Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Kawikaan 7:1-20:21

Anak, sundin mo ang mga sinasabi ko sa iyo. Itanim mo ito sa iyong isipan at sundin ang mga iniuutos ko, upang humaba ang buhay mo. Ingatan mong mabuti ang mga itinuturo ko katulad ng pag-iingat mo sa mga mata mo. Itanim mo sa iyong isipan upang hindi mo makalimutan. Ituring mo na parang kapatid na babae ang karunungan at ang pang-unawa na parang isang malapit na kaibigan. Sapagkat ilalayo ka nito sa masamang babaeng nakakaakit ang pananalita.

Ang Masamang Babae

Minsan dumungaw ako sa bintana ng aming bahay. Nakakita ako ng mga kabataang lalaki na wala pang muwang sa buhay. Isa sa kanila ay talagang mangmang. Lumalakad siya patungo sa kanto kung saan naroroon ang bahay ng isang masamang babae. Takip-silim na noon at malapit nang dumilim. 10 Sinalubong siya ng isang babae na ang suot ay katulad ng suot ng isang babaeng bayaran. Nakapagplano na siya ng gagawin sa lalaking iyon. 11 Maingay siya at hindi mahiyain. Hindi siya nananatili sa bahay. 12 Madalas siyang makita sa mga lansangan, mga kanto at mga plasa. 13 Paglapit ng lalaki ay agad niya itong hinalikan at hindi nahiyang sinabi, 14 “Tinupad ko na ang pangako kong maghandog, at may mga sobrang karne doon sa bahay na mula sa aking inihandog. 15 Kaya hinanap kita at mabuti naman nakita kita. 16 Sinapinan ko na ang aking higaan ng makulay na telang galing pa sa Egipto. 17 Nilagyan ko iyon ng pabangong mira, aloe, at sinamon. 18 Kaya halika na, doon tayo magpakaligaya hanggang umaga, 19 dahil wala rito ang asawa ko. Naglakbay siya sa malayo. 20 Marami siyang dalang pera at dalawang linggo pa bago siya bumalik.”

21 Kaya naakit niya ang lalaki sa pamamagitan ng kanyang matatamis at nakakaakit na pananalita. 22 Sumunod agad ang lalaki na parang bakang hinihila papunta sa katayan, o tulad ng isang usa[a] na patungo sa bitag, 23 at dooʼy papanain siya na tatagos sa kanyang puso. Para din siyang isang ibon na nagmamadali papunta sa bitag ng kamatayan, ngunit hindi niya ito nalalaman.

24 Kaya mga anak, pakinggan ninyong mabuti ang aking mga sinasabi. 25 Huwag kayong paaakit sa ganyang uri ng babae at huwag ninyong hayaan na kayoʼy kanyang iligaw. 26 Marami na ang mga lalaking napahamak dahil sa kanya. 27 Kapag pumunta kayo sa bahay niya, para na rin kayong pumunta sa daigdig ng mga patay.

Papuri sa Karunungan

Ang karunungan at pang-unawa ay katulad ng taong nangangaral. Tumatayo siya sa matataas na lugar sa tabi ng daan, sa mga kanto, sa mga pintuan ng lungsod at mga daanan. Nangangaral siya nang malakas,

