Bible in 90 Days
20 Sumumpa agad si Jacob na nagsabi, “Panginoon, kung sasamahan po ninyo ako at bibigyan po ng pagkain at damit, 21 at kung makakabalik po akong muli sa bahay ng aking ama na walang masamang nangyari sa akin, kikilalanin ko po kayong aking Dios. 22 Ang bato pong ito na itinayo ko bilang isang alaala ay magpapatunay ng inyong presensya sa lugar[a] na ito. At ibibigay ko po sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ibibigay nʼyo sa akin.”
Nakarating si Jacob sa Bahay ni Laban
29 Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay niya hanggang sa nakarating siya sa lupain ng mga taga-silangan. 2 May nakita siya roon na isang balon at sa tabi nito ay may tatlong pulutong ng tupa na nagpapahinga, dahil doon kumukuha ang mga tao ng tubig na ipinapainom sa mga tupa. Ang balon na ito ay tinatakpan ng malaking bato. 3 Iniipon muna ng mga pastol ang lahat ng tupa bago nila pagulungin ang batong nakatakip sa balon. Pagkatapos nilang painumin ang mga tupa, muli nilang tinatakpan ang balon.
4 Ngayon, nagtanong si Jacob sa mga pastol ng tupa, “Mga kaibigan, taga-saan kayo?”
Sumagot sila, “Taga-Haran.”
5 Muling nagtanong si Jacob, “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?”
Sumagot sila, “Oo, kilala namin.”
6 Nagpatuloy sa pagtatanong si Jacob, “Kumusta na ba siya?”
Sumagot sila, “Mabuti naman. Tingnan mo, paparating ang anak niyang si Raquel dito kasama ang kanilang mga tupa.”
7 Sinabi ni Jacob sa kanila, “Napakaaga pa at hindi pa oras para ipunin ang mga tupa, mabuti sigurong painumin ninyo sila at muling ipastol.”
8 Sumagot sila, “Hindi namin iyan magagawa kung hindi muna maiipon ang lahat ng tupa. Kung nandito na ang lahat, doon pa lamang namin pagugulungin ang takip na bato para silaʼy painumin.”
9 Nagsasalita pa si Jacob sa kanila nang dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kanyang ama, dahil siya ang nagbabantay sa mga ito. 10 Pagkakita ni Jacob kay Raquel na anak ng tiyuhin niyang si Laban, na kasama ang mga tupa, pumunta siya sa balon at pinagulong ang bato at pinainom ang mga tupa ng tiyuhin niyang si Laban. 11 Pagkatapos, hinagkan niya si Raquel at napaiyak siya sa tuwa. 12 Sinabi niya kay Raquel, “Anak ako ni Rebeka, kaya pamangkin ako ng iyong ama.” Patakbong umuwi si Raquel at sinabi sa kanyang ama.
13 Nang marinig ni Laban na nariyan si Jacob na pamangkin niya kay Rebeka, agad niya itong sinalubong. Hinagkan niya si Jacob at dinala sa bahay niya. At doon sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng nangyari. 14 Sinabi ni Laban sa kanya, “Tunay na magkadugo tayo.”
Naglingkod si Jacob kay Laban dahil kina Raquel at Lea
Pagkalipas ng isang buwan na pananatili ni Jacob kina Laban, 15 sinabi ni Laban sa kanya, “Hindi mabuti na magtrabaho ka para sa akin na walang bayad dahil pamangkin kita. Sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo.”
16 May dalawang anak na dalaga si Laban. Si Lea ang panganay at si Raquel ang nakababatang kapatid. 17 Mapupungay[b] ang mata ni Lea, pero mas maganda ang hubog ng katawan ni Raquel. 18 Dahil may gusto si Jacob kay Raquel, sinabi niya kay Laban, “Maglilingkod po ako sa inyo ng pitong taon kung ibibigay nʼyo sa akin ang kamay ni Raquel.”
19 Sumagot si Laban, “Mas mabuti pang ikaw ang mapangasawa niya kaysa sa ibang lalaki. Manatili ka na lang dito.” 20 Kaya naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon para mapangasawa niya si Raquel. Dahil sa pagmamahal niya kay Raquel, parang ilang araw lang sa kanya ang pitong taon.
21 Pagkalipas ng pitong taon, sinabi ni Jacob kay Laban, “Natapos na ang paglilingkod ko sa inyo, kaya ibigay nʼyo na sa akin si Raquel para magsama na kami.”
22 Pumayag si Laban, kaya nagdaos siya ng handaan at inimbitahan niya ang lahat ng tao sa lugar na iyon. 23 Pero kinagabihan, sa halip na si Raquel ang dalhin ni Laban kay Jacob, si Lea ang dinala niya. At sumiping si Jacob kay Lea. 24 (Ibinigay ni Laban kay Lea ang alipin niyang babae na si Zilpa para maging alipin nito.)
25 Kinabukasan, nalaman ni Jacob na si Lea pala ang kasiping niya. Kaya pinuntahan niya si Laban at sinabi, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Naglingkod ako sa iyo para mapangasawa ko si Raquel. Ngayon, bakit niloko mo ako?”
26 Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa aming lugar na maunang makapag-asawa ang nakababatang kapatid kaysa sa nakatatandang kapatid. 27 Hintayin mo lamang na matapos ang isang linggong pagdiriwang ng inyong kasal at ibibigay ko agad sa iyo si Raquel, iyan ay kung muli kang maglilingkod ng pitong taon pa.”
28 Pumayag si Jacob sa sinabi ni Laban. Pagkatapos ng isang linggo na pagdiriwang ng kasal nila ni Lea, ibinigay ni Laban kay Jacob si Raquel. 29 Ibinigay ni Laban kay Raquel ang alipin niyang babae na si Bilha para maging alipin nito. 30 Kaya sumiping din si Jacob kay Raquel. Mas mahal niya si Raquel kaysa kay Lea. Naglingkod si Jacob kay Laban ng pitong taon pa.
Ang mga Anak ni Jacob
31 Nakita ng Panginoon na hindi mahal ni Jacob si Lea, kaya niloob niyang magkaanak si Lea, pero si Raquel naman ay hindi. 32 Nagbuntis si Lea at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Reuben,[c] dahil sinabi niya, “Nakita ng Panginoon ang paghihirap ko, at ngayoʼy tiyak na mamahalin na ako ng aking asawa.”
