Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Bible in 90 Days

An intensive Bible reading plan that walks through the entire Bible in 90 days.
Duration: 88 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Leviticus 26:27 - Bilang 8:14

27 At kung hindi pa rin kayo makikinig at patuloy pang susuway sa akin, 28 magagalit na ako sa inyo at kakalabanin ko kayo, at parurusahan ko kayo ng pitong beses.[a] 29 Gugutumin ko kayo, at mapipilitan kayong kumain ng sarili ninyong anak. 30 Wawasakin ko ang inyong mga sambahan sa matataas na lugar,[b] pati na ang mga altar na pagsusunugan ng insenso. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng mga patay nʼyong dios-diosan. At itatakwil ko kayo. 31 Wawasakin ko ang inyong mga lungsod at mga sambahan. At hindi ko na nanaisin ang mabangong samyo ng inyong mga handog. 32 Wawasakin ko ang inyong lupain at magtataka ang inyong mga kalaban na sasakop nito. 33 Pasasapitin ko sa inyo ang digmaan na gigiba ng inyong mga bayan at mga lungsod, at pangangalatin ko kayo sa mga bansa. 34-35 Habang bihag kayo ng inyong mga kalaban sa ibang lugar, makakapagpahinga na ang inyong lupain. Sapagkat noong nakatira pa kayo sa inyong lupain, hindi ninyo ito pinagpahinga kahit na sa panahon ng pagpapahinga ng inyong lupain. Pero ngayon ay makakapagpahinga na ito habang nasa ibang lugar kayo.

36-37 Kayong mga natitirang buhay na binihag at dinala ng inyong mga kalaban sa kanilang lugar ay padadalhan ko ng labis na pagkatakot. At kahit na kaluskos lang ng dahon sa ihip ng hangin ay katatakutan ninyo, tatakas kayong parang hinahabol upang patayin, kahit walang humahabol sa inyo. At habang tumatakas kayo, magbabanggaan kayo at magkakandarapa. Hindi kayo makakalaban sa inyong mga kalaban. 38 Mamamatay kayo sa lugar ng inyong mga kalaban. 39 At ang matitira sa inyoʼy unti-unting mamamatay dahil sa inyong mga kasalanan at sa kasalanan ng inyong mga ninuno.

40-41 Dahil sa inyong pagtataksil at pagsuway sa akin, kinalaban ko kayo at ipinabihag sa inyong mga kalaban. Pero kung ipapahayag ninyo ang inyong mga kasalanan at ang kasalanan ng inyong mga ninuno, at titigilan na ang inyong pagmamatigas, at tatanggapin ang mga parusa para sa inyong mga kasalanan, 42 tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob at ibabalik ko kayo sa inyong lupain. 43 Pero kinakailangang paalisin ko muna kayo sa inyong lupain bilang parusa sa inyong mga kasalanan dahil sa pagsuway ninyo sa aking mga utos at mga tuntunin. At para makapagpahinga ang lupain ninyo habang wala kayo roon. 44 Ngunit kahit na pinarurusahan ko kayo, hindi ko kayo itatakwil habang kayoʼy nasa lupain ng inyong mga kalaban. Hindi ko kayo lilipulin na walang matitira sa inyo. Sapagkat hindi ko maaaring sirain ang kasunduan ko sa inyo, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios. 45 Tutuparin ko ang kasunduan ko sa inyong mga ninuno na inilabas ko sa Egipto para maipakita ko sa mga bansa ang aking kapangyarihan. Ginawa ko ito sa inyong mga ninuno para maging Dios nila ako. Ako ang Panginoon.

46 Ito ang mga utos at mga tuntuning ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita roon sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises.

Ang Pagtubos ng mga Bagay na Inihandog sa Panginoon

27 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita:

Kung ang isang tao ay inihandog sa Panginoon bilang pagtupad sa isang panata, ang taong iyon ay maaari pang matubos sa panatang iyon, 3-7 kung babayaran niya ng pilak, ang kanyang halaga ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari:

Sa edad na isang buwan hanggang apat na taon

lalaki: limang pirasong pilak

babae: tatlong pirasong pilak

Sa edad na lima hanggang 19 na taon

lalaki: 20 pirasong pilak

babae: sampung pirasong pilak

Sa edad na 20 hanggang 59 na taon

lalaki: 50 pirasong pilak

babae: 30 pirasong pilak

Sa edad na 60 taon pataas

lalaki: 15 pirasong pilak

babae: sampung pirasong pilak.

Kung dukha ang nagpanata at hindi kayang magbayad ng nasabing halaga, dadalhin niya sa pari ang taong ipinanata niyang ihahandog sa Panginoon, at ang pari ang siyang magbibigay ng halaga ayon sa makakayanan ng tao.

Kung ang panatang handog ay hayop na maaaring ihandog sa Panginoon, ang hayop na iyon ay sa Panginoon na. 10 Iyon ay hindi na niya maaaring palitan kahit mas maganda pa ang kanyang ipapalit. Kapag pinalitan niya ito, ang hayop na kanyang ipinanata pati ang ipinalit ay parehong sa Panginoon na. 11 Kung ang kanyang panatang hayop ay itinuturing na marumi at hindi maaaring ihandog sa Panginoon, dadalhin niya iyon sa pari. 12 Titingnan iyon ng pari kung mabuti ba ito o hindi, at bibigyan niya ito ng halaga[c] at hindi na maaaring baguhin pa. 13 Kung babawiin ng may-ari ang hayop. Kinakailangang bayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito.

