa taong ito ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa.

Pangwakas na Pagbati

12 Marami pa sana akong isusulat sa inyo, subalit hindi ko nais gawin ito sa papel at tinta, kundi ako'y umaasa na makarating sa inyo at makapag-usap tayo nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan.

13 Binabati ka ng mga anak ng hinirang na kapatid mong babae.

Panimula

Mula sa matanda, para sa minamahal kong Gayo, na aking minamahal ayon sa katotohanan.

Mahal kong kapatid, dalangin ko nawa'y nasa mabuti kang kalagayan at malusog ang iyong pangangatawan, kung paanong mabuti rin ang kalagayan ng iyong kaluluwa. Galak na galak ako nang dumating ang ilan sa mga kapatid at nagpatotoo sa iyong katapatan sa katotohanan, tulad ng iyong pamumuhay ayon sa katotohanan. Wala nang hihigit pa sa kagalakan kong ito, na mabalitaang ang mga anak ko ay namumuhay sa katotohanan.

Mga Katuwang at mga Kalaban

Minamahal, tapat ang anumang ginagawa mo para sa iyong mga kapatid, maging sa mga dayuhan. Nagpatotoo sa iglesya ang mga kapatid tungkol sa iyong pag-ibig. Makabubuti kung matutulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, na siya namang kalugud-lugod sa Diyos. Sapagkat sila ay nagsimula nang maglakbay alang-alang kay Cristo.[o] Ginawa nila ito nang hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga di-mananampalataya. Kaya nga, nararapat nating tulungan ang mga taong tulad nila, upang tayo'y maging kamanggagawa para sa katotohanan.

Sumulat ako ng ilang bagay sa iglesya, subalit hindi kami tinanggap ni Diotrefes, na naghahangad na maging pangunahin. 10 Dahil dito, pagdating ko riyan ay ilalantad ko ang kanyang mga gawa, at ang mga paninirang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan sa mga iyon; ayaw pa niyang tanggapin ang mga kapatid, at pinipigilan pa niya ang mga nagnanais tumanggap sa mga ito at pinapalayas sa iglesya.

11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama kundi ang mabuti. Ang sinumang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang sinumang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. 12 Nagpatotoo ang lahat tungkol kay Demetrio, pati na rin ang katotohanan. Kami rin ay nagpapatotoo tungkol sa kanya, at alam mong totoo ang aming patotoo.

Mga Huling Pagbati

13 Marami pa akong isusulat sa iyo, subalit hindi ko nais gawin ito gamit ang panulat at tinta; 14 sa halip, hangad kong makita ka agad, at makapag-usap tayo nang harapan. 15 Sumaiyo ang kapayapaan. Binabati ka ng mga kaibigan. Ipaabot mo ang aking pagbati sa bawat isang[p] kaibigan natin diyan.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.