Bible in 90 Days
Dinala si Jesus sa Korte ng mga Judio(A)
57 Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ng punong pari na si Caifas. Doon ay nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng mga Judio. 58 Sumunod din si Pedro roon, pero malayu-layo siya kay Jesus. Pumasok siya sa bakuran ng punong pari at nakiupo sa mga guwardya upang malaman kung ano ang mangyayari kay Jesus. 59 Doon sa loob, ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay nagsisikap na makakuha ng mga ebidensya laban kay Jesus upang mahatulan siya ng kamatayan. 60 Pero wala silang nakuha, kahit marami pa ang lumapit at sumaksi ng kasinungalingan. Nang bandang huli, may dalawang lalaking lumapit 61 at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya niyang gibain ang templo ng Dios at sa loob ng tatlong araw ay itatayo niya itong muli.”
62 Tumayo ang punong pari at tinanong si Jesus, “Wala ka bang maisasagot sa mga paratang na iyan laban sa iyo?” 63 Hindi sumagot si Jesus. Kaya tinanong siyang muli ng punong pari, “Sa ngalan ng buhay na Dios, sabihin mo sa amin ngayon: Ikaw ba ang Cristo na Anak ng Dios?” 64 Sumagot si Jesus, “Ikaw na mismo ang nagsabi. At nais kong sabihin sa inyong lahat na mula ngayon ay makikita ninyo ako na Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihan na Dios. At makikita rin ninyo ako na dumarating mula sa ulap dito sa mundo.”
65 Nang marinig iyon ng punong pari, pinunit niya ang kanyang damit sa galit at sinabi, “Nilalapastangan niya ang Dios! Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang paglapastangan niya sa Dios! 66 Ano ngayon ang hatol ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay.” 67 Dinuraan nila si Jesus sa mukha at binugbog. Sinampal naman siya ng iba, 68 at sinabi, “Kung ikaw ang Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!”
Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus(B)
69 Samantala, habang nakaupo si Pedro sa loob ng bakuran, nilapitan siya ng isang utusang babae ng punong pari at sinabi, “Kasama ka ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” 70 Pero itinanggi ito ni Pedro sa harap ng mga tao. Sinabi niya, “Hindi ko alam ang mga sinasabi mo.” 71 Kaya pumunta si Pedro sa may labasan, at isa pang utusang babae ang nakakita sa kanya at sinabi sa mga tao roon, “Ang taong iyan ay kasama ni Jesus na taga-Nazaret.” 72 Muli itong itinanggi ni Pedro at sinabi, “Sumpa man, hindi ko kilala ang taong iyan!” 73 Maya-maya, nilapitan si Pedro ng iba pang naroon at sinabi, “Isa ka nga sa mga kasamahan ni Jesus, dahil halata sa pagsasalita mo.” 74 Sumagot si Pedro, “Sumpa man at mamatay man ako! Hindi ko kilala ang taong iyan!” Noon din ay tumilaok ang manok, 75 at naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.
Dinala si Jesus kay Pilato(C)
27 Kinaumagahan, nagplano ang lahat ng namamahalang pari at ang pinuno ng mga Judio kung ano ang gagawin nila para maipapatay si Jesus. 2 Ginapos nila si Jesus at dinala kay Gobernador Pilato.
Ang Pagkamatay ni Judas(D)
3 Nang malaman ng traydor na si Judas na hinatulan ng kamatayan si Jesus, nagsisi siya sa kanyang ginawa at isinauli ang 30 pirasong pilak sa mga namamahalang pari at mga pinuno ng mga Judio. 4 Sinabi niya sa kanila, “Nagkasala ako dahil ibinigay ko sa inyo ang isang taong walang kasalanan.” Pero sumagot sila, “Ano ang pakialam namin diyan? Problema mo na iyan.” 5 Itinapon ni Judas sa templo ang salapi. Pagkatapos ay umalis siya at nagbigti.
6 Pinulot ng mga namamahalang pari ang salapi at sinabi, “Hindi natin maaaring ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng templo, dahil ibinayad ito upang maipapatay ang isang tao. Labag ito sa ating Kautusan.” 7 Kaya napagkasunduan nilang gamitin ang salapi para bilhin ang bukid ng magpapalayok at gawing libingan ng mga dayuhan. 8 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay tinatawag pa rin ang lugar na iyon na “Bukid ng Dugo.”
9 Sa pangyayaring iyon, natupad ang ipinahayag ni Propeta Jeremias nang sabihin niya, “Kinuha nila ang 30 pirasong pilak, ang halagang napagkasunduan ng mga taga-Israel na ipambili sa kanya, 10 at ginamit nila ang pera bilang pambili ng bukid ng magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.”[a]
Inimbestigahan ni Pilato si Jesus(E)
11 Nang madala na si Jesus kay Pilato, tinanong siya nito, “Ikaw nga ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.” 12 Pero hindi sumagot si Jesus sa mga paratang ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. 13 Kaya tinanong siyang muli ni Pilato, “Bakit ayaw mong sagutin ang mga paratang nila sa iyo?” 14 Pero hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya nagtaka ang gobernador.
Hinatulan si Jesus ng Kamatayan(F)
15 Tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel, nakaugalian na ng Gobernador na magpalaya ng isang bilanggo na gustong palayain ng mga tao. 16 Nang panahong iyon, may isang kilalang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. 17 Nang magtipon ang mga tao, tinanong sila ni Pilato, “Sino ang gusto ninyong palayain ko? Si Barabas o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Alam ni Pilato na pagkainggit ang nagtulak sa pamunuan ng mga Judio na dalhin sa kanya si Jesus.
19 Habang nakaupo si Pilato sa hukuman, nagpadala ang kanyang asawa ng ganitong mensahe: “Huwag mong pakialaman ang taong iyan na walang kasalanan, sapagkat nabagabag ako nang husto dahil sa panaginip ko tungkol sa kanya.”
20 Pero sinulsulan ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang mga tao na hilingin kay Pilato na si Barabas ang palayain, at si Jesus ang ipapatay. 21 Kaya nagtanong ulit si Pilato sa mga tao, “Sino sa dalawa ang gusto ninyong palayain ko?” Sumigaw sila, “Si Barabas!” 22 Nagtanong pa ulit si Pilato, “Ano ngayon ang gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?” Sumagot ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 23 Tinanong sila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang kasalanan?” Pero lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 24 Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa dahil nagsisimula nang magkagulo ang mga tao, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao at sinabi, “Wala akong pananagutan sa kamatayan ng taong ito. Kayo ang dapat managot. Malinis ang kamay ko sa bagay na ito.” 25 Sumagot ang mga tao, “Kami at ang mga anak namin ang mananagot sa kanyang kamatayan!” 26 Pagkatapos, pinalaya ni Pilato si Barabas. Pero si Jesus ay ipinahagupit niya at saka ibinigay sa mga sundalo upang ipako sa krus.
