Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Zacarias 11 - Mateo 4

Parurusahan ng Dios ang Lebanon at Bashan

11 Kayong mga taga-Lebanon, buksan ninyo ang mga pintuan ng inyong lungsod at nang makapasok ang apoy na susunog sa inyong mga puno ng sedro. Kung paanong nasira ang inyong mga magaganda at mayayabong na mga puno ng sedro, ganoon din masisira ang mga puno ng sipres[a] at mga puno ng ensina ng Bashan.[b] Umiiyak ang mga pastol dahil nasira ang kanilang berdeng pastulan. Pati ang mga leon[c] ay umaatungal dahil nasira ang kagubatan ng Jordan na kanilang tinitirhan.

Ang Dalawang Pastol

Ito ang sinabi ng Panginoon kong Dios: “Alagaan mo ang mga tupang[d] kakatayin. Ang mga bumibili at kumakatay sa kanila ay hindi pinarurusahan. Ang mga nagtitinda ng mga tupang ito ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon! Mayaman na ako!’ Pati ang kanilang mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.

Alagaan mo ang aking mga mamamayan, dahil ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa mundo.[e] Ako mismo ang uudyok sa bawat tao na magpasakop sa kanyang kapwa at sa kanyang hari. At silang mga namamahala ay magdadala ng kapahamakan sa buong mundo, at hindi ko ililigtas ang mga tao mula sa kanilang mga kamay.”

Kaya inalagaan ko ang mga tupang kakatayin ng mga nagbebenta ng mga tupa.[f] Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isa ay tinawag kong Kabutihan[g] at ang isa naman ay tinawag kong Pagkakaisa.

Pinaalis ko ang tatlong pastol sa loob lamang ng isang buwan. Naubos na ang pasensya ko sa kanila,[h] at sila rin ay galit sa akin. Pagkatapos, sinabi ko sa mga tupa, “Hindi na ako ang inyong pastol. Hayaang mamatay ang mga naghihingalo at mapahamak ang mga mapapahamak. At ang mga matitira ay hayaang kainin ang laman ng isaʼt isa.”

10 Pagkatapos, kinuha ko ang tungkod na tinatawag na Kabutihan at binali ko upang ipahiwatig na ipinawalang-bisa ng Panginoon ang kanyang kasunduan sa mga tao. 11 Kaya ng araw ding iyon, ipinawalang-bisa ang kasunduan. At nalaman ng mga nagbebenta ng mga tupa[i] na nanonood sa akin na may mensahe ang Panginoon sa mga ginagawa kong ito. 12 Sinabi ko sa kanila, “Kung sa palagay ninyo ay dapat akong bigyan ng sahod, ibigay ninyo ang sahod ko. Ngunit kung hindi, sa inyo na lang.” Kaya binayaran nila ako ng 30 pirasong pilak bilang sahod ko. 13 Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ilagay mo ang pilak na iyan sa kabang-yaman[j] ng templo.” Kaya kinuha ko ang 30 pirasong pilak, na inaakala nilang sapat na bilang aking sahod, at inilagay ko iyon sa kabang-yaman ng templo ng Panginoon. 14 Pagkatapos, binali ko ang pangalawang tungkod na tinatawag na Pagkakaisa upang ipahiwatig na naputol na ang magandang pagsasamahan ng Juda at ng Israel.

15 Sinabing muli ng Panginoon sa akin, “Magkunwari kang isang walang kwentang pastol ng mga tupa. 16 Sapagkat may ilalagay akong pinuno sa Israel na ang katulad ay isang walang kwentang pastol. Hindi niya tutulungan ang mga tupang halos mamamatay na,[k] o hahanapin ang mga nawawala,[l] o gagamutin ang mga sugatan, o pakakainin ang mga payat. Ngunit kakainin niya ang karne ng matatabang tupa at aalisin ang mga kuko nito. 17 Nakakaawa ang kahihinatnan ng walang kwentang pastol. Pinababayaan niya ang mga tupa! Sa pamamagitan ng espada ay puputulin ang kanyang kamay at tutusukin ang kanang mata niya, at hindi na mapapakinabangan ang kamay niya at hindi na rin makakakita ang kanang mata niya.”

