Bible in 90 Days
Ang Pagtutuli ay Tanda ng Kasunduan
17 Nang 99 na taong gulang si Abram, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios na Makapangyarihan. Palagi kang maging matapat sa akin at mamuhay nang matuwid. 2 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo; pararamihin ko ang mga lahi mo.”
3 Nang marinig ito ni Abram, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios. Sinabi ng Dios sa kanya, 4 “Sa ganang akin, ito ang kasunduan ko sa iyo: Magiging ama ka ng maraming bansa. 5 Mula ngayon, hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham[a] dahil gagawin kitang ama ng maraming bansa. 6 Pararamihin ko ang mga lahi mo at magtatayo sila ng mga bansa, at ang iba sa kanila ay magiging hari. 7 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa iyo at sa mga lahi mo sa susunod mo pang mga henerasyon, na patuloy akong magiging Dios ninyo. Ang kasunduang ito ay magpapatuloy magpakailanman. 8 Mga dayuhan lamang kayo ngayon sa lupain ng Canaan. Pero ibibigay ko ang buong lupaing ito sa iyo at sa mga lahi mo. Magiging inyo na ito magpakailanman, at patuloy akong magiging Dios ninyo.”
9 Sinabi pa niya kay Abraham, “Ingatan mo ang kasunduan nating ito, at ganoon din ang dapat gawin ng mga lahi mo sa susunod pang mga henerasyon. 10 At tungkol sa kasunduang ito, dapat ninyong tuliin ang lahat ng lalaki. 11 Ito ang magiging palatandaan ng kasunduan ko sa inyo. 12-13 Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng lalaking ipapanganak ay dapat tuliin pagsapit nang ikawalong araw mula nang isilang ito. Tuliin din ninyo ang mga aliping lalaki na isinilang sa tahanan ninyo at pati ang mga aliping binili ninyo sa mga taga-ibang lugar. Ito ang palatandaan sa katawan ninyo na magpapatunay na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy hanggang wakas. 14 Ang sinumang lalaki sa inyo na tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang kasunduan ko.”
15 Sinabi pa ng Dios kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara[b] na ang itatawag mo sa kanya. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”
17 Nang marinig ito ni Abraham, nagpatirapa siya bilang paggalang sa Dios, pero tumawa siya sa kanyang narinig. Sinabi niya sa kanyang sarili, “Magkakaanak pa ba ako na nasa 100 taong gulang na? At si Sara, mabubuntis pa kaya siya na nasa 90 taong gulang na?” 18 Sinabi niya sa Dios, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo rin po ang anak kong si Ishmael.”
19 Sumagot ang Dios, “Ang totoo ay ito: Ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac.[c] Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ishmael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng 12 pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao.[d] 21 Kaya lang, ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac at sa mga lahi niya. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.” 22 Umalis ang Dios pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito.
23 Sa mismong araw na iyon, tinupad ni Abraham ang iniutos sa kanya ng Dios. Tinuli niya ang anak niyang si Ishmael at ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan: ang mga aliping isinilang sa tahanan niya at ang mga aliping binili niya. 24 Si Abraham ay 99 na taong gulang nang tuliin siya, 25 at si Ishmael naman ay 13 taong gulang na. 26-27 Sa mismong araw na iyon na nag-utos ang Dios na ang lahat ng lalaki ay dapat tuliin, nagpatuli si Abraham at si Ishmael pati ang lahat ng alipin ni Abraham na isinilang sa sambahayan niya at ang mga alipin na binili niya sa mga taga-ibang lugar.
Ang Tatlong Panauhin ni Abraham
18 Nagpakita ang Panginoon kay Abraham nang nakatira pa siya malapit sa malalaking puno[e] ni Mamre. Mainit ang araw noon, at si Abraham ay nakaupo sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Habang nagmamasid siya, may nakita siyang tatlong lalaki na nakatayo sa di-kalayuan. Tumayo siya agad at dali-daling sumalubong sa kanila. Yumukod siya sa kanila bilang paggalang.
3 At sinabi, “Panginoon,[f] kung maaari, dumaan po muna kayo rito sa amin. 4 Magpapakuha po ako ng tubig para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at makapagpahinga sa lilim ng punongkahoy na ito. 5 Kukuha rin ako ng pagkain para sa inyo upang may lakas po kayo sa inyong paglalakad. Ikinagagalak ko pong mapaglingkuran kayo habang nandito kayo sa amin.” At sumagot sila, “Sige, gawin mo kung ano ang sinabi mo.”
6 Kaya nagmadaling pumasok si Abraham sa tolda at sinabi kay Sara, “Kumuha ka ng kalahating sako ng magandang klaseng harina at magluto ka ng tinapay. At bilisan mo ang pagluluto.” 7 Tumakbo agad si Abraham papunta sa mga bakahan niya at pumili ng matabang guya, at ipinakatay niya ito at ipinaluto sa alipin niyang kabataan. 8 Pagkatapos, dinala niya ito sa mga panauhin niya, at nagdala rin siya ng keso at gatas. At habang kumakain sila sa ilalim ng punongkahoy, naroon din si Abraham na naglilingkod sa kanila.
9 Ngayon, nagtanong ang mga panauhin kay Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” Sumagot siya, “Naroon po sa loob ng tolda.” 10 Ang isa sa mga panauhin ay nagsabi, “Tiyak na babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki ang asawa mong si Sara.”
Nakikinig pala si Sara sa pintuan ng tolda na nasa likod lamang ni Abraham. 11 (Matanda na silang dalawa ni Abraham at huminto na nga ang buwanang dalaw ni Sara.) 12 Tumawa si Sara sa kanyang sarili at nag-isip-isip, “Sa katandaan kong ito, masisiyahan pa ba akong sumiping sa asawa ko, na matanda na rin, para magkaanak kami?”
13 Nagtanong agad ang Panginoon kay Abraham, “Bakit tumatawa si Sara at sinasabi, ‘Magkakaanak pa ba ako ngayong matanda na ako?’ 14 May bagay ba na hindi magagawa ng Panginoon? Tulad ng sinabi ko, babalik ako rito sa ganito ring panahon sa susunod na taon at magkakaroon ng anak na lalaki si Sara.”
15 Natakot si Sara, kaya nagsinungaling siya. Sinabi niya, “Hindi po ako tumawa!” Pero sinabi ng Panginoon, “Tumawa ka talaga.”
Nagmakaawa si Abraham para sa Lungsod ng Sodom
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki. Inihatid sila ni Abraham hanggang sa lugar kung saan nakikita nila sa ibaba ang lungsod ng Sodom. 17 Sinabi ng Panginoon, “Hindi ko itatago kay Abraham ang gagawin ko. 18 Talagang magiging malaki at makapangyarihang bansa ang mga lahi niya sa hinaharap. At sa pamamagitan niya, makakatanggap ng pagpapala ang ibang mga bansa. 19 Pinili ko siya para ipatupad niya sa mga anak at mga lahi niya ang utos ko na gumawa sila ng tama at matuwid. Sa ganoong paraan, matutupad ang aking pangako sa kanya.”
20 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Maraming tao ang dumadaing doon sa Sodom at Gomora, dahil sobrang sama na ng lugar na iyon. 21 Kaya pupunta ako roon para malaman ko kung totoo o hindi ang mga daing ng mga tao roon.”