“Kayong mga tao sa buong mundo, pakinggan ninyo ang aking panawagan.
Kayong mga walang alam, magkaroon kayo ng karunungan.
    Kayong mga mangmang magkaroon kayo ng pang-unawa.
Makinig kayo sa sasabihin ko, sapagkat ito ay tama at kapaki-pakinabang.
Ang sinasabi ko ay pawang katotohanan lamang; sa nagsasalita ng masama ako ay nasusuklam.
Pawang matuwid ang sinasabi ko; hindi ako nagsasalita ng kasinungalingan o pandaraya.
Ang lahat ng sinasabi ko ay malinaw at pawang tama sa taong may pang-unawa.
10 Pahalagahan ninyo ang karunungan at ang pagtutuwid ko sa inyong ugali kaysa sa pilak at ginto.
11 Sapagkat higit na mahalaga ang karunungan kaysa sa mamahaling hiyas at hindi ito matutumbasan ng mga bagay na hinahangad mo.
12 Ako ang karunungan at alam ko kung paano unawain ang tama at mali, at alam ko rin kung paano magpasya nang tama.
13 Ang may takot sa Panginoon ay lumalayo sa kasamaan. Namumuhi ako sa kapalaluan, kayabangan, pagsisinungaling at masamang pag-uugali.
14 Magaling akong magpayo at may sapat na kaalaman. May pang-unawa at kapangyarihan.
15 Sa pamamagitan ko nakakapamuno ang mga hari at ang mga pinunoʼy nakagagawa ng mga tamang batas.
16 Sa pamamagitan ko makakapamuno ang mga tagapamahala at mga opisyal – ang lahat na namumuno ng matuwid.[b]
17 Minamahal ko ang mga nagmamahal sa akin;
    makikita ako ng mga naghahanap sa akin.
18 Makapagbibigay ako ng kayamanan, karangalan, kaunlaran at tagumpay na magtatagal.
19 Ang maibibigay ko ay higit pa sa purong ginto at pilak.
20 Sinusunod ko ang tama at matuwid.
21 Bibigyan ko ng kayamanan ang nagmamahal sa akin;
    pupunuin ko ang lalagyan nila ng kayamanan.
22 Noong una pa, nilikha na ako ng Panginoon bago niya likhain ang lahat.
23-26 Nilikha na niya ako noong una pa man.
    Naroon na ako nang wala pa ang mundo, ang mga dagat, mga bukal, mga bundok, mga burol, mga bukid at kahit pa ang mga alikabok.
27 Naroon na ako nang likhain niya ang langit,
    maging nang likhain niya ang tagpuan ng langit at ng lupa.
28-29 Naroon din ako nang likhain niya ang mga ulap,
    nang palabasin niya ang tubig sa mga bukal mula sa kailaliman,
    nang ilagay niya ang hangganan ng mga dagat upang hindi ito umapaw,
    at nang ilagay niya ang mga pundasyon ng mundo.
30 Katulad koʼy arkitekto, na nasa tabi ng Panginoon.
    Ako ang kanyang kasiyahan sa araw-araw, at lagi naman akong masaya sa piling niya.
31 Natutuwa ako sa mundong nilikha niya at sa mga taong inilagay niya dito.
32 Kaya ngayon mga anak pakinggan ninyo ako. Mapalad ang mga sumusunod sa pamamaraan ko.
33 Pakinggan ninyo ang mga pagtutuwid ko sa inyong pag-uugali upang maging marunong kayo,
    at huwag ninyo itong kalilimutan.
34 Mapalad ang taong laging sa akin nakatuon ang isip at naghihintay para makinig sa akin.
35 Sapagkat ang taong makakasumpong sa akin ay magkakaroon ng maganda at mahabang buhay,
    at pagpapalain siya ng Panginoon.
36 Ngunit ang taong hindi makakasumpong sa akin ay ipinapahamak ang kanyang sarili.
    Ang mga galit sa akin ay naghahanap ng kamatayan.”

Ang Karunungan at ang Kamangmangan

Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”

Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.

10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. 11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.

13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.

Ang mga Kawikaan ni Solomon

10 Narito ang mga kawikaan ni Solomon:

Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan.
Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan.
Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama.
Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman.
Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na marunong, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya.
Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala.
Ang alaala ng taong matuwid ay mananatili magpakailanman, ngunit ang masamang tao ay makakalimutan.
Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak.
May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad.
10 Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak.
11 Ang salita ng taong matuwid ay makatutulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala.
12 Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan.
13 Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
14 Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan.
15 Seguridad ng mayaman ang kanyang kayamanan, ngunit kapahamakan naman ng mahirap ang kanyang kahirapan.
16 Ang gantimpala ng matuwid ay maganda at mahabang buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan.
17 Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas.
18 Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal.
19 Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila.
20 Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan.
21 Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa.
22 Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan.
23 Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan.
24 Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay makakamit niya.
25 Kapag dumating ang pagsubok sa buhay na parang bagyo, maglalaho ang taong masama, ngunit mananatiling matatag ang taong matuwid.
26 Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha.
27 Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iigsi ang buhay.
28 Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan.
29 Ang pagsunod ng matuwid sa pamamaraan ng Panginoon ay mag-iingat sa kanya, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak.
30 Ang matuwid ay hindi paaalisin sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay paaalisin.
31 Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin.
32 Alam ng taong matuwid ang angkop at tamang sabihin, ngunit ang alam lang sabihin ng taong masama ay puro kasamaan.

