Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 52:13-66:18

Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon

13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”

53 Sinong naniwala sa aming ibinalita? At kanino inihayag ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan? Kalooban ng Panginoon na lumago ang kanyang lingkod, gaya ng tanim na lumalago at nag-uugat sa tuyong lupa. Wala siyang kagandahan o katangiang makakaakit sa atin para siyaʼy lapitan. Hinamak siya at itinakwil ng mga tao. Dumanas siya ng mga sakit at hirap. Tinalikuran natin siya, hinamak, at hindi pinahalagahan. Ang totoo, tiniis niya ang mga sakit at mga kalungkutang dapat sanaʼy tayo ang dumanas. Ang akala natin ay pinarusahan siya ng Dios dahil sa kanyang mga kasalanan. Ang totoo, sinugatan siya dahil sa ating mga pagsuway; binugbog siya dahil sa ating kasamaan. Ang parusang tiniis niya ang naglagay sa atin sa magandang kalagayan. At dahil sa mga sugat niya ay gumaling tayo. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw. Bawat isa sa atin ay gumawa ng nais nating gawin. Pero siya ang pinarusahan ng Panginoon ng parusang dapat sana ay para sa ating lahat. Inapi siya at sinaktan, pero hindi man lang dumaing. Para siyang tupang dadalhin sa katayan para patayin, o tupang gugupitan na hindi man lang umiimik. Hinuli siya, hinatulan, at pinatay. Walang nakaisip, isa man sa mga salinlahi niya, na pinatay siya dahil sa kanilang mga kasalanan, na tiniis niya ang parusang dapat sana ay para sa kanila. Kahit na wala siyang ginawang kasalanan at anumang pandaraya,[a] inilibing siyang parang isang kriminal; inilibing siyang kasama ng mga mayayaman. 10 Pero kalooban ng Panginoon na saktan siya at pahirapan. Kahit na ginawa siyang handog ng Panginoon para mabayaran ang kasalanan ng mga tao, makikita niya ang kanyang mga lahi at tatanggap siya ng mahabang buhay. At sa pamamagitan niya ay matutupad ang kalooban ng Panginoon. 11 Kapag nakita niya ang bunga ng kanyang paghihirap, matutuwa siya. Sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan ng karunungan ng aking matuwid na lingkod ay marami ang ituturing niyang matuwid, magdurusa siya para sa kanilang mga kasalanan. 12 Dahil dito, pararangalan ko siya katulad ng mga taong tanyag at makapangyarihan dahil ibinigay niya ang buhay niya. Ibinilang siya na isa sa mga makasalanan. Nagdusa siya para sa maraming makasalanan[b] at hiniling pa niya sa Dios na silaʼy patawarin.”

Ang Pag-ibig ng Dios sa Jerusalem

54 Sinabi ng Panginoon, “Umawit ka Jerusalem, ikaw na parang babaeng baog. Umawit ka at sumigaw sa tuwa, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak. Sapagkat kahit na iniwan ka ng iyong asawa, mas marami ang iyong magiging anak kaysa sa babaeng kapiling ang asawa. Gumawa ka ng mas malaki at matibay na tirahan.[c] Huwag mong liliitan. Sapagkat lalawak ang iyong hangganan, sasakupin ng iyong mga mamamayan ang ibang mga bansa, at kanilang titirhan ang mga lungsod doon na iniwan. Huwag kang matakot dahil hindi ka mapapahiya. Malilimutan mo na ang kahihiyan ng iyong kabataan at pagkabalo. Sapagkat ako na lumikha sa iyo ay para mong asawa. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ako ang Banal na Dios ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Tinatawag akong ‘Dios ng buong mundo.’

Jerusalem, katulad ka ng isang kabataang babae na nag-asawa at nalulungkot dahil iniwan siya ng kanyang asawa. Pero ngayon, tinatawag kita para muling makapiling. Iniwan kita sandali, pero dahil sa laki ng awa ko sa iyo ay muli kitang kukupkupin. Dahil sa bugso ng galit ko sa iyo, iniwan kita sandali, pero dahil sa aking walang hanggang pag-ibig sa iyo, kaaawaan kita. Ako, ang Panginoon na inyong Tagapagligtas ang nagsasabi nito.