Lilipulin ang mga Kalaban ng Jerusalem

12 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Ako ang Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa. At ako ang nagbibigay ng buhay sa tao. Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda. Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem. Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa. At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoong Makapangyarihan ang kanilang Dios.’

“Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak. Una kong pagtatagumpayin ang ibang mga lungsod ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi hihigit sa ibang mga lungsod ng Juda. Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Dios,[m] parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila. Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.

10 “Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako[n] na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad Rimon sa kapatagan ng Megido. 12-14 Iiyak ang bawat pamilya sa lupain ng Israel: ang mga pamilya ng angkan nina David, Natan, Levi, Shimei, at ang iba pang mga pamilya. Magkahiwalay na mag-iiyakan ang mga lalaki at mga babae.”

Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan

13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila. At kung mayroon pang magpapanggap na propeta, ang mga magulang niya mismo ang magbibigay ng babala na karapat-dapat siyang patayin, dahil nagsasalita siya ng kasinungalingan at sinasabi pa na ang mensahe niya ay mula sa Panginoon. At kung patuloy pa rin siyang magpapanggap na propeta, ang amaʼt ina niya mismo ang sasaksak sa kanya. Ang mga propetang iyon ay mapapahiya sa mga sinasabi nilang pangitain. Hindi na sila magsusuot ng mabalahibong damit na pampropeta upang manlinlang. Sa halip sasabihin nilang, ‘Hindi ako propeta. Isa akong magbubukid mula noong bata pa ako.’ At kung may magtatanong tungkol sa mga sugat nila sa katawan, sasabihin nila, ‘Nakuha ko ito sa bahay ng aking mga kaibigan.’ ”

Mamamatay ang Pastol at Mangangalat ang Kanyang mga Tupa

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Ihanda ang espada! Patayin ang pastol[o] ko na aking lingkod. Patayin siya at mangangalat ang mga tupa, ang aba kong mga mamamayan. At parurusahan ko sila. Mamamatay ang dalawa sa tatlong bahagi ng mga tao sa buong lupain ng Israel. At ang ikatlong bahaging matitira ay lilinisin ko tulad ng pilak na pinadadalisay sa apoy. Susubukin ko sila tulad ng gintong sinusubok sa apoy kung tunay o hindi. Tatawag sila sa akin at diringgin ko sila. Sasabihin ko, ‘Sila ang aking mga mamamayan.’ At sasabihin din nila, ‘Ang Panginoon ang aming Dios.’ ”

Darating ang Panginoon at Maghahari

14 Darating ang araw na hahatol ang Panginoon. Paghahatian ng mga kalaban ang mga ari-ariang sinamsam nila sa inyo na mga taga-Jerusalem habang nakatingin kayo. Sapagkat titipunin ng Panginoon ang lahat ng bansang makikipaglaban sa Jerusalem. Sasakupin nila ang lungsod na ito, kukunin nila ang mga ari-arian sa mga bahay, at gagahasain nila ang mga babae. Dadalhin nila sa ibang lugar ang kalahati ng mga mamamayan ng lungsod, pero ang matitira sa kanila ay mananatili sa lungsod. Pagkatapos, makikipaglaban ang Panginoon laban sa mga bansang iyon, katulad ng ginawa niyang pakikipagdigma noon. Sa araw na iyon, tatayo siya sa Bundok ng mga Olibo, sa silangan ng Jerusalem. Mahahati ang bundok na ito mula sa silangan hanggang sa kanluran. Ang kalahati ng bundok ay lilipat pahilaga at ang kalahati naman ay lilipat patimog. At magiging malawak na lambak ang gitna nito. Dito kayo dadaan mga taga-Jerusalem sa inyong pagtakas, dahil ang lambak na ito ay aabot hanggang sa Azel. Tatakas kayo katulad ng ginawa ng inyong mga ninuno noong lumindol sa panahon ni haring Uzia ng Juda. At darating ang Panginoon kong Dios kasama ang lahat niyang mga anghel. Sa araw na iyon ay walang init o lamig. Magiging katangi-tangi ang araw na iyon, dahil walang gabi kundi panay araw lang. Ang Panginoon lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari.

