Bible in 90 Days
7-8 Kaya sasalakayin ko kayo at lalapain tulad ng ginagawa ng mabangis na hayop sa kanyang biktima. Lalapain ko kayo gaya ng ginagawa ng leon at ng osong inagawan ng anak. Babantayan ko kayo sa daan at sasalakayin tulad ng hayop na leopardo. 9 Pupuksain ko kayong mga taga-Israel dahil ako na nagligtas sa inyo ay kinalaban ninyo. 10-11 Nasaan na ngayon ang mga hari at mga pinuno na sa tingin ninyoʼy magliligtas sa inyo? Hiningi ninyo sila sa akin sa pag-aakalang maliligtas nila kayo, at sa galit ko sa inyoʼy ibinigay ko nga ang mga ito, at dahil din sa galit ko, silaʼy kinuha ko. 12 Hindi ko makakalimutan ang mga kasalanan ninyo.[a] Para itong kasulatang binalot at itinago.
13 “Binigyan ko kayo ng pagkakataong magbagong-buhay pero tinanggihan ninyo ito dahil mga mangmang kayo. Para kayong sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina sa panahon na dapat na siyang lumabas. 14 Hindi ko kayo ililigtas sa kamatayan. Sa halip sasabihin ko sa kamatayan, ‘O kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Nasaan ang iyong kapahamakan na papatay sa kanila?’
“Hinding-hindi ko kayo kaaawaan. 15 Kahit na mas maunlad kayo kaysa sa inyong kapwa, lilipulin ko kayo. Paiihipin ko ang mainit na hanging silangan na nagmumula sa disyerto at matutuyo ang inyong mga bukal at mga balon. At sasamsamin ang inyong mahahalagang pag-aari. 16 Dapat parusahan ang mga taga-Samaria dahil sa kanilang pagrerebelde sa akin na kanilang Dios. Mamamatay sila sa digmaan. Dudurugin ang kanilang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga buntis.”
Ang Pakiusap ni Hoseas sa mga Taga-Israel
14 Sinabi ni Hoseas: Mga taga-Israel, magbalik-loob na kayo sa Panginoon na inyong Dios. Napahamak kayo dahil sa inyong kasalanan. 2 Magbalik-loob na kayo sa Panginoon at sabihin ninyo sa kanya, “Patawarin nʼyo po kami sa aming mga kasalanan. Tanggapin nʼyo po kami ayon sa inyong kabutihan upang makapaghandog kami sa inyo ng pagpupuri. 3 Hindi na kami hihingi ng tulong sa Asiria at hindi na rin kami aasa sa mga kabayong pandigma. Hindi na rin namin tatawagin na aming Dios ang mga dios-diosang ginawa namin. Sapagkat kinaawaan nʼyo po kami na parang mga ulila.”
4 Sinabi ng Panginoon, “Pagagalingin ko ang aking mga mamamayan sa kanilang pagkamasuwayin at taos-puso ko silang mamahalin. Sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. 5 Pagpapalain ko ang mga taga-Israel; akoʼy magiging parang hamog sa kanila na nagbibigay ng tubig sa mga halaman. Sila ay uunlad gaya ng halamang liryong namumulaklak. Sila ay magiging matatag tulad ng puno ng sedro sa Lebanon na malalim ang ugat. 6 Sila ay dadami na parang mga sangang nagkakadahon nang marami. Sila ay magiging tanyag na parang puno ng olibo na maganda at ng puno ng sedro ng Lebanon na mabango. 7 Muli silang maninirahan na kinakalinga ko. Sila ay uunlad na parang trigong yumayabong o ubas na namumulaklak. At magiging tanyag sila na gaya ng alak ng Lebanon.
8 “Mga taga-Israel,[b] lumayo na kayo sa mga dios-diosan. Ako ang tutugon ng inyong mga dalangin at ako ang kakalinga sa inyo. Poprotektahan ko kayo; akoʼy magiging parang puno ng sipres[c] na mayabong na magbibigay ng lilim. Ako ang nagpapaunlad sa inyo.”[d]
Huling Payo
9 Nawaʼy malaman at maintindihan ng may pang-unawa ang mga nakasulat dito. Tama ang mga pamamaraan ng Panginoon at sinusunod ito ng mga matuwid, pero nagiging katitisuran ito sa mga suwail.
1 Ito ang mensahe ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
Sinira ng mga Balang ang mga Tanim
2 Kayong mga tagapamahala ng Juda at ang lahat ng inyong mamamayan, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo. Wala pang nangyari na katulad nito noong kapanahunan ng inyong mga ninuno o sa panahon ninyo ngayon. 3 Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4 Sunud-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwan na tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.[e]
5 Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak. 6 Ang lupain ng Panginoon[f] ay sinalakay ng napakaraming balang.[g] Matalas ang kanilang mga ngipin na parang mga ngipin ng leon. 7 Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8 Umiyak kayo katulad ng isang dalaga[h] na nakadamit ng sako[i] na namatayan ng binatang mapapangasawa. 9 Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nalulungkot ang mga paring naglilingkod sa kanya. 10 Nasira ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.