“Para sa akin, katulad ito noong panahon[d] ni Noe nang nangako akong hindi ko na gugunawin ang mundo. Ngayon naman, nangangako akong hindi na ako magagalit o magpaparusa sa inyo. 10 Gumuho man ang mga burol at bundok, ang pag-ibig ko sa iyoʼy hindi mawawala, maging ang kasunduan ko sa iyo na ilalagay kita sa magandang kalagayan. Ako, ang Panginoong naaawa sa iyo, ang nagsasabi nito.

11 “O Jerusalem, para kang binagyo. Nagdusa kaʼt walang umaliw at nagpalakas sa iyo. Pero muli kitang itatayo sa pundasyong gawa sa batong safiro, at gagamitin ko ang mamahaling mga bato para sa mga dingding ng bahay mo. 12 Gagamitin ko rin ang mga batong rubi sa iyong mga tore, at gagamitin ko rin ang mga naggagandahang mga bato sa paggawa ng iyong mga pinto at mga pader. 13 Ako ang magtuturo sa iyong mga mamamayan,[e] at magiging mabuti ang kanilang kalagayan. 14 Magiging matatag ka dahil mamumuhay nang matuwid ang mga mamamayan mo. Tatakas ang mga kaaway mo, kaya wala kang dapat katakutan. Hindi na makakalapit sa iyo ang mga kaaway mo para takutin ka. 15 Kung may lulusob sa iyo, hindi ko iyon kalooban. Susuko sila sa iyo. 16 Makinig ka! Ako ang lumikha ng mga panday na nagpapaningas ng apoy at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha ng mga sundalo na gumagamit ng mga sandatang ito para manglipol. 17 Walang anumang sandatang ginawa na magtatagumpay laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang laban sa iyo. Ito ang pamana ko sa aking mga lingkod. Bibigyan ko sila ng tagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Habag ng Dios

55 Sinabi ng Panginoon, “Lumapit kayo, lahat kayong nauuhaw, narito ang tubig! Kahit wala kayong pera, lumapit kayo at kumain! Halikayo, kumuha kayo ng inumin at gatas ng walang bayad! Bakit ninyo ginugugol ang inyong mga salapi sa mga bagay na hindi makakain? Bakit nʼyo inuubos ang mga sweldo ninyo sa mga bagay na hindi makakapagpabusog sa inyo? Makinig kayo sa akin at makakakain kayo ng mga masasarap na pagkain, at talagang mabubusog kayo. Lumapit kayo sa akin at makinig para mabuhay kayo. Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ipapadama ko sa inyo ang pag-ibig koʼt awa na ipinangako ko kay David. Ginawa ko siyang tagapamahala ng mga bansa, at sa pamamagitan niyaʼy ipinakita ko ang aking kapangyarihan sa kanila. Tatawagin ninyo ang mga bansang hindi ninyo kasama, at magmamadali silang lalapit sa inyo, dahil ako, ang Panginoon na inyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, ang nagbigay sa inyo ng karangalan.”

Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo. Talikuran na ng mga taong masama ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Dios, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.

Sinabi ng Panginoon, “Ang pag-iisip ko ay hindi katulad ng pag-iisip ninyo at ang pamamaraan ko ay hindi katulad ng pamamaraan ninyo. Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo. 10 Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. 11 Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.

12 Mga Israelita, aalis kayo nang masaya sa Babilonia at papatnubayan kayo ng Dios. Ang mga bundok at mga burol ay parang mga taong aawit sa tuwa. At ang lahat ng mga puno ay parang mga taong magpapalakpakan. 13 Tutubo na ang mga puno ng sipres at mirto sa dating tinutubuan ng mga halamang may tinik. Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay ng karangalan sa akin. Magiging tanda ito magpakailanman ng aking kapangyarihan.”