11 Kinasusuklaman ng Panginoon ang nandaraya sa timbangan, ngunit ang nagtitimbang ng tama ay kanyang kinalulugdan.
Ang taong mayabang ay madaling mapahiya, ngunit may karunungan ang taong mapagpakumbaba.
Ang pamumuhay nang may katapatan ang gagabay sa taong matuwid, ngunit ang taong mandaraya ay mapapahamak dahil hindi tama ang kanyang pamumuhay.
Ang kayamanan ay hindi makakatulong sa araw ng paghuhukom, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay magliligtas sa iyo sa kamatayan.
Ang matuwid at walang kapintasang pamumuhay ay makapagpapagaan ng buhay, ngunit ang masamang pamumuhay ay maghahatid ng kapahamakan.
Ang pamumuhay ng taong matuwid ang magliligtas sa kanya, ngunit ang hangad ng taong mandaraya ang magpapahamak sa kanya.
Kapag namatay ang taong masama, pag-asa niyaʼy mawawala, at ang kanyang mga inaasahan ay mawawalan ng kabuluhan.
Inililigtas ng Dios sa kahirapan ang matuwid, ngunit ang masama ay kanyang pinapabayaan.
Sinisira ng hindi makadios ang kapwa niya sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Ang taong matuwid ay maililigtas ng kanyang kaalaman.
10 Kapag ang matuwid ay pinagpapala, mga taoʼy sumisigaw sa tuwa. At kapag ang masama ay napapahamak ganoon din ang kanilang ginagawa.
11 Umuunlad ang isang bayan sa pagpapala ng mga mamamayang matuwid, subalit nawawasak ito sa pamamagitan ng salita ng masama.
12 Ang taong walang pang-unawa ay kinukutya ang kapwa, ngunit ang taong may pang-unawa ay hindi nangungutya.
13 Ang mga taong madaldal ay nagsisiwalat ng sikreto ng iba, ngunit ang taong mapagkakatiwalaan ay nakakapagtago ng sikreto ng iba.
14 Babagsak ang bansa kung ang namumuno nito ay walang gumagabay, ngunit kung maraming tagapayo tiyak ang tagumpay.
15 Delikado ang mangakong managot sa utang ng iba, kaya iwasan itong gawin upang hindi ka magkaproblema.
16 Ang babaeng maganda ang ugali ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang taong marahas ay magaling lang sa pag-angkin ng kayamanan. Ang taong tamad ay maghihirap,[c] ngunit ang taong masipag ay yayaman.
17 Kung mabait ka para iyon sa iyong kabutihan, ngunit kung malupit ka para iyon sa iyong kapahamakan.
18 Ang masamang tao ay hindi tatanggap ng tunay na gantimpala, ngunit ang gumagawa ng matuwid ay tatanggap ng tunay na gantimpala.
19 Ang taong gumagawa ng matuwid ay patuloy na mabubuhay, ngunit ang taong gumagawa ng masama ay mamamatay.
20 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang pag-iisip ng masama, ngunit ang buhay na matuwid ay kalugod-lugod sa kanya.
21 Ang taong masama, tiyak na parurusahan, ngunit ang matuwid ay makakaligtas.
22 Ang magandang babaeng hindi marunong magpasya ay parang isang gintong singsing sa nguso ng baboy.
23 Ang ninanais ng matuwid ay pawang kabutihan, ngunit ang ninanais ng masama ay nagdudulot ng kaguluhan.
24 Ang mga taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit ang mga taong sakim ay hahantong sa kahirapan.
25 Ang taong mapagbigay ay magtatagumpay sa buhay; ang taong tumutulong ay tiyak na tutulungan.
26 Isinusumpa ang taong nagtatago ng paninda para maitinda ito kapag mataas na ang presyo, ngunit pinupuri ang taong hindi nagtatago ng paninda.
27 Ang taong naghahanap ng kabutihan ay makakatagpo nito, ngunit ang taong naghahanap ng gulo ay makakatagpo rin ng gulo.
28 Mabibigo ang taong nagtitiwala sa kanyang kayamanan, ngunit ang taong matuwid ay lalago na parang sariwang halaman.
29 Ang mga hangal na nagdadala ng gulo sa sariling tahanan ay walang mamanahin sa huli. Magiging alipin lang sila ng mga taong may karunungan.
30 Ang ginagawa ng mga taong matuwid ay makakatulong sa iba upang mapabuti at mapahaba ang kanilang buhay.[d] At madadala niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang karunungan.
31 Ang mga ginagawa ng mga taong matuwid dito sa mundo ay ginagantihan ng kabutihan, gayon din sa makasalanan at hindi kumikilala sa Dios, ganti sa kanila ay kaparusahan.