11 Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada. 12 Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Talagang nawala ang kaligayahan ng mga tao.
Panawagan ng Pagsisisi
13 Kayong mga pari na naglilingkod sa altar ng aking Dios, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Dios. 14 Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Dios at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.
15 Naku! Malapit na ang araw ng pagpaparusa ng Panginoong Makapangyarihan. 16 Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa templo ng Dios. 17 Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito. 18 Umaatungal ang mga hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nahihirapan na rin.
19 Nanalangin si Joel: Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy. 20 Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.
Ang Pagparusa ng Panginoon ay Inihalintulad sa Pagsalakay ng mga Balang
2 Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion,[j] ang banal[k] na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. 2 Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang[l] sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.
3 Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy.[m] Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira. 4 Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma. 5 Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma. 6 Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot. 7-8 Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan. Hindi sila nagtutulakan, at kahit masalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay. 9 Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw. 10 Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11 Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?
Panawagan upang Magbalik-loob sa Dios
12 Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati. 13 Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa. 14 Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Dios at pagpalain kayo ng masaganang ani, para makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.
15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion upang ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. 16 Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. 17 Umiyak sa pagitan ng altar at ng balkonahe ng templo ang mga pari na naglilingkod sa Panginoon, at manalangin sila ng ganito: “Panginoon, maawa po kayo sa mga mamamayang pag-aari ninyo. Huwag nʼyo pong payagan na hiyain sila at sakupin ng ibang bansa na nagsasabing, ‘Nasaan ang inyong Dios?’ ”
Pagpapalain ng Panginoon ang Juda
18 Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19 At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20 Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay[n] at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo.[o] At babaho ang kanilang mga bangkay.”
Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21 Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22 Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23 Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24 Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26 Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27 Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.
Ang mga Pagpapalang Espiritwal
28 “At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. 29 Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae. 30 Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa: May makikitang dugo, apoy, at makapal na usok. 31 Magdidilim ang araw at pupula ang buwan na parang dugo. Mangyayari ito bago dumating ang nakakatakot na araw ng paghuhukom ng Panginoon.”
32 Ang sinumang hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating. Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon, may matitirang mga Israelita sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem. Sila ang mga pinili ng Panginoon na maliligtas.
Parurusahan ang mga Bansa
3 Sinabi ng Panginoon, “Sa panahong iyon na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Juda at Jerusalem,[p] 2 titipunin ko ang mga bansa at dadalhin ko sila sa Lambak ni Jehoshafat.[q] Doon ko sila hahatulan dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita na aking mamamayan na pag-aari ko. Pinangalat nila ang mga Israelita sa ibaʼt ibang bansa at pinaghati-hatian ang aking lupain. 3 Nagpalabunutan sila para paghati-hatian ang aking mga mamamayan, at ipinagbili nila bilang alipin ang mga batang lalaki at babae, upang ibili ng alak at ibayad sa babaeng bayaran.
4 “Kayong mga taga-Tyre, taga-Sidon, at ang lahat ng lugar ng Filistia, ano ba itong ginagawa ninyo laban sa akin? Ginagantihan ba ninyo ako sa mga bagay na aking ginawa? Kung ganoon, gagantihan ko agad kayo sa inyong ginagawa.[r] 5 Sapagkat kinuha ninyo ang aking mga ginto at pilak at iba pang mamahaling bagay at dinala ninyo ito roon sa inyong mga templo. 6 Ipinagbili ninyo sa mga Griego ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem bilang mga alipin, upang mailayo ninyo sila sa sarili nilang bayan. 7 Pero tutulungan ko silang makaalis sa mga bayang sa mga bayang pinagbilhan ninyo sa kanila, at gagawin ko sa inyo ang inyong ginawa sa kanila. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda, at ipagbibili naman nila ang mga ito sa mga taga-Sabea[s] na nakatira sa malayong lugar.” Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 Ipaalam ito sa mga bansa: Humanda kayo sa pakikipagdigma. Tawagin ninyo ang inyong mga sundalo upang sumalakay. 10 Gawin ninyong mga espada ang sudsod ng inyong mga araro at gawin ninyong mga sibat ang inyong mga panggapas. Kahit ang mahihina ay kailangang makipaglaban. 11 Pumarito kayo, lahat kayong mga bansang nasa paligid, at magtipon kayo doon sa Lambak ni Jehoshafat. Panginoon, papuntahin nʼyo na po roon ang inyong hukbo.[t]
12 Sinabi ng Panginoon, “Kailangang hikayatin ang mga bansa sa paligid na pumunta sa Lambak ni Jehoshafat, dahil doon ko sila hahatulan. 13 Para silang mga aanihin na kailangan nang gapasin dahil hinog na, o parang ubas na kailangan nang pisain dahil puno na ng ubas ang pisaan. Ubod sila ng sama; ang kanilang kasalanan ay parang katas ng ubas na umaapaw sa sisidlan nito.”