33 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Panginoon ng isang anak na lalaki dahil narinig niya na hindi ako minamahal ng aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Simeon.[d]
34 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, magiging malapit na sa akin ang aking asawa dahil tatlo na ang anak naming lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Levi.[e]
35 Muling nagbuntis si Lea at nanganak ng isa na namang lalaki. Sinabi niya, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Juda.[f] Mula noon, hindi na siya nagkaanak.
30 Si Raquel ay hindi pa rin nagbubuntis, kaya nainggit siya kay Lea. Sinabi niya kay Jacob, “Bigyan mo ako ng anak dahil kung hindi, mamamatay talaga ako!”
2 Nagalit si Jacob sa kanya at sinabi, “Bakit, Dios ba ako? Siya ang nagpasya na hindi ka magkaanak.”
3 Sinabi ni Raquel, “Kung ganoon, sumiping ka kay Bilha na alipin ko para kahit sa pamamagitan niya magkaroon din ako ng anak.”
4 Kaya ibinigay niya si Bilha kay Jacob bilang asawa, at sumiping si Jacob kay Bilha.
5 Dumating ang panahon, nabuntis si Bilha at nanganak ng lalaki. 6 Sinabi ni Raquel, “Kinuha na ng Dios ang aking kahihiyan. Tinugon niya ang panalangin ko dahil binigyan niya ako ng isang anak na lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Dan.[g]
7 Muling nagbuntis si Bilha na alipin ni Raquel at nanganak ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 8 Sinabi ni Raquel, “Napakahigpit ng labanan namin bilang magkapatid, at nagtagumpay ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Naftali.[h]
9 Nang hindi na magkaanak si Lea, pinasipingan niya kay Jacob ang alipin niyang si Zilpa. 10 Nabuntis si Zilpa at nanganak ng lalaki. 11 Sinabi ni Lea, “Parang pinalad ako.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Gad.[i]
12 Muling nanganak si Zilpa ng lalaki na pangalawang anak nila ni Jacob. 13 Sinabi ni Lea, “Lubha akong nasisiyahan! Ngayon tatawagin ako ng mga babae na masiyahin.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Asher.[j]
14 Anihan ng trigo noon, pumunta si Reuben sa bukid at may nakita siyang tanim na mandragora. Kumuha siya ng bunga nito at dinala sa ina niyang si Lea. Pagkakita noon ni Raquel ay sinabi niya kay Lea, “Bigyan mo rin ako ng mandragora na dinala ng anak mo.”
15 Pero sumagot si Lea, “Hindi ka pa ba kontento na kinuha mo ang asawa ko? Ngayon, kukunin mo pa ang mandragora ng anak ko?”
Sinabi ni Raquel, “Kung bibigyan mo ako ng mandragora pasisipingin ko si Jacob sa iyo ngayong gabi.”
16 Mag-aagaw dilim na nang dumating si Jacob mula sa bukid, sinalubong siya ni Lea at sinabi, “Kailangang sa akin ka sumiping ngayong gabi, dahil binayaran na kita kay Raquel ng mandragora na dala ng anak ko.” Kaya sumiping si Jacob kay Lea nang gabing iyon.
17 Sinagot ng Dios ang panalangin ni Lea at siyaʼy nabuntis. Nanganak siya ng lalaki na ikalimang anak nila ni Jacob. 18 Sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Dios dahil ibinigay ko ang alipin ko sa aking asawa.” Kaya pinangalanan niya ang kanyang anak na Isacar.[k]
19 Muling nabuntis si Lea at nanganak ng lalaki na ikaanim nilang anak ni Jacob. 20 Sinabi niya, “Binigyan ako ng Dios ng mabuting regalo. Pararangalan na ako nito ngayon ng asawa ko dahil nabigyan ko na siya ng anim na anak na puro lalaki.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Zebulun.[l]
21 Hindi nagtagal nanganak si Lea ng babae at pinangalanan niyang Dina.
22 Hindi rin kinalimutan ng Dios si Raquel. Sinagot niya ang kanyang panalangin na magkaanak din siya. 23 Nagbuntis siya at nanganak ng lalaki. Sinabi niya, “Inalis ng Dios ang aking kahihiyan.” Kaya pinangalanan niya ang sanggol na Jose[m] dahil sinabi niya, 24 “Nawaʼy bigyan ako ng Panginoon ng isa pang anak.”
Ang Kasunduan ni Jacob at ni Laban
25 Pagkatapos na ipanganak ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan nʼyo akong makauwi sa lugar namin. 26 Ibigay nʼyo sa akin ang mga asawa ko, na ipinaglingkod ko sa inyo, at ang mga anak ko, dahil babalik na ako sa amin. Nalalaman nʼyo kung paano ako naglingkod sa inyo.”
27 Sumagot si Laban, “Kung maaari huwag muna. Ayon sa pagpapahula ko, nalaman ko na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo. 28 Sabihin mo lang kung magkano ang ibabayad ko sa iyo at babayaran kita.”
29 Sinabi ni Jacob, “Alam mo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang mga hayop ninyo dahil sa pag-aalaga ko. 30 Nang dumating ako rito, kakaunti pa lang ang mga hayop nʼyo, pero ngayon ay napakarami na, dahil pinagpala kayo ng Panginoon dahil sa akin. Ngayon, dapat na sigurong magsumikap ako para sa sarili kong sambahayan.”
31 Nagtanong si Laban, “Ano ba ang gusto mong ibayad ko sa iyo?”
Sumagot si Jacob, “Huwag nʼyo na lang po akong bayaran. Ipagpapatuloy ko ang pag-aalaga sa mga hayop ninyo kung papayag kayo sa kundisyon ko: 32 Titingnan ko ngayon ang mga hayop nʼyo at kukunin ko ang itim na mga tupa at batik-batik na mga kambing. Iyon na lang ang pinakabayad nʼyo sa akin. 33 Darating ang araw, malalaman nʼyo kung maaasahan ako o hindi kung susuriin nʼyo ang mga hayop na ibinayad sa akin. Kung may makita po kayong kambing na hindi batik-batik o tupa na hindi itim, ituring nʼyo na ninakaw ko ito.”
34 Sumagot si Laban, “Kung ganyan ang gusto mo, payag ako.”
35 Pero nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga batik-batik na kambing na lalaki at babae, pati ang mga itim na tupa. Pinaalagaan niya ito sa mga anak niyang lalaki. 36 Ibinukod niya ito kay Jacob sa layo na tatlong araw kung lalakarin. Ang naiwang mga hayop ay ang binabantayan ni Jacob.
