Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 1-13

Ang aklat na itoʼy tungkol sa ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz. Tungkol ito sa Juda at Jerusalem noong magkakasunod na naghari sa Juda sina Uzia, Jotam, Ahaz, at Hezekia.

Ang Makasalanang Bansa

Pakinggan ninyo langit at lupa, dahil sinabi ng Panginoon, “Inalagaan koʼt pinalaki ang mga Israelita na aking mga anak, pero nagrebelde sila sa akin. Kahit ang mga bakaʼy kilala ang kanilang tagapag-alaga,[a] at ang mga asnoʼy alam kung saang sabsaban sila pinapakain ng nagmamay-ari sa kanila, pero ang mga mamamayan kong Israelita ay hindi nakakakilala sa akin.”

Sila ay bansang makasalanan, mga taong punong-puno ng kasamaan, lahi ng mga gumagawa ng masama at mapaminsala. Itinakwil nila at kinutya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel, at siyaʼy tinalikuran nila.

Mga taga-Israel, bakit patuloy kayong nagrerebelde? Gusto pa ba ninyong maparusahan? Para kayong tao na puro sugat ang ulo at ang pusoʼy puno ng sakit. Mula ulo hanggang talampakan, walang bahagi na walang sugat, pasa at pamamaga. Hindi ito nahuhugasan, o nabebendahan, o nagagamot.

Hindi na mapakinabangan ang inyong bansa; sinunog ng mga dayuhan ang mga lungsod ninyo. Kitang-kita ninyong sinasamsam nila ang mga bunga ng inyong pananim. Sinisira nila ang inyong lupain hanggang sa hindi na mapakinabangan. Walang natira kundi ang Jerusalem.[b] Para itong silungan sa isang ubasan o isang kubol sa taniman ng mga pipino na mag-isang nakatayo, at para ring lungsod na pinalibutan ng kaaway. Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nagtira ng ilan sa atin, natulad na sana tayo sa Sodom at Gomora.

10 Kayong mga pinuno at mga mamamayan ng Jerusalem na katulad ng mga taga-Sodom at Gomora, pakinggan ninyo ang salita at kautusan ng Panginoon na ating Dios. 11 Sinabi niya, “Balewala sa akin ang napakarami ninyong handog. Sawang-sawa na ako sa inyong mga handog na sinusunog – ang mga tupa at ang mga taba ng mga pinatabang hayop. Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, tupa at mga kambing. 12 Sino ang nag-utos sa inyo na dalhin ang lahat ng ito kapag sumasamba kayo sa akin? Sino ang nag-utos sa inyong tumapak sa aking templo? 13 Tigilan nʼyo na ang pagdadala ng mga handog na walang silbi. Nasusuklam ako sa amoy ng mga insenso ninyo. Hindi ko na matiis ang mga pagtitipon nʼyo kapag Pista ng Pagsisimula ng Buwan at kapag Araw ng Pamamahinga, dahil kahit na nagtitipon kayo, gumagawa kayo ng kasamaan. 14 Nasusuklam ako sa inyong mga Pista ng Bagong Buwan at sa iba pa ninyong mga pista. Sobra-sobra na! Hindi ko na ito matiis!

15 “Kapag mananalangin kayo hindi ko kayo papansinin. Kahit paulit-ulit pa kayong manalangin hindi ko kayo pakikinggan dahil marami kayong pinatay na tao. 16 Linisin ninyo ang inyong sarili. Tigilan na ninyo ang paggawa ng kasamaan sa aking harapan. 17 Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti at pairalin ang katarungan. Sawayin ninyo ang mga nang-aapi[c] at ipagtanggol ninyo ang karapatan ng mga ulila at mga biyuda.”

18 Sinabi pa ng Panginoon, “Halikayoʼt pag-usapan natin ito. Kahit gaano man karumi ang inyong mga kasalanan, lilinisin ko iyan para maging malinis kayo. 19 Kung susunod lang kayo sa akin ay pagpapalain ko kayo.[d] 20 Pero kung patuloy kayong magrerebelde, tiyak na mamamatay kayo.”

Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

Ang Makasalanang Lungsod

21 Tingnan ninyo ang lungsod ng Jerusalem. Matapat ito noon, pero ngayoʼy para nang babaeng bayaran. Datiʼy mga taong matuwid ang mga nakatira rito, pero ngayon ay mga mamamatay-tao. 22 Jerusalem, datiʼy mahalaga ka tulad ng pilak, pero ngayon ay wala ka nang silbi. Noon para kang mamahaling alak, pero ngayon ay para ka nang alak na may halong tubig. 23 Ang mga pinuno moʼy mga suwail at kasabwat ng mga magnanakaw. Gusto nila palagi ng suhol, at nanghihingi ng mga regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga ulila at hindi rin nila pinapakinggan ang daing ng mga biyuda.

24 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ng Israel, “Gagaan ang kalooban ko kapag naparusahan ko na kayong mga taga-Jerusalem na aking mga kaaway. 25 Parurusahan ko kayo para magbago kayo, katulad ng pilak na dinadalisay sa apoy. 26 Muli ko kayong bibigyan ng mga pinuno at mga tagapayo, katulad noong una. At ang lungsod ninyo ay tatawaging lungsod ng mga matuwid at tapat na mga tao.”