14 Kung bahay naman ang panatang handog sa Panginoon, titingnan muna ng pari ang nasabing bahay kung mabuti ba ito o hindi, at saka niya bibigyan ng halaga at hindi na maaaring baguhin pa. 15 Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bahay, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bahay at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito at saka ibabalik sa kanya ang bahay.

16 Kung ang inihandog naman sa Panginoon ay bahagi ng lupaing minana sa kanyang mga magulang, itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng binhing maaaring ihasik sa lupaing iyon: Sa bawat kalahating sako ng binhing maihahasik, ang halaga ng lupa ay 20 pirasong pilak. 17 Kung ihahandog niya ang kanyang bukid pagkatapos ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ganoon pa rin ang halaga nito. 18 Pero kung sa bandang huli na niya ihahandog, bibigyan ito ng halaga ng pari ng mas mababa, batay sa dami ng taon na natitira hanggang sa susunod na Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. 19 Kung babawiin ng may-ari ang kanyang bukid, kinakailangang bayaran niya ang halaga ng bukid at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. At saka ibabalik sa kanya ang bukid. 20 Pero kung ipagbili niya ang bukid nang hindi pa niya natutubos, hindi na niya ito mababawi. 21 At pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, iyon ay sa Panginoon na, at hindi na niya mababawi pa. Iyon ay magiging pag-aari na ng mga pari.

22 Kung ang inihandog naman ay lupang binili, 23 itoʼy bibigyan ng halaga ng pari ayon sa dami ng natitirang taon bago dumating ang Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli. Dapat itong tubusin ng taong iyon. At ang halagang itinubos ay sa Panginoon na. 24 Sa Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang nasabing lupain ay isasauli sa may-ari na nagbenta ng lupaing iyon.

25 Ang lahat ng halaga ng mga ito na inihandog sa Panginoon ay kinakailangang ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari.

26 Ang panganay na anak ng hayop ay sa Panginoon na, kaya itoʼy hindi na maaaring ihandog sa kanya. Ito ay sa Panginoon, maging baka man ito o tupa. 27 Pero kung ang hayop ay itinuturing na marumi, iyon ay maaaring tubusin ng may-ari. Babayaran niya ang halaga ng hayop at dadagdagan pa niya ng 20 porsiyento ng halaga nito. Pero kung iyon ay hindi tutubusin ng may-ari, ipagbibili iyon ng pari ayon sa itinakdang halaga.

28 Ang anumang bagay na lubusang itinalaga[d] sa Panginoon ay hindi na maaaring ipagbili o tubusin maging itoʼy tao o hayop o lupaing minana dahil iyon ay sa Panginoon na. 29 Ang taong lubusang inihandog sa Panginoon ay hindi na maaaring tubusin. Dapat siyang patayin.

30 Ang ikasampung bahagi ng lahat ng ani ay sa Panginoon. 31 Kung tutubusin ng sinuman ang ikasampung bahagi ng kanyang ani, kinakailangan niyang bayaran ang halaga at dadagdagan pa ng 20 porsiyento ng halaga nito. 32 Kung bibilangin ninyo ang inyong mga baka, tupa, o kambing, lahat ng ikasampung bahagi ay ibibigay ninyo sa Panginoon. 33 Hindi ninyo ito dapat piliin o palitan. Kung papalitan ninyo ito, ang inyong ipinalit na hayop at ang pinalitan nito ay parehong ilalaan sa Panginoon na at hindi na maaaring tubusin.

34 Ito ang mga utos na ibinigay ng Panginoon kay Moises doon sa bundok ng Sinai para sa mga Israelita.

Ang Unang Sensus sa Israel

Noong unang araw ng ikalawang buwan, nang ikalawang taon mula nang lumabas ang mga Israelita sa Egipto, sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa Toldang Tipanan sa disyerto ng Sinai. Sabi niya, “Isensus ninyo ang buong mamamayan ng Israel ayon sa kanilang lahi at pamilya. Ilista ninyo ang pangalan ng lahat ng lalaki na may edad 20 taong gulang pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo. Kayong dalawa ni Aaron ang mamamahala sa sensus ng bawat lahi ng Israel. Tutulong sa inyo ang pinuno ng bawat lahi.” 5-15 Ito ang pangalan ng mga taong tutulong sa inyo:

Lahi Pinuno
ReubenElizur na anak ni Sedeur
SimeonSelumiel na anak ni Zurishadai
JudaNashon na anak ni Aminadab
IsacarNetanel na anak ni Zuar
ZebulunEliab na anak ni Helon
Efraim na anak ni JoseElishama na anak ni Amihud
Manase na anak ni JoseGamaliel na anak ni Pedazur
BenjaminAbidan na anak ni Gideoni
DanAhiezer na anak ni Amishadai
AsherPagiel na anak ni Ocran
GadEliasaf na anak ni Deuel
NaftaliAhira na anak ni Enan.

