Bible in 90 Days
Humingi ng Himala ang mga Pariseo at Saduceo(A)
16 May mga Pariseo at Saduceo na lumapit kay Jesus para subukin siya. Hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[a] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 2 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag palubog na ang araw at mapula ang langit, sinasabi ninyo, ‘Magiging maayos ang panahon bukas.’ 3 At kapag umaga at makulimlim ang langit, sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon.’ Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon? 4 Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.” Pagkatapos, umalis si Jesus.
Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(B)
5 Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. 6 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[b] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” 7 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 8 Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! 9 Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.
Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus(C)
13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” 14 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing kayo si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong sila ni Jesus, “Pero sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro,[c] at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya,[d] at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.[e] 19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan[f] sa kaharian ng Dios.[g] Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.” 20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(D)
21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”
24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[h] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(E)
17 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. 2 At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. 3 Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. 4 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami.[i] Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 5 Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” 6 Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. 7 Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” 8 Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Tinanong siya ng kanyang mga tagasunod, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 11 Sumagot si Jesus, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 Ngunit sinasabi ko sa inyo: dumating na si Elias. Kaya lang hindi siya nakilala ng mga tao at ginawa nila ang gusto nilang gawin sa kanya. Ganyan din ang gagawin nila sa akin na Anak ng Tao. Pahihirapan din nila ako.” 13 At naunawaan ng mga tagasunod niya na ang tinutukoy niyaʼy si Juan na tagapagbautismo.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(F)
14 Pagbalik nina Jesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, 15 “Panginoon, maawa po kayo sa anak kong lalaki. May epilepsya siya at grabe ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. 16 Dinala ko siya sa mga tagasunod nʼyo, pero hindi po nila mapagaling.” 17 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 18 Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din.
19 Nang sila-sila na lang, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 20 Sumagot si Jesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa.” 21 [Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.]
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(G)
22 Habang nagtitipon sina Jesus at ang mga tagasunod niya sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao. 23 Papatayin nila ako, pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga tagasunod ni Jesus.
Pagbabayad ng Buwis para sa Templo
24 Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo para sa templo?” 25 Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.”
Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?” 26 Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak.[j] 27 Pero kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin.[k] Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa templo.”
Sino ang Pinakadakila?(H)
18 Nang oras ding iyon, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Sino po ba ang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios?” 2 Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila, at sinabi, 3 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung hindi kayo magbago at maging tulad ng maliliit na bata, hindi kayo mapapabilang sa kaharian ng Dios. 4 Ang sinumang nagpapakababa tulad ng batang ito ang siyang pinakadakila sa lahat ng kabilang sa kaharian ng Dios.
5 “At ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. 6 Ngunit ang sinumang magiging dahilan ng pagkakasala ng maliliit na batang ito na sumasampalataya sa akin ay mabuti pang talian sa leeg ng gilingang bato at itapon sa pusod ng dagat.”
Mga Dahilan ng Pagkakasala(I)
7 “Nakakaawa ang mga tao sa mundong ito dahil sa mga bagay na naging dahilan ng kanilang pagkakasala. Kung sabagay, dumarating naman talaga ang mga ito, ngunit mas nakakaawa ang taong nagiging dahilan ng pagkakasala ng kanyang kapwa.
8 “Kaya nga, kung ang kamay o paa mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pang isa lang ang kamay o paa mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa ang kamay o paa mo pero itatapon ka naman sa walang hanggang apoy. 9 At kung ang mata mo ang dahilan ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pang isa lang ang mata mo pero may buhay na walang hanggan ka, kaysa sa dalawa nga ang mata mo pero itatapon ka naman sa apoy ng impyerno.”
Ang Nawawalang Tupa(J)
10 “Tiyakin ninyo na hindi nʼyo hahamakin ang kahit isa sa maliliit na batang ito, dahil tandaan nʼyo: ang mga anghel na nagbabantay sa kanila ay laging nasa harapan ng aking Ama sa langit. [11 Sapagkat ako, na Anak ng Tao, ay naparito sa mundo upang iligtas ang mga nawawala.]
12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng taong may 100 tupa kung mawala ang isa? Hindi baʼt iiwan niya ang 99 sa burol at hahanapin ang nawawala? 13 At kapag nakita na niya ang nawalang tupa, mas matutuwa pa siya rito kaysa sa 99 na hindi nawala. 14 Ganito rin naman ang nararamdaman ng inyong Amang nasa langit. Ayaw niyang mawala ang kahit isa sa maliliit na batang ito.”
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung magkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan. Pagsabihan mo siya tungkol sa ginawa niya. Kung makikinig siya sa iyo, magkakaayos kayong muli at mapapanumbalik mo siya sa Dios. 16 Pero kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka ng isa o dalawa pang kapatid sa pananampalataya ‘para ang lahat ng pag-uusapan ninyo ay mapapatotohanan ng dalawa o tatlong saksi,’[l] ayon sa Kasulatan. 17 Kung ayaw niyang makinig sa kanila, ipaalam ito sa iglesya, at kung pati sa iglesya ay ayaw niyang makinig, ituring ninyo siya bilang isang taong hindi kumikilala sa Dios o isang maniningil ng buwis.”[m]
Kapangyarihang Magbawal at Magpahintulot
18 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anuman ang ipagbawal ninyo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot ninyo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.
19 “Sinasabi ko rin sa inyo na kung magkasundo ang dalawa sa inyo rito sa mundo na ipanalangin ang anumang bagay, ipagkakaloob ito ng aking Amang nasa langit. 20 Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon dahil sa akin, kasama nila ako.”
Ang Talinghaga tungkol sa Utusan na Ayaw Magpatawad
21 Lumapit si Pedro kay Jesus at nagtanong, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid na laging nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” 22 Sumagot si Jesus, “Hindi lang pitong beses kundi 77 beses. 23 Sapagkat ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na nagpatawag sa mga alipin niya para singilin sa kanilang mga utang. 24 Nang simulan na niya ang paniningil, dinala sa kanya ang isang alipin na nagkautang sa kanya ng milyon-milyon. 25 Dahil hindi siya makabayad, iniutos ng hari na ipagbili siya bilang alipin, pati ang kanyang asawaʼt mga anak, at lahat ng ari-arian niya, para mabayaran ang kanyang utang. 26 Nagmamakaawang lumuhod ang aliping iyon sa hari, ‘Bigyan nʼyo pa po ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ 27 Naawa sa kanya ang hari, kaya pinatawad na lang siya sa kanyang utang at pinauwi.