27 Magsisisi ang mga tao sa Jerusalem,[e] at ito ay ililigtas ng Dios at magiging matuwid ang pagtrato ng mga pinuno sa lahat ng mga mamamayan. 28 Pero lilipulin niya ang mga suwail at mga makasalanan, ang mga taong tumalikod sa Panginoon.

29 Mapapahiya kayo na mga taga-Jerusalem dahil sa pagsamba ninyo sa mga puno ng ensina at sa mga sagradong halamanan. 30 Matutulad kayo sa isang nalalantang puno ng ensina, at sa isang halamanang hindi nadidiligan. 31 Ang mga makapangyarihan sa inyo ay magiging katulad ng tuyong kahoy na madaling masunog, at ang masasama nilang gawa ay magiging parang tilamsik ng apoy na susunog sa kanila. Walang makakapatay sa apoy na iyon.

Kapayapaan sa Mundo(A)

Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:

Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
    Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
    Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
    Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
    Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
    Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.

Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,[f] na ibinigay sa atin ng Panginoon.

Ang Araw na Magpaparusa ang Dios

Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.

10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11 Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas. 12 Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan. 13 Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan. 14 Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol, 15 at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader. 16 Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat. 17 Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon. 18 At tuluyan nang mawawala ang mga dios-diosan.

19 Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kweba sa burol at sa mga hukay sa lupa para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga rebulto nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin. 21 Tatakas nga sila papunta sa mga kweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.

22 Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?

Ang Parusa sa Jerusalem at Juda

Makinig kayo! Kukunin ng Panginoon, ang Panginoong Makapangyarihan, ang lahat ng inaasahan ng mga taga-Jerusalem at taga-Juda: ang pagkain at tubig nila, ang mga bayani, kawal, hukom, propeta, manghuhula, tagapamahala, kapitan ng mga kawal, mararangal na tao, mga tagapayo, at ang mga dalubhasang salamangkero[g] nila at mga manggagayuma. Ang pamumunuin ng Panginoon sa kanila ay mga kabataan. Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa. Lalabanan ng mga bata ang matatanda, at lalabanan ng mga hamak ang mararangal.

6-7 Sa mga araw na iyon, pupuntahan ng isang tao ang kanyang kamag-anak at sasabihin, “Maayos pa naman ang damit mo, ikaw na lang ang mamuno sa amin sa panahong ito na wasak ang ating lugar.” Pero sasagot siya, “Hindi ko kayo matutulungan. Wala ring pagkain o damit ang aking pamilya, kaya huwag nʼyo akong gagawing pinuno.”

Tiyak na mawawasak ang Jerusalem at Juda, dahil nilalabag nila ang Panginoon sa kanilang mga salita at gawa. Nilalapastangan nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Halatang-halata sa mga mukha nila ang kanilang pagkakasala. Hayagan silang gumagawa ng kasalanan tulad ng Sodom at Gomora. Hindi na nila ito itinatago. Nakakaawa sila! Sila na mismo ang nagpapahamak sa sarili nila.

10 Sabihin ninyo sa mga matuwid na mapalad sila, dahil aanihin nila ang bunga ng mabubuti nilang gawa. 11 Pero nakakaawa ang masasama, dahil darating sa kanila ang kapahamakan. Gagantihan sila ayon sa mga ginawa nila.

12 Sinabi ng Panginoon, “Inaapi ng mga kabataan ang mga mamamayan ko. Pinamumunuan sila ng mga babae.

“Mga mamamayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno ninyo. Inaakay nila kayo sa maling daan.”

13 Nakahanda na ang Panginoon para hatulan ang kanyang mga mamamayan.[h] 14 Hahatulan niya ang mga tagapamahala at mga pinuno ng mga mamamayan niya. Ito ang paratang niya sa kanila, “Sinira ninyo ang aking ubasan na siyang aking mga mamamayan. Ang mga bahay ninyo ay puno ng mga bagay na sinamsam ninyo sa mga mahihirap. 15 Bakit ninyo inaapi ang mga mamamayan ko at ginigipit ang mga mahihirap?” Iyan ang sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan.

16 Sinabi pa ng Panginoon, “Mayayabang ang mga babae sa Jerusalem. Akala mo kung sino sila kung maglakad. Pinakakalansing pa nila ang mga alahas sa mga paa nila, at kapag tumitingin sila ay may kasama pang kindat. 17 Kaya patutubuan ko ng mga galis ang mga ulo nila at makakalbo sila.”

18 Sa araw na iyon, kukunin ng Panginoon ang mga alahas sa kanilang paa, ulo, at leeg. 19 Kukunin din sa kanila ang kanilang mga hikaw, pulseras, belo, 20 turban, alahas sa braso, sinturon, pabango at mga anting-anting. 21 Kukunin pati ang kanilang mga singsing sa daliri at ilong, 22 ang kanilang mga mamahaling damit, mga kapa, mga balabal, mga pitaka, 23 mga salamin, mga damit na telang linen, mga putong, at mga belo. 24 Kung dati silang mabango, babaho sila. Lubid ang isisinturon nila, at kakalbuhin ang magaganda nilang buhok. Ang magagara nilang damit ay papalitan ng sako, at mawawala ang kanilang kagandahan.