37 Kumuha si Jacob ng mga sanga ng almendro, abilyano, at kastanyo, at binalat-balatan niya ito. Pero hindi niya lubos na binalatan, kaya may batik-batik na puti kapag tiningnan ang mga sanga. 38-39 Inilagay niya ang mga sangang iyon sa harapan ng painuman ng mga hayop para makita ng mga ito kapag iinom sila. Doon sa harapan ng mga sanga nagkakastahan[n] ang mga kambing kapag umiinom sila. Batik-batik ang mga anak nila kapag nanganganak sila. 40 Pero iba ang ginawa ni Jacob sa mga tupa: Habang nagkakastahan ang mga hayop na ito, pinapaharap niya sila sa mga batik-batik na kambing niya at sa itim na mga kambing ni Laban. Kaya nakaipon din si Jacob ng sarili niyang mga hayop at hindi niya ito isinama sa mga hayop ni Laban. 41 Kapag nagkakastahan na ang mga hayop na maganda ang katawan doon sa pinag-iinuman, inilalagay agad ni Jacob ang mga sangang iyon sa harapan ng mga ito. 42 Pero kapag ang mga hayop na matatamlay ang nagkakastahan, hindi niya inilalagay ang mga sanga, kaya ang mga matatamlay ay kay Laban at ang mga masisigla ang katawan ay kay Jacob. 43 Sa ganitong paraan, labis na yumaman si Jacob. Dumami ang hayop niya pati na ang mga kamelyo at asno. Dumami rin ang alipin niyang lalaki at babae.
Tumakas si Jacob kay Laban
31 Narinig ni Jacob na ang mga anak na lalaki ni Laban ay nagsasabi, “Kinuha ni Jacob ang halos lahat ng ari-arian ng ating ama. Ang lahat ng kayamanan niya ay nanggaling sa ari-arian ng ating ama.” 2 Napansin din ni Jacob na nag-iba na ang pakikitungo ni Laban sa kanya di tulad nang dati.
3 Sinabi ng Panginoon kay Jacob, “Bumalik ka na sa lupain ng iyong mga ninuno, doon sa mga kamag-anak mo, at makakasama mo ako.”
4 Kaya ipinatawag ni Jacob ang mga asawa niyang sina Raquel at Lea na naroon sa pastulan ng mga hayop niya. 5 Sinabi niya sa kanila, “Napansin ko na nag-iba na ang pakikitungo ng inyong ama sa akin di tulad nang dati. Pero hindi ako pababayaan ng Dios ng aking Ama. 6 Alam naman ninyo na naglingkod ako sa inyong ama hanggang sa makakaya ko, 7 pero dinaya pa niya ako. Sampung beses niyang binago ang kabayaran ko. Pero hindi ako pinabayaan ng Dios na api-apihin lang niya. 8 Nang sinabi nga ni Laban na ang batik-batik na mga kambing ang siyang bayad ko, panay din batik-batik ang anak ng mga kambing. 9 Kinuha ng Dios ang mga hayop ng inyong ama at ibinigay sa akin.”
10 Sinabi pa ni Jacob, “Nang panahon ng pagkakastahan ng mga hayop, nanaginip ako. Nakita ko na ang mga lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. 11 Sa panaginip ko tinawag ako ng anghel ng Dios. Sinabi niya, ‘Jacob!’ Sumagot ako sa kanya, ‘Narito po ako.’ 12 At sinabi niya, ‘Masdan mo ang lahat ng lalaking kambing na kumakasta sa mga babaeng kambing ay mga batik-batik. Ginawa ko ito dahil nakita ko ang lahat ng ginagawa sa iyo ni Laban. 13 Ako ang Dios na nagpakita sa iyo roon sa Betel, sa lupain kung saan binuhusan mo ng langis ang bato na itinayo mo bilang alaala. At doon ka rin nangako sa akin. Ngayon maghanda ka at umalis sa lugar na ito, at bumalik sa lugar kung saan ka isinilang.’ ”
14 Sumagot si Raquel at si Lea kay Jacob, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. 15 Ibang tao na kami sa paningin niya. Ipinagbili na kami at naubos na niya ang perang pinagbilhan namin. 16 Ang lahat ng yaman na binawi sa kanya ng Dios at ibinigay na sa iyo ay maituturing namin na mamanahin namin at ng aming mga anak. Kaya gawin mo ang sinabi sa iyo ng Dios.”
17-18 Naghanda agad si Jacob para bumalik sa Canaan, sa lupain ng ama niyang si Isaac. Pinasakay niya ang mga anak niya at mga asawa sa mga kamelyo. Dinala niya ang mga hayop niya at ang lahat ng ari-arian niya na naipon niya sa Padan Aram.
19 Nagkataon naman na umalis si Laban para gupitan ang kanyang mga tupa, at habang wala siya kinuha ni Raquel ang mga dios-diosang pag-aari ng kanyang ama. 20 Niloko ni Jacob si Laban na Arameo dahil hindi siya nagpaalam sa pag-alis niya. 21 Nang umalis si Jacob, dala niya ang lahat ng ari-arian niya. Tumawid siya sa Ilog Eufrates at pumunta sa bundok ng Gilead.
Hinabol ni Laban si Jacob
22 Nakalipas ang tatlong araw bago malaman ni Laban na lumayas sina Jacob. 23 Kayaʼt hinabol niya si Jacob kasama ang mga kamag-anak niya sa loob ng pitong araw. Naabutan nila sina Jacob doon sa bundok ng Gilead. 24 Nang gabing iyon, nagpakita ang Dios kay Laban na Arameo sa panaginip. Sinabi ng Dios sa kanya, “Huwag mong gagawan ng masama si Jacob.”
25 Nagtatayo noon si Jacob ng tolda niya sa bundok ng Gilead nang maabutan siya ni Laban. At doon din nagtayo sina Laban ng mga tolda nila. 26 Sinabi ni Laban kay Jacob, “Bakit ginawa mo ito sa akin? Bakit mo ako niloko? At dinala mo ang mga anak ko na parang mga bihag sa labanan. 27 Bakit niloko mo ako at umalis nang hindi nagpapaalam sa akin? Kung nagsabi ka lang, paglalakbayin pa sana kita nang may kagalakan sa pamamagitan ng tugtugan ng tamburin at alpa. 28 Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na mahagkan ang mga apo ko at mga anak bago sila umalis. Hindi maganda itong ginawa mo. 29 May dahilan ako para gawan ka ng masama, kaya lang binalaan ako kagabi ng Dios ng iyong ama na huwag kitang gagawan ng masama. 30 Alam kong sabik na sabik ka nang umuwi. Pero bakit ninakaw mo ang mga dios ko?”