28 “Pagkaalis ng aliping iyon, nakasalubong niya ang isang kapwa alipin na nagkakautang sa kanya ng kaunting halaga. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay sabi, ‘Bayaran mo ang utang mo sa akin.’ 29 Lumuhod ang kapwa niya alipin at nagmakaawa, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kita.’ 30 Pero hindi siya pumayag. Sa halip, ipinakulong niya ang kapwa niya alipin hanggang sa makabayad ito. 31 Nang makita ito ng iba pang utusan, sumama ang loob nila, kaya pumunta sila sa hari at isinumbong ang lahat ng nangyari. 32 Ipinatawag ng hari ang alipin at sinabi sa kanya, ‘Napakasama mong utusan! Pinatawad kita sa utang mo dahil nagmakaawa ka sa akin. 33 Hindi ba dapat naawa ka rin sa kapwa mo alipin gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ 34 Sa galit ng hari, ipinakulong niya ang alipin hanggang sa mabayaran nito ang lahat ng utang niya.” 35 At pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ganyan din ang gagawin ng inyong Amang nasa langit kung hindi kayo magpapatawad nang buong puso sa inyong kapwa.”
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Paghihiwalay(K)
19 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang mga bagay na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta sa lalawigan ng Judea sa kabila ng Ilog ng Jordan. 2 Maraming tao ang sumunod sa kanya at pinagaling niya sila sa kanilang mga sakit.
3 May mga Pariseong pumunta sa kanya para hanapan siya ng butas. Kaya nagtanong sila, “Pinahihintulutan ba ng Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa kahit anong dahilan?” 4 Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan na sa simula pa lang, nang likhain ng Dios ang mundo, ‘ginawa niya ang tao na lalaki at babae?’[n] 5 ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at magsasama sila ng kanyang asawa. At silang dalawa ay magiging isa.’[o] 6 Hindi na sila dalawa kundi isa na lang. Kaya hindi dapat paghiwalayin ng tao ang pinagsama ng Dios.” 7 Nagtanong uli ang mga Pariseo, “Pero bakit sinabi ni Moises na pwedeng hiwalayan ng lalaki ang asawa niya, bastaʼt bigyan niya ito ng kasulatan ng paghihiwalay?”[p] 8 Sumagot si Jesus sa kanila, “Ipinahintulot ito ni Moises sa inyo dahil sa katigasan ng ulo ninyo. Ngunit hindi iyan ang layunin ng Dios mula sa simula. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo, kung hiwalayan ng lalaki ang asawa niya sa anumang dahilan maliban sa sekswal na imoralidad, at pagkatapos ay mag-asawa ng iba, nagkasala siya ng pangangalunya. [At ang nag-asawa ng babaeng hiniwalayan ay nagkasala rin ng pangangalunya.]”
10 Sinabi ng mga tagasunod ni Jesus, “Kung ganyan po pala ang panuntunan sa pag-aasawa, mabuti pang huwag na lang mag-asawa.” 11 Sumagot si Jesus, “Hindi matatanggap ng lahat ang turong ito, maliban na lang sa mga taong pinagkalooban nito. 12 May ibaʼt ibang dahilan kung bakit ang ilan ay hindi nag-aasawa. May iba na ipinanganak na sadyang baog. Ang ibaʼy hindi makakapag-asawa dahil sinadyang kapunin. At may iba naman ay ayaw mag-asawa dahil sa pagpapahalaga nila sa kaharian ng Dios. Kung kaya ng sinuman na hindi mag-asawa, huwag na siyang mag-asawa.”
Pinagpala ni Jesus ang Maliliit na Bata(L)
13 May mga taong nagdala ng maliliit na bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at ipanalangin. Pero sinaway sila ng mga tagasunod ni Jesus. 14 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pigilan, dahil ang mga katulad nila ay kabilang sa kaharian ng Dios.” 15 Ipinatong nga niya ang kanyang kamay sa mga bata at pinagpala niya sila, at pagkatapos nito ay umalis siya.
Ang Lalaking Mayaman(M)
16 May isang lalaki naman na lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano po ba ang mabuti kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 17 Sumagot si Jesus, “Bakit itinatanong mo sa akin kung ano ang mabuti? Isa lang ang mabuti, at walang iba kundi ang Dios. Kung gusto mong magkaroon ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” 18 “Alin po sa mga ito?” tanong ng lalaki. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnanakaw, huwag kang sasaksi ng kasinungalingan, 19 igalang mo ang iyong ama at ina,[q] at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[r] 20 Sinabi ng binata, “Sinusunod ko po ang lahat ng iyan. Ano pa po ba ang kulang sa akin?” 21 Sumagot si Jesus, “Kung nais mong maging ganap sa harap ng Dios, umuwi ka at ipagbili ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo ang pera sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod sa akin.” 22 Nang marinig iyon ng binata, umalis siyang malungkot, dahil napakayaman niya. 23 Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, napakahirap para sa isang mayaman ang mapabilang sa kaharian ng Dios. 24 Mas madali pang makapasok ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa sa mapabilang ang isang mayaman sa kaharian ng Dios.” 25 Nabigla ang mga tagasunod nang marinig nila ito, kaya nagtanong sila, “Kung ganoon po, sino na lang ang maliligtas?” 26 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Imposible ito sa tao; pero sa Dios, ang lahat ay posible.”
27 Nagsalita si Pedro, “Paano naman po kami? Iniwan namin ang lahat para sumunod sa inyo. Ano po ang mapapala namin?” 28 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, darating ang araw na babaguhin ng Dios ang mundo, at ako na Anak ng Tao ay uupo sa aking trono. At kayong mga tagasunod ko ay uupo rin sa 12 trono upang husgahan[s] ang 12 lahi ng Israel. 29 At ang sinumang nag-iwan ng kanyang bahay, mga kapatid, mga magulang, mga anak, o mga lupa dahil sa akin ay tatanggap ng mas marami pa kaysa sa kanyang iniwan, at tatanggap din siya ng buhay na walang hanggan. 30 Maraming dakila ngayon na magiging hamak, at maraming hamak ngayon na magiging dakila.”
Ang mga Manggagawa sa Ubasan
20 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: Isang araw, maagang lumabas ang isang may-ari ng ubasan para humanap ng mga manggagawa. 2 Nang makakita siya ng mga manggagawa, nakipagkasundo siya sa kanila na makakatanggap sila ng karampatang sahod para sa isang araw na trabaho, at pagkatapos ay pinapunta ang mga ito sa ubasan niya. 3 Nang mga alas nuwebe na ng umaga, lumabas siyang muli at may nakita siyang mga taong walang trabaho at nakatambay lang sa may pamilihan. 4 Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho. Babayaran ko kayo nang nararapat.’ 5 Kaya pumunta ang mga ito sa ubasan. Nang bandang tanghali, muli siyang lumabas at may nakita pang ilang mga tao. Pinagtrabaho rin niya ang mga ito. Ito rin ang ginawa niya nang mga alas tres na ng hapon. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, muli na naman siyang lumabas at nakakita pa ng mga ilan na nakatambay lang. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit maghapon kayong nakatayo riyan at walang ginagawa?’ 7 Sumagot sila, ‘Dahil wala naman pong nagbigay sa amin ng trabaho.’ Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta kayo sa ubasan ko at magtrabaho.’