12 Ang taong tumatanggap ng pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay nagnanais ng karunungan, ngunit ang taong ayaw tumanggap ay hangal.
Ang mabuting tao ay kinalulugdan ng Panginoon, ngunit ang taong nagpaplano ng masama ay kanyang pinarurusahan.
Ang taong gumagawa ng masama ay walang katatagan, ngunit ang taong matuwid ay matatag tulad ng isang punongkahoy na malalim ang ugat.
Ang mabuting maybahay ay kasiyahan at karangalan ng kanyang asawa, ngunit parang kanser sa buto ang nakakahiyang asawa.
Ang iniisip ng taong matuwid ay tama, ngunit ang mga payo ng taong masama ay pandaraya.
Ang salita ng taong masama ay nakamamatay, ngunit ang salita ng taong matuwid ay nakapagliligtas.
Mapapahamak at maglalaho ang mga taong masama, ngunit mananatili ang lahi ng mga taong matuwid.
Pinararangalan ang taong may karunungan, ngunit hinahamak ang taong masama ang kaisipan.
Mas mabuti ang taong simple pero kayang magbayad ng katulong kaysa sa taong nagkukunwaring mayaman ngunit kahit makain ay wala naman.
10 Ang taong matuwid ay mabait sa kanyang mga alagang hayop, ngunit ang taong masama ay malupit at walang awa sa kanyang mga hayop.
11 Ang magsasakang masipag ay laging sagana sa pagkain, ngunit ang walang sapat na pang-unawa ay nagsasayang ng oras sa mga walang kabuluhang gawain.
12 Ang taong masama ay laging kasamaan ang ginagawa, kaya hindi matatag ang kanyang kalagayan; ngunit ang taong matuwid ay matatag gaya ng punongkahoy na malalim ang ugat.
13 Ang kasamaang sinasabi ng taong masama ay nagdudulot sa kanya ng gulo, ngunit ang taong matuwid ay umiiwas sa gulo.
14 Ang bawat isa ay tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang sinabi o ginawa.
15 Ang akala ng hangal ay palagi siyang tama, ngunit ang taong marunong ay nakikinig sa payo.
16 Ang hangal ay madaling magalit kapag iniinsulto, ngunit ang taong may karunungan ay hindi pinapansin ang pang-iinsulto sa kanya.
17 Ang tapat na saksi ay nagsasabi ng katotohanan, ngunit ang hindi tapat na saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan.
18 Ang pabigla-biglang salita ay nakakasugat ng damdamin, ngunit ang magandang salita ay nagpapagaling.
19 Ang katotohanan ay mananatili kailanman, ngunit hindi magtatagal ang kasinungalingan.
20 Pandaraya ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng masama, ngunit kagalakan ang nasa puso ng mga taong nagbabalak ng mabuti.
21 Walang mangyayaring masama sa taong matuwid, ngunit sa masama, pawang kaguluhan ang mararanasan.
22 Nasusuklam ang Panginoon sa mga nagsasabi ng kasinungalingan, ngunit nalulugod siya sa nagsasabi ng katotohanan.
23 Hindi ipinagyayabang ng taong marunong ang kanyang nalalaman, ngunit ang hangal ay ibinibida ang kanyang kahangalan.
24 Ang taong masipag ay magiging pinuno, ngunit ang tamad ay magiging alipin.
25 Nakapagpapalungkot sa tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang pananalita ay kaaliwan.
26 Ginagabayan ng taong matuwid ang kanyang kaibigan, ngunit ililigaw ka ng taong masama.
27 Hindi makakamit ng taong tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang taong masipag maganda ang hinaharap.
28 Ang matuwid na pamumuhay ay patungo sa buhay, at maililigtas ka nito sa kamatayan.

13 Ang matalinong anak ay nakikinig sa pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang nangungutyang anak ay hindi nakikinig kapag sinasaway siya.
Ang taong nagsasalita ng mabuti ay gagantihan ng mabuting bagay, ngunit ang salita ng taong hindi tapat ay gagantihan ng karahasan.
Ang taong maingat sa pagsasalita ay nag-iingat ng kanyang buhay. Ngunit ang taong madaldal, dulot sa sarili ay kapahamakan.
Ang taong tamad hindi makukuha ang hinahangad, ngunit ang taong masipag ay magkakaroon ng higit pa sa kanyang hinahangad.
Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang taong masama ay gumagawa ng mga bagay na kahiya-hiya.
Ang taong walang kapintasan ay iingatan dahil sa kanyang matuwid na pamumuhay, ngunit ang makasalanan ay mapapahamak dahil sa kanyang kasamaan.
May mga taong nagkukunwaring mayaman ngunit mahirap naman, at may mga nagkukunwaring mahirap ngunit mayaman naman.
Ang taong mayaman kapag dinukot ay may pantubos sa kanyang buhay, ngunit ang taong mahirap ni hindi man lang pinagtatangkaan.
Ang buhay ng taong matuwid ay parang ilaw na maliwanag, ngunit ang buhay ng masama ay parang ilaw na namatay.
10 Ang kayabangan ay humahantong sa kaguluhan at pagtatalo, ngunit ang nakikinig sa payo ay nagpapahiwatig ng karunungan.
11 Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala.
12 Ang hangarin na naantala ay nakapanghihina, ngunit ang hangarin na natupad ay nakapagpapalakas at nakapagpapasigla.[e]
13 Ang taong tumatanggi sa turo at utos sa kanya ay mapapahamak, ngunit ang sumusunod dito ay gagantimpalaan.
14 Ang mga turo ng taong may karunungan ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay at mailalayo ka sa kamatayan.
15 Ang taong may mabuting pang-unawa ay iginagalang, ngunit ang taong taksil ay kapahamakan ang kahahantungan.
16 Ang taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ay pinag-iisipan muna ang isang bagay bago niya gawin, ngunit ang taong hangal ay hindi nag-iisip, ipinakikita niya ang kanyang kahangalan.
17 Ang masamang sugo ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang mapagkakatiwalaang sugo ay nagpapabuti ng ugnayan.
18 Ang taong ayaw tumanggap ng pangaral ay dadanas ng kahirapan at kahihiyan, ngunit ang tumatanggap nito ay pararangalan.
19 Ang pangarap na natupad ay nagdudulot ng ligaya; subalit ang taong hangal ay hindi tumitigil sa paggawa ng masama.
20 Kapag ang lagi mong kasama ay isang taong marunong, magiging marunong ka rin, ngunit kung hangal ang lagi mong kasama ay mapapahamak ka.
21 Ang kapahamakan ay darating sa mga makasalanan saanman sila magpunta, ngunit ang mga matuwid ay gagantimpalaan ng mabubuting bagay.
22 Ang kayamanan ng mabuting tao ay mamanahin ng kanyang mga apo, ngunit ang kayamanan ng makasalanan ay mapupunta sa mga matuwid.
23 Umani man ng sagana ang lupain ng mahihirap, hindi rin sila makikinabang dito dahil sa hindi makatuwirang patakaran ng iba.
24 Ang mapagmahal na magulang ay nagdidisiplina ng kanyang anak. Sapagkat kung mahal mo ang iyong anak itutuwid mo ang kanyang ugali.
25 Ang taong matuwid ay makakakain ng sapat, ngunit ang masasama ay magugutom.

