Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Job 25-41

Nagsalita si Bildad

25 Sumagot si Bildad na taga-Shua, “Makapangyarihan ang Dios at kagalang-galang. Pinaghahari niya ang kapayapaan sa langit. Mabibilang ba ang kanyang hukbo? May lugar bang hindi nasisinagan ng kanyang liwanag? Paano makakatayo ang isang tao sa harapan ng Dios at sasabihing siya ay matuwid? Mayroon bang taong ipinanganak na walang kapintasan? Kung ang buwan at mga bituin ay hindi maliwanag sa kanyang paningin, di lalo na ang tao na parang uod lamang.”

Sumagot si Job

26 Sumagot si Job, “Ang akala mo baʼy natulungan mo ang walang kakayahan at nailigtas ang mahihina? Ang akala mo baʼy napayuhan mo ang kapos sa karunungan sa pamamagitan ng iyong karunungan? Saan ba nanggaling ang mga sinasabi mong iyan? Sinong espiritu ang nagturo sa iyo na sabihin iyan?

“Nanginginig sa takot ang mga patay sa kinalalagyan nila sa ilalim ng tubig. Lantad sa paningin ng Dios ang lugar ng mga patay. Hindi maitatago ang lugar na iyon ng kapahamakan. Inilatag ng Dios ang hilagang kalangitan sa kalawakan at isinabit ang mundo sa kawalan. Ibinabalot niya ang ulan sa makakapal na ulap, pero hindi ito napupunit gaano man kabigat. Tinatakpan niya ng makapal na ulap ang bilog na buwan.[a] 10 Nilagyan niya ng hangganan ang langit at dagat na parang hangganan din ng liwanag at dilim. 11 Sa pagsaway niya ay nayayanig ang mga haligi ng langit. 12 Sa kanyang kapangyarihan ay pinaaalon niya ang dagat; sa kanyang karunungan ay tinalo niya ang dragon na si Rahab. 13 Sa pamamagitan ng pag-ihip niya ay umaaliwalas ang langit, at sa kanyang kapangyarihan pinatay niya ang gumagapang na dragon. 14 Mga simpleng bagay lang ito para sa kanya. Parang isang bulong lang na ating napakinggan. Sino ngayon ang makakaunawa sa kapangyarihan ng Dios?”

27 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Sumusumpa ako sa Makapangyarihan at buhay na Dios na nagkait ng katarungan at nagdulot sa akin ng sama ng loob. Habang akoʼy may hininga at pinapahintulutan niyang mabuhay, hindi ako magsasalita ng masama at kasinungalingan. Hinding-hindi ko matatanggap na tama kayo. Ipipilit ko pa rin na wala akong kasalanan hanggang sa mamatay ako. Ipaglalaban kong tama ako, at hindi ako titigil. Malinis ang aking konsensya habang akoʼy nabubuhay.

“Parusahan nawa ng Dios ang mga kumakalaban sa akin ng parusang nararapat sa masasamang tao! Sapagkat ano ang pag-asa ng taong walang takot sa Dios kung bawiin na ng Dios ang kanyang buhay? Didinggin kaya ng Dios ang paghingi niya ng tulong kung dumating sa kanya ang kagipitan? 10 Matutuwa kaya siya sa Makapangyarihang Dios? Tatawag kaya siya sa kanya sa lahat ng oras?

11 “Tuturuan ko sana kayo ng tungkol sa kapangyarihan ng Dios. Sasabihin ko sa inyo ang mga pamamaraan niya. 12 Pero alam na pala ninyo ang lahat ng ito. Kaya bakit pa kayo nagsasalita sa akin ng walang kabuluhan?

13 “Ito ang kapalaran na itinakda ng Makapangyarihang Dios sa taong masama at malupit. 14 Kahit gaano kadami ang anak niya, mamamatay ang iba sa kanila sa digmaan at ang iba naman ay sa gutom. 15 Ang matitira sa kanila ay mamamatay sa sakit, at walang magluluksa sa pagkamatay nila, kahit ang kanilang mga asawa.

16 “Kahit mag-ipon ng maraming pilak at damit ang masamang tao, 17 hindi rin siya ang makikinabang nito. Ang matutuwid at walang kasalanan ang magsusuot ng kanyang mga damit at ang maghahati-hati sa kanyang mga pilak. 18 Ang itinatayo niyang bahay ay magiging kasinrupok ng sapot ng gagamba o kayaʼy silungan ng tagapagbantay sa bukid. 19 Matutulog siyang mayaman pero paggising niyaʼy wala na ang kanyang kayamanan. 20 Darating sa kanya ang takot na parang rumaragasang baha at tatangayin siya ng ipu-ipo pagsapit ng gabi. 21 Tatangayin siya ng hangin na mula sa silangan at mawawala siya sa kanyang tirahan. 22 Walang awa siyang tatangayin nito habang pinipilit niyang makatakas. 23 May mga papalakpak at susutsot sa kanya para mangutya, dahil wala na siya sa kanyang tinitirhan.