8 “Nang magtatakip-silim na, sinabi ng may-ari sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bigyan ng sahod. Unahin mo ang mga huling nagtrabaho, hanggang sa mga unang nagtrabaho.’ 9 Dumating ang mga nagsimula nang alas singko ng hapon, at tumanggap sila ng sahod para sa isang araw na trabaho. 10 Nang dumating na ang mga naunang nagtrabaho, inakala nilang tatanggap sila ng higit kaysa sa mga huling nagtrabaho. Pero tumanggap din sila ng ganoon ding halaga. 11 Pagkatanggap nila ng sahod, nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, ‘Ang mga huling dumating ay isang oras lang nagtrabaho, samantalang kami ay nagtrabaho ng buong araw at nagtiis ng init, pero pareho lang ang sahod namin!’ 13 Sinagot ng may-ari ang isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi baʼt nagkasundo tayo na bibigyan kita ng sahod para sa isang araw na trabaho? 14 Kaya tanggapin mo na ang sahod mo, at umuwi ka na. Desisyon ko na bigyan ng parehong sahod ang mga huling nagtrabaho. 15 Hindi baʼt may karapatan akong gawin ang gusto ko sa pera ko? O naiinggit lang kayo dahil mabuti ako sa kanila?’ ” 16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ganyan din ang mangyayari sa huling araw. May mga hamak ngayon na magiging dakila, at may mga dakila ngayon na magiging hamak.”
Ang Ikatlong Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(N)
17 Habang naglalakad sina Jesus papuntang Jerusalem, inihiwalay niya ang 12 tagasunod sa mga tao. Sinabi niya sa kanila, 18 “Pupunta na tayo sa Jerusalem, at ako na Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan nila ako ng kamatayan 19 at ibibigay sa mga hindi Judio para insultuhin, hagupitin at ipako sa krus. Ngunit mabubuhay akong muli sa ikatlong araw.”
Ang Kahilingan ng Ina nina Santiago at Juan(O)
20 Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedee, kasama ang dalawang anak niyang lalaki. Lumuhod siya kay Jesus dahil may gusto siyang hilingin. 21 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mo?” Sumagot siya, “Kung maaari po sana, kapag naghahari na kayo, paupuin nʼyo ang dalawa kong anak sa tabi nʼyo; isa sa kanan at isa sa kaliwa.” 22 Pero sinagot sila ni Jesus, “Hindi ninyo alam kung ano ang hinihingi ninyo. Kaya ba ninyong tiisin ang mga pagdurusang titiisin ko?”[t] Sumagot sila, “Opo, kaya namin.” 23 Sinabi ni Jesus, “Maaaring kaya nga ninyong tiisin. Ngunit hindi ako ang pumipili kung sino ang uupo sa kanan o sa kaliwa ko. Ang mga lugar na iyon ay para lang sa mga pinaglaanan ng aking Ama.”
24 Nang malaman ng sampung tagasunod kung ano ang hiningi ng magkapatid, nagalit sila sa kanila. 25 Kaya tinawag silang lahat ni Jesus at sinabi, “Alam ninyong ang mga pinuno ng mga bansa ay may kapangyarihan sa mga taong nasasakupan nila, at kahit anong gustuhin nila ay nasusunod. 26 Ngunit hindi dapat ganyan ang umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na gustong maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo. 27 At ang sinuman sa inyo na gustong maging pinuno ay dapat maging alipin ninyo. 28 Maging ako na Anak ng Tao ay naparito sa mundo, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at magbigay ng aking buhay para maligtas ang maraming tao.”
Pinagaling ni Jesus ang Dalawang Bulag(P)
29 Nang papaalis na sa Jerico si Jesus at ang mga tagasunod niya, sinundan sila ng napakaraming tao. 30 Samantala, may dalawang bulag doon na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sumigaw sila, “Panginoon, Anak ni David,[u] maawa po kayo sa amin!” 31 Pero sinaway sila ng mga tao at pinagsabihang manahimik. Ngunit lalo pa nilang nilakasan ang kanilang pagsigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa amin!” 32 Tumigil si Jesus, tinawag sila, at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita.” 34 Naawa si Jesus sa kanila, kaya hinipo niya ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita at sumunod kay Jesus.
Ang Matagumpay na Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem(Q)
21 Malapit na sina Jesus sa Jerusalem. Pagdating nila sa nayon ng Betfage na nasa Bundok ng mga Olibo, pinauna ni Jesus ang dalawa niyang tagasunod 2 at sinabi, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Makikita ninyo roon ang isang asno na nakatali, kasama ang bisiro nito. Kalagan ninyo ang mga ito at dalhin dito sa akin. 3 Kapag may sumita sa inyo, sabihin ninyong kailangan ng Panginoon, at hahayaan na niya kayo.” 4 Nangyari ito upang matupad ang sinabi ng propeta:
5 “Sabihin ninyo sa mga naninirahan sa Zion na paparating na ang kanilang hari!
Mapagpakumbaba siya, at nakasakay sa asno, sa isang bisirong asno.”[v]
6 Lumakad nga ang mga tagasunod at ginawa ang iniutos ni Jesus. 7 Dinala nila ang asno at ang bisiro nito kay Jesus. Sinapinan nila ang mga ito ng kanilang mga balabal at sumakay si Jesus. 8 Maraming tao ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan. Ang iba naman ay pumutol ng mga sanga ng kahoy at inilatag din sa daan. 9 Ang mga tao sa unahan ni Jesus at ang mga nasa hulihan ay sumisigaw, “Purihin ang Anak ni David![w] Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Dios!”[x] 10 Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, nagkagulo ang buong lungsod, at nagtanungan ang mga tao, “Sino ang taong iyan?” 11 Sumagot ang mga kasama ni Jesus, “Siya ang propetang si Jesus na taga-Nazaret, na sakop ng Galilea.”