Sa araw na iyon, dadaloy ang sariwang tubig mula sa Jerusalem. Ang kalahati nito ay dadaloy sa Dagat na Patay[p] at ang kalahati ay sa Dagat ng Mediteraneo.[q] Patuloy itong dadaloy sa panahon ng tag-araw at tag-ulan. Ang Panginoon ang maghahari sa buong mundo. Siya lamang ang kikilalaning Dios at wala nang iba.

10-11 Gagawing kapatagan ang buong lupain mula sa Geba sa hilaga hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Kaya mananatiling mataas ang Jerusalem sa kinaroroonan nito. At titirhan ito mula sa Pintuan ni Benjamin hanggang sa lugar na kinaroroonan ng Unang Pintuan, at hanggang sa Sulok na Pintuan; at mula sa Tore ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari. Ang Jerusalem ay hindi na muling wawasakin, at ang mga mamamayan nito ay mamumuhay nang ligtas sa panganib.

12 Ang mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay padadalhan ng mga salot na ito: Mabubulok ang kanilang mga katawan, mata, at dila kahit buhay pa sila. 13-15 Ganito ring salot ang darating sa lahat ng mga hayop sa kanilang kampo, pati na sa kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, at asno.

Sa araw na iyon, lubhang lilituhin ng Panginoon ang mga taong iyon. Ang bawat isa sa kanila ay sasalakay sa kanilang kapwa, at sila mismo ay maglalaban-laban. Makikipaglaban din ang ibang mga lungsod ng Juda. Sasamsamin at titipunin nila ang mga kayamanan ng mga bansa sa palibot nila – ang napakaraming ginto, pilak at mga damit.

16 Pagkatapos, ang lahat ng natitirang mga tao sa mga bansang sumalakay sa Jerusalem ay pupunta sa Jerusalem taun-taon para sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, at para makipag-isa sa pagdiriwang ng Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 17 Ang mga taong hindi pupunta sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, ang Panginoong Makapangyarihan, ay hindi padadalhan ng ulan. 18 Ang mga taga-Egipto na hindi pupunta sa Jerusalem ay padadalhan ng Panginoon ng salot na katulad ng salot na kanyang ipapadala sa mga bansang hindi pupunta para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 19 Iyan ang parusa sa Egipto at sa lahat ng bansang hindi pupunta sa Jerusalem para ipagdiwang ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol.

20 Sa araw na iyon na sasamba ang mga bansa sa Panginoon, isusulat sa mga kampanilyang palamuti ng mga kabayo ang mga katagang, “Itinalaga sa Panginoon.”[r] Ang mga lutuan sa templo ng Panginoon ay magiging kasimbanal ng mga mangkok na ginagamit sa altar. 21 At ang bawat lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging banal para sa Panginoong Makapangyarihan. Gagamitin ito ng mga naghahandog para paglutuan ng kanilang inihahandog. At sa araw na iyon, wala nang mga negosyante sa templo ng Panginoong Makapangyarihan.

Ito ang mensahe ng Panginoon para sa mga taga-Israel sa pamamagitan ni Malakias.

Mahal ng Dios ang mga Israelita

Sinabi ng Panginoon, “Mahal ko kayo. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano mo kami minahal?’ Alalahanin ninyo na kahit magkapatid sina Esau at Jacob, minahal[s] ko si Jacob pero si Esau, hindi. Winasak ko ang kanyang mga kabundukan, kaya naging tirahan na lamang ng mga asong-gubat.

“Maaaring sabihin ng mga Edomita na mga lahi ni Esau, ‘Kahit na winasak ang aming bayan, itoʼy muli naming itatayo.’ Ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi: Kahit na itayo nilang muli ang kanilang bayan, gigibain ko pa rin ito. Tatawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘mga mamamayang laging kinapopootan ng Panginoon.’ Makikita ninyo ang kanilang pagkawasak at sasabihin ninyo, ‘Makapangyarihan ang Panginoon kahit sa labas ng Israel.’ ”

Sinaway ng Panginoon ang mga Pari

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Iginagalang ng anak ang kanyang ama at iginagalang ng alipin ang kanyang amo. Pero bakit ako na inyong ama at amo ay hindi ninyo iginagalang? Nilalapastangan ninyo ako. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano ka namin nilalapastangan?’ Nilalapastangan ninyo ako sa pamamagitan ng paghahandog ng maruruming[t] handog sa aking altar. Pero nagtatanong pa kayo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’[u] Naging marumi ang inyong handog dahil sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar. Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na bulag, pilay o may sakit. Hindi tama iyan. Ganyan kaya ang ihandog ninyo sa inyong gobernador at tingnan nʼyo kung matutuwa at malulugod siya sa inyo.”