31 Sumagot si Jacob sa kanya, “Hindi ako nagpaalam sa iyo dahil natatakot ako na baka pilitin nʼyong bawiin sa akin ang mga anak mo. 32 Pero kung tungkol sa mga nawawala ninyong dios-diosan, kapag nakita nʼyo ito sa kahit sino sa amin, parurusahan siya ng kamatayan. Sa harapan ng mga kamag-anak natin bilang mga saksi, tingnan nʼyo kung may pag-aari po kayo rito na nasa amin, at kung mayroon ay kunin nʼyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel pala ang kumuha ng mga dios-diosan ni Laban.
33 Kaya hinanap ni Laban ang mga dios-diosan niya sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea, at pati sa tolda ng dalawang aliping babae na mga asawa ni Jacob. Pero hindi niya nakita ang mga ito. Paglabas niya sa tolda ni Lea, pumasok siya sa tolda ni Raquel. 34 Pero naitago na ni Raquel ang mga dios-diosan sa lalagyan na ginagamit na upuan sa pagsakay sa kamelyo, at inupuan niya. Hinanap ni Laban ang mga dios-diosan sa tolda ni Raquel pero hindi niya ito makita.
35 Sinabi ni Raquel sa kanya, “Ama, huwag po kayong magalit kung hindi po ako makatayo dahil mayroon akong buwanang dalaw.” At patuloy na naghahanap si Laban pero hindi niya makita ang mga dios-diosan niya.
36 Hindi na mapigilan ni Jacob ang kanyang galit, kaya sinabi niya kay Laban, “Ano ba ang kasalanang nagawa ko at hinabol mo pa ako? 37 Ngayong nahalungkat mo na ang lahat ng ari-arian ko, may nakita ka bang sa iyo? Kung mayroon, ilagay mo rito sa harap para makita ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak, at bahala na sila ang humatol sa atin. 38 Sa loob ng 20 taon nang akoʼy nasa inyo, ni minsan hindi nakunan ang iyong mga kambing at tupa. At ni isang lalaking tupa ay hindi ko pinangahasang kainin. 39 Hindi ko na dinadala sa iyo ang mga hayop na pinatay ng mababangis na hayop; pinapalitan ko na lang ito agad. Pinabayaran mo rin sa akin ang mga hayop na ninakaw araw man o gabi. 40 Ganito ang naging kalagayan ko: Kapag araw ay nagtitiis ako sa init, at kung gabi ay nagtitiis ako sa lamig. At palaging kulang ang tulog ko. 41 Sa loob ng 20 taon na pagtira ko sa inyo, 14 na taon akong naglingkod sa iyo para sa iyong dalawang anak na babae. Naglingkod pa ako ng anim na taon para bantayan ang iyong mga hayop. Pero ano ang ginawa mo? Sampung beses mong binago ang pagbabayad mo sa akin. 42 Kung hindi siguro ako sinamahan ng Dios na ginagalang ng aking ama na si Isaac, na siya ring Dios ni Abraham, baka pinalayas mo na ako nang walang dalang anuman. Pero nakita ng Dios ang paghihirap ko at pagtatrabaho, kaya binalaan ka niya kagabi.”
Ang Kasunduan nina Jacob at Laban
43 Sumagot si Laban, “Ang mga babaeng iyan ay anak ko at ang mga anak nila ay mga apo ko. At ang mga hayop na iyan ay akin din. Lahat ng nakikita mo ay akin. Pero ngayon, ano pa ang magagawa ko sa mga anak at apo ko? 44 Ang mabuti siguro, gumawa tayo ng kasunduan. Magtayo tayo ng batong magpapaalala sa atin at magpapatunay ng kasunduan natin.”
45 Kaya kumuha si Jacob ng malaking bato at itinayo niya ito bilang alaala. 46 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kamag-anak niya na magtumpok ng mga bato. At kumain sila roon sa tinumpok na mga bato. 47 Pinangalanan ni Laban ang tinumpok na mga bato na Jegar Sahaduta.[o] Pero pinangalanan ito ni Jacob na Galeed.[p]
48 Sinabi ni Laban, “Ang mga batong ito na tinumpok ang magpapatunay sa kasunduan nating dalawa.” Ito ang dahilan kung bakit pinangalanan itong tinumpok sa Galeed. 49 Tinawag din iyon na Mizpa,[q] dahil sinabi pa ni Laban, “Nawaʼy ingatan tayo ng Panginoon sa ating paghihiwalay. 50 At kung hindi mabuti ang pakikitungo mo sa mga anak ko, o kayaʼy mag-aasawa ka pa ng iba, alalahanin mo na kahit hindi ko man ito nalalaman, ang Dios ang magpapatunay ng kasunduan natin.”
51 Muli pang sinabi ni Laban kay Jacob, “Narito ang tinumpok na mga bato at ang bato na alaalang magpapatunay ng kasunduan natin. 52 Ang mga tinumpok na batong ito at ang bato na alaala ang siyang magpapatunay ng ating kasunduan na hindi ako lalampas sa tinumpok na mga batong ito para lusubin ka, at hindi ka rin lalampas sa tinumpok na mga batong ito at sa bato na alaala para lusubin ako. 53 Nawaʼy ang Dios ng lolo mong si Abraham at ang Dios ng aking ama na si Nahor, na siya ring Dios ng kanilang amang si Tera, ang siyang humatol sa ating dalawa.”
Nakipagkasundo rin si Jacob kay Laban sa pangalan ng Dios na iginagalang ng ama niyang si Isaac. 54 Naghandog si Jacob ng hayop doon sa bundok, at tinawag niya ang mga kamag-anak niya para kumain. Kinagabihan, doon sila natulog sa bundok.