25 Mamamatay sa digmaan ang mga lalaki ng Jerusalem kahit na ang matatapang nilang mga kawal. 26 May mga iyakan at pagluluksa sa mga pintuan ng bayan. At ang lungsod ay matutulad sa babaeng nakalupasay sa lupa, na nawalan ng lahat ng ari-arian.

Sa mga araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila, “Kami na ang bahala sa pagkain at damit namin, pakasalan mo lang kami para hindi kami kahiya-hiya dahil wala kaming asawa.”

Muling Pagpapalain ang Jerusalem

Darating ang araw na pasasaganain at pagagandahin ng Panginoon ang mga pananim[i] sa Israel, at ang mga ani ng lupain ay magiging karangalan at kaligayahan ng natitirang mga tao sa Jerusalem. Tatawaging banal ang mga natirang buhay sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, hahatulan niya at lilinisin ang kasamaan ng mga babae sa Jerusalem at ang mga patayan doon. Pagkatapos, lilikha ang Panginoon ng ulap na lililim sa ibabaw ng Jerusalem[j] at sa mga nagtitipon doon. Lilikha rin siya ng nagniningas na apoy na magbibigay ng liwanag kung gabi. Tatakip ito sa Jerusalem na parang isang malapad na tolda, at parang kubol na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa panahon ng bagyo at ulan.

Awit tungkol sa Ubasan

Aawit ako para sa aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan:

    May ubasan ang aking minamahal sa burol na mataba ang lupa.
Inararo niya ito, inalisan ng mga bato, at tinamnan ng mga piling ubas.
    Nagtayo siya ng isang bantayang tore sa ubasang ito, at nagpagawa ng pigaan ng ubas sa bato.
    Pagkatapos, naghintay siyang magbunga ito ng matamis,
    pero nagbunga ito ng maasim.

Kaya ito ang sinabi ng may-ari ng ubasan: “Kayong mga mamamayan ng Jerusalem at Juda, hatulan nʼyo ako at ang aking ubasan. Ano pa ang nakalimutan kong gawin sa ubasan ko? Matamis na bunga ang inaasahan ko, pero nang pitasin ko ito ay maasim.

“Sasabihin ko sa inyo ang gagawin ko sa ubasan ko. Aalisin ko ang mga nakapaligid na halaman na nagsisilbing bakod ng ubasan, at wawasakin ko ang pader nito, para kainin at apak-apakan ng mga hayop ang mga tanim na ubas. Pababayaan ko na lang ito at hindi na aasikasuhin. Hindi ko na rin ito puputulan ng mga sanga o bubungkalin. Hahayaan ko na lang ito na mabaon sa mga damo at mga halamang may tinik. At uutusan ko ang mga ulap na huwag itong patakan ng ulan.”

Ang ubasan ng Panginoong Makapangyarihan na kanyang inalagaan at magbibigay sana sa kanya ng kaligayahan ay ang Israel at Juda. Umasa siyang paiiralin nila ang katarungan, pero pumatay sila. Umasa siyang paiiralin nila ang katuwiran pero pang-aapi ang ginawa nila.

Ang Kasamaang Ginawa ng mga Tao

Nakakaawa kayong mga nagpaparami ng mga bahay at nagpapalawak ng inyong mga lupain hanggang sa wala ng lugar ang iba at kayo na lang ang nakatira sa lupaing ito. Sinabi sa akin ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang malalaki at naggagandahang bahay na ito ay hindi na titirhan. 10 Ang dalawang ektaryang ubasan ay aani na lang ng anim na galong katas ng ubas. At ang sampung takal na binhi ay aani lang ng isang takal.”

11 Nakakaawa kayong maaagang bumangon para magsimulang mag-inuman at naglalasing hanggang gabi. 12 May mga banda pa kayo at mga alak sa inyong mga handaan. Pero hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon. 13 Kaya kayong mga mamamayan ko ay bibihagin dahil hindi nʼyo nauunawaan ang mga ginagawa ko. Kayo at ang mga pinuno ninyo ay mamamatay sa gutom at uhaw.

14 Bumubukas na nang maluwang ang libingan. Hinihintay nito na maipasok sa kanya ang mga kilala at makapangyarihang mga mamamayan ng Jerusalem, pati ang mga mamamayang nag-iingay at nagsasaya.

15 Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas. 16 Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios. 17 Ang nawasak na lungsod na tinitirhan ng mga mayayaman ay ginawang pastulan ng mga tupa.

18 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. 19 Sinasabi nʼyo pa, “Bilis-bilisan sana ng banal na Dios ng Israel na gawin ang sinabi niyang kaparusahan para makita na namin. Magkatotoo na nga ang kanyang plano, para malaman namin ito.”

20 Nakakaawa kayong mga nagsasabi na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Ang kadiliman ay sinasabi ninyong liwanag at ang liwanag ay sinasabi ninyong kadiliman. Ang mapait ay sinasabi ninyong matamis at ang matamis ay sinasabi ninyong mapait.