Nagsalita si Job Tungkol sa Karunungan at Pang-unawa

28 “May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto. Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato. Gumagamit ng ilaw ang mga tao para madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa. Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid. Sa ibabaw ng lupa tumutubo ang mga tanim kung saan nagmumula ang pagkain, pero sa ilalim ay parang dinaanan ng apoy. Ang mga bato roon ay may mga safiro[b] at ang mga alikabok ay may ginto. Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit. Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon. Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok. 10 Hinuhukay nila ang bundok para hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato. 11 Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12 “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13 Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14 Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15 Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16 Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17 Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18 Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19 Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia[c] at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20 “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21 Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22 Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23 Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24 Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25 Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26 itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27 Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”

Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job

29 Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, “Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. Tumatahimik kahit ang mga pinuno 10 at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako. 11 Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita. 12 Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan. 13 Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din. 14 Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot. 15 Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay. 16 Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin. 17 Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila.

18 “Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan. 19 Sapagkat ang katulad ko nooʼy matibay na punongkahoy na umaabot ang mga ugat sa tubig at laging nahahamugan ang mga sanga. 20 Palagi akong malakas at pinupuri ng mga tao. 21 Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. 22 Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. 23 Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. 24 Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. 25 Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.

30 “Pero ngayon, kinukutya na ako ng mga mas bata sa akin, na ang mga ama ay hindi mapagkakatiwalaan. Mas mapagkakatiwalaan pa nga ang mga aso kong tagapagbantay ng aking kawan kaysa sa kanila. Ano bang makukuha ko sa mga taong ito na mahihina at talagang wala ng lakas? Payat na payat sila dahil sa labis na kahirapan at gutom. Kahit gabi ay nagkakaykay sila ng mga lamang-lupa sa ilang para may makain. Binubunot nila at kinakain ang mga tanim sa ilang pati na ang ugat ng punong enebro. Tinataboy sila palayo sa kanilang mga kababayan at sinisigawan na parang mga magnanakaw. Tumitira sila sa mga lambak, sa malalaking bitak ng bato at mga lungga sa lupa. Para silang mga hayop na umaalulong sa kagubatan at nagsisiksikan sa ilalim ng maliliit na punongkahoy. Wala silang halaga, walang nakakakilala at pinalayas pa sa kanilang lupain.

“At ngayon, paawit pa kung kutyain ako ng kanilang mga anak at naging katatawanan pa ako sa kanila. 10 Namumuhi sila at umiiwas sa akin. Hindi sila nangingiming duraan ako sa mukha. 11 Ngayong pinanghina ako at pinahirapan ng Dios, ginawa nila ang gusto nilang gawin sa akin. 12 Nilusob ako ng masasamang ito at nilagyan ng bitag ang aking dadaanan. Talagang pinagsisikapan nila akong ipahamak. 13 Sinisira nila ang dadaanan ko para ipahamak ako. At nagtatagumpay sila kahit walang tumutulong sa kanila. 14 Sinasalakay nila ako na parang mga sundalong dumadaan sa malalaking butas ng gibang pader. 15 Takot na takot ako, at biglang nawala ang karangalan ko na parang hinipan ng malakas na hangin, at ang kasaganaan koʼy naglahong gaya ng ulap. 16 At ngayon ay parang mamamatay na ako; walang tigil ang aking paghihirap. 17 Sa gabi ay kumikirot ang mga buto ko at hindi nawawala ang sakit nito. 18 Sa pamamagitan ng pambihirang lakas ng Dios, sinunggaban niya ako, hinawakan sa kwelyo, 19 at inihagis sa putik. Naging parang alikabok at abo na lang ako.

20 O Dios, humingi ako ng tulong sa inyo pero hindi kayo sumagot. Tumayo pa ako sa presensya nʼyo pero tiningnan nʼyo lang ako. 21 Naging malupit kayo sa akin. Pinahirapan nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. 22 Parang ipinatangay nʼyo ako sa hangin at ipinasalanta sa bagyo. 23 Alam kong dadalhin nʼyo ako sa lugar ng mga patay, ang lugar na itinakda para sa lahat ng tao.