55 Kinabukasan, maaga pa ay hinagkan ni Laban at binasbasan ang mga anak at apo niya, at umalis siya pauwi.
Naghanda si Jacob sa Pakikipagkita kay Esau
32 Habang naglalakbay sina Jacob, sinalubong siya ng mga anghel ng Dios. 2 Pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya, “Mga sundalo ito ng Dios.” Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.[r]
3 May mga inutusan si Jacob na mauna sa kanya para makipagkita sa kapatid niyang si Esau roon sa lupain ng Seir, ang lugar na tinatawag ding Edom. 4 Tinuruan niya sila kung ano ang sasabihin nila kay Esau. Sinabi ni Jacob, “Sabihin ninyo kay Esau na matagal akong nanirahan kay Laban at hindi pa ako nakakauwi hanggang ngayon. 5 At sabihin ninyo sa kanya na may mga baka ako, asno, tupa, kambing at mga aliping lalaki at babae. Sabihin ninyo sa kanya na inutusan ko kayo para hilingin sa kanya na maging mabuti na sana ang pakikitungo niya sa akin.”
6 Pagbalik ng mga inutusan ni Jacob, sinabi nila, “Napuntahan na po namin si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang 400 lalaki.”
7 Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. 8 Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.
9 Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, kayo po ang Panginoon na nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, pero ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”
13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 200 babaeng kambing at 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa at 20 lalaking tupa, 15 30 inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, 40 babaeng baka at sampung toro, 20 babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, “Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo.”
17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, “Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo siya na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ito sa kanya. Sabihin din ninyo sa kanya na nakasunod ako sa inyo.”
19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga hayop. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, “Aalukin ko si Esau ng mga regalong ito na pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling patawarin niya ako.” 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, pero nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.
May Nakipagbuno kay Jacob sa Peniel
22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang 11 anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jabok. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng tao, “Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na.”
Pero sumagot si Jacob, “Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan.”
27 Nagtanong ang tao sa kanya, “Anong pangalan mo?”
Sumagot siya, “Jacob.”
28 Sinabi ng tao, “Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel[s] na dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”
29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, “Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo.”
Pero sumagot ang tao, “Huwag mo nang itanong ang pangalan ko.” Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.
30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel,[t] dahil sinabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Dios pero buhay pa rin ako.”
31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang. 32 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ang mga Israelita ay hindi kumakain ng litid sa magkatapat na buto sa balakang ng hayop. Sapagkat sa bahaging iyon pinisil ng Dios si Jacob.
Ang Pagkikita ni Esau at ni Jacob
33 Nang tumanaw si Jacob, nakita niya si Esau na paparating kasama ang 400 lalaki. Kaya pinasama niya ang mga anak niya sa kani-kanilang ina. 2 At pag-alis nila, pinauna niya ang dalawang aliping babae at ang mga anak nila, sumunod si Lea at ang mga anak niya, at si Raquel at ang anak niyang si Jose. 3 Si Jacob ay nasa unahan nilang lahat at halos ilang beses[u] siyang yumukod habang papalapit siya sa kanyang kapatid.
4 Pero tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at ang mga bata, tinanong niya si Jacob, “Sino ang mga kasama mong iyan?”
Sumagot si Jacob, “Sila ang aking mga anak na ibinigay sa akin ng Dios dahil sa kanyang awa.”
6 Lumapit agad kay Esau ang dalawang alipin na babae at ang mga anak nila, at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. 7 Sumunod din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Ang huling lumapit at yumukod ay si Jose at ang ina niyang si Raquel.
8 Nagtanong pa si Esau kay Jacob, “Ano ba ang ibig sabihin ng mga grupo ng hayop na nasalubong ko?”
Sinabi ni Jacob, “Regalo ko iyon sa iyo para tanggapin mo ako.”
9 Pero sumagot si Esau, “Marami na ang ari-arian ko, kaya sa iyo na lang iyon.”
10 Pero nagpumilit si Jacob, “Sige na, tanggapin mo na iyon. Kung totoong pinatawad mo na ako, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Sapagkat nang makita ko ang mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang mukha ng Dios. 11 Tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo dahil napakabuti ng Dios sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.
12 Pagkatapos, sinabi ni Esau, “Halika na, sabay na tayong umalis.”
13 Pero sumagot si Jacob, “Alam mong mabagal maglakad ang mga bata, at kailangan kong alagaan nang mabuti ang mga hayop na nagpapasuso. Kung pipilitin natin ang mga hayop na maglakad sa buong araw, baka mamatay sila. 14 Ang mabuti pa, mauna ka na lang sa amin. Susunod kami sa iyo ayon sa bilis ng mga bata at ng mga hayop na kasabay namin. Doon na lang tayo magkita sa Seir.”
15 Sinabi ni Esau, “Kung ganoon, ipapaiwan ko na lang ang iba kong mga tauhan sa iyo.”
Sumagot si Jacob, “Hindi na kailangan. Ang mahalaga pinatawad mo na ako.”
16 Kaya bumalik na lang si Esau sa Seir nang mismong araw na iyon. 17 Pero sina Jacob ay pumunta sa Sucot. Pagdating nila roon, gumawa si Jacob ng tirahan at ginawaan din niya ng silungan ang mga hayop niya. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Sucot.[v]
18 Hindi nagtagal, nakarating din sila sa Canaan mula sa Padan Aram[w] na walang masamang nangyari sa kanila. Nakarating sila sa lungsod na pagmamay-ari ni Shekem. Nagpatayo sila ng mga tolda nila malapit sa lungsod. 19 Ang lupaing pinagtayuan nila ng mga tolda ay binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor sa halagang 100 pirasong pilak. Si Hamor ay ama ni Shekem. 20 Gumawa si Jacob ng altar na pinangalanan niyang El Elohe Israel.[x]
Pinagsamantalahan si Dina
34 Isang araw, umalis si Dina na anak na dalaga nina Jacob at Lea. Binisita niya ang mga dalagang taga-Canaan. 2 Nakita siya ni Shekem na anak ni Hamor na Hiveo, na pinuno sa lugar na iyon. Sinunggaban niya si Dina at pinagsamantalahan. 3 Pero nahulog ang loob niya kay Dina at nagustuhan niya ito, kaya sinuyo niya ang dalaga. 4 Sinabi ni Shekem sa ama niyang si Hamor, “Ama, gawan nʼyo po ng paraan para mapangasawa ko ang dalagang ito.”
5 Nang malaman ni Jacob na dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, hindi muna siya kumibo dahil naroon pa sa bukid ang mga anak niyang lalaki na nagbabantay ng kanyang mga hayop. 6 Pumunta ang ama ni Shekem na si Hamor kay Jacob para makipag-usap.
