Bible in 90 Days
Ang Parusa sa mga Bulaang Propeta
9 Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila. 10 Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan,[a] dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kapangyarihan nila. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim. 11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang mga pari ay kagaya rin ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa templo ko. 12 Kaya magiging madilim at madulas ang daan nila. Matitisod at madadapa sila dahil pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan sa panahon na parurusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13 “Nakita ko na napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang mga mamamayan kong mga Israelita. 14 Pero nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao para gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kasamaan nila. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodom at Gomora.
15 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa kanilaʼy lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”
16 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan. 17 Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’ 18 Pero sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ko? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko. 19 Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o buhawi na hahampas sa ulo ng masasamang taong ito. 20 Hindi mawawala ang galit ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang gusto kong gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito. 21 Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila. 22 Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa. 23 Ako ay Dios na nasa lahat ng lugar, at hindi nasa iisang lugar lamang. 24 Walang sinumang makapagtatago sa akin kahit saan mang lihim na lugar na hindi ko nakikita. Hindi nʼyo ba alam na akoʼy nasa langit, nasa lupa at kahit saan? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip. 26 Hanggang kailan pa kaya sila magsasalita ng kasinungalingan na mula sa sarili nilang isipan? 27 Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko para kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal. 28 Hayaan nʼyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, pero ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo. 29 Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato.
30 “Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin. 31 Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon. 32 Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
33 “Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinapasabi ko, sabihin mong ipinapasabi kong itatakwil ko sila. 34 Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa akin, parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya. 35 Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinapasabi ko, 36 kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon.’ Dahil ginagamit ito ng iba para mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinapasabi ng buhay na Dios, ang Panginoong Makapangyarihan.
37 “Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa akin 38 at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon.’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko: ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon, 39 kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo. 40 Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”
Ang Dalawang Basket ng Igos
24 May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Juda. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon. 2 Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Pero ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.
3 Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon, “Jeremias, ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”
4 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, 5 “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing ituturing kong parang magagandang igos ang mga Israelitang ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.[b] 6 Iingatan ko sila para maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin. 7 Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon. Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso.
8 “Pero si Haring Zedekia ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain, pati ang mga pinuno niya at ang lahat ng Israelitang natitirang buhay sa Jerusalem o sa Egipto. 9 Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila pangangalatin. 10 Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa mamatay sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”
Ang 70 Taong Pagkabihag
25 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.
2 Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem: 3 Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig. 4 At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig. 5 Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. 6 Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”
7 Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo. 8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko, 9 ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon. 10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi. 11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.
12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon. 13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito. 14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”
Ang Tasang Puno ng Galit ng Dios
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo. 16 Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.”
17 Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo. 18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila para mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon. 19 Pinainom ko rin ang Faraon na hari ng Egipto, ang mga tagapamahala at mga pinuno niya, at ang lahat ng mamamayan niya, 20 pati ang mga hindi Egipcio na naninirahan doon. Pinainom ko rin ang mga hari at mga mamamayan ng mga sumusunod na lugar: Ang Uz, ang mga lungsod ng Filistia, (na ang mga hari nito ang namahala sa Ashkelon, Gaza, Ekron, at Ashdod), 21 Edom, Moab, Ammon, 22 Tyre, Sidon, mga pulo sa ibayong dagat, 23 Dedan, Tema, Buz, ang mga nasa malalayong lugar,[c] 24 Arabia, mga angkan sa ilang, 25 Zimri, Elam, Media, 26 ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.[d] 27 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’
28 “Pero kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo! 29 Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa kapurihan ko. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’
30 “Jeremias, sabihin mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo pa, ‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit; dadagundong ang tinig niya mula sa banal niyang tahanan. Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya. Sisigaw din siya sa lahat ng naninirahan sa daigdig na parang taong sumisigaw habang nagpipisa ng ubas. 31 Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig,[e] dahil ihahabla niya ang mga bansa. Hahatulan niya ang lahat, at ipapapatay niya sa digmaan ang masasama.’ Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
32 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Mag-ingat kayo! Ang kapahamakan ay darating sa ibaʼt ibang bansa na parang malakas na bagyo mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”
33 Sa araw na iyon, maraming papatayin ang Panginoon at ang mga bangkay ay kakalat kahit saan sa buong daigdig. Wala ng magluluksa, magtitipon at maglilibing sa kanila. Pababayaan na lang sila na parang dumi lang sa ibabaw ng lupa.