Ang Pagpapala sa Lahat ng Bansa

56 Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran dahil malapit ko na kayong iligtas. Mapalad ang mga taong gumagawa nito at ang mga sumusunod sa aking mga ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga. Mapalad din ang taong hindi gumagawa ng masama.”

Huwag isipin ng mga dayuhang nag-alay ng kanilang sarili sa Panginoon na hindi sila isasama ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan. Huwag ding isipin ng mga taong nagpakapon na dahil hindi na sila magkakaanak,[f] ay hindi sila maaaring isama sa mga mamamayan ng Dios. Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Pagpapalain ko ang mga taong nagpakapon na sumusunod sa mga ipinapagawa ko sa Araw ng Pamamahinga at gumagawa ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at tumutupad sa aking kasunduan. Papayagan ko silang makapasok sa aking templo at pararangalan ko sila ng higit pa sa karangalang ibibigay sa kanila kung silaʼy nagkaanak. At hindi sila makakalimutan ng mga tao magpakailanman.

“Pagpapalain ko rin ang mga dayuhang nag-alay ng sarili nila sa akin para paglingkuran ako, mahalin, sambahin, at sundin ang aking ipinapagawa sa Araw ng Pamamahinga at tumutupad sa aking kasunduan. Dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at aaliwin doon sa aking templong dalanginan. Tatanggapin ko sa aking altar ang kanilang mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, dahil ang templo koʼy tatawaging templong dalanginan ng mga tao mula sa lahat ng bansa.” Sinabi pa ng Panginoong Dios na nagtipon sa mga Israelitang nabihag, “Titipunin ko pa ang iba, maliban doon sa mga natipon ko na.”

Lumapit kayo, kayong lahat ng bansa na parang mababangis na hayop, at lipulin ninyo ang mga mamamayan ng Israel. 10 Sapagkat ang mga pinuno ng Israel na dapat sanaʼy mga tagapagbantay ng bansang ito ay parang mga bulag at mga walang nalalaman. Para silang mga asong tagapagbantay na hindi tumatahol. Ang gusto nilaʼy mahiga, matulog, at managinip. 11 Para silang mga asong matatakaw na walang kabusugan. Ang mga tagapag-alaga ng Israel ay walang pang-unawa. Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin, at ang pansariling kapakanan lang ang kanilang pinagkakaabalahan. 12 Sinabi pa nila, “Halikayo, kumuha tayo ng inumin at maglasing! At mas marami pa bukas kaysa ngayon.”

Isinumpa ang Dios-diosan ng Israel

57 Kapag namatay ang isang taong matuwid, walang gaanong nagtatanong kung bakit. Walang gaanong nakakaalam na ang mga taong matuwid ay kinukuha ng Dios para ilayo sa masama. Sapagkat kapag namatay ang taong matuwid, magkakaroon na siya ng kapayapaan at kapahingahan. Pero kayong mga lahi ng mga mangkukulam, ng mga nangangalunya, at ng mga babaeng bayaran, lumapit kayo at nang kayoʼy mahatulan. Kinukutya ninyo ang mga taong matuwid, nginingiwian at binebelatan ninyo sila. Lahi kayo ng mga rebelde at mga sinungaling. Sinasamba ninyo ang inyong mga dios-diosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy na itinuturing nʼyong banal. Inihahandog ninyo ang inyong mga anak sa mga daluyan ng tubig sa paanan ng mga burol. Ang mga batong makikinis sa mga daluyan ng tubig ay ginagawa ninyong dios at sinasamba sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at inumin. Hindi ako natutuwa sa ginagawa ninyong iyan. Umaakyat kayo sa mga matataas na bundok at naghahandog ng inyong mga handog doon at nakikipagtalik. Inilalagay pa ninyo ang mga rebulto ng inyong mga dios-diosan malapit sa pintuan ng inyong mga bahay. Itinatakwil ninyo ako. Para kayong babaeng mangangalunya na nahiga sa malapad niyang higaan at pumayag na sumiping sa kanyang kalaguyo. Gustong-gusto niyang makipagtalik sa kalaguyo niya. Talagang nagpapakasawa siya sa pita ng kanyang laman.