Sinabi ni Malakias, “Kayong mga pari, hilingin ninyo sa Dios na kaawaan niya tayo. Pero sa ganyang klaseng mga inihahandog ninyo sa kanya, tiyak na hindi niya kayo kalulugdan. Iyan ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon.”

10 Sinabi ng Makapangyarihang Panginoon, “May isa sana sa mga pari nʼyo na magsara ng mga pintuan ng aking templo, upang hindi na kayo magsisindi ng walang kabuluhang apoy sa aking altar. Hindi ko tatanggapin ang inyong mga handog dahil hindi ako nalulugod sa inyo. 11 Ang totoo, pinupuri ang aking pangalan ng mga bansa, mula silangan hanggang kanluran.[v] Kahit saan nagsusunog ang mga tao ng insenso at naghahandog[w] ng malinis[x] na handog sa akin na Panginoong Makapangyarihan. 12 Pero kayo, nilalapastangan ninyo ako, dahil sinasabi ninyong marumi ang aking altar at walang kabuluhan ang mga inihahandog doon. 13 Sinasabi pa ninyo na nagsasawa na kayo sa paghahandog at binabalewala ninyo ang aking altar.[y] Kaya hinahandugan ninyo ako ng mga hayop na may sugat,[z] pilay o may sakit. Akala ba ninyoʼy tatanggapin ko iyan? 14 Susumpain ko ang mga mandaraya sa inyo, na nangakong maghahandog ng pinakamabuting hayop pero ang inihahandog ay ang may kapintasan. Susumpain ko siya dahil ako ang makapangyarihang hari na kinatatakutan ng mga bansa. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

Ang Parusa sa mga Paring Suwail

1-2 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan sa mga pari, “Ito ang aking babala sa inyo: Kung hindi ninyo pakikinggan ang sinasabi ko at hindi ninyo pahahalagahan ang pagpaparangal sa akin, susumpain ko kayo, pati na ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari.[aa] Sa katunayan, ginawa ko na iyan dahil hindi ninyo pinahahalagahan ang pagpaparangal sa akin.

“Makinig kayo! Dahil sa inyo, parurusahan ko ang inyong mga lahi. Isasaboy ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inyong inihahandog at itatapon din kayo sa tapunan ng mga dumi. Dapat ninyong malaman na binabalaan ko kayo upang magpatuloy ang aking kasunduan sa inyong ninunong si Levi. Sa aking kasunduan kay Levi, ipinangako ko sa kanya ang buhay[ab] at kapayapaan, basta igalang lamang niya ako. At iyan nga ang kanyang ginawa. Itinuro niya ang katotohanan at hindi ang kasinungalingan. Maayos ang kanyang relasyon sa akin at namuhay siya nang matuwid. At tinulungan niya ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasalanan.

“Sa katunayan, tungkulin ninyong mga pari na turuan ang mga tao, na malaman nila ang tungkol sa akin. At dapat naman silang magpaturo sa inyo, dahil mga sugo ko kayo. Pero hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan. Ang mga turo ninyo ang nagtulak sa marami para magkasala. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabing, sinira nʼyo ang kasunduan ko sa ninuno ninyong si Levi. Kaya ipinahamak at ipinahiya ko kayo sa lahat ng tao dahil hindi ninyo sinunod ang aking mga pamamaraan, at may kinikilingan kayo sa inyong pagtuturo.”

Hindi Naging Tapat ang mga Israelita

10 Sinabi ni Malakias sa mga Israelita: Hindi baʼt iisa ang ating ama?[ac] At iisang Dios ang lumalang sa atin? Bakit hindi tayo nagiging tapat sa isaʼt isa? Sa ginagawa nating ito, binabalewala natin ang kasunduan ng Dios sa ating mga ninuno.