34 Kayong mga pinuno, umiyak kayo nang malakas, at gumulong kayo sa lupa dahil sa kalungkutan. Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo katulad ng pagkatay ng tupa. Madudurog kayo na parang mamahaling palayok na nabasag. 35 Wala kayong matatakbuhang lugar at hindi kayo makakatakas. 36 Maririnig ang iyakan at pagdaing nʼyo, dahil nilipol ng Panginoon ang mga mamamayan ninyo. 37 At dahil sa matinding galit ng Panginoon, magiging disyerto ang saganang pastulan. 38 Ang Panginoon ay parang leon na lumabas sa yungib nito para maghanap ng masisila. Magiging mapanglaw ang lupain nʼyo dahil sa pagsalakay ng kaaway, at dahil sa matinding galit ng Panginoon.
Naligtas sa Kamatayan si Jeremias
26 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Tumayo ka sa bulwagan ng templo ko at magsalita ka sa mga mamamayan ng mga bayan ng Juda na naroon para sumamba. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng ipinapasabi ko at huwag mong babawasan. 3 Baka sakaling makinig sila sa iyo at tumalikod sa masama nilang pag-uugali. Kapag ginawa nila ito, hindi ko na itutuloy ang kaparusahang pinaplano ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila. 4 Sabihin mo sa kanila ang ipinasasabi kong ito, ‘Kung hindi kayo maniniwala sa akin at ayaw ninyong sundin ang mga utos na ibinigay ko sa inyo, 5 at kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ng mga lingkod kong propeta na palagi kong sinusugo sa inyo, 6 gigibain ko ang templong ito katulad ng ginawa ko sa Shilo. At susumpain ang lungsod na ito ng lahat ng bansa sa buong mundo!’ ”
7 Narinig ng mga pari, mga propeta, at ng lahat ng tao na nasa templo ng Panginoon ang sinabing ito ni Jeremias. 8 Pagkatapos niya itong sabihin, pinalibutan siya ng mga pari, mga propeta at mga tao, at sinabihan, “Dapat kang mamatay! 9 Bakit mo sinabi sa pangalan ng Panginoon na ang templong itoʼy gigibain katulad ng Shilo, at ang lungsod na itoʼy magiging mapanglaw at wala nang maninirahan?” Kaya dinakip nila si Jeremias sa templo ng Panginoon.
10 Nang marinig ito ng mga pinuno ng Juda, pumunta sila sa templo. Umupo sila sa dinadaanan sa Bagong Pintuan ng templo para humatol. 11 Sinabi ng mga pari at mga propeta sa mga pinuno at sa lahat ng naroroon, “Dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsalita siya laban sa lungsod na ito. Narinig mismo ninyo ang kanyang sinabi.”
12 Sinabi naman ni Jeremias sa lahat ng pinuno at sa lahat ng tao na naroroon, “Isinugo ako ng Panginoon para magsalita ng laban sa templo at sa lungsod na ito katulad ng narinig ninyo. 13 Kaya baguhin nʼyo na ang inyong pag-uugali at pamumuhay, at sumunod na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Sapagkat kung ito ang gagawin nʼyo, hindi na itutuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa inyo. 14 At tungkol naman sa akin, wala akong magagawa. Gawin nʼyo sa akin kung ano ang mabuti at matuwid para sa inyo. 15 Pero tandaan ninyo ito: kung papatayin ninyo ako, mananagot kayo at ang mga mamamayan sa lungsod na ito dahil sa pagpatay nʼyo sa taong walang kasalanan. Sapagkat totoong sinugo ako ng Panginoon para sabihin sa inyo ang lahat ng narinig nʼyo ngayon.”
16 Sinabi ng mga pinuno, at ng mga tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito dahil nagsasalita siya sa atin sa pangalan ng Panginoon na ating Dios.”
17 Pagkatapos, may ilang mga tagapamahala na tumayo sa harap at nagsalita sa mga taong nagtitipon doon, 18 “Noong si Hezekia ang hari ng Juda, nagsalita si Micas na taga-Moreshet tungkol sa ipinasasabi ng Panginoon sa lahat ng taga-Juda. Sinabi niya, ‘Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan na wawasakin niya ang Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Itoʼy matutulad sa inararong bukirin, tambakan ng mga nagibang gusali at magiging kagubatan ang bundok na tinatayuan ng templo.’ 19 Pinatay ba siya ni Hezekia o ng sinumang nasa Juda? Hindi! Sa halip, natakot si Hezekia sa Panginoon at lumapit siya sa kanya. Kaya hindi itinuloy ng Panginoon ang sinabi niyang kapahamakan laban sa kanila. Kaya kung papatayin nʼyo si Jeremias, kayo na rin ang magdadala ng kaparusahan sa sarili ninyo.”