22 Lumakad agad ang dalawang lalaki papuntang Sodom, pero nagpaiwan ang Panginoon at si Abraham. 23 Lumapit si Abraham sa Panginoon at nagtanong, “Lilipulin nʼyo po ba ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. 24 Kung mayroon po kayang 50 matuwid sa lungsod na iyan, lilipulin nʼyo pa rin po ba ang buong lungsod? Hindi nʼyo po ba kahahabagan ang lungsod dahil sa 50 taong matuwid? 25 Hindi po kapani-paniwala na lilipulin ninyo ang mga matuwid kasama ng mga makasalanan. Hindi po maaaring pare-pareho ang pakikitungo nʼyo sa kanila. Kayo po na humahatol sa buong mundo, hindi po baʼt dapat gawin ninyo kung ano ang tama?” 26 Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 50 matuwid sa Sodom, hindi ko lilipulin ang buong lungsod alang-alang sa kanila.”
27 Muling nagsalita si Abraham, “O Panginoon, patawarin nʼyo po akong naglakas-loob na makipag-usap sa inyo. Tao lang po ako, at wala akong katuwiran na magsabi nito sa inyo. 28 Pero kung mayroon po kayang 45 matuwid, lilipulin nʼyo pa rin ba ang buong lungsod dahil kulang po ito ng lima?” Sumagot ang Panginoon, “Kung may makita akong 45 matuwid, hindi ko lilipulin ang lungsod.”
29 Muling nagsalita si Abraham, “Kung 40 lang po kaya ang matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko lilipulin ang lungsod alang-alang lamang sa 40 matuwid.”
30 Muling nagsalita si Abraham, “Huwag po sana kayong magalit sa akin, Panginoon, dahil magtatanong pa po ako. Ano po kaya kung may 30 lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod kung may makita akong 30 tao na matuwid.”
31 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, patawarin nʼyo po ako sa paglalakas-loob ko na pakikipag-usap sa inyo. Ano po kaya kung may 20 na lang na taong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa 20 matuwid.”
32 Muling nagsalita si Abraham, “Panginoon, huwag po sana kayong magagalit; huling tanong na po ito. Halimbawa, sampu na lang po ang nakita ninyong matuwid?” Sumagot ang Panginoon, “Hindi ko pa rin lilipulin ang lungsod alang-alang sa sampung matuwid.”
33 Pagkatapos nilang mag-usap, umalis ang Panginoon at si Abraham ay umuwi sa kanila.
Ang Pagiging Makasalanan ng mga Tao sa Sodom
19 Magdidilim na nang dumating ang dalawang anghel sa Sodom. Nakaupo noon si Lot sa pintuan ng lungsod. Pagkakita ni Lot sa kanila, tumayo siya at sinalubong sila. Pagkatapos, yumukod siya sa harapan nila bilang paggalang at nagsabing, 2 “Kung maaari po, dumaan muna kayo sa bahay ko para makapaghugas kayo ng mga paa ninyo at dito na po kayo matulog ngayong gabi. At bukas na lang kayo ng umaga magpatuloy sa paglalakbay ninyo.”
Pero sumagot sila, “Huwag na lang, doon na lang kami matutulog sa plasa ngayong gabi.”
3 Pero pinilit sila ni Lot, kaya sumama na lang sila sa bahay niya. Naghanda si Lot ng mga inumin at mga pagkain. Nagpaluto rin siya ng tinapay na walang pampaalsa. At nang handa na, naghapunan sila. 4 Nang mahihiga na sila para matulog, dumating ang lahat ng bata at matatandang lalaki ng Sodom, at pinaligiran nila ang bahay ni Lot. 5 Tinawag nila si Lot at tinanong, “Nasaan na ang mga panauhin mong lalaki na dumating ngayong gabi? Palabasin mo sila rito dahil gusto namin silang sipingan.”
6 Lumabas si Lot ng bahay para harapin sila. Nang lumabas siya, isinara niya agad ang pintuan. 7 Sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, nakikiusap ako sa inyo na huwag ninyong gagawin ang iniisip ninyong masama. 8 Kung gusto nʼyo, may dalawa akong anak na dalaga. Ibibigay ko sila sa inyo at bahala na kayo kung ano ang gusto ninyong gawin sa kanila. Pero huwag ninyong galawin ang dalawang taong ito, dahil mga bisita ko sila at dapat ko silang protektahan.” 9 Pero sinabi ng mga tao, “Dayuhan ka lang dito kaya sino ka para makialam sa amin. Umalis ka riyan! Baka mas higit pa ang magawa namin sa iyo kaysa sa kanila.” Pagkatapos, itinulak nila si Lot. Lalapit sana sila sa pintuan para gibain ito, 10 pero binuksan ito ng dalawang anghel na nasa loob at hinatak nila si Lot papasok, at isinara ang pintuan. 11 Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas para hindi na nila makita ang pintuan.
Pinaalis si Lot sa Sodom
12 Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito, 13 dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito na puro kasamaan ang ginagawa. Kaya ipinadala niya kami para lipulin ang lungsod na ito.”
14 Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang[g] niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Pero hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.” 16 Hindi pa sana aalis si Lot. Pero dahil naaawa ang Panginoon sa kanila, hinawakan sila ng mga anghel sa kamay at dinala palabas ng lungsod.
17 Nang nasa labas na sila ng lungsod, sinabi ng Panginoon, “Tumakbo kayo! Huwag kayong lilingon, o hihinto sa kahit saan dito sa kapatagan! Tumakbo kayo papunta sa bundok para hindi kayo mamatay!” 18 Pero sumagot si Lot, “Panginoon ko, huwag nʼyo na po akong patakbuhin papunta sa bundok. 19 Kinahabagan nʼyo po ako at ipinakita ang kabutihan nʼyo sa akin sa pagliligtas ninyo sa buhay ko. Pero napakalayo po ng bundok; baka maabutan ako ng sakuna at mamatay ako bago makarating doon. 20 Nakita nʼyo po ba ang maliit na bayang iyon sa unahan? Tiyak na mararating ko po iyon dahil malapit lang. Maaari po bang doon na lang ako pumunta sa maliit na bayang iyon para maligtas ako?” 21 Sumagot ang Panginoon, “Oo, payag ako sa kahilingan mo; hindi ko lilipulin ang bayan na iyon. 22 Sige, tumakbo na kayo roon, dahil wala pa akong gagawin hanggaʼt hindi pa kayo nakakarating doon.”
Ang bayang iyon ay tinatawag na Zoar[h] dahil maliit ang bayang iyon.
Ang Paglipol sa Sodom at Gomora
23 Nakasikat na ang araw nang dumating sina Lot sa Zoar. 24 Biglang pinaulanan ng Panginoon ng naglalagablab na asupre ang Sodom at Gomora. 25 Nilipol ng Panginoon ang dalawang lungsod at ang buong kapatagan. Namatay ang lahat ng nakatira roon pati ang lahat ng tanim. 26 Lumingon ang asawa ni Lot, kaya ginawa siyang haliging asin. 27 Kinaumagahan, dali-daling pumunta si Abraham sa lugar kung saan siya nakipag-usap sa Panginoon. 28 Minasdan niya ang Sodom at Gomora, at ang buong kapatagan. Nakita niya ang usok na pumapaitaas mula sa lupa na parang usok na nagmula sa isang malaking hurno.