Ang Pagmamalasakit ni Jesus sa Templo(R)
12 Pumunta si Jesus sa templo at itinaboy niya ang mga nagtitinda at namimili roon. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapating inihahandog sa templo. 13 Sinabi niya sa kanila, “Sinasabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Ang bahay ko ay bahay-panalanginan.’[y] Pero ginawa ninyong pugad ng mga tulisan!”[z]
14 May mga bulag at pilay na lumapit kay Jesus doon sa templo, at pinagaling niya silang lahat. 15 Nagalit ang mga namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa ni Jesus, at nang marinig nila ang mga batang sumisigaw doon sa templo ng “Purihin ang Anak ni David!”[aa] 16 Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” Sumagot si Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa Kasulatan na kahit ang maliliit na bata ay tinuruan ng Dios na magpuri sa kanya?”[ab] 17 Pagkatapos, iniwan sila ni Jesus. Lumabas siya ng lungsod at nagpunta sa Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos(S)
18 Kinaumagahan, nang pabalik na sina Jesus sa lungsod ng Jerusalem, nagutom siya. 19 May nakita siyang puno ng igos sa tabi ng daan, kaya nilapitan niya ito. Pero wala siyang nakitang bunga kundi puro mga dahon. Kaya sinabi niya sa puno, “Hindi ka na mamumunga pang muli!” At agad na natuyo ang puno. 20 Namangha ang mga tagasunod ni Jesus nang makita nila iyon. Sinabi nila, “Paanong natuyo kaagad ang puno?” 21 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo at walang pag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos. At hindi lang iyan, maaari rin ninyong sabihin sa bundok, ‘Lumipat ka sa dagat!’ at lilipat nga ito. 22 Anumang hilingin ninyo sa Dios sa panalangin ay matatanggap ninyo kung sumasampalataya kayo.”
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(T)
23 Bumalik sa templo si Jesus, at habang nagtuturo siya, nilapitan siya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio at tinanong, “Ano ang awtoridad mong gumawa ng mga bagay na ginagawa mo? Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 24 Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 25 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[ac] o sa tao?” Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 26 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 27 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” At sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Dalawang Anak
28 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng talinghagang ito? May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa panganay at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ating ubasan at magtrabaho.’ 29 Sumagot siya, ‘Ayaw ko po.’ Pero maya-maya ay nagbago ang isip niya at pumunta rin. 30 Lumapit din ang ama sa bunso at ganoon din ang sinabi. Sumagot ang bunso, ‘Opo,’ pero hindi naman siya pumunta. 31 Sino ngayon sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanilang ama?” Sumagot sila, “Ang panganay.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay nauuna pa sa inyo na mapabilang sa kaharian ng Dios. 32 Sapagkat dumating sa inyo si Juan na tagapagbautismo, at itinuro sa inyo ang tamang daan sa matuwid na pamumuhay, pero hindi kayo naniwala. Pero ang mga maniningil ng buwis at ang mga babaeng bayaran ay naniwala sa kanya. At kahit na nakita ninyo ito, hindi pa rin kayo nagsisi sa mga kasalanan ninyo at naniwala sa kanya.”
Ang Talinghaga tungkol sa Masasamang Magsasaka(U)
33 Muling nagsalita si Jesus sa kanila, “Makinig kayo sa isa pang talinghaga: May isang taong may bukid na pinataniman niya ng ubas. Pinabakuran niya ito at nagpagawa ng pisaan ng ubas. Nagtayo rin siya ng isang bantayang tore. At pagkatapos ay pinaupahan niya ang kanyang ubasan sa mga magsasaka at pumunta sa malayong lugar. 34 Nang panahon na ng pamimitas ng ubas, pinapunta niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasakang umuupa sa ubasan niya para kunin ang kanyang parte. 35 Pero sinunggaban ng mga magsasaka ang mga alipin. Binugbog nila ang isa, pinatay ang isa at binato naman ang isa pa. 36 Nagsugo ulit ang may-ari ng mas maraming alipin, at ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. 37 Nang bandang huli, pinapunta ng may-ari ang kanyang anak. Ang akala niyaʼy igagalang nila ito. 38 Pero nang makita ng mga magsasaka ang anak ng may-ari, sinabi nila, ‘Narito na ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya para mapasaatin ang lupang mamanahin niya.’ 39 Kaya sinunggaban nila ang anak, dinala sa labas ng ubasan at pinatay.”
40 Pagkatapos, nagtanong si Jesus, “Ano kaya ang gagawin ng may-ari sa mga magsasakang iyon sa kanyang pagbabalik?” 41 Sumagot ang mga tao, “Tiyak na papatayin niya ang masasamang taong iyon, at pauupahan niya ang kanyang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay sa kanya ng parte niya sa bawat panahon ng pamimitas.” 42 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang talatang ito sa Kasulatan?
‘Ang batong tinanggihan ng mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong pundasyon.[ad]
Gawa ito ng Panginoon
at kahanga-hanga ito sa atin!’[ae]
43 “Kaya tandaan ninyo: hindi na kayo ang paghaharian ng Dios kundi ang mga taong sumusunod sa kanyang kalooban. [44 Ang sinumang mahulog sa batong ito ay magkakabali-bali, ngunit ang mahulugan nito ay madudurog.]”
45 Nang marinig ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo ang talinghagang iyon, alam nilang sila ang tinutukoy ni Jesus. 46 Kaya gusto nilang dakpin si Jesus, pero natatakot sila sa mga tao na naniniwalang si Jesus ay isang propeta.