Pinahirapan ng mga Sundalo si Jesus(G)
27 Dinala ng mga sundalo si Jesus sa loob ng palasyo ng gobernador, at nagtipon ang buong batalyon ng mga sundalo sa paligid niya. 28 Hinubaran nila siya at sinuotan ng pulang kapa. 29 Gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong sa kanya, at ipinahawak ang tungkod sa kanyang kanang kamay bilang setro[b] niya. Lumuhod sila sa harap niya at pakutyang sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Dinuraan nila si Jesus at kinuha ang tungkod sa kanyang kamay at paulit-ulit nilang inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos nilang kutyain si Jesus, hinubad nila sa kanya ang kapa at isinuot muli sa kanya ang damit niya. Pagkatapos, dinala nila siya sa labas ng lungsod upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus(H)
32 Nang nasa labas na sila ng lungsod, nakita nila ang isang lalaking taga-Cyrene na ang pangalan ay Simon. Sapilitan nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 33 Pagdating nila sa lugar na tinatawag na Golgota, na ang ibig sabihin ay “lugar ng bungo,” 34 pinainom nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, pero nang matikman ito ni Jesus ay hindi niya ininom.
35 Ipinako nila si Jesus sa krus, at pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. 36 Pagkatapos, naupo sila at binantayan si Jesus. 37 Naglagay sila ng karatula sa ulunan ni Jesus, at ganito ang nakasulat na paratang laban sa kanya: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawa ring tulisan na ipinako sa krus kasabay ni Jesus, isa sa kanan at isa sa kaliwa.
39 Ininsulto si Jesus ng mga taong napapadaan doon. Napapailing sila 40 at sinasabi, “Hindi baʼt sinasabi mong gigibain mo ang templo at muli mong itatayo sa loob ng tatlong araw? Bakit hindi mo iligtas ang iyong sarili? Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, bumaba ka sa krus!” 41 Ganoon din ang pangungutya ng mga namamahalang pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng mga Judio. Sinabi nila, 42 “Iniligtas niya ang iba, pero hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Hindi baʼt siya ang Hari ng Israel? Kung bababa siya sa krus, maniniwala na kami sa kanya. 43 Nagtitiwala siya sa Dios at sinasabi niyang siya ang Anak ng Dios. Ngayon, tingnan natin kung talagang ililigtas siya ng Dios!” 44 Maging ang mga tulisang ipinakong kasama niya ay nang-insulto rin sa kanya.
Ang Pagkamatay ni Jesus(I)
45 Nang mag-alas dose na ng tanghali, dumilim ang buong lupain sa loob ng tatlong oras. 46 Nang mag-alas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus nang malakas, “Eloi, Eloi, lema sabachtani?” na ang ibig sabihin ay “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[c] 47 Nang marinig iyon ng mga nakatayo roon, sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias.” 48 Agad namang tumakbo ang isang tao at kumuha ng espongha at isinawsaw sa maasim na alak. Ikinabit niya ito sa dulo ng isang patpat at idinampi sa bibig ni Jesus upang sipsipin niya. 49 Pero sinabi naman ng iba, “Hayaan mo siya. Tingnan natin kung darating nga si Elias para iligtas siya.” 50 Muling sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga.
51 Nang sandali ring iyon, nahati mula sa itaas hanggang sa ibaba ang kurtina sa loob ng templo. Lumindol sa buong lupain at nagkabitak-bitak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan at maraming banal[d] ang muling nabuhay. 53 Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, pumunta sila sa Jerusalem[e] at marami ang nakakita sa kanila.
54 Ang kapitan at ang kanyang mga sundalo na nagbabantay kay Jesus ay nasindak nang mayanig ang lupa at nang makita ang mga pangyayari. Sinabi nila, “Totoo ngang siya ang Anak ng Dios!” 55 Sa di-kalayuan ay maraming babae na nanonood sa mga pangyayari. Noong umalis si Jesus sa Galilea, sumunod ang mga babaeng ito sa kanya at tinulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. 56 Kabilang sa kanila si Maria na taga-Magdala,[f] si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang asawa ni Zebedee.
Ang Paglilibing kay Jesus(J)
57 Nang magtakip-silim, isang mayamang lalaki na taga-Arimatea ang dumating. Siya ay si Jose na isa ring tagasunod ni Jesus. 58 Pumunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At iniutos naman ni Pilato na ibigay ito sa kanya. 59 Kaya kinuha ni Jose ang bangkay at binalot ng malinis na telang linen. 60 Inilagay niya ito sa bagong libingang hinukay sa gilid ng burol, na ipinagawa niya para sana sa sarili. Pagkatapos, pinagulong niya ang isang malaking bato upang takpan ang pintuan ng libingan, at saka siya umalis. 61 Si Maria na taga-Magdala at ang isa pang Maria ay naroong nakaupo sa harap ng libingan.
Naglagay ng mga Guwardya sa Libingan
62 Kinabukasan, Araw ng Pamamahinga, pumunta ang mga namamahalang pari at ang mga Pariseo kay Pilato. 63 Sinabi nila, “Natatandaan po namin na noong buhay pa ang mapagpanggap na iyon, sinabi niya na mabubuhay daw siyang muli pagkatapos ng tatlong araw. 64 Kaya mabuti sigurong pabantayan po ninyo ang kanyang libingan sa mga susunod na araw, dahil baka nakawin ng mga tagasunod niya ang kanyang bangkay at ipamalitang nabuhay siya. Kapag nangyari ito, mas magiging masahol pa ang pandarayang ito kaysa sa noong una.” 65 Sumagot si Pilato sa kanila, “May mga guwardya kayo. Kayo na ang magpabantay ayon sa nalalaman ninyo.” 66 Kaya pumunta sila sa libingan, at tinatakan nila ang bato na nakatakip sa libingan upang malaman nila kung may nagbukas, at nag-iwan sila roon ng ilang mga bantay.
Muling Nabuhay si Jesus(K)
28 Madaling-araw ng Linggo, makalipas ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sa libingan si Maria na taga-Magdala kasama ang isa pang Maria upang tingnan ito. 2 Biglang lumindol nang malakas, at isang anghel ng Panginoon ang bumaba mula sa langit at iginulong ang bato na nakatakip sa libingan at inupuan ito. 3 Nakakasilaw na parang kidlat ang kanyang anyo at puting-puti ang kanyang damit. 4 Nanginig sa takot ang mga sundalong nagbabantay sa libingan at hinimatay.
5 Sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot! Alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. 6 Wala na siya rito, dahil nabuhay siyang muli tulad ng sinabi niya sa inyo. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan ng kanyang bangkay.” 7 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, “Puntahan nʼyo agad ang mga tagasunod niya, at sabihin ninyo sa kanila na nabuhay siyang muli at mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita. Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo!” 8 Kaya dali-dali silang umalis sa libingan. At kahit natatakot sila, masaya pa rin sila sa ibinalita sa kanila ng anghel. Patakbo nilang pinuntahan ang mga tagasunod ni Jesus upang ibalita ang pangyayari.
9 Pero maya-maya, sinalubong sila ni Jesus sa daan at binati. Lumapit sila kay Jesus, niyakap ang kanyang mga paa at sinamba siya. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Puntahan ninyo ang aking mga kapatid at sabihin sa kanila na pumunta sila sa Galilea. Doon nila ako makikita.”