21 Nakakaawa kayo, kayong mga nag-aakalang kayoʼy marurunong at matatalino.

22 Nakakaawa kayo, kayong malakas uminom ng alak at bihasa sa pagtitimpla nito. 23 Pinakakawalan ninyo ang may mga kasalanan dahil sa suhol, pero hindi ninyo binibigyan ng katarungan ang mga walang kasalanan. 24 Kaya matutulad kayo sa dayami o tuyong damo na masusunog ng apoy. Matutulad din kayo sa tanim na ang mga ugat ay nabulok o sa bulaklak na tinangay ng hangin na parang alikabok, dahil itinakwil ninyo ang Kautusan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel. 25 Kaya dahil sa matinding galit ng Panginoon sa inyo na kanyang mga mamamayan, parurusahan niya kayo. Mayayanig ang mga bundok at kakalat sa mga lansangan ang inyong mga bangkay na parang mga basura. Pero hindi pa mapapawi ang galit ng Panginoon. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

26 Sesenyasan niya ang mga bansa sa malayo; sisipulan niya ang mga nakatira sa pinakamalayong bahagi ng mundo, at agad silang darating para salakayin kayo. 27 Ni isa man sa kanila ay hindi mapapagod o madadapa, at wala ring aantukin o matutulog. Walang sinturon na matatanggal sa kanila, o tali ng sapatos na malalagot. 28 Matutulis ang kanilang mga palaso, at handang-handa na ang kanilang mga pana. Ang kuko ng kanilang mga kabayo ay parang matigas na bato, at ang pag-ikot ng mga gulong ng kanilang karwahe ay parang buhawi. 29 Sa pagsalakay nila ay sisigaw sila na parang mga leon na umuungal. Ang mabibiktima nila ay dadalhin nila sa malayong lugar at walang makakaligtas sa mga ito.

30 Sa araw na sumalakay sila sa Israel, sisigaw sila na parang ugong ng dagat. At kapag tiningnan ng mga tao ang lupain ng Israel, ang makikita nila ay kadiliman at kahirapan. Ang liwanag ay matatakpan ng makapal na ulap.

Ang Pagkatawag kay Isaias

Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. May mga makalangit na nilalang[k] sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. Sinasabi nila sa isaʼt isa:

“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”

Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”

Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”

Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ”

10 Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.”

11 Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. 12 Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. 13 Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”

Ang Mensahe para kay Haring Ahaz

Noong si Ahaz na anak ni Jotam at apo ni Uzia ang hari ng Juda, sinalakay ang Jerusalem. Sinalakay ito ni Haring Rezin ng Aram[l] at ni Haring Peka ng Israel, na anak ni Remalia. Pero hindi nila naagaw ang Jerusalem.

Nang mabalitaan ng hari ng Juda[m] na nagkampihan ang Aram at Israel,[n] siya at ang mga mamamayan niya ay nanginig sa takot. Nanginig sila na parang punong niyayanig ng hangin.

Sinabi ng Panginoon kay Isaias, “Isama mo ang anak mong si Shear Jashub[o] at salubungin ninyo si Ahaz sa dulo ng daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig, malapit sa daan papunta sa pinaglalabahan. Ito ang sasabihin mo sa kanya, ‘Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag kang kabahan dahil sa tindi ng galit nina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka na anak ni Remalia. Ang dalawang itoʼy parang mga tuod ng puno na umuusok pero walang apoy. Nagplano sila ng masama laban sa iyo. Nagkasundo sila at sinabi, “Lusubin natin ang Juda at sakupin. Pagkatapos, paghati-hatian natin ang kanyang lupain at gawing hari roon ang anak ni Tabeel.”

“ ‘Pero sinabi ng Panginoong Dios na hindi mangyayari iyon. 8-9 Sapagkat ang Damascus ay kabisera lang ng Aram, at si Rezin ay sa Damascus lang naghahari. At ang Samaria ay kabisera lang ng Israel, at si Peka na anak ni Remalia ay sa Samaria rin lang naghahari. Tungkol naman sa Israel, mawawasak ito sa loob ng 65 taon, at hindi na ito matatawag na bansa. Kung hindi matatag ang pananalig nʼyo sa Dios, tiyak na mapapahamak kayo.’ ”

10 Muling nangusap ang Panginoon kay Ahaz, 11 “Ako ang Panginoon na iyong Dios. Humingi ka sa akin ng palatandaan bilang patunay na gagawin ko ang aking ipinangako. Kahit magmula man ito sa ilalim, doon sa lugar ng mga patay, o sa itaas, doon sa langit.” 12 Pero sumagot si Ahaz, “Hindi ako hihingi ng palatandaan. Hindi ko susubukin ang Panginoon.”

13 Sinabi ni Isaias, “Makinig kayong mga angkan ni David. Hindi pa ba kayo nasisiyahan sa pang-iinis nʼyo sa mga tao? At ngayon, ang Dios ko naman ang iniinis ninyo? 14 Dahil dito, ang Panginoon na mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Magbubuntis ang isang birhen,[p] at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki. At tatawagin niya ang bata na Emmanuel.[q] 15-16 Bago siya magkaisip at makakain ng keso[r] at pulot, ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo, Ahaz, ay mawawasak at pababayaan na lang. 17 Pero darating ang araw na ikaw at ang mga mamamayan mo, pati na ang sambahayan mo, ay ipapalusob ng Panginoon sa hari ng Asiria. At mararanasan ninyo ang hirap na hindi pa ninyo naranasan mula nang humiwalay ang Israel sa Juda.”