16 Sila ang mga pinuno ng mga lahing pinili mula sa mga mamamayan ng Israel.

17-18 Kasama ng mga pinunong ito, tinipon nina Moises at Aaron ang lahat ng mga Israelita nang araw ding iyon. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad na 20 taong gulang pataas, ayon sa kanilang lahi at pamilya. 19 Inilista sila ni Moises doon sa disyerto ng Sinai, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

20-43 Ito ang bilang ng mga lalaking may edad 20 pataas na may kakayahan sa paglilingkod bilang sundalo, na nailista ayon sa kanilang lahi at pamilya:

Lahi Bilang
Reuben (ang panganay ni Jacob[e])46,500
Simeon59,300
Gad45,650
Juda74,600
Isacar54,400
Zebulun57,400
Efraim na anak ni Jose40,500
Manase na anak ni Jose32,200
Benjamin35,400
Dan62,700
Asher41,500
Naftali53,400

44-45 Sila ang mga lalaking nabilang nina Moises at Aaron at ng 12 pinuno ng Israel. Ang bawat isa sa kanila ay kumakatawan sa kani-kanilang pamilya. Sila ay 20 taong gulang pataas at may kakayahang maging sundalo ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang nila ay 603,550 lahat. 47 Pero hindi kasama rito ang mga lahi ni Levi. 48 Sapagkat sinabi ng Panginoon kay Moises, 49 “Huwag ninyong isama ang lahi ni Levi sa sensus kasama ng ibang mga Israelita, na magsisilbi sa panahon ng labanan. 50 Sa halip, ibigay sa kanila ang responsibilidad na pamahalaan ang Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos at ng lahat ng kagamitan nito. Sila ang magdadala ng Tolda at ng lahat ng kagamitan nito, at kailangang pangalagaan nila ito at magkampo sila sa paligid nito. 51 Kapag lilipat na ang Tolda, sila ang magliligpit nito. At kung itatayo naman, sila rin ang magtatayo nito. Ang sinumang gagawa ng ganitong gawain sa Tolda na hindi Levita ay papatayin. 52 Magkakampo ang mga Israelita ayon sa bawat lahi nila, at may bandila ang bawat lahi. 53 Pero ang mga Levita ay magkakampo sa paligid ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos, para hindi ako magalit sa mga mamamayan ng Israel. Ang mga Levita ang responsable sa pangangalaga ng Tolda na kinalalagyan ng aking mga utos.”

54 Ginawa itong lahat ng mga Israelita ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagkakaayos ng Kampo ng mga Israelita

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Magkakampo ang bawat lahi ng Israel sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ang Toldang Tipanan ay ilalagay sa gitna ng kampo. 3-8 Ang mga lahi nina Juda, Isacar at Zebulun ay magkakampo sa silangan, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:

Lahi Pinuno Bilang
JudaNashon na anak ni Aminadab74,600
IsacarNetanel na anak ni Zuar54,400
ZebulunEliab na anak ni Helon57,400

Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Juda ay 186,400. Sila ang nasa unahan kapag naglalakbay ang mga Israelita.

10-15 “Ang mga lahi nina Reuben, Simeon at Gad ay magkakampo sa timog, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:

Lahi Pinuno Bilang
ReubenElizur na anak ni Sedeur46,500
SimeonSelumiel na anak ni Zurishadai59,300
GadEliasaf na anak ni Deuel45,650

16 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Reuben ay 151,450. Sila ang ikalawang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.

17 “Kasunod nila ang mga Levita na nagdadala ng Toldang Tipanan. Ang lahat ng lahi ay maglalakad ng magkakasunod gaya ng kanilang posisyon kapag nagkakampo sila, bawat lahi ay nasa ilalim ng kani-kanilang bandila.

18-23 “Ang mga lahi nina Efraim, Manase at Benjamin ay magkakampo sa kanluran, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at bilang ng kanilang mga tauhan:

Lahi Pinuno Bilang
EfraimElishama na anak ni Amihud40,500
ManaseGamaliel na anak ni Pedazur32,200
BenjaminAbidan na anak ni Gideoni35,400

24 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Efraim ay 108,100. Sila ang susunod sa lahi ni Levi kapag naglalakbay ang mga Israelita.

25-30 “Ang mga lahi nina Dan, Asher at Naftali ay magkakampo sa hilaga, sa ilalim ng bandila ng kani-kanilang lahi. Ito ang mga pangalan ng kanilang mga pinuno at ang bilang ng kanilang mga tauhan:

Lahi Pinuno Bilang
DanAhiezer na anak ni Amishadai62,700
AsherPagiel na anak ni Ocran41,500
NaftaliAhira na anak ni Enan53,400

31 Ang bilang ng lahat ng grupong ito na pinangungunahan ng lahi ni Dan ay 157,600. Sila ang kahuli-hulihang grupo sa linya kapag naglalakbay ang mga Israelita.”

32 Ang kabuuang bilang ng mga Israelita na nailista ayon sa kanilang lahi ay 603,550 lahat. 33 Pero hindi kasama rito ang mga Levita, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

34 Kaya ginawa ng mga Israelita ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang bawat lahi ay nagkampo at naglakbay sa ilalim ng kani-kanilang bandila ayon sa kani-kanilang lahi at pamilya.

Ang mga Levita

Ito ang tala tungkol sa mga angkan nina Aaron at Moises nang panahong nakipag-usap ang Panginoon kay Moises doon sa Bundok ng Sinai.

Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Si Nadab ang panganay. Pinili sila at inordinahan para sa paglilingkod bilang mga pari. Pero sina Nadab at Abihu ay namatay sa presensya ng Panginoon nang gumamit sila ng apoy na hindi dapat gamitin sa paghahandog sa Panginoon doon sa disyerto ng Sinai. Namatay silang walang anak, kaya sina Eleazar at Itamar lang ang naglingkod bilang mga pari habang nabubuhay pa si Aaron.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ipatawag ang lahi ni Levi at dalhin sila sa paring si Aaron para tumulong sa kanya. Maglilingkod sila kay Aaron at sa mga mamamayan ng Israel sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga gawain sa Toldang Sambahan, na tinatawag din na Toldang Tipanan. Sila rin ang mangangalaga ng lahat ng kagamitan ng Toldang Tipanan, at maglilingkod sa Toldang iyon para sa mga Israelita. Itatalaga ang mga Levita para tumulong kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki. 10 Si Aaron at ang mga anak niya ang piliin mo na maglilingkod bilang mga pari. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.”