29 Inalala ng Dios si Abraham, nang lipulin ng Dios ang mga lungsod sa kapatagan kung saan nakatira si Lot, iniligtas niya muna si Lot para hindi ito mapahamak.
Ang Pinanggalingan ng mga Moabita at Ammonita
30 Dahil natakot si Lot na tumira sa Zoar, lumipat siya at ang dalawa niyang anak na dalaga sa bundok, at tumira sila sa kweba. 31 Isang araw, sinabi ng panganay na anak sa kanyang kapatid, “Matanda na ang ating ama at wala nang ibang lalaki rito na maaari nating mapangasawa para magkaanak tayo katulad ng pamamaraan ng tao kahit saan sa mundo. 32 Mabuti pang painumin natin ang ating ama ng alak hanggang sa malasing siya, pagkatapos, sumiping tayo sa kanya para magkaanak tayo sa pamamagitan niya.”
33 Kaya nang gabing iyon, nilasing nila ang kanilang ama. Pagkatapos, sumiping ang panganay na anak sa kanyang ama. Pero dahil sa sobrang kalasingan ni Lot, hindi niya namalayan kung ano ang nangyayari.
34 Kinabukasan, sinabi ng panganay sa nakababata niyang kapatid, “Sumiping na ako kagabi sa ating ama. At ngayong gabi muli natin siyang painumin ng alak hanggang sa malasing siya, at ikaw naman ang sumiping sa kanya para tayong dalawa ay magkaanak sa pamamagitan niya.” 35 Kaya nang gabing iyon, muli nilang nilasing ang kanilang ama at ang nakababatang kapatid naman ang sumiping sa kanya. At sa sobrang kalasingan, hindi rin niya namalayan kung ano ang nangyayari.
36 Sa ganoong paraan, nabuntis ang dalawang anak ni Lot sa pamamagitan niya. 37 Dumating ang panahon, nanganak ang panganay ng isang lalaki at pinangalanan niyang Moab.[i] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Moabita. 38 Nanganak din ang nakababatang kapatid ng isang lalaki at pinangalanan niyang Ben Ami.[j] Siya ang pinagmulan ng lahi ng Ammonita.
Si Abraham at si Abimelec
20 Umalis sina Abraham sa Mamre at pumunta sa Negev. Doon sila tumira sa kalagitnaan ng Kadesh at Shur. Hindi nagtagal, lumipat sila sa Gerar. 2 Habang naroon sila, ang pakilala ni Abraham kay Sara sa mga tao ay kapatid niya ito. Kaya ipinakuha si Sara ni Haring Abimelec ng Gerar.
3 Isang gabi, nagpakita ang Dios kay Abimelec sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi niya, “Mamamatay ka dahil kinuha mo ang babaeng iyan na may asawa na.” 4 Pero dahil hindi pa nagagalaw ni Abimelec si Sara, sinabi niya, “Panginoon, bakit nʼyo po ako papatayin at ang mga tauhan ko? Wala po akong kasalanan. 5 Sinabi po kasi ni Abraham na kapatid niya si Sara at sinabi rin ni Sara na kapatid niya si Abraham. Inosente po ako at wala akong masamang balak sa pagkuha kay Sara.”
6 Sinabi pa sa kanya ng Dios sa panaginip, “Oo, alam kong wala kang masamang balak, kaya hindi ko ipinahintulot na magalaw mo siya para hindi ka magkasala sa akin. 7 Pero dapat mo siyang ibalik sa asawa niya dahil ang asawa niya ay isang propeta, at ipapanalangin ka niya para hindi ka mamatay. Pero kapag hindi mo siya naibalik, binabalaan kita na mamamatay ka pati ang lahat ng tauhan mo.”
8 Kinabukasan, maagang ipinatawag ni Abimelec ang lahat ng opisyal niya at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang panaginip. At labis silang natakot. 9 Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Ano ang ginawa mong ito sa amin? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo na inilagay mo sa kapahamakan ang buong kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo. 10 Bakit mo ito ginawa?” 11 Sumagot si Abraham, “Akala ko po wala ni isa man dito na gumagalang sa Dios, kaya naisip ko na baka patayin nʼyo ako para makuha nʼyo ang asawa ko. 12 Totoo po na magkapatid kami, pero sa ama lang at hindi sa ina; at napangasawa ko po siya. 13 Nang sinabihan po ako ng Dios na umalis sa tahanan ng aking ama, sinabi ko kay Sara na ipakilala niya na magkapatid kami kahit saan kami pumunta. Sa ganito pong paraan, maipapakita niya ang pagmamahal niya sa akin.”
14 Ibinalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, at binigyan pa niya si Abraham ng mga tupa, baka, at mga aliping babae at lalaki. 15 Pagkatapos, sinabi niya kay Abraham, “Payag akong patirahin kayo sa aking lupain. Tumira kayo kahit saan ninyo gusto.” 16 Sinabi rin niya kay Sara, “Bibigyan ko ang kapatid mo ng 1,000 pirasong pilak bilang katibayan sa lahat ng kasamahan ninyo na hindi kita nagalaw at para hindi sila mag-isip na nakagawa ka ng masama.”
17-18 Dahil sa pagkuha kay Sara, niloob ng Panginoon na hindi magkakaanak ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec. Kaya nanalangin si Abraham sa Dios, at pinagaling ng Dios ang asawa ni Abimelec at ang mga alipin niyang babae para muli silang magkaanak. Pinagaling din ng Dios si Abimelec sa kanyang karamdaman.
Ang Pagsilang ni Isaac
21 Ngayon, inalala ng Panginoon si Sara ayon sa kanyang ipinangako. 2 Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. 3 Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac.
4 Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. 5 Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. 6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. 7 Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.”
8 Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan.
Pinalayas si Hagar at si Ishmael
9 Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) 10 Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. 12 Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. 13 At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”
14 Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. 15 Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy 16 at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”
17 Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. 18 Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” 19 Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.
20-21 Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.
Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec
22 Nang panahong iyon,[k] pumunta si Abimelec kay Abraham kasama ang kumander ng mga sundalo niya na si Picol. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Tinutulungan ka talaga ng Dios sa lahat ng ginagawa mo. 23 Kaya, mangako ka rito sa pangalan ng Dios na hindi mo ako pagtataksilan pati na ang aking mga lahi. Ipakita mo ang kabutihan mo sa akin at sa lugar na ito na tinitirhan mo ngayon, tulad din ng ipinakita kong kabutihan sa iyo.” 24 Sumagot si Abraham, “Isinusumpa ko.”
25 Pero dumaing si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon na inagaw ng mga alipin niya. 26 Sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa niyan. Hindi mo naman ako sinabihan, at ngayon ko lang nalaman iyon.” 27 Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka, at ibinigay niya kay Abimelec. Pagkatapos, gumawa silang dalawa ng kasunduan. 28 Kumuha rin si Abraham ng pitong babaeng tupa at ibinukod ito. 29 Nagtanong si Abimelec, “Para kanino ang pitong babaeng tupa na ibinukod mo?” 30 Sumagot si Abraham, “Tanggapin mo ang pitong babaeng tupa na ito bilang katibayan na ako ang naghukay ng balong iyan.” 31 Dahil sa sumpaan nila, ang lugar na iyon ay tinawag na Beersheba.[l]
32 Pagkatapos ng sumpaan nila roon sa Beersheba, bumalik si Abimelec at si Picol sa lupain ng mga Filisteo. 33 Nagtanim si Abraham ng isang punongkahoy na tamarisko roon sa Beersheba at sumamba siya sa Panginoon, ang Dios na walang hanggan. 34 Nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo sa mahabang panahon.