20 Nang panahon ding iyon, may isa pang nagsalita tungkol sa ipinapasabi ng Panginoon. Siyaʼy si Uria na anak ni Shemaya na taga-Kiriat Jearim. Nagsalita rin siya laban sa lungsod at sa bansang ito katulad ng sinabi ni Jeremias. 21 Nang marinig ni Haring Jehoyakim at ng lahat ng pinuno at tagapamahala niya ang sinabi ni Uria, pinagsikapan nilang patayin ito. Pero nalaman ito ni Uria, kaya tumakas siya papuntang Egipto dahil sa takot. 22 Ngunit inutusan ni Haring Jehoyakim si Elnatan na anak ni Acbor at ang iba pang mga tao na pumunta sa Egipto. 23 Kinuha nila si Uria roon sa Egipto at dinala kay Haring Jehoyakim, at ipinapatay nila ito sa pamamagitan ng espada, at ipinatapon ang bangkay niya sa libingan para sa mga pangkaraniwang tao.
24 Pero si Jeremias ay tinulungan ni Ahikam na anak ni Shafan, kaya hindi siya napatay ng mga tao.
Naglagay ng Pamatok sa Leeg si Jeremias
27 1-2 Noong pasimula ng paghahari ni Zedekia na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi sa akin ng Panginoon, “Jeremias, gumawa ka ng pamatok at lagyan mo ng tali at ilagay mo sa batok mo. 3 Pagkatapos, sabihin mo ito sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tyre at Sidon sa pamamagitan ng mga sugo nila na nasa Jerusalem para makipagkita kay Haring Zedekia ng Juda. 4 Sabihin mo sa kanila ang mensaheng ito para sa kanilang mga hari: Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, 5 ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ko nilikha ko ang mundo, ang mga tao at mga hayop, at nasa sa akin kung sino ang gusto kong gawing tagapamahala nito. 6 Kaya ngayon, ibibigay ko ang mga bansa nʼyo sa lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya. 7 Ang lahat ng bansa ay maglilingkod sa kanya, sa anak, at sa apo niya hanggang sa panahong bumagsak ang kaharian ng Babilonia. At ang Babilonia naman ang maglilingkod sa maraming bansa at sa mga makapangyarihang hari.
8 “ ‘Pero kung may bansa o kahariang ayaw maglingkod o magpasakop kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ako ang magpaparusa sa bansa o kahariang iyon sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at sakit hanggang sa maipasakop ko sila kay Nebucadnezar. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9 Kaya huwag kayong maniniwala sa inyong mga propeta, mga manghuhula, mga nagpapaliwanag tungkol sa mga panaginip, mga mangkukulam o mga espiritistang nagsasabing hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia. 10 Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. At kung maniniwala kayo sa kanila, paaalisin ko kayo sa lupain ninyo. Palalayasin at lilipulin ko kayo. 11 Pero ang mga bansang magpapasakop at maglilingkod sa hari ng Babilonia ay mananatili sa sarili nilang bayan. Dito sila maninirahan at bubungkalin nila ang kanilang sariling lupain. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
12 Ito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekia ng Juda. Sinabi ko, “Magpasakop kayo sa hari ng Babilonia. Maglingkod kayo sa kanya at sa mga mamamayan niya at mabubuhay kayo. 13 Sapagkat kung hindi, mamamatay kayo at ang mga mamamayan nʼyo sa digmaan, gutom at sakit gaya ng sinabi ng Panginoon na mangyayari sa mga bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. 14 Huwag kayong maniwala sa sinasabi ng mga propeta na hindi kayo sasakupin ng hari ng Babilonia, dahil kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. 15 Ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan. Nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Kaya kung maniniwala kayo sa kanila, palalayasin ko kayo at lilipulin pati ang mga propetang iyan.’ ”