18 Sa araw na iyon, sisipulan ng Panginoon ang mga taga-Egipto at Asiria. Darating ang mga taga-Egipto na parang mga langaw mula sa malalayong ilog ng Egipto. Darating din ang mga taga-Asiria na parang mga pukyutan. 19 At ang mga ito ay maninirahan sa lahat ng dako: sa matatarik na lambak, sa mga kweba ng mga bangin, sa mga halamang matitinik, at sa mga pastulan.

20 Sa araw na iyon, gagamitin ng Panginoon ang hari ng Asiria para lubusang wasakin ang inyong lupain. Magmimistula siyang isang barbero na galing sa kabila ng Ilog ng Eufrates na binayaran para ahitin ang inyong buhok, balahibo, at balbas.

21 Sa panahong iyon, ang maaalagaan lamang ng bawat tao ay tig-iisang dumalagang baka at dalawang kambing, 22 na siyang pagkukunan nila ng gatas. Keso[s] at pulot ang magiging pagkain ng lahat ng naiwan sa Juda. 23 Sa panahon ding iyon, ang ubasan na may 1,000 puno na nagkakahalaga ng 1,000 pirasong pilak ay maging masukal at mapupuno ng halamang may tinik. 24 Mangangaso ang mga tao roon na dala ang kanilang mga pana at sibat dahil naging masukal na ito at puno ng mga halamang may tinik. 25 Wala nang pupunta sa mga burol na dating tinataniman, dahil masukal na at puno ng mga halamang may tinik. Magiging pastulan na lang ito ng mga baka at tupa.

Ipinanganak ang Anak na Lalaki ni Isaias

Sinabi ng Panginoon sa akin, “Kumuha ka ng isang malapad na sulatan, at isulat mo ang mga katagang ito: ‘Maher Shalal Hash Baz.’ ”[t] Kumuha ako ng dalawang mapagkakatiwalaang saksi na magpapatunay na isinulat ko nga ito. Sila ay sina Uria na pari, at Zacarias na anak ni Jeberekia.

Pagkatapos, sumiping ako sa aking asawa. Hindi nagtagal, naglihi siya at nanganak ng lalaki. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Pangalanan mo siyang Maher Shalal Hash Baz. Bago matutong tumawag ang bata ng ‘tatay’ o ‘nanay,’ ang kayamanan ng Damascus at ang mga sinamsam ng Samaria ay kukunin ng hari ng Asiria.”

Sinabi pa ng Panginoon sa akin, “Dahil sa tinanggihan ng mga taong ito[u] ang tubig ng Shiloa na umaagos nang banayad,[v] at natutuwa sila kay Haring Rezin at Haring Peka, ipapasalakay ko sila sa hari ng Asiria at sa mga sundalo nito na parang Ilog ng Eufrates na bumabaha at umaapaw sa kanyang mga pampang. Dadagsa sila sa Juda gaya ng baha na ang tubig ay tumataas hanggang leeg at umaapaw sa buong lupain.”

Pero kasama namin ang Dios![w] Kayong mga bansa, kahit na magsama-sama kayo, magkakawatak-watak pa rin kayo. Makinig kayong mga nasa malayo! Kahit na maghanda pa kayo sa pakikipagdigma, matatalo pa rin kayo. 10 Anuman ang binabalak ninyo laban sa amin ay hindi magtatagumpay, dahil kasama namin ang Dios.[x]

Panawagan ng Pagtitiwala sa Dios

11 Mariin akong binalaan ng Panginoon na huwag kong gagayahin ang pamamaraan ng mga kababayan ko. 12 Sinabi rin niya, “Huwag kayong makikipag-isa sa ibang mga bansa katulad ng ginagawa ng iba. Huwag kayong matatakot sa kinakatakutan nila, at huwag kayong kabahan. 13 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay dapat ninyong kilalaning banal. Ako ang dapat ninyong katakutan. 14 Ako ang magiging kanlungan ninyo. Pero sa mga taga-Israel at taga-Juda, katulad ako ng isang batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila. At para sa mga taga-Jerusalem, para akong isang bitag. 15 Marami sa kanila ang matitisod, madadapa at mapapahamak. Masisilo sila at mahuhuli.”

16 Kayong mga tagasunod ko, ingatan ninyo ang mga aral ko. 17 Magtitiwala ako sa Panginoon kahit na tinalikuran niya ang lahi ni Jacob. Sa kanya ako aasa. 18 Ako at ang mga anak kong ibinigay ng Panginoon ay mga palatandaan para sa Israel[y] mula sa Panginoong Makapangyarihan na nakatira sa Bundok ng Zion. 19 Kapag may mga nagsasabi sa inyong humingi kayo ng mensahe mula sa mga patay sa pamamagitan ng mga mangkukulam at mga espiritistang bumubulong-bulong, huwag ninyong gagawin iyon. Hindi ba dapat sa Dios kayo humingi ng mensahe? Bakit sa mga patay kayo nagtatanong tungkol sa mga buhay? 20 Ang kautusan at katuruan ng Panginoon ang dapat ninyong pakinggan. Kapag may mga nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga itinuturo ng Panginoon, nadidiliman pa ang pag-iisip ng mga taong iyon.

21 Lalakad sila na pagod at gutom. At dahil sa gutom, magagalit sila at susumpain ang hari nila at ang kanilang Dios. Tumingala man sila sa langit 22 o tumingin sa lupa wala silang makikita kundi kahirapan at kadiliman. At doon sila dadalhin sa matinding kadiliman.