Inutusan ng Dios si Abraham na Ihandog si Isaac
22 Dumating ang panahon na sinubukan ng Dios si Abraham. Tinawag niya si Abraham, at sumagot si Abraham sa kanya. 2 Pagkatapos, sinabi niya, “Dalhin mo ang kaisa-isa[m] at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at pumunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo at ialay mo siya sa akin bilang handog na sinusunog.”
3 Kinabukasan, maagang nagsibak si Abraham ng mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at isinakay niya ito sa asno. Lumakad siya kasama si Isaac at ang dalawa niyang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Dios. 4 Nang ikatlong araw ng kanilang paglalakbay, nakita ni Abraham sa di-kalayuan ang lugar na sinabi sa kanya ng Dios. 5 Kaya sinabi ni Abraham sa dalawa niyang alipin, “Dito muna kayo at bantayan ninyo ang asno, dahil aakyat kami roon para sumamba sa Dios. Babalik din kami agad.” 6 Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang mga kahoy na gagamitin sa paghahandog, at siya ang nagdala ng itak at sulo.
7 Habang lumalakad sila, sinabi ni Isaac, “Ama!” Sumagot si Abraham, “Bakit anak?” Nagtanong si Isaac, “May dala po tayong sulo at panggatong pero nasaan po ang tupa na ihahandog?”
8 Sumagot si Abraham, “Anak, ang Dios mismo ang magbibigay sa atin ng tupang ihahandog.” At nagpatuloy sila sa paglalakad.
9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Dios, gumawa si Abraham ng altar na bato, at inihanda niya ang mga kahoy sa ibabaw nito. Pagkatapos, iginapos niya si Isaac at inihiga sa ibabaw ng altar. 10 Kinuha niya ang itak. At nang papatayin na sana niya si Isaac, 11 tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, “Abraham! Abraham!” Sumagot si Abraham, “Narito po ako.” 12 Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang anak mo! Ngayon, napatunayan ko na may takot ka sa Dios dahil hindi mo ipinagkait ang kaisa-isa mong anak.” 13 Paglingon ni Abraham, may nakita siyang isang lalaking tupa na ang sungay ay nasabit sa mga sanga ng kahoy, at hindi na ito makaalis. Kaya kinuha ito ni Abraham at inihandog bilang handog na sinusunog kapalit ng kanyang anak. 14 Tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na “Naglalaan ang Panginoon.” Ito ang pinagmulan ng kasabihang, “Sa bundok ng Panginoon may inilalaan siya.”
15 Muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham mula sa langit. 16-17 Sinabi niya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Sumusumpa ako sa sarili ko na pagpapalain kita nang lubos dahil hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak. Bibigyan kita ng mga lahi na kasindami ng mga bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Sasakupin nila ang mga lungsod ng kanilang mga kaaway. 18 At sa pamamagitan ng iyong mga lahi,[n] pagpapalain ko ang lahat ng bansa sa mundo, dahil sumunod ka sa akin.”
19 Pagkatapos nito, binalikan nila Abraham at Isaac ang kanilang mga alipin. At bumalik sila sa Beersheba at doon na nanirahan.
Ang mga Lahi ni Nahor
20 Pagkalipas ng ilang panahon, nabalitaan ni Abraham na ang kapatid niyang si Nahor ay may mga anak kay Milca: 21 Si Uz ang panganay, sumunod sina Buz, Kemuel (ang ama ni Aram), 22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Betuel. 23 Silang walo ay ang mga anak ni Nahor kay Milca. Si Betuel ang ama ni Rebeka. 24 May mga anak din si Nahor sa isa pa niyang asawa na si Reuma. Silaʼy sina Teba, Gaham, Tahas at Maaca.
Namatay si Sara, at Bumili si Abraham ng Paglilibingan.
23 Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2 Namatay siya sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.
3 Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng asawa niya at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4 “Nakatira ako rito sa lugar ninyo bilang isang dayuhan, kaya kung maaari ay pagbilhan din ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng asawa ko.” 5 Sumagot ang mga Heteo, 6 “Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”
7 Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8 Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9 na ibenta niya sa akin ang kweba niya na nasa tabi ng bukirin niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo para maging akin ito at gawing libingan.”
10 Naroon pala si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11 Sinabi niya, “Sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”
12 Muling yumukod si Abraham tanda ng pagpapasalamat sa harapan ng mga Heteo. 13 Kaya sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko para mailibing ko na doon ang asawa ko.”
14 Sumagot si Efron, 15 “Ginoo, ang lupa ay nagkakahalaga ng 400 pirasong pilak. Pero ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang asawa mo.”
16 Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng 400 pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasihan noon ng mga mangangalakal. At ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.
17-18 Kaya naging pag-aari ni Abraham ang bukid ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid. Saksi ang lahat ng Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19 Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kweba na nasa bukirin ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20 Kaya ang bukid pati ang kweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.
Asawa para kay Isaac
24 Matandang matanda na si Abraham at pinagpala siya ng Panginoon sa lahat ng bagay. 2 Isang araw, kinausap niya ang tagapamahalang alipin[o] niya na nag-aasikaso ng lahat ng ari-arian niya, “Ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita[p] ko, 3 at sumumpa ka sa akin sa pangalan Panginoon, ang Dios ng kalangitan at ng lupa, na hindi ka pipili ng taga-rito sa Canaan, na kasama nating naninirahan dito, para mapangasawa ng anak kong si Isaac. 4 Pumunta ka sa lugar na pinanggalingan ko, at doon ka pumili ng babaeng mapapangasawa ng anak kong si Isaac, na mula sa mga kamag-anak ko.”
5 Pero nagtanong ang alipin, “Paano po kung ayaw sumama ng babae sa lugar na ito? Dadalhin ko na lang po ba si Isaac doon?”
6 Sumagot si Abraham, “Huwag mong dalhin si Isaac doon! 7 Dinala ako rito ng Panginoon, ang Dios ng kalangitan, mula sa sambahayan ng aking ama, sa lugar kung saan ako isinilang. At sumumpa siya na ibibigay niya ang lupaing ito ng Canaan sa mga lahi ko. Kaya lumakad ka dahil magpapadala ang Panginoon ng anghel niya na sasama sa iyo para makakita ka roon ng mapapangasawa ng anak ko. 8 Kapag hindi sumama sa iyo ang babae, wala kang pananagutan sa pagsumpa mong ito sa akin. Pero huwag mong dadalhin doon ang anak ko.” 9 Kaya inilagay ng alipin ang kamay niya sa pagitan ng dalawang hita ni Abraham na kanyang amo, at sumumpa siya na susundin ang iniutos sa kanya.
