Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Gawa 16:38-28:16

38 Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila. 39 Kaya pumunta ang mga opisyal sa bilangguan at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon. 40 Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila kaagad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatid, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.

Nangaral si Pablo sa Tesalonica

17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.

Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.

Sina Pablo at Silas sa Berea

10 Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio. 11 Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan para tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi nina Pablo. 12 Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griegong babae na kilala sa lipunan at mga Griegong lalaki. 13 Pero nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Dios sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo. 14 Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Pero sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea. 15 Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Athens. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea na dala ang bilin ni Pablo na pasunurin sa kanya sa Athens sina Silas at Timoteo.

Nangaral si Pablo sa Athens

16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)

22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Pero sinabi naman ng iba, “Bumalik ka uli rito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.” 33 Pagkatapos, umalis si Pablo sa kanilang pinagtitipunan. 34 May ilang lalaking kumampi kay Pablo at sumampalataya kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisius na miyembro ng Areopagus, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.

Ang Pagpunta ni Pablo sa Corinto

18 Pagkatapos noon, umalis si Pablo sa Athens at pumunta sa Corinto. Nakilala niya roon si Aquila na isang Judio na taga-Pontus, at ang asawa nitong si Priscila. Kararating lang nila galing sa Italia, dahil may utos si Emperador Claudius na ang lahat ng Judio ay dapat umalis sa Roma. Dinalaw ni Pablo ang mag-asawang ito sa kanilang bahay. Pareho silang manggagawa ng tolda, kaya nakitira na siya sa kanila at nagtrabahong kasama nila. Tuwing Araw ng Pamamahinga pumupunta si Pablo sa sambahan ng mga Judio para makipagdiskusyon, dahil gusto niyang sumampalataya ang mga Judio at mga Griego kay Cristo.

Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, ginamit ni Pablo ang buong panahon niya sa pangangaral ng salita ng Dios. Pinatunayan niya sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Pero kinontra nila si Pablo at pinagsabihan ng masama. Kaya ipinagpag ni Pablo ang alikabok sa kanyang damit bilang babala laban sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung parurusahan kayo ng Dios. Wala na akong pananagutan sa inyo. Simula ngayon, sa mga hindi Judio na ako mangangaral.” Kaya iniwan niya ang mga Judio at doon siya nakituloy sa bahay ni Titius Justus. Ang taong ito ay hindi Judio, pero sumasamba sa Dios. Ang bahay niya ay nasa tabi mismo ng sambahan ng mga Judio. Si Crispus na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ang kanyang pamilya ay sumampalataya rin sa Panginoong Jesus; at marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo.

Isang gabi, nagpakita ang Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain at sinabi, “Huwag kang matakot. Ipagpatuloy mo ang pangangaral at huwag kang titigil, 10 dahil kasama mo ako. Marami akong tagasunod sa lungsod na ito, kaya walang mangangahas na manakit sa iyo.” 11 Kaya nanatili si Pablo sa Corinto sa loob ng isaʼt kalahating taon, at itinuro niya sa mga tao ang salita ng Dios.

12 Pero nang si Galio na ang gobernador ng Acaya, nagkaisa ang mga Judio laban kay Pablo. Hinuli nila siya at dinala kay Galio para akusahan. 13 Sinabi nila, “Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao na sumamba sa Dios sa paraan na labag sa ating kautusan.” 14 Magsasalita na sana si Pablo, pero nagsalita si Galio sa mga Judio, “Kung ang kasong ito na dinala ninyo sa akin ay tungkol sa isang krimen o mabigat na kasalanan, makikinig ako sa inyo. 15 Pero tungkol lang ito sa mga salita, mga pangalan, at sa inyong Kautusan. Kayo na ang bahala riyan. Ayaw kong humatol sa ganyang mga bagay.” 16 At pinalabas niya sila sa korte. 17 Pagkatapos, hinuli ng mga Griego si Sostenes na namumuno sa sambahan ng mga Judio at ginulpi nila roon mismo sa labas ng korte, pero hindi ito pinansin ni Galio.

Ang Pagbalik ni Pablo sa Antioc na Sakop ng Syria

18 Nanatili pa si Pablo nang ilang araw sa Corinto. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at pumunta sa Cencrea kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Nagpagupit siya roon ng buhok dahil natupad na niya ang isa niyang panata sa Dios. Mula sa Cencrea bumiyahe sila papuntang Syria. 19-21 Dumaan sila sa Efeso at pumasok si Pablo sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila. Kinausap nila si Pablo na manatili muna roon sa kanila, pero ayaw ni Pablo. Bago siya umalis, sinabi niya sa kanila, “Kung loloobin ng Dios, babalik ako rito.” Iniwan ni Pablo ang mag-asawang Priscila at Aquila sa Efeso at bumiyahe siya papuntang Syria.

22 Pagdating niya sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at dinalaw ang iglesya, at saka tumuloy sa Antioc. 23 Hindi siya nagtagal doon, umalis siya at inikot niya ang mga lugar na sakop ng Galacia at Frigia at pinalakas niya ang pananampalataya ng mga tagasunod ni Jesus doon.

Ang Pagtuturo ni Apolos sa Efeso

24 Samantala, dumating sa Efeso ang isang Judiong taga-Alexandria. Ang kanyang pangalan ay Apolos. Mahusay siyang magsalita at maraming nalalaman sa Kasulatan. 25 Naturuan na siya tungkol sa pamamaraan ng Panginoon. Masipag siyang mangaral at tama ang kanyang itinuturo tungkol kay Jesus. Pero ang bautismong alam niya ay ang bautismo lang na itinuro ni Juan. 26 Hindi siya natatakot magsalita sa sambahan ng mga Judio. Nang marinig nina Priscila at Aquila ang kanyang itinuturo, inimbitahan nila siya sa kanilang bahay at ipinaliwanag nila nang mabuti sa kanya ang pamamaraan ng Dios. 27 At nang magpasya si Apolos na pumunta sa Acaya, tinulungan siya ng mga mananampalataya sa Efeso. Sumulat sila sa mga tagasunod ni Jesus sa Acaya na tanggapin nila si Apolos. Pagdating niya roon, malaki ang naitulong niya sa mga naging mananampalataya dahil sa biyaya ng Dios. 28 At tinalo niya nang husto ang mga Judio sa kanilang mga diskusyon sa harap ng madla, at pinatunayan sa kanila mula sa Kasulatan na si Jesus ang Cristo.

Ang Pangatlong Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero

19 Habang nasa Corinto si Apolos, pumunta si Pablo sa mga bulubunduking lugar ng lalawigan hanggang sa nakarating siya sa Efeso. May nakita siyang mga tagasunod doon. Tinanong niya sila, “Natanggap nʼyo na ba ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?” Sumagot sila, “Hindi nga namin narinig na may tinatawag na Banal na Espiritu.” Nagtanong si Pablo sa kanila, “Sa anong bautismo kayo binautismuhan?” Sumagot sila, “Sa bautismo ni Juan.” Sinabi ni Pablo sa kanila, “Ang bautismo ni Juan ay para sa mga taong nagsisisi sa kanilang kasalanan. Ngunit sinabi rin ni Juan sa mga tao na dapat silang sumampalataya sa darating na kasunod niya, na walang iba kundi si Jesus.” Nang marinig nila ito, binautismuhan sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. At nang ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Nakapagsalita sila ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan, at may mga ipinahayag silang mensahe mula sa Dios. Labindalawang lalaki silang lahat.

Sa loob ng tatlong buwan, patuloy ang pagpunta ni Pablo sa sambahan ng mga Judio. Hindi siya natatakot magsalita sa mga tao. Nakipagdiskusyon siya at ipinaliwanag sa kanila ang tungkol sa paghahari ng Dios. Pero ang iba sa kanilaʼy matigas talaga ang ulo at ayaw maniwala, at siniraan nila sa publiko ang pamamaraan ni Jesus. Kaya umalis si Pablo sa kanilang sambahan kasama ang mga tagasunod ni Jesus, at araw-araw ay pumupunta siya sa paaralan ni Tyranus para ipagpatuloy ang pakikipagdiskusyon sa harap ng madla. 10 Sa loob ng dalawang taon, ganoon ang kanyang ginagawa, kaya ang lahat ng nakatira sa lalawigan ng Asia, Judio at hindi Judio ay nakarinig ng salita ng Dios.