14 Napakaraming tao ang naroon sa Lambak ng Paghatol, dahil malapit nang dumating ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 15 Magdidilim ang araw at ang buwan, at hindi na magliliwanag ang mga bituin. 16 Aatungal na parang leon ang Panginoon mula sa Zion;[u] dadagundong ang kanyang tinig mula sa Jerusalem. Kaya mayayanig ang lupa at langit. Pero ang Panginoon ang matibay na kanlungan para sa mga Israelita na kanyang mamamayan.
Ang mga Pagpapalang para sa mga Mamamayan ng Dios
17 Sinabi ng Panginoon, “Malalaman ninyong mga taga-Juda na ako, ang Panginoon na inyong Dios, ay nakatira sa Zion, ang aking banal na bundok. Magiging banal muli ang Jerusalem; hindi na ito muling lulusubin ng ibang bansa. 18 Sa panahong iyon, pagpapalain ko kayo. Magiging sagana ang inyong bagong katas ng ubas na mula sa maraming ubas sa mga bundok. Magiging sagana rin ang inyong gatas mula sa maraming baka at kambing na nanginginain sa mga burol. At hindi na matutuyuan ang inyong mga sapa at ilog. At may bukal mula sa templo ng Panginoon na dadaloy sa lambak na may mga punong akasya.[v]
19 “Ang Egipto ay magiging malungkot na lugar at ang Edom ay magiging ilang, dahil pinagmalupitan nila ang mga taga-Juda; pinatay nila ang mga taong walang kasalanan. 20 Pero ang Juda at ang Jerusalem ay titirhan magpakailanman. 21 Ipaghihiganti ko ang mga pinatay sa aking mga mamamayan. Parurusahan ko ang mga gumawa nito sa kanila.[w] Ako, ang Panginoon na nakatira sa Zion.”
1 Ito ang mensahe ni Amos na isang pastol ng mga tupa na taga-Tekoa. Ang mensaheng ito ay tungkol sa Israel. Ipinahayag ito sa kanya ng Dios dalawang taon bago lumindol, noong panahon na si Uzia ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Joash ang hari ng Israel.
2 Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion;[x] dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”
Ang Parusa sa Bansang Syria
3 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Syria: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Damascus,[y] parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim. 4 Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damascus na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben Hadad. 5 Wawasakin ko ang pintuan ng Damascus at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet Eden.[z] Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Syria.[aa] Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Filistia
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Gaza,[ab] parurusahan ko sila. Sapagkat binihag nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan at ipinagbili bilang mga alipin sa Edom. 7 Kaya susunugin ko ang mga pader[ac] ng Gaza at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito. 8 Lilipulin ko ang mga pinuno ng Ashdod at ng Ashkelon, at parurusahan ko ang mga taga-Ekron.[ad] At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa ay mamamatay din. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Tyre
9 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tyre: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Tyre, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito. 10 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tyre at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”
Ang Parusa sa Bansang Edom
11 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kaanak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita. 12 Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bozra.”[ae]
Ang Parusa sa Bansang Ammon
13 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Ammon: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Ammon, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain. 14 Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba[af] at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo. 15 At bibihagin ang hari ng Ammon gayon din ang kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Moab
2 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Moab: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Moab, parurusahan ko sila. Sapagkat sinunog nila ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa maging abo ito. 2 Kaya susunugin ko ang Moab pati na ang matitibay na bahagi ng Keriot.[ag] Mamamatay ang mga taga-Moab habang nagsisigawan at nagpapatunog ng mga trumpeta ang kanilang mga kaaway na sumasalakay sa kanila. 3 Mamamatay pati ang kanilang hari at ang lahat ng kanyang mga opisyal. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Parusa sa Bansang Juda
4 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Juda: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Juda, parurusahan ko sila. Sapagkat itinakwil nila ang aking mga kautusan at hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Iniligaw sila ng paglilingkod nila sa mga dios-diosan na pinaglingkuran din ng kanilang mga ninuno. 5 Kaya susunugin ko ang Juda pati na ang matitibay na bahagi ng Jerusalem.”
Ang Parusa sa Bansang Israel
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa patuloy na pagkakasala ng mga taga-Israel,[ah] parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang. 7 Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan. 8 Natutulog sila sa kanilang sambahan[ai] na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap.[aj] At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila. 9 Pero ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay. 10 Inilabas ko rin sa Egipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng 40 taon upang makuha nila ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pinili ko ang ilan sa mga anak nila na maging propeta at Nazareo. Mga taga-Israel, hindi baʼt totoo itong sinasabi ko? 12 Pero ano ang ginawa ninyo? Pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo[ak] at pinagbawalan ninyo ang mga propeta na sabihin ang ipinapasabi ko. 13 Kaya makinig kayo! Pahihirapan ko kayo katulad ng kariton na hindi na halos makausad dahil sa bigat ng karga. 14 Kaya kahit na ang mabilis tumakbo sa inyo ay hindi makakatakas, ang malalakas ay manghihina, at ang mga sundalo ay hindi maililigtas ang kanilang sarili. 15 Kahit na ang mga sundalong namamana sa labanan ay uurong. Ang mga sundalong mabilis tumakbo ay hindi makakatakas, at silang mga nakasakay sa kabayo ay hindi rin makakaligtas. 16 Sa araw na iyon, kahit ang pinakamatapang na sundalo ay tatakas na nakahubad. Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
3 Kayong mga taga-Israel, na ang mga ninuno ay inilabas ng Panginoon sa Egipto, pakinggan ninyo ang sasabihin niya laban sa inyo: 2 Sa lahat ng bansa sa buong mundo, kayo lamang ang aking pinili na maging mga mamamayan ko. Kaya parurusahan ko kayo dahil sa lahat ng inyong mga kasalanan.