10 Pagkatapos, kumuha ang alipin ng sampung kamelyo at mga mamahaling regalo mula sa amo niyang si Abraham. Lumakad siya agad papunta sa Aram Naharaim,[q] ang bayan na tinitirhan ni Nahor. 11 Pagdating ng alipin sa bayan, pinaluhod niya ang mga kamelyo malapit sa balon sa labas ng bayan. Dapit-hapon noon at oras na ng pag-igib ng mga kababaihan.
12 Nanalangin ang alipin, “Panginoon, Dios ng amo kong si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo ang kabutihan ninyo sa aking amo. 13 Nakatayo po ako sa tabi ng balon habang umiigib ang mga babae sa bayan na ito. 14 Kung hihingi po ako ng tubig na nasa banga ng isang dalaga, at pumayag siyang painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili ninyong maging asawa ng lingkod ninyong si Isaac. Sa ganito ko po malalaman ang pagpapakita nʼyo ng inyong kabutihan sa amo kong si Abraham.”
15 Hindi pa siya natatapos sa pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa balikat niya. Si Rebeka ay anak ni Betuel na anak nina Nahor at Milca. Si Nahor ay kapatid ni Abraham. 16 Magandang dalaga si Rebeka at birhen pa. Bumaba siya papunta sa balon at nilagyan niya ng tubig ang kanyang banga. Pagkatapos, umakyat siya para umuwi.
17 Nagmamadali ang alipin sa pagsalubong sa kanya at sinabi, “Pwede mo ba akong painumin sa banga mo kahit kaunti lang.”
18 Sumagot si Rebeka, “Sige Ginoo, uminom ka.” Mula sa balikat niya, ibinaba niya agad ang banga at hinawakan ito habang umiinom ang alipin.
19 Pagkatapos niyang painumin ang alipin, sinabi niya, “Iigib naman ako para sa mga kamelyo mo hanggang sa makainom silang lahat.” 20 Dali-dali niyang ibinuhos ang tubig sa inuman ng mga hayop at bumalik siya sa balon para muling umigib. At patuloy siya sa pag-igib hanggang sa makainom ang lahat ng kamelyo. 21 Habang nakamasid ang alipin kay Rebeka, iniisip niya kung iyon na ang sagot ng Panginoon sa panalangin niya sa pagpunta niya sa lugar na iyon.
22 Pagkatapos uminom ng mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang gintong singsing na ang bigat ay anim na gramo. Inilabas din niya ang dalawang pulseras na ginto na ang bigat ay mga 120 gramo. At ibinigay niya ito kay Rebeka. 23 Pagkatapos, nagtanong siya kay Rebeka, “Kanino kang anak? May lugar pa ba sa inyo na maaari naming matulugan ngayong gabi?”
24 Sumagot si Rebeka, “Anak ako ni Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca. 25 May matutulugan kayo roon sa amin, at marami ring dayami at pagkain para sa mga kamelyo ninyo.”
26 Yumukod agad ang alipin at sumamba sa Dios. 27 Sinabi niya, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng aking amo na si Abraham. Ipinakita niya ang kanyang kabutihan sa aking amo. Ako mismo ay ginabayan niya sa pagpunta ko sa mga kamag-anak ng aking amo.”
28 Patakbong umuwi si Rebeka sa bahay ng kanyang ina at sinabi niya sa kanila ang lahat ng nangyari. 29-30 Ang kapatid niyang si Laban ay naroon din na nakikinig sa sinasabi niya tungkol sa binanggit ng tao sa kanya. Nakita ni Laban ang singsing at pulseras na suot-suot ni Rebeka. Kaya tumakbo siya papunta sa balon at pumunta sa taong sinasabi ni Rebeka. Naroon pa rin ang lalaki na nakatayo malapit sa balon, sa tabi ng mga kamelyo. 31 Sinabi ni Laban sa kanya, “Ikaw pala ang taong pinagpala ng Panginoon. Bakit pa kayo nakatayo lang diyan? Halika sa bahay, dahil inihanda ko na ang silid para sa iyo at ang lugar para sa mga kamelyo mo.”
32 Sumama ang alipin kay Laban. Pagdating nila sa bahay, ibinaba ni Laban ang mga karga ng mga kamelyo at binigyan niya agad ang mga kamelyo ng dayami at pagkain. Dinalhan din niya ng tubig ang alipin at ang mga kasama nito, para makapaghugas sila ng paa. 33 Nang mabigyan na sila ng pagkain, sinabi ng alipin, “Hindi ako kakain hanggaʼt hindi ko pa nasasabi ang pakay ko sa pagpunta ko rito.”
Sumagot si Laban, “Sige, sabihin mo sa amin.”
34 Sinabi niya, “Alipin ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng Panginoon ang aking amo at napakayaman na niya ngayon. Binigyan siya ng Panginoon ng maraming tupa, kambing, baka, kamelyo, asno, pilak, ginto at mga aliping lalaki at babae. 36 Kahit matanda na ang asawa niyang si Sara, nagkaanak pa rin siya. At ang anak nilang lalaki ang siyang magmamana ng lahat ng ari-arian niya. 37 Pinasumpa ako ng aking amo para tuparin ko ang kanyang utos. Sinabi niya, ‘Huwag kang pipili ng mapapangasawa ng anak ko rito sa mga taga-Canaan na ang lupain ay ang tinitirahan natin ngayon. 38 Pumunta ka sa tahanan ng aking ama, at doon ka pumili ng mapapangasawa ng anak ko, mula sa aking mga kamag-anak.’
39 “Pero nagtanong ako, ‘Paano po kung hindi sumama ang babae sa akin?’ 40 Sumagot siya, ‘Ang Panginoon na sinusunod ko ay magpapadala ng anghel niya para samahan ka na mamagitan sa anak ko. Makakakita ka ng mapapangasawa ng anak ko mula sa aking mga kamag-anak, sa sambahayan ng aking ama. 41 Kung doon ka pupunta sa mga kamag-anak ko, hindi darating sa iyo ang kasamaang sinasabi ko na mangyayari kung hindi mo tutuparin ang ating sumpaan, kahit hindi nila pasamahin ang babae sa iyo.’
42 “Kaya pagdating ko kanina sa balon, nanalangin ako. Sinabi ko, ‘Panginoon, Dios ng aking amo na si Abraham, nawaʼy magtagumpay po ako sa pakay ko rito, at ipakita nʼyo po ang inyong kabutihan sa aking amo. 43 Ngayon po, nakatayo ako rito sa tabi ng balon. Kung may darating po na dalagang iigib ng tubig, hihingi ako ng kaunting tubig sa kanyang banga. 44 Kung papayag po siya na painumin ako pati ang mga kamelyo ko, nawaʼy siya na po ang babaeng pinili nʼyo na maging asawa ng anak ng aking amo.’
45 “Hindi pa nga ako natatapos sa aking pananalangin, dumating si Rebeka na may pasan-pasan na banga sa kanyang balikat. Bumaba siya papunta sa balon at umigib. Sinabi ko sa kanya, ‘Pwede mo ba akong painumin?’
46 “Ibinaba niya agad ang banga mula sa kanyang balikat, at sinabi, ‘Sige, uminom ka, at paiinumin ko rin ang mga kamelyo mo.’ Kaya uminom ako at pinainom din niya ang mga kamelyo ko.