11 Maraming pambihirang himala ang ginawa ng Dios sa pamamagitan ni Pablo. 12 Kahit mga panyo at mga epron na ginagamit niya ay dinadala sa mga may sakit at gumagaling sila, at lumalabas din ang masasamang espiritu. 13 May ilang mga Judio roon na gumagala at nagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga taong sinasaniban nito. Sinubukan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus para palabasin ang masasamang espiritu. Sinabi nila sa masasamang espiritu, “Sa pangalan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo, inuutusan ko kayong lumabas!” 14 Ganito rin ang ginagawa ng pitong anak na lalaki ni Esceva. Si Esceva ay isa sa mga namamahalang pari. 15 Sinusubukan nilang palabasin ang masamang espiritu sa pangalan ni Jesus. Pero sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, ganoon din si Pablo, pero sino naman kayo?” 16 At nilundag sila ng taong sinaniban ng masamang espiritu at sinaktan. Wala silang magawa kaya tumakbo sila palabas ng bahay na hubad at sugatan. 17 Ang pangyayaring ito ay nabalitaan ng lahat ng Judio at mga hindi Judio na nakatira roon sa Efeso. Natakot sila, at lalo pang naparangalan ang pangalan ng Panginoong Jesus. 18 Marami sa mga sumasampalataya ang lumapit at nagtapat ng kanilang masasamang gawain. 19 At marami ring mga salamangkero ang nagdala ng kanilang aklat at sinunog nila mismo ang mga ito sa harap ng lahat. Ang halaga ng mga aklat na sinunog ay umabot ng ilang milyon. 20 Dahil sa pangyayaring ito, lalo pang lumaganap ang kapangyarihan ng salita ng Dios.

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.

24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

28 Nang marinig ito ng mga tao, galit na galit sila at nagsigawan, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” 29 At ang kaguluhan ay kumalat sa buong lungsod. Hinuli nila ang mga kasama ni Pablo na sina Gaius at Aristarcus na mga taga-Macedonia. Pagkatapos, sama-sama silang nagtakbuhan sa lugar na pinagtitipunan ng mga tao habang kinakaladkad nila ang dalawa. 30 Nais sana ni Pablo na magsalita sa mga tao, pero pinigilan siya ng mga tagasunod ni Jesus. 31 Maging ang ilang mga opisyal ng lalawigan ng Asia na mga kaibigan ni Pablo ay nagpasabi na huwag siyang pumunta sa pinagtitipunan ng mga tao.

32 Lalo pang nagkagulo ang mga tao. Ibaʼt iba ang kanilang mga isinisigaw, dahil hindi alam ng karamihan kung bakit sila naroon. 33 May isang tao roon na ang pangalan ay Alexander. Itinulak siya ng mga Judio sa unahan para magpaliwanag na silang mga Judio ay walang kinalaman sa mga ginagawa nina Pablo. Sinenyasan niya ang mga tao na tumahimik. 34 Nang malaman ng mga tao na isa siyang Judio, sumigaw silang lahat, “Makapangyarihan si Artemis ng mga taga-Efeso!” Dalawang oras nilang isinisigaw ang ganoon.

35 Nang bandang huli, napatahimik din sila ng namumuno sa lungsod. Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayang taga-Efeso, alam ng lahat ng tao na tayong mga taga-Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ni Artemis na makapangyarihan at ng sagradong bato na nahulog mula sa langit. 36 Hindi ito maikakaila ninuman. Kaya huminahon kayo, at huwag kayong pabigla-bigla. 37 Dinala ninyo rito ang mga taong ito kahit hindi naman nila ninakawan ang ating templo o nilapastangan ang ating diosa. 38 Kung si Demetrius at ang kanyang mga kasamang platero ay may reklamo laban kaninuman, may mga korte at mga hukom tayo. Dapat doon nila dalhin ang kanilang mga reklamo. 39 Pero kung may iba pa kayong reklamo, iyan ay kinakailangang ayusin sa opisyal na pagtitipon ng taong-bayan. 40 Sa ginagawa nating ito, nanganganib tayong maakusahan ng mga opisyal ng Roma ng panggugulo. Wala tayong maibibigay na dahilan kung bakit natin ginagawa ito.” 41 Pagkatapos niyang magsalita, pinauwi niya ang mga tao.

Ang Pagpunta ni Pablo sa Macedonia at Grecia

20 Nang matapos na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga tagasunod ni Jesus. Pinayuhan niya sila na magpakatatag, at pagkatapos niyang magpaalam sa kanila, pumunta siya sa Macedonia. Maraming lugar ang kanyang pinuntahan sa Macedonia, at pinalakas niya ang loob ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng pangangaral sa kanila. Pagkatapos, pumunta siya sa Grecia, at nanatili siya roon ng tatlong buwan. Nang bibiyahe na sana siya papuntang Syria, nalaman niya ang plano ng mga Judio na patayin siya. Kaya nagpasya siyang bumalik at sa Macedonia dumaan. Sumama sa kanya si Sopater na taga-Berea na anak ni Pyrhus, sina Aristarcus at Secundus na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tykicus at Trofimus na mga taga-Asia.[b] Pagdating namin sa Filipos, nauna sila sa amin sa Troas at doon nila kami hinintay. Pinalampas muna namin ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa bago kami bumiyahe galing sa Filipos. Limang araw ang biyahe namin at nagkita kaming muli sa Troas. Nanatili kami roon ng pitong araw.

Ang Huling Pagdalaw ni Pablo sa Troas

Nang Sabado ng gabi,[c] nagtipon kami sa paghahati-hati ng tinapay. At dahil bibiyahe si Pablo kinabukasan, nangaral siya hanggang hatinggabi. Maraming ilaw sa itaas ng silid na pinagtitipunan namin. May isang binata roon na ang pangalan ay Euticus na nakaupo sa bintana. At dahil sa haba ng pagsasalita ni Pablo, inantok siya at nakatulog nang mahimbing, at nahulog siya sa bintana mula sa pangatlong palapag. Patay na siya nang buhatin nila. 10 Pero bumaba si Pablo at dinapaan niya si Euticus at niyakap. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag kayong mag-alala, buhay siya!” 11 At bumalik si Pablo sa itaas, hinati-hati ang tinapay at kumain. Pagkatapos, nangaral pa siya hanggang madaling-araw. At saka siya umalis. 12 Ang binatang nahulog ay iniuwi nilang buhay, at lubos silang natuwa.

Mula sa Troas Papuntang Miletus

13 Sumakay kami ng barko papuntang Asos. Doon namin tatagpuin si Pablo, dahil sinabi niyang maglalakad lang siya papunta roon. 14 Nang magkita kami sa Asos, pinasakay namin siya at pumunta kami sa Mitilene. 15 Mula sa Mitilene, tumuloy kami sa Kios, at nakarating kami roon kinabukasan. Nang sumunod na araw, nasa Samos na kami, at makaraan ang isa pang araw ay narating namin ang Miletus. 16 Hindi kami dumaan sa Efeso, dahil ayaw ni Pablo na maggugol ng oras sa lalawigan ng Asia. Nagmamadali siya dahil gusto niyang makarating sa Jerusalem bago dumating ang Araw ng Pentecostes.