7 Nang mabalitaan ng mga anak ni Jacob ang nangyari, umuwi sila agad mula sa bukid. Sumama ang loob nila at labis na nagalit kay Shekem dahil sa ginawa niyang hindi nararapat, na nagdala ng kahihiyan sa pamilya ni Jacob.[y]
8 Pero sinabi ni Hamor sa kanila, “Nabighani ang anak kong si Shekem sa dalaga ninyo, kaya nakikiusap akong payagan ninyong mapangasawa siya ng anak ko. 9 At maganda rin na hayaan nating mapangasawa ng mga dalaga ninyo ang mga binata namin at mapangasawa rin ng mga dalaga namin ang mga binata ninyo. 10 Maaari kayong manirahang kasama namin kahit saang lugar ninyo gustuhin. Maaari rin kayong magnegosyo kahit saan at magmay-ari ng lupain dito.”
11 Nakiusap din si Shekem sa ama at sa mga kapatid ni Dina, “Kung maaari po ay mapangasawa ko si Dina na kapatid ninyo. Ibibigay ko po ang kahit anong hilingin ninyo. 12 Kayo po ang bahala kung magkano ang hihilingin ninyo at kung ano ang ireregalo ko para mapangasawa ko ang kapatid ninyo. Babayaran ko po kayo kahit magkano ang hilingin ninyo bastaʼt mapangasawa ko lang po si Dina.”
13 Pero dahil sa dinungisan ni Shekem ang pagkababae ni Dina, niloko ng mga anak ni Jacob si Shekem at ang ama nitong si Hamor. 14 Sinabi nila, “Hindi kami papayag na makapag-asawa si Dina ng isang taong hindi tuli, dahil nakakahiya iyan para sa amin. 15 Papayag lang kami kung ang lahat ng lalaki na taga-rito ay magpapatuli rin kagaya namin. 16 Kung magpapatuli kayo, maaari ninyong mapangasawa ang mga dalaga namin at maaari rin kaming makapag-asawa sa mga dalaga ninyo. At maninirahan kami kasama ninyo para maging isang bayan na lang tayo. 17 Pero kung hindi kayo papayag, kukunin namin si Dina at aalis kami rito.”
18 Nakita nina Hamor at Shekem na mukhang maganda rin ang mungkahing ibinigay ng mga anak ni Jacob. 19 Kaya dahil sa malaking pagmamahal ni Shekem kay Dina, hindi na siya nag-aksaya ng panahon para sundin ang mga sinabi ng mga anak ni Jacob. Si Shekem ang lubos na iginagalang sa sambahayan ng kanyang ama. 20 Pumunta agad sila sa kanyang ama sa pintuan ng lungsod at nagsalita sa mga lalaki sa kanilang lungsod. 21 Sinabi nila, “Palakaibigan ang mga taong ito. Kaya rito na lang natin sila patirahin, at payagan na makapagnegosyo sila kahit saan. Malaki naman ang lupain natin. Maaari tayong makipag-asawa sa mga dalaga nila at makikipag-asawa rin sila sa mga dalaga natin. 22 Pero papayag lang sila na manirahan dito kasama natin bilang isang bayan kung papayag ang lahat ng kalalakihan natin na magpatuli kagaya nila. 23 Kung dito sila titira, magiging atin din ang lahat ng hayop at ari-arian nila. Kaya pumayag na lang tayo sa mungkahi nila para manirahan sila rito na kasama natin.”
24 Pumayag ang lahat ng kalalakihan ng lungsod sa sinabi ni Hamor at ng anak niyang si Shekem. Kaya nagpatuli ang lahat ng kalalakihan nila.
25 Pagkalipas ng tatlong araw, habang mahapdi pa ang sugat ng mga lalaki, pumasok sa lungsod ang dalawang anak ni Jacob na sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina. Hindi alam ng mga tao roon na masama pala ang pakay nila. May dala silang mga espada at pinagpapatay nila ang lahat ng lalaki. 26 Pinatay din nila si Hamor at ang anak niyang si Shekem. Kinuha rin nila si Dina sa bahay ni Shekem, at umalis. 27 Pagkatapos, pinasok din ng iba pang anak ni Jacob ang lungsod at kinuha ang mga ari-arian dito. Ginawa nila ito dahil dinungisan ang pagkababae ng kapatid nilang si Dina. 28 Kinuha nila ang mga tupa, baka, asno at ang lahat ng ari-arian doon sa lungsod at bukirin. 29 Sinamsam nila ang lahat ng kayamanan ng lungsod, pati ang mga ari-arian sa loob ng mga bahay. At binihag nila ang lahat ng babae at bata.
30 Ngayon, sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng malaking problema. Magkikimkim ng galit sa atin ang mga Cananeo at mga Perezeo sa lupaing ito. Mamamatay tayong lahat kung magkakaisa silang lusubin tayo dahil kaunti lang tayo.”
31 Pero sumagot ang dalawa, “Pababayaan lang ba namin na tratuhin ang kapatid namin na parang isang babaeng bayaran?”
Binasbasan ng Dios si Jacob sa Betel
35 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”
2 Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. 3 Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. 5 Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.
6 Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. 7 Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel[z] dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.
8 Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.[aa]
9 Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram,[ab] muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.
11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. 12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” 13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. 15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.[ac]
Ang Pagkamatay ni Raquel
16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel. 17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.” 18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni.[ad] Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.[ae]
19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem). 20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.
21 Nagpatuloy sina Jacob[af] sa kanilang paglalakbay. Pagdating nila sa kabilang panig ng Migdal Eder,[ag] nagtayo sila roon ng mga tolda nila. 22 Habang nakatira roon sila Jacob,[ah] sumiping si Reuben kay Bilha na isa sa mga asawa ng kanyang ama. Nang malaman iyon ni Jacob, galit na galit siya.[ai]
Ang mga Anak na Lalaki ni Jacob(A)
May 12 Anak na lalaki si Jacob.
23 Ang mga anak niya kay Lea ay sina Reuben na panganay, pagkatapos ay sina Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun.
24 Ang mga anak niya kay Raquel ay sina Jose at Benjamin.
25 Ang mga anak niya kay Bilha na alipin ni Raquel ay sina Dan at Naftali.
26 Ang mga anak niya kay Zilpa na alipin ni Lea ay sina Gad at Asher.
Silang lahat ang anak na lalaki ni Jacob na isinilang sa Padan Aram.