11 Naging taksil ang mga taga-Juda. Gumawa sila ng kasuklam-suklam sa Jerusalem at sa buong bansa ng Israel. Sapagkat dinungisan nila ang templo[ad] na mahal ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapakasal sa mga babaeng sumasamba sa ibang mga dios. 12 Huwag na sanang ituring na kabilang sa mga mamamayan ng Israel ang mga taong gumagawa nito, pati na ang mga anak nila at mga apo,[ae] kahit na maghandog pa sila sa Panginoong Makapangyarihan.

13 Ito pa ang inyong ginagawa: Iyak kayo nang iyak sa altar ng Panginoon dahil hindi na niya pinapansin ang inyong mga handog at hindi na siya nalulugod sa mga iyon. 14 Itinatanong ninyo kung bakit? Sapagkat saksi ang Panginoon na nagtaksil kayo sa asawa na inyong pinakasalan noong inyong kabataan. Sinira ninyo ang inyong kasunduan na magiging tapat kayo sa isaʼt isa. 15 Hindi baʼt pinag-isa kayo ng Dios sa katawan at sa espiritu para maging kanya?[af] At bakit niya kayo pinag-isa? Sapagkat gusto niyang magkaroon kayo ng mga anak na makadios. Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa babaeng pinakasalan ninyo noong inyong kabataan. 16 Sapagkat sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Ayaw kong maghiwalay ang mag-asawa. Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, itoʼy pagmamalupit sa asawang babae.”

Kaya siguraduhin ninyong hindi kayo magtataksil sa inyong asawa.

Ang Araw ng Paghatol ng Panginoon

17 Sawang-sawa na ang Panginoon sa inyong mga sinasabi. Pero itinatanong pa ninyo, “Ano ang ikinasasawa niya sa amin?” Sinasabi ninyo na mabuti sa paningin ng Dios ang lahat ng gumagawa ng masama at natutuwa siya sa kanila. Pakutya ninyong sinasabi, “Nasaan na ang Dios ng katarungan?”

Makinig kayo sa sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo. At ang Panginoon na inyong hinihintay ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang inyong pinakahihintay na sugo na magsasagawa ng aking kasunduan.”

2-3 Pero sino ang makatatagal sa araw ng kanyang pagdating? Sino ang makakaharap sa kanya kapag nagpakita na siya? Sapagkat para siyang apoy na nagpapadalisay ng bakal o parang sabon na nakakalinis. Lilinisin niya ang mga paring Levita, tulad ng pagpapadalisay ng pilak at ginto, upang maging malinis ang kanilang buhay at maging karapat-dapat silang maghandog sa Panginoon.[ag] Sa ganoon, muling malulugod ang Panginoon sa mga handog ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, gaya ng dati.

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga Israelita, “Darating ako upang hatulan kayo. Sasaksi agad ako laban sa mga mangkukulam, sa mga nangangalunya, sa mga sinungaling na saksi, sa mga nandaraya sa sahod ng kanilang mga manggagawa, sa mga nanggigipit sa mga biyuda at mga ulila, at sa mga hindi makatarungan sa mga dayuhan. Gagawin ko ito sa inyo na mga walang takot sa akin.”

Ang Pagbibigay ng Ikapu

Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ako, ang Panginoon, ay hindi nagbabago. Kaya nga kayong mga lahi ni Jacob ay hindi lubusang nalipol. Tulad ng inyong mga ninuno, hindi kayo sumunod sa aking mga tuntunin. Manumbalik kayo sa akin, ang Panginoong Makapangyarihan, at babalik[ah] ako sa inyo. Pero itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ Magtatanong din ako sa inyo, maaari bang nakawan ng tao ang Dios? Parang imposible. Pero ninanakawan ninyo ako. At itinatanong inyo, ‘Paano namin kayo ninanakawan?’ Ninanakawan ninyo ako dahil hindi ninyo ibinibigay ang inyong mga ikapu[ai] at mga handog. Iyan ang dahilan kung bakit ko isinumpa ang buong bansa. 10 Pero ngayon, hinahamon ko kayo na subukan ninyo ako, ang Panginoong Makapangyarihan. Dalhin ninyo nang buo ang inyong mga ikapu sa bodega ng templo upang may pagkain sa aking templo. Kapag ginawa ninyo ito, padadalhan ko kayo ng ulan[aj] at ibubuhos ko ang sobra-sobrang pagpapala. 11 Hindi ko papayagang sirain ng peste ang inyong mga pananim o malagas ang bunga ng inyong mga ubas. 12 Tatawagin kayong mapalad[ak] ng lahat ng bansa, dahil napakabuting tirhan ang inyong lupain. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.”