Ang Haring Darating

Pero darating ang araw na mawawala rin ang kadiliman sa lupaing nasa kahirapan. Noong una, inilagay ng Panginoon sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at Naftali. Pero darating ang araw na pararangalan niya ang mga lugar na ito na daanan patungo sa lawa[z] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan. Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio. Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.

    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.

Panginoon, bigyan nʼyo po sila ng malaking kagalakan, at matutuwa sila sa presensya nʼyo katulad ng mga taong natutuwa kapag panahon na ng anihan, o katulad din ng mga taong nagdiriwang sa paghahati-hati nila ng mga nasamsam sa digmaan. Sapagkat palalayain nʼyo sila sa mga umaapi sa kanila. Magiging katulad sila ng mga hayop na binali nʼyo ang pamatok na kahoy na pasan-pasan nila at ang pamalo na ipinapalo sa kanila. Gagawin nʼyo po sa kanila ang ginawa nʼyo noon nang lupigin nʼyo ang mga taga-Midian.[aa] Matutuwa sila dahil matitigil na ang mga digmaan. Susunugin na ang mga uniporme ng mga sundalo na puno ng dugo, pati ang kanilang mga bota.

Ipapanganak ang isang batang lalaki na maghahari sa amin. Tatawagin siyang, “Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Dios, Walang Hanggang Ama, at Prinsipe ng Kapayapaan.” Hindi magwawakas ang pag-unlad ng kanyang pamamahala, at maghahari ang kapayapaan. Siya ang magmamana ng kaharian ni David. Patatatagin niya ito at paghahariang may katarungan at katuwiran magpakailanman. Sisiguraduhin ng Panginoong Makapangyarihan na matutupad ito.

Ang Galit ng Dios sa Israel

Sinabi ng Panginoon na parurusahan niya ang Israel, ang lahi ni Jacob. At alam[ab] ito ng lahat ng tao sa Israel,[ac] pati ng mga nasa Samaria na kabisera nito. Pero nagmamataas pa rin sila at payabang na sinasabi, 10 “Mawasak man ang mga itinayo naming bahay na yari sa brik at kahoy na sikomoro, papalitan naman namin ito ng bato at kahoy na sedro.”

11 Kaya ipapasalakay sila ng Panginoon sa mga taga-Asiria na kaaway ni Haring Rezin. 12 Ang Israel ay wawasakin ng mga taga-Aram sa gawing silangan, at ng mga Filisteo sa gawing kanluran, tulad ng mabangis na hayop na sisila sa kanila. Pero hindi pa napapawi ang galit ng Panginoon, kaya nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

13 Dahil ayaw pa ring magbalik-loob ng mga Israelita sa Panginoong Makapangyarihan na nagparusa sa kanila, 14 hindi magtatagal ay paparusahang muli ng Panginoon ang buong Israel. Matutulad sila sa hayop na puputulan ng buntot at ulo. 15 Ang ulo ay ang mga pinuno at ang mga iginagalang na tao, at ang buntot ay ang mga sinungaling na propeta. 16 Ang mga namumuno sa mga mamamayan ng Israel ay ang mga nanlilinlang sa kanila, kaya naliligaw ang mga mamamayan. 17 Dahil dito, hindi nalulugod ang Panginoon sa mga kabataan nilang lalaki, at hindi niya kinakaawaan ang mga ulila nilaʼt mga biyuda. Sapagkat masama ang lahat at hindi makadios; nakakahiya ang lahat ng sinasabi nila.

Kaya hindi pa rin mapapawi ang galit ng Panginoon, at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila. 18 Sapagkat ang kasamaan nila ay tulad ng apoy na tumutupok ng mga halamang may tinik. Naglalagablab ito na parang apoy na tumutupok ng mga kahoy, at ang makapal na usok ay pumapailanlang. 19 Dahil sa galit ng Panginoong Makapangyarihan, masusunog ang kanilang lupain, at silaʼy magiging panggatong na lalamunin ng apoy.

Ayaw nilang kaawaan kahit na kapwa nila Israelita. 20 Anumang pagkain ang makita nila ay kukunin nila at kakainin, pero hindi pa rin sila mabubusog. Kaya kakainin na nila pati ang kanilang mga anak.[ad] 21 Mag-aaway ang Manase at ang Efraim, at lulusubin nilang dalawa ang Juda. Pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa rin mapapawi at nakahanda pa siyang magparusa sa kanila.

10 1-2 Nakakaawa kayong mga gumagawa ng mga di-makatarungang kautusan na umaapi sa mga mahihirap kong mamamayan at nagkakait ng katarungan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga kautusang iyon, kinukuha ninyo ang mga ari-arian ng mga biyuda at mga ulila. Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa sa inyo? Ano ang gagawin nʼyo pagdating ng panganib mula sa malayo? Kanino kayo hihingi ng tulong? At saan ninyo itatago ang mga kayamanan ninyo? Walang matitira sa inyo. Mabibihag o mamamatay kayo, pero ang galit ng Panginoon ay hindi pa mapapawi. Nakahanda pa rin siyang magparusa sa inyo.

Ang Parusa ng Panginoon sa mga taga-Asiria

Sinabi ng Panginoon, “Nakakaawa ang mga taga-Asiria. Sila ang gagamitin kong pamalo para parusahan ang mga kinamumuhian ko. Uutusan ko silang salakayin ang bansang hindi makadios at kinapopootan ko, para wasakin ito at tapak-tapakan na parang putik sa lansangan, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian.”

Pero hindi malalaman ng hari ng Asiria na ginagamit lang siya ng Panginoon. Akala niyaʼy basta na lang siya mangwawasak ng maraming bansa. Buong pagmamalaki niyang sinabi, “Ang mga kumander ng mga sundalo ko ay parang mga hari. Anong pagkakaiba ng Carkemish at Calno, ng Arpad at Hamat, at ng Damascus at Samaria? Silang lahat ay pare-pareho kong winasak. 10 Pinarusahan ko ang mga bansang sumasamba sa mga dios-diosan na mas marami pa kaysa sa mga dios-diosan sa Jerusalem at Samaria. 11 Winasak ko na ang Samaria at ang mga dios-diosan nito. Ganyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga dios-diosan nito.”

12 Pero ito ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kapag natapos na niya ang gagawin niya laban sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem: “Parurusahan ko ang hari ng Asiria dahil sa kanyang pagmamataas at pagmamalaki. 13 Sapagkat sinasabi niya, ‘Nagawa ko ito dahil sa sarili kong lakas at karunungan. Tinalo ko ang maraming bansa at sinamsam ang kanilang mga kayamanan. Para akong toro; tinalo ko ang kanilang mga hari. 14 Kinuha ko ang mga kayamanan ng mga bansa, na para bang nangunguha lang ako ng itlog sa mga pugad na iniwanan ng inahin. Walang pakpak na pumagaspas o huni na narinig.’ ”

15 Maaari bang magmalaki ang palakol o ang lagare sa gumagamit sa kanya? Mabubuhat ba ng pamalo ang may hawak sa kanya? 16 Kaya magpapadala ang Panginoong Makapangyarihan ng sakit na magpapahina sa malulusog na sundalo ng Asiria. Susunugin ng Panginoon ang mga kayamanan niya sa naglalagablab na apoy. 17 Ang Panginoon na siyang ilaw at banal na Dios ng Israel ay magiging tulad ng naglalagablab na apoy na susunog sa mga matitinik niyang halaman sa loob ng isang araw lang. 18 Kung paanong sinisira ng sakit ang katawan ng tao, sisirain din ng Panginoon ang mga kagubatan at mga bukid ng hari ng Asiria. 19 Iilan lang ang matitirang puno sa kanyang kagubatan. Mabibilang ito kahit ng batang paslit.

20-21 Darating ang araw na ang mga natitirang Israelitang lahi ni Jacob ay hindi na magtitiwala sa Asiria na nagpahirap sa kanila. Magtitiwala na sila sa Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Magbabalik-loob sila sa Makapangyarihang Dios. 22-23 Kahit na kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang mga Israelita, iilan lang ang makakabalik. Nakatakda na ang parusang nararapat para sa buong Israel. At tiyak na gagawin ito ng Panginoong Dios na Makapangyarihan. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ko na naninirahan sa Zion, huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria kahit na pinahihirapan nila kayo katulad ng ginawa sa inyo ng mga Egipcio. 25 Sapagkat hindi magtatagal at mawawala na ang galit ko sa inyo at sa kanila ko naman ito ibubuhos hanggang sa mamatay sila. 26 Parurusahan ko sila katulad ng ginawa ko sa mga taga-Midian sa Bato ng Oreb at sa mga Egipcio nang nilunod ko sila sa dagat. 27 Sa araw na iyon, palalayain ko kayo mula sa kapangyarihan ng Asiria. Para kayong natanggalan ng mabigat na pasanin sa mga balikat nʼyo at ng pamatok na nagpapabigat sa leeg ninyo. Lalaya kayo mula sa kapangyarihan nila dahil magiging makapangyarihan kayo.”[ae]

Sumalakay ang Asiria

28 Nilusob ng Asiria ang Ayat. Doon sila dumaan sa Migron at iniwan nila sa Micmash ang mga dala nila. 29 Dumaan sila sa tawiran, at doon natulog sa Geba. Natakot ang mga taga-Rama, at tumakas ang mga mamamayan ng Gibea na bayan ni Haring Saul. 30 Sumigaw kayong mga taga-Galim! Makinig kayong mga taga-Laish at kayong mga kawawang taga-Anatot. 31 Tumakas na ang mga mamamayan ng Madmena at Gebim. 32 Sa araw na ito, darating ang mga taga-Asiria sa Nob. At sesenyas sila na salakayin ang bundok ng Jerusalem, ang Bundok ng Zion. 33 Makinig kayo! Ang Panginoong Makapangyarihan ang wawasak sa mga taga-Asiria sa pamamagitan ng kahanga-hanga niyang kapangyarihan, na parang pumuputol ng mga sanga sa puno. Ibabagsak niya ang mga mapagmataas katulad ng pagputol ng matataas na punongkahoy. 34 Pababagsakin niya sila katulad ng pagputol ng mga puno sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol. Silang mga katulad ng puno sa Lebanon ay pababagsakin ng Makapangyarihang Dios.

Ang Mapayapang Kaharian

11 Ang maharlikang angkan ni David[af] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.

Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.

10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[ag] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.