11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12 “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Akin ang bawat Levita, 13 dahil akin ang bawat panganay. Nang pinagpapatay ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng Israel, tao man o hayop. Kaya akin sila. Ako ang Panginoon.”

14 Sinabi ng Panginoon kay Moises doon sa disyerto ng Sinai, 15 “Bilangin mo ang mga lalaking Levita mula sa edad na isang buwan pataas, ayon sa kanilang pamilya.” 16 Kaya binilang sila ni Moises, ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.

17 Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. 18 Ang mga anak ni Gershon ay sina Libni at Shimei. 19 Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 20 Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Mushi.

Sila ang mga Levita, ayon sa kanilang pamilya.

21 Ang mga angkan ni Gershon ay ang mga pamilya na nanggaling kina Libni at Shimei. 22 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 7,500. 23 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa likod ng Toldang Sambahan, sa bandang kanluran. 24 Ang kanilang pinuno ay si Eliasaf na anak ni Lael. 25 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga kagamitang ito sa Toldang Tipanan: Ang mga pantaklob, ang kurtina ng pintuan ng Tolda, 26 ang mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda at sa altar, pati ang kurtina ng pintuan ng bakuran, at ang mga tali. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito.

27 Ang mga angkan ni Kohat ay ang mga pamilya na nanggaling kina Amram, Izar, Hebron at Uziel. 28 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 8,600. Binigyan sila ng responsibilidad na asikasuhin ang Toldang Tipanan. 29 Ang lugar na kanilang pinagkakampuhan ay nasa bandang timog ng Toldang Sambahan. 30 At ang pinuno nila ay si Elizafan na anak ni Uziel. 31 Sila ang responsable sa pag-aasikaso ng Kahon ng Kasunduan, ang mesa ang lalagyan ng ilaw, ang altar, ang mga kagamitang ginagamit ng mga pari sa kanilang paglilingkod at ang kurtina. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 32 Ang pinuno ng mga Levita ay si Eleazar na anak ng paring si Aaron. Siya ang pinili na mamahala sa mga binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng Tolda.

33 Ang mga angkan ni Merari ay ang mga pamilya na nanggaling kina Mahli at Mushi. 34 Ang bilang nila mula isang buwang gulang pataas ay 6,200. 35 Ang kanilang pinuno ay si Zuriel na anak ni Abihail. Nasa bandang hilaga ng Toldang Sambahan ang lugar na kanilang pinagkakampuhan. 36 Sila ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga balangkas ng Tolda, ng mga biga nito, ng mga haligi at mga pundasyon. Sila ang responsable sa lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 37 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali.

38 Ang lugar na pinagkakampuhan nina Moises at Aaron at ng mga anak niya ay nasa harapan ng Toldang Sambahan, sa bandang silangan. Sila ang binigyan ng responsibilidad para pamahalaan ang mga gawain sa Tolda para sa mga Israelita. Ang sinumang gagawa ng mga gawain ng pari sa Tolda na hindi lahi ni Levi ay papatayin.

39 Ang kabuuang bilang ng mga lalaki na Levita mula isang buwang gulang pataas ay 22,000 lahat. Sina Moises at Aaron ang bumilang sa kanila, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanila.

40 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bilangin mo at ilista ang mga pangalan ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita, mula sa edad na isang buwan pataas. 41 Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga hayop ng mga Israelita. Ako ang Panginoon.”

42-43 Kaya binilang ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita na may edad isang buwan pataas, ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya. Ang bilang nila ay 22,273.

44 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 45 “Italaga ang mga Levita sa akin kapalit ng mga panganay na lalaki ng mga Israelita. Ihandog din sa akin ang mga hayop ng mga Levita kapalit ng mga panganay na hayop ng mga Israelita. Akin ang mga Levita. Ako ang Panginoon. 46 At dahil sobra ng 273 ang panganay na lalaki ng mga Israelita kaysa sa mga Levita, kailangang tubusin sila. 47 Ang ibabayad sa pagtubos sa bawat isa sa kanila ay limang pirasong pilak ayon sa timbang ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. 48 Ibigay mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ang sobrang pera na itinubos sa mga panganay.”

49 Kaya kinolekta ni Moises ang pera na ipinangtubos sa mga panganay na anak ng mga Israelita na sobra sa bilang ng mga Levita. 50 Ang kanyang nakolekta ay 1,365 pirasong pilak, ayon sa timbang ng pilak sa timbangan na ginagamit ng mga pari. 51 At ibinigay niya ito kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki ayon sa iniutos ng Panginoon sa kanya.

Ang mga Angkan ni Kohat

Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Isensus ninyo ang mga angkan ni Kohat na sakop ng mga Levita, ayon sa kanilang pamilya. Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad na 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

“Ang mga gawain ng mga angkan ni Kohat sa Toldang Tipanan ay ang pag-aasikaso ng pinakabanal na mga bagay. Kung aalis na kayo sa inyong pinagkakampuhan, si Aaron at ang mga anak niya ay papasok sa Tolda at kukunin ang kurtina sa loob at itataklob ito sa Kahon ng Kasunduan. At tatakluban pa nila ito ng magandang klase ng balat[f] at ng telang asul, at pagkatapos ay isusuot nila sa mga argolya ang mga pambuhat nito.