47 “Pagkatapos, tinanong ko siya kung kanino siyang anak. Sumagot siya, ‘Kay Betuel na anak na lalaki nina Nahor at Milca.’ At nilagyan ko ng singsing ang ilong niya at sinuotan ng mga pulseras ang kanyang braso. 48 Yumukod ako agad at sumamba sa Panginoon. Nagpuri ako sa Panginoon, ang Dios ng amo kong si Abraham. Siya ang gumagabay sa akin sa tamang lugar, kung saan nakita ko ang anak ng kamag-anak ng aking amo para maging asawa ng kanyang anak.
49 “Ngayon, gusto kong malaman kung ibibigay nʼyo na maging asawa ni Isaac si Rebeka bilang pagpapakita ng kabutihan nʼyo sa aking amo. Sabihin nʼyo na po agad para malaman ko rin kung ano ang gagawin ko.”
50 Sumagot sina Laban at Betuel, “Dahil ito ay kalooban ng Panginoon, wala na kaming masasabi. 51 Narito si Rebeka, isama mo siya sa iyong pag-uwi para maging asawa ng anak ng iyong amo, ayon sa sinabi ng Panginoon.” 52 Pagkarinig noon ng alipin, yumukod siya at sumamba sa Dios. 53 Inilabas niya agad ang dala niyang mga bagay na gawa sa pilak at ginto, mga damit, at ibinigay kay Rebeka. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid at ang ina ni Rebeka. 54 Pagkatapos, kumain ang alipin at ang mga kasama niya. Doon sila natulog nang gabing iyon.
Paggising nila kinaumagahan, sinabi ng alipin, “Uuwi na ako sa amo ko.”
55 Pero sumagot ang kapatid at ang ina ni Rebeka, “Panatilihin nʼyo muna rito si Rebeka sa amin kahit sampung araw, pagkatapos ay makakaalis na kayo.”
56 Pero sinabi ng alipin, “Huwag nʼyo naman akong pagtagalin dito. Namagitan na ang Panginoon sa pakay ko sa pagpunta rito, kaya pabalikin nʼyo na ako sa amo ko.”
57 Sumagot sila, “Tawagin muna natin si Rebeka at tanungin kung ano ang pasya niya.” 58 Kaya tinawag nila si Rebeka at tinanong, “Gusto mo bang sumama sa kanya ngayon?”
Sumagot si Rebeka, “Oo, sasama ako.”
59 Kaya ipinasama nila si Rebeka pati ang tagapag-alaga niya, sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito. 60 Binasbasan nila si Rebeka sa kanyang pag-alis. Sinabi nila,
“Kapatid, nawaʼy manggaling sa iyo ang maraming lahi.
Nawaʼy talunin ng mga lahi mo ang kanilang mga kaaway.”
61 Nang handa na ang lahat, sumakay si Rebeka at ang mga aliping babae niya sa mga kamelyo, at sumunod sila sa alipin ni Abraham.
62 Ngayon, si Isaac ay nakatira sa Negev at kararating lang galing sa Beer Lahai Roi. 63 Isang araw, nang magtatakip-silim na, lumabas si Isaac at naglakad-lakad sa kanilang bukirin. May nakita siyang mga kamelyo na papalapit. 64 Nang makita ni Rebeka si Isaac, bumaba siya sa kanyang kamelyo 65 at nagtanong sa alipin ni Abraham, “Sino ang taong iyon na naglalakad sa bukid papalapit sa atin?”
Sumagot ang alipin, “Siya ang aking amo na si Isaac.” Kaya tinakpan ni Rebeka ang kanyang mukha ng belo.
66 Sinabi ng alipin kay Isaac ang lahat ng ginawa niya. 67 Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeka sa toldang tinitirhan noon ng kanyang inang si Sara. Naging asawa niya si Rebeka at mahal na mahal niya ito. Kaya naibsan ang kalungkutan ni Isaac na dulot ng pagkamatay ng kanyang ina.
Ang Iba pang mga Lahi ni Abraham(A)
25 Nag-asawa ulit si Abraham, at ang pangalan ng asawa niya ay Ketura. 2 Ang mga anak nila ay sina Zimran, Jokshan, Medan, Midian, Ishbak at Shua. 3 Si Jokshan ang ama nina Sheba at Dedan. Ang mga lahi ni Dedan ay ang mga Asureo, Letuseo, at Leumeo. 4 Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa. Silang lahat ang mga lahi ni Ketura.
5-6 Bago namatay si Abraham, iniwan niya ang lahat ng ari-arian niya kay Isaac. Pero binigyan niya ng mga regalo ang iba niyang mga anak sa iba niyang mga asawa, at pinapunta sa silangan para ihiwalay sa anak niyang si Isaac.
Ang Pagkamatay at Paglilibing kay Abraham
7 Nabuhay si Abraham ng 175 taon. 8 Namatay siya sa katandaan na kontento sa buhay at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. 9 Inilibing siya ng mga anak niyang sina Isaac at Ishmael doon sa kweba sa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa bukid na dating pagmamay-ari ni Efron na anak ni Zohar na Heteo. 10 Ang bukid na iyon ay binili ni Abraham sa harapan ng mga Heteo. Doon inilibing si Abraham at ang asawa niyang si Sara. 11 Pagkatapos mamatay ni Abraham, binasbasan ng Dios si Isaac at doon siya nanirahan sa Beer Lahai Roi.
Ang mga Angkan ni Ishmael(B)
12 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Ishmael na anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio, na alipin ni Sara.
13 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ishmael mula sa pinakamatanda: Nebayot, Kedar, Adbeel, Mibsam, 14 Mishma, Duma, Masa, 15 Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. 16 Sila ang mga anak ni Ishmael at naging pinuno ng 12 niyang angkan. Ang mga pangalan nila ay ang ipinangalan sa ibaʼt ibang lugar na kanilang tinitirhan.
17 Nabuhay si Ishmael ng 137 taon. Namatay siya at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. 18 Tumira ang mga angkan niya sa mga lugar na galing sa Havila hanggang sa Shur, sa silangan ng Egipto na papunta sa Asiria. Kinalaban nila ang lahat ng kamag-anak nila na mga lahi ni Isaac.
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Isaac na anak ni Abraham.
20 Si Isaac ay 40 taong gulang nang napangasawa niya si Rebeka na anak ni Betuel na Arameo na taga-Padan Aram.[r] Si Rebeka ay kapatid ni Laban na Arameo rin.
21 Dahil baog si Rebeka, nanalangin si Isaac sa Panginoon na magkaanak ito. Tinugon ng Panginoon ang dalangin niya, kaya nagbuntis si Rebeka. 22 Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeka, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa Panginoon tungkol dito. Sinabi sa kanya ng Panginoon,
23 “Manggagaling sa dalawang sanggol na nasa tiyan mo ang dalawang bansa;
dalawang grupo ng mga tao na maglalaban-laban.
Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa.
Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.”
24 Nang nanganak na si Rebeka, kambal ang anak niya. 25 Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau.[s] 26 Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kapatid, kaya pinangalanan nila siyang Jacob.[t] Si Isaac ay 60 taong gulang nang manganak si Rebeka ng kambal.
Ibinenta ni Esau ang Kanyang Karapatan bilang Panganay
27 Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging maliksing mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda. 28 Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, pero si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeka.