24 “Tiyak na wala akong sinaktang taong naghihirap at humihingi ng tulong dahil sa kahirapan. 25 Iniyakan ko pa nga ang mga taong nahihirapan, at ang mga dukha. 26 Ngunit nang ako naman ang umasang gawan ng mabuti, masama ang ginawa sa akin. Umasa ako ng liwanag pero dilim ang dumating sa akin. 27 Walang tigil na nasasaktan ang aking damdamin. Araw-araw paghihirap ang dumarating sa akin. 28 Umitim ang balat ko hindi dahil sa init ng araw kundi sa aking karamdaman. Tumayo ako sa harap ng kapulungan at humingi ng tulong. 29 Ang boses koʼy parang alulong ng asong-gubat o huni ng kuwago. 30 Umitim ang balat koʼt natutuklap, at inaapoy ako ng lagnat. 31 Kaya naging malungkot ang tugtugin ng aking alpa at plauta.

31 “Ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ako titingin nang may pagnanasa sa isang dalaga. Sapagkat anong igaganti ng Makapangyarihang Dios na nasa langit sa mga ginagawa ng tao? Hindi baʼt kapahamakan at kasawian para sa mga gumagawa ng kasamaan? Alam ng Dios ang lahat ng aking ginagawa. Kung nagsinungaling man ako at nandaya, hahayaan kong hatulan ako ng Dios, dahil siya ang nakakaalam kung nagkasala nga ako. Kung hindi ako sumunod sa tamang daan, o kung sinunod ko ang nais ng aking mata, at dinungisan ko ang aking sarili, masira nawa ang aking mga pananim o di kayaʼy pakinabangan ng iba. Kung naakit ako ng ibang babae o napaibig sa asawa ng aking kapwa, 10 kunin nawa at sipingan ng ibang lalaki ang asawa ko. 11 Sapagkat ang pangangalunya ay kasalanang nakakahiya, at dapat na parusahan ang taong ganyan ang ginagawa. 12 Iyan ay parang mapamuksang apoy na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.

13 “Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin, 14 anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako? 15 Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?

16 “Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan, 17 at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios. 18 Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda. 19 Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit, 20 binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin. 21 Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman, 22 maputol sana ang mga braso ko. 23 Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.

24 “Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25 Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26 Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27 Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28 Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.

29 “Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30 Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31 Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32 Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33 Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34 Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.

35 “Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36 At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37 Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.

38 “Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,[d] 39 o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40 tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”

Dito natapos ang mga sinabi ni Job.

Nagsalita si Elihu

32 Kinalaunan, tumigil na sa pagsasalita ang tatlong kaibigan ni Job, dahil ipinipilit ni Job na wala siyang kasalanan.

May isang tao roon na ang pangalan ay Elihu. Anak siya ni Barakel, na taga-Buz. Mula siya sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job dahil sinisisi nito ang Dios, sa halip na ang kanyang sarili. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job dahil hindi nila napatunayang nagkasala si Job at lumalabas pa na ang Dios ang may kasalanan. At dahil mas matanda sila kaysa kay Elihu, naghintay muna si Elihu na matapos silang magsalita bago siya nagsalita kay Job. Pero nang wala ng masabi ang tatlo, nagalit siya. Kaya sinabi niya, “Bata pa ako at kayoʼy matatanda na, kaya nag-aatubili akong magsalita. Hindi ako nangahas na magsalita sa inyo tungkol sa nalalaman ko. Ang akala ko ay kayo ang dapat magturo dahil matatanda na kayo at maraming nalalaman. Pero ang totoo, ang espiritu ng Dios na Makapangyarihan na nasa tao, ang siyang nagbibigay ng pang-unawa. Ang katandaan ay hindi garantiya ng karunungan at kaalaman kung ano ang tama. 10 Kaya pakinggan ninyo ako. Sasabihin ko ang nalalaman ko. 11 Naghintay ako habang iniisip ninyo kung ano ang nararapat ninyong sabihin. Pinakinggan ko ang inyong mga katuwiran. 12 Pinakinggan kong mabuti ang mga sinabi ninyo, pero ni isa sa inyoʼy walang nakapagpatunay na nagkasala si Job; ni hindi ninyo nasagot ang mga pangangatwiran niya. 13 Huwag ninyong sasabihing, ‘Napag-alaman naming mas marunong siya. Hayaan ninyong ang Dios ang sumagot sa kanya at hindi ang tao!’ 14 Kung sa akin siya nakipagtalo, hindi ko siya sasagutin na katulad ng mga sinabi ninyo. 15 Hindi na kayo makakibo ngayon at wala nang maisagot sa kanya. 16 At ngayong wala na kayong maisagot, kailangan ko pa bang maghintay? 17 Ako rin ay may sasabihin ayon sa nalalaman ko. 18 Dahil marami akong gustong sabihin, at hindi ko na talaga ito mapigilan. 19 Para akong bagong sisidlang-balat na punong-puno at malapit nang sumabog. 20 Kinakailangan kong magsalita para gumaan ang pakiramdam ko. 21 Wala akong kakampihan o pupurihin. 22 Hindi ako marunong mambola. Kung gagawin ko ito, parusahan nawa ako ng aking Manlilikha.”