14 Ang marunong na babae ay pinatatatag ang kanyang sambahayan, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ang kanyang sariling tahanan.
Ang taong namumuhay sa katuwiran ay may takot sa Panginoon, ngunit ang namumuhay sa kasamaan ay humahamak sa kanya.
Ang salita ng hangal ang magpapasama sa kanya, ngunit ang salita ng marunong ang mag-iingat sa kanya.
Kapag wala kang hayop na pang-araro wala kang aanihin, ngunit kung may hayop ka, at malakas pa, marami ang iyong aanihin.
Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit pawang kasinungalingan ang sinasabi ng saksing sinungaling.
Ang taong nangungutya ay hindi magkakaroon ng karunungan kahit ano pa ang kanyang gawin, ngunit ang taong may pang-unawa ay madaling matututo.
Iwasan mo ang mga hangal dahil wala kang mabuting matututunan sa kanila.
Ang karunungan ng taong marunong umunawa kung ano ang tama at mali ang nagbibigay sa kanya ng kaalaman kung ano ang kanyang gagawin, ngunit ang kahangalan ng taong hangal ang magliligaw sa kanya.
Balewala sa mga hangal ang makagawa ng kasalanan, ngunit ang taong matuwid ay gustong maging kalugod-lugod sa Dios.
10 Ikaw lamang ang nakakaalam ng iyong kabiguan at kagalakan.
11 Mawawasak ang tahanan ng taong masama, ngunit uunlad ang tahanan ng taong matuwid.
12 Maaaring sa tingin mo ang daang tinatahak mo ay matuwid, ngunit kamatayan pala ang dulo nito.
13 Maaaring maitago ang kalungkutan sa pamamagitan ng pagtawa, ngunit pagkatapos ng kasiyahan nariyan pa rin ang kalungkutan.
14 Ang tao ay tatanggap ng nararapat sa kanya kung ano ang ginawa niya, mabuti man o masama.
15 Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat ng kanyang napapakinggan, ngunit ang taong marunong umunawa ay pinag-iisipan ang kanyang napakinggan.
16 Ang taong marunong ay iniingatan ang kanyang sarili at umiiwas sa gulo, ngunit ang taong hangal ay walang pag-iingat at padalos-dalos.
17 Ang taong madaling magalit ay nakagagawa ng kamangmangan. Ang taong mapanlinlang ay kinapopootan.
18 Makikita ang kamangmangan sa taong walang alam, ngunit makikita ang karunungan sa taong nakakaunawa kung ano ang mabuti at masama.
19 Ang taong masama ay yuyuko sa taong matuwid at magsusumamo na siya ay kahabagan.
20 Ang mga mahirap kadalasan ay hindi kinakaibigan kahit ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mga mayaman ay maraming kaibigan.
21 Ang humahamak sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang tumutulong sa dukha ay pinagpapala.
22 Ang nagbabalak ng masama sa kapwa ay nagkakasala, ngunit ang nagpaplano nang mabuti ay dadamayan at mamahalin ng kapwa.
23 Ang masikap sa trabaho ay may pakinabang, ngunit magiging mahirap ang puro salita lang.
24 Ang karangalan ng taong marunong ay ang kanyang kayamanan, ngunit ang hangal ay lalo pang madadagdagan ang kahangalan.
25 Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit taksil ang saksing sinungaling.
26 Ang taong may takot sa Panginoon ay may kasiguraduhan at siya ang kanlungan ng kanyang sambahayan.
27 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magpapabuti at magpapahaba ng iyong buhay[f] at maglalayo sa iyo sa kamatayan.
28 Ang kapangyarihan ng isang hari ay nasa dami ng kanyang nasasakupan, ngunit kung walang tauhan tiyak ang kanyang kapahamakan.
29 Ang mapagpasensya ay mas higit ang karunungan, ngunit ang madaling magalit ay nagpapakita ng kahangalan.
30 Ang payapang isipan ay nagpapalusog ng katawan, ngunit ang pagkainggit ay tulad ng kanser sa buto.
31 Ang nang-aapi ng mahihirap ay hinahamak ang Dios na lumikha sa kanila, ngunit ang nahahabag sa mahihirap ay pinararangalan ang Dios.
32 Mapapahamak ang masama dahil sa kanyang masamang gawain, ngunit ang mga matuwid ay iingatan dahil sa kanilang pagkamakadios.[g]
33 Ang karunungan ay nasa isip ng taong may pang-unawa, ngunit ang mangmang ay walang[h] nalalamang kahit ano tungkol sa karunungan.
34 Ang matuwid na pamumuhay ng mamamayan ay nagpapaunlad ng kanilang bansa, ngunit kung sila ay magkasala, mapapahiya ang kanilang bansa.
35 Sa matalinong lingkod ang hari ay nalulugod, ngunit sa hangal na lingkod siya ay napopoot.