29 Isang araw, habang nagluluto si Jacob ng sabaw, dumating si Esau galing sa pangangaso na gutom na gutom. 30 Sinabi niya kay Jacob, “Pakiusap, bigyan mo nga ako ng niluluto mong mapula-pulang sabaw dahil gutom na gutom na ako.” (Kaya tinatawag din si Esau na Edom.)[u]
31 Pero sumagot si Jacob, “Bibigyan kita nito kung ibibigay mo sa akin ang karapatan mo bilang panganay.” 32 Sinabi ni Esau, “Sige, ano bang gagawin ko sa karapatan na iyan kung mamamatay din lang ako sa gutom.” 33 Sumagot si Jacob, “Kung ganoon, sumumpa ka muna sa akin,” Kaya sumumpa si Esau na mapupunta kay Jacob ang karapatan niya bilang panganay.
34 Binigyan agad siya ni Jacob ng tinapay at sabaw. Pagkatapos niyang kumain at uminom, umalis siya agad. Dahil sa ginawang iyon ni Esau, binalewala niya ang karapatan niya bilang panganay.
Nanirahan si Isaac sa Gerar
26 Dumating ang taggutom sa lugar na tinitirhan ni Isaac, bukod pa ito sa taggutom na nangyari noong panahon ni Abraham. Kaya pumunta si Isaac kay Abimelec na hari ng mga Filisteo sa Gerar. 2 Nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto, manatili ka sa lugar na ituturo ko sa iyo. 3 Dito ka lang muna manirahan dahil sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lahat ng lupaing ito. Tutuparin ko ang ipinangako ko sa iyong amang si Abraham. 4 Pararamihin ko ang mga lahi mo na kasindami ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa kanila ang lahat ng lupaing ito. At sa pamamagitan nila, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 5 Gagawin ko ito dahil sumunod si Abraham sa akin, tinupad niya ang lahat ng aking kautusan at katuruan.” 6 Kaya roon nanirahan si Isaac sa Gerar.
7 Kapag may nagtatanong kay Isaac na taga-Gerar tungkol sa kanyang asawa, sinasabi niyang kapatid niya si Rebeka. Maganda si Rebeka, kaya natatakot siyang sabihing asawa niya ito dahil baka siyaʼy patayin nila para makuha si Rebeka.
8 Matagal-tagal na ang pananatili nina Isaac doon sa Gerar. At isang araw, nagkataon na dumungaw sa bintana si Abimelec na hari ng mga Filisteo at nakita niyang naglalambingan sina Isaac at Rebeka. 9 Kaya ipinatawag niya si Isaac at sinabi, “Asawa mo pala siya? Bakit sinabi mo na kapatid mo siya?”
Sumagot si Isaac, “Natatakot po kasi ako na baka patayin ninyo ako dahil sa kanya.”
10 Sinabi ni Abimelec, “Hindi mabuti ang ginawa mo sa amin. Kung nangyaring ang isa sa tauhan koʼy sumiping sa kanya, ikaw ang magiging dahilan ng pagkakasala namin.”
11 Binalaan agad ni Abimelec ang lahat ng tao. Sinabi niya, “Ang sinumang gagawa ng masama sa lalaking ito o sa asawa niya ay papatayin.”
12 Nang taon ding iyon nagtanim si Isaac sa lugar na iyon at masaganang-masagana ang kanyang ani, dahil pinagpala siya ng Panginoon. 13 Nagpatuloy ang pag-unlad niya hanggang sa yumaman siya nang husto. 14 Nainggit sa kanya ang mga Filisteo dahil marami na ang kanyang tupa, kambing, baka at alipin. 15 Sa inggit nila kay Isaac, tinabunan nila ng lupa ang mga balon na hinukay noon ng mga alipin ng ama niyang si Abraham.
16 Ngayon, sinabi ni Abimelec kay Isaac, “Umalis ka na rito, dahil mas makapangyarihan ka na kaysa sa amin.”
17 Kaya umalis si Isaac, at nagpatayo ng tolda niya sa Lambak ng Gerar at doon na nanirahan. 18 Ipinahukay niyang muli ang mga balon ng ama niyang si Abraham dahil tinabunan ito ng mga Filisteo nang mamatay si Abraham. Pinangalanan ni Isaac ang mga balon ng dati ring pangalan na ibinigay noon ni Abraham.
19 Doon sa lambak, naghukay ng bagong balon ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo sila ng bukal. 20 Pero nakipagtalo ang mga pastol na taga-Gerar at mga pastol ni Isaac na kanila raw ang balon na iyon. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Esek,[v] dahil nakipagtalo ang mga taga-Gerar sa kanya.
21 Muling naghukay ang mga alipin ni Isaac ng ibang balon, pero pinag-awayan din nila ito ng mga taga-Gerar. Kaya pinangalanan ni Isaac ang balon na Sitna.[w] 22 Umalis sina Isaac doon at muling naghukay ng panibagong balon. Hindi na nila ito pinag-awayan, kaya pinangalanan ito ni Isaac na Rehobot.[x] Sapagkat sinabi niya, “Ngayoʼy binigyan tayo ng Panginoon ng malawak na lugar para lalo pa tayong dumami sa lugar na ito.”
23 Hindi nagtagal, umalis si Isaac sa lugar na iyon at pumunta sa Beersheba. 24 Nang gabing dumating siya, nagpakita sa kanya ang Panginoon at sinabi, “Ako ang Dios ng iyong ama na si Abraham. Huwag kang matakot dahil kasama mo ako. Pagpapalain kita at bibigyan ng maraming lahi dahil kay Abraham na aking lingkod.” 25 Kaya gumawa ng altar si Isaac at sumamba sa Panginoon. Nagpatayo siya ng tolda sa lugar na iyon at nagpahukay ng balon sa kanyang mga alipin.
Ang Kasunduan nina Isaac at Abimelec
26 Pumunta si Abimelec kay Isaac mula sa Gerar kasama si Ahuzat na tagapayo niya at si Picol na pinuno ng kanyang mga sundalo. 27 Nagtanong si Isaac sa kanila, “Bakit kayo pumunta rito? Hindi baʼt galit kayo sa akin kaya pinaalis nʼyo ako sa lugar ninyo?”
28 Sumagot sila, “Napatunayan namin na ang Panginoon ay kasama mo, kaya naisip namin na dapat tayong gumawa ng kasunduan na may panata. Ipangako mo sa amin 29 na hindi mo kami gagawan ng masama, dahil hindi ka rin namin ginawan ng masama nang naroon ka pa sa amin. Inaruga ka namin nang mabuti at pinaalis ka namin nang matiwasay. Ngayon, nawaʼy pagpalain ka pa ng Panginoon.”
30 Kaya nagpahanda si Isaac para sa kanila at nagsikain sila at nag-inuman.
31 Kinabukasan, maaga silang nanumpa sa isaʼt isa. Pagkatapos, naghiwalay sila nang matiwasay.
32 Sa araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at ibinalita sa kanya na may tubig ang balong hinukay nila. 33 Pinangalanan ni Isaac ang balon na iyon na Shiba. Kaya hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Beersheba.[y]
Nag-asawa si Esau ng Hindi Nila Kalahi
34 Nang 40 taong gulang na si Esau, napangasawa niya si Judit na anak ni Beeri na Heteo. Naging asawa rin niya si Basemat na anak ni Elon na Heteo rin. 35 Ang dalawang babaeng ito ay nagbigay ng kalungkutan kina Isaac at Rebeka.