Ang Pamamaalam ni Pablo sa mga Namumuno ng Iglesya sa Efeso

17 Habang nasa Miletus si Pablo, may pinapunta siya sa Efeso para sabihin sa mga namumuno sa iglesya na makipagkita sa kanya. 18 Pagdating nila, sinabi ni Pablo sa kanila, “Alam ninyo kung paano akong namuhay noong kasama pa ninyo ako, mula nang dumating ako sa lalawigan ng Asia. 19 Naglingkod ako sa Panginoon nang may kapakumbabaan at pagluha.[d] Maraming kahirapan ang tiniis ko dahil sa masasamang balak ng mga Judio laban sa akin. 20 Alam din ninyo na wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa mga bagay na para sa inyong ikabubuti, na itinuro ko sa publiko at sa bahay-bahay. 21 Pinaalalahanan ko ang mga Judio at mga hindi Judio na kailangan nilang magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbalik-loob sa Dios, at sumampalataya sa ating Panginoong Jesus. 22 Ngayon, pupunta ako sa Jerusalem dahil ito ang utos ng Banal na Espiritu sa akin. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. 23 Ang alam ko lang, kahit saang lungsod ako pumunta, pinapaalalahanan ako ng Banal na Espiritu na bilangguan at pag-uusig ang naghihintay sa akin. 24 Pero hindi mahalaga sa akin kung ano man ang mangyari sa akin, matapos ko lamang ang gawain na ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, na maipangaral ang Magandang Balita tungkol sa biyaya ng Dios.

25 “Napuntahan ko kayong lahat sa aking pangangaral tungkol sa paghahari ng Dios, at ngayon alam kong hindi na tayo magkikita pang muli. 26 Kaya sasabihin ko sa inyo ngayon, na kung mayroon sa inyo na hindi maliligtas, wala na akong pananagutan sa Dios. 27 Sapagkat wala akong inilihim sa inyo sa aking pagtuturo tungkol sa buong layunin at plano ng Dios. 28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang lahat ng mga mananampalatayang[e] pinababantayan sa inyo ng Banal na Espiritu. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Dios na kanyang tinubos sa pamamagitan ng sariling dugo. 29 Sapagkat alam kong pagkaalis koʼy may mga tagapagturo riyan na katulad ng mga lobo na papasok sa inyo at sisira sa inyong grupo. 30 Darating din ang panahon na may magtuturo ng kasinungalingan mula mismo sa inyong grupo at ililigaw nila ang mga tagasunod ni Jesus para sila ang kanilang sundin. 31 Kaya mag-ingat kayo, at alalahanin ninyong sa loob ng tatlong taon, walang tigil ko kayong pinaalalahanan araw at gabi nang may pagluha.

32 “At ngayon, ipinagkakatiwala ko kayo sa Dios at sa kanyang salita na tungkol sa kanyang biyaya. Makapagpapatibay ito sa inyong pananampalataya at makapagbibigay ng lahat ng pagpapalang inilaan ng Dios para sa lahat ng taong itinuring niyang sa kanya. 33 Hindi ko hinangad ang inyong mga kayamanan at mga damit. 34 Alam ninyong nagtrabaho ako para matustusan ang mga pangangailangan namin ng aking mga kasamahan. 35 Ginawa ko ito upang maipakita sa inyo na sa ganitong pagsusumikap ay matutulungan natin ang mga dukha. Lagi nating alalahanin ang sinabi ng Panginoong Jesus na mas mapalad ang nagbibigay kaysa sa tumatanggap.”

36 Pagkatapos magsalita ni Pablo, sama-sama silang lumuhod at nanalangin. 37 Umiyak silang lahat, at niyakap nila si Pablo at hinalikan. 38 Labis nilang ikinalungkot ang sinabi ni Pablo na hindi na sila magkikitang muli. Pagkatapos, inihatid nila si Pablo sa barko.

Ang Paglalakbay ni Pablo sa Jerusalem

21 Nagpaalam kami sa mga namumuno sa iglesya sa Efeso, at bumiyahe kami nang tuloy-tuloy hanggang sa nakarating kami sa Cos. Kinabukasan, dumating kami sa isla ng Rodes. At mula roon, nagpatuloy kami sa Patara. Doon sa Patara ay may nakita kaming barko na papuntang Fenicia, kaya sumakay agad kami. Natanaw namin ang isla ng Cyprus, pero hindi kami pumunta roon kundi dumaan kami sa gawing kanan at tumuloy sa Syria. Dumaong kami sa bayan ng Tyre, dahil nagbaba roon ng kargamento ang barko. Hinanap namin doon ang mga tagasunod ni Jesus, at nakituloy kami sa kanila sa loob ng isang linggo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu, binalaan nila si Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Pero pagkaraan ng isang linggo, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay. Lahat sila, pati ang kanilang mga asawaʼt anak ay naghatid sa amin sa labas ng lungsod. Lumuhod kaming lahat sa dalampasigan at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa kanila, sumakay kami sa barko at umuwi naman sila.

Mula sa Tyre, nagpatuloy kami sa aming paglalakbay papuntang Tolemais. Pagdating namin doon, nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil kami sa kanila ng isang araw. Pagkatapos, pumunta naman kami sa Cesarea. Pagdating namin doon, pumunta kami sa bahay ni Felipe na tagapangaral ng Magandang Balita, at doon kami nakituloy. Si Felipe ay isa sa mga pitong lalaking hinirang noon sa Jerusalem na tumulong sa mga apostol. Apat ang kanyang anak na dalaga na pawang mga propeta. 10 Pagkaraan ng ilang araw, dumating ang propetang si Agabus mula sa Judea. 11 Pinuntahan niya kami at kinuha ang sinturon ni Pablo, at itinali sa kanyang mga paa at mga kamay. At sinabi niya, “Ayon sa Banal na Espiritu, ganito ang gagawin ng mga Judio sa Jerusalem sa may-ari ng sinturong ito, at siyaʼy ibibigay nila sa mga hindi Judio.” 12 Nang marinig namin ito, kami at ang mga kapatid doon ay humiling kay Pablo na huwag nang pumunta sa Jerusalem. 13 Pero sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinahihina lamang ninyo ang loob ko. Nakahanda akong magpagapos at kahit mamatay pa sa Jerusalem para sa Panginoong Jesus.” 14 Hindi talaga namin mapigilan si Pablo, kaya sinabi na lang namin, “Matupad sana ang kalooban ng Panginoon.”

Dumating si Pablo sa Jerusalem

15 Makaraan ang ilang araw, naghanda kami at umalis papuntang Jerusalem. 16 Sinamahan kami ng ilang mga tagasunod ni Jesus na taga-Cesarea. Dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay isa sa mga unang tagasunod ni Jesus.

Dinalaw ni Pablo si Santiago

17 Pagdating namin sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. 18 Kinabukasan, sumama kami kay Pablo at dinalaw namin si Santiago. Naroon din ang mga namumuno ng iglesya sa Jerusalem. 19 Binati sila ni Pablo at ikinuwento niya ang lahat ng ginawa ng Dios sa mga hindi Judio sa pamamagitan niya.

20 Nang marinig nila ito, nagpuri silang lahat sa Dios. At sinabi nila kay Pablo, “Alam mo kapatid, libu-libo nang mga Judio ang sumampalataya kay Jesus at silang lahat ay masigasig sa pagsunod sa Kautusan ni Moises. 21 Nabalitaan nilang itinuturo mo sa mga Judiong nakatira sa ibang bansa na hindi na nila kailangang sumunod sa Kautusan ni Moises. Sinabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak o sundin ang iba pang kaugalian nating mga Judio. 22 Ngayon, ano kaya ang dapat mong gawin? Sapagkat siguradong malalaman nila na nandito ka. 23 Mabuti siguroʼy gawin mo ang sasabihin namin sa iyo. May apat na lalaki rito na may panata sa Dios. 24 Sumama ka sa kanila at gawin ninyo ang seremonya sa paglilinis ayon sa Kautusan. Bayaran mo na rin ang gastos nila sa seremonya para makapagpaahit din sila ng kanilang ulo. Sa ganitong paraan, malalaman ng lahat na ang balita na narinig nila tungkol sa iyo ay hindi totoo, dahil makikita nila na ikaw din ay sumusunod sa Kautusan ni Moises. 25 Kung tungkol sa mga hindi Judiong sumasampalataya kay Jesus, nakapagpadala na kami ng sulat sa kanila tungkol sa aming napagkasunduan na hindi sila kakain ng mga pagkain na inihandog sa mga dios-diosan, o dugo, o karne ng hayop na namatay na hindi tumulo ang dugo. At iwasan nila ang sekswal na imoralidad.” 26 Kaya kinabukasan, isinama ni Pablo ang apat na lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, pumunta si Pablo sa templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang kanilang paglilinis para maihandog ang mga hayop para sa bawat isa sa kanila.