Ang Talinghaga tungkol sa Handaan sa Kasal(V)
22 Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, 2 “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang hari na naghanda ng salo-salo para sa kasal ng anak niyang lalaki. 3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inimbitahan sa kasalan, pero ayaw nilang dumalo. 4 Sinugo niya ang iba pang mga alipin upang sabihin sa mga inimbitahan, ‘Handa na ang lahat; nakatay na ang aking mga baka at iba pang pinatabang hayop. Nakahanda na ang pagkain kaya pumunta na kayo rito!’ 5 Pero hindi ito pinansin ng mga inimbitahan. Ang ibaʼy pumunta sa bukid nila, at ang ibaʼy sa negosyo nila. 6 Ang iba namaʼy sinunggaban ang mga alipin ng hari, hiniya, at pinatay. 7 Kaya galit na galit ang hari sa ginawa ng mga ito. Inutusan niya ang kanyang mga sundalo na patayin ang mga pumatay sa kanyang mga alipin at sunugin ang lungsod ng mga ito. 8 Pagkatapos, sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Handa na ang salo-salo para sa kasal ng aking anak, pero hindi karapat-dapat ang mga inimbitahan. 9 Pumunta na lang kayo sa mga mataong lansangan, at imbitahan ninyo ang lahat ng inyong makita.’ 10 Pumunta nga sa mga lansangan ang mga alipin at inimbitahan ang lahat ng nakita nila, masama man o mabuti. Kaya napuno ng bisita ang pinagdarausan ng handaan. 11 Nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga bisita, nakita niya ang isang lalaking hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan. 12 Kaya tinanong niya ang lalaki, ‘Kaibigan, bakit pumasok ka rito nang hindi nakasuot ng damit na para sa kasalan?’ Hindi nakasagot ang lalaki. 13 Kaya sinabi ng hari sa kanyang mga utusan, ‘Talian ninyo ang mga kamay at paa niya at itapon sa dilim, doon sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ” 14 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag ng Dios na mapabilang sa kanyang kaharian, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Tanong tungkol sa Pagbabayad ng Buwis(W)
15 Umalis ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang mga pananalita. 16 Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga kasamahan at ang ilan sa mga tauhan ni Herodes. Sinabi ng mga ito, “Guro, alam po namin na totoo ang mga sinasabi ninyo. Itinuturo nʼyo ang katotohanan tungkol sa kalooban ng Dios. Wala kayong pinapaboran, dahil hindi kayo tumitingin sa katayuan ng tao. 17 Ano sa palagay nʼyo? Tama po ba na tayong mga Judio ay magbayad ng buwis sa Emperador ng Roma[af] o hindi?” 18 Pero alam ni Jesus ang masama nilang balak, kaya sinabi niya, “Mga pakitang-tao! Bakit ninyo ako sinusubukang hulihin sa tanong na iyan? 19 Patingin nga ng perang ipinambabayad ng buwis.” Iniabot nila sa kanya ang pera.[ag] 20 Tinanong sila ni Jesus, “Kaninong mukha at pangalan ang nakaukit sa pera?” 21 Sumagot sila, “Sa Emperador.” Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Dios ang para sa Dios.” 22 Namangha sila nang marinig ang sagot ni Jesus, kaya iniwan nila siya.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(X)
23 Nang araw ding iyon, lumapit at nagtanong kay Jesus ang ilang mga Saduceo – mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay. 24 Sinabi nila, “Guro, sinabi ni Moises na kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa asawa niya, dapat pakasalan ng kanyang kapatid ang naiwan niyang asawa para magkaanak sila para sa kanya.[ah] 25 Noon ay may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. 26 Pero namatay din siya na wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo hanggang sa ikapitong kapatid. 27 At kinalaunan, namatay din ang babae. 28 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po ba sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil silang lahat ay napangasawa niya?” 29 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 30 Sapagkat sa muling pagkabuhay hindi na sila mag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 31 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi ng Dios sa inyo? Sinabi niya, 32 ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’[ai] Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay.” 33 Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang pagtuturo.
Ang Pinakamahalagang Utos(Y)
34 Nang mabalitaan ng mga Pariseo na walang magawa ang mga Saduceo kay Jesus, nagtipon silang muli at lumapit sa kanya. 35 Isa sa kanila, na tagapagturo ng Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin siya, 36 “Guro, ano po ba ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” 37 Sumagot si Jesus, “ ‘Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip.’[aj] 38 Ito ang pinakamahalagang utos sa lahat. 39 At ang ikalawang pinakamahalagang utos ay katulad din nito: ‘Mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.’[ak] 40 Ang buong Kautusan ni Moises at ang mga isinulat ng mga propeta ay nakasalalay sa dalawang utos na ito.”[al]
Ang Tanong tungkol sa Cristo(Z)
41 Habang nagkakatipon pa ang mga Pariseo, tinanong sila ni Jesus, 42 “Ano ba ang pagkakakilala ninyo sa Cristo? Kaninong angkan[am] siya nagmula?” Sumagot sila, “Kay David.” 43 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung angkan lang siya ni David, bakit tinawag siya ni David na ‘Panginoon,’ sa patnubay ng Banal na Espiritu? Ito ang sinabi niya,
44 ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
Maupo ka sa aking kanan hanggang sa mapasuko ko sa iyo ang iyong mga kaaway.’[an]
45 Kung tinawag siya ni David na Panginoon, paano siya naging angkan lang ni David?” 46 Wala ni isa mang nakasagot sa tanong ni Jesus. Mula noon, wala nang nangahas na magtanong sa kanya.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan at sa mga Pariseo(AA)
23 Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. 2 Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. 3 Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. 4 Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 5 Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya[ao] at hinahabaan ang laylayan[ap] ng kanilang mga damit. 6 Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. 7 At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ 8 Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. 9 At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. 10 Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. 11 Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. 12 Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo(AB)
13 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! 14 [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] 15 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! 16 Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. 17 Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? 18 Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. 19 Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? 20 Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. 21 Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. 22 At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.
23 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ibinibigay nga ninyo kahit ang ikapu[aq] ng inyong mga pampalasa,[ar] ngunit hindi naman ninyo sinusunod ang mga mas mahalagang utos tungkol sa pagiging makatarungan, mahabagin, at pagiging tapat. Dapat ngang magbigay kayo ng inyong mga ikapu, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mga mas mahalagang utos. 24 Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang maliliit na insekto sa inyong inumin, pero lumululon naman kayo ng kamelyo!
25 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan ayon sa inyong seremonya, ngunit ang loob ng puso ninyoʼy puno naman ng kasakiman at katakawan.[as] 26 Mga bulag na Pariseo! Linisin muna ninyo ang loob ng tasa at baso, at magiging malinis din ang labas nito.[at] 27 Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Katulad kayo ng mga libingang pininturahan ng puti at magandang tingnan sa labas, pero ang nasa loob ay puro kalansay at iba pang maruruming bagay. 28 Ganyang-ganyan kayo, dahil kung masdan kayo ng mga taoʼy parang tama ang ginagawa ninyo, pero sa loob ninyoʼy puno kayo ng pagkukunwari at kasalanan.”
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(AC)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[au]
Sinabi ni Jesus ang Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(AD)
24 Lumabas si Jesus sa templo, at habang naglalakad, nilapitan siya ng mga tagasunod niya at itinuro sa kanya ang mga gusali ng templo. 2 Sinabi ni Jesus, “Tingnan ninyo ang lahat ng iyan. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, magigiba ang lahat ng iyan at walang maiiwang magkapatong na bato.”
Mga Paghihirap at Pag-uusig na Darating(AE)
3 Habang nakaupo si Jesus sa isang lugar sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at nakipag-usap nang sarilinan. Sinabi nila, “Sabihin nʼyo po sa amin kung kailan mangyayari ang sinabi nʼyo? At ano po ang mga palatandaan ng muli nʼyong pagparito at ng katapusan ng mundo?”