13 Sinabi pa ng Panginoon, “Masasakit ang inyong sinabi tungkol sa akin. Pero itinatanong ninyo, ‘Ano ang sinabi naming masakit tungkol sa inyo?’ 14 Hindi baʼt sinabi ninyo, ‘Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios. Ano ba ang mapapala natin kung susundin natin ang kanyang mga utos? At ano ang mapapala natin kung ipapakita natin sa Dios na nalulungkot tayo at nagsisisi sa ating mga kasalanan? 15 Masasabi pa nga natin na mapalad ang mga taong mayabang. Sapagkat sila na gumagawa ng masama ay umuunlad. At kahit na sinusubukan nila ang Dios, hindi sila pinarurusahan.’ ”

16 Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang sa Panginoon. Narinig ng Panginoon ang kanilang pinag-uusapan. Ang kanilang pangalan ay isinulat sa aklat na nasa harapan ng Panginoon, para maalala niya silang mga may takot at kumikilala sa kanya.

17 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Magiging akin sila sa araw ng paghatol ko. Ituturing ko silang isang tanging kayamanan. Hindi ko sila parurusahan, tulad ng isang amang hindi nagpaparusa sa anak na masunurin. 18 At muling makikita ng mga tao ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, at ang pagkakaiba ng naglilingkod sa akin at ng hindi.”

Ang Araw ng Pagpaparusa ng Panginoon

Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Tiyak na darating ang araw ng aking pagpaparusa. Magiging tulad ito ng nagliliyab na pugon. Parurusahan kong gaya ng pagsunog sa dayami ang lahat ng mayayabang at ang gumagawa ng masama. Magiging tulad sila ng sinunog na kahoy na walang natirang sanga o ugat. Pero kayong may paggalang sa akin ay ililigtas ko gaya ng pagsikat ng araw[al] na ang sinag nito ay nagbibigay ng kabutihan. At lulundag kayo sa tuwa, na parang mga guyang pinakawalan sa kulungan. Pagdating ng araw na isakatuparan ko na ang mga bagay na ito, lilipulin ninyo ang masasama na parang alikabok na tinatapakan.

“Sundin ninyo[am] ang Kautusang ibinigay ng aking lingkod na si Moises. Ang mga utos at mga tuntuning iyan ay ibinigay ko sa kanya doon sa Bundok ng Sinai[an] upang sundin ng lahat ng mamamayan ng Israel.

“Makinig kayo! Bago dumating ang nakakapangilabot na araw ng aking pagpaparusa, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Ibabalik niya ang magandang relasyon ng mga magulang at mga anak, upang pagdating ko ay hindi ko na isusumpa ang inyong bayan.”

Ang mga Ninuno ni Jesus(A)

Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David. Si David ay mula sa lahi ni Abraham.

Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, at si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. Si Juda ang ama nina Perez at Zera, at si Tamar ang kanilang ina. Si Perez ang ama ni Hezron, at si Hezron ang ama ni Aram. Si Aram ang ama ni Aminadab, si Aminadab ang ama ni Nashon, at si Nashon ang ama ni Salmon. Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, at si Ruth ang kanyang ina. Si Obed ang ama ni Jesse, at si Jesse ang ama ni Haring David.

Si Haring David ang ama ni Solomon (ang ina niya ay ang dating asawa ni Uria). Si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abijah, at si Abijah ang ama ni Asa. Si Asa ang ama ni Jehoshafat, si Jehoshafat ang ama ni Joram, at si Joram ang ama ni Uzia. Si Uzia ang ama ni Jotam, si Jotam ang ama ni Ahaz, at si Ahaz ang ama ni Hezekia. 10 Si Hezekia ang ama ni Manase, si Manase ang ama ni Amos,[ao] si Amos ang ama ni Josia, 11 at si Josia ang ama ni Jeconia at ng kanyang mga kapatid. Sa panahong ito, binihag ang mga Israelita at dinala sa Babilonia.