Hinuli si Pablo

27 Nang matatapos na ang ikapitong araw ng kanilang paglilinis, may mga Judiong mula sa lalawigan ng Asia na nakakita kay Pablo sa templo. Sinulsulan nila ang lahat ng tao roon sa templo na hulihin si Pablo. 28 Sumigaw sila, “Mga kababayan kong mga Israelita, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo laban sa Kautusan at sa templong ito kahit saan siya pumunta. Hindi lang iyan, dinala pa niya rito sa templo ang mga hindi Judio, kaya dinudungisan niya ang sagradong lugar na ito!” 29 (Sinabi nila ito dahil nakita nila si Trofimus na taga-Efeso na sumama kay Pablo roon sa Jerusalem, at ang akala nilaʼy dinala siya ni Pablo sa templo).

30 Kaya nagkagulo ang mga tao sa buong Jerusalem, at sumugod sila sa templo para hulihin si Pablo. Pagkahuli nila sa kanya, kinaladkad nila siya palabas at isinara agad nila ang pintuan ng templo. 31 Papatayin na sana nila si Pablo pero may nakapagsabi sa kumander ng mga sundalong Romano na nagkakagulo sa buong Jerusalem. 32 Kaya nagsama agad ang kumander ng mga kapitan at mga sundalo, at pinuntahan nila ang mga taong nagkakagulo. Pagkakita ng mga tao sa kumander at sa mga sundalo, itinigil nila ang pagbugbog kay Pablo. 33 Pinuntahan ng kumander si Pablo at ipinahuli, at iniutos na gapusin siya ng dalawang kadena. Pagkatapos, tinanong ng kumander ang mga tao, “Sino ba talaga ang taong ito at ano ang kanyang ginawa?” 34 Pero iba-iba ang mga sagot na kanyang narinig, at dahil sa sobrang kaguluhan ng mga tao hindi nalaman ng kumander kung ano talaga ang nangyari. Kaya inutusan niya ang mga sundalo na dalhin si Pablo sa kampo. 35 Pagdating nila sa hagdanan ng kampo, binuhat na lang nila si Pablo dahil sa kaguluhan ng mga tao 36 na humahabol at sumisigaw ng, “Patayin siya!”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili

37 Nang dalhin na si Pablo sa loob ng kampo ng mga sundalo, sinabi niya sa kumander, “May sasabihin sana ako sa iyo.” Sumagot ang kumander, “Marunong ka palang magsalita ng Griego? 38 Ang akala koʼy ikaw ang lalaking taga-Egipto na kailan lang ay nanguna sa pagrerebelde sa pamahalaan. Dinala niya sa disyerto ang 4,000 lalaking matatapang at pawang armado.” 39 Sumagot si Pablo, “Akoʼy isang Judiong taga-Tarsus na sakop ng Cilicia. Ang Tarsus ay hindi ordinaryong lungsod lang. Kung maaari, payagan ninyo akong magsalita sa mga tao.” 40 Pinayagan siya ng kumander, kaya tumayo si Pablo sa hagdanan at sumenyas sa mga tao na may sasabihin siya. Nang tumahimik na sila, nagsalita siya sa wikang Hebreo.

22 “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!” Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita: “Akoʼy isang Judiong ipinanganak sa Tarsus na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Dios. Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa pamamaraan ni Jesus. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae. Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Judio doon sa Damascus. At sa bisa ng sulat na iyon, pumunta ako sa Damascus para hulihin ang mga sumasampalataya kay Jesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem para parusahan.

Ikinuwento ni Pablo Kung Paano Niya Nakilala si Jesus

“Tanghaling-tapat na noon at malapit na kami sa Damascus. Biglang kumislap sa aming paligid ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Napasubsob ako sa lupa at may narinig akong tinig na nagsasabi sa akin, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?’ Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang tinig, ‘Akoʼy si Jesus na taga-Nazaret, na iyong inuusig.’ Nakita ng mga kasama ko ang liwanag pero hindi nila narinig[f] ang boses na nagsasalita sa akin. 10 At nagtanong pa ako, ‘Ano ang gagawin ko, Panginoon?’ At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damascus, at sasabihin sa iyo roon ang lahat ng iyong gagawin.’ 11 Nabulag ako sa tindi ng liwanag. Kaya inakay ako ng aking mga kasama papuntang Damascus.

12 “Doon sa Damascus, may isang tao na ang pangalan ay Ananias. May takot siya sa Dios at sumusunod sa Kautusan. Iginagalang siya ng mga Judiong naninirahan doon. 13 Pumunta siya sa akin at sinabi, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka na.’ Noon din ay gumaling ako at nakita ko si Ananias. 14 Sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Dios ng ating mga ninuno para malaman mo ang kalooban niya at para makita mo at marinig ang boses ng Matuwid na si Jesus. 15 Sapagkat ipapahayag mo sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na at magpabautismo, at tumawag sa Panginoon para maging malinis ka sa iyong mga kasalanan.’ ”

Inutusan si Pablo na Mangaral sa mga Hindi Judio

17 “Pagkatapos, bumalik ako sa Jerusalem. At habang nananalangin ako sa templo, nagkaroon ako ng pangitain. 18 Nakita ko si Jesus na nagsasabi sa akin, ‘Bilisan mo! Umalis ka agad sa Jerusalem, dahil hindi tatanggapin ng mga taga-rito ang patotoo mo tungkol sa akin.’ 19 Sinabi ko sa kanya, ‘Ngunit bakit hindi sila maniniwala, Panginoon, samantalang alam nila na inikot ko noon ang mga sambahan ng mga Judio para hulihin at gulpihin ang mga taong sumasampalataya sa iyo? 20 At nang patayin si Esteban na iyong saksi, naroon ako at sumasang-ayon sa pagpatay sa kanya, at ako pa nga ang nagbabantay ng mga damit ng mga pumapatay sa kanya.’ 21 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Umalis ka sa Jerusalem, dahil ipapadala kita sa malayong lugar para ipangaral mo ang Magandang Balita sa mga hindi Judio!’ ”

22 Pagkasabi nito ni Pablo, ayaw na siyang pakinggan ng mga tao. Sumigaw sila, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay dito sa mundo!” 23 Patuloy ang kanilang pagsigaw, habang ibinabalibag nila ang kanilang mga damit at inihahagis ang alikabok paitaas.

24 Kaya iniutos ng kumander sa kanyang mga sundalo na dalhin si Pablo sa loob ng kampo at hagupitin para ipagtapat niya ang kanyang nagawang kasalanan. Gusto niyang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga tao laban sa kanya. 25 Nang iginagapos na nila si Pablo para hagupitin, sinabi niya sa kapitan na nakatayo roon, “Naaayon ba sa batas na hagupitin ninyo ang isang Romano kahit hindi pa napatunayang may kasalanan siya?” 26 Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa kumander at sinabi, “Ano itong ipinapagawa mo? Romano pala ang taong iyon!” 27 Kaya pumunta ang kumander kay Pablo at nagtanong, “Romano ka ba?” “Opo,” sagot ni Pablo. 28 Sinabi ng kumander, “Ako rin ay naging Romano sa pamamagitan ng pagbayad ng malaking halaga.” Sumagot si Pablo, “Pero akoʼy isinilang na isang Romano!” 29 Umurong agad ang mga sundalo na mag-iimbestiga sana sa kanya. Natakot din ang kumander dahil ipinagapos niya si Pablo, gayong isa pala siyang Romano.

Dinala si Pablo sa Korte ng mga Judio

30 Gusto talagang malaman ng kumander kung bakit inaakusahan ng mga Judio si Pablo. Kaya kinabukasan, ipinatawag niya ang mga namamahalang pari at ang lahat ng miyembro ng Korte ng mga Judio. Pagkatapos, ipinatanggal niya ang kadena ni Pablo at iniharap siya sa kanila.