4 Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo madaya ninuman. 5 Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan at sasabihing sila ang Cristo, at marami ang kanilang ililigaw. 6 Makakarinig kayo ng mga digmaang malapit sa inyo, at mababalitaan ninyo na may mga digmaan din sa malayo. Ngunit huwag kayong matakot. Kinakailangang mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang katapusan. 7 Sapagkat magdidigmaan ang mga bansa at mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at paglindol sa ibaʼt ibang lugar. 8 Ang lahat ng itoʼy pasimula pa lang ng mga paghihirap na darating.
9 “Sa panahong iyon, kamumuhian kayo dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Dadakpin kayo upang parusahan at patayin. 10 Marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Kapopootan at ipapahuli nila ang kapwa nila mananampalataya. 11 Lilitaw ang maraming huwad na propeta at marami ang maililigaw nila. 12 Lalaganap ang kasamaan, at dahil dito, manlalamig ang pag-ibig ng maraming mananampalataya. 13 Ngunit ang mananatiling tapat hanggang sa wakas ay maliligtas. 14 Ipangangaral sa buong mundo ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios upang malaman ito ng lahat ng tao, at saka darating ang katapusan.”
Ang Kasuklam-suklam na Darating(AF)
15 “Nagsalita si Propeta Daniel tungkol sa kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo. (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) Kapag nakita na ninyong nasa loob na ito ng templo,[av] 16 ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 17 Ang nasa labas ng bahay[aw] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anumang gamit. 18 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 19 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 20 Idalangin ninyo na ang pagtakas nʼyo ay hindi mataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. 21 Sapagkat sa mga panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng napakatinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 22 Kung hindi paiikliin[ax] ng Dios ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.
23 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 24 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kagila-gilalas na himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 25 Tandaan ninyo ang mga ito! Binibigyan ko na kayo ng babala habang hindi pa nangyayari ang mga ito.
26 “Kaya kung may magsabi sa inyo, ‘Naroon ang Cristo sa ilang!’ huwag kayong pupunta roon. At kung may magsabing, ‘Nariyan siya sa silid!’[ay] huwag kayong maniniwala. 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag mula sa silangan hanggang sa kanluran na makikita ng lahat. 28 May kasabihan na, ‘Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.’ ”[az]
Ang Pagbabalik ni Jesus sa Mundo(AG)
29 “Pagkatapos ng mga araw na iyon ng matinding kahirapan, magdidilim ang araw, hindi na magliliwanag ang buwan, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit. Ang mga bagay[ba] sa kalawakan ay mayayanig at mawawala sa kani-kanilang landas. 30 Pagkatapos, makikita sa langit ang tanda ng aking pagbabalik, at maghihinagpis ang lahat ng tao sa mundo dahil dito. At makikita nila ako na Anak ng Tao na dumarating na mula sa ulap na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian.[bb] 31 Sa malakas na tunog ng trumpeta ay ipapadala ko ang aking mga anghel sa lahat ng lugar sa mundo upang tipunin ang aking mga pinili.”
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(AH)
32 “Unawain ninyo ang aral na ito mula sa puno ng igos: Kapag nagkakadahon na ang mga sanga nito, alam ninyong malapit na ang tag-init. 33 Ganoon din naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang lahat ng sinasabi kong ito sa inyo, malalaman ninyong malapit na akong dumating. 34 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, matutupad ang lahat ng ito bago mawala ang henerasyong ito. 35 Ang langit at ang lupa ay maglalaho, ngunit ang mga salita ko ay mananatili magpakailanman.”[bc]
Walang Taong Nakakaalam Kung Kailan Babalik si Jesus(AI)
36 “Tungkol sa araw o oras ng aking pagbabalik, walang nakakaalam nito, kahit ang mga anghel sa langit o ako mismo na Anak ng Dios. Ang Ama lang ang nakakaalam nito. 37 Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa pagdating ko na Anak ng Tao. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga taoʼy nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. 39 Wala silang kaalam-alam sa mangyayari hanggang sa dumating ang baha at nalunod silang lahat. Ganyan din ang mangyayari sa pagdating ko na Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, kung may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 41 At kung may dalawang babaeng nagtatrabaho sa gilingan, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 42 Kaya maging handa kayong lagi, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng pagdating ng inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang pasukin ng magnanakaw ang kanyang bahay. 44 Kaya maging handa rin kayo, dahil ako na Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at ang Hindi Tapat na Utusan(AJ)
45 “Ang tapat at matalinong alipin ang siyang pinamamahala ng kanyang amo sa mga kapwa niya alipin. Siya ang nagbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 46 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na gumagawa ng kanyang tungkulin. 47 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 48 Ngunit kawawa ang masamang alipin na nag-aakalang matatagalan pa ang pagbabalik ng kanyang amo, 49 kaya habang wala ang kanyang amo ay pagmamalupitan niya ang ibang mga utusan, makikisalo at makikipag-inuman sa mga lasenggo. 50 Darating ang kanyang amo sa araw o oras na hindi niya inaasahan, 51 at parurusahan siya nang matindi. Isasama siya sa mga mapagkunwari, at doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.”[bd]
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Dalaga
25 “Ang paghahari ng Dios sa araw na iyon ay maitutulad sa kwentong ito: May sampung dalagang lumabas na may dalang ilawan upang salubungin ang lalaking ikakasal. 2 Ang lima sa kanilaʼy mangmang, at ang limaʼy marurunong. 3 Ang mga mangmang ay nagdala ng ilawan pero hindi nagdala ng reserbang langis, 4 habang ang marurunong naman ay nagdala ng reserbang langis para sa kanilang mga ilawan. 5 Natagalan ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya ang mga dalaga ay nakatulog sa paghihintay.
6 “Nang hatinggabi na, biglang may sumigaw, ‘Nariyan na ang ikakasal! Halikayoʼt salubungin ninyo!’ 7 Nagising ang sampung dalaga at inihanda ang kani-kanilang ilawan. 8 Sinabi ng mga mangmang sa marurunong, ‘Pahingi naman ng kaunting langis; malapit na kasing mamatay ang mga ilawan namin.’ 9 Sumagot sila, ‘Hindi pwede, dahil hindi magkakasya sa atin ang langis. Pumunta na lang kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo.’ 10 Kaya umalis ang mga mangmang na dalaga para bumili ng kanilang langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay sumama sa kanya sa handaan. Pagpasok nila, isinara ang pintuan.
11 “Maya-mayaʼy dumating na ang limang mangmang na dalaga at nagsisigaw, ‘Papasukin nʼyo po kami.’ 12 Pero sumagot ang lalaki, ‘Hindi ko kayo kilala.’ ” 13 At sinabi ni Jesus, “Kaya magbantay kayo, dahil hindi ninyo alam ang araw o oras ng aking pagbabalik.”