Ang Ulat ng Mga Guwardya
11 Pagkaalis ng mga babae sa libingan, pumunta naman sa lungsod ang ilan sa mga guwardya upang ibalita sa mga namamahalang pari ang nangyari. 12 Matapos makipagpulong ng mga namamahalang pari sa mga pinuno ng mga Judio, sinuhulan nila ng malaking halaga ang mga bantay. 13 Sinabi nila sa mga bantay, “Ipamalita ninyo na habang natutulog kayo kagabi, dumating ang mga tagasunod ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay. 14 Kapag narinig ito ng gobernador, kami na ang bahalang magpaliwanag sa kanya, para hindi kayo mapahamak.” 15 Tinanggap ng mga guwardya ang pera at ginawa ang sinabi sa kanila. Kaya hanggang ngayon, ito pa rin ang kwentong ikinakalat ng mga Judio.
Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(L)
16 Pumunta ang 11 tagasunod ni Jesus sa Galilea, doon sa isang bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. 17 Nang makita nila si Jesus, sumamba sila sa kanya, kahit na ang ilan ay may pagdududa. 18 Lumapit sa kanila si Jesus at sinabi, “Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. 19 Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. 20 Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo.”
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(M)
1 1-2 Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. Nagsimula ito nang matupad ang isinulat ni Propeta Isaias tungkol sa sinabi ng Dios sa kanyang Anak: “Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.[g] 3 Maririnig ang kanyang sigaw sa ilang, na nagsasabi,
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon,
tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[h]
4-5 At natupad ito noong dumating si Juan na tagapagbautismo roon sa ilang. Napakaraming tao ang pumunta sa kanya galing sa Jerusalem at sa buong lalawigan ng Judea. Nangaral si Juan sa mga tao, “Magsisi kayo at talikdan ang inyong mga kasalanan; magpabautismo kayo para sa kapatawaran ng inyong mga kasalanan.” Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan. 6 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kanyang kinakain ay balang at pulot pukyutan. 7 Ito ang ipinapahayag niya, “May isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin at hindi man lang ako karapat-dapat na maging alipin niya.[i] 8 Binabautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(N)
9 Sa panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret na sakop ng Galilea at nagpabautismo kay Juan sa Ilog ng Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang langit at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu tulad ng isang kalapati. 11 At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak, na lubos kong kinalulugdan.”
12 At noon din ay pinapunta siya ng Banal na Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya roon ng 40 araw na tinutukso ni Satanas. May mababangis na hayop doon, pero tinulungan si Jesus ng mga anghel.
Tinawag ni Jesus ang Apat na Mangingisda(O)
14 Nang mabilanggo si Juan na tagapagbautismo, pumunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balita na mula sa Dios. 15 Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon! Malapit na[j] ang paghahari ng Dios. Pagsisihan na ninyo ang inyong mga kasalanan at maniwala kayo sa Magandang Balita!”
16 Isang araw, habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila ng lambat. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.”[k] 18 Iniwan nila agad ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
19 Nagpatuloy si Jesus sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang dalawang anak ni Zebedee na sina Santiago at Juan na nag-aayos ng kanilang lambat sa bangka nila. 20 Agad silang tinawag ni Jesus. Iniwan nila sa bangka ang ama nilang si Zebedee at ang mga tauhan nila, at sumunod kay Jesus.
Ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(P)
21 Pumunta sina Jesus sa Capernaum. Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio at doon ay nangaral si Jesus. 22 Namangha ang mga tao sa mga aral niya, dahil nangangaral siya nang may awtoridad, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan.
23 May isang tao roon na sinasaniban ng masamang espiritu ang biglang nagsisigaw: 24 “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na sugo ng Dios!” 25 Pero sinaway ni Jesus ang masamang espiritu, “Tumahimik ka at lumabas sa kanya!” 26 Pinangisay ng masamang espiritu ang tao, at sumigaw siya habang lumalabas. 27 Namangha ang lahat ng naroon, at sinabi nila sa isaʼt isa, “Ano ito? Isang bagong aral na may kapangyarihan! Pati ang masasamang espiritu ay nauutusan niya at sumusunod sila!” 28 At mabilis na kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong Galilea.
Maraming Pinagaling si Jesus(Q)
29 Mula sa sambahan ng mga Judio, pumunta sina Jesus sa bahay nina Simon at Andres. Kasama pa rin nila sina Santiago at Juan. 30 Nakahiga noon ang biyenang babae ni Simon dahil nilalagnat. Sinabi agad nila ito kay Jesus. 31 Nilapitan ni Jesus ang may sakit, hinawakan ang kamay nito at ibinangon. Biglang nawala ang lagnat ng babae, at pinagsilbihan niya sina Jesus.
32 Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng may sakit at ang mga sinasaniban ng masamang espiritu. 33 At ang lahat ng tao sa bayang iyon ay nagkatipon-tipon sa harapan ng pinto ng bahay. 34 Maraming may sakit ang pinagaling ni Jesus, anuman ang kanilang karamdaman, at pinalayas din niya ang maraming masamang espiritu. Hindi niya pinayagang magsalita ang masasamang espiritu, dahil alam nila kung sino siya.
Nangaral si Jesus sa Galilea(R)
35 Kinabukasan ng madaling-araw, bumangon si Jesus at pumunta sa ilang upang manalangin. 36 Hinanap siya nina Simon at ng kanyang mga kasama. 37 Nang matagpuan nila si Jesus, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” 38 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Pumunta naman tayo sa mga kalapit-bayan, para makapangaral din ako roon, dahil ito ang dahilan kung bakit ako naparito sa mundo.” 39 Kaya nilibot ni Jesus ang buong Galilea at nangaral siya sa mga sambahan ng mga Judio at nagpalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinaniban ng mga ito.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Lalaking May Malubhang Sakit sa Balat(S)
40 Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may malubhang sakit sa balat.[l] Lumuhod ito sa harap niya at nagmakaawang pagalingin siya. Sinabi niya, “Kung gusto nʼyo po, mapapagaling nʼyo ako upang maituring akong malinis.”[m] 41 Naawa si Jesus sa kanya. Kaya hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Gusto ko. Luminis ka!” 42 Gumaling agad ang sakit niya, at siya ay luminis. 43-44 Pinaalis siya agad ni Jesus at binilinan, “Huwag mo itong ipagsasabi kahit kanino. Sa halip, pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay na malinis ka na.” 45 Pero pagkaalis niya, ipinamalita niya ang nangyari sa kanya. Kaya kumalat ang balitang ito hanggang sa hindi na lantarang makapasok si Jesus sa mga bayan dahil pinagkakaguluhan siya ng mga tao. Kaya roon na lang siya nanatili sa mga ilang. Pero pumupunta pa rin doon ang mga tao mula sa ibaʼt ibang lugar.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Paralitiko(T)
2 1-2 Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum. Agad namang kumalat ang balitang naroon siya. Kaya napakaraming tao ang nagtipon doon sa tinutuluyan niya hanggang sa wala nang lugar kahit sa labas ng pintuan. At ipinangaral niya sa kanila ang salita ng Dios. 3 Habang siya ay nangangaral, may mga taong dumating kasama ang isang paralitikong nasa higaan na buhat-buhat ng apat na lalaki. 4 Dahil sa dami ng tao, hindi sila makalapit kay Jesus. Kaya binutasan nila ang bubong sa tapat ni Jesus at saka ibinaba ang paralitikong nakahiga sa kanyang higaan. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” 6 Narinig ito ng ilang mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo roon. Sinabi nila sa kanilang sarili, 7 “Bakit siya nagsasalita ng ganyan? Nilalapastangan niya ang Dios! Walang makakapagpatawad ng kasalanan kundi ang Dios lang!” 8 Nalaman agad ni Jesus ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip ng ganyan? 9 Alin ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad’? 10 Ngayon, papatunayan ko sa inyo sa pamamagitan ng pagpapagaling sa taong ito na ako na Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko, 11 “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at umuwi!” 12 Tumayo nga ang paralitiko, agad na binuhat ang kanyang higaan at lumabas habang nakatingin ang lahat. Namangha ang lahat at pinuri nila ang Dios. Sinabi nila, “Ngayon lang kami nakakita ng ganito.”