“Sasapinan din nila ng asul na tela ang mesa na nilalagyan ng tinapay na iniaalay sa presensya ng Dios; at ilalagay nila sa mesa ang mga pinggan, mga tasa, mga mangkok, mga banga na lalagyan ng mga handog na inumin, at hindi aalisin ang mga tinapay na laging nasa mesa. Pagkatapos, tatakluban nila ito ng telang pula, at tatakluban pa ng magandang klase ng balat at pagkatapos ay isusuot ang mga pambuhat nito sa lalagyan.

“Ang mga lalagyan ng ilaw ay babalutin nila ng telang asul, pati ang mga ilaw nito, ang mga panggupit ng mitsa ng ilaw, ang mga lalagyan ng upos na mula sa ilawan at mga banga na lalagyan ng langis ng ilaw. 10 Babalutin pa nila itong lahat ng magandang klase ng balat at itatali sa tukod na pambuhat.

11 “Tatakluban din nila ng telang asul ang gintong altar at tatakluban pa ng magandang klase ng balat, at pagkatapos, isusuot sa mga argolya ang mga pambuhat nito. 12 Ang mga natirang kagamitan ng Tolda na ginagamit sa paglilingkod sa templo ay babalutin din nila ng telang asul at tatakluban ng magandang klase ng balat ng hayop at itatali sa tukod na pambuhat.

13 “Kailangang alisin ang abo sa altar, at tatakluban ng telang kulay ube. 14 At ilalagay nila sa altar ang lahat ng kagamitan nito: Ang lalagyan ng baga, ang malalaking tinidor para sa karne, ang mga pala at ang mga mangkok. Tatakluban nila ito ng magandang klase ng balat at isusuot nila sa argolya ang mga pambuhat nito.

15 “Matapos takluban ni Aaron at ng mga anak niya ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan nito, dadalhin ito ng angkan ni Kohat kapag aalis na sila sa kanilang pinagkakampuhan. Pero hindi nila hahawakan ang mga banal na bagay para hindi sila mamatay. Ito nga ang mga kagamitan ng Toldang Tipanan na dadalhin ng mga angkan ni Kohat.

16 “Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ang responsable sa langis para sa mga ilaw, sa insenso, sa araw-araw na handog bilang pagpaparangal sa akin at sa langis na pamahid. Siya ang mamamahala sa buong Tolda at sa lahat ng kagamitan nito.”

17 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 18 “Huwag ninyong pabayaang mawala ang pamilya ni Kohat sa mga Levita. 19 Ganito ang inyong gagawin para hindi sila mamatay kapag lalapit sila sa pinakabanal na mga bagay: sasamahan sila ni Aaron at ng mga anak nito kapag papasok na sila sa Tolda at sasabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin at kung ano ang kanilang dadalhin. 20 Kung hindi sila sasamahan, hindi sila dapat pumasok kahit sandali lang para tingnan ang banal na mga bagay, para hindi sila mamatay.”

Ang mga Angkan ni Gershon

21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 22 “Isensus ang mga angkan ni Gershon ayon sa kanilang pamilya. 23 Isama sa sensus ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan.

24 “Ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon ay ang pagdadala ng mga sumusunod: 25 ang mga kurtina ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan, ang lahat ng pantaklob nito at ang mga kurtina sa pintuan, 26 ang mga kurtina sa bakuran na nakapalibot sa Tolda at altar, ang kurtina sa pintuan ng bakuran, ang mga panali at ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa paglilingkod sa Tolda. Sila ang gagawa ng lahat ng mga gawain na may kinalaman sa mga kagamitang ito. 27 Si Aaron at ang mga anak niya ang mamamahala sa mga angkan ni Gershon tungkol sa kanilang mga gawain, magdadala man ng mga kagamitan o gagawa ng ibang mga gawain. Kayo ni Aaron ang magsasabi kung ano ang kanilang dadalhin. 28 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Gershon sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang mga Angkan ni Merari

29 “Bilangin mo rin ang mga angkan ni Merari ayon sa kanilang pamilya. 30 Isama sa bilang ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan. 31 Ito ang kanilang mga gawain sa Toldang Tipanan: sila ang magdadala ng mga balangkas ng Tolda, mga biga nito, mga haligi at ng mga pundasyon. 32 Sila rin ang binigyan ng responsibilidad sa pag-aasikaso ng mga haligi na pinagkakabitan ng mga kurtina ng bakuran na nakapalibot sa Tolda pati ang mga pundasyon, mga tulos at mga tali. At sila rin ang gagawa ng mga gawaing kaugnay sa mga kagamitang ito. Kayo ni Aaron ang magsasabi sa bawat isa sa kanila kung ano ang kanilang dadalhin. 33 Iyon ang mga gawain ng mga angkan ni Merari sa Toldang Tipanan. Pangungunahan sila ni Itamar na anak ng paring si Aaron.”

Ang Pagbilang sa mga Levita

34-48 Bilang pagsunod sa utos ng Panginoon, inilista nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel ang mga angkan nina Kohat, Gershon at Merari ayon sa bawat pamilya nito. Inilista nila ang lahat ng lalaking may edad 30 hanggang 50 taong gulang na may kakayahang maglingkod sa Toldang Tipanan, at ito ang bilang nila:

Pamilya Bilang
Kohat2,750
Gershon2,630
Merari3,200

Ang kabuuang bilang nila ay 8,580. 49 Kaya ayon sa utos ng Panginoon kay Moises, binilang ang bawat isa sa kanila at binigyan ng kanya-kanyang gawain at sinabihan kung ano ang kanilang dadalhin.