33 “Ngayon, Job, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo. Handang-handa na akong magsalita, at ang mga sasabihin koʼy nasa dulo na ng aking dila. Ang sasabihin koʼy mula sa tapat kong puso at tuwiran kong sasabihin ang aking nalalaman. Ang espiritu ng Makapangyarihang Dios ang gumawa sa akin at nagbigay buhay. Sagutin mo ako, kung kaya mo. Ihanda mo ang iyong katuwiran at harapin ako. Pareho lang tayo sa harapan ng Dios. Tulad mo rin akong nagmula sa lupa. Kaya huwag kang matakot sa akin at huwag mong isipin na aapihin kita.

“Narinig ko ang mga sinabi mo. Sinabi mong, ‘Wala akong kasalanan. Malinis ako at walang ginawang masama. 10 Pero naghahanap ang Dios ng dahilan para akoʼy pahirapan. Itinuturing niya akong kaaway. 11 Kinadenahan niya ang mga paa ko at binabantayan ang lahat ng kilos ko.’

12 “Pero Job, mali ka sa mga sinabi mo. Hindi baʼt ang Dios ay higit kaysa sa tao? 13 Bakit mo siya pinararatangan na hindi niya sinasagot ang daing ng tao? 14 Ang totoo, palaging[e] nagsasalita ang Dios, kaya lang hindi nakikinig ang mga tao. 15 Nagsasalita siya sa pamamagitan ng panaginip o ng pangitain habang ang taoʼy natutulog ng mahimbing sa gabi. 16 Bumubulong siya sa mga tainga nila para magbigay ng babala, at ito ang nakapagpatakot sa kanila. 17 Ginagawa niya ito para pigilan sila sa paggawa ng kasalanan at pagmamataas, 18 at para mailigtas sila sa kamatayan. 19 Kung minsan naman, itinutuwid ng Dios ang tao sa pamamagitan ng sakit tulad ng walang tigil na pananakit ng buto, 20 at nawawalan siya ng ganang kainin kahit na ang pinakamasasarap na pagkain. 21 Kaya pumapayat siya, at nagiging butoʼt balat na lamang. 22 Malapit na siyang mamatay at mapunta sa lugar ng mga patay.

23 “Pero kung may kahit isa man sa isang libong anghel na mamamagitan sa kanya at sa Dios, at sasabihing siya ay matuwid, 24 kahahabagan siya ng Dios.[f] At sasabihin ng Dios, ‘Iligtas nʼyo siya sa kamatayan. Nakatagpo ako ng pantubos sa kanya.’ 25 Muli siyang magiging malusog. Lalakas siya tulad noong kanyang kabataan. 26 At kapag nanalangin siya sa Dios, sasagutin siya ng Dios at masayang tatanggapin, ibabalik ng Dios ang matuwid niyang pamumuhay. 27 Pagkatapos, sasabihin niya sa mga tao, ‘Nagkasala ako at gumawa ng hindi tama, pero hindi ko natanggap ang parusang nararapat sa akin. 28 Iniligtas niya ako sa kamatayan at patuloy akong nabubuhay.’

29 “Oo, lagi itong ginagawa ng Dios sa tao. 30 Inililigtas niya ang tao sa kamatayan para mabuhay ito.

31 “Job, pakinggan mo akong mabuti. Tumahimik kaʼt hayaan akong magsalita. 32 Kung may gusto kang sabihin, sabihin mo, dahil gusto kong malaman kung wala ka talagang kasalanan. 33 Pero kung wala ka namang sasabihin, tumahimik ka na lang at makinig sa karunungan ko.”

34 Sinabi pa ni Elihu,

“Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti. Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita. Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti. Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan pero hindi ako binigyan ng Dios ng katarungan. Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’

“Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya. Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao, dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Dios!’

10 “Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Makapangyarihang Dios ay hindi gumagawa ng masama. 11 Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa kanyang mga ginawa; pinakikitunguhan niya ito ayon sa nararapat sa kanyang ugali. 12 Nakatitiyak akong hindi maaaring gumawa ang Makapangyarihang Dios ng masama. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya. 13 May nagtalaga ba sa kanya para pamunuan ang mundo? May nagbilin ba sa kanya ng mundo? Wala! 14 Kung loloobin ng Dios na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao, 15 lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.

16 Job, kung may pang-unawa ka, pakinggan mo ang sasabihin ko: 17 Makakapamuno kaya ang Dios kung ayaw niya ng katarungan? Bakit mo hinahatulan ang matuwid at makapangyarihang Dios? 18 Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kwenta? 19 Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha. 20 Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.