Tinawag ni Jesus si Levi(U)
13 Muling pumunta si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. Maraming tao ang pumunta roon sa kanya, at tinuruan niya ang mga ito. 14 Habang naglalakad siya, nakita niya ang maniningil ng buwis na si Levi na anak ni Alfeus. Nakaupo siya sa lugar na pinagbabayaran ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod kay Jesus.
15 Habang kumakain si Jesus at ang mga tagasunod niya sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at iba pang mga itinuturing na makasalanan ang kasama nilang kumakain, dahil marami sa kanila ang sumusunod kay Jesus. 16 May mga Pariseong tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nang makita nilang kumakain si Jesus kasama ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang mga itinuturing nilang makasalanan, sinabi nila sa mga tagasunod niya, “Bakit kumakain siyang kasama ng mga taong iyan?” 17 Narinig iyon ni Jesus, kaya sinagot niya ang mga ito, “Ang mga taong walang sakit ay hindi nangangailangan ng doktor, kundi ang mga may sakit. Naparito ako hindi upang tawagin ang mga taong matuwid sa kanilang sariling paningin, kundi ang mga makasalanan.”
Ang Tanong tungkol sa Pag-aayuno(V)
18 Nang minsang nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan na tagapagbautismo at ang mga Pariseo, lumapit ang ilang mga tao kay Jesus at nagtanong, “Bakit po nag-aayuno ang mga tagasunod ni Juan at ang mga Pariseo pero ang mga tagasunod nʼyo ay hindi?” 19 Sumagot si Jesus, “Maaari bang hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Siyempre, hindi! 20 Ngunit darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal, at saka sila mag-aayuno.”
21 Sinabi pa ni Jesus, “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit, dahil uurong[n] ang bagong tela kapag nilabhan at lalo pang lalaki ang punit. 22 Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat, dahil puputok ang sisidlan at matatapon ang alak, at pareho itong hindi na mapapakinabangan. Sa halip, inilalagay ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat.”[o]
Ang Tanong tungkol sa Araw ng Pamamahinga(W)
23 Isang Araw ng Pamamahinga, habang dumadaan sina Jesus sa triguhan, nagsimulang mamitas ng trigo ang mga tagasunod niya. 24 Kaya sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Bakit nila ginagawa ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?” 25 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nʼyo ba nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David at ng mga kasama niya nang magutom sila at walang makain? 26 Pumasok si David sa bahay ng Dios noong si Abiatar ang punong pari. Kinain ni David ang tinapay na inihandog sa Dios, at binigyan pa niya ang mga kasamahan niya, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito.” 27 At sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Ginawa ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao. Hindi ginawa ang tao para sa ikabubuti ng Araw ng Pamamahinga. 28 Kaya ako na Anak ng Tao ang makapagsasabi kung ano ang nararapat gawin sa Araw ng Pamamahinga.”
Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(X)
3 Muling pumasok si Jesus sa sambahan ng mga Judio. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. 2 Araw ng Pamamahinga noon, kaya binantayang mabuti ng mga Pariseo si Jesus kung pagagalingin niya ang lalaking iyon, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3 Sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa harapan.” 4 Pagkatapos, tinanong niya ang mga Pariseo, “Alin ba ang ipinapahintulot ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga: ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Pero hindi sila sumagot. 5 Galit silang tiningnan ni Jesus, pero nalungkot din siya sa katigasan ng kanilang mga puso. Bumaling siya sa lalaki at sinabi, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 6 Agad na umalis ang mga Pariseo at nakipagpulong sa mga tauhan ni Haring Herodes. Pinag-usapan nila kung paano nila ipapapatay si Jesus.
Sinundan ng Maraming Tao si Jesus sa Tabi ng Lawa
7 Pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa tabi ng lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao na galing sa Galilea, 8 Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabila ng Ilog ng Jordan, at sa palibot ng Tyre at Sidon. Dinayo siya ng mga tao dahil nabalitaan nila ang mga ginagawa niya. 9 Dahil sa dami ng tao, nagpahanda ng isang bangka si Jesus sa mga tagasunod niya, para may masakyan siya kung sakaling magsiksikan sa kanya ang mga tao. 10 Maraming pinagaling si Jesus, kaya dinumog siya ng lahat ng may sakit para mahawakan man lang siya. 11 Kapag nakikita siya ng mga taong sinasaniban ng masamang espiritu, lumuluhod sila sa harap niya at sumisigaw: “Ikaw ang Anak ng Dios!” 12 Pero mahigpit niya silang pinagbawalan na sabihin sa iba kung sino siya.
Pumili si Jesus ng Labindalawang Apostol(Y)
13 Pagkatapos, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag niya ang mga taong nais niyang piliin. At lumapit sila sa kanya. 14 Pumili siya ng 12 [na tinawag niyang mga apostol] upang makasama niya at suguing mangaral. 15 Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 16 [Ito ang 12 apostol na kanyang pinili:] si Simon na tinawag niyang Pedro, 17 sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedee (tinawag niya silang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog), 18 si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan[p] 19 at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.
Si Jesus at si Satanas(Z)
20 Pag-uwi ni Jesus sa bahay na tinutuluyan niya, muling dumating ang napakaraming tao kaya siya at ang mga tagasunod niya ay hindi man lang nagkaroon ng panahon para kumain. 21 Nang mabalitaan ng pamilya ni Jesus ang mga ginagawa niya, siyaʼy sinundo nila, dahil sinasabi ng mga tao na nasisiraan na siya ng bait.
22 May dumating namang mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem, at sinabi nila, “Sinasaniban siya ni Satanas[q] na pinuno ng masasamang espiritu. At ito ang nagbibigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu.” 23 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at nagsalita siya sa kanila sa pamamagitan ng paghahalintulad, “Magagawa ba ni Satanas na palayasin ang mga kampon niya? 24 Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak ang kahariang iyon. 25 Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, babagsak din siya at hindi na makakabangon pa.