15 Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot.
Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan.
Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid.
Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao,[i] ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso.
Hindi pinapansin ng taong hangal ang pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang taong marunong, sumusunod sa mga paalala sa kanya.
Dadami ang kayamanan sa tahanan ng mga matuwid, ngunit anumang pag-aari ng masasama ay mawawala.[j]
Ikinakalat ng marunong ang kanyang karunungan, ngunit hindi ito magawa ng mangmang.
Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid.
Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya.
10 Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay.
11 Kung alam ng Panginoon ang nangyayari sa daigdig ng mga patay, lalo namang alam niya ang nasa puso ng mga buhay.
12 Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan.
13 Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot.
14 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan.
15 Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya.
16 Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan.
17 Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan.
18 Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo.
19 Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad.
20 Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang.
21 Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid.
22 Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo.
23 Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon.
24 Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan.
25 Wawasakin ng Panginoon ang bahay ng hambog, ngunit iingatan niya ang lupain ng biyuda.
26 Kinasusuklaman ng Panginoon ang iniisip ng masasamang tao, ngunit nagagalak siya sa iniisip ng mga taong may malinis na puso.
27 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan.
28 Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita.
29 Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin.
30 Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita.
31 Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong.
32 Pinapasama ng tao ang kanyang sarili kapag binabalewala niya ang pagtutuwid sa kanyang pag-uugali, ngunit kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman.
33 Ang takot sa Panginoon ay nagtuturo ng karunungan, at ang nagpapakumbaba ay pinaparangalan.

16 Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi.
Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo.
Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka.
Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan.
Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan.
Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan.
Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan.
Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan.
Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.
10 Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol.
11 Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan.
12 Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran.
13 Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan.
14 Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari.
15 Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol.
16 Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto.
17 Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan.
18 Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak.
19 Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan.
20 Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad.
21 Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya.
22 Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan.
23 Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya.
24 Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.
25 Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan.
26 Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho.
27 Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso.
28 Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay.
29 Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan.
30 Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak.
31 Ang katandaan ay tanda ng karangalan[k] na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran.
32 Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod.
33 Nagpapalabunutan ang mga tao upang malaman kung ano ang kanilang gagawin, ngunit nasa Panginoon ang kapasyahan.

17 Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan nang may kapayapaan ay higit na mabuti kaysa sa maraming pagkain ngunit may alitan.
Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito.
Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi.
Ang taong masama ay gustong makinig sa kapwa niya masama, at ang taong sinungaling ay gustong makinig sa kapwa niya sinungaling.
Ang kumukutya sa mahihirap ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha. Ang taong nagagalak sa kapahamakan ng iba ay parurusahan.
Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang.
Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling.
Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay.
Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan.
10 Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa.
11 Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya.
12 Mas mabuti pang masalubong mo ang isang osong inagawan ng anak kaysa sa hangal na gumagawa ng kahangalan.
13 Kapag kasamaan ang iginanti mo sa kabutihang ginawa sa iyo, palaging may masamang mangyayari sa sambahayan mo.
14 Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki.
15 Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan.
16 Walang kabuluhang pag-aralin ang taong hangal sapagkat hindi naman niya hinahangad ang matuto.
17 Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong.
18 Ang taong nangakong managot sa utang ng iba ay kulang sa karunungan.
19 Ang taong gusto ng kasalanan ay gusto rin ng kaguluhan. At ang taong mayabang ay naghahanap ng kapahamakan.
20 Hindi uunlad ang taong baluktot ang pag-iisip, at ang taong sinungaling ay dadanas ng kasawian.
21 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan sa magulang.
22 Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan.
23 Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol.
24 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala.
25 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang.
26 Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal.
27 Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos.
28 Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.