21 “Binabantayan ng Dios ang lahat ng ginagawa ng tao. 22 Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama. 23 Hindi na kailangang tawagin pa ng Dios ang tao upang humarap sa kanya para tanungin at hatulan. 24 Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno para alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba. 25 Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi. 26 Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan. 27 Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan. 28 Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Dios ang paghingi ng mga ito ng tulong. 29 Pero kahit na tumahimik ang Dios at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Dios ang tao at mga bansa, 30 para patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadios, na siyang bitag na pipinsala sa mga tao.

31 Job, bakit ayaw mong lumapit sa Dios at sabihin sa kanya, ‘Nagkasala po ako, pero hindi na ako magkakasala pa!’ 32 o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko. Kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’ 33 Papaano sasagutin ng Dios ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi? Ikaw ang magpapasya nito at hindi ako. Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pasya mo.

34 “Ang mga taong marunong at may pang-unawa, na nakikinig sa akin, 35 ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job ay kamangmangan at walang kabuluhan. 36 Dapat ka ngang lubusang subukin dahil nagsasalita kang gaya ng masamang tao. 37 Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo dahil sa paghihimagsik mo sa Dios. Minamasama moʼt kinukutya ang Dios sa harap namin.”

35 Sinabi pa ni Elihu, “Akala mo baʼy tama ka sa pagsasabing wala kang kasalanan sa harap ng Dios? Pero tinatanong mo rin, ‘Anong pakinabang ko kung akoʼy hindi gagawa ng kasalanan?’

“Sasagutin kita pati na ang iyong mga kaibigan. Tumingin ka sa langit at tingnan mo kung gaano kataas ang ulap. Kung magkasala ka, hindi iyon makakaapekto sa Dios, kahit patuloy ka pang magkasala. Kung matuwid ka, ano naman ang kabutihang maibibigay nito sa Dios? Ang maaapektuhan lamang sa ginagawa mong mabuti o masama ay ang iyong kapwa.

“Ang mga inaapi ay humihingi ng tulong na iligtas sila sa kamay ng mga makapangyarihang tao. 10 Pero hindi sila tumatawag sa Dios na lumikha sa kanila at nagbibigay ng kalakasan sa panahon ng paghihirap. 11 Hindi sila lumalapit sa Dios na nilikha silang higit na marunong kaysa sa mga hayop at ibon. 12 At kung mananalangin sila, hindi sila sinasagot ng Dios dahil mayayabang sila at masasamang tao. 13 Tunay ngang hindi dinidinig ng Makapangyarihang Dios ang walang kabuluhang paghingi nila ng tulong. 14 Job, lalo ka lang niyang hindi pakikinggan kung sasabihin mong hindi mo nakikita ang kanyang tulong nang idinulog mo ang iyong kalagayan, at pinaghihintay ka lang. 15 Sinabi mo rin na hindi nagpaparusa ang Dios kahit galit siya, at hindi niya pinapansin ang kasamaang ginagawa ng tao. 16 Job, walang saysay ang sinasabi mo. Talagang malinaw na hindi mo alam ang iyong sinasabi.”

36 Nagpatuloy pa si Elihu, “Pagtiyagaan mo pa ako ng kaunti, dahil may sasabihin pa ako para ipagtanggol ang Dios. Marami akong nalalaman at papatunayan ko sa iyo na ang Dios na lumikha sa akin ay tama. Tinitiyak ko sa iyong hindi ako nagsisinungaling, dahil ako na kausap moʼy tunay na marunong.

“Makapangyarihan ang Dios, pero wala siyang hinahamak. Nalalaman niya ang lahat ng bagay. Hindi niya pinapayagang mabuhay ang masama, at ang mga inaapi ay binibigyan niya ng katarungan. Hindi niya pinapabayaan ang mga matuwid. Pinararangalan niya sila kasama ng mga hari magpakailanman. Pero kung silaʼy pinahihirapan na parang ginagapos ng kadena, ipinapakita sa kanila ng Dios ang ginawa nilang kasalanan na ipinagmamalaki pa nila. 10 Ipinaririnig niya sa kanila ang kanyang babala at inuutusan silang tumalikod sa kasamaan. 11 Kung susunod sila at maglilingkod sa kanya, buong buhay silang mamumuhay sa kasaganaan at kaligayahan. 12 Pero kung hindi sila susunod, mamamatay sila sa digmaan na kapos sa kaalaman.