Ang Talinghaga tungkol sa Tatlong Alipin(AK)
14 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong papunta sa malayong lugar. Kaya tinawag niya ang kanyang mga alipin at ipinagkatiwala sa kanila ang pera niya.[be] 15 Binigyan niya ang bawat isa ayon sa kani-kanilang kakayahang magnegosyo. Binigyan niya ang isa ng 5,000, ang isa naman ay 2,000, at sa isa pa ay 1,000. Pagkatapos ay umalis na siya. 16 Ang alipin na binigyan ng 5,000 ay kaagad na umalis at ginamit sa negosyo ang pera. At tumubo siya ng 5,000. 17 Ganoon din ang ginawa ng alipin na binigyan ng 2,000. At tumubo siya ng 2,000. 18 Pero ang alipin na binigyan ng 1,000 ay naghukay sa lupa at itinago roon ang pera.
19 “Pagkalipas ng mahabang panahon, bumalik ang amo nila at ipinatawag sila upang magbalita tungkol sa perang ipinagkatiwala sa kanila. 20 Lumapit ang alipin na nakatanggap ng 5,000 at sinabi, ‘Heto po ang 5,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 5,000 na tinubo ko.’ 21 Sumagot ang amo niya, ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi sa aking kaligayahan!’ 22 Pagkatapos, lumapit naman ang alipin na binigyan ng 2,000 at sinabi niya, ‘Heto po ang 2,000 na ibinigay nʼyo sa akin, at ang karagdagang 2,000 na tinubo ko.’ 23 Sumagot ang kanyang amo: ‘Magaling! Isa kang mabuti at tapat na alipin! At dahil naging matapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, ipapamahala ko sa iyo ang mas malaki pang halaga. Halikaʼt makibahagi rin sa aking kaligayahan!’ 24 Lumapit din ang alipin na binigyan ng 1,000 at sinabi sa kanyang amo, ‘Alam ko pong mabagsik kayo at walang awa. Inaani ninyo ang hindi ninyo itinanim, at kinukuha ninyo ang pinaghirapan ng iba. 25 Natakot po ako kaya ibinaon ko ang pera nʼyo sa lupa. Heto po ang 1,000 na ibinigay nʼyo sa akin.’ 26 Sumagot ang kanyang amo, ‘Masama at tamad na alipin! Alam mo palang inaani ko ang hindi ko itinanim, at kinukuha ko ang pinaghirapan ng iba. 27 Bakit hindi mo na lang idineposito sa bangko ang pera ko para sa pagbalik ko ay may makuha akong interes?’ 28 Kaya sinabi niya sa iba pang mga utusan, ‘Kunin ninyo sa kanya ang 1,000 at ibigay sa mayroong 10,000. 29 Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa ng mas marami, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. 30 Itapon ninyo ang walang silbing alipin na iyan sa kadiliman sa labas. Doon ay iiyak siya at magngangalit ang kanyang ngipin.’ ”
Ang Huling Paghuhukom
31 “Kapag ako na Anak ng Tao ay dumating na bilang Hari,[bf] kasama ang lahat ng anghel, uupo ako sa aking dakilang trono. 32 Titipunin ko sa aking harapan ang lahat ng lahi sa mundo. Pagbubukud-bukurin ko sila, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at kambing. 33 Ang mga tupa, na walang iba kundi ang matutuwid, ay ilalagay ko sa aking kanan, at ang mga kambing, na walang iba kundi ang masasama, ay ilalagay ko sa aking kaliwa. 34 Pagkatapos, bilang Hari ay sasabihin ko sa mga tao sa aking kanan, ‘Halikayo, kayong mga pinagpala ng aking Ama. Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang mundo. 35 Sapagkat nang nagutom ako ay pinakain ninyo ako, at nang nauhaw ako ay pinainom ninyo. Nang naging dayuhan ako ay pinatuloy ninyo ako sa inyong tahanan, 36 at nang wala akong maisuot ay binihisan ninyo. Nang may sakit ako ay inalagaan ninyo, at nang nasa kulungan ako ay binisita ninyo.’ 37 Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? 38 Kailan namin kayo nakitang naging dayuhan at aming pinatuloy o walang maisuot at aming binihisan? 39 Kailan namin kayo nakitang may sakit o nasa kulungan at aming binisita?’ 40 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang ginawa nʼyo ito sa pinakahamak kong mga kapatid, para na rin nʼyo itong ginawa sa akin.’
41 “Pagkatapos, sasabihin ko naman sa mga tao sa aking kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga isinumpa ng Dios! Doon kayo sa walang katapusang apoy na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. 42 Sapagkat nang nagutom ako ay hindi nʼyo ako pinakain, at nang nauhaw ako ay hindi nʼyo pinainom. 43 Nang naging dayuhan ako ay hindi nʼyo ako pinatuloy sa inyong tahanan, at nang wala akong maisuot ay hindi nʼyo binihisan. Nang may sakit ako at nasa kulungan ay hindi nʼyo ako inalagaan.’ 44 Tatanungin nila ako, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, naging dayuhan, walang maisuot, may sakit o nasa kulungan at hindi namin kayo tinulungan?’ 45 At sasagot ako bilang Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo ang totoo, nang hindi ninyo tinulungan ang pinakahamak kong mga kapatid, ako ang hindi ninyo tinulungan.’ 46 Itataboy ko ang mga taong ito sa walang hanggang kaparusahan, ngunit bibigyan ko ang mga matuwid ng buhay na walang hanggan.”
Ang Planong Pagpatay kay Jesus(AL)
26 Pagkatapos ipangaral ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 2 “Alam nʼyo na dalawang araw na lang at sasapit na ang Pista ng Paglampas ng Anghel,[bg] at ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga taong kumokontra sa akin upang ipako sa krus.” 3 Nang mga oras na iyon, ang mga namamahalang pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nagpupulong sa palasyo ni Caifas na punong pari. 4 Pinagplanuhan nila kung paano dadakpin si Jesus nang hindi nalalaman ng mga tao, at pagkatapos ay ipapapatay. 5 Sinabi nila, “Huwag nating gawin sa pista dahil baka magkagulo ang mga tao.”