18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan at sumasalungat sa lahat ng tamang kaisipan.
Ang taong hangal ay hindi naghahangad na matuto; ang gusto lang niya ay masabi ang nasa isipan.
Ang paggawa ng kasamaan at nakakahiyang mga bagay ay makapagbibigay ng kahihiyan.
Ang salita ng taong marunong ay nakapagbibigay ng karunungan sa iba; ito ay katulad ng tubig na umaagos mula sa malalim na batis.
Hindi mabuti na kampihan ang taong nagkasala at hindi mabuti na ipagkait ang katarungan sa taong walang kasalanan.
Ang sinasabi ng taong hangal ang pinagsisimulan ng alitan at magdadala sa kanya sa kaguluhan.
Ang salita ng hangal ang maglalagay sa kanya sa panganib at kapahamakan.
Ang tsismis ay gaya ng pagkaing masarap nguyain at lunukin.
Ang taong tamad ay kasingsama ng taong mapanira.
10 Ang Panginoon ay katulad ng toreng matibay, kanlungan ng mga matuwid sa oras ng panganib.
11 Ang akala ng taong mayaman ay maipagtatanggol siya ng kanyang kayamanan gaya ng mga pader na nakapalibot sa buong bayan.
12 Ang pagmamataas ng tao ang magpapahamak sa kanya, ngunit ang pagpapakumbaba ang magpaparangal sa kanya.
13 Hangal at kahiya-hiya ang taong sumasagot sa usapan ng hindi muna nakikinig.
14 Sa taong may karamdaman, tatag ng loob ang magbibigay kalakasan. Kung mawawalan siya ng pag-asa, wala nang makatutulong pa sa kanya.
15 Ang taong marunong at nakauunawa ay lalo pang naghahangad ng karunungan.
16 Madaling makikipagkita sa iyo ang dakilang tao kapag may dala kang regalo para sa kanya.
17 Ang unang naglahad ng salaysay sa korte ay parang iyon na ang totoo, hanggang hindi pa nasusuri at natatanong ng kabilang panig.
18 Napapatigil ng palabunutan ang mga alitan, at pinagkakasundo ang mahigpit na magkalaban.
19 Mas madali pang sakupin ang isang napapaderang bayan kaysa sa makipagbati sa kapatid[l] na nasaktan.
    Kung paanong mahirap wasakin ang mga kandado ng tarangkahan ng palasyo, mahirap din pigilin ang alitan ng dalawang tao.
20 Aanihin mo ang bunga ng iyong mga sinasabi.
21 Ang salita ng tao ay makapagliligtas ng buhay o kaya ay makamamatay. Kaya mag-ingat sa pagsasalita sapagkat aanihin mo ang mga bunga nito.
22 Kung nakapag-asawa ka, nakatanggap ka ng kabutihan, at ito ang nagpapakita na mabuti ang Panginoon sa iyo.
23 Nakikiusap ang dukha, ngunit ang mayaman ay masakit magsalita.
24 May mga pagkakaibigang hindi nagtatagal, ngunit may pagkakaibigan din na higit pa sa magkapatid ang pagsasamahan.