Ang Paglilinis ng Kampo

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Utusan mo ang mga Israelita na palabasin nila sa kampo ang sinumang may malubhang sakit sa balat o may lumalabas sa kanyang ari dahil sa karamdaman o itinuring siyang marumi dahil nakahipo siya ng patay. Palabasin ninyo sila, lalaki man o babae para hindi nila marumihan ang kampo, kung saan ako naninirahang kasama ninyo.” Kaya pinalabas ng mga Israelita ang mga ganoong tao sa kampo ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

Ang Bayad sa Ginawan ng Masama

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay sumuway sa gusto ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng masama sa kanyang kapwa, nagkasala ang taong iyon. Kailangang aminin niya ang nagawang kasalanan, at kailangang bayaran niya ng buo ang ginawan niya ng masama, at dagdagan ng 20 porsiyento ang bayad. Pero kung patay na ang ginawan ng masama at wala na siyang malapit na kamag-anak na tatanggap ng bayad, ang bayad ay mapupunta sa Panginoon at kailangang ibigay ito sa pari, kasama ng tupa na ihahandog ng pari para tubusin ang kasalanan ng taong iyon. Ang lahat ng banal na regalo na dinadala ng mga Israelita sa mga pari ay magiging pag-aari na ng pari. 10 Magiging pag-aari ng mga pari ang mga banal na handog na ito.”

Ang Parusa sa Babaeng Nanlalalaki

11 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, 12-13 “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Kung sakali man na may isang lalaking naghihinala na nanlalalaki ang kanyang asawa, ngunit wala siyang katibayan dahil walang nakakita nito sa akto, 14-15 kailangang dalhin niya ang kanyang asawa sa pari, kahit na hindi totoong dinungisan nito ang sarili sa pamamagitan ng pangangalunya. At kailangang magdala ang lalaki ng handog na dalawang kilong harinang sebada para sa kanyang asawa. Hindi niya ito dapat lagyan ng langis o insenso dahil itoʼy handog ng paghihinala. 16 Dadalhin ng pari ang babae sa aking presensya, 17 at pagkatapos ay maglalagay ang pari ng tubig sa mangkok na gawa sa putik, at lalagyan niya ito ng alikabok na mula sa sahig ng Toldang Tipanan. 18 Kapag pinatayo na ng pari ang babae sa aking presensya, ilulugay ng pari ang buhok ng babae, at ilalagay sa kamay niya ang handog ng paghihinala para malaman kung talagang nagkasala ang babae. Pagkatapos, hahawakan ng pari ang mangkok na may mapait na tubig na nagdadala ng sumpa, 19 at pasusumpain niya ang babae at sasabihin sa kanya, ‘Kung hindi mo dinungisan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki, hindi ka masasaktan ng parusang dala ng tubig na ito. 20 Pero kung dinungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa ibang lalaki na hindi mo asawa, 21 sumusumpa ako na magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa iyo. At sanaʼy hindi ka magkaanak.[g] 22 Ang tubig sana na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok sa iyong katawan para hindi ka na magkaanak.’ Pagkatapos, sasabihin ng babae, ‘Mangyari sana ito.’

23 “At isusulat ng pari ang sumpang ito sa isang sulatan at huhugasan niya ito sa mangkok na may mapait na tubig. 24 (Kapag napainom na sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa. At kung may kasalanan siya, magiging dahilan ito ng matinding paghihirap niya, kung talagang nagkasala siya.) 25 Pagkatapos, kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog ng paghihinala na inihandog ng asawa niya dahil sa paghihinala nito, at itataas ito ng pari sa aking presensya at dadalhin sa altar. 26 Kukuha ang pari ng isang dakot ng handog na ito upang malaman kung nagkasala nga ang babae o hindi, at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom niya sa babae ang tubig. 27 Kung totoong dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, magpaparusa sa kanya nang matindi ang tubig na kanyang ininom na nagdadala ng sumpa. Hindi na siya magkakaanak at magiging halimbawa sa mga tao ang sumpa ng Dios sa kanya. 28 Pero kung hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, hindi siya masasaktan, at magkakaanak siya.

29 “Ito ang kautusan tungkol sa lalaki na naghihinala sa kanyang asawa. Kung nadungisan ng babae ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagtataksil sa kanyang asawa, 30 o naghihinala ang lalaki sa kanyang asawa na nanlalalaki ito, kailangang patayuin ng pari ang asawa niya sa aking presensya at ipagawa ang kautusang ito sa kanya. 31 Walang pananagutan ang lalaki pero may pananagutan ang babae kung nagkasala siya, at magdurusa siya sa kanyang kasalanan.”

Ang Tuntunin tungkol sa Taong Inihandog para sa Paglilingkod sa Panginoon

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na kung ang isang lalaki o babae ay gagawa ng isang panata na itatalaga niya ang kanyang sarili sa paglilingkod sa akin bilang Nazareo,[h] kailangang hindi siya iinom ng alak na mula sa ubas o ng kahit na anong nakalalasing na inumin. Hindi rin siya gagamit ng suka na galing sa anumang inuming nakalalasing. Hindi rin siya dapat uminom ng katas ng ubas, o kumain ng ubas o pasas. Habang isa siyang Nazareo, kailangang hindi siya kakain ng kahit anong galing sa ubas, kahit na buto o balat nito.