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang mga miyembro ng Korte at sinabi, “Mga kapatid, kung tungkol sa aking pamumuhay, malinis ang aking konsensya sa Dios hanggang ngayon.” Pagkasabi nito ni Pablo, inutusan ng punong pari na si Ananias ang mga nakatayong malapit kay Pablo na sampalin siya sa bibig. Sinabi ni Pablo sa kanya, “Sampalin ka rin ng Dios, ikaw na pakitang-tao! Nakaupo ka riyan para hatulan ako ayon sa Kautusan, pero nilabag mo rin ang Kautusan nang iniutos mo na sampalin ako!” Sinabi ng mga taong nakatayo malapit kay Pablo, “Iniinsulto mo ang punong pari ng Dios!” Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang punong pari, dahil sinasabi sa Kasulatan na huwag tayong magsalita ng masama laban sa namumuno sa atin.”

Nang makita ni Pablo na may mga Saduceo at mga Pariseo roon, sinabi niya nang malakas sa mga miyembro ng Korte, “Mga kapatid, akoʼy isang Pariseo, at ang aking ama at mga ninuno ay Pariseo rin. Inaakusahan ako ngayon dahil umaasa akong muling mabubuhay ang mga patay.”

Nang masabi niya ito, nagkagulo ang mga Pariseo at mga Saduceo at nagkahati-hati ang mga miyembro ng Korte. Nangyari iyon dahil ayon sa mga Saduceo walang muling pagkabuhay. Hindi rin sila naniniwala na may mga anghel o may mga espiritu. Pero ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Pariseo. Kaya ang nangyari, lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilang mga tagapagturo ng Kautusan na mga Pariseo at mariin nilang sinabi, “Wala kaming makitang kasalanan sa taong ito. Baka may espiritu o kayaʼy anghel na nakipag-usap sa kanya!”

10 Lalong uminit ang kanilang pagtatalo, hanggang sa natakot ang kumander na baka pagtulung-tulungan ng mga tao si Pablo. Kaya nag-utos siya sa kanyang mga sundalo na bumaba at kunin si Pablo sa mga tao at dalhin sa kampo.

11 Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Huwag kang matakot! Sapagkat kung paano ka nagpahayag tungkol sa akin dito sa Jerusalem, ganoon din ang gagawin mo sa Roma.”

Ang Planong Pagpatay kay Pablo

12-13 Kinaumagahan, nagpulong ang mahigit 40 Judio, at nagplano sila kung ano ang kanilang gagawin. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. 14 Pagkatapos, pumunta sila sa mga namamahalang pari at sa mga pinuno ng mga Judio at sinabi sa kanila, “Nanumpa kami na hindi kami kakain ng kahit ano hanggaʼt hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya hilingin ninyo at ng Korte sa kumander ng mga sundalong Romano na gusto ninyong papuntahin ulit dito sa inyo si Pablo. Sabihin ninyo na gusto ninyong imbestigahan nang mabuti si Pablo. Pero bago pa siya makarating dito, papatayin namin siya.”

16 Pero ang plano nilaʼy narinig ng pamangking lalaki ni Pablo, na anak ng kapatid niyang babae. Kaya pumunta siya sa kampo ng mga sundalo at ibinalita ito kay Pablo. 17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan doon at sinabi, “Dalhin ninyo ang binatilyong ito sa kumander, dahil may sasabihin siya sa kanya.” 18 Kaya dinala siya ng kapitan sa kumander. Pagdating nila roon, sinabi ng kapitan, “Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at nakiusap na dalhin ko rito sa iyo ang binatilyong ito, dahil may sasabihin daw siya sa iyo.” 19 Hinawakan ng kumander ang kamay ng binatilyo, at dinala siya sa lugar na walang ibang makakarinig. At tinanong niya, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” 20 Sinabi ng binatilyo, “Nagkasundo ang mga Judio na hilingin sa inyo na dalhin si Pablo sa Korte bukas, dahil iimbestigahan daw nila nang mabuti. 21 Pero huwag po kayong maniwala sa kanila, dahil mahigit 40 tao ang nagbabantay na tatambang sa kanya. Nanumpa sila na hindi sila kakain at iinom hanggaʼt hindi nila napapatay si Pablo. Nakahanda na sila at naghihintay na lang ng pahintulot ninyo.” 22 Sinabi ng kumander sa kanya, “Huwag mong sasabihin kahit kanino na ipinaalam mo ito sa akin.” At pinauwi niya ang binatilyo.

Ipinadala si Pablo sa Cesarea

23 Ipinatawag agad ng kumander ang dalawa sa kanyang mga kapitan at sinabi sa kanila, “Maghanda kayo ng 200 sundalo at ipapadala ko kayo sa Cesarea. Magdala rin kayo ng 70 sundalong nakakabayo at 200 sundalong may sibat. At lumakad kayo mamayang gabi, mga alas nuwebe. 24 Maghanda rin kayo ng mga kabayo na sasakyan ni Pablo. Bantayan ninyo siyang mabuti para walang mangyari sa kanya hanggang sa makarating siya kay Gobernador Felix.” 25 At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:

26 Mula kay Claudius Lysias.

“Mahal at kagalang-galang na Gobernador Felix:

27 “Ang taong ito na ipinadala ko sa iyo ay dinakip ng mga Judio, at papatayin na sana. Pero nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya. 28 Dinala ko siya sa kanilang Korte para malaman kung ano ang kanyang nagawang kasalanan. 29 Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay. 30 Kaya nang malaman kong may plano ang mga Judio na patayin siya, agad ko siyang ipinadala sa inyo. At sinabihan ko ang mga nag-akusa sa kanya na sa inyo na sila magreklamo.”

31 Sinunod ng mga sundalo ang utos sa kanila. At nang gabing iyon, dinala nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, bumalik ang mga sundalo sa kampo, samantalang nagpaiwan ang mga sundalong nakakabayo para samahan si Pablo. 33 Nang dumating sila sa Cesarea, iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat. 34 Binasa ito ng gobernador at pagkatapos ay tinanong si Pablo kung saang lalawigan siya nanggaling. Nang malaman niyang taga-Cilicia si Pablo, 35 sinabi niya, “Pakikinggan ko ang kaso mo kapag dumating na ang mga nag-aakusa sa iyo.” At pinabantayan ng gobernador si Pablo sa palasyo na ipinagawa ni Herodes.

Umapela si Pablo kay Felix

24 Makalipas ang limang araw, pumunta sa Cesarea si Ananias na punong pari. Kasama niya ang ilang pinuno ng mga Judio at ang abogadong si Tertulus. Humarap sila kay Gobernador Felix at sinabi nila sa kanya ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. Pagkatawag kay Pablo, inumpisahan ni Tertulus ang pag-aakusa sa kanya. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, dahil sa inyong magandang pamamalakad, naging mapayapa ang aming bansa. At maraming pagbabagong naganap na nakabuti sa aming bansa. Kaya lubos ang pasasalamat namin sa inyo at hindi namin ito makakalimutan. Ngayon, hindi namin gustong maabala kayo, kaya nakikiusap po ako na kung maaariʼy pakinggan ninyo ang maikli naming salaysay. Nakita namin na ang taong itoʼy nakakaperwisyo. Nagdadala siya ng kaguluhan sa mga Judio sa buong mundo, at namumuno siya sa sekta na tinatawag na Nazareno. Kahit ang templo namin ay tinangka niyang dungisan. Kaya hinuli namin siya. [Hahatulan na sana namin siya ayon sa aming Kautusan, pero dumating ang kumander na si Lysias at sapilitan niyang kinuha sa amin si Pablo. At sinabi niya na kung sino ang may akusasyon laban kay Pablo ay kinakailangang pumunta sa inyo.] Kung iimbestigahan nʼyo ang taong ito, malalaman nʼyo ang lahat ng inaakusa namin sa kanya.” At sinang-ayunan din ng mga Judio ang lahat ng sinabi ni Tertulus.