13 “Ang mga taong hindi makadios ay nagkikimkim ng galit sa puso, at kahit na pinaparusahan na sila ng Dios, hindi pa rin sila humihingi ng tulong sa kanya. 14 Mamamatay silang kahiya-hiya[g] habang bata pa. 15 Pero sa pamamagitan ng mga paghihirap, tinuturuan ng Dios ang mga tao. Natututo silang makinig sa kanya sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

16 “Inilalayo ka ng Dios sa panganib at binibigyan ng kalayaan at kasaganaan. At mapupuno ng masasarap na pagkain ang iyong hapag-kainan. 17 Pero ngayong nararanasan mo ang parusang nararapat sa masasama, hindi ka na makakaiwas sa katarungan. 18 Mag-ingat ka, baka matukso ka sa kayamanan at mailigaw ng malalaking suhol. 19 Makakatulong kaya sa iyong paghihirap ang mga kayamanan moʼt kakayahan? 20 Huwag mong hahanapin ang gabi,[h] ang panahon ng kapahamakan ng mga bansa. 21 Mag-ingat kaʼt huwag gumawa ng masama. Pinahihirapan ka para makaiwas sa kasamaan.

22 “Alalahanin mong ang Dios ay tunay makapangyarihan. Walang guro na katulad niya. 23 Walang makapagtuturo sa kanya kung ano ang dapat niyang gawin, at walang makapagsasabing nagkamali siya. 24 Huwag mong kalimutang purihin ang kanyang mga ginawa gaya ng ginagawa ng iba sa kanilang pag-awit. 25 Nakita ng lahat ang kanyang mga gawa, kahit tinitingnan ito mula sa malayo.[i] 26 Tunay na makapangyarihan ang Dios at hinding-hindi natin kayang unawain ang kanyang kadakilaan. Kahit ang kanyang mga taon ay hindi natin mabibilang.

27 Ang Dios ang nagpapaakyat ng tubig mula sa lupa at ginagawa niyang ulan. 28 Bumubuhos ang ulan mula sa ulap para sa mga tao. 29 Walang nakakaalam kung paano kumakalat ang ulap, at kung paano kumukulog sa langit kung saan nananahan ang Dios. 30 Masdan mo kung paano niya pinakikidlat sa kanyang paligid, at kung paano nito pinaliliwanag hanggang sa dulo ng dagat. 31 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, pinamumunuan niya ang mga bansa at binibigyan ng saganang pagkain ang mga tao. 32 Hinahawakan niya ang kidlat at inuutusang tamaan ang sinumang nais niyang patamaan. 33 Ang kulog ay nagpapahiwatig na may bagyong paparating, kahit mga hayop ay alam na itoʼy darating.

37 “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo. Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog. Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo. Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan. Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain. Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas, para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios. Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo. Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan. 10 Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig. 11 Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito. 12 Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap. 13 Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig.

14 “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios. 15 Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito? 16 Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan. 17 Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog, 18 matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin?

19 Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman. 20 Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak. 21 Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap. 22 Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga. 23 Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi, 24 kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”

Nagsalita ang Panginoon

38 Pagkatapos, sinagot ng Panginoon si Job mula sa ipu-ipo, sinabi niya,

“Sino ka na nag-aalinlangan sa aking karunungan? Ang mga sinasabi moʼy nagpapatunay lang na wala kang nalalaman. Humanda ka. Sagutin mo ang aking mga tanong.

“Nasaan ka noong nilikha ko ang pundasyon ng daigdig? Kung talagang may alam ka, sabihin mo sa akin. Alam mo ba kung sino ang nagpasya ng magiging lawak ng pundasyon at sukat nito? Sino ang may hawak ng pundasyon ng mundo? At sino ang naglagay ng pundasyon na ito habang sama-samang umaawit ang mga bituin sa umaga at nagsisigawan sa tuwa ang lahat ng anghel?[j]

“Sino ang naglagay ng hangganan sa dagat nang bumulwak ito mula sa kailaliman? Ako ang naglagay ng makapal na ulap at kadiliman bilang takip ng dagat. 10 Nilagyan ko ng hangganan ang dagat; parang pintuang isinara at nilagyan ng trangka. 11 Sinabihan ko ang dagat, ‘Hanggang dito ka lang at huwag kang lalampas; hanggang dito lang ang malalaki mong alon.’

12 “Minsan ba sa buhay mo Job ay nautusan mo ang umaga na magbukang-liwayway 13 para ang ningning nito ay lumiwanag sa buong mundo at mapatigil ang kasamaang ginagawa kapag madilim? 14 At dahil sa sikat ng araw, ang daigdig ay malinaw na nakikita katulad ng marka ng pantatak at lukot ng damit. 15 Ang liwanag ay nakakapigil sa masasama, dahil hindi sila makakagawa ng karahasan sa iba.

16 “Ikaw baʼy nakapunta na sa mga bukal na nasa ilalim ng dagat o sa pinakamalalim na bahagi ng dagat? 17 Naipakita na ba sa iyo ang mga pintuan patungo sa lugar ng mga patay? 18 Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sabihin mo sa akin kung alam mo ang lahat ng ito!