“Hindi rin niya pagugupitan ang kanyang buhok habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon. Kailangang maging banal siya hanggang sa matapos ang panahon ng kanyang panata. Kaya hahayaan lang niyang humaba ang kanyang buhok. At habang hindi pa natatapos ang kanyang panata sa Panginoon, hindi siya dapat lumapit sa patay, kahit na ama pa niya ito, ina o kapatid. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili dahil lang sa kanila. Dahil ang kanyang buhok ay simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon.[i] Kaya sa buong panahon ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay, ibinukod siya para sa Panginoon.

“Kung may biglang namatay sa kanyang tabi, at dahil ditoʼy nadumihan ang kanyang buhok[j] na simbolo ng kanyang pagkakatalaga sa Panginoon, kailangang ahitin niya ito sa ikapitong araw, iyon ang araw ng kanyang paglilinis. 10 Sa ikawalong araw, kailangang magdala siya ng dalawang kalapati o dalawang ibon na batu-bato sa pari roon sa pintuan ng Toldang Tipanan. 11 Ihahandog ng pari ang isa bilang handog sa paglilinis at ang isa bilang handog na sinusunog. Sa pamamagitan nito, mapapatawad siya sa kasalanan niya na paghipo sa patay. Sa mismong araw na iyon, itatalaga niyang muli ang kanyang sarili[k] at muli niyang pahahabain ang kanyang buhok. 12 Ang lumipas na mga araw ng kanyang paglilingkod sa Panginoon ay hindi kabilang sa pagtupad niya sa kanyang panata, dahil nadungisan siya nang nakahipo siya ng patay. Kailangang italaga niyang muli ang kanyang sarili hanggang sa matapos ang kanyang panata, at magdala siya ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan.

13 “Ito ang kanyang dapat gawin kapag natapos na niya ang kanyang panata bilang Nazareo: Kailangang dalhin siya sa pintuan ng Toldang Tipanan. 14 Doon, maghahandog siya sa Panginoon nitong mga sumusunod na hayop na walang kapintasan: isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog, isang babaeng tupa na isang taong gulang din bilang handog sa paglilinis at isang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon. 15 Bukod pa rito, maghahandog din siya ng mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon, mga handog na inumin at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa, na ginawa mula sa magandang klaseng harina. Ang ibang tinapay ay makapal na hinaluan ng langis, at ang iba naman ay manipis na pinahiran ng langis.

16 “Ang pari ang maghahandog nito sa Panginoon: Ihahandog niya ang handog sa paglilinis at ang handog na sinusunog; 17 pagkatapos, ihahandog din niya ang lalaking tupa bilang handog para sa mabuting relasyon kasama ang isang basket na tinapay na walang pampaalsa. At ihahandog din niya ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon at ang mga handog na inumin.

18 “At doon sa pintuan ng Toldang Tipanan aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok na simbolo ng pagtatalaga niya ng kanyang buhay sa Panginoon. Susunugin niya ito sa apoy na pinagsusunugan ng handog na para sa mabuting relasyon. 19 Pagkatapos nito, ilalagay ng pari sa kamay ng Nazareo ang balikat ng nilagang tupa at ang manipis at makapal na mga tinapay na walang pampaalsa na galing sa basket. 20 Pagkatapos, kukunin ito ng pari at itataas sa presensya ng Panginoon bilang handog na itinaas. Banal ang bahaging ito ng handog, at ito ay para na sa pari, pati ang dibdib at paa ng tupa na itinaas din sa Panginoon. Pagkatapos nito, maaari nang makainom ng alak na ubas ang Nazareo.

21 “Ito ang tuntunin para sa isang Nazareo. Pero kung mangangako ang isang Nazareo na maghahandog siya sa Panginoon na sobra sa ipinatutupad sa kanyang panata, dapat niya itong sundin.”

Ang Pagbendisyon ng mga Pari

22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 23 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niyang lalaki na ito ang kanilang sasabihin kapag magbabasbas sila sa mga Israelita:

24 ‘Pagpalain sana kayo ng Panginoon.
25 Ipakita sana ng Panginoon ang kanyang kabutihan at awa sa inyo.
26 At malugod sana ang Panginoon sa inyo at bigyan niya kayo ng mabuting kalagayan.’

27 “Sa pamamagitan nitoʼy maipapahayag nila sa mga Israelita kung sino ako, at pagpapalain ko sila.”

Ang mga Handog para sa Pagtatalaga ng Toldang Tipanan

Pagkatapos maiayos ni Moises ang Tolda, winisikan niya ito ng langis at itinalaga pati ang lahat ng kagamitan nito. Ganito rin ang kanyang ginawa sa altar at sa lahat ng kagamitan nito. Pagkatapos, nagdala ng mga handog sa Panginoon ang mga pinuno ng Israel, na pinuno ng bawat lahi. Sila ang nakatalaga sa pagsesensus. Nagdala sila ng anim na kariton at 12 baka – isang kariton sa bawat dalawang pinuno, at isang baka sa bawat isa sa kanila. Dinala nila ito sa harapan ng Toldang Sambahan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tanggapin mo ang kanilang mga handog upang magamit para sa mga gawain sa Toldang Tipanan. Ibigay ito sa mga Levita ayon sa kanilang gawain.”

Kaya tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka, at ibinigay ito sa mga Levita. Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na baka sa mga angkan ni Gershon para sa kanilang gawain. At ibinigay niya ang apat na kariton at walong baka sa mga angkan ni Merari para rin sa kanilang gawain. Pinamumunuan silang lahat ni Itamar na anak ng paring si Aaron. Pero hindi binigyan ni Moises ng kariton o baka ang mga angkan ni Kohat dahil sila ang itinalaga sa pagdadala ng mga banal na bagay ng Tolda.