19 Mas mabuti pa ang mahirap na namumuhay nang matuwid kaysa sa hangal na sinungaling.
Maging masigasig ka man ngunit walang nalalaman, wala rin itong kabuluhan. Kapag ikaw naman ay pabigla-bigla madali kang magkakasala.
Kamangmangan ng tao ang nagpapahamak sa kanyang sarili, at pagkatapos sa Panginoon ibinabaling ang sisi.
Ang mayaman ay maraming kaibigan, ngunit ang mahirap namaʼy iniiwanan ng kaibigan.
Ang saksing sinungaling ay parurusahan, at ang nagsisinungaling ay hindi makakatakas sa kaparusahan.
Marami ang lumalapit sa pinunong mabait, at sa mapagbigay ang lahat ay nakikipagkaibigan.
Ang mahihirap ay iniiwasan ng mga kamag-anak, at lalo na ng mga kaibigan. Kapag sila ay kailangan hindi sila matagpuan.
Ang taong nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa sarili, at ang nagpapahalaga sa pang-unawa ay uunlad.
Ang hindi tapat na saksi ay parurusahan, at ang sinumang nagsisinungaling ay mapapahamak.
10 Hindi bagay sa taong mangmang ang mamuhay sa karangyaan, at mas lalong hindi bagay sa isang alipin ang mamuno sa mga pinuno.
11 Kung ikaw ay mahinahon, nagpapakita lang na marunong ka. At kung pinapatawad mo ang nagkasala sa iyo, makapagdudulot ito ng karangalan sa iyo.
12 Ang galit ng hari ay parang atungal ng leon, ngunit ang kanyang kabutihan ay tulad ng hamog na bumabasa sa mga halaman.
13 Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapahamakan sa kanyang ama. Ang bungangerang asawa ay nakakainis tulad ng tulo sa bubungan.
14 Bahay at kayamanan sa magulang ay namamana, ngunit ang Panginoon lang ang nagbibigay ng matalinong asawa.
15 Kung ikaw ay tamad at tulog lang nang tulog, magugutom ka.
16 Mabubuhay nang matagal ang taong sumusunod sa utos ng Dios, ngunit ang hindi sumusunod ay mamamatay.
17 Kapag tumutulong ka sa mahirap, para kang nagpapautang sa Panginoon, dahil ang Panginoon ang magbabayad sa iyo.
18 Ituwid mo ang iyong anak habang may panahon pa. Kung hindi mo siya itutuwid, ikaw na rin ang nagpahamak sa kanya.
19 Hayaan mong maparusahan ang taong magagalitin, dahil kapag tinulungan mo siya, uulit-ulitin lang niya ang kanyang ginagawa.
20 Dinggin mo at sundin ang mga payo at pagtutuwid sa iyong pag-uugali, at sa bandang huli ay magiging marunong ka.
21 Marami tayong mga pinaplano, ngunit ang kalooban pa rin ng Panginoon ang masusunod.
22 Ang gusto natin sa isang tao ay matapat.[m] Mas mabuti pang maging mahirap kaysa maging sinungaling.
23 Ang pagkatakot sa Panginoon ay magdudulot ng mahabang buhay, kasapatan, at kaligtasan sa kapahamakan.
24 May mga taong sobrang batugan kahit ang kumain ay kinatatamaran.
25 Ang mapanuya ay dapat parusahan para ang mga katulad niya ay matuto na maging marunong. Ang nakakaunawa ay lalong magiging marunong kapag pinagsasabihan.
26 Kahiya-hiya ang anak na malupit sa kanyang ama at pinapalayas ang kanyang ina.
27 Anak, kung hindi ka makikinig sa mga pangaral para maituwid ang iyong pag-uugali, tinatanggihan mo ang mga turo na nagbibigay ng karunungan.
28 Ang sinungaling na saksi ay pinapawalang-kabuluhan ang katarungan, at ang bibig ng masama ay nalulugod sa pagpapahayag ng kasamaan.
29 Sa mga mapanuya ay may hatol na nakalaan, at hagupit naman ang nakahanda para sa mga hangal.

20 Ang sobrang pag-inom ng alak ay nagbubunga ng panunuya at kaguluhan, kaya ang taong naglalasing ay salat sa karunungan.
Ang poot ng hari ay parang atungal ng leon. Kapag ginalit mo siya, papatayin ka niya.
Ang pag-iwas sa gulo ay tanda ng karangalan; hangal lang ang may gusto ng kaguluhan.
Ang taong tamad mag-araro sa panahon ng pagtatanim ay walang makukuha pagdating ng anihan.
Ang isipan ng tao ay tulad ng malalim na balon, ngunit mauunawaan ito ng taong marunong.
Marami ang nagsasabi na sila ay tapat, ngunit mayroon kaya sa kanila ang mapagkakatiwalaan?
Ang taong matuwid ay walang kapintasan. Mapalad ang mga anak niya kung siya ang kanilang tinutularan.
Kapag ang hari ay humahatol, tinitiyak muna niya kung sino ang gumawa ng masama.
Walang sinumang makapagsasabi na ang puso niya ay malinis, na kailanman ay hindi siya nakagawa ng mali.
10 Ang madadayang timbangan at sukatan ay kasuklam-suklam sa paningin ng Dios.
11 Ang mga ginagawa ng isang kabataan ay nagpapakita ng kanyang tunay na pag-uugali, kung siya ba ay matuwid o hindi.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita ay ang Panginoon ang siyang gumawa.
13 Kung tulog ka nang tulog maghihirap ka, ngunit kung magsisikap ka, ang iyong pagkain ay sasagana.
14 Pinipintasan ng mamimili ang kanyang binibili upang makatawad siya. Pero kung nabili na, hindi na niya ito pinipintasan, sa halip ay ipinagyayabang pa.
15 Marami ang ginto at mamahaling bato, ngunit iilan lamang ang nakapagsasalita nang may karunungan.
16 Kung may taong nangako na babayaran niya sa iyo ang utang ng taong hindi niya kilala, tiyakin mong makakakuha ka sa kanya ng garantiya, para makatiyak ka na babayaran ka niya.
17 Pagkaing nakuha sa pandaraya sa una ay matamis ang lasa, ngunit sa huli ay lasang buhangin na.
18 Humingi ka ng payo sa iyong pagpaplano o bago makipaglaban sa digmaan.
19 Ang taong masalita nagbubunyag ng sikreto, kaya iwasan mo ang ganyang uri ng tao.
20 Mamamatay ang sinumang sumumpa sa kanyang magulang, para siyang ilaw na namatay sa gitna ng kadiliman.
21 Ang mana na kinuha ng maaga sa bandang huliʼy hindi magiging pagpapala.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®