16 Pagkatapos, sinabi ko sa mga pari at sa lahat ng tao, “Sinabi ng Panginoon na huwag kayong maniniwala sa mga propetang nagsasabing malapit nang ibalik ang mga kagamitan ng templo mula sa Babilonia. Kasinungalingan iyan. 17 Huwag kayong maniniwala sa kanila; maglingkod kayo sa hari ng Babilonia at nang mabuhay kayo, kinakailangan pa bang mawasak ang lungsod na ito? 18 Kung talagang mga propeta sila at galing sa Panginoon ang sinasabi nila, manalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan na ang mga kagamitang naiwan sa templo, sa palasyo ng hari ng Juda at sa Jerusalem ay huwag nang dalhin sa Babilonia. 19 Sapagkat sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan na ang mga tansong haligi ng templo, ang lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, mga karwahe, at ang iba pang mga kagamitan sa lungsod na ito ay dadalhin sa Babilonia. 20 Ang mga nasabing kagamitan ay hindi dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia noong binihag niya si Haring Jehoyakin na anak ni Haring Jehoyakim ng Juda, kasama ng mga tagapamahala ng Juda at Jerusalem. 21-22 Pero ngayon, ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Dadalhin sa Babilonia ang mga kagamitang ito at mananatili roon hanggang sa dumating ang araw na kukunin ko ito at ibabalik sa Jerusalem.’ ”
Si Jeremias at si Propeta Hanania
28 Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, 2 “Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. 3 Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. 4 Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
5 Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hanania roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon. 6 Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia. 7 Pero pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito. 8 Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian. 9 Pero ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”
10 Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali. 11 At sinabi niya sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Pero sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Jeremias.
12 Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 13 “Puntahan mo si Hanania at sabihin mo na ito ang sinasabi ko: Binali mo ang pamatok na kahoy pero papalitan ko iyan ng pamatok na bakal. 14 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, para maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”
15 Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay Propeta Hanania, “Hanania, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo. 16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”
17 Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hanania.
Ang Sulat ni Jeremias para sa mga Bihag
29 Mula sa Jerusalem, sumulat si Jeremias sa mga tagapamahala, mga pari, mga propeta, at sa iba pang mga bihag na dinala ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Isinulat niya ito pagkatapos na mabihag si Haring Jehoyakin, ang kanyang ina, ang mga namamahala sa palasyo, mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mahuhusay na panday at manggagawa. 3 At ibinigay ni Jeremias ang sulat kina Elasa na anak ni Shafan at Gemaria na anak ni Hilkia. Sila ang sinugo ni Haring Zedekia kay Nebucadnezar sa Babilonia. Ito ang nakasaad sa sulat:
4 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, sa lahat ng taga-Jerusalem na ipinabihag niya sa Babilonia. 5 “Magtayo kayo ng mga bahay at doon kayo tumira. Magtanim kayo at kumain ng inyong ani. 6 Mag-asawa kayo at nang magkaanak kayo. Hayaan din ninyong mag-asawa ang mga anak nʼyo at nang magkaanak din sila para dumami kayo nang dumami. 7 Tumulong kayo para sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod na pinagdalhan sa inyo. Ipanalangin nʼyo ito dahil kapag umunlad ito, uunlad din kayo.”
8 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Huwag kayong palilinlang sa mga propeta ninyo o sa mga kasama ninyong manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa mga panaginip nila. 9 Sapagkat nagsasalita sila ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo. 10 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. 11 Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. 12 Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. 13 Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. 14 Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag.[f] Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.
15 “Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia, 16 pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain. 18 Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao. 19 Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ko na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod kong propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.”