Pumunta kayo sa dios-diosan ninyong si Molec. Marami ang dala ninyong langis at pabango. Nagsugo pa kayo ng mga tao sa malayong lugar para maghanap ng mga dios-diosang sasambahin ninyo. Kahit na ang lugar ng mga patay ay parang pupuntahan nʼyo pa. 10 At kahit pagod na kayo sa kakahanap ng mga dios-diosan, hindi pa rin kayo nawawalan ng pag-asa. Pilit ninyong pinalalakas ang inyong sarili kaya hindi kayo nanghihina.

11 Sinabi ng Panginoon, “Sino ba itong mga dios-diosan na kinatatakutan nʼyo at nagsinungaling kayo sa akin? Kinalimutan nʼyo ako at hindi pinansin. Ano ba ang dahilan, bakit hindi nʼyo na ako iginagalang? Dahil ba sa nanahimik ako sa loob ng mahabang panahon? 12 Ang akala ninyoʼy matuwid ang inyong ginagawa, pero ipapakita ko kung anong klaseng tao kayo. 13 At hindi talaga makakatulong sa inyo ang inyong mga dios-diosan kapag humingi kayo ng tulong sa kanila. Silang lahat ay tatangayin ng hangin. At mapapadpad sila sa isang ihip lamang. Pero ang mga nagtitiwala sa akin ay maninirahan sa lupa[g] at sasamba sa aking banal na bundok. 14 Sasabihin ko, ayusin ninyo ang daan na dadaanan ng aking mga mamamayan.”

15 Ito pa ang sinasabi ng Kataas-taasang Dios, ang Banal na Dios na nabubuhay magpakailanman: “Nakatira ako sa mataas at banal na lugar, pero nakatira rin akong kasama ng mga taong mapagpakumbaba at nagsisisi, para silaʼy palakasin ko. 16 Ang totoo, hindi ko kayo kakalabanin o uusigin habang panahon, dahil kung gagawin ko ito mamamatay ang mga taong nilikha ko. 17 Nagalit ako dahil sa kasalanan at kasakiman ng Israel, kaya pinarusahan ko sila at itinakwil. Pero patuloy pa rin sila sa kanilang kasalanan. 18 Nakita ko ang kanilang pag-uugali, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at aaliwin ang mga nalulungkot sa kanila. 19 At dahil dito, magpupuri sila sa akin. Ilalagay ko sila sa magandang kalagayan, sa malayo man o nasa malapit. Pagagalingin ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 20 Pero ang masasama ay walang kapayapaan. Para silang alon sa dagat na nagdadala ng mga putik at mga dumi sa dalampasigan. 21 Ang taong masama ay hindi mabubuhay ng payapa.” Iyan ang sinabi ng aking Dios.

Ang Totoong Pag-aayuno

58 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo nang malakas na kasinglakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway. Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ko. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol. Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, pero hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpenitensya kami, pero binalewala ninyo.’

“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa. Nag-aayuno nga kayo, pero nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin. Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa[h] at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa akin? Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan. Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak. Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan[i] na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. At kung dumulog kayo sa akin para humingi ng tulong, kayoʼy aking sasagutin.

“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama, 10 at kung gagawin ninyo ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga dukha, darating sa inyo ang kaligtasan na magbibigay-liwanag sa madilim ninyong kalagayan na parang tanghaling-tapat. 11 Palagi ko kayong papatnubayan at bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan[j] ninyo. Palalakasin ko kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig. 12 Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga taong tagaayos ng kanilang mga gibang pader at mga bahay.

13 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan nʼyo ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan. 14 Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

Babala sa mga Makasalanan

59 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya. Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin. Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama. Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa. 5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo. Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan. Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay. Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.

Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[k] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[l]

20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion[m] ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Ang Kadakilaan ng Jerusalem sa Hinaharap

60 “Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag katulad ng araw, dahil dumating na ang kaligtasan[n] mo. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ng Panginoon. Mababalot ng matinding kadiliman ang mga bansa sa mundo, pero ikaw ay liliwanagan ng kaluwalhatian ng Panginoon. Lalapit sa iyong liwanag ang mga bansa at ang kanilang mga hari. Tingnan mo ang iyong paligid, nagtitipon na ang iyong mga mamamayan sa malayo para umuwi. Para silang mga batang kinakarga.[o] Kapag nakita mo na ito, matutuwa ka at mag-uumapaw ang iyong kagalakan, dahil ang kayamanan ng mga bansa ay dadalhin dito sa iyo. Mapupuno ang iyong lupain ng mga kamelyo ng mga taga-Midian at ng mga taga-Efa. Darating sila sa iyo mula sa Sheba na may dalang mga ginto at mga insenso para sambahin ang Panginoon. Dadalhin ng mga taga-Kedar at mga taga-Nebayot ang kanilang mga tupa sa iyo, at ihahandog ito sa altar ng Panginoon para siyaʼy malugod. At lalo pang pararangalan ng Panginoon ang kanyang templo. 8-9 Maglalayag ang mga barko na parang mga ulap na lumilipad at parang mga kalapating papunta sa kanilang mga pugad. Ang mga barkong itoʼy pag-aari ng mga nakatira sa malalayong lugar,[p] na umaasa sa Panginoon.[q] Pangungunahan sila ng mga barko ng Tarshish para ihatid ang iyong mga mamamayan pauwi mula sa malalayong lugar. Magdadala sila ng mga ginto at pilak para sa Panginoon na iyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, dahil ikaw ay kanyang pinararangalan.”

10 Sinasabi ng Panginoon sa Jerusalem: “Itatayo ng mga dayuhan ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo. Kahit na pinarurusahan kita dahil sa galit ko sa iyo, kaaawaan kita dahil akoʼy mabuti. 11 Palaging magiging bukas ang iyong pintuan araw at gabi para tumanggap ng mga kayamanan ng mga bansa. Nakaparada ang mga hari na papasok sa iyo. 12 Sapagkat lubusang mawawasak ang mga bansa at kahariang hindi maglilingkod sa iyo. 13 Ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo – ang kanilang mga puno ng pino, enebro at sipres,[r] para mapaganda ang templo na aking tinitirhan. 14 Ang mga anak ng mga umapi sa iyo ay lalapit sa iyo at magbibigay galang. Luluhod sa paanan mo ang mga humamak sa iyo, at ikaw ay tatawagin nilang, ‘Lungsod ng Panginoon’ o ‘Zion, ang Lungsod ng Banal na Dios ng Israel.’ 15 Kahit na itinakwil at inusig ka, at walang nagpahalaga sa iyo, gagawin kitang dakila magpakailanman at ikaliligaya ito ng lahat ng salinlahi. 16 Aalagaan ka ng mga bansa at ng kanilang mga hari katulad ng sanggol na pinapasuso ng kanyang ina. Sa ganoon, malalaman mo na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob. 17 Papalitan ko ang mga kagamitan ng iyong templo. Ang mga tanso ay papalitan ko ng ginto, ang mga bakal ay papalitan ko ng pilak, at ang mga bato ay papalitan ko ng bakal. Iiral sa iyo ang kapayapaan at katuwiran. 18 Wala nang mababalitaang pagmamalupit sa iyong lupain. Wala na ring kapahamakan na darating sa iyo. Palilibutan ka ng kaligtasan na parang pader, at magpupuri sa akin ang mga pumapasok sa iyong pintuan.

19 “Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo sa umaga at hindi na ang buwan ang tatanglaw sa iyo sa gabi, dahil ako, ang Panginoon, ang iyong magiging liwanag magpakailanman. Ako, na iyong Dios, ang iyong tanglaw.[s] 20 Ako ang iyong magiging araw at buwan na hindi na lulubog kahit kailan. At mawawala na ang iyong mga pagtitiis. 21 Ang lahat mong mamamayan ay magiging matuwid, at sila na ang magmamay-ari ng lupain ng Israel magpakailanman. Ginawa ko silang parang halaman na itinanim ko para sa aking karangalan. 22 Kakaunti sila, pero dadami sila. Mga kapus-palad sila, pero sila ay magiging makapangyarihang bansa. Ako, ang Panginoon, ang gagawa nito pagdating ng takdang panahon.”

Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga Mamamayan

61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na. 2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon. Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.

Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan. Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo. Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.

“Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila. Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”

10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.

62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. Siya na lumikha sa iyo[t] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”

10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[u] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[v] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”

Ang Paghihiganti ng Panginoon

63 Sino itong dumarating mula sa Bozra na sakop ng Edom, na ang maganda niyang damit ay namantsahan ng pula? Dumarating siya na taglay ang kapangyarihan.

Siya ang Panginoon na nagpapapahayag ng tagumpay ng kanyang mga mamamayan at may kapangyarihang magligtas. Bakit napakapula ng kanyang damit, kasimpula ng damit ng taong nagpipisa ng ubas? Sumagot ang Panginoon, “Sa aking galit, pinisa ko na parang ubas ang mga bansa. Mag-isa akong nagpisa; wala akong kasama. Ang dugo nila ay tumalsik sa aking damit; kaya namantsahan ang damit ko. Ginawa ko ito dahil dumating na ang araw ng aking paghihiganti sa aking mga kaaway at ililigtas ko ang aking mga mamamayan. Nagtaka ako dahil nakita kong wala kahit isa ang tumulong sa akin. Kaya ako lang ang nagligtas sa aking mga mamamayan sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ang galit ko ang nagtulak sa akin para parusahan ang aking mga kaaway. At sa galit ko, tinapakan ko ang mga bansa at pinasuray-suray sila na parang mga lasing. Ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo.”

Ang Kabutihan ng Panginoon

Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.

Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[w] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”

Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo. 15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[x] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.

17 Panginoon, bakit nʼyo kami pinahintulutang mapalayo sa inyong mga pamamaraan? Bakit pinatitigas nʼyo ang aming mga puso na nagbunga ng hindi namin paggalang sa inyo? Magbalik po kayo sa amin, dahil kami ay mga lingkod nʼyo at tanging sa inyo lamang. 18 Sa maikling panahon, ang mga mamamayan ninyo ang nagmay-ari ng inyong templo. At ngayon, giniba na ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay inyo mula pa noon, pero itinuring nʼyo kaming hindi sa inyo, at parang hindi nʼyo pinamumunuan.

64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan. 10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan. 11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin. 12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?

Parusa at Kaligtasan

65 Sumagot ang Panginoon, “Nagpakilala ako sa mga taong hindi nagtatanong tungkol sa akin. Natagpuan nila ako kahit na hindi nila ako hinahanap. Ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila kahit na hindi sila tumatawag sa akin.

“Patuloy akong naghintay sa mga mamamayan kong matitigas ang ulo at hindi sumusunod sa mabuting pag-uugali. Ang sinusunod nila ay ang sarili nilang isipan. Ginagalit nila ako. Ipinapakita nila sa akin ang patuloy nilang pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa pamamagitan ng paghahandog sa mga halamanan at pagsusunog ng mga insenso sa bubong ng kanilang mga bahay. Umuupo sila kung gabi sa mga libingan at sa mga lihim na lugar para makipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Kumakain sila ng karne ng baboy at ng iba pang pagkain na ipinagbabawal na kainin. Sinasabi nila sa iba, ‘Huwag kang lumapit sa akin baka akoʼy madungisan. Mas banal ako kaysa sa iyo!’ Naiinis ako sa ganitong mga tao. At ang galit ko sa kanila ay parang apoy na nagniningas sa buong maghapon.”