Sinagot ni Pablo ang mga Akusasyon sa Kanya

10 Sinenyasan ng gobernador si Pablo na siya naman ang magsalita. Kaya nagsalita si Pablo, “Alam kong matagal na po kayong naging hukom sa bansang ito. Kaya ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa inyong harapan. 11 Kung mag-iimbestiga kayo, malalaman ninyo na 12 araw pa lang ang nakalipas nang dumating ako sa Jerusalem para sumamba. 12 Ang mga Judiong itoʼy hindi kailanman nakakita sa akin na nakikipagdiskusyon kahit kanino o kayaʼy nanggulo sa templo o sa sambahan ng mga Judio, o kahit saan sa Jerusalem. 13 Hindi nga po nila mapapatunayan sa inyo na totoo ang kanilang akusasyon sa akin. 14 Pero inaamin kong sinasamba ko ang Dios ng aming mga ninuno sa pamamaraan na ayon sa mga taong ito ay maling sekta. Pero naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan ni Moises at sa lahat ng isinulat ng mga propeta. 15 Ang pag-asa ko sa Dios ay katulad din ng pag-asa nila, na ang lahat ng tao, mabuti man o masama, ay muli niyang bubuhayin. 16 Kaya pinagsisikapan ko na laging maging malinis ang aking konsensya sa harap ng Dios at sa mga tao.

17 “Pagkalipas ng ilang taon na wala po ako sa Jerusalem, bumalik ako roon para magdala ng tulong para sa aking mahihirap na kababayan, at para maghandog sa templo. 18 At nadatnan nila ako roon sa templo na naghahandog matapos kong gawin ang seremonya ng paglilinis. Kakaunti lang ang mga tao sa templo nang oras na iyon, at walang kaguluhan. 19 Pero may mga Judio roon na galing sa lalawigan ng Asia. Sila sana ang dapat humarap sa inyo kung talagang may akusasyon sila laban sa akin. 20 At dahil wala sila rito, ang mga tao na lang na naririto ang magsalita kung anong kasalanan ang nakita nila sa akin nang imbestigahan ako sa kanilang Korte. 21 Sapagkat wala akong ibang sinabi sa harapan nila kundi ito: ‘Inaakusahan ninyo ako ngayon dahil naniniwala ako na muling bubuhayin ang mga patay.’ ”

22 Dahil sa marami nang nalalaman noon si Felix tungkol sa pamamaraan ni Jesus, pinatigil niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko lang ang kasong ito kung dumating na rito si kumander Lysias.” 23 Pagkatapos, inutusan niya ang kapitan na bantayan si Pablo pero huwag higpitan, at payagan ang kanyang mga kaibigan na tumulong sa mga pangangailangan niya.

Humarap si Pablo kina Felix at Drusila

24 Pagkaraan ng ilang araw, bumalik si Felix at dinala niya ang kanyang asawang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at nakinig siya sa mga pahayag ni Pablo tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. 25 Pero nang magpaliwanag si Pablo tungkol sa matuwid na pamumuhay, sa pagpipigil sa sarili, at tungkol sa darating na Araw ng Paghuhukom, natakot si Felix at sinabi niya kay Pablo, “Tama na muna iyan! Ipapatawag na lang kitang muli kung sakaling may pagkakataon ako.” 26 Palagi niyang ipinapatawag si Pablo at nakikipag-usap dito, dahil hinihintay niyang suhulan siya ni Pablo. 27 Pagkalipas ng dalawang taon, pinalitan si Felix ni Porcius Festus bilang gobernador. At dahil sa nais ni Felix na magustuhan siya ng mga Judio, pinabayaan niya si Pablo sa bilangguan.

Umapela si Pablo kay Festus

25 Dumating si Festus sa lalawigan ng Judea bilang gobernador, at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula Cesarea. Doon sinabi sa kanya ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio ang kanilang akusasyon laban kay Pablo. At hiniling nila kay Festus na bigyan sila ng pabor, na ipadala niya si Pablo sa Jerusalem. (Pero balak pala nilang tambangan si Pablo sa daan at patayin). Sumagot si Festus, “Doon na lang si Pablo sa bilangguan sa Cesarea. Hindi ako magtatagal dito dahil babalik ako roon. Kaya pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno at doon ninyo siya akusahan kung may masama siyang nagawa.”

Mahigit isang linggo ang pananatili ni Festus sa Jerusalem, pagkatapos, bumalik siya sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na papasukin si Pablo. Pagpasok ni Pablo, pinaligiran agad siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem, at marami silang mabibigat na akusasyon laban sa kanya na hindi naman nila talaga napatunayan. Ipinagtanggol ni Pablo ang kanyang sarili. Sinabi niya, “Wala akong nagawang kasalanan laban sa Kautusan ng mga Judio, sa templo, o kayaʼy sa Emperador ng Roma.” Dahil nais ni Festus na magustuhan siya ng mga Judio, tinanong niya si Pablo, “Gusto mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ko lilitisin ang kaso mo?” 10 Sumagot si Pablo, “Dito po ako nakatayo sa korte ng Emperador, at dito nʼyo ako dapat hatulan. Wala akong ginawang kasalanan sa mga Judio at alam naman ninyo iyan. 11 Kung totoong lumabag ako sa kautusan at dapat akong parusahan ng kamatayan, tatanggapin ko ang hatol sa akin. Pero kung walang katotohanan ang kanilang akusasyon sa akin, hindi ako dapat ipagkatiwala sa kanila. Kaya aapela na lang ako sa Emperador ng Roma!” 12 Nakipag-usap agad si Festus sa mga miyembro ng kanyang korte, at pagkatapos ay sinabi niya kay Pablo, “Dahil gusto mong lumapit sa Emperador, ipapadala kita sa kanya.”

Pinaharap si Pablo kay Haring Agripa

13 Makaraan ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa[g] at ang kanyang kapatid na si Bernice dahil nais nilang dalawin si Gobernador Festus. 14 Nanatili sila roon ng ilang araw, at sinabi ni Festus sa hari ang kaso ni Pablo. Sinabi niya, “May bilanggong iniwan dito ang dating gobernador na si Felix. 15 Pagpunta ko sa Jerusalem, inakusahan ang taong ito ng mga namamahalang pari at ng mga pinuno ng mga Judio. Hiniling nila sa akin na parusahan ko siya. 16 Sinabi ko sa kanila na hindi ugali ng mga Romano na parusahan ang kahit sino na hindi humaharap sa mga nag-aakusa sa kanya, at hindi pa nabibigyan ng pagkakataon na masagot ang mga akusasyon laban sa kanya. 17 Kaya sumama sila sa akin pabalik dito sa Cesarea. Hindi na ako nag-aksaya ng panahon, kaya kinabukasan, umupo ako sa hukuman at ipinatawag ko ang taong ito. 18 Akala koʼy may mabigat talaga silang akusasyon laban sa kanya, pero nang magkaharap-harap na sila, wala naman pala. 19 Ang mga bagay na pinagtatalunan nila ay tungkol lang sa relihiyon nila at sa isang taong ang pangalan ay Jesus. Patay na ang taong ito, pero ayon kay Pablo ay buhay siya. 20 Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin sa kasong ito, kaya tinanong ko si Pablo kung gusto niyang pumunta sa Jerusalem at doon mismo lilitisin ang kaso. 21 Pero sinabi ni Pablo na lalapit na lang siya sa Emperador para ang Emperador na mismo ang magpasya. Kaya nag-utos ako na bantayan siya hanggang maipadala ko siya sa Emperador.” 22 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Gusto kong mapakinggan ang taong ito.” Sinabi ni Festus, “Sige, bukas mapapakinggan mo siya.”