20 Kaya makinig kayo sa sinasabi ng Panginoon, kayong mga ipinabihag niya mula sa Jerusalem papunta sa Babilonia. 21 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol kina Ahab na anak ni Kolaya at Zedekia na anak ni Maaseya, “Nagsalita sa inyo ng kasinungalingan ang mga taong ito sa pangalan ko. Kaya ibibigay ko sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sila ay ipapapatay niya sa harap mismo ninyo. 22 Dahil sa kanila, ang lahat ng bihag sa Babilonia na mga taga-Juda ay susumpa ng ganito sa kapwa nila, ‘Nawaʼy patayin ka ng Panginoon katulad nina Zedekia at Ahab na sinunog ng hari ng Babilonia.’ 23 Mangyayari ito sa kanila dahil gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay sa Israel. Nangalunya sila sa asawa ng kapwa nila at nagsalita ng kasinungalingan sa pangalan ko na hindi ko iniutos na gawin nila. Nalalaman ko ang mga ginawa nila at makapagpapatunay ako laban sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe para kay Shemaya
24-25 Ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagbigay sa akin ng mensahe para kay Shemaya na taga-Nehelam. “Ito ang sinabi niya: Shemaya, sa pamamagitan ng pangalan mo lang ay nagpadala ka ng sulat kay Zefanias na anak ni Maaseya na pari, at pinadalhan mo rin ng kopya ang iba pang mga pari, at ang lahat ng taga-Jerusalem. Ayon sa sulat mo kay Zefanias, sinabi mo, 26 ‘Hinirang ka ng Panginoon na papalit kay Jehoyada bilang tagapamahala ng templo. Katungkulan mo ang pagdakip at paglalagay ng kadena sa leeg ng sinumang hangal na nagsasabing propeta siya. 27 Bakit hindi mo pinigilan si Jeremias na taga-Anatot na nagsasabing propeta siya riyan sa inyo? 28 Sumulat pa siya rito sa amin sa Babilonia na kami raw ay magtatagal pa rito. Kaya ayon sa kanya, magtayo raw kami ng mga bahay at dito na kami manirahan, magtanim at kumain ng ani namin.’ ”
29 Nang matanggap ni Zefanias ang sulat ni Shemaya, binasa niya ito kay Propeta Jeremias. 30 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 31 “Ipadala mo ang mensaheng ito sa lahat ng bihag. Sabihin mo sa kanilang ito ang sinabi ko tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam: Hindi ko sinugo si Shemaya para magsalita sa inyo. Pinapaniwala niya kayo sa kasinungalingan niya. 32 Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing parurusahan ko siya pati ang mga angkan niya. Wala ni isa man sa mga angkan niya ang makakakita ng mga mabubuting bagay na gagawin ko sa inyo, dahil tinuruan niya kayong magrebelde sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang mga Pangako ng Panginoon sa mga Mamamayan Niya
30 1-2 Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, isulat mo sa aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating ang araw na ibabalik kong muli ang mga mamamayan kong taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkabihag.[g] Ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila na magiging pag-aari nila.”
4-5 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel at Juda: “Maririnig ang hiyawan ng mga tao hindi dahil sa tuwa kundi sa matinding takot. 6 May itatanong ako sa inyo. Maaari bang manganak ang lalaki? Bakit nakikita ko ang mga lalaking namumutla at hawak-hawak ang tiyan na parang babaeng manganganak na? 7 Lubhang nakakatakot kapag dumating na ang araw na iyon, at wala itong katulad. Panahon iyon ng paghihirap ng mga lahi ni Jacob, pero maliligtas sila sa bandang huli sa kalagayang iyon. 8 Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabing sa panahong iyon, hindi na sila aalipinin ng mga taga-ibang bansa. Babaliin ko na ang pamatok sa mga leeg nila at tatanggalin ko na ang mga kadena nila. 9 Maglilingkod na sila sa akin, ang Panginoon nilang Dios, at hihirang ako ng hari nila mula sa angkan ni David.
10 “Kaya huwag kayong matatakot, o manlulupaypay man, kayong mga lahi ni Jacob na lingkod ko. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing kukunin ko kayo mula riyan sa malayong lugar kung saan kayo binihag. Sa pagbabalik ninyo, mamumuhay na kayo nang payapa, tahimik, at walang kinatatakutan. 11 Kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo. Lubusan kong wawasakin ang mga bansang pinangalatan ko sa inyo pero hindi ko ito gagawin sa inyo. Ngunit hindi rin ito nangangahulugang hindi ko kayo parurusahan. Didisiplinahin ko kayo nang nararapat.”
12-13 Sinabi pa ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Talagang malubha na ang inyong mga sugat at hindi na ito gagaling. Wala nang makakatulong o makakagamot sa inyo. Wala na ring gamot para sa inyo. 14 Nakalimutan na kayo ng mga kakampi ninyong bansa; hindi na nila kayo pinapansin. Sinalakay ko kayo gaya ng pagsalakay ng kaaway. Matindi ang parusa ko sa inyo dahil malaki at marami ang kasalanan ninyo. 15 Huwag kayong dadaing na hindi na gumagaling ang sugat ninyo. Pinarusahan ko kayo dahil napakatindi at napakarami ng inyong kasalanan.