Ang Pagkamatay ni Isaac
27 Pumunta si Jacob sa ama niyang si Isaac sa Mamre, malapit sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron). Ito ang lugar na tinitirhan ni Isaac na siya ring tinitirhan noon ni Abraham. 28 Nabuhay si Isaac ng 180 taon. 29 Namatay siya sa katandaan na kontento sa kanyang buhay, at kasama na ng kanyang mga kamag-anak na sumakabilang buhay na. Inilibing siya ng mga anak niyang sina Esau at Jacob.
Ang mga Lahi ni Esau(B)
36 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau (na tinatawag ding Edom).
2 Nakapag-asawa si Esau ng mga babaeng taga-Canaan. Silaʼy sina Ada na anak ni Elon na Heteo, si Oholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hiveo, 3 at si Basemat na kapatid ni Nebayot na anak ni Ishmael.
4 Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz. Ang anak niya kay Basemat ay si Reuel. 5 At ang mga anak niya kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. Sila ang mga anak ni Esau na isinilang sa Canaan.
6 Dinala ni Esau ang kanyang mga asawaʼt anak, ang lahat ng sakop ng kanyang sambahayan, pati ang mga ari-arian at mga hayop niya na naipon niya sa Canaan. At lumipat siya sa isang lupain na malayo kay Jacob na kanyang kapatid. 7 Sapagkat hindi na sila maaaring magsama sa isang lupain dahil sa dami ng mga ari-arian nila; at ang lupain na kanilang tinitirhan ay hindi sapat sa kanila dahil sa dami ng mga hayop nila. 8 Kaya roon tumira si Esau (na tinatawag ding Edom) sa kabundukan ng Seir.
9 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau na ama ng mga Edomita na nakatira sa kabundukan ng Seir.
10 Ang anak na lalaki ni Esau kay Basemat ay si Reuel, at ang anak niyang lalaki kay Ada ay si Elifaz.
11 Ang mga anak na lalaki ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.
12 May anak ding lalaki si Elifaz sa isa pa niyang asawa na si Timna. Siya ay si Amalek. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.
13 Ang mga anak na lalaki ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
14 Ang mga anak na lalaki ni Esau kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. (Si Oholibama ay anak ni Ana at apo ni Zibeon).
15 Ito ang mga lahi ni Esau na naging pinuno ng ibaʼt ibang angkan: Ang mga lahi ng panganay na anak ni Esau na si Elifaz na naging mga pinuno ay sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, 16 Kora, Gatam at Amalek. Sila ang mga pinuno sa lupain ng Edom na nagmula kay Elifaz. Sila ay nagmula sa asawa ni Esau na si Ada.
17 Naging pinuno rin sa Edom ang mga anak ni Reuel na sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.
18 Naging pinuno rin ang mga anak ni Esau kay Oholibama na anak ni Ana. Sila ay sina Jeush, Jalam at Kora.
19 Silang lahat ang lahi ni Esau na mga pinuno ng Edom.
Ang mga Lahi ni Seir(C)
20 Ito ang mga anak na lalaki ni Seir na Horeo na nakatira sa Edom: Si Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Dishan. Naging pinuno rin sila ng mga Horeo na nakatira sa Edom.
22 Ang mga anak na lalaki ni Lotan ay sina Hori at Heman.[aj] Si Lotan ay mayroong kapatid na babae na si Timna na isa pang asawa ni Elifaz.
23 Ang mga anak na lalaki ni Shobal ay sina Alvan, Manahat, Ebal, Shefo at Onam.
24 Ang mga anak na lalaki ni Zibeon ay sina Aya at Ana. Si Ana ang nakatuklas ng bukal doon sa ilang habang nagpapastol siya ng mga asno ng kanyang ama.
25 Ang mga anak ni Ana ay sina Dishon at Oholibama.
26 Ang mga anak na lalaki ni Dishon ay sina Hemdan, Eshban, Itran at Keran.
27 Ang mga anak na lalaki ni Ezer ay sina Bilhan, Zaavan at Akan.
28 Ang mga anak na lalaki ni Dishan ay sina Uz at Aran.
29-30 Ito naman ang mga pinuno batay sa bawat lahi ng mga Horeo na may pinamamahalaang lupain sa Seir: sina Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Dishan.
Ang mga Hari ng Edom(D)
31 Ito ang mga hari ng Edom noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita:
32 Si Bela na taga-Dinhaba na anak ni Beor ay naging hari sa Edom.
33 Pagkamatay ni Bela, pinalitan siya ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bozra.
34 Pagkamatay ni Jobab, pinalitan siya ni Husham na taga-Teman.
35 Pagkamatay ni Husham, pinalitan siya ni Hadad na taga-Avit na anak ni Bedad. Si Hadad ang tumalo sa mga Midianita roon sa Moab.
36 Pagkamatay ni Hadad, pinalitan siya ni Samla na taga-Masreka.
37 Pagkamatay ni Samla, pinalitan siya ni Shaul na taga-Rehobot na malapit sa ilog.[ak]
38 Pagkamatay ni Shaul, pinalitan siya ni Baal Hanan na anak ni Acbor.
39 Pagkamatay ni Baal Hanan na anak ni Acbor, pinalitan siya ni Hadad na taga-Pau. Ang asawa niya ay si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Me-Zahab.
40-43 Si Esau (na tinatawag ding Edom) ang pinagmulan ng mga Edomita. At ito ang mga naging pinuno sa mga lahi ni Esau na ang angkan at lupain ay ipinangalan sa kanila: Timna, Alva, Jetet, Oholibama, Elah, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel, at Iram.
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Nagpaiwan si Jacob para manirahan sa Canaan, ang lupaing tinitirhan din dati ng kanyang ama.
2 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob:
Nang 17 taong gulang si Jose, nagbabantay siya ng mga hayop kasama ng kanyang mga kapatid na mga anak ni Bilha at ni Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama. Ipinagtapat ni Jose sa kanyang ama ang masasamang ginagawa ng kanyang mga kapatid.
3 Mas mahal ni Jacob[al] si Jose kaysa sa iba niyang mga anak, dahil matanda na siya nang isilang si Jose. Kaya itinahi niya si Jose ng maganda at mahabang damit. 4 Pero nang napansin ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, nagalit sila kay Jose at sinabihan ito ng masasakit na salita.