Binuhusan ng Pabango si Jesus(AM)
6 Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na dating may malubhang sakit sa balat, 7 lumapit sa kanya ang isang babae. May dala itong mamahaling pabango sa isang sisidlang yari sa batong alabastro. At habang kumakain si Jesus, ibinuhos ng babae ang pabango sa ulo ni Jesus. 8 Nagalit ang mga tagasunod ni Jesus nang makita ito. Sinabi nila, “Bakit niya sinasayang ang pabangong iyan? 9 Maipagbibili sana iyan sa malaking halaga, at maibibigay ang pera sa mga mahihirap.” 10 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo ginugulo ang babae? Mabuti ang ginawa niyang ito sa akin. 11 Ang mga mahihirap ay lagi ninyong makakasama, pero ako ay hindi. 12 Binuhusan niya ako ng pabango para ihanda ang aking katawan sa libing. 13 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kahit saan man ipapangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, ipapahayag din ang ginawa niyang ito sa akin bilang pag-alaala sa kanya.”
Nakipagkasundo si Judas sa mga Kaaway ni Jesus(AN)
14 Si Judas Iscariote na isa sa 12 tagasunod ay pumunta sa mga namamahalang pari. 15 Sinabi niya sa kanila, “Ano po ang ibabayad ninyo sa akin kung tutulungan ko kayong madakip si Jesus?” Noon din ay binigyan nila si Judas ng 30 pirasong pilak. 16 Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang traydurin si Jesus.
Sinabi ni Jesus na Tatraydurin Siya(AO)
17 Nang dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga tagasunod ni Jesus at nagtanong, “Saan nʼyo po gustong maghanda kami ng hapunan para sa Pista ng Paglampas ng Anghel?” 18 Sumagot si Jesus, “Pumunta kayo sa lungsod ng Jerusalem, doon sa taong binanggit ko sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi ng Guro na malapit na ang kanyang oras, at gusto niyang ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel sa iyong bahay, kasama ang mga tagasunod niya.’ ” 19 Sinunod nila ang utos ni Jesus, at inihanda nila roon ang hapunan para sa pista.
20 Kinagabihan, naghapunan si Jesus at ang 12 tagasunod. 21 Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang isa sa inyo ay magtatraydor sa akin.” 22 Nalungkot sila nang marinig iyon, at isa-isa silang nagtanong sa kanya, “Panginoon, hindi po ako iyon, di po ba?” 23 Sumagot siya, “Ang kasabay kong sumawsaw ng tinapay sa mangkok ang siyang magtatraydor sa akin. 24 Ako na Anak ng Tao ay papatayin ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ngunit nakakaawa ang taong magtatraydor sa akin! Mabuti pang hindi na siya ipinanganak.” 25 Nagtanong din si Judas na siyang magtatraydor sa kanya, “Guro, ako po ba iyon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.”
Huling Hapunan ni Jesus(AP)
26 Habang kumakain sila, kumuha si Jesus ng tinapay. Nagpasalamat siya sa Dios at pagkatapos ay hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Kunin ninyo at kainin; ito ang aking katawan.” 27 Pagkatapos, kumuha siya ng inumin,[bh] nagpasalamat sa Dios, at ibinigay sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito, 28 dahil ito ang aking dugo na ibubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng maraming tao. Katibayan ito ng bagong[bi] kasunduan ng Dios sa mga tao. 29 Sinasabi ko sa inyo na hindi na ako muling iinom ng inuming mula sa ubas hanggang sa araw ng paghahari ng aking Ama. At sa araw na iyon, iinom ako ng bagong klase ng inumin kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” 30 Umawit sila ng papuri sa Dios, at pagkatapos ay pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo.
Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro(AQ)
31 Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iiwan ninyo akong lahat ngayong gabi, dahil sinabi ng Dios sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magsisipangalat ang mga tupa.’[bj] 32 Ngunit pagkatapos na mabuhay akong muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” 33 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Kahit iwanan kayo ng lahat, hinding-hindi ko po kayo iiwan.” 34 Sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” 35 Sinabi ni Pedro, “Hinding-hindi ko po kayo ikakaila, kahit na patayin pa akong kasama ninyo.” At ganoon din ang sinabi ng iba pang mga tagasunod.
Nanalangin si Jesus sa Getsemane(AR)
36 Pagkatapos, pumunta si Jesus kasama ang mga tagasunod niya sa lugar na kung tawagin ay Getsemane. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Maupo muna kayo rito. Pupunta ako sa banda roon upang manalangin.” 37 Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedee. Nagsimulang mabagabag at maghinagpis nang lubos si Jesus, 38 at sinabi niya sa kanila, “Para akong mamamatay sa labis na kalungkutan. Dito lang kayo at magpuyat.” 39 Lumayo siya nang kaunti, lumuhod at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[bk] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.”
40 Binalikan ni Jesus ang tatlo niyang tagasunod at dinatnan niya silang natutulog. Sinabi niya kay Pedro, “Hindi ba talaga kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras lang? 41 Magpuyat kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espirituʼy handang sumunod, ngunit mahina ang laman.”[bl]
42 Lumayong muli si Jesus at nanalangin, “Ama ko, kung kinakailangang daanan ko ang paghihirap na ito, nawaʼy mangyari ang kalooban ninyo.” 43 Pagkatapos, muli niyang binalikan ang mga tagasunod niya at nadatnan na naman niya silang natutulog, dahil antok na antok na sila.
44 Lumayo ulit si Jesus sa ikatlong pagkakataon at nanalangin tulad ng nauna niyang panalangin. 45 Binalikan niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tingnan ninyo! Dumating na ang oras na ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa mga makasalanan. 46 Tayo na! Narito na ang taong nagtatraydor sa akin.”
Ang Pagdakip kay Jesus(AS)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na isa sa 12 tagasunod. Marami siyang kasama na armado ng mga espada at pamalo. Isinugo sila ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 48 Ganito ang palatandaan na ibinigay ng traydor na si Judas sa mga huhuli kay Jesus: “Ang babatiin ko sa pamamagitan ng isang halik ang siyang pakay ninyo. Dakpin ninyo siya.” 49 Lumapit si Judas kay Jesus at bumati, “Magandang gabi sa iyo, Guro!” saka hinalikan siya. 50 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo rito.” Kaya lumapit ang mga tao at dinakip si Jesus. 51 Bumunot ng espada ang isa sa mga tagasunod ni Jesus at tinaga ang alipin ng punong pari, at naputol ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo ang iyong espada sa lalagyan nito! Ang gumagamit ng espada ay sa espada rin mamamatay. 53 Hindi mo ba alam na pwede akong humingi ng tulong sa aking Ama, at kaagad niya akong padadalhan ng 12 batalyon ng mga anghel? 54 Ngunit kung gagawin ko iyon, paano matutupad ang Kasulatan na nagsasabing ito ang dapat mangyari?”
55 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tao, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo at nagtuturo. Bakit hindi ninyo ako dinakip? 56 Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang isinulat ng mga propeta.” Iniwan siya noon din ng mga tagasunod niya at nagsitakas sila.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®