19 “Alam mo ba kung saan nanggaling ang liwanag at dilim? 20 At kaya mo ba silang pabalikin sa kanilang pinanggalingan? 21 Oo nga pala, alam mo ang lahat ng ito dahil ipinanganak ka na bago pa likhain ang mga ito at matagal na panahon ka nang nabubuhay!

22 “Nakapunta ka na ba sa lugar na pinanggagalingan ng nyebe o ulan na yelo? 23 Ang mga yelong itoʼy inihahanda ko para sa panahon ng kaguluhan at digmaan. 24 Alam mo ba ang daan patungo sa lugar na pinanggagalingan ng kidlat,[k] o sa lugar na pinanggagalingan ng hanging silangan? 25 Sino nga ba ang gumawa ng dadaanan ng ulan at ng bagyo? 26 Sino nga ba ang nagpapadala ng ulan sa disyerto, sa lugar na walang nakatirang tao? 27 Sino ang nagpapadala ng ulan sa ilang para tumubo ang mga damo? 28 Sino ang ama ng ulan, ng hamog, 29 at ng yelong mula sa langit? 30 Ang tubig ay nagyeyelo na kasingtigas ng bato, pati na ang itaas na bahagi ng dagat.

31 “Kaya mo bang talian o kalagan ng tali ang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pleyades at Orion? 32 Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin na lumabas sa tamang oras? Maituturo mo ba sa grupo ng mga bituing tinatawag na Malaki at Maliit na Oso ang kanilang daan? 33 Alam mo ba ang mga tuntuning umiiral sa kalangitan?[l] Ito kayaʼy mapapairal mo rito sa mundo?

34 “Mauutusan mo ba ang ulap na umulan? 35 Mauutusan mo ba ang kidlat na kumislap? Mapapasunod mo kaya ito? 36 Sino ang nagbibigay ng karunungan at pang-unawa ng tao? 37 Sinong napakarunong ang makakabilang ng mga ulap? Sinong makakapagbuhos ng tubig mula sa langit 38 upang ang mga tuyong alikabok ay maging buo-buong putik?

39 “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon para sila ay mabusog 40 habang silaʼy nagtatago sa kanilang lungga o sa maliliit na punongkahoy? 41 Sino ang nagpapakain sa mga uwak kapag silaʼy nagugutom at kapag ang mga inakay nilaʼy humihingi ng pagkain sa akin?

39 “Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing-gubat? Nakakita ka na ba ng usa na nanganganak? Binibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang pagbubuntis hanggang sa sila ay manganak? At alam mo rin ba kung kailan sila manganganak? Nakayukyok silaʼt nagtitiis ng hirap hanggang sa makapanganak. Paglaki ng kanilang mga anak sa kagubatan, umaalis sila at hindi na bumabalik.

“Sino ang nagpalaya sa asnong-gubat? Ibinigay ko sa kanya ang ilang para kanyang tirhan, pinatira ko siya sa lupaing pinabayaan. Lumalayo siya sa maingay na bayan at ayaw niyang siya ay mapaamo. Paikot-ikot siya sa mga kabundukan para maghanap ng sariwang pastulan.

“Mapagtatrabaho mo ba ang bakang-gubat? Mapapanatili mo kaya siya sa kanyang kulungan kung gabi? 10 Matatalian mo kaya siya at mapag-aararo sa iyong bukid? 11 Makakaasa ka kaya sa lakas niya para gawin ang mabibigat na gawain? 12 Maaasahan mo kaya siyang tipunin at hakutin ang iyong ani papunta sa giikan?

13 “Napakagandang tingnan ng pakpak ng malaking ibong[m] kapag itoʼy pumapagaspas, pero hindi nito mapantayan ang ganda ng pakpak ng tagak. 14 Iniiwanan ng malaking ibong ito ang kanyang mga itlog sa lupa para mainitan. 15 Hindi siya nag-aalalang baka matapakan ito o madaganan ng mga hayop sa gubat. 16 Malupit siya sa kanyang mga sisiw, parang hindi kanya kung ituring. Hindi siya nag-aalala na ang pinaghirapan niya ay mawawalan ng kabuluhan. 17 Sapagkat hindi ko siya binigyan ng karunungan at pang-unawa. 18 Pero kapag tumakbo na siya, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito.