12 Ito naman ang talaan ng mga ninuno ni Jesus matapos ang pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia: Si Jeconia ang ama ni Shealtiel, si Shealtiel ang ama ni Zerubabel, 13 at si Zerubabel ang ama ni Abiud. Si Abiud ang ama ni Eliakim, si Eliakim ang ama ni Azor, 14 at si Azor ang ama ni Zadok. Si Zadok ang ama ni Akim, si Akim ang ama ni Eliud, 15 at si Eliud ang ama ni Eleazar. Si Eleazar ang ama ni Matan, si Matan ang ama ni Jacob, 16 at si Jacob ang ama ni Jose na ang asawaʼy si Maria. Si Maria ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo. 17 Kaya may 14 na henerasyon mula kay Abraham hanggang kay David, may 14 na henerasyon naman mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia, at may 14 na henerasyon din mula sa pagkabihag hanggang kay Cristo.

Ang Pagkapanganak kay Jesu-Cristo(B)

18 Ganito ang pangyayari sa pagkapanganak kay Jesu-Cristo: Si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose. Pero bago pa sila ikasal, nalaman ni Maria na buntis siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na magiging asawa niya ay isang matuwid na tao at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim. 20 Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, “Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus,[ap] dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, 23 “Magbubuntis ang isang birhen[aq] at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel”[ar] (na ang ibig sabihin, “Kasama natin ang Dios”). 24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria. 25 Pero hindi siya sumiping kay Maria hanggang sa maipanganak nito ang sanggol. Nang manganak na si Maria, pinangalanan ni Jose ang sanggol ng Jesus.

Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan

Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[as] galing sa silangan. Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”

Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:

‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
    hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
    dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
    na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[at]

Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.

12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.

Ang Pagtakas Patungo sa Egipto

13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”

14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.

Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[au]

Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki

16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.

17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,

18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
    Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
    at ayaw niyang magpaaliw
    dahil patay na ang mga ito.”[av]

Ang Pagbabalik Mula sa Egipto

19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.

22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(C)

Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[aw] ang paghahari ng Dios.”[ax] Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[ay]

Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.

Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[az] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”

Ang Pagbabautismo kay Jesus(D)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(E)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[ba]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[bb] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[bc]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[bd]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Sinimulan ni Jesus ang Kanyang Gawain(F)

12 Nang mabalitaan ni Jesus na nakulong si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Pero hindi na siya nanirahan sa Nazaret kundi sa Capernaum, isang bayan sa tabi ng lawa ng Galilea at sakop ng Zabulon at Naftali. 14 Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:

15 “Ang lupain ng Zabulon at Naftali ay daanan patungo sa lawa[be] at nasa kabila ng Ilog ng Jordan.
    Ang mga lugar na itoʼy sakop ng Galilea at tinitirhan ng mga hindi Judio.
16 Nabubuhay sa kadiliman ang mga tao roon, ngunit makakakita sila ng matinding liwanag.
    Kahit nasa kadiliman sila at natatakot mamatay, maliliwanagan sila.”[bf]

17 Simula noon, nangaral na si Jesus. At ito ang kanyang mensahe: “Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan, dahil malapit na[bg] ang paghahari ng Dios.”

Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(G)

18 Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon (na tinatawag na Pedro) at Andres na naghahagis ng lambat. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[bh] 20 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.

21 At habang patuloy sa paglalakad si Jesus, nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedee. Nakaupo sila sa bangka kasama ng kanilang ama at nag-aayos ng lambat. Tinawag din ni Jesus ang magkapatid. 22 Iniwan nila agad ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Nangaral at Nagpagaling ng mga May Sakit si Jesus(H)

23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Pinagaling din niya ang ibaʼt ibang uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Naging tanyag siya sa buong Syria, at dinala sa kanya ng mga tao ang lahat ng may sakit, mga naghihirap dahil sa matinding karamdaman, mga sinaniban ng masamang espiritu, mga may epilepsya at mga paralitiko. Pinagaling niya silang lahat. 25 Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, at iba pang mga bayan sa Judea, at maging sa kabila ng Ilog ng Jordan.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®