27 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi niya muna ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[r]
28 “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, lahat ng kasalanan, at anumang paglalapastangan sa Dios ay maaaring mapatawad. 29 Ngunit ang sinumang lumapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi talaga mapapatawad. Ang ganitong kasalanan ay hindi mapapatawad magpakailanman.” 30 Sinabi iyon ni Jesus dahil sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na siya ay may masamang espiritu.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(AA)
31 Samantala, dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Nakatayo sila sa labas at ipinatawag nila siya. 32 Maraming tao ang nakaupo sa paligid niya. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at ipinapatawag kayo.” 33 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 34 Tiningnan niya ang mga taong nakapalibot sa kanya at sinabi, “Ang mga ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AB)
4 Muling nagturo si Jesus sa tabi ng lawa ng Galilea. At dahil sa dami ng taong nakapalibot sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon umupo, habang ang mga tao namaʼy nasa dalampasigan. 2 Marami siyang itinuro sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, 3 “Makinig kayo! May isang magsasakang naghasik ng binhi. 4 Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga binhing iyon. 5 May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar, kung saan walang gaanong lupa. Mabilis na tumubo ang binhi dahil mababaw ang lupa. 6 Ngunit natuyo rin ito nang masikatan ng araw, at dahil hindi malalim ang ugat, namatay ito. 7 May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Lumago ang mga damo at natakpan ang mga tumubong binhi kaya hindi namunga. 8 Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo at lumago ang mga ito, at namunga. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[s] 9 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[t]
Ang Layunin ng mga Talinghaga(AC)
10 Nang nakauwi na ang mga tao, tinanong siya ng 12 apostol at ng iba pang mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghagang iyon. 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa iba[u] ay ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, 12 upang matupad ang nakasulat sa Kasulatan,
‘Tumingin man sila nang tumingin, hindi sila makakakita.
Makinig man sila nang makinig, hindi sila makakaunawa.
Dahil kung makakaunawa sila, magsisisi sila sa kanilang kasalanan at patatawarin sila ng Dios.’[v]”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(AD)
13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung hindi ninyo nauunawaan ang talinghaga na ito, paano ninyo mauunawaan ang iba ko pang mga talinghaga? 14 Ang inihahasik ng manghahasik ay ang salita ng Dios. 15 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. Ngunit dumating agad si Satanas at inagaw ang salita ng Dios na narinig nila. 16 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi, ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios at masaya itong tinanggap kaagad. 17 Ngunit hindi taimtim sa puso ang pagtanggap nila, kaya hindi tumatagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng kahirapan o pag-uusig dahil sa salita ng Dios na tinanggap nila, tumatalikod sila kaagad sa kanilang pananampalataya. 18 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig sa salita ng Dios. 19 Ngunit dahil sa mga alalahanin dito sa mundo, paghahangad na yumaman, at paghahabol sa marami pang mga bagay, nakakalimutan nila ang salita ng Dios, kaya hindi namumunga ang salita sa kanilang buhay. 20 Ngunit ang mabuting lupa na hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig ng salita ng Dios at tumanggap nito. Kaya namumunga ito sa kanilang buhay. Ang ibaʼy katamtaman lang ang bunga; ang ibaʼy marami, at ang iba namaʼy napakarami.”[w]
Ang Talinghaga tungkol sa Ilaw(AE)
21 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Walang taong nagsindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng takalan o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan. 22 Ganoon din naman, walang nakatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag.[x] 23 Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan.”[y] 24 Sinabi pa niya, “Makinig kayong mabuti sa sinasabi ko. Bibigyan kayo ng Dios ng pang-unawa ayon sa inyong pakikinig,[z] at dadagdagan pa niya ito. 25 Sapagkat ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang kaunti niyang naunawaan ay kukunin pa sa kanya.”
Ang Paghahalintulad sa Binhing Tumutubo
26 Sinabi pa ni Jesus, “Ang paghahari ng Dios ay maitutulad sa kwentong ito: May isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. 27 Habang nagtatrabaho siya sa araw at natutulog sa gabi, ang mga binhing inihasik niya ay tumutubo at lumalago kahit na hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa ang nagpapatubo at nagpapabunga sa tanim. Sisibol muna ang mga dahon, saka ang uhay, at pagkatapos ay ang mga butil. 29 At kapag hinog na, inaani ito ng may-ari, dahil panahon na para anihin.”
Ang Paghahalintulad sa Buto ng Mustasa(AF)
30 Sinabi pa ni Jesus, “Sa ano kaya maitutulad ang paghahari ng Dios? Sa ano ko kaya ito maihahambing? 31 Katulad ito ng isang buto ng mustasa[aa] na siyang pinakamaliit sa lahat ng buto. 32 Ngunit kapag naitanim na at tumubo, nagiging mas mataas ito kaysa sa ibang mga halaman, at kahit ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim ng mga sanga nito.”
33 Marami pang mga talinghaga o mga paghahalintulad na gaya ng mga ito ang ginamit ni Jesus sa pagtuturo sa mga tao ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. 34 Hindi siya nangangaral sa mga tao nang hindi gumagamit ng talinghaga, pero ipinapaliwanag naman niya sa mga tagasunod niya kapag sila-sila na lang.
Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(AG)
35 Kinagabihan, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” 36 Kaya iniwan ng mga tagasunod niya ang mga tao at sumakay na rin sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus. May mga bangka ring sumunod sa kanila. 37 Habang naglalayag sila, biglang lumakas ang hangin. Hinampas ng malalaking alon ang bangka nila at halos mapuno na ito ng tubig. 38 Si Jesus ay nasa hulihan ng bangka at natutulog ng nakaunan. Ginising siya ng mga tagasunod niya, “Guro, malulunod na tayo! Balewala lang ba ito sa inyo?” 39 Kaya bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at mga alon. Sinabi niya, “Tigil! Kumalma kayo!” Tumigil nga ang hangin at kumalma ang dagat. 40 Tinanong niya ang mga tagasunod niya, “Bakit kayo natatakot? Wala pa ba kayong pananampalataya sa akin?” 41 Takot na takot sila at nag-usap-usap, “Sino kaya ang taong ito na kahit ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinasaniban ng Masamang Espiritu(AH)
5 Dumating sila sa kabila ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno.[ab] 2 Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking galing sa kwebang libingan. Ang lalaking itoʼy sinasaniban ng masamang espiritu, 3 at doon na siya nakatira sa mga libingan. Hindi siya maigapos ng matagal kahit kadena pa ang gamitin nila. 4 Ilang beses na siyang kinadenahan sa kamay at paa, pero nalalagot niya ang mga ito. Walang nakakapigil sa kanya. 5 Nagsisisigaw siya araw at gabi sa mga libingan at kaburulan, at sinusugatan ang sarili ng matatalas na bato.
6 Malayo pa si Jesus ay nakita na siya ng lalaki. Patakbo siyang lumapit kay Jesus at lumuhod sa harapan niya. 7-8 Sinabi ni Jesus sa masamang espiritu, “Ikaw na masamang espiritu, lumabas ka sa taong iyan!” Sumigaw ang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako, sa pangalan ng Dios, huwag mo akong pahirapan!” 9 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan, dahil marami kami.” 10 At paulit-ulit na nagmakaawa ang masamang espiritu kay Jesus na huwag silang palayasin sa lupaing iyon.
11 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. 12 Nagmakaawa ang masasamang espiritu na kung maaari ay payagan silang pumasok sa mga baboy. 13 Kaya pinayagan sila ni Jesus. Lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang may dalawang libong baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.
14 Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng baboy papunta sa bayan at ipinamalita roon at sa mga kalapit-nayon ang nangyari. Kaya pumunta roon ang mga tao para alamin ang tunay na nangyari. 15 Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasaniban ng kawan ng masasamang espiritu. Nakaupo siya at nakadamit, at matino na ang pag-iisip. Kaya natakot ang mga tao. 16 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung ano ang nangyari sa taong iyon at sa mga baboy. 17 Kaya pinakiusapan nila si Jesus na umalis sa kanilang lugar. 18 Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. 19 Pero hindi pumayag si Jesus. Sa halip, sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka sa pamilya mo at sabihin mo sa kanila ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon at kung paano ka niya kinaawaan.” 20 Kaya umalis ang lalaki at ipinamalita sa Decapolis,[ac] ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig tungkol sa nangyari.
Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(AI)
21 Nang bumalik si Jesus sa kabila ng lawa, napakaraming tao ang nagtipon doon sa kanya. 22 Pumunta rin doon si Jairus na namumuno sa sambahan ng mga Judio. Pagkakita niya kay Jesus, lumuhod siya sa paanan nito 23 at nagmakaawa, “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung pwede po sana, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, para gumaling siya at mabuhay!” 24 Sumama sa kanya si Jesus, at sinundan siya ng napakaraming tao na nagsisiksikan sa kanya. 25 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo. 26 Maraming hirap ang dinanas niya sa kabila ng pagpapagamot sa ibaʼt ibang doktor. Naubos na niya ang lahat ng ari-arian niya sa pagpapagamot, pero sa halip na gumaling ay lalo pang lumala ang kanyang sakit. 27 Nabalitaan niya ang mga himalang ginagawa ni Jesus, kaya nakipagsiksikan siya sa mga tao upang mahipo man lang ang damit ni Jesus. 28 Naisip kasi ng babae, “Mahipo ko lang ang damit niya ay gagaling ako.” 29 Nang mahipo nga niya ang damit ni Jesus, biglang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. 30 Agad namang naramdaman ni Jesus na may kapangyarihan na lumabas sa kanya, kaya lumingon siya at nagtanong, “Sino ang humipo sa damit ko?” 31 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Sa dami po ng mga taong sumisiksik sa inyo, bakit pa kayo nagtatanong kung sino ang humipo sa inyo?” 32 Pero patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang humipo sa kanya. 33 Alam ng babae kung ano ang nangyari sa kanya, kaya lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Ipinagtapat niya ang katotohanan kay Jesus. 34 Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[ad] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa. Magaling ka na.”
35 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang ilang tao mula sa bahay ni Jairus. Sinabi nila kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 36 Pero hindi pinansin ni Jesus ang sinabi nila. Sa halip, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang.” 37 Hindi pinayagan ni Jesus ang mga tao na sumama sa kanya sa bahay ni Jairus. Sa halip, si Pedro at ang magkapatid na sina Santiago at Juan lang ang isinama niya. 38 Pagdating nila roon, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao. May mga umiiyak at may mga humahagulgol. 39 Pumasok siya sa bahay at sinabi niya sa mga tao, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang!” 40 Pinagtawanan siya ng mga tao. Kaya pinalabas niya silang lahat maliban sa amaʼt ina ng bata at sa tatlo niyang tagasunod. Pagkatapos, pumasok sila sa kwartong kinaroroonan ng bata. 41 Hinawakan niya sa kamay ang bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihin ay “Nene, bumangon ka.” 42 Bumangon naman agad ang bata at nagpalakad-lakad. (12 taon na noon ang bata.) Labis ang pagkamangha ng mga tao sa nangyari. 43 Pero mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag ipagsabi kahit kanino ang nangyari. Pagkatapos, sinabihan sila ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata.
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(AJ)
6 Umalis si Jesus sa lugar na iyon at umuwi sa sarili niyang bayan. Kasama niya ang kanyang mga tagasunod. 2 Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, pumunta siya sa sambahan ng mga Judio at nagturo roon. Nagtaka ang maraming taong nakikinig sa kanya. Sinabi nila, “Saan kaya niya nakuha ang karunungang iyan? At ano ang karunungang ito na ibinigay sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga himala? 3 Hindi baʼt siya ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi baʼt ang mga kapatid niyang babae ay dito rin nakatira sa atin?” At hindi siya pinaniwalaan. 4 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta ay iginagalang kahit saan, maliban sa kanyang sariling bayan at mga kamag-anak at mga kasambahay.” 5 Iyan ang dahilan kung bakit hindi siya nakagawa ng mga himala roon maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. 6 Nagtaka siya sa kawalan nila ng pananampalataya sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(AK)
Nilibot ni Jesus ang mga kanayunan at nangaral sa mga tao. 7 Tinawag niya ang 12 apostol at sinugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu. 8 At ibinilin niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit pagkain, pera o bag, maliban sa isang tungkod. 9 Pwede kayong magsuot ng sandalyas, pero huwag kayong magdala ng bihisan. 10 Kapag pinatuloy kayo sa isang bahay, doon na lang kayo manatili hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 11 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan ng mga tao sa isang lugar, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” 12 Kaya umalis ang 12 at nangaral sa mga tao na dapat nilang pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming masamang espiritu at maraming may sakit ang pinahiran nila ng langis at pinagaling.
Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(AL)
14 Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Jesus dahil kilalang-kilala na siya kahit saan. May mga nagsasabi, “Siya ay si Juan na tagapagbautismo na muling nabuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” 15 Ang sabi naman ng iba, “Siya ay si Elias.” At may mga nagsasabi rin na siya ay isang propeta na tulad ng mga propeta noong unang panahon.
16 Pero nang mabalitaan ni Herodes ang mga sinabing iyon ng mga tao, sinabi niya, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko ng ulo!” 17 Ipinahuli noon ni Herodes si Juan at ipinabilanggo, dahil tinutuligsa ni Juan ang relasyon niya kay Herodias. Si Herodias ay asawa ng kapatid ni Herodes na si Felipe. Pero kinuha siya ni Herodes bilang asawa. 18 Laging sinasabihan ni Juan si Herodes na hindi tama na kunin niya ang asawa ng kanyang kapatid. 19 Kaya nagkimkim ng galit si Herodias kay Juan, at gusto niya itong ipapatay. Pero hindi niya magawa, dahil ayaw pumayag ni Herodes. 20 Takot si Herodes kay Juan dahil alam niyang matuwid at mabuting tao si Juan. Kaya ipinagtatanggol niya ito. Kahit nababagabag siya sa mga sinasabi ni Juan, gustong-gusto pa rin niyang makinig dito.
21 Pero sa wakas ay dumating din ang pagkakataong hinihintay ni Herodias. Kaarawan noon ni Herodes at nagdaos siya ng malaking handaan. Inimbita niya ang mga opisyal ng Galilea, mga kumander ng mga sundalong Romano at iba pang mga kilalang tao roon. 22 Nang oras na ng kasiyahan, pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga bisita niya. Kaya sinabi ni Herodes sa dalaga, “Humingi ka sa akin ng kahit anong gusto mo at ibibigay ko.” 23 At sumumpa pa siya na ibibigay niya sa dalaga kahit ang kalahati pa ng kanyang kaharian. 24 Lumabas muna ang dalaga at tinanong ang kanyang ina kung ano ang hihilingin niya. Sinabihan siya ng kanyang ina na hingin ang ulo ni Juan na tagapagbautismo. 25 Kaya dali-daling bumalik ang dalaga sa hari at sinabi, “Gusto ko pong ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na tagapagbautismo, na nakalagay sa isang bandehado.” 26 Labis itong ikinalungkot ng hari, pero dahil nangako siya sa harap ng mga bisita niya, hindi siya makatanggi sa dalaga. 27 Kaya pinapunta niya agad sa bilangguan ang isang sundalo upang dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Pumunta ang sundalo sa bilangguan at pinugutan ng ulo si Juan, 28 inilagay niya ang ulo sa bandehado at ibinigay sa dalaga. At ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. 29 Nang mabalitaan ng mga tagasunod ni Juan ang nangyari, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.
Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(AM)
30 Bumalik ang mga apostol na inutusan ni Jesus na mangaral, at ikinuwento nila sa kanya ang lahat ng ginawa at ipinangaral nila. 31 Dahil sa dami ng mga taong dumarating at umaalis, wala na silang panahon kahit kumain man lang. Kaya sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Iwan muna natin ang mga taong ito. Pumunta tayo sa ilang para makapagpahinga.” 32 Kaya sumakay sila sa isang bangka at pumunta sa isang ilang.
33 Pero marami ang nakakita at nakakilala sa kanila noong umalis sila. Kaya mabilis namang naglakad ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bayan papunta sa lugar na pupuntahan nina Jesus. At nauna pa silang dumating doon. 34 Kaya nang bumaba si Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Naawa siya sa kanila, dahil para silang mga tupa na walang pastol. Kaya tinuruan niya sila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Nasa ilang po tayo at malapit nang gumabi. 36 Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa mga karatig nayon at bukid para makabili ng pagkain.” 37 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “Aabutin po ng walong buwang sahod ang gagastusin para sa kanila! Bibili po ba kami ng ganoong halaga ng tinapay para ipakain sa kanila?” 38 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ba ang dala ninyong tinapay? Sige, tingnan nga ninyo.” Tiningnan nga nila, at sinabi kay Jesus, “Mayroon po tayong limang tinapay at dalawang isda.”
39 Pagkatapos, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na paupuin ng grupo-grupo ang mga tao sa damuhan. 40 Kaya umupo nga sila ng grupo-grupo, tig-100 at tig-50 bawat grupo. 41 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. Ganoon din ang ginawa niya sa isda. 42 Kumain silang lahat at nabusog. 43 Pagkatapos, tinipon nila ang natirang tinapay at isda, at nakapuno sila ng 12 basket. 44 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay 5,000.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(AN)
45 Pagkatapos, pinasakay agad ni Jesus sa bangka ang mga tagasunod niya at pinauna sa bayan ng Betsaida, sa kabila ng lawa, habang pinapauwi niya ang mga tao. 46 Nang makaalis na ang mga tao, umakyat siya sa isang bundok upang manalangin. 47 Nang gumabi na, nasa laot na ang bangka at siya na lang ang naiwan. 48 Nakita niyang hirap sa pagsagwan ang mga tagasunod niya, dahil salungat sila sa hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Lalampasan na lang sana niya sila, 49-50 pero nakita siya ng mga tagasunod niya na lumalakad sa ibabaw ng tubig. Natakot sila at nagsigawan, dahil akala nila ay multo siya. Pero nagsalita agad si Jesus, “Ako ito! Huwag kayong matakot. Lakasan ninyo ang inyong loob.” 51 Sumakay siya sa bangka at biglang tumigil ang malakas na hangin. Namangha sila nang husto, 52 dahil hindi pa rin sila nakakaunawa kahit nakita na nila ang himalang ginawa ni Jesus sa tinapay. Ayaw nilang maniwala dahil matigas ang puso nila.
Pinagaling ni Jesus ang mga May Sakit sa Genesaret(AO)
53 Nang makatawid na sila sa lawa, dumating sila sa Genesaret at doon nila idinaong ang bangka. 54 Pagbaba nila, nakilala agad si Jesus ng mga tao roon. 55 Kaya nagmamadaling pumunta ang mga tao sa mga karatig lugar, inilagay sa mga higaan ang mga may sakit at dinala kay Jesus saan man nila mabalitaang naroon siya. 56 Kahit saan siya pumunta, sa nayon, sa bayan, o sa kabukiran, dinadala ng mga tao ang mga may sakit sa kanila sa mga lugar na pinagtitipunan ng mga tao. Nagmamakaawa sila kay Jesus na kung maaari ay pahipuin niya ang mga may sakit kahit man lang sa laylayan[ae] ng kanyang damit. At ang lahat ng nakahipo ay gumaling.
Ang mga Tradisyon(AP)
7 May mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na dumating galing sa Jerusalem at nagtipon sa paligid ni Jesus. 2 Napansin nila na ang ilan sa mga tagasunod ni Jesus ay hindi naghugas ng kamay bago kumain.
3 Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo ay hindi kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay bilang pagsunod sa tradisyon ng kanilang mga ninuno. 4 Hindi rin sila kumakain ng anumang nabili sa palengke nang hindi muna nila ginagawa ang ritwal ng paglilinis.[af] Marami pa silang mga tradisyong tulad nito, gaya ng paghuhugas ng mga kopa, pitsel at lutuang tanso.
5 Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sinusunod ng mga tagasunod mo ang mga tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain!” 6 Sinagot sila ni Jesus, “Tamang-tama ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo na mga pakitang-tao. Ayon sa isinulat niya, sinabi ng Dios na,
‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
7 Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba sa akin
dahil ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’[ag]
8 Sinusuway ninyo ang utos ng Dios, at ang sinusunod ay mga tradisyon ng tao.”
9 Sinabi pa ni Jesus, “Mahusay kayo sa pagpapawalang-bisa sa mga utos ng Dios para masunod ninyo ang inyong mga tradisyon. 10 Halimbawa na lang, sinabi ni Moises, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[ah] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[ai] 11 Pero itinuturo nʼyo naman na kapag sinabi ng isang anak sa mga magulang niya na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay Korban (ang ibig sabihin, nakalaan na sa Dios), 12 hindi na siya obligadong tumulong pa sa kanila. 13 Pinapawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios sa pamamagitan ng mga tradisyong minana ninyo sa inyong mga ninuno. At marami pa kayong ginagawa na tulad nito.”
Ang Nagpaparumi sa Tao(AQ)
14 Muling tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat sa akin at unawain ang sasabihin ko. 15 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya, kundi ang mga lumalabas sa kanya.” 16 [Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!]
17 Pagkatapos, iniwan niya ang mga tao at pumasok sa bahay. Nang nasa loob na siya, tinanong siya ng mga tagasunod niya kung ano ang ibig sabihin ng talinghaga na iyon. 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit, hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan? Hindi nʼyo ba alam na anumang kainin ng tao ay hindi nakakapagparumi sa kanya? 19 Sapagkat anuman ang kainin niya ay hindi naman sa puso pumupunta kundi sa kanyang tiyan, at idudumi rin niya iyon.” (Sa sinabing ito ni Jesus, ipinahayag niya na lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) 20 Sinabi pa ni Jesus, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 21 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya na gumawa ng sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, kasakiman, at paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan tulad ng pandaraya, kabastusan, inggitan, paninira sa kapwa, pagyayabang, at kahangalan. 23 Ang lahat ng kasamaang ito ay nanggagaling sa puso ng tao, at siyang nagpaparumi sa kanya.”
Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(AR)
24 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre. Pagdating niya roon, tumuloy siya sa isang bahay. Ayaw sana niyang malaman ng mga tao na naroon siya; pero hindi rin niya ito naitago. 25-26 Sa katunayan, nalaman agad ito ng isang ina na may anak na babaeng sinaniban ng masamang espiritu. Ang babaeng itoʼy taga-Fenicia na sakop ng Syria, at Griego ang kanyang salita. Pinuntahan niya agad si Jesus at nagpatirapa sa paanan nito, at nagmamakaawang palayasin ang masamang espiritu sa kanyang anak. 27 Pero sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Dapat munang pakainin ang mga anak, dahil hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 28 Sumagot ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso sa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga mumo na nailalaglag ng mga anak.” 29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanya, “Dahil sa sagot mong iyan, maaari ka nang umuwi. Lumabas na sa anak mo ang masamang espiritu.” 30 Umuwi nga ang babae at nadatnan ang anak niya sa higaan, at wala na nga ang masamang espiritu sa kanya.
Pinagaling ni Jesus ang Isang Pipiʼt Bingi
31 Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tyre, dumaan siya ng Sidon at umikot sa lupain ng Decapolis, at pagkatapos ay tumuloy sa lawa ng Galilea. 32 Doon, dinala sa kanya ng mga tao ang isang lalaking pipiʼt bingi. Nakiusap sila na ipatong ni Jesus ang mga kamay niya sa lalaki. 33 Inilayo muna ni Jesus ang lalaki sa mga tao. Pagkatapos, ipinasok niya ang kanyang mga daliri sa mga tainga ng lalaki, saka dinuraan ang kanyang mga daliri at hinipo ang dila nito. 34 Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga, at sinabi sa lalaki, “Effata!” na ang ibig sabihin, “Mabuksan ka!” 35 Pagkatapos nito, nakarinig na ang lalaki at nakapagsalita nang maayos. 36 Pinagbilinan niya ang mga tao na huwag ipamalita ang nangyari. Pero kahit pinagbawalan sila, lalo pa nila itong ipinamalita. 37 Manghang-mangha ang mga tao, at sinabi nila, “Napakagaling[aj] ng ginawa niya! Kahit mga pipiʼt bingi ay nagagawa niyang pagalingin!”
Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(AS)
8 Pagkatapos ng ilang araw, muling nagtipon ang maraming tao sa kinaroroonan ni Jesus. Nang wala na silang makain, tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, 2 “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. 3 Kung pauuwiin ko naman sila nang gutom, baka himatayin sila sa daan dahil malayo pa ang pinanggalingan ng iba sa kanila.” 4 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 5 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po.”
6 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ito at ibinigay sa mga tagasunod niya para ipamigay sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Pinasalamatan din iyon ni Jesus at iniutos na ipamigay din sa mga tao. 8 Kumain sila at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng pitong basket. 9 Ang bilang ng mga taong kumain ay mga 4,000. Pagkatapos ay pinauwi na ni Jesus ang mga tao, 10 at agad siyang sumakay sa bangka kasama ang mga tagasunod niya, at pumunta sila sa Dalmanuta.
Humingi ng Himala ang mga Pariseo(AT)
11 Pagdating nila roon, may dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukin siya kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[ak] bilang patunay na sugo nga siya ng Dios. 12 Pero napabuntong-hininga si Jesus at sinabi, “Bakit nga ba humihingi ng himala ang mga tao sa panahong ito? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang anumang himalang ipapakita sa inyo.” 13 Pagkatapos, iniwan niya sila. Sumakay ulit siya sa bangka at tumawid sa kabila ng lawa.
Ang Pampaalsa ng mga Pariseo at ni Haring Herodes(AU)
14 Nakalimutan ng mga tagasunod ni Jesus na magdala ng tinapay. Iisa lang ang baon nilang tinapay sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[al] ng mga Pariseo at ni Haring Herodes.” 16 Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. 17 Alam ni Jesus kung ano ang pinag-uusapan nila kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nagtatalo-talo na wala kayong dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Hindi ba ninyo ito naiintindihan? Matigas pa rin ba ang mga puso ninyo? 18-19 May mga mata kayo, pero hindi kayo makakita. May mga tainga kayo, pero hindi kayo makarinig. Nakalimutan nʼyo na ba nang paghahati-hatiin ko ang limang tinapay para sa 5,000 tao? Ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Labindalawa po!” 20 Nagtanong pa si Jesus, “At nang paghahati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa 4,000 tao ilang basket ang natira?” Sumagot sila, “Pito po!” 21 At sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi nʼyo pa rin ba naiintindihan ang sinabi ko tungkol sa pampaalsa?”
Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Bulag sa Betsaida
22 Pagdating nila sa Betsaida, may mga taong nagdala ng isang lalaking bulag kay Jesus. Nagmakaawa sila na kung maaari ay hipuin niya ang bulag upang makakita. 23 Kaya inakay ni Jesus ang bulag palabas ng Betsaida. Pagdating nila sa labas, dinuraan niya ang mga mata ng bulag. Pagkatapos, ipinatong niya ang kamay niya sa bulag at saka nagtanong, “May nakikita ka na ba?” 24 Tumingala ang lalaki at sinabi, “Nakakakita na po ako ng mga tao, pero para silang mga punongkahoy na lumalakad.” 25 Kaya muling ipinatong ni Jesus ang mga kamay niya sa mata ng bulag. Pagkatapos, tumingin ulit ang lalaki at lumiwanag ang kanyang paningin. 26 Bago siya pinauwi ni Jesus ay binilinan siya, “Huwag ka nang bumalik sa Betsaida.”
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(AV)
27 Pagkatapos, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa mga nayon na sakop ng Cesarea Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 28 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.” 29 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”[am] 30 Sinabihan sila ni Jesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(AW)
31 Nagsimulang mangaral si Jesus sa mga tagasunod niya na siya na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila siya, pero sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila. Nang marinig iyon ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan. 33 Pero humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at saka sinabi kay Pedro, “Lumayo ka sa akin Satanas! Ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Dios kundi ayon sa kalooban ng tao!”
34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[an] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
9 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikitang dumarating ang paghahari ng Dios na dumarating nang may kapangyarihan.”
Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(AX)
2 Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan sa isang mataas na bundok. Sila lang ang naroon. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. 3 Naging puting-puti ang damit niya at nakakasilaw tingnan. Walang sinuman dito sa mundo na makakapagpaputi nang katulad noon. 4 At nakita nila sina Elias at Moises na nakikipag-usap kay Jesus. 5 Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabutiʼt narito po kami![ao] Gagawa kami ng tatlong kubol:[ap] isa po para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” 6 Ito ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang dapat niyang sabihin sapagkat sila ay takot na takot. 7 Pagkatapos, tinakpan sila ng ulap. At may narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” 8 Tumingin sila agad sa paligid, pero wala nang ibang naroon kundi si Jesus na lang.
9 Nang pababa na sila sa bundok, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang nakita ninyo hanggaʼt ako na Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” 10 Kaya hindi nila sinabi kahit kanino ang pangyayaring iyon. Pero pinag-usapan nila kung ano ang ibig niyang sabihin sa muling pagkabuhay. 11 Nagtanong sila kay Jesus, “Bakit sinasabi po ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” 12-13 Sumagot siya sa kanila, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sasabihin ko sa inyo: dumating na si Elias at ginawa ng mga tao ang gusto nilang gawin sa kanya ayon na rin sa isinulat tungkol sa kanya. Ngunit bakit nasusulat din na ako na Anak ng Tao ay magtitiis ng maraming hirap at itatakwil ng mga tao?”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®