Nagsalita si Pablo kay Agripa

23 Kinabukasan, dumating sa korte sina Agripa at Bernice na may buong parangal. Maraming opisyal ng mga sundalo at mga kilalang tao sa lungsod ang sumama sa kanila. Pagkatapos, nag-utos si Festus na dalhin doon si Pablo. Nang nasa loob na si Pablo, 24 sinabi ni Festus, “Haring Agripa at kayong lahat na naririto ngayon, narito ang taong pinaakusahan sa akin ng mga Judio rito sa Cesarea at sa Jerusalem. Isinisigaw nila na ang taong ito ay dapat patayin. 25 Pero ayon sa pag-iimbestiga ko, wala akong nakitang dahilan para parusahan siya ng kamatayan. At dahil nais niyang lumapit sa Emperador, nagpasya akong ipadala siya sa Emperador. 26 Pero wala akong maisulat na dahilan sa Emperador kung bakit ipinadala ko siya roon. Kaya ipinapaharap ko siya sa inyo, at lalung-lalo na sa inyo Haring Agripa, para pagkatapos ng pag-iimbestiga natin sa kanya, mayroon na akong maisusulat. 27 Sapagkat hindi ko maaaring ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang walang malinaw na akusasyon laban sa kanya.”

Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa

26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,

“Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.

“Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?

“Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[h] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”

Ikinuwento ni Pablo kung Paano Niya Nakilala ang Panginoon(A)

12 “Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damascus na may dalang sulat mula sa mga namamahalang pari. Ang sulat na iyon ang nagbigay sa akin ng kapangyarihan at pahintulot sa gagawin ko roon. 13 Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ako, biglang kumislap sa paligid namin ng mga kasama ko ang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, na mas nakakasilaw pa kaysa sa araw. 14 Napasubsob kaming lahat sa lupa, at may narinig akong tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo: ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig? Pinaparusahan mo lang ang iyong sarili. Para kang sumisipa sa matulis na kahoy.’ 15 Nagtanong ako, ‘Sino po kayo?’ Sumagot ang Panginoon, ‘Ako si Jesus na inuusig mo. 16 Bumangon ka at tumayo. Nagpakita ako sa iyo dahil pinili kita na maging lingkod ko. Ipahayag mo sa iba ang tungkol sa pagpapakita ko sa iyo ngayon, at tungkol sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. 17 Ililigtas kita sa mga Judio at sa mga hindi Judio. Ipapadala kita sa kanila 18 para imulat ang kanilang mata at dalhin sila mula sa kadiliman papunta sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas papunta sa Dios. At sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa akin, patatawarin sila sa kanilang mga kasalanan, at mapapabilang na sila sa mga taong itinuring ng Dios na sa kanya.’

Isinalaysay ni Pablo ang Kanyang Gawain

19 “Kaya Haring Agripa, sinunod ko po ang pangitain na ipinakita sa akin mula sa langit. 20 Ang una kong ginawa ay nangaral ako sa Damascus at pagkatapos ay sa Jerusalem. Mula sa Jerusalem inikot ko ang buong Judea, at pinuntahan ko rin ang mga hindi Judio. Pinangaralan ko sila na dapat silang magsisi sa kanilang kasalanan at lumapit sa Dios, at ipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa na silaʼy totoong nagsisisi. 21 Iyan po ang dahilan kung bakit hinuli ako ng mga Judio roon sa templo at tinangkang patayin. 22 Pero tinulungan ako ng Dios hanggang sa araw na ito. Kaya narito ako ngayon para sabihin sa lahat, sa mga kilalang tao o hindi, ang sinabi noon ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: 23 na ang Cristo ay dapat magdusa at mamatay, at unang mabubuhay mula sa kamatayan upang magbigay ng liwanag sa mga Judio at sa mga hindi Judio.”

24 Habang nagsasalita pa si Pablo, sumigaw si Festus, “Pablo, naloloko ka na yata! Sinira na nang labis mong karunungan ang ulo mo!” 25 Sumagot si Pablo, “Kagalang-galang na Festus, hindi po ako naloloko. Totoo ang mga sinasabi ko at matino ang pag-iisip ko. 26 Ang mga bagay na ito ay alam ni Haring Agripa. Kaya hindi ako natatakot magsalita sa kanya. Nasisiguro kong alam niya talaga ang mga bagay na ito, dahil ang mga itoʼy hindi nangyari sa lihim lang. 27 Haring Agripa, naniniwala po ba kayo sa mga sinasabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala kayo.” 28 Sumagot si Agripa, “Baka ang akala moʼy madali mo akong mahihikayat na maging Cristiano.” 29 Sumagot si Pablo, “Ang kahilingan ko sa Dios, mangyari man ito agad o hindi ay hindi lang po kayo kundi ang lahat ding nakikinig sa akin ngayon ay maging Cristiano tulad ko, maliban sa aking pagiging bilanggo.”

30 Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang lahat ng mga kasama nilang nakaupo roon. 31 Nang lumabas sila, sinabi nila sa isaʼt isa, “Wala namang ginawang anuman ang taong iyon para hatulan ng kamatayan o ibilanggo.” 32 Sinabi ni Agripa kay Festus, “Kung hindi lang niya inilapit sa Emperador ang kaso niya, maaari na sana siyang palayain.”

Ang Biyahe ni Pablo Papuntang Roma

27 Nang mapagpasyahan nilang papuntahin kami sa Italia, ipinagkatiwala nila si Pablo at ang iba pang mga bilanggo kay Julius. Si Julius ay isang kapitan ng mga sundalong Romano na tinatawag na Batalyon ng Emperador. Doon sa Cesarea ay may isang barkong galing sa Adramitium at papaalis na papunta sa mga daungan ng lalawigan ng Asia. Doon kami sumakay. Sumama sa amin si Aristarcus na taga-Tesalonica na sakop ng Macedonia. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabait si Julius kay Pablo. Pinahintulutan niya si Pablo na dumalaw sa kanyang mga kaibigan doon para matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula sa Sidon, bumiyahe uli kami. At dahil salungat sa amin ang hangin, doon kami dumaan sa kabila ng isla ng Cyprus na kubli sa hangin. Nilakbay namin ang karagatan ng Cilicia at Pamfilia, at dumaong kami sa Myra na sakop ng Lycia. Nakakita roon si Kapitan Julius ng isang barko na galing sa Alexandria at papunta sa Italia, kaya pinalipat niya kami roon.

Mabagal ang biyahe namin. Tumagal ito ng maraming araw, at talagang nahirapan kami hanggang sa nakarating kami malapit sa Cnidus. At dahil salungat ang hangin, hindi kami makatuloy sa pupuntahan namin. Kaya bumiyahe kami sa kabila ng isla ng Crete na kubli sa hangin, at doon kami dumaan malapit sa Salmone. Namaybay kami, pero talagang nahirapan kami bago makarating sa lugar na tinatawag na “Magagandang Daungan.” Malapit ito sa bayan ng Lasea.

Nagtagal kami roon hanggang inabot kami ng panahong mapanganib ang pagbibiyahe, dahil nakalipas na ang Araw ng Pag-aayuno.[i] Kaya sinabi ni Pablo sa aming mga kasama, 10 “Ang tantiya ko, mapanganib na kung tutuloy tayo, at hindi lang ang mga karga at ang barko ang mawawala baka pati na rin ang ating buhay.” 11 Pero mas naniwala ang kapitan ng mga sundalo sa sinabi ng kapitan ng barko at ng may-ari nito kaysa sa payo ni Pablo. 12 At dahil sa hindi ligtas sa malakas na hangin ang daungan doon, karamihan sa mga kasama namin ay sumang-ayon na magbiyahe. Nagbakasakali silang makakarating kami sa Fenix at doon magpapalipas ng tag-unos. Sapagkat ang Fenix ay isang daungan sa Crete na may magandang kublihan kung tag-unos.