16 “Pero ipapahamak ko rin ang lahat ng magpapahamak sa inyo, at ang lahat ng kaaway nʼyo ay bibihagin. Sasalakayin din ang lahat ng sumalakay at sumamsam ng mga ari-arian nʼyo, at sasamsamin din ang mga ari-arian nila. 17 Ngunit gagamutin at pagagalingin ko ang mga sugat nʼyo kahit na sinasabi ng iba na kayong mga taga-Jerusalem ay itinakwil at pinabayaan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
18 Sinabi pa ng Panginoon, “Muli kong ibabalik ang kayamanan ng mga lungsod ng lahi ni Jacob at kahahabagan ko sila. Ang lungsod at ang palasyo na winasak ay muling itatayo sa dating kinatatayuan nito. 19 Pagkatapos, aawit sila ng pasasalamat at sisigaw sa kagalakan. Pararamihin at pararangalan ko sila. 20 Magiging maunlad ang kanilang mga anak katulad noong una. Patatatagin ko sila sa harap ko, at paparusahan ko ang sinumang mang-aapi sa kanila. 21 Ang mga pinuno nilaʼy magmumula rin sa kanila. Palalapitin ko siya sa akin, at siya naman ay lalapit. Sapagkat walang sinumang taong mangangahas na lumapit sa akin kung hindi ko siya palalapitin. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, 22 magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 23 Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o ipu-ipong hahampas sa ulo ng masasamang tao. 24 Hindi mawawala ang poot ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang nais kong gawin. At sa mga huling araw, mauunawaan nʼyo ito.”
Ang Pagbabalik ng mga Israelita
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Dios ng buong Israel at magiging hinirang ko sila. 2 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing aalagaan ko ang mga natitirang buhay sa kanila habang naglalakbay sila sa ilang. Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel.”
3 Noong una,[h] ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi, “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin. 4 Muli ko kayong itatayo, kayong mga taga-Israel, na katulad ng isang birhen. Muli kayong sasayaw sa tuwa na tumutugtog ng inyong tamburin. 5 Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito. 6 Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem[i] para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”
7 Sinabi ng Panginoon, “Umawit kayo at humiyaw para sa Israel,[j] ang bansang pinakadakila sa lahat ng bansa. Magpuri kayo at sumigaw, ‘O Panginoon, iligtas mo ang mga mamamayan mo, ang mga natitirang buhay sa mga taga-Israel.’ 8 Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alin mang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi. 9 Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim[k] ang panganay kong anak.
10 “Mga bansa, pakinggan nʼyo ang mensahe ko, at ibalita nʼyo ito sa malalayong lugar: ‘Pinangalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa mga tupa niya.’ 11 Ililigtas ko ang mga lahi ni Jacob sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan kaysa sa kanila. 12 Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ko sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong katas ng ubas, langis at mga hayop nila. Matutulad sila sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati. 13 Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan. 14 Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang mga mamamayan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoon, “May narinig na malakas iyakan at panaghoy sa Rama. Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw dahil patay na ang mga ito.”
16 Pero sinabi ng Panginoon, “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway. 17 Kaya may pag-asa ka sa hinaharap. Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”
18 Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim. Sinabi nila, “Panginoon, kami po ay parang mga guya na hindi pa sanay sa pamatok, pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo. Kayo ang Panginoon naming Dios, kaya ibalik nʼyo na po kami sa sarili naming lupain. 19 Lumayo kami sa inyo noon, pero nagsisisi na po kami ngayon. Nang malaman po namin na nagkasala kami, dinagukan po namin ang aming mga dibdib sa pagsisisi. Nahihiya po kami sa mga ginawa namin noong aming kabataan.”
20 Sumagot ang Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Efraim ay aking minamahal na mga anak. Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo, nalulugod pa rin ako sa inyo. Nananabik ako at nahahabag sa inyo.
21 “Maglagay kayo ng mga tanda at tulos na magiging gabay sa inyong daan. Tandaan ninyong mabuti ang inyong dinaanan dahil diyan din kayo dadaan pagbalik ninyo. 22 Kailan pa kayo babalik sa akin, mga anak kong naliligaw? Gagawa ako ng bagong bagay sa mundo – ang babae na ang magtatanggol sa lalaki.”