6-7 Sinabi pa ng Panginoon, “Makinig kayo, nakasulat na ang hatol para sa aking mga mamamayan. Hindi maaaring manahimik na lamang ako; maghihiganti ako. Gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga kasalanan pati ang mga kasalanan ng kanilang mga ninuno. Sapagkat nagsunog sila ng mga insenso at nilapastangan ako sa mga bundok at mga burol. Kaya gagantihan ko sila ng nararapat sa kanilang mga ginawa.” Sinabi pa ng Panginoon, “Hindi sinisira ang kumpol ng ubas na may mga sirang bunga, dahil ang magandang bunga ay mapapakinabangan pa. Ganyan din ang gagawin ko sa aking mga mamamayan, hindi ko sila lilipulin lahat. Ililigtas ko ang mga naglilingkod sa akin. May ititira akong mga buhay sa mga lahi ni Jacob pati sa lahi ni Juda at sila ang magmamana ng aking lupain na may maraming bundok. Sila na aking mga pinili at mga lingkod ang siyang maninirahan sa lupaing ito. 10 Pagpalain ko silang mga lumalapit sa akin. Ang mga Lambak ng Sharon at Acor ay magiging pastulan ng kanilang mga hayop. 11 Pero paparusahan ko kayong mga nagtakwil sa akin at nagbalewala sa banal kong bundok. Sa halip ay naghandog kayo sa mga dios-diosang pinaniniwalaan ninyong nagbibigay sa inyo ng suwerte at magandang kapalaran. 12 Kaya inilaan ko sa inyong lahat ang kapalarang mamamatay. Sapagkat nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig. Gumawa kayo ng masama sa harapan ko; kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa ninyo. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ang aking mga lingkod ay kakain at iinom, pero kayoʼy magugutom at mauuhaw. Matutuwa sila, pero kayoʼy mapapahiya. 14 Aawit sila sa tuwa, pero kayoʼy iiyak sa lungkot at sama ng loob. 15 Ang inyong mga pangalan ay susumpain ng aking mga pinili, at ako, ang Panginoong Dios, ang papatay sa inyo. Pero ang aking mga lingkod ay bibigyan ko ng bagong pangalan. 16 Ang sinumang magsasabi ng pagpapala o manunumpa sa lupain ng Israel, gagawin niya ito sa pangalan ko – ang Dios na tapat.[y] Sapagkat kakalimutan ko na ang mga nagdaang hirap, at itoʼy papawiin ko na sa aking paningin.

17 “Makinig kayo! Gagawa ako ng bagong langit at bagong lupa. Ang dating langit at lupa ay kakalimutan na. 18 Kaya magalak kayo at magdiwang ng walang hanggan sa aking gagawin. Sapagkat ang Jerusalem ay gagawin kong kagalakan ng mga tao, at ang kanyang mga mamamayan ay magbibigay din ng kagalakan. 19 Magagalak ako sa Jerusalem at sa kanyang mga mamamayan. Hindi na maririnig doon ang iyakan at paghingi ng tulong o mga pagdaing. 20 Doon ay walang mamamatay na sanggol o bata pa. Ang sinumang mamamatay sa gulang na 100 taon ay bata pa, at ang mamamatay nang hindi pa umaabot sa 100 taon ay ituturing na pinarusahan ko. 21 Sa mga panahong iyon, magtatayo ang aking mga mamamayan ng mga bahay at titirhan nila ito. Magtatanim sila ng mga ubas at sila rin ang aani ng mga bunga nito. 22 Hindi na ang mga kaaway nila ang makikinabang sa kanilang mga bahay at mga tanim. Sapagkat kung papaanong ang punongkahoy ay nabubuhay nang matagal, ganoon din ang aking mga mamamayan at lubos nilang pakikinabangan ang kanilang pinaghirapan. 23 Hindi sila magtatrabaho nang walang pakinabang at ang kanilang mga anak ay hindi daranas ng kamalasan. Sapagkat silaʼy mga taong pinagpapala ng Panginoon. At ang kanilang mga anak ay kasama nilang pinagpala. 24 Bago pa sila manalangin o habang silaʼy nananalangin pa lang, sasagutin ko na sila. 25 Sa mga araw na iyon magkasamang kakain ang asong lobo at mga tupa, pati mga leon at mga baka ay kakain ng damo. At ang mga ahas ay hindi na manunuklaw. Wala nang mamiminsala o gigiba sa aking banal na bundok ng Zion. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa

66 Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang langit ang aking trono, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Kaya, anong klaseng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? Saang lugar ninyo ako pagpapahingahin? Hindi baʼt ako ang gumawa ng lahat ng bagay.