Ang Malakas na Hangin at Alon sa Dagat

13 Nang umihip ang mahinang hangin galing sa timog, ang akala ng mga kasamahan namin ay pwede na kaming bumiyahe. Kaya itinaas nila ang angkla at nagbiyahe kaming namamaybay sa isla ng Crete. 14 Hindi nagtagal, bumugso ang malakas na hilagang-silangang hangin mula sa isla ng Crete. 15 Pagtama ng malakas na hangin sa amin, hindi na kami makaabante,[j] kaya nagpatangay na lang kami kung saan kami dalhin ng hangin. 16 Nang nasa bandang timog na kami ng maliit na isla ng Cauda, nakapagkubli kami nang kaunti. Kahit nahirapan kami, naisampa pa namin ang maliit na bangka na dala ng barko para hindi ito mawasak. 17 Nang mahatak na ang bangka, itinali ito nang mahigpit sa barko. Sapagkat natatakot sila na baka sumayad ang barko malapit sa Libya,[k] ibinaba nila ang layag at nagpatangay sa hangin. 18 Tuloy-tuloy pa rin ang malakas na bagyo, kaya kinabukasan, nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. 19 Nang sumunod pang araw, ang mga kagamitan na mismo ng barko ang kanilang itinapon. 20 Sa loob ng ilang araw, hindi na namin nakita ang araw at mga bituin, at tuloy-tuloy pa rin ang bagyo, hanggang sa nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa.

21 Ilang araw nang hindi kumakain ang mga tao, kaya sinabi ni Pablo sa kanila, “Mga kaibigan, kung nakinig lang kayo sa akin na hindi tayo dapat umalis sa Crete, hindi sana nangyari sa atin ang mga kahirapan at mga kapinsalaang ito. 22 Pero ngayon, hinihiling ko sa inyo na lakasan ninyo ang inyong loob dahil walang mamamatay sa atin. Ang barko lang ang masisira. 23 Sapagkat kagabi, nagpakita sa akin ang isang anghel. Ipinadala siya ng Dios na nagmamay-ari sa akin at aking pinaglilingkuran. 24 Sinabi niya, ‘Pablo, huwag kang matakot. Dapat kang humarap sa Emperador sa Roma. At sa awa ng Dios, ang lahat mong kasama rito sa barko ay maliligtas dahil sa iyo.’ 25 Kaya mga kaibigan, huwag na kayong matakot, dahil nananalig ako sa Dios na matutupad ang kanyang sinabi sa akin. 26 Pero ipapadpad tayo sa isang isla.”

27 Ika-14 na ng gabi nang tinangay kami ng bagyo sa Dagat ng Mediteraneo. At nang mga hatinggabi na, tinantiya ng mga tripulante na malapit na kami sa tabi ng dagat. 28 Kaya sinukat nila ang lalim ng dagat at nalaman nilang mga 20 dipa ang lalim. Maya-mayaʼy sinukat nilang muli ang lalim, at mga 15 dipa na lang. 29 At dahil sa takot na bumangga kami sa mga batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan ng barko. At nanalangin sila na mag-umaga na sana. 30 Gusto sana ng mga tripulante na lisanin na ang barko. Kaya ibinaba nila sa dagat ang maliit na bangka at kunwariʼy maghuhulog lang sila ng mga angkla sa unahan ng barko. 31 Pero sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kung aalis ang mga tripulante sa barko hindi kayo makakaligtas.” 32 Kaya pinutol ng mga sundalo ang mga lubid ng bangka at pinabayaan itong maanod.

33 Nang madaling-araw na, pinilit silang lahat ni Pablo na kumain. Sinabi niya, “Dalawang linggo na kayong naghihintay na lumipas ang bagyo, at hindi pa kayo kumakain. 34 Kaya kumain na kayo upang lumakas kayo, dahil walang mamamatay sa inyo kahit isa.” 35 Pagkatapos magsalita ni Pablo, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat siya sa Dios. Pinira-piraso niya ang tinapay at kumain. 36 Lumakas ang kanilang loob at kumain silang lahat. 37 (276 kaming lahat na sakay ng barko.) 38 Nang makakain na ang lahat at busog na, itinapon nila sa dagat ang kanilang mga dalang trigo para gumaan ang barko.

Ang Pagkasira ng Barko

39 Nang mag-umaga na, hindi alam ng mga tripulante kung saang isla kami napadpad, pero may nakita silang isang look na may dalampasigan, kaya nagkasundo sila na doon nila isadsad ang barko. 40 Kaya pinutol nila ang mga lubid na nakatali sa angkla. Kinalag din nila ang mga tali ng timon. At itinaas nila ang layag sa unahan para tangayin ng hangin ang barko papuntang dalampasigan. 41 Pero sumayad ang barko sa mababaw na parte ng tubig. Bumaon ang unahan nito at hindi na makaalis. Ang hulihan naman ay nawasak dahil sa salpok ng malalakas na alon.

42 Papatayin na sana ng mga sundalo ang lahat ng bilanggo para walang makalangoy papuntang dalampasigan at makatakas. 43 Pero pinigilan sila ng kanilang kapitan dahil gusto niyang maligtas si Pablo. Nag-utos siya na lumukso muna ang lahat ng marunong lumangoy, at mauna na sa dalampasigan. 44 Pagkatapos, pinasunod niya ang iba na nakakapit sa tabla at sa mga parte ng barko na lumulutang. Ganoon ang aming ginawa, at lahat kami ay ligtas na nakarating sa dalampasigan.

Sa Malta

28 Nang makaahon na kami at ligtas na sa panganib, nalaman namin na ang islang iyon ay tinatawag na Malta. Napakabait sa amin ng mga taga-roon at mabuti ang kanilang pagtanggap sa aming lahat. Nagsiga sila para makapagpainit kami, dahil umuulan at maginaw. Nanguha si Pablo ng isang bigkis ng kahoy na panggatong. Pero nang mailagay na niya ang mga kahoy sa apoy, biglang lumabas ang makamandag na ahas dahil sa init ng apoy, at tinuklaw ang kanyang kamay. Pagkakita ng mga taga-roon sa ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, sinabi nila, “Tiyak na kriminal ang taong ito. Nakaligtas siya sa dagat pero ayaw pumayag ng dios ng katarungan na mabuhay pa siya.” Pero ipinagpag lang ni Pablo ang ahas doon sa apoy at hindi siya napano. Hinihintay ng mga tao na mamaga ang kamay ni Pablo o kayaʼy matumba siya at mamatay. Pero matapos nilang maghintay nang matagal, walang nangyari kay Pablo. Kaya nagbago ang kanilang iniisip. Sinabi nila, “Isa siyang dios!”

Ang pangalan ng pinuno ng lugar na iyon ay si Publius. Ang kanyang lupa ay malapit lang sa lugar kung saan kami umahon. Mabuti ang kanyang pagtanggap sa amin, at doon kami tumuloy sa kanila sa loob ng tatlong araw. Nagkataon noon na ang ama ni Publius ay may sakit. May lagnat siya at disintirya. Kaya pumasok si Pablo sa kanyang silid at nanalangin. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa may sakit at gumaling ito. Dahil sa pangyayaring iyon, ang lahat ng may sakit sa isla ay pumunta sa amin at pinagaling din sila. 10 Marami silang ibinigay sa amin na regalo. At nang paalis na kami, binigyan pa nila kami[l] ng mga kakailanganin namin sa paglalakbay.

Mula Malta Papuntang Roma

11 Matapos ang tatlong buwan na pananatili namin sa isla ng Malta, sumakay kami sa isang barkong nagpalipas doon ng tag-unos. Ang barkong itoʼy galing sa Alexandria, at nakalarawan sa unahan nito ang kambal na dios. 12 Mula sa Malta, pumunta kami sa Syracuse at tatlong araw kami roon. 13 Mula roon, bumiyahe kami hanggang sa nakarating kami sa Regium. Kinabukasan, umihip ang habagat, at sa loob ng dalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. 14 Doon may nakita kaming mga kapatid sa Panginoon. Hiniling nila sa amin na manatili roon ng isang linggo. Pagkatapos, dumiretso kami sa Roma. 15 Nang marinig ng mga kapatid sa Roma na dumating kami, sinalubong nila kami sa Pamilihan ng Apius[m] at sa Tres Tabernas. Nang makita ni Pablo ang mga kapatid, nagpasalamat siya sa Dios at lumakas ang kanyang loob.

Sa Roma

16 Pagdating namin sa Roma, pinahintulutan si Pablo na tumira kahit saan niya gusto, pero may isang sundalong magbabantay sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®