19 Job, ikaw ba ang nagbibigay ng lakas sa kabayo? Ikaw din ba ang naglagay ng kanyang kiling?[n] 20 Ikaw ba ang nagpapalukso sa kanya gaya ng isang balang at nagpapatakot sa mga tao kapag siya ay sumisinghal? 21 Kumakahig siya sa lupa na parang ipinagmamalaki ang kanyang lakas. Pagkatapos ay tumatakbo siya papunta sa digmaan. 22 Wala siyang kinatatakutan, ni hindi siya natatakot sa espada.[o] 23 Kumakalansing at kumikislap ang mga sandata ng sumasakay sa kanya. 24 Lumilipad ang alikabok sa bilis ng kanyang pagtakbo. Hindi na siya mapigilan kapag tumunog na ang trumpeta. 25 Sumisinghal siya kapag naririnig ang trumpeta. Naaamoy niya ang digmaan kahit sa malayo, at naririnig niya ang ingay ng digmaan at ang sigaw ng mga kumander.

26 “Ikaw ba ang nagtuturo sa lawin na lumipad at pumunta sa timog? 27 Ikaw ba ang nag-uutos sa agila na lumipad at gumawa ng kanyang pugad sa mataas na dako? 28 Nakatira ang agila sa mataas na bato. Ang matarik na lugar ang kanyang taguan. 29 Mula roon naghahanap siya ng madadagit, kahit ang malayo ay naaabot ng kanyang paningin. 30 At kapag may nakita siyang bangkay ay pinupuntahan niya, at ang dugo nito ang iniinom ng kanyang mga inakay.”

40 Sinabi pa ng Panginoon kay Job, “Makikipagtalo ka ba sa akin na Makapangyarihang Dios? Sinasabi mong nagkamali ako. Ngayon, sagutin mo ako.” Kaya sinagot ni Job ang Panginoon,

“Hindi po ako karapat-dapat na sumagot sa inyo. Tatahimik na lang po ako. Marami na akong nasabi, kaya hindi na po ako magsasalita.” Muling sinabi ng Panginoon kay Job mula sa ipu-ipo,

“Ihanda mo ang iyong sarili, at sagutin mo ang mga tanong ko.

“Gusto mo bang patunayan na mali ako para palabasin na ikaw ang tama? Ikaw baʼy makapangyarihang tulad ko? Magagawa mo bang parang kulog ang tinig mo na katulad ng sa akin? 10 Kung magagawa mo iyan, patunayan mo na ikaw ngaʼy makapangyarihan, marangal at dakila. 11-12 Ipakita mo ang matindi mong galit sa taong mayayabang at ibagsak sila. Wasakin mo ang taong masasama sa kanilang kinatatayuan. 13 Ilibing mo silang lahat sa lupa, sa lugar ng mga patay. 14 Kapag nagawa mo ang mga ito, ako ang pupuri sa iyo at tatanggapin ko na may kakayahan ka ngang iligtas ang iyong sarili.

15 “Tingnan mo ang hayop na Behemot,[p] nilalang ko rin siya katulad mo. Kumakain ito ng damo na tulad ng baka, 16 pero napakalakas nito, at napakatibay ng katawan. 17 Ang buntot niyaʼy tuwid na tuwid na parang kahoy ng sedro, at ang mga hitaʼy matipuno. 18 Ang mga buto nitoʼy kasintibay ng tubong tanso o bakal. 19 Kahanga-hanga siya sa lahat ng aking nilalang. Pero ako na Manlilikha niya ay hindi niya matatalo. 20 Nanginginain siya sa mga kabundukan habang naglalaro ang mga hayop sa gubat malapit sa kanya. 21 Nagpapahinga siya sa matitinik na halamang natatabunan ng talahib. 22 Ang mga halamang matinik at ang iba pang mga punongkahoy sa tabi ng batis ay nagiging kanlungan niya. 23 Hindi siya natatakot kahit na rumaragasa ang tubig sa ilog. Tahimik pa rin siya kahit halos natatabunan na siya ng tubig sa Ilog ng Jordan. 24 Sino ang makakahuli sa kanya sa pamamagitan ng pagbulag sa kanya? Sino ang makakabitag sa kanya at makakakawit sa ilong niya?

41 Job, mabibingwit mo kaya ang dragon na Leviatan? Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid? Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawil sa kanyang panga? Kapag nagawa mo iyon, makikiusap kaya siyang lagi sa iyo na pakawalan mo siya, o di kayaʼy magmakaawa siya sa iyo? Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpapaalipin habang buhay? Magagawa mo kaya siyang parang alagang ibon o maibibigay mo ba siya sa iyong mga anak[q] na babae para kanilang laruin? May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya para ipagbili? Tatalaban kaya ng matulis na sibat ang kanyang ulo o balat? Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit. Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na. 10 Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin? 11 Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin.

12 “Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. 13 Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? 14 Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. 15 Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan. 16-17 Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito. 18 Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. 19 Bumubuga siya ng apoy, 20 at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. 21 Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga. 22 Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. 23 Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. 24 Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato. 25 Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao. 26 Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. 27 Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy. 28 Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. 29 Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya. 30 Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas. 31 Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. 32 Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. 33 Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. 34 Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®