Binasbasan ni Isaac si Jacob
27 Matandang matanda na si Isaac at halos hindi na makakita. Isang araw, tinawag niya ang panganay niyang anak na si Esau. Sinabi niya, “Anak.” Sumagot si Esau, “Narito po ako ama.” 2 Sinabi ni Isaac, “Matanda na ako at hindi magtatagal ay mamamatay na ako. 3 Mabuti pang kunin mo ang pana mo. Pumunta ka sa bukid at mangaso ka para sa akin. 4 Pagkatapos, ipagluto mo ako ng paborito kong pagkain at dalhin mo agad ito para makakain ako. At babasbasan kita bago ako mamatay.”
5 Nakikinig pala si Rebeka habang kausap ni Isaac si Esau. Kaya nang pumunta si Esau sa bukid para mangaso, 6 kinausap ni Rebeka ang anak niyang si Jacob, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau na 7 mangaso at agad siyang ipagluto ng paborito niyang pagkain. Sapagkat bago raw siya mamatay babasbasan niya si Esau sa presensya ng Panginoon. 8 Kaya anak, sundin mo ang iuutos ko sa iyo: 9 Pumunta ka sa mga hayop natin at kumuha ka ng dalawang matabang batang kambing, at ipagluluto ko ang iyong ama ng paborito niyang pagkain. 10 Pagkatapos, dalhin mo ito sa kanya para basbasan ka niya bago siya mamatay.”
11 Pero sinabi ni Jacob sa kanyang ina, “Alam naman po ninyo na balbon si Esau at ako namaʼy hindi. 12 Baka hawakan po ako ni ama at malaman niyang niloloko ko lang siya at sumpain po niya ako sa halip na basbasan.”
13 Sumagot si Rebeka, “Anak, ako ang mananagot kung susumpain ka niya, basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa iyo. Lumakad ka na at dalhan mo ako ng kambing.”
14 Kaya kumuha si Jacob ng dalawang kambing at dinala niya sa kanyang ina, at niluto ni Rebeka ang paboritong pagkain ni Isaac. 15 Pagkatapos, kinuha niya ang pinakamagandang damit ni Esau na nasa bahay nila at ipinasuot kay Jacob. 16 Nilagyan niya ng balat ng kambing ang braso ni Jacob pati ang leeg nito na hindi balbon. 17 Pagkatapos, ibinigay niya kay Jacob ang pagkain at ang tinapay na niluto niya.
18 Dinala iyon ni Jacob sa kanyang ama at sinabi, “Ama!”
Sinabi ni Isaac, “Sino ka ba anak ko?” 19 Sumagot si Jacob, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak. Nagawa ko na po ang iniutos ninyo sa akin. Bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan nʼyo po ako.”
20 Sinabi ni Isaac, “Anak, paano mo ito nahuli agad?” Sumagot si Jacob, “Tinulungan po ako ng Panginoon na inyong Dios.”
21 Sinabi ni Isaac, “Lumapit ka sa akin anak ko para mahawakan kita kung ikaw nga talaga si Esau.”
22 Kaya lumapit si Jacob, at hinawakan siya ng kanyang ama at sinabi, “Ang boses mo ay parang kay Jacob pero ang braso mo ay parang kay Esau.” 23 Hindi nakilala ni Isaac si Jacob, dahil ang braso niya ay balbon din katulad ng kay Esau.
Bago niya basbasan si Jacob, 24 nagtanong pa siya, “Ikaw ba talaga si Esau?”
Sumagot si Jacob, “Opo, ako nga po.”
25 Sinabi ni Isaac, “Sige nga, dalhin mo rito ang niluto mo mula sa pinangaso mo, at pagkatapos kong kumain ay babasbasan kita.”
Kayaʼt binigyan siya ni Jacob ng makakain at maiinom, at kumain siya at uminom. 26 Pagkatapos, sinabi ni Isaac sa kanya, “Lumapit ka sa akin, anak, at hagkan mo ako.”
27 Lumapit si Jacob sa kanya at hinagkan ang kanyang ama. Nang maamoy ni Isaac ang damit nito, binasbasan niya agad si Jacob na nagsasabi,
“Ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng bukid na binasbasan ng Panginoon.
28 Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya,[z] para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo.
29 Nawaʼy magpasakop at maglingkod sa iyo ang maraming tao.
Nawaʼy maghari ka sa mga kamag-anak mo at magpasakop sila sa iyo.
Nawaʼy ang sumusumpa sa iyo ay susumpain din,
at ang magpapala sa iyo ay pagpapalain din.”
Nagmakaawa si Esau na Basbasan din Siya
30 Pagkatapos basbasan ni Isaac si Jacob, lumakad agad si Jacob. Kaaalis lang niya ay dumating naman agad si Esau mula sa pangangaso. 31 Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.” 32 Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.” 33 Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”
34 Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”
35 Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”
36 Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob[aa] ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?”
37 Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”
38 Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.
39 Sinabi ni Isaac sa kanya,
“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,
at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.
40 Palagi kang makikipaglaban,
at maglilingkod ka sa iyong kapatid.
Pero kung lalaban ka sa kanya,
makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”
41 Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”
42 Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43 Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44 Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45 at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
46 Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”
28 Kaya ipinatawag ni Isaac si Jacob. Pagdating niya, binasbasan niya ito at inutusan, “Huwag kang mag-aasawa ng taga-Canaan. 2 Maghanda ka at pumunta sa Padan Aram,[ab] doon sa lolo mong si Betuel na ama ng iyong ina. Doon ka pumili ng iyong mapapangasawa sa isa sa mga dalagang anak ni Laban na kapatid ng iyong ina. 3 Nawaʼy pagpalain ka ng Makapangyarihang Dios at bigyan ka ng maraming anak para maging ama ka ng maraming grupo ng tao. 4 Nawaʼy ibigay din sa iyo at sa mga lahi mo ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham, para maging iyo ang lupaing ito na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ang lupaing ito ay ibinigay nga ng Dios kay Abraham.” 5 Agad na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan Aram, sa lugar ni Laban na anak ni Betuel na Arameo. Si Laban ay kapatid ni Rebeka na ina nina Jacob at Esau.
Muling nag-asawa si Esau
6 Nalaman ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob at pinapunta sa Padan Aram para roon maghanap ng mapapangasawa. Nalaman din niya na binasbasan ni Isaac si Jacob, inutusan niya ito na huwag mag-asawa ng taga-Canaan. 7 At nalaman din niyang sumunod si Jacob sa magulang nila at pumunta sa Padan Aram. 8 Dito napansin ni Esau na ayaw ng kanyang ama ang mga babaeng taga-Canaan. 9 Kaya pumunta siya sa tiyuhin niyang si Ishmael na anak ni Abraham kay Hagar at napangasawa si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ishmael, bukod pa sa dalawang naging asawa niya.
Nanaginip si Jacob sa Betel
10 Umalis si Jacob sa Beersheba at lumakad papuntang Haran. 11 Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12 Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa hagdan. 13 Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan[ac] at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14 Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15 Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”
16 Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17 Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”
18 Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis para maging banal. 19 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel.[ad] Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®