5 Isang gabi, nanaginip si Jose. Nang isalaysay niya ito sa mga kapatid niya, lalo silang nagalit sa kanya. 6 Sapagkat ito ang isinalaysay niya, “Nanaginip ako 7 na habang naroon tayo sa bukid na nagbibigkis ng mga uhay, bigla na lang tumayo ang ibinigkis ko at pinaikutan ito ng inyong mga ibinigkis na uhay na nakayuko.”
8 Sinabi ng kanyang mga kapatid, “Ano? Magiging hari ka at mangunguna sa amin?” Kaya lalo pa silang nagalit kay Jose.
9 Muling nanaginip si Jose at isinalaysay na naman niya sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya, “Nanaginip ako ulit na nakita ko ang araw, ang buwan at ang 11 bituin na yumuyuko sa akin.”
10 Isinalaysay din ni Jose ang panaginip niya sa kanyang ama pero nagalit din ang kanyang ama sa kanya. Sinabi niya, “Ano ang ibig mong sabihin? Na kami ng iyong ina at ng mga kapatid mo ay yuyuko sa iyo?” 11 Nainggit ang mga kapatid ni Jose sa kanya, pero si Jacob ay sinarili na lamang ang bagay na ito.
Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid
12 Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem para magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13-14 Sinabi ni Jacob[am] kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at sabihin sa akin.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”
Kaya mula sa Lambak ng Hebron, pumunta si Jose sa Shekem. 15 Nang naroon na siyang pagala-gala sa bukid, may lalaking nagtanong sa kanya kung ano ang hinahanap niya.
16 Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”
17 Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.” Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila sa Dotan.
18 Malayo pa si Jose ay nakita na siya ng mga kapatid niya. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya. 19 Sinabi nila, “Paparating na ang mapanaginipin. Halikayo, patayin natin siya 20 at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”
21 Nang marinig ni Reuben ang balak nila, pinagsikapan niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22 Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, pero huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Reuben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.
23 Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24 at inihulog sa balon na walang tubig.
25 Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ishmaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Egipto.
26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27 Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ishmaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.
28 Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Ishmaelita,[an] iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang 20 pilak. At dinala si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto.
29 Nang bumalik si Reuben sa balon, wala na doon si Jose. Kaya pinunit niya ang kanyang damit sa lungkot. 30 Pagkatapos, bumalik siya sa mga kapatid niya at sinabi, “Wala na doon ang nakababata nating kapatid. Paano na ako ngayon makakauwi roon kay ama?”
31 Nagkatay sila ng kambing at isinawsaw sa dugo nito ang damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ang damit ni Jose sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ito. Tingnan po ninyong mabuti kung kay Jose po ito o hindi.”
33 Nakilala agad ni Jacob ang damit. Sinabi niya, “Sa kanya ito! Pinatay siya ng mabangis na hayop! Tiyak na niluray-luray siya ng hayop.”
34 Pinunit agad ni Jacob ang kanyang damit at nagdamit ng sako bilang pagluluksa. Nagluksa siya nang matagal sa pagkamatay ng kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat ng anak niya pero patuloy pa rin ang pagdadalamhati niya. Sinabi niya, “Hayaan nʼyo na lang ako! Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko.” At nagpatuloy ang pag-iyak niya dahil kay Jose.
36 Samantala, doon sa Egipto, ipinagbili ng mga Midianita[ao] si Jose kay Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[ap] Kapitan siya ng mga guwardya sa palasyo.
Si Juda at si Tamar
38 Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam. 2 Doon nakilala ni Juda ang anak ni Shua na taga-Canaan at napangasawa niya ito. 3 Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er. 4 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan. 5 Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kezib.
6 Si Tamar ang napili ni Juda para maging asawa ng kanyang panganay na si Er. 7 Pero si Er ay naging masama sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.
8 Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.” 9 Pero alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi para hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid. 10 Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.
11 Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timnah. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13 May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timnah para pagupitan doon ang mga tupa nito. 14 Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timnah. Plano niyang dayain si Juda dahil hindi pa rin ibinibigay sa kanya si Shela para maging asawa niya kahit binata na ito.
15-16 Pagkakita ni Juda kay Tamar, hindi niya nakilala na manugang niya ito dahil may talukbong ang mukha nito. Akala niyaʼy isa itong babaeng bayaran. Kaya lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”
Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin kapag sumiping ako sa iyo?”
17 Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”
Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”
18-19 Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”
Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.
20 Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar. 21 Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.
Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”
22 Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya makita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw ganoong babae roon.”
23 Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng mga kambing pero hindi mo naman siya makita roon.”
24 Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis ito.
Kaya sinabi ni Juda, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin.”
25 Pero nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari nito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”
26 Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.
27 Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa sinapupunan niya ay kambal. 28 At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula para malaman na ito ang unang isinilang. 29 Pero ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Perez.[aq] 30 Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.[ar]
Si Jose at ang Asawa ni Potifar
39 Nang dinala na si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto, binili siya ni Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[as] (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardya sa palasyo.)
2 Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Egipcio na si Potifar. 3 Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya, 4 kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya ito na sarili niyang alipin at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian. 5 Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Egipcio at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose. 6 Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.
Gwapo si Jose at matipuno ang katawan. 7 Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose para sumiping sa kanya.
8 Pero tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan. 9 Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios.” 10 Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.
11 Isang araw, pumasok si Jose sa bahay para magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay. 12 Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Pero tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.
13 Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito, 14 tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako, pero sumigaw ako. 15 Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”
16 Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa. 17 Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako. 18 Pero tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”
19 Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya. 20 Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.
Pero kahit nasa bilangguan si Jose, 21 ginagabayan pa rin siya ng Panginoon. At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose. 22 Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan. 23 Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.
Ipinaliwanag ni Jose ang Dalawang Panaginip
40 1-2 Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa Faraon[at] ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito. 3 Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo. 4 Si Jose ang katiwala ng kapitan ng mga guwardya na nag-aalaga sa kanila. Nagkasama sila nang matagal sa bilangguan.
5 Isang gabi, nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng Faraon habang naroon sila sa bilangguan. Ang bawat isa sa kanila ay magkaiba ang panaginip at magkaiba rin ang kahulugan.
6 Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila. 7 Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”
8 Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
Sinabi ni Jose, “Ang Dios ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”
9 Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan 10 at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga. 11 Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®