Itinalaga ng Dios ang Gawain ng mga Propeta
3 Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang tao kung hindi sila magkasundo? 4 Umaatungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Aatungal ba siya sa loob ng kanyang yungib kung wala siyang nahuli? 5 Mahuhuli ba ang ibon kung walang pain na inilagay sa bitag? At iigkas ba ang bitag kung walang nahuli? 6 Hindi baʼt nanginginig sa takot ang mga tao sa tuwing patutunugin ang trumpeta na nagpapahiwatig na may paparating na kaaway? Mangyayari ba ang kapahamakan sa isang lungsod kung hindi ito pinahintulutan ng Panginoon?
7 Sa katunayan, hindi gumagawa ng anuman ang Panginoong Dios na hindi muna niya ipinababatid sa kanyang mga lingkod na propeta.
8 Sino ang hindi matatakot kung umaatungal na ang leon? Sino kaya ang hindi magpapahayag ng mensahe ng Panginoong Dios kung ang Panginoong Dios na mismo ang nagsasalita sa kanya?
Ang Hatol ng Dios sa Samaria
9 Sabihin ninyo sa mga pinunong nakatira sa matitibay na bahagi ng Ashdod[al] at Egipto na magtipon sila sa mga burol sa paligid ng Samaria[am] at tingnan nila ang kaguluhang nangyayari sa lungsod na ito at ang panggigipit sa mga mamamayan nito. 10-11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios laban sa Samaria: “Hindi sila marunong gumawa ng matuwid. Ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod ay puno ng mga bagay na ninakaw at sinamsam. Kaya lulusubin sila ng mga kaaway at gigibain ang kanilang mga kampo. Sasamsamin ng mga kaaway ang mga ari-arian sa matitibay na bahagi ng kanilang lungsod.”
12 Ito pa ang sinasabi ng Panginoon: “Ang maililigtas lang ng isang pastol sa tupang sinisila ng leon ay maaaring dalawang paa o isang tainga lamang. Ganoon din ang mangyayari sa inyong mga Israelitang nakatira sa Samaria; wala kayong maililigtas kundi bahagi na lamang ng inyong magagandang higaan.”
13 Sinabi ng Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko at sabihin din ninyo ito sa mga lahi ni Jacob: 14 Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Betel.[an] Puputulin ko ang sungay ng mga sulok ng altar[ao] at mahuhulog ang mga ito sa lupa. 15 Wawasakin ko ang kanilang mga bahay na pangtaglamig at ang mga bahay na pangtag-init. Wawasakin ko rin ang kanilang mamahalin[ap] at malalaking bahay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
4 Kayong mga kilalang babae sa Samaria, para kayong mga baka ng Bashan na inaalagaan nang mabuti. Ginigipit ninyo at pinagmamalupitan ang mga mahihirap, at inuutusan pa ninyo ang inyong asawa ng ganito, “Kumuha ka ng alak at mag-inom tayo!” Kaya pakinggan ninyo itong 2 sinasabi ng Panginoong Dios: “Sa aking kabanalan, isinusumpa ko na darating ang araw na bibihagin kayo ng inyong mga kaaway na gaya ng pagbingwit sa isda. 3 Palalabasin nila kayo sa inyong lungsod sa pamamagitan ng mga siwang ng inyong gumuhong pader, at dadalhin nila kayo sa lupain ng Harmon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
4 “Kayong mga Israelita, pumunta kayo sa inyong sinasambahan sa Betel at sa Gilgal at dagdagan pa ninyo ang inyong kasalanan. Magdala kayo ng inyong mga handog bawat umaga at magdala kayo ng inyong mga ikapu tuwing ikatlong araw. 5 Sige, magsunog kayo ng tinapay na may pampaalsa bilang handog ng pasasalamat. Ipagmalaki ninyo iyan pati ang inyong mga handog na kusang-loob, dahil iyan ang gusto ninyong gawin. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
6 “Ako ang nagpadala sa inyo ng taggutom sa lahat ng inyong mga lungsod at bayan; pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
7 “Ako rin ang pumigil sa ulan sa loob ng tatlong buwan bago dumating ang anihan. Pinauulan ko sa isang bayan pero sa iba ay hindi. Pinauulan ko sa isang bukirin pero ang ibang bukirin ay tigang. 8 Dahil sa panghihina, pasuray-suray kayong naghahanap ng maiinom. Palipat-lipat kayo sa mga bayan sa paghahanap ng tubig, pero walang makuhang sapat. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
9 “Sinira ko nang maraming beses ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin at ng mga peste. Sinalakay ng mga balang ang inyong mga puno ng igos at olibo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
10 “Pinadalhan ko rin kayo ng mga salot katulad ng mga ipinadala ko sa Egipto noon. Ipinapatay ko ang inyong mga binata sa digmaan at ipinabihag ang inyong mga kabayo. Pinahirapan ko rin kayo sa baho ng mga patay sa inyong mga kampo. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Nilipol ko ang iba sa inyo katulad ng ginawa ko sa Sodom at Gomora. At ang ilan sa inyo na nakaligtas ay parang panggatong na inagaw sa apoy. Pero hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
12 “Kaya muli kong gagawin ang mga parusang ito sa inyo na mga taga-Israel. At dahil gagawin ko ito, humanda kayo sa pagharap sa akin na inyong Dios!”