“Binibigyang pansin ko ang mga taong mapagpakumbaba, nagsisisi, at may takot sa aking mga salita. Pero ganito naman ang magiging trato ko sa mga taong sumusunod sa sarili nilang kagustuhan at nagagalak sa kanilang mga ginagawang kasuklam-suklam: Kung papatay sila ng baka para ihandog, ituturing ko na parang pumatay sila ng tao. Kung maghahandog sila ng tupa, ituturing ko na parang pumatay sila ng aso. Kung mag-aalay sila ng handog na regalo, ituturing ko na parang naghandog sila ng dugo ng baboy. At kung magsusunog sila ng insenso bilang pag-alaala sa akin, ituturing ko na parang nagpupuri sila sa mga dios-diosan. Maliban diyan, padadalhan ko sila ng parusang labis nilang katatakutan. Sapagkat noong akoʼy tumawag, hindi sila sumagot; nang akoʼy nagsalita, hindi sila nakinig. Gumawa sila ng masama sa aking paningin at kung ano ang ayaw ko, iyon ang ginagawa nila.”

Kayong mga may takot sa salita ng Panginoon, pakinggan nʼyo ang mensahe niya, “Dahil kayoʼy tapat sa akin, kinapopootan at tinatakwil kayo ng ilan sa inyong mga kababayan. Kinukutya nila kayo na nagsasabi, ‘Ipakita na sana ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para makita namin ang inyong kagalakan!’ ” Pero silaʼy mapapahiya. Naririnig nʼyo ba ang ingay sa lungsod at sa templo? Iyan ang ingay ng Panginoon habang pinaghihigantihan niya ang kanyang mga kaaway.

Sinabi pa ng Panginoon, “Matutulad ang Jerusalem sa isang babaeng manganganak na hindi pa sumasakit ang tiyan ay nanganak na. Sino ang nakarinig at nakakita ng katulad nito? May bansa ba o lupain na biglang isinilang sa maikling panahon? Pero kapag nakaramdam na ng paghihirap ang Jerusalem, isisilang na ang kanyang mamamayan.[z] Niloob kong silaʼy malapit nang maipanganak. At ngayong dumating na ang takda nilang kapanganakan, hindi ko pa ba pahihintulutang ipanganak sila? Siyempre pahihintulutan ko. At hindi pipigilin na silaʼy maipanganak na. Ako, na inyong Dios ang nagsasabi nito.”

10 Kayong lahat ng nagmamahal sa Jerusalem, makigalak kayong kasama niya. At kayong mga umiiyak para sa kanya, makisaya kayo sa kanya, 11 para magtamasa kayo ng kanyang kasaganaan katulad ng sanggol na sumususo sa kanyang ina at nabusog. 12 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Pauunlarin ko ang Jerusalem. Dadalhin sa kanya ang kayamanan ng mga bansa na parang umaapaw na daluyan ng tubig. Kayoʼy matutulad sa isang sanggol na aalagaan, hahawakan, pasususuhin, at kakalungin ng kanyang ina. 13 Aaliwin ko kayo katulad ng isang ina na umaaliw sa kanyang anak.”

14 Kapag itoʼy nakita ninyong ginagawa ko na, magagalak kayo, at lalago na parang sariwang tanim. Ipapakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga lingkod, pero ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway. 15 Makinig kayo! Darating ang Panginoon na may dalang apoy. Sasakay siya sa kanyang mga karwaheng pandigma na parang ipu-ipo. Ipapakita niya ang kanyang galit sa kanyang mga kaaway, at parurusahan niya sila ng nagliliyab na apoy. 16 Sapagkat sa pamamagitan ng apoy at espada, parurusahan ng Panginoon ang lahat ng taong makasalanan, at marami ang kanyang papatayin.

17 Sinabi ng Panginoon, “Sama-samang mamamatay ang mga nagpapakabanal at naglilinis ng mga sarili nila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan sa halamanan. Mamamatay silang kumakain ng baboy, daga, at iba pang mga pagkaing kasuklam-suklam. 18 Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®