10 Nagdala rin ang mga pinuno ng kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar noong itinalaga ito. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangan na sa bawat araw, may isang pinuno na magdadala ng kanyang handog para sa pagtatalaga ng altar.”

12-83 Sa ganitong paraan nila dinala ang kanilang mga handog:

Nang unang araw, si Nashon na anak ni Aminadab, na pinuno ng lahi ni Juda.

Nang ikalawang araw, si Netanel na anak ni Zuar, na pinuno ng lahi ni Isacar.

Nang ikatlong araw, si Eliab na anak ni Helon, na pinuno ng lahi ni Zebulun.

Nang ikaapat na araw, si Elizur na anak ni Sedeur, na pinuno ng lahi ni Reuben.

Nang ikalimang araw, si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno ng lahi ni Simeon.

Nang ikaanim na araw, si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno ng lahi ni Gad.

Nang ikapitong araw, si Elishama na anak ni Amihud, na pinuno ng lahi ni Efraim.

Nang ikawalong araw, si Gamaliel na anak ni Pedazur, na pinuno ng lahi ni Manase.

Nang ikasiyam na araw, si Abidan na anak ni Gideoni, na pinuno ng lahi ni Benjamin.

Nang ikasampung araw, si Ahiezer na anak ni Amishadai, na pinuno ng lahi ni Dan.

Nang ika-11 araw, si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno ng lahi ni Asher.

Nang ika-12 araw, si Ahira na anak ni Enan, na pinuno ng lahi ni Naftali.

Ang bawat isa sa kanila ay nagdala ng mga handog na ito: isang pilak na bandehado na may bigat na isaʼt kalahating kilo, at isang pilak na mangkok na may bigat na 800 gramo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang bawat isa nito ay puno ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis para sa handog sa pagpaparangal sa Panginoon. Nagdala rin ang bawat isa sa kanila ng isang gintong pinggan na may bigat na mga 120 gramo na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa at isang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog na sinusunog; isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis; dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing at limang batang lalaking tupa na isang taong gulang bilang handog para sa mabuting relasyon.

84 Ito ang lahat ng mga handog ng 12 pinuno ng mga Israelita para sa pagtatalaga ng altar: 12 pilak na bandehado, 12 pilak na mangkok, at 12 gintong tasa.

85 Ang bawat bandehadong pilak ay may bigat na isaʼt kalahating kilo, at ang bawat mangkok na pilak ay may bigat na 800 gramo. Ang kabuuang timbang nila ay mga 28 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

86 Ang 12 gintong lalagyan na puno ng insenso ay may bigat na mga 120 gramo bawat isa ayon sa bigat ng ginto sa timbangang ginagamit ng mga pari. Ang kabuuang timbang nila ay mga 1,440 gramo.

87 Ang mga hayop na ibinigay para sa handog na sinusunog: 12 batang toro, 12 lalaking tupa at 12 lalaking tupang isang taong gulang pa lang ang edad, kasama nito ang mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ang handog sa paglilinis: 12 lalaking kambing.

88 Ang mga hayop na handog para sa mabuting relasyon: 24 na toro, 60 lalaking tupa, 60 lalaking kambing at 60 batang lalaking tupa na isang taong gulang pa lang ang edad.

Ito ang lahat ng mga handog nang italaga ang altar.

89 Kapag papasok si Moises sa Toldang Tipanan para makipag-usap sa Panginoon, naririnig niya ang boses na nakikipag-usap sa kanya galing sa gitna ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng takip ng Kahon ng Kasunduan. Doon nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises.

Ang Paglalagay ng mga Ilaw

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na kung ilalagay na niya ang pitong ilaw, kailangan na maliwanagan ng ilaw ang lugar sa harapan ng lalagyan nito.”

Kaya ginawa ito ni Aaron; inilagay niya ang mga ilaw na ang sinag nito ay nagliliwanag sa harapan, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises. Ang buong lalagyan ng ilaw, mula sa ilalim hanggang sa itaas ay ginawa mula sa ginto ayon sa disenyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises.

Ang Pagtatalaga ng mga Levita

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ibukod ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at linisin sila.[l] Ganito ang gagawin mong paglilinis sa kanila: wisikan mo sila ng tubig na ginagamit sa paglilinis, ahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang mga damit. Pagkatapos nito ay ituturing na silang malinis. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng batang toro at ng magandang klaseng harina na hinaluan ng langis bilang handog na pagpaparangal sa Panginoon. Pagdalhin mo rin sila ng isa pang batang toro bilang handog sa paglilinis.

“Pagkatapos, tipunin mo ang buong mamamayan ng Israel at italaga ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan. 10 Dalhin mo ang mga Levita sa aking presensya at ipapatong ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa mga ulo nito. 11 Si Aaron ang magtatalaga sa kanila sa aking presensya bilang espesyal na handog[m] mula sa mga Israelita, para makapaglingkod sila sa akin.

12 “Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang mga kamay nila sa ulo ng dalawang toro na handog para sa akin. Ang isa ay bilang handog sa paglilinis at ang isa naman ay bilang handog na sinusunog, para mapatawad sila sa kanilang mga kasalanan. 13 At patatayuin sila sa harapan ni Aaron at ng mga anak niyang lalaki, at itatalaga sila bilang espesyal na handog sa akin. 14 Sa pamamagitan nito, ibubukod mo ang mga Levita sa ibang mga Israelita, at magiging akin sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®