13 Ang Dios ang lumikha ng mga bundok at ng hangin,[aq] at siya rin ang nagpapalipas ng araw para maging gabi. Ipinapaalam niya sa tao ang kanyang mga plano at siya ang namamahala sa buong mundo. Ang kanyang pangalan ay Panginoon, ang Dios na Makapangyarihan.
Ang Panawagan sa Pagsisisi
5 Mga Israelita, pakinggan nʼyo itong panaghoy tungkol sa inyo:
2 Ang Israel na katulad ng isang babaeng birhen ay nabuwal at hindi na muling makabangon.
Pinabayaan siyang nakahandusay sa sarili niyang lupain at walang tumutulong para ibangon siya.
3 Ito ang sinabi ng Panginoong Dios, “Sa 1,000 sundalo na ipapadala ng isang lungsod sa Israel, 100 na lang ang matitira. At sa 100 sundalo na kanyang ipapadala, 10 na lang ang matitira. 4 Kaya kayong mga Israelita, dumulog kayo sa akin at mabubuhay kayo. 5 Huwag na kayong pumunta sa Betel, sa Gilgal, o sa Beersheba, upang sumamba roon. Sapagkat siguradong bibihagin ang mga mamamayan ng Gilgal at mawawala ang Betel. 6 Dumulog kayo sa akin, kayong mga lahi ni Jose, at mabubuhay kayo. Dahil kung hindi, lulusubin ko kayo na parang apoy. Kaya malilipol ang Betel at walang makakapigil nito.[ar] 7 Nakakaawa kayo! Ang katarungan ay ginagawa ninyong marumi[as] at pinawawalang-halaga ninyo ang katuwiran!”
8 Ang Dios ang lumikha ng grupo ng mga bituing tinatawag na Pleyades at Orion. Siya ang nagpapalipas ng liwanag sa dilim, at ng araw sa gabi. Tinitipon niya ang tubig mula sa karagatan para pumunta sa mga ulap upang muling ibuhos sa lupa sa pamamagitan ng ulan. Panginoon ang kanyang pangalan. 9 Agad niyang winawasak ang matitibay na napapaderang bayan,[at] at dinudurog ang napapaderang lungsod.
10 Kayong mga taga-Israel, napopoot kayo sa humahatol nang tama at nagsasabi ng totoo sa hukuman. 11 Inaapi ninyo ang mga mahihirap at pinipilit na magbigay sa inyo ng kanilang ani.[au] Kaya hindi kayo makakatira sa ipinatayo ninyong mansyon, at hindi kayo makakainom ng katas mula sa itinanim ninyong mga ubas. 12 Sapagkat alam ko[av] kung gaano karami at kabigat ang inyong mga kasalanan. Inuusig ninyo ang mga taong walang kasalanan at kinikikilan pa ninyo. Hindi ninyo binibigyan ng hustisya sa hukuman ang mga mahihirap. 13 Dahil naghahari ngayon ang kasamaan, ang marurunong ay tumatahimik na lang. 14 Gawin na lamang ninyo ang mabuti at huwag ang masama para mabuhay kayo, at sasamahan kayo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, gaya nang inyong sinasabi. 15 Kapootan ninyo ang masama at gawin ang mabuti, at pairalin ninyo ang hustisya sa inyong mga hukuman. Baka sakaling maawa ang Panginoong Dios na Makapangyarihan sa inyong mga natitira sa mga lahi ni Jose.