Ang Darating na Kasaganaan ng Israel
23 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kapag naibalik ko na ang mga mamamayan ng Juda sa lupain nila mula sa pagkabihag,[l] muli nilang sasabihin, ‘Pagpalain nawa ng Panginoon ang banal na bundok ng Jerusalem na tinitirhan niya.’ 24 Maninirahan ang mga tao sa Juda at sa mga bayan nito, pati na ang mga magbubukid at mga pastol ng mga hayop. 25 Sapagkat pagpapahingahin ko ang mga napapagod at bubusugin ko ang mga nanghihina dahil sa gutom. Kaya sasabihin ng mga tao,[m] 26 ‘Sa aking paggising naramdaman kong nakabuti sa akin ang aking pagtulog.’ ”
27 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila. 28 Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo. 29 Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Kumain ng maasim na ubas ang mga magulang at ang asim ay nalasahan ng mga anak.’ 30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda. 32 At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”
33 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila. 34 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.” 35 Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang nag-utos sa para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag. At ako ang kumakalawkaw ng dagat hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon ang pangalan ko. 36 Habang nananatili ang langit at ang mundo, mananatili rin ang bansang Israel magpakailanman. 37 Kung paanong hindi masusukat ang langit at hindi malalaman ang pundasyon ng lupa, ganoon din naman, hindi ko maitatakwil ang lahat ng angkan ng Israel kahit na marami silang nagawang kasalanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
38 Patuloy na sinabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na ang lungsod ng Jerusalem ay muling itatayo mula sa Tore ni Hananel hanggang sa Panulukang Pintuan. 39 Mula sa mga lugar na iyon, magpapatuloy ang hangganan patungo sa burol ng Gareb at saka liliko sa Goa. 40 Ang buong lambak na tinatapunan ng mga bangkay at mga basura ay nakatalaga sa akin pati ang lahat ng bukirin sa Lambak ng Kidron hanggang sa pintuan na tinatawag na Kabayo sa silangan. Ang lungsod na itoʼy hindi na mawawasak o muling magigiba.”
Bumili ng Bukid si Jeremias
32 Ang Panginoon ay nagsalita kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, nang ika-18 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2 Nang panahong iyon, kinukubkob ang Jerusalem ng mga sundalo ng Babilonia, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardya sa palasyo ng hari ng Juda. 3 Ikinulong siya roon ni Haring Zedekia dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito. 4 Si Haring Zedekia ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia,[n] kundi talagang ihaharap siya sa hari ng Babilonia para hatulan. 5 Dadalhin ko si Zedekia sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na 7 si Hanamel na anak ng tiyo kong si Shalum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’
8 “Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”
Alam kong kalooban ito ng Panginoon, 9 kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang 17 pirasong pilak. 10 Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran. 11 Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan ng bilihan. 12 At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Neria na apo ni Maseya, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa himpilan ng mga guwardya.
13 At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc 14 na ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok para hindi ito masira at para tumagal ito ng mahabang panahon. 15 Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”
16 Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako. 17 “O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18 Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. 19 Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20 Gumawa kayo ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay doon sa Egipto, at patuloy nʼyo po itong ginagawa hanggang dito sa Israel at sa ibang mga bansa. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21 Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Egipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Egipto. 22 Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain[o] na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno. 23 Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan. 24 At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem para mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25 Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios, sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”
26 Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27 “Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28 Kaya tandaan mo, ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29 Susunugin nila ito, lalo na ang mga bahay na ang mga bubungan ay sinusunugan ng mga insenso para kay Baal at hinahandugan ng mga handog na inumin para sa mga dios-diosan na labis kong ikinagalit.
30 “Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. 31 Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32 Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33 Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34 Dinungisan nila ang templo ko kung saan dinadakila ang pangalan ko. Inilagay nila roon ang mga dios-diosan nilang kasuklam-suklam. 35 Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.
36 “Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Pero ngayon ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: 37 Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa. 38 Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 39 Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay upang sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila. 40 Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin para hindi na sila lumayo sa akin. 41 Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”
42 Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila. 43 At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.
44 “Muling magbibilihan ng mga bukid, na lalagdaan, tatatakan at sasaksihan ang mga kasulatan ng bilihan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negev. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag.[p] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Mga Pangakong Pagpapala
33 Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses. 2 Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito – Panginoon ang pangalan niya:
3 “Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam. 4 Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway, 5 papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.
6 “Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan. 7 Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag[q], at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon. 8 Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin. 9 At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”
10 Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan. 11 Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
12 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Kahit na mapanglaw ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan. 13 Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negev, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel. 15 Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain. 16 At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”[r]
17 Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel. 18 At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.”
19 At sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 20 “Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras, 21 ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin. 22 Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®