Awit ng Pasasalamat

12 Sa araw na iyon, aawit kayo:

Panginoon, pinupuri[ah] ko kayo. Nagalit kayo sa akin, pero hindi na ngayon, at ngayoʼy inaaliw nʼyo na ako.
Kayo, O Dios ang aking Tagapagligtas.
    Magtitiwala po ako sa inyo at hindi matatakot.
    Kayo, Panginoon, ang nagbibigay ng lakas sa akin, at kayo ang aking awit.
    Kayo nga ang nagligtas sa akin.”

Kung paanong ang malamig na tubig ay nagbibigay kagalakan sa nauuhaw, kayo naman ay magagalak kapag iniligtas na kayo ng Panginoon. Pagsapit ng araw na iyon, aawit kayo:

    “Purihin ninyo ang Panginoon!
    Sambahin nʼyo siya!
    Sabihin nʼyo sa mga bansa ang kanyang mga ginawa.
    Sabihin nʼyo na karapat-dapat siyang purihin.[ai]
Umawit kayo sa Panginoon dahil kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa.
    Ipahayag nʼyo ito sa buong mundo.
Sumigaw kayo at umawit sa galak, kayong mga taga-Zion.
    Sapagkat makapangyarihan ang Banal na Dios ng Israel na nasa piling ninyo.”

Ang Mensahe tungkol sa Babilonia

13 Ito ang mensahe tungkol sa Babilonia na ipinahayag ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz:

Magtaas kayo ng isang bandila roon sa tuktok ng bundok na walang puno. Pagkatapos, sumigaw kayo nang malakas sa mga sundalo at senyasan ninyo sila para salakayin at pasukin ang lungsod ng mga kilala at makapangyarihang tao. Inutusan ko na ang mga itinalaga kong sundalo na magpaparusa sa mga taong kinapopootan ko. Ang mga sundalo na itoʼy natutuwa at umaasang isasagawa ko ang parusang ito.

Pakinggan nʼyo ang ingay ng napakaraming tao sa mga bundok. Pakinggan nʼyo ang ingay ng mga kaharian at mga bansang nagtitipon. Tinitipon ng Panginoong Makapangyarihan ang mga sundalo niya para sa digmaan. Nanggaling sila sa malalayong lugar. Wawasakin ng Panginoon at ng mga sundalo niya ang buong lupain.

Umiyak kayo, dahil malapit na ang araw ng Panginoon, ang araw ng pagwawasak ng Makapangyarihang Dios. Sa araw na iyon, manlulupaypay ang lahat ng tao. Ang bawat isaʼy masisiraan ng loob, at manginginig sa takot. Madadama nila ang labis na paghihirap katulad ng paghihirap ng isang babaeng nanganganak. Magtitinginan sila sa isaʼt isa at mamumula ang mga mukha nila sa hiya. Makinig kayo! Darating na ang araw ng Panginoon, ang araw ng kalupitan at matinding galit. Wawasakin ang lupain hanggang sa hindi na matirhan, at ang mga makasalanang naroon ay lilipulin. 10 Hindi na magniningning ang mga bituin. Sisikat ang araw pero madilim pa rin, at ang buwan ay hindi na rin magbibigay ng liwanag.

11 Sinabi ng Panginoon, “Parurusahan ko ang mundo dahil sa kasamaan nito. Parurusahan ko ang mga makasalanan dahil sa kanilang kasalanan. Wawakasan ko ang kahambugan ng mayayabang. Patitigilin ko ang pagmamataas ng mga taong malupit. 12 Kaunti lang ang matitirang tao, kaya mas mahirap silang hanapin kaysa sa dalisay na gintong galing sa Ofir. 13 Yayanigin ko ang langit at ang lupa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay gagawin ito sa araw na ipapakita ko ang matindi kong galit.”

14 Ang mga dayuhan sa Babilonia ay tatakas at babalik sa sarili nilang bayan na parang mga usang hinahabol. Uuwi sila na parang mga tupang walang nagbabantay. 15 Ang bawat mahuli ay sasaksakin hanggang sa mamatay. 16 Ang kanilang mga sanggol ay luluray-lurayin sa kanilang harapan. Sasamsamin ang mga ari-arian nila sa kanilang mga bahay at gagahasain ang kanilang mga asawa.

17 Makinig kayo! Ipapalusob ko ang Babilonia sa mga taga-Media na hindi nagpapahalaga sa pilak at ginto. 18 Papatayin ng mga taga-Media ang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng pana. Pati ang mga bata ay hindi nila kaaawaan. 19 Ang Babilonia ay kahariang pinakamaganda sa lahat ng kaharian. Ipinagmamalaki ito ng kanyang mga mamamayan.[aj] Pero wawasakin ko ito katulad ng Sodom at Gomora. 20 At hindi na ito titirhan magpakailanman. Walang Arabong magtatayo roon ng kanyang tolda. At wala ring pastol na mag-aalaga roon ng kanyang mga tupa. 21 Magiging tirahan na lang ito ng mga hayop sa gubat. Titirhan ng mga kuwago at ng iba pang mababangis na hayop ang kanilang mga bahay, at lulukso-lukso roon ang mga kambing na maiilap. 22 Aalulong doon sa mga tore nila at mga palasyo ang mga asong-gubat.[ak] Nalalapit na ang wakas ng Babilonia; hindi na ito magtatagal.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®