16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios na Makapangyarihan: “Darating ang araw na maririnig ang mga iyakan at panaghoy sa mga plasa at mga lansangan. Ipapatawag ang mga magsasaka para umiyak sa mga patay[aw] na kasama ng mga taong inupahan para umiyak. 17 May mga iyakan din sa inyong mga taniman ng ubas.[ax] Mangyayari ito dahil parurusahan ko kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Araw ng Paghatol ng Dios
18 Nakakaawa kayong naghihintay ng araw ng Panginoon. Huwag ninyong isipin na araw iyon ng inyong kaligtasan. Sapagkat iyon ang araw na parurusahan kayo. 19 Para kayong taong nag-aakalang ligtas na siya dahil nakatakas siya sa leon, pero nasalubong naman niya ang oso. O di kayaʼy nag-aakalang ligtas na siya dahil nasa loob na siya ng kanyang bahay, pero nang isinandal niya ang kanyang kamay sa dingding, tinuklaw ito ng ahas. 20 Tiyak na darating ang araw ng Panginoon at itoʼy magdudulot ng kaparusahan at hindi kaligtasan; katulad ito ng dilim na walang liwanag kahit kaunti man lang.
Ang Gusto ng Panginoon na Dapat Gawin ng Kanyang mga Mamamayan
21 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Napopoot ako sa inyong mga pista; hindi ako nalulugod sa inyong ginagawang pagtitipon. 22 Kaya kahit dalhan pa ninyo ako ng sari-saring handog, kahit pa ang pinakamabuting handog ay hindi ko tatanggapin. 23 Tigilan na ninyo ang maingay ninyong awitan. Ayokong makinig sa tugtog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, nais kong makita na pinaiiral ninyo ang katarungan at ang katuwiran na parang ilog na patuloy na umaagos.
25 “Mga mamamayan ng Israel, noong nasa ilang ang inyong mga ninuno sa loob ng 40 taon, naghandog ba sila sa akin? Hindi! 26 At ngayon ay buhat-buhat ninyo si Sakut, ang dios-diosang itinuturing ninyong hari, at si Kaiwan, ang dios-diosan ninyong bituin. Ginawa ninyo itong mga imahen para sambahin. 27 Kaya ipapabihag ko kayo at dadalhin sa kabila pa ng Damascus.” Ito nga ang sinabi ng Panginoon na tinatawag na Dios na Makapangyarihan.
Ang Kasamaan ng mga Pinuno ng Israel
6 Nakakaawa kayong mga pinuno ng Zion at Samaria na nagpapasarap sa buhay at walang pakialam. Itinuturing ninyo ang inyong mga sarili na mararangal na tao ng nangungunang bansa, at sa inyo lumalapit ang inyong mga mamamayan na nangangailangan. 2 Tingnan ninyo kung ano ang nangyari sa lungsod ng Calne, ang malaking lungsod ng Hamat, at ang lungsod ng Gat sa Filistia. Mas makapangyarihan ba kayo kaysa sa mga kahariang iyon? Mas malawak ba ang inyong lupain kaysa sa kanila?
3 Kawawa kayong nag-aakala na hindi darating sa inyo ang araw ng pagpaparusa. Dahil sa ginagawa ninyong kasamaan, lalo ninyong pinadadali ang araw na iyon na maghahari ang karahasan.
4 Kawawa kayong mga pahiga-higa lang sa inyong mga mamahaling kama[ay] at nagpapakabusog sa masasarap na pagkaing karne ng batang tupa at ng pinatabang guya.
5 Kawawa kayong mga kumakatha ng mga awit habang tumutugtog ng alpa at mahilig tumugtog ng mga tugtugin katulad ni David.
6 Kawawa kayong malalakas uminom ng alak at gumagamit ng mamahaling pabango, pero hindi nagdadalamhati sa sasapiting pagbagsak ng inyong bansa.[az] 7 Kaya kayong mga pinuno ang unang bibihagin at matitigil na ang inyong mga pagpipista at pagwawalang-bahala.
Kinamumuhian ng Panginoon ang Pagmamataas ng Israel
8 Sumumpa ang Panginoong Dios, ang Dios na Makapangyarihan. Sinabi niya, “Kinamumuhian ko ang pagmamataas ng mga lahi ni Jacob, at kinasusuklaman ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod. Kaya ipapasakop ko sa kaaway ang kanilang lungsod at ang lahat ng naroroon.”
9 Kung may sampung tao na matitira sa isang bahay, lahat sila ay mamamatay. 10 Ang bangkay ng namatay ay kukunin ng kanyang kamag-anak upang sunugin. Tatanungin niya ang nagtatago[ba] sa kaloob-looban ng bahay, “May kasama ka pa riyan?”[bb] Kapag sumagot siya ng wala, sasabihin ng nagtanong, “Tumahimik ka na! Baka mabanggit mo pa ang pangalan ng Panginoon at maparusahan tayo.” 11 Ang totoo, kapag ang Panginoon na ang nag-uutos, mawawasak ang lahat ng bahay, malaki man o maliit.
12 Makakatakbo ba ang kabayo sa batuhan? Makakapag-araro ba ang baka roon? Siyempre hindi! Pero binaliktad ninyo ang katarungan para mapahamak ang tao, at ang katarungan ay ginawa ninyong masama. 13 Tuwang-tuwa kayo nang nasakop ninyo ang mga bayan ng Lo Debar at Karnaim, at sinasabi ninyo, “Natalo natin sila sa pamamagitan ng sarili nating kalakasan.” 14 Pero ito ang sagot ng Panginoong Dios na Makapangyarihan, “Kayong mga mamamayan ng Israel ay ipasasalakay ko sa isang bansa. Pahihirapan nila kayo at sasakupin ang inyong lugar mula Lebo Hamat hanggang sa lambak ng Araba.”
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Balang, Apoy at Hulog
7 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita kong nagtipon siya ng napakaraming balang. Nangyari ito matapos maibigay sa hari ang kanyang parte mula sa unang ani sa bukid. At nang magsisimula na ang pangalawang ani,[bc] 2 nakita kong kinain ng mga balang ang lahat ng tanim at walang natira. Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako na patawarin nʼyo na ang mga lahi ni Jacob. Paano sila mabubuhay kung parurusahan nʼyo sila? Mahina po sila at walang kakayahan.” 3 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at kanyang sinabi, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
4 May ipinakita pa ang Panginoong Dios sa akin: Nakita kong naghahanda siya upang parusahan ang kanyang mga mamamayan sa pamamagitan ng apoy. Pinatuyo ng apoy ang pinanggagalingan ng tubig sa ilalim ng lupa, at sinunog ang lahat ng nandoon sa lupain ng Israel. 5 Kaya sinabi ko, “Panginoong Dios, nakikiusap po ako sa inyo na huwag nʼyong gawin iyan. Paano mabubuhay ang mga lahi ni Jacob kung gagawin nʼyo po iyan? Mahina po sila at walang kakayahan.” 6 Kaya nagbago ang isip ng Panginoon at sinabi niya, “Hindi na mangyayari ang nakita mo.”
7 Ito pa ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa pader at may hawak na hulog[bd] na ginagamit para malaman kung tuwid ang pagkagawa ng pader. 8 Tinanong ako ng Panginoon, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Hulog po.” Sinabi niya sa akin, “Batay sa aking panukat, hindi matuwid ang buhay ng mga mamamayan kong Israelita. Kaya ngayon hindi ko na sila kaaawaan. 9 Gigibain ko ang mga sambahan sa matataas na lugar[be] na sinasambahan ng mga Israelita na lahi ni Isaac. At ipapasalakay ko sa mga kaaway ng Israel ang kaharian ni Haring Jeroboam.”
Si Amos at si Amazia
10 Si Amazia na pari sa Betel ay nagpadala ng mensahe kay Haring Jeroboam ng Israel. Sinabi niya, “May binabalak na masama si Amos laban sa iyo rito mismo sa Israel. Hindi na matiis ng mga tao ang kanyang mga sinasabi. 11 Sinasabi niya, ‘Mamamatay si Jeroboam sa labanan, at tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
12 Sinabi ni Amazia kay Amos, “Ikaw na propeta, umalis ka rito at bumalik sa Juda. Doon mo gawin ang iyong hanapbuhay bilang propeta. 13 Huwag ka nang magpahayag ng mensahe ng Dios dito sa Betel, sapagkat nandito ang templong sinasambahan ng hari, ang templo ng kanyang kaharian.” 14 Sumagot si Amos kay Amazia, “Hindi ako propeta noon at hindi rin ako tagasunod[bf] ng isang propeta. Pastol ako ng tupa at nag-aalaga rin ng mga punongkahoy ng sikomoro. 15 Pero sinabi sa akin ng Panginoon na iwan ko ang aking trabaho bilang pastol at ipahayag ko ang kanyang mensahe sa inyo na mga taga-Israel na kanyang mamamayan. 16-17 Ngayon, ikaw na nagbabawal sa akin na sabihin ang mensahe ng Dios sa mga taga-Israel na lahi ni Isaac, pakinggan mo ang sinasabi ng Panginoon laban sa iyo: ‘Ang iyong asawa ay magiging babaeng bayaran sa lungsod at ang iyong mga anak ay mamamatay sa digmaan. Ang iyong lupain ay paghahati-hatian ng iyong mga kaaway, at mamamatay ka sa ibang bansa. At tiyak na bibihagin ang mga taga-Israel at dadalhin sa ibang bansa.’ ”
Ang Pangitain ni Amos tungkol sa Basket ng mga Prutas
8 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Dios: Nakita ko ang isang basket na may mga hinog na prutas. 2 Tinanong niya ako, “Amos, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isang basket po ng mga hinog na prutas.” Sinabi sa akin ng Panginoon, “Dumating na ang katapusan[bg] ng mga mamamayan kong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan. 3 Sa araw na iyon, ang masasayang awitan sa templo[bh] ay magiging iyakan dahil kakalat ang patay kahit saan. At wala nang maririnig na ingay.[bi] Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Ang Kasalanan ng mga Mayayamang Israelita
4 Makinig kayo, kayong mga nanggigipit sa mga mahihirap at nagtatangkang lipulin sila. 5 Inip na inip kayong matapos ang Pista ng Pagsisimula ng Buwan[bj] o Araw ng Pamamahinga para makapagbenta na kayo ng mga inaning butil at makapandaya sa mga mamimili sa pamamagitan ng inyong madayang timbangan at pantakal ng trigo. 6 Nagmamadali kayong makapagbenta ng mga butil na hinaluan ng ipa, para makabili kayo ng taong dukha na ipinagbibiling alipin dahil hindi siya makabayad ng kanyang utang, kahit ang utang niya ay kasinghalaga lamang ng isang pares ng sandalyas. 7 Kaya sumumpa ang Panginoon, ang Dios na ipinagmamalaki ng mga lahi ni Jacob, “Hindi ko makakalimutan ang lahat ng kasamaan na ginawa ninyo. 8 Dahil dito, palilindulin ko ang inyong lupain at mag-iiyakan kayo. Yayanigin ko nang husto ang inyong lupain na tulad ng Ilog na tumataas kapag may baha at bumababa tulad ng Ilog ng Nilo sa Egipto. 9 Sa araw na iyon, palulubugin ko ang araw sa katanghaliang tapat, kaya didilim ang buong lupain kahit araw pa. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 10 Gagawin kong iyakan ang kasayahan sa inyong pista, at ang inyong pag-aawitan ay magiging panaghoy. Pagdadamitin ko kayo ng sako at uutusang magpakalbo para ipakita ang inyong pagdadalamhati, katulad ng mga magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak. Pero magiging mas masakit pa ang huling parusa.”
11 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Darating ang araw na padadalhan ko ng taggutom ang inyong lupain. Pero hindi ito pagkagutom sa pagkain o pagkauhaw sa tubig, kundi pagkagutom at pagkauhaw sa aking mga salita. 12 Pagod na pagod na kayo sa paghahanap ng mga taong makakapagpahayag sa inyo ng aking salita, pero hindi ninyo matagpuan kahit saan kayo pumunta. 13 Sa araw na iyon na parurusahan ko kayo, kahit na ang inyong magagandang dalaga at ang inyong malalakas na mga binata ay mawawalan ng malay dahil sa matinding uhaw. 14 Kayong mga nanunumpa sa ngalan ng mga dios-diosan ng Samaria, Dan at Beersheba, lilipulin kayo at hindi na makakabangon.”
Walang Makakatakas sa Parusa ng Dios
9 Sinabi ni Amos: Nakita ko ang Panginoon na nakatayo malapit sa altar at sinabi niya, “Hampasin mo ang itaas na bahagi ng mga haligi ng templo upang mawasak ang bubong[bk] at nang mabagsakan ang mga tao. Ang matitirang buhay ay mamamatay sa digmaan. Wala ni isa mang makakatakas o makakaligtas. 2 Kahit magtago pa sila sa ilalim ng lupa, sa lugar ng mga patay, kukunin ko pa rin sila. Kahit na umakyat pa sila sa langit, hihilahin ko pa rin sila pababa. 3 Kahit na magtago pa sila sa tuktok ng Bundok ng Carmel, hahanapin ko sila roon at huhulihin. Magtago man sila sa kailaliman ng dagat, uutusan ko ang ahas na tuklawin sila. 4 Kahit na bihagin sila ng kanilang mga kaaway, ipapapatay ko pa rin sila. Dahil desidido na akong lipulin sila at huwag nang tulungan.”
5 Kapag hinipo ng Panginoong Dios na Makapangyarihan ang lupa, mayayanig ito at mag-iiyakan ang lahat ng naninirahan dito. Ang pagyanig nito ay parang pagtaas at pagbaba ng tubig sa Ilog ng Nilo sa Egipto.
6 Ang Dios ang gumawa ng kanyang sariling tirahan sa langit.
At siya ang gumawa ng kalawakan sa itaas ng lupa.
Siya rin ang nag-iipon ng tubig-dagat sa mga alapaap at pinauulan ito sa lupa.
Ang pangalan niyaʼy Panginoon.
7 Sinabi ng Panginoon, “Ang turing ko sa inyo na mga taga-Israel ay katulad lang sa mga taga-Etiopia.[bl] Totoong inilabas ko kayo sa Egipto, pero inilabas ko rin ang mga Filisteo sa Caftor[bm] at ang mga Arameo[bn] sa Kir. 8 Ako, ang Panginoong Dios ay nagmamanman sa inyong makasalanang kaharian. At lilipulin ko kayo hanggang sa mawala kayo ng lubusan sa mundo. Pero may ilang matitira sa inyo na mga lahi ni Jacob. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 9 Tingnan ninyo! Mag-uutos na ako; sasalain ko kayong mga mamamayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa, tulad ng pagsala sa mga butil. At kung paanong hindi nakakalusot ang maliliit na bato sa salaan, 10 hindi rin makakalusot sa akin ang masasama sa inyo, kundi mamamatay silang lahat sa digmaan, silang mga nagsasabi na wala raw masamang